The Project Gutenberg eBook of Ang Mestisa. Ikalawang Bahagi (Second Volume)
Title: Ang Mestisa. Ikalawang Bahagi (Second Volume)
Author: Engracio L. Valmonte
Release date: October 17, 2004 [eBook #13773]
Most recently updated: October 28, 2024
Language: Tagalog
Credits: Produced by Tamiko I. Camacho and PG Distributed Proofreaders.
Produced from page scans provided by University of Michigan.
marked as ~g.]
[Paalala ng nagsalin: May kilay ang mga salitang "ng, mga," at iba pa
upang ipakita ang dating estilo sa pag-sulat ng Tagalog na sa ngayon
ay hindi na ginagamit.]
ANG MESTISA
Mga iba pang Aklat ni E.L. Valmonte
ILAW NG KATOTOHANAN (Unang bahagi) Aklat na naghahatid n~g liwanag sa isip at umaakay sa kaluluwa sa landas n~g tapat na pagkakilala sa Diwa at Buhay n~g Sangmaliwanag. Kahinahinayang na di mabasa. P0.80 ang bawa't sipi.
Tinatapos sa Limbagan:
NOBELA
ANG MESTISA
(Ikalawang Bahagi)
KATHA NI
ENGRACIO L. VALMONTE
"Kasapi sa Aklatang Bayan"
Unang Pagkapalimbag
Hunio, 1920
IMP. ILAGAN Y CIA. 775 Juan Luna, Tundo,
Maynila Telépono
8836
Handog
Sa karapatdapat na Pan~gulo n~g Aklatang Bayan na si G. Precioso Palma.
Ang Maykatha
Talaan ng Nilalaman
XV. ¿MAPALAD KAYA SI TIRSO?
XVI. "¡KAY GANDA MO, ELSA!"
XVII. ¡ANG BUWISIT NA NEGRO!
XVIII. MGA PUSONG NAGLALAMAY
XIX. PAGIBIG AT DALAMHATI
XX. SI TEANG AT ANG "HIMALA"
XXI. PAGSISISI AT PAGBABAGONG LOOB
XXII. MGA NAGAGAWA NG BALATKAYO
XXIII. LANGIT NA MAALIWALAS
XXIV. ISANG SAKUNA
XXV. KAKAIBANG PAGAASAWA
XXVI. ¿SINO ANG ASAWA NI TIRSO?
XXVII. ¡APOY!...
XV
¿MAPALAD KAYA SI TIRSO?
"Kahi't saang tumatahip na lupa ako maparoo'y hintayin mo ang sulat ko, bago ka lumiham sa akin."
Ang hindi pagkakaroon n~g katuparan n~g ganyang pan~gakong iniwan ni Teang kay Tirso ay di sasalang lumilikha na n~g kabalisahan sa kalooban n~g makatang ito, pagkatapos na magdaang sunodsunod ang ilang araw sa gitna n~g kanyang mainip na paghihintay. Nang gabing marinig niya ang ganyang mahigpit na pan~gako sa bibig n~g kanyang kasi, ay di niya inakalang pakatatagal na n~g gayon n~g hindi siya tatanggap n~g sulat, palibhasa, kung totoong sa Nueba Esiha lamang ang uwi, ay di naman kalayuang gaano ang nasabing lalawigan upang mabilan~gan n~g maraming araw ang lakad n~g koreo hanggang Maynila. N~guni't n~gayong panay na "wala po" ang isinasagot sa kanya n~g tagadalang-sulat kailan pa ma't ito'y kanyang abatan sa pagdating at pagtanun~gan n~g bagay na inaantabayanan, ayawayaw man niyang maghinala ay hindi rin siya makalaban sa sarisaring bintang na naguumukilkil sa kanyang ulo.
Kung minsan ay malarawan sa kanyang panimdim ang di bagong pangyayari na pagkakapariwara n~g matimyas na pagasa n~g isang lalaking paris niya na mapalayo sa kinaroroonan n~g kanyang giliw. Ang dalaga at ang binata, bago magtalikod sa isang pahimakas na paguulayaw, ay nagsusumpaang sinoman sa kanila ay di magmamaliw, mananatili kapwa sa kawagasan at pagtatapat hanggang sa huling tibok n~g puso. Ang lalaki ay maiiwang buongbuo ang pagasa sa pan~gako n~g babae: magtataman sa pagaaral, lilimutin ang pagbubulagsak, magbabawas n~g nilibotlibot at pagaaksaya n~g panahon, sa paguupanding pagdating n~g tipanan, pagkatapos n~g pagaaral ay lalo siyang magiging karapatdapat sa mata't pagmamahal n~g kanyang liyag. Datapwa't ang babae, na kapatid n~g kahinaang loob at hinlog n~g pagkasalawahan, ay madaling nagmamaliw, lumilimot sa pan~gako at kumikita n~g bagong ligaya sa lilim n~g pakikipagsuyuan sa iba. ¡Oh, gaanong pagasa n~g lalaki ang nalibing sa laot n~g kapariwaraan, sanhi sa ganyang pagkakabilanin n~g di iilang babae!...
At, si Teang at si Tirso ay naging isang dalaga ri't isang binatang nagsumpaan na walang maglililo ni magmamaliw bago naghiwalay. Tulad sa karaniwang nangyayari, si Tirso ay naiwan ding walang tan~ging kasama sa tanang sandali kundi ang walang pasubaling pananalig sa kadalisayan n~g budhi at matibay na panghahawak sa kadakilaan n~g pan~gun~gusap ni Teang. Subali't ... ¿nasaan ang katuparan n~g pan~gakong iniwan sa kanya n~g babaeng ito? ¿Bakit walang sulat? ¿Siya kaya,—si Tirso,—ay magiging isa rin diyan sa m~ga lalaking nawalatan n~g dibdib at nalurayan n~g puso sa ulos n~g balaraw na walang pan~gigiming itinatarak n~g babae? ¿At si Teang kaya naman ay isa pa ring babaeng katulad n~g di iilang kabaro niya na humahalakhak lamang sa harap n~g bangkay n~g m~ga pusong kanilang pinaglalaruan?...
—¡Oh! Hindi naman magkakagayon marahil ...—ang nawiwika n~g naninimdim na makata, kung dumarating sa dakong ito ang kanyang pagninilaynilay.
At ang pinakatubig na pangpatay sa siklab n~g masusun~git na hinala, ay ang ganitong kanya ring nawiwika:
—Kaipala'y hindi lamang siya magkapanahon sa higpit n~g pan~gan~galaga n~g kanyang ina.
Kung nababanggit namang ganito ang ina ni Teang, ay kasunod nang agad na magugunita ang ibinalitang pagayaw sa kanya n~g matandang; iyon dahil sa kanyang pagkamason. Ang kanyang pagkamason ay bikig na humahalang sa lalamunan n~g naturang matandang nabubulagan n~g pananampalataya't nahihibuan n~g m~ga tagapan~galaga n~g kadiliman, kaya't kailan man ay hindi n~ga yata makatutuloy na maluwag sa loob ang kanyang malinis na pakay. At dito siya untiunting nahihila n~g pagaakalang marahil ang babaeng pinagsisimpanan niya n~g lahat ay nagbabago na n~ga n~g loob at tumataliwakas sa kanilang salitaan. Subali't ang salitaan naman nila ay di na isang salitaan lamang na maaari pang talimuwan~gin kung ibig: yao'y isa nang sumpang hindi mababawi, isang pagkakabuhol n~g palad na di na muling makakalag. ¡Diyata't ang kapangyarihan n~g magulang ay makapanghihinaig pa't makawawalang halaga sa sinumpaan ni Teang na pakikiisang palad sa kanya?
Dito ay di na maitugon ni Tirso ang hindi ikapangyayari n~g ganyang hinuha. Nalalaman niyang sa salitaang kinasasangkutan n~g isang magulang at isang asawa, ang una ang dapat pahalagaha't kilalanin, kasakdalang itong huli ay maduhagi at mapawakawak. Isang kawikaang kagalanggalang ang nagsasabing "sampu mang asawa ay makikita kung mawala, datapwa't hindi ang isang magulang." Nakilala ni Tirso si Teang na isang anak na may likas na pagkamagalan~gin sa kalooba't pasya n~g magulang saka nagtataglay pa n~g isang pananampalatayang di kuno'y nasusumang sa ganang kanya. ¿Maliwanag pa kayang hinagapin, sa gayong paghihintay na walang napapala kundi pagkabigo, na ang pagkakaibang iyan n~g kanilang pananampalataya, na siyang nasasabing sanhi n~g pagayaw n~g ina, ay siya rin namang maging dahil n~g di pagdating n~g sulat na pinakahihintay?
Singkad na isang linggo ang nagdaang kay Tirso ay walang iniiwan kundi ang m~ga bakas n~g kalumbayang halos ikasaid n~g kanyang paniniwala sa kabanalan n~g kaluluwa n~g babaeng pinaguukulan niya n~g boong pagirog.
Samantala, ang nangyaring pagkakabawi sa kolehio kay Teang, saka ang hindi pagkaganap n~g pan~gako ni Tirsong paglalathala sa pahayagan n~g larawan n~g marilag na babaeng iyan na nagtagumpay sa timpalak ay hindi sa nabanggit na makata lamang nakababahala kundi gayon din sa m~ga manunulat sa pahayagang pinagtagumpayan, saka sa di iilang kaibigang tumangkilik sa natukoy na kandidata.
Sa tanggapan n~g m~ga tagapan~gasiwa n~g karnabal sa Luneta ay nan~gahahanay na n~g boong ayos ang nagpapan~gagaw sa gandang m~ga larawan n~g m~ga kandidatang nan~gagsipagwagi sa timpalak n~g isa't isang pahayagan, bukod-tan~ging hindi mahan~gaan n~g balanang nagsasadya roon ang larawan n~ga ni Teang.
Nang araw na iyon, tanghali n~g ika 31 n~g Disyembre. huling araw n~g nanghihimakas na taong 1915, at samantalang si Tirso'y walang kibong nakapan~galumbaba sa isa sa m~ga bukas na durun~gawan n~g kanyang tahanan, ay natanaw niyang papalapit ang ilang lalaking malayolayo pa'y nagtaastaas na n~g kamay at humuhudyat sa kanya. At kanyang nakilala na ang m~ga dumarating ay ilang kaibigang kawal n~g panulat, ilang kasamahan sa laran~gan n~g Panitikang Tagalog.
—¡Panhik kayo, m~ga kasama!—isinalubong ni Tirso sa nagsisirating.
—¿May aginaldo bang nakahanda?—agad itinanong buhat sa lupa n~g isang singliit ni Paguia.
—Kahi't wala ay mayroon din ...—pan~giting naitugon n~g maybahay na makata.
—¡Huwag kang magbiro't sadyang totohanan itong lakad namin!—anang isa namang singlaki ni Sochong.
At noon di'y sabaysabay ang nagsirating na umakyat sa hagdanan. Matulin namang sinalubong ni Tirso.
At ... ¡sabihin pa! Ang m~ga manunulat, na kung sabihin n~g iba'y m~ga hibang, ulol, sinun~galing, nguni't ang totoo'y "nakapagguguho n~g kahakaharian at nakapagbaban~gon n~g sangbasangbayanan", wika n~ga n~g isang guro, kung magkasamasama't magpalagayan ay talo pa iyang tunay na magkapatid na ipinan~ganak n~g iisang ina. Sa kanila, ay wala niyang pagtutumpik. Bawa't salitang gamiti'y kataga n~g katapatang loob, bigkas n~g kaisang damdamin, pahayag n~g panibulos na pagtitiwala. Kaya't sa paguusap nilang yaon ay pawang n~giti n~g saya at sigla n~g pagbibiro ang naghari sa lahat.
—Silveira,—ang pagkapanhik n~g lahat ay sinabi n~g nakasalaming kamukha ni Tirso,—Bagong Taon bukas, at sukat nang mahulaan mo ang bagay na aming ipinagsadya ngayon dito. ¿Ano ang aginaldo namin?
—¡Bukas pa pala naman ang Bagong Taon, eh, n~gayon pa'y aginaldo na ang inyong itinatanong!—ipinakling natatawa n~g tinukoy.
—Higit sa panghihin~gi n~g aginaldo, ang ipinarito nami'y isang paninin~gil,—isinambot naman n~g isang singtaba ni Kando.
—¡Magbayad ang may utang!—isinusog pa n~g malakas tatawang kaboses ni Sauro.
—¡Sa ako'y walang utang na dapat pagbayaran!—ang tugon n~g makata.
—¿Wala? ¿Nasaan ang larawan n~g ating reyna Dorotea?—ang tanong pang tila nanunumbat n~g mataba.
—¡Ah! ...—ang nasambit na lamang ni Tirso.
—¡Eh! ...—ang tudyo n~g isa.
—¡Ih! ...—ang katlo n~g isa pa.
—¡Oh! ...-ang habol pa rin n~g isa.
—¡Uh! ...—isinusog naman n~g iba.
At ang malakas na tawana'y nagsumikip sa loob n~g bahay.
—¿Nahan ang pan~gako mong larawan?—ang halos panabay pang iniusisa n~g m~ga panauhin paghulaw n~g tawanan.
Biglang nagtago ang m~ga badha n~g n~giting nagsipanun~gaw sa m~ga labi n~g makata. At nakapagpanumbalik n~g lungkot sa diwa niya ang gayong binanggit at ipinagkatawanan pa n~g kanyang m~ga kaharap. ¡Oh, kung natatalos lamang n~g langkay na yaon n~g m~ga palabiro ang bagay na nagpapaulap sa kanyang gunamgunam!
—M~ga kasama,—ang itinugon ni Tirsong walang kan~gitin~giti,—tila sa bagay na iya'y talagang masisira ako, n~guni't ... hindi ako ang maysala.
—¡Magpapakasira, saka maghihinaw!...
—¡Talagang sinun~galing na makata!
—¡Saka maramot!
—¡At manunuba pa!
—¡Palibhasa'y hindi ninyo nalalaman ang nangyayari!—ang tan~ging naipakli ni Tirso.
—¿At talaga bang may "nangyayari" na? ¡Kaya pala!...
—¡Ha-ha-ha-ha!
Wala; anhin mang timban~gin ni Tirso ay hindi makagigitaw at lulunurin lamang sa biro ang anomang paliwanag na ipahiwatig niya sa harap n~g kawang yaon n~g m~ga may kato sa katawan. Mahan~ga'y magsawalang kibo na lamang....
Nasa sandaling iyon n~g pagkatila hinahalong binusa ang m~ga panauhin n~g makata,—na, mayroong bumubuklat sa m~ga dahong sariwa n~g kanyang kalupi, kaluping kinatitipunan n~g sarisaring hiyas at kayamanan n~g tulang tagalog, mayroong naghahamon n~g ahedres, domino at dama, saka mayroon pang nagaagawan sa paghanap n~g larawan ni Teang sa makapal na album na inabutang nasa ibabaw n~g sulatan—nang walang anoano'y nakarinig sila n~g m~ga kaluskus n~g isang sasakyang biglang tumigil sa tapat n~g bahay.
Ang lahat ay dumun~gaw. Datapwa't nakita nilang ang tinurang sasakya'y muling lumalakad at papalayo na, na kinalululanan n~g isang babaeng nagtatago n~g mukha't ayaw manding pakilala.
—¿Sino iyon?—ang naging tanun~gan n~g isa't isa,—¡Ah, marahil siya ang ating reyna Dorotea!
At noon din ay may narinig naman silang kumakatok na tao sa pinto sa lupa.
At nang kanilang dunghali'y natunghan ang isang babaeng anyong alila na may bitbit sa kamay na isang magandang buslo n~g m~ga bulaklak. Ang mukha n~g babaeng iyon ay dating kilala ni Tirso, kaya't oras na makita'y dagli siyang nanaog na sumalubong. Ang m~ga pilyong panauhin naman ay di na nakapaghintay: nagpanakbuhan pang nan~gagsipanaog din, sa paglulunggating agad na matalos ang ibig; sabihin n~g gayong biyayang balot n~g hiwaga.
N~guni't ang babaeng nagabot ay di na nila nakita. At maliksing umalis oras na maisakamay ni Tirso ang isang liham na nasa munting sobre, saka ang buslong yaon n~g bulaklak na pinagkaguluhan n~g m~ga katoto n~g naturang makata.
—¡Makatang mapalad!—ang bulalas n~g lahat, pagkamalas sa gayong handog na kapagkaraka'y sinapantaha nang padala n~g magandang si Teang.
At sa boong kapalagayang loob at malaking pananabik na tila may lakip pang lihim na pananaghili, ay pinakasiyasat ang boong kayarian n~g bagay na yaong likhang di sasala n~g m~ga kahan~gahan~gang kamay n~g isang tunay na alagad n~g arte.
—¡Pagkagandaganda!—ang wika na namang namutawi sa bibig n~g tanan—¡Singganda n~g puso n~g babaeng nagbigay!
At si Tirso, na pinaghaharian n~g ilang lihim na paghahaka, ay di makahuma.
¡Talagang maganda nga't kalugodlugod ang handog na iyon! Isang munting pangnan na yari sa panay na bulaklak, m~ga saglitsaglít na bulaklak n~g m~ga sariwa't nagbaban~guhang bioleta, pitimini, klabel, tsampaka, kampupot, ilangilang, rosas-de-pasion, alehandria, kamuning at kung anoano pang hiyas n~g m~ga halamanan sa Singgalong; na binagayan n~g man~gilann~gilang dahon n~g papwa, malba-rosa, at m~ga baging n~g kadena-de-amor; na walang tan~ging laman kundi isang kalapating singputi n~g gatas, na sa kanyang makinis na tuka'y taglay ang isang munting tarhetang may ginintuang titik.
Ang tarhetang ito'y pinagsambilatan n~g m~ga kaibigan ni Tirso, palibhasa ay hinuhulaang dito nahahabilin ang boong hiwaga n~g handog na yaon.
At sa isang daan n~g mata'y ganito ang nabasa n~g lahat:
Sa karangalan n~g makatang kapatid n~g m~ga salamisim kay Tirso Silveira: alangalang sa kadakilaan ng Bagong Taon. Kalakip ang pusong nagtatangi ni
ELSA BALBOA 12-31-15
Gayon na lamang ang pagkakain~gay n~g di magkamayaw na m~ga kaibigan ni Tirso sa harap n~g handog na yaong nakapananaghili. Mula sa silong hanggang sa bahay, ang panunukso'y siya na lamang inaatupag.
—¡Sadyang kung sa taas n~g kapalara'y wala tayong ikaaabot kay Silveira!—ang wika n~g pandak.
—¡Tatawagin pa ba namang "mapagwaging makata," kung hindi talagang karapatdapat sa ganyang palayaw!—ang agaw naman n~g tila higante sa taas at laki.
—¡Mabuhay ang mapalad! ¡Mabuhay ang mapagwagi!—ang katlo pa n~g nakasalamin.
—"¡Mamatay!" at hindi "¡mabuhay!" ang isisigaw ko, kapag ako'y hindi ipinakilala ni Silveira sa masintahing iyan na si Elsa Balboa, —isinabad pa rin n~g malakas tatawa.—¡Ay Elsa! ... ¡Ay, Balboa!...
-¿Di mo ba nakikilala ang Elsang iyan?—ang halos magkatiyap na tanong sa nagsalita n~g kanyang m~ga kasamahan.—¡Atrasado ka rin pala!—idinugtong pa.
—¿Sino n~ga ba ang babaeng ito?
—¡Walang iba kundi ang mestisang kaluluwa at buhay n~g m~ga sayawan dito't n~g alinmang malalaking piging at pagtatao!
—¡Ah! ¿Ang mestisang nakita kong minsan sa lamayan n~g "Aklatang Bayan"? ¡Balu ku na ketang misterio!
Subali't ang m~ga patilanduya'y hindi humangga sa pagkabatid na si Elsa Balboa ang nagukol n~g magandang handog na iyon kay Tirso Silveira. Lalong nagdulot n~g malaking alin~gasn~gas na hindi matimpi ang pagkatalos na ang pagkamakata ni Tirso ay naglalayag pala sa dalawang bangka, naliligo sa dalawang batis ... Kahapo'y isang Dorotea Iris daw ang ipinakitunggaling kandidata sa isang pahayagan; n~gayo'y isang kaakitakit na mestisa naman ang may kalapati't bulaklak na iniaalay. ¡Katan~gian n~g makatang labis na nakatawag sa pananaghili n~g m~ga lalaking may malilikot ding isip!
At si Tirso, na di naninibago sa gayong kilos at palagay n~g taga kamanunulat niya, ay gumamit noon n~g lubos na paglilihim. At sa tulong n~g kanyang maayos na pakikiagpang sa m~ga kaharap, ay nagawa niyang ibaling sa iba't ibang bagay ang kanilang salitaan, hanggang sa nang lisanin siya n~g m~ga pilyong yaong kung sa kilos lamang hahatula'y mawiwikang hindi makagagawa n~g anoman, ay di na napagukulan n~g kahi't isang kataga, ang sinoman kay Teang at sa mestisang kay Elsa.
Pagkapanaog n~g m~ga panauhi'y saka lamang inilabas na binasa ni Tirso ang kalatas na ibinigay na lihim sa kanya n~g alila n~g kaibigang mestisa. At ganito ang natunghayan:
TIRSO:
Ibig mo bang makatanggap ng ilang balitang mahalaga ukol sa iyong kasaysayan? Kung gayon, ay hinihintay kitang magpapaunlak na makisalo sa akin mamayang gabi,—yamang gabi rin lamang ito ng mga pagpupuyat,—at sa pagsasalo nati'y saka ko ibabalita sa iyo ang ilang bagay na totoong kanaisnais na iyong matalastas hangga't may panahon.
Pagkakai'y magpapasyal pa tayo sa Escolta, at manonood sandali ng sayawan sa Plaza Moraga, bago pagkatapos ay dadalo tayo sa Pandakan sa isang di karaniwang piging na ipinagaanyaya ng isang tagaroong matalik na kaibigan ng aking kapatid.
Kapag hindi ka dumating, ay ituring mong nabigo na naman ang isa sa mga ninanasa nitong "kapatid" mong walang itinatangi sa ubod ng kanyang puso kundi isa....
Naghihintay,
ELSA.
Habol—Tanggapin mo sa maydala nito ang isang "maralitang handog" ...—AKO RIN.
Isang kibit lamang n~g balikat ang ginawa ni Tirso pagkatalos sa laman n~g sulat, saka pan~giting nasabi ang ganitong m~ga kataga:
—¿May katuwiran na n~ga kaya akong magturing sa sarili na mapalad na, dahil sa ganitong buhay na tinatawid ko?...
XVI
"¡KAY GANDA MO, ELSA!"
Kung may hilig sa pagsusuri sa taglay na kahulugan n~g bawa't bagay na nangyayari ang makasusubaybay sa lakad n~g katan~gitan~ging buhay ni Elsa, ay sukat nang mapaghalata ang isang katotohanan na bawa't gawi, kilos at pan~gu~gusap n~g matalinong mestisa ay dili ang hindi nasasalig sa alinman sa m~ga sadya niyang layon at lihim na han~garin. Kaya, kung isasagunita ang pangyayaring ikinatuwa niya n~g gayon na lamang ang balitang galing sa "malaking kababalaghang ipinaghimala n~g martir na si pari Casio sa bahay ni donya Basilia", ay kaagad matatanggap na isa m~ga talagang dapat niyang gawin ang kanyang ginawang pagaanyaya kay Tirso na siyang makaabay niya sa pagdalo sa Pandakan upang makipaglamay sa isang malaking piging at isang magdamagang sayawang ipasasalubong sa manigong pasok n~g pumipintong Bagong Taon.
Minarapat n~ga n~g mestisa na ang makatang sa palagay niya'y nagbabagong loob sa kanya ay siya niyang makasama sa pagsasadya sa Pandakan, upang sa gayon ay magkaroon siya n~g pagkakataon na mailipat sa kabatiran n~g tinukoy na makata ang balitang kanyang natanggap tungkol sa nangyari sa San Lazaro.
At, binubuko pa lamang sa isip ang ganitong balak ay malunodlunod na ang puso sa di masayod na kagalakan. Para na niyang natatanaw, kahi't malayolayo pa, ang mabuting magiging wakas n~g kanyang m~ga gagawin.
—Inaasahan kong hindi ipagwawalang bahala ni Tirso ang aking sulat,—ang naibulong sa sarili sa gitna n~g kanyang pagmumuni.—Kapag nabigo pa naman ako sa pagkakataong ito'y talaga na lamang na sa kasawian ako nauukol....
Nalalaman niya na sa gabing yaon na kanyang ipinagaanyaya ang isang pagsasalo, ang kapatid niya't hipag ay hindi daratnan ni Tirso sa bahay, sapagka't ayon sa gayakang pinagkasunduan, hapon pa n~g araw na iyo'y magpapauna na sa Pandakan ang magasawa upang dalhin ang ilang bagay na iaalay sa maypiging. Kung si Elsa ay maiiwan, ay sapagka't gayon ang kanyang pinakikunang hilin~gin sa kapatid at hipag, at di umano'y ayaw siyang tantanang hindi isabay sa pagparoon n~g ilang binibining masdaraan sa kanyang bahay sa gabing iyon. At ang gayo'y kanyang binalangkas, upang madulutan n~ga n~g kasiyahan ang m~ga mithi n~g kanyang kaluluwang lihi at isinilang sa biyaya n~g kaligayaha't tamis n~g buhay.
Hangga't hindi niya nakukuhang masarili ang paghahari sa puso't kalooban n~g makatang kinahihiban~gang labis n~g kanyang boong pagkababae, at hangga't nagugunita niyang may isang "mulalang taga lalawigan", na kinabubulagan n~g m~ga panin~gi't "tila" nagkakapan~galan sa pitak n~g dibdib n~g nabanggit na makata, sa pakiramdam n~g mestisa ay palusong na yata sa libin~gan ang tun~go n~g kanyang kabuhayang di pa gaanong nagnanawnaw n~g ligaya sa pakikihalubilo sa daigdigang ito. At yamang nalalaman niyang gayon, ay kautan~gan na naman niya ang gumawa n~g tanang marapat gawin, upang maiwasan ang bumabalang kapariwaraan.
"...At ang tao ay nalikha na may isip na kasama" ang narinig niya sa isang tula ni Tirso. At ang isip na iya'y nakay Elsa: kinakailan~gang gamitin niya sa lahat n~g bagay at sa lahat n~g pagkakataon. Nararamdaman niyang ang kanyang puso ay tinitibukan n~g walang kasingdubdob na pagibig sa makatang si Tirso; nahahabilin naman sa isip niya ang paglikha n~g tanang kaparaanang kailan~gan upang masunduan ang ikapagtatagumpay n~g pagibig na iyan. Ang tunay na katamisang idinudulot n~g pagibig ay di maaaring sayurin n~g kahi't sino, samantalang ang puso ay ipinasisikil sa makipot na galawang gawa n~g pagpapakunwari, n~g pagbabalobalo at n~g kung sabihi'y pakikibagay sa lakad n~g kaugalian. Ang hinhin, yumi, kahihiyaan ... ¿ano ang m~ga katagang ito kundi m~ga patibong lamang na nililikha n~g Kapisanan upang mapagkasanhian n~g pagkaduhagi n~g m~ga kaloobang madaling malamuyot at n~g m~ga damdaming walang tatag sa pakikilaban sa habagat n~g buhay? Ang tunay na tamis n~g buhay ay wala sa parating pagpapakunwari, sa pagimpit na palagi sa m~ga dalisay na itinitibok n~g damdamin. Namamali iyang m~ga nagpapalagay na kabanalan n~g isang babae ang tuwina'y kikimikimi, hindi makapagpahayag n~g kanyang isinasaloob, ilas na parati sa bahagyang silay n~g mata n~g kapwa ... Ang nararapat ikakimi, ang nababagay ikahiya, ay wala kundi ang anomang baga'y at gawang nan~gan~gahulugan n~g pagkakasala. N~guni't ¿pagkakasala baga ang pagsunod sa malalayang pitlag n~g pusong dumaramdam n~g paggiliw? Ang pagkakasala, ay ang pagsuway sa iniaatas n~g pusong iyan.
—¡Nararapat nang mawakasan ang m~ga paghihirap kong ito!—ang nanggigitil na nawika, matapos paglimilimiin ang ganyang hakahakang sarilingsarili n~g kanyang pagkamestisa.
At, nang sumapit ang gabing idarating ni Tirso sa kanyang bahay, si Elsa ay kinahalataan kaagad n~g m~ga alila n~g isang kabalisahang hindi mailin~gid.
Sa loob n~g bahay ay lumabas-masok siyang kung minsa'y sasayawsayaw at kung minsan nama'y huhunihuni n~g alinman sa m~ga kundimang kanyang nakakagiliwan. Mayamaya'y siyang lalapitan ang bukas na pianong parang nagyayaya, at sandaling titipa ang maliliksing daliring tila m~ga kandila, samantalang ang m~ga mata'y ipapakong walang kurap halos sa papel n~g tugtuging lahad ang m~ga dahon. Ang inaagpan~gan niya n~g gayong pagtugtog ay isang fox trot[A] na naglalarawan n~g sarili niyang haka.
Kapagkuwa'y siya namang haharapin ang malaki't malinaw na salamin, at dito'y waring ipagtatanong kung ano pa kayang ayos ang marapat niyang gawin sa kanyang maganda nang pusód, kung ilan pang daan n~g espongha ang marapat niyang gamitin upang mawalan n~g balantan ang pulbos n~g kanyang mukha; at kung alin pa kayang kasuutan ang sukat niyang ipalamuti sa kanyang baling-kinitang pan~gan~gatawan upang maging kahalihalinang lalo ang kanyang anyo na ipasasalubong sa makatang kinahuhumalin~gan n~g kanyang pagibig.
Nahagisan n~g tin~gin ni Elsa ang isang alilang babae na patagong sumisilip sa pinto n~g kusina na wari'y nan~gin~gimbulo sa kanyang pagbikas, at kanyang tinanong:
—¿Maganda na ba ako?
—Wala na pong maipipintas ang lalong pihikang makamamasid,—ang may lakip na n~giting itinugon n~g alila.
—¿Kung ikaw ba'y lalaki ay mahahalina ka na sa akin?
—¡Patay na lamang po ang hindi tablan n~g pagkahalina!
At ikinasiya n~g mestisa ang m~ga patunay na narinig sa alilang yaong babae ring paris niya.
Subali't gayon man, upang huwag yatang maging an~gap ang kanyang m~ga kilos, at nang mawalan na n~g sukat makasaksi sa kanyang pagbibigay panahon sa pagpapakaliklik sa pan~gan~garap n~g gising sa laot n~g m~ga hiwaga n~g pusong inaalihan n~g bulag at walang habas na pagsinta, ang ginawa'y inutusan ang dalawang alilang tan~ging kasama noon sa bahay, na bumili n~g kahi't anong bun~gang kahoy na maaaring magulasina, gaya n~g siko, mansanas o anoman.
—Kung dito po sa malapit sa ati'y walang mabibili niyan,—ipinasubaling tugon n~g m~ga inuutusan.
—Kahi't doon sa palengke'y sumaglit na kayo; at magtagaltagal ma'y makapaghihintay na ako.
At nawala noon din sa harap ni Elsa ang kanyang mababait na alagad.
Nang mapanaog ang m~ga alila ay wala na siyang sukat pan~gilagan sa loob n~g bahay.
Binuksan ni Elsa ang isang lagpas taong aparador na sikip na sikip sa kanyang mahahalagang kasuutan. Kumuha n~g isang sayang sutla; isinunod ang isang may burdang baro; saka ang panyong nauukol na pangalampay. Inilaglag sa sahig ang nasa katawan. At iyon ang inihalili. Lumakad. Lumin~gon sa likod. Lumin~gay. Kumendeng ... At nagparaandaan sa harap n~g isang malaking salamin, at binikasang maigi ang kanyang anyo. Bawa't lupi n~g panyo'y iniayos na mabuti; bawa't lukot n~g baro ay main~gat na pinantay: at ang mahabang buntot n~g saya ay boong husay na binitbit n~g kamay na kaliwa.
Datapwa't ... ¡ayaw niya niyon! Hindi iyon ang dapat niyang ipasalubong kay Tirso. Kung kapagkaraka'y gayak na siya, mawiwika nitong talagang sinadya niya ang gayong pagbibihis.
Naglabas na naman n~g iba: ang isa sa kanyang pinakamagagarang pangbahay ang napiling kunin. At gaya n~g una, ay isaisang inilaglag ang kasuutang nasa katawan. N~guni't hindi rin tumama sa kanyang loob ang damit na huling pinili, kaya't di na naman ipinagpatuloy ang pagsusuot.
¿Alin n~ga kaya ang kanyang marapat gamítin?
Narinig niyang tinugtog n~g isang orasang nakasabit sa dingding ang ikapito n~g gabi; at napadun~gaw siyang saglit sa bintana, gawa n~g pagkainip, wari sa paghihintay sa kanyang tinipanang makata.
—Wala pa,—ang nasabi,—marahil ay mahahatinggabihan n~g dating ni Tirso, yamang ang m~ga tao'y nalalaang magpuyat n~gayon dahil sa pagsalubong sa bumubun~gad na Bagong Taon.
At pagalis sa durun~gawan ay napataas ang kanyang tin~gin sa mukha n~g salaming kaharap. At kanyang nakitang sa boong hugis n~g katawan niya ay walang nalalabing tagapagkubli n~g kahihiyaan liban sa isang manipis at maputing damit pangloob na mula sa dibdib na nakaluwa ay nagtatapos ang luwang sa may kalamnan n~g binting yari mandin sa lalikan. Subali, dahil sa kanyang pagiisa, hindi inalumana ang kanyang pagaanyo, at nagyao't dito pa sa bulwagang binibigkas ang ganito:
Katiyap n~g panghuling alin~gawn~gaw n~g tulang itong bininigkas sa sarili ay naulinigan n~g mestisa ang ilang sunodsunod na yabag n~g m~ga paang mandi'y pumapanhik sa hagdan. Siya noo'y nabubun~gad sa pintong paharap sa hagdanan, at sa isang pihit n~g tin~gi'y hindi mangyayaring di niya mapagsino ang pumapanhik na iyon. At nakilala n~ga: ang makatang hinihintay na darating.
—¡Ah!...
—¡Oh!...
Sa pagsasagupa n~g kanilang m~ga mata, dalaw at dadalawi'y kapwa napatdahan n~g dila't tila nan~gapatulos sa kanikanyang kinatatayuan....
Inibig ni Elsa na tumakbong magtago o magtun~go sa may sisidlan n~g damit, datapwa't ang kanyang m~ga paa'y hindi naian~gat sa pagkakayapak sa ibabaw n~g tabla.
Si Tirso nama'y nagtangkang manaog na walang paalam upang makaiwas sa gayong napakatuksong pagkakataon. Subali't walang anoano'y tinanggap n~g kanyang m~ga tayn~ga ang ganitong malambing na tawag n~g birheng iyon na wari'y naghihimala sa harap niya:
—¡Magtuloy ka, Tirso!
At ang lalaki'y napalin~gon sa kabila. At ang babae, sa gayong pagkakimi, ay madaling nakahalata. Kaya't sa nakakikiliting kilos ay itinanong n~g boong lamyos:
—¿May hinihintay ka bang kasama?
At si Tirso, sa narinig, ay parang dumamdam n~g hiya. Muling inilantad ang mukha sa harap n~g himalang iyon n~g karilagan, n~guni't noon di'y waring nan~gasilaw ang kanyang m~ga mata. Kaya't ang m~ga ito ay mabanayad na kinublihan n~g isang palad, bagay na siya namang ikinatanong ni Elsa n~g isang paaglahing turing:
—¿At ikaw ba ay napuwing?
At ang makata ay wala nang nagawa kundi sumuko at pabihag na buongbuo sa diwatang iyong naghahatid sa puso niya n~g di mailarawang m~ga tibukin.
Sinaksihan n~g m~ga namamalikmatang balintataw ni Tirso ang banaybanay na pagan~gat at pagdipa n~g dalawang bisig ni Elsa, na, nang m~ga unang sandali'y nagmistulang lawin na dadagit n~g sisiw, datapwa't kaginsaginsa ay nagsalan~gaylan~gayang mandi'y lumalan~goy sa gitna n~g alapaap.
—Nagiisa ka yata ...—pautal halos na namitiw sa m~ga labi n~g lalaki, pagkalipas n~g saglit na walang imikan.
—¿At kung nagiisa man?—isinambot n~g mestisang sinundan n~g isang hakbang na papalapit sa kausap.—¿Nahahalayan ka bang makiharap sa akin n~g sarilihan'?—idinugtong pang punongpuno n~g lambing.
—Hindi naman, Elsa ...—tan~ging naitugong lipos n~g pagkakimi n~g makatang pinaghaharian n~g kabaklahan.
Mabilis na gaya n~g isang nakasisilaw na kidlat, ay kagyat na nagdaan sa papawirin n~g alaala ni Tirso ang larawang mistula n~g kanyang kabiyak n~g dibdib na hindi niya matulusan kung saan naroroon.
—¡Teang! ...—ang naibulong na lamang sa sarili.
Datapwa, ang paglalatang n~g budhi n~g mestisa ay patuloy na walang untoluntol, sumusulak na tubig na nahahandang mamayani sa kanyang maaaring lakumin.
—Halika sa loob, Tirso, kung hindi ka talagang nahahalayang makiharap sa akin sa ganitong ayos,—anya.—Masok ka, at may m~ga kalugodlugod na balita akong iuulat sa iyo.
Pagkarinig sa gayong binigkas n~g dalaga, isang pagkahalinang hindi mapaglabanan ang kaagad naramdaman n~g makata sa kaibuturan n~g kanyang sumisikdong puso. Kaya't pigil halos ang paghin~gang sumunod sa nais n~g magandang si Elsa.
Dalawang mesedorang magkaagapay na anaki'y tinatanuran n~g isang nakapatun~gong salamin ang napili nilang pagtigisahan. At pagkahilig sa tinurang likmuan ay si Elsa ang unang nagbukas n~g pananalita.
—¡Pinapagtataka mo akong lubha sa m~ga kilos na iyong ipinamamalas sa akin!—ang wika.—Natatalastas kong ikaw ay makata, isang lalaking anak sa tulaan at marahil ay magpapakatapos sa m~ga tulain. Datapwa, sa di iilang pangyayari'y napagkilala kong ikaw ay isa pa pala riyan sa m~ga kawal n~g pagpapakunwari ... Gayon man, ay pakikibagayan din kita....
—¡Elsa!
—¿Na ikinahihiya mo ang ganito kong ayos na iyong nataunan sa iyong pagdating? Magdadamit ako, kung gayon.
Pagkawika nito, ang mestisa ay maliksing tumindig; tinun~go ang magarang aparador at nuha n~g isang marin~gal na kasuutan, yaong kakulay n~g apoy na nakadadarang at nakapapaso hanggang sa puso ... Pagkapagbihis ay muling pumiling sa kinahihiligan n~g lalaki. ¡Oh, gaanong pagkasilaw ang nangyari noon sa m~ga balintataw n~g makata!
—¿Di ba tayo pasasa Pandakan?—ang mayamaya'y naitanong ni Tirso, nang mamasdan niyang si Elsa'y parang naghihintay sa kanya n~g anomang sasabihin.
—Oo n~ga,—isinagot n~g mestisa,—n~guni't mamayang maghahatinggabi, pagkatapos na tayo ay makapagpasyal sa Escolta at makapanood sandali n~g sayawan sa Plaza Moraga.
—Kung gayon, ay tayo na.
—Bago tayo lumakad ay ibig ko munang man~gako ka: ¿hindi mo na kaya ako lilisaning walang paalam na gaya n~g iyong ginawa noong tayo'y nakaautong magtun~go sa Luneta?
Hindi naikubli ni Tirso ang isang n~giting may lihim na kahulugan, bago nakapakli.
—Ibig kong ibalita sa iyo, Elsa,—anya,—na sa m~ga sandaling ito marahil ay pinasisimulan na ang taunang sayawan n~g "Club Filipino", at gaya n~g pagkaalam mo, ako ay kaanib sa klub na iyan. Gayon ma'y wala ako sa sayawang iyon at n~gayo'y nasa piling mo, alangalang sa isa mong hiling na samahan kita sa Pandakan. Sa pangyayaring ito, ay dapat nang mahulaan mo na kahi't abutin tayo roon n~g umaga, ay nalalaan akong hindi magsasawa ni lalayo sa iyong piling.
—¿Diyata? ¿At sino ang kapareha mo?
—¡Sino pa! Walang iba kundi ang aking mabait at butihing kaibigang nagpahatid sa akin kanina n~g isang mahalagang aginaldo, ang pinakatatan~ging mestisa na kausap ko n~gayon....
—¡Mestisa! ... ¡ang mestisang lagi mong inihahatid sa alan~ganing kalagayan!...
—¿Inihahatid sa alan~ganing kalagayan?
—Sukat na, Tirso. May sayawan n~ga pala kayo sa "Club Filipino", ang sabihin mo sa aki'y kung ano't hindi ka na naganyaya....
—Alalahanin mong may sulat ka sa akin tungkol sa sayawan sa Pandakan; anyayahan kita sa klub ay sasabihin mo na lamang na talagang binibigo ko ang iyong m~ga lakad.
—Tirso, tila bumabait ka na n~gayon....
—Mangyari'y nagaaral sa m~ga turo mo....
Sa lihim na pitak n~g dibdib ni Elsa ay dumalaw noon ang ilang tilamsik n~g liwayway na waring naghatid sa kanyang kaluluwa n~g m~ga unang balita n~g isang kapalarang di maglalao't mapapakanya. Nang sandaling iyon ay naitanong ni Elsa sa kanyang sarili kung tunay nang ang kilos na yaong namamasdan sa makata ay nagtataglay n~g ibang damdamin, ibangiba, yaong di papalayong gaya n~g una, kundi papalapit na't magbibigay kasiyahan sa kanyang m~ga lihim na pan~garap. Tiningnan niya si Tirso n~g isang tin~ging parang nan~gun~gusap. At ang bilang naging tugon n~g makata:
—¡Kay ganda mo, Elsa!
Kaikailan man sa boong pagkikilala nila ay di magunita n~g mestisa na siya ay nakarinig na n~g gayong hayagang pagpuri n~g makatang si Tirso, kundi nang gabing iyon. ¿Magdudulot na n~ga kaya n~g masaganang ani ang m~ga pananim ni Elsang inaalagaan sa pitak n~g kanyang dibdib?...
—Maalaala ko pala,—ang mayamaya'y narinig kay Tirso,—¿di ba't wika mo sa iyong sulat na ako'y babalitaan mo n~g ilang bagay na mahalaga ukol sa aking kasaysayan, kaya mo ninasang n~gayo'y maparito ako?
—Oo n~ga,—ang amin n~g dalaga,—n~guni't nagaalaala akong baka hindi mo na naman paniwalaan....
—¿At bakit hindi? Huwag lamang bang hindi ikaw ang magbabalita eh....
—¡Nanuya ka na naman!
—Sabihin mo na n~ga, Elsa.
—Mabuti'y panggagaling na natin sa Pandakan.
—¡Ayoko!
—¡Anhin ko kung ayaw ka! ¡Di mo matatamo ang mahalagang balitang may kinaalaman sa babaeng kinauululan mo!
At dagling nakaramdam si Tirso n~g malaking pananabik.
—¿May kinaalaman kay Teang?—itinanong na agaran.
—Hindi ako nagbibiro,—ang matatag na sambot n~g mestisa.
—¿Ay bakit ayaw mo pang sabihin n~gayon?
—Sinasabi ko sa iyong mamaya na.
—Kung gayo'y tayna sa Pandakan.
—Subali't ... ayoko na yatang sa Pandakan tayo magtun~go.
—¿Ibig mo sa aming klub? Mabuti, kung magkagayon. N~guni't lalong mabuti kung madaluhan natin kapwa ang dalawang sayawan sa gabing ito.
—¿Sa klub at saka sa Pandakan pa?
—Una muna sa "Club Filipino", saka kapag maghahatinggabi na'y tumawid tayo sa Pandakan.
Ikinatuwa n~g mestisa ang mungkahi n~g makata. At noon di'y inilabas na ang kanyang mahahalagang hiyas, isinakatawan ang m~ga ito, at pagkatapos ay isinuot ang kanyang bagong sapatos na kakulay n~g ginto.
Dumating ang m~ga alila na taglay ang m~ga ipinabili ni Elsa.
—Hinuhulaan ko na n~ga bang paririto n~gayon si mang Silveira,—ang manawanawang ibinulong n~g isa sa m~ga alila sa kanyang kasama, pagkaabot kay Elsa n~g kanilang m~ga binili.
—Kapag naghintay ay talagang may darating ...—itinugon namang lihim n~g pinagsabihan.
At hindi naglipat sandali't nasarili na naman n~g makata at n~g mestisa ang loob n~g kabahayan.
—Naito ang mansanas,—ang magiliw na alok ni Elsa sa kanyang panauhin.
—Nagpabili ka pa pala niyan,—ang nawika ni Tirso pagkamalas sa ipinagaanyaya n~g mestisa.
—Nagpabili ako nito, Tirso, at nais kong sa pamamagitan nito ay mahulaan ko ang iyong m~ga niloloob....
—¿Sa paanong paraan?
—Kung mamasarapin mo ang m~ga frutas na ito, ay ituturing kong mamasarapin mo rin ang pakikipareha sa akin ngayon; datapwa't kung mapuna kong hindi mo ito ikinasisiya, ay ipalalagay ko namang magpaunlak ka ma'y napipilitan lamang....
—¡Mabuting panghuhula! At sa panghuhula mong iya'y walang pagsalang matutunayan mong boong kaluluwa't boong pagkataong ikagagalak ko ang pagdalo nating magkapareha sa sayawan n~gayon, sapagka't kakanin ko n~g boong pananabik ang ... iyong mansanas.
Natawa si Elsa. At natawa rin si Tirso.
Makasandali ay saka nagsalita ang mestisa.
—Natatandaan mo marahil na sa sulat ko'y nasasabing magsasalo tayo sa gabing ito,—anya, samantalang tinatapos sa bibig ang huling kagat n~g isang mansanas na kanyang tinalupan.—Ang pagsasalong iya'y matutuloy; hindi n~ga lamang dito kundi sa isa sa m~ga hotel o restaurant sa Maynila, sapagka't hindi na napigil ang pagpapauna sa Pandakan kanina pa n~g m~ga kapatid ko.
—Tayna, kung gayon,—tan~ging naipulas sa bibig ni Tirso.—May kalesang naghihintay sa atin sa daan.
—¿Mayroon ba?
—Óo.
At pagkapagiwan n~g ilang tagubilin sa m~ga alila, ang mestisa't ang makata ay magkasunod nang nanaog at nawala noon din sa dilim n~g gabi....