VI.
HIRÁP ANG MAHIRAP.
Ang bagay na itó'y mapaglalabanan
kung ang mangagawa'y mang̃agtútulung̃án,
ng̃uni't hindi gayó't bagkús ang iring̃a'y
siyang naghahari sa mg̃a upahán.
Madalás, na, silá ang nang̃aguudyók
ng̃ upáng ang ibá'y magtamóng pag-ayop;
silá, sa kasama, ang nang̃aglúlubóg
sa nasang maagaw ang sa ibáng sahod.
Ang pusong masakím (ng̃ sahól sa kaya)
ay walang dalahin kungdi ang mamansá
ng̃ madlang pagdusta sa galáw ng̃ ibá
yamang di mangyaring mapantayán niya.
Si Inggit, si Lihim, si Dimapagtapát
ay siyang sambahing laging náuunlák,
samantala namáng sa luha'y násadlák
si Damay, si Tulong, si Ampó't si Ling̃ap.
Walang bigong kilos na hindi kaaway
niyong mangagawa ang kapwa upahán,
na mapagmapurí't dila ang tangulang
ipinangtutulong sa namumuhunan.
Sa madaling sabi: di lamang ang lupít
ng̃ lilong salapi ang nakaiinís,
kung hindi sampu pa ng̃ ugaling ganid
ng̃ kaisang uring taksíl sa kapatíd.
Kaya't matatawag na silá ang uway
na laging panggapos sa mg̃a kawayan;
silá ang kapatíd, silá ang kakulay
at siláng silá rin ang nakamamatáy.
Mahalagá't tunay iyong sáwikaíng:
"hiráp ang mahirap sa anomang gawín;
hiráp sa harapán ng̃ umaalipin
at hiráp sa asal ng̃ kasamang taksíl".
Ang bagay na itó'y siyang nangyayari
sa pinapasuka't gawaan kong dati,
kaya't náisip kong makapagsarilí
ó masok sa ibáng hindi mapang-apí.
Sapagka't sa aking mg̃a kasamahán
ay wala ang budhing marunong dumamay,
silá silá na rin ang nag-iinisan
gayóng ang marapat ay ang magtulung̃án.
Sa gayóng pahayag, si Ata'y sumagót
ng̃ payong maraha't salitang malambót,
na anyá'y:—Anák ko, huwag panibulos
sa bigláng sigabó ng̃ bata mong loob.
Kahit anóng gandá sa bigla mong ting̃í'y
huwag na mabulag ang iyong damdamin,
hindi pawang ginto ang nang̃agniningníng,
maná pa'y marami ang magíng kalaín.
«Maging anóng buti ng̃ hindi kilala'y
mahirap timbang̃án kay sa kilala na»
iyong pag-usiging huwag kang mapara
sa isáng nangyari. Ikaw'y manaing̃a:
VII.
ISANG ALAMAT NI ATA.
«Sa isáng lupaíng lubhang maligaya
na tapát ng̃ lang̃it na laging masayá'y
may Mutyang sumibol na tang̃i sa gandá
at nakawiwili sa tuming̃íng matá.
Kaya't ang sino mang sa kanyá'y lumapit
ay nabibighaning sumuyo't umibig
at walang matigás, ni bakal na dibdib,
na hindi naakay ng̃ tagláy na dikít.
Siya'y mapayapa at walang ligamgám,
puso'y náhihimbíng at laging tiwasáy,
walang ninanasa kungdi ang mabuhay
na lubhang malaya, sa katahimikan.
Maná isáng araw, na di iniisip,
siya'y linapitan ng̃ Dulóng na ganid,
na tagláy ang nasa at tangkang magahís
ang yaman at gandá ng̃ Mutyang marikít.
Datapwa't ang budhing hindi nang̃ang̃alay
mag-iwi sa isáng boong kalayaan
ay hindi umayon, at sa kalakasan
ng̃ Dulóng ay lakás ang ipinatanáw.
Ang mahinhíng asal ay bigláng pinawi,
sa ng̃ipin ay ng̃ipin ang itinungalí,
hanggáng sa mangyaring ang palalong budhi
ng̃ manggagahasa'y nagbago ng̃ uri.
Agad ikinanlóng ang ng̃iping matalas
at ng̃iting magiliw ang ipinamalas,
dinaan sa himok ang hindi pumayag
sa gahasang iwa't pakikipaglamas.
Giliw, suyo, luhog at madlang paraya
ang ipinatanáw sa mahinhíng Mutya
at itó namán ay agad namayapa,
nanalig na lubós, nagboong tiwala.
Tinangáp ang haing mg̃a panunuyo
at hindi nápuna ang handang panghibo,
agád nápalulong ang mahinhíng puso
at di inakalang yaó'y isáng silo.
Ipinaubaya sa madayang giliw
ang lamáng malinis ng̃ boong panimdím;
sinunód na lahát ang bawa't máhilíng
niyong may tagláy na kataksilang lihim.
Sa gayó'y nagdaan ang isáng panahón
na lubhang panatag at walang lingatong,
hanggáng sa nákitang ang hayop na Dulóng
ay nagdating asál; nanila na tulóy.
Dito na nangyari ang kasakitsakit,
na ang dating laya ay siyang tumang̃is
at iyong nang̃ako ng̃ boong pag-ibig
ay siyang halimaw na nagpakaganid.
Daya, lupig, dahás ang namaibabaw
na siyang nápalít sa panuyong asal,
walang bigong-kilos na hindi paghalay,
kutya at pahirap na karumaldumal.
Hanggáng sa nagbang̃on ang magandáng Mutya
at nagpang̃arap na ng̃ ikalalaya,
iniwan ang laging pagwawalangdiwa
at ang puting kamáy, sa dugo'y pinigta.
Ng̃unit nagkátaóng noó'y nagkagalít
ang masibang Dulóng at yaóng Limatik
at ang ating Mutya'y sa hulí humilig
dahil sa pag-asang hindi manglulupig.
Nakitulong siya, sa Limatik, noon,
dahil sa pang̃ako nitóng pag-aampón,
dapwa'y nang magahís ang palalong Dulóng
ay lalo pang sákit ang kanyáng kinandong.
Sa madlang pag-asa'y pawang pag-hihirap
ang siyang nápalit: nagipít, nasalát,
ang impók na yama'y nasipsíp na lahát
niyong magdarayáng may taksíl na hang̃ád.
Hanggáng dito yaóng buhay na malungkót
ng̃ Mutyang magandáng di naghunos loob;
humanap ng̃ ibá at ang nákadulóg
ay lalo pang ganid, lalo pang balakyót.»
VIII.
¡¡PANG̃ARAP!!
Masabi ang gayón ng̃ nagsasalaysay,
naghintong sandali,
at saka nagwikang lubhang malumanay:
—Huwag ding mangyaring iyong máparahan
ang buhay ng̃ Mutya na aking tinuran.
—Hindi po marahil;—sagót ng̃ binatá—
pagka't hahanapin
ang ikatatagpo ng̃ mg̃a kapuwa
na hindi marunong mag-asal kuhila
at sa kasamahá'y magpapang̃anyaya.
Aking aakiting alisín ang asal
niláng mapagbukód,
at upang sa gayón ay aming makamtáng
mg̃a mangagawa iyong katubusang
sa dating ugali'y hindi mahihintáy.
At hahanapin din ang mámumuhunán
na sa taong dukha
ay hindi marunong umapí't humalay;
aking hahanapin na mabigyáng dang̃ál
ang puhunang pawis ng̃ puhunang yaman.
Dahil sa di dapat na pamalagiin
ang ugaling itó
na walang halagá sa salaping sakím
ang pagod na gugol ng̃ matitiising
pusong manggagawa na inaalipin.
Salapi't Paggawa'y dapat na magtimbáng sa
tamuhíng tubo ...
—¿At ikáw, anák ko,—ang tanóng ni Atang—
ang magpupumilit sa dakilang bagay
ang hindi nagawa ng̃ lalong maalam?....
—Aking pipiliti't kung hindi mákamit—
anang bagongtao—
ay di magsisisi, sa gugol na pawis;
ang panúnuntuná'y ang bugtóng na sulit
na: "akó'y tumupád sa ng̃alang maghasík".
Ng̃uní't kung mabatíd ng̃ kahanapbuhay
ang sadyang halagá
ng̃ mg̃a katulong ng̃ isang puhuna'y
di na mangyayari itóng kalagayan
naming mg̃a dukhang wari'y kasangkapan;
Na kukunin lamang kapag gagamitin
at kung masira na'y
itatapontapo't titisúdtisurin,
kaya'y babayaan na iwan at datnín
ng̃ madlang sakuna't akbáy na hilahil.
At ang mg̃a pagod, isip, pawis, puyat
na pawang ginugol
sa ikalalago ng̃ puhunang pilak
ay di magkaroon ng̃ timbáng na bayad
liban sa pag-apí at mg̃a pahirap.
Aking hahanapin ang ikahahang̃o
ng̃ bayang masipag,
niyang manggagawang lagi nang siphayo
ng̃ mg̃a may yaman, upáng mapalago
ang ugaling banál ng̃ di mapaglugso.
—Magandáng adhika!—ang putol ni Teta—
—Datapwa't pang̃arap!—
ang saglít ni Atang walang paniwala—
iyá'y mangyayari kung dito'y mawala
ang pag-aagawán, inggita't pagpula.
Matapos ang gayóng mg̃a salitaan
ang ating matanda'y
lumapit sa dating baníg na hihigan,
dalá palibhasa niyong kahinaan,
sa gawang maupo'y hindi makatagál.
IX.
DALAWANG PUSO.
Binata't dalaga'y kapuwa naiwan
na magkaagapay sa kináuupán;
kapuwa tahimik, kapuwa alang̃án
at kapuwa mandín nagkakahiyaan,
gayóng magkalapit sa isáng luklukan.
Marahil, sa budhi'y kapuwa may tago
na ibig sabihin, ng̃uni't di mátagpo
kung saan simulán ang usapang wasto
na ikatutung̃o at ikabubunggo.
sa ibig ihayag ng̃ kaniláng puso.
Ang isá at isá'y diwa nag-aantáy
sa pagpapáuná niyong kaagapay;
ang isá at isá'y ibig na magsaysay,
datapwa'y pagsapit ng̃ nasang máturan
sa kaniláng labi'y ng̃ing̃iti na lamang.
Hangáng sa nangyaring ang ng̃iting palihím
ng̃ ating binata'y kay Tetang nápansín ...
—Ng̃uming̃iti ka pa—ang wikang mahinhín
na may magkahalong hinampó at giliw
at diwang ang sintá'y ibig pang sisihin.
—¿Bawal ba ang ng̃iti?
—Oo, aking bawal
sa masamang tao.
—Kay dali ba namán
ng̃ aking pagsama!! Kakahapon lamang
ay mabuti akó ... at ng̃ayóng málaman
na minámahál mo'y ... saka pa humalay?
—¿Bakit ka naglihim?
—Pagka't di ko batíd
kung may maáantay ang aking pag-ibig,
at hindi ko nasang abutin ang sákit
na pagkamitín mo ng̃ tugóng mapaít
na mayroon ka nang katipán sa dibdíb.
—Kung nagtapát ka ba'y di sana natanto
kung anó ang lamán nitóng aking puso ...
—¿At kung ang tamuhín ay ang pagkataho
na walang pag-asa ang aking pagsuyo ...
¿hindi lalo ko pang ikasisiphayo?
Hindi mo lang alám ang lakí ng̃ sintá't
ang iniaalay sa isáng kalulwá ...
—¿Hindi ko alám? Bah!...
—Ng̃uni't di kagaya
ng̃ dináramdám ko, niyong di ko taya
na títimbang̃án mo ang giliw kong dalá.
Ang dibdíb ko niyó'y wari isáng dagat
na laging maalo't lubhang mabagabag,
nang̃ang̃amba akóng sa iyo'y naagtapát
at ang tinátamó'y libolibong hirap
kung hindi mangyari ang pagpapahayag.
Sa tuwituwi nang akó'y paparito
ay handang handa nang magtapát sa iyo,
datapwa'y pagsapit, at mákausap mo,
ay walang wala na ang madlang simpán ko't
walang nalalabí kung di pagkalitó.
Kung nasa haráp mo ay piping mistula
ang nákakabagay ng̃ labi ko't diwa,
ng̃uní't kung wala ka'y sa lahát kong gawa'y
ang iyong larawan ang kasalamuha,
kasanggusangguni at laging gunita.
Kung gabíng malalim at di mákatulog,
magbabang̃on akó't maglílibotlibót ...
ang akala mo ba kitá'y nalilimot?...
sa bawa't suling̃ang lang̃it, daán, sulok,
ang iyong larawan ang nápapanood.
Kung máhimbing namán, sa sandalíng idlíp,
agád agád kitáng mápapanaginip
sa wari'y kausap: kung minsán ay galít
at kung minsán namá'y iyong iniibig ...
at ang boong suyo'y aking kinákamit.
Pag ang una'y siyang sa aki'y sumagi,
kung akó'y magisíng ... ¡kay laking pighati!
ng̃uni't kung ang hulí'y lalong dalamhati
pagka't mákikitang sa isáng sandali....
ang aking ligaya ay biglang napawi.
Kaya't kung nangyaring di ko námalayan
ang tamís ng̃ iyong bukong pagmamahál,
dinalá sana hanggáng sa libing̃an
ang lihim na sintáng aking tinatagláy....
—Kay sama mong tao!
—Inulit na namán!...
—Huwag kang magtangól! Kung iyong dinalá
hang̃ang sa libing̃an ang lihim mong sintá,
¿di pinagtagláy mo ng̃ dálita't dusa
itóng sumusuyó't abang kaluluwa
na, kahit di tanto'y, umiirog palá?...
Ikáw ay lalaki't iyong nababatíd
ang maraming anyo ng̃ isáng pag-ibig,
ng̃uni't ang gaya kong pusong matahimik
¿anó ang malay kong ang lamán ng̃ dibdíb
ay isáng paggiliw na abót sa lang̃it?
¿Anó ang malay kong iyong agam-agam
sa maminsanminsáng hindi mo pagdalaw
ay kakulay palá niyong pagmamahál,
at ang pagnanasang mákita ko ikáw
ay isáng pagsintá't pag-irog na tunay?...
Kung takíp-silim na't di ka dumádatíng
ang matá ko'y litó at pasulingsuling;
itinátanóng ko sa sariling akin
kung nasa saan ka, datapwa'y malalim
na buntónghining̃a ang madalás kamtín.
Kung nápupuná kong ikáw ay may sákit
dahil sa mukha mong may larawang hapis,
diwa, ay nasa kong sa iyo'y iibís
ang gayóng pighati, na lason sa dibdíb,
dang̃a't di mahilíng na iyong isulit.
Akó'y kasama mo sa iyong pang̃arap
ó kung nágigisíng akó ang kaharáp,
akó namáng itó, sa lahát ng̃ oras,
ay walang adhika kung di ang matatap
kung may sayá ka ó kaya'y may hirap.
Sa gabíng pagtulog ay nágugulantáng
pagka't, sa wari ko, kitá'y kaagapay;
kung may ginágawa, ay gayón din namán,
sa bawa't lagitlít akala ko'y ikáw
ang siyang lalapit sa aking likurán.
Ibig kong mangyaring ang lahát mong lihim
ay aking matanto, tuguná't damdamín;
ng̃uni't kung sumagi sa aking panimdím
na baka sakaling ikáw ay may giliw ...
akó'y nagdurusa't puso'y nalalagím.
Ang lubhang madalás, kung akó'y magdasál
at sa Poong Dios ay nanánawagan,
aking nápupunáng hindi dumadatál
ang dalang̃ing handóg sa ating Maykapál
pagka't ikáw'y siyang dinádalang̃inan.
Ang lahát ng̃ iyon ay hindi ko batíd
na larawan palá ng̃ isáng pag-ibig,
kung di ka sumulat at ipinagsulit
sa akin, ni iná, ang lamán ng̃ dibdíb....
¿di akó'y nátirá sa gawang magtipíd?
¿Di sa pagtang̃is ko sa iyong paglayo
ay di mababatíd na iyó'y pagsuyo?
¿di nangyari sanang ang aba kong puso
ay pinagdusa mo't ipinasiphayo
gayóng walang sala namáng natatanto?
—Patawad Tetay ko! Akin ng̃a ang sala
kaya't inaantáy ang iyong parusa....
—Kay buti-buti mo; ¡parusahan kitá!
¿di pinasakitan ang akin ding sintá,
sákit mo't sákit ko'y hindi ba iisá—
Ang lang̃it ma'y hindi magandáng pang̃arap
at yaó'y sadlakan ng̃ lahát ng̃ lunas
ay hindi titimbáng sa tinamóng galák
ng̃ puso ni Pedro, dahil sa pahayag
ng̃ kaniyang sintáng pinakaliliyag.
X.
ANG LIHIM NI ATA.
Malaonlaón pa bago nahanganán
ang gayóng kasaráp na pag-uusapan,
hangáng sa natapos ang tahi ni Tetay
at siya'y nagbihis
nang upang madalá sa paghahatirán
at kanyáng masing̃íl
ang ipamimili ng̃ ikabubuhay.
Kanyáng pinagyaman ang gawang tahii't
kay Pedro'y hining̃i ang siya'y hintaín
upang may magbantáy sa ináng náhimbíng
sa pagkakatulog;
at nang may luming̃ap at sukat tuming̃ín
(samantalang wala)
sa kanyáng may sakít, sakaling mágisáng.
Si Pedro'y naiwa't (Si Tetay sumaglít,
na, sa isáng kamáy, ang baluta'y kipkíp)
ng̃uni't di naglao't si Ata'y nagtindíg
sa kinahihigán,
pagka't hindi tulóg, gaya ng̃ sinambít
ng̃ anák na giliw,
at inantáy lamang na itó'y umalís.
Binata't dalaga'y kapuwa naiwan
na magkaagapay sa kinauupan;
kapuwa tahimik, kapuwa alang̃án
at kapuwa mandin nagkakahiyaan,
gayóng magkalapít sa isáng luklukan.—(Pág. 35)
Kaniyang tinikís na silá'y lisanin
upáng mákausap ang binata natin,
dahil sa mula pa nang kanyáng malining
ang pagsisintahan
ng̃ dalawáng pusong pinakagigiliw
ay ibig na niyang
ihayág ang isáng mahalagáng lihim.
Nagbalík sa dating kaniyang luklukan
at ang bagongtao'y pinakiusapang
duming̃íg sandali sa madlang tuturan
na ukol sa lihim
niyong maralita't dukhang kabuhayan
niláng mag-iiná;
bagay na di taho ng̃ taong sino man.
—«Ang bálong si Ata, ang ulilang Teta,
ang babaing hapo, ang magandáng bata,
dalawáng mag-ináng mananahi kapwa;
itó lang ang laging
tang̃ing kasagutang kakamtín sa bala
mong mapagtanung̃áng
kapit-bahay namin.—ang kay Atang wika.—
Datapwa't sino ma'y di nakababatíd
kung saan nangaling nang dito'y sumapit,
at kung anóng bagay ang siyang pumilít
na dito'y tumahán,
at kung anóng buhay na kasakitsakit
ang aming dinaán
kung kaya nangyaring sa dusa'y nagtiís.
Ikáw na kapwa ri't ulilang hinabág
ng̃ palalong yamang sukál sa mahirap,
ikáw na malapit mákaisáng palad
ni Teta kong sintá'y
dapat makabatíd kung saan nagbuhat
ang ginigiliw mo;
kung siya ay anó't kung kanino anák:
Akó'y isáng bukong kinandóng ng̃ sang̃á
sa gitna ng̃ madlang ulayaw at sintá;
walang agam-agam, ang puso'y masayá,
walang munting kilos
na hindi kaulóng ang madlang ligaya,
ang madlang pagling̃ap
ng̃ amáng masuyo't mg̃a kakilala.
Datapwa'y sumapit sa giliw kong bayan
ang isáng binatang anák ng̃ mayaman
at doo'y tumirá upang magparaan
ng̃ iláng panahón
sa gawang mang̃aso't mg̃a paglilibáng,
dalá palibhasa
na di kailang̃an ang maghanap buhay.
Siya ay bihasá't ugaling Maynila,
makiyas ang tindíg, mabikas magwika,
walang isáng bangít ng̃ pananalita
na malulusután
nang isáng tukuyi't handugán ng̃ nasa
sa ng̃alang pagsintáng
animo'y larawan ng̃ boong adhika.
¿Anó ang dadatnín ng̃ bata kong puso
sa gayóng katamís na mg̃a pagsamo?...
akó'y nápalulong sa gawang sumuyo
at sa bisig niya'y
linagók ang tamís ng̃ madlang pang̃ako
na di maglililo....
at di babayaang akó'y masiphayo.
Hangáng sa sumapit ang isáng panahóng
ang punlang pagsintá namí'y nagkausbóng
at akó'y iniwang sakbibi at kalong
ng̃ mg̃a pang̃ambá:
lipós agam agam, kipkíp ng̃ lingatong,
balót kahihiyán
sa madlang kilalá't sa amáng may ampón.
Nápalaot akó sa maraming hirap,
sa bawa't sandali puso'y alapaap,
wari sa sarili'y batíd na ng̃ lahát
ang kalagayan ko,
at ang aking lihim ay bantóg at kalát
sa boong bayanáng
handa sa pagkutya't diladilang libák.
Ang pakikisama't pakikipanayám
sa kasuyosuyong mg̃a kaibigan
ay napawing lahát, aking iniwasan
sampung makiulóng
sa mg̃a kaanak at madlang pininsan,
dahil sa takot ko,
na baka matanto yaóng kalagayan.
Sa gayón ng̃ gayón, araw ay dumatíng
na di na magawang itago ang lihim,
at sa pagkatakot sa amá kong giliw,
akó ay nagtanan;
dinalá ang munting hiyas at dámitin
upang mahanap ko
ang pinagsanglaán ng̃ puri't panimdím.
Aking pinagsadya nang upáng isamo
na kanyáng ling̃apin ang sariling dugo,
ang bung̃ang malusog ng̃ aming pagsuyo,
ng̃uni't ... ¡ay ng̃ palad!
nang mátagpuán ko ang giliw ng̃ puso
ay walang tinamó
kung di ang pagdusta't madlang pagsiphayo:
Akó'y itinabóy sa kanyáng tahanan
at pinagkamít pa ng̃ wikang mahalay.
na, umanó'y, iyong bung̃ang tinátagláy,
ay hindi kaniya,
at akó'y babaing walang karang̃alan,
pagka't sa bala na
ay nakilaguyo't nakipagsintahan.
Kahit isáng mundó ang biglang bumagsák
ay di nakatulíg, sa akin, ang lagpák
nang kagaya niyong salitang masakláp
sa karang̃alan ko;
akó'y bumulagta't ang diwa'y tumakas;
ng̃uni't nang magbalík
yaong pagkatao'y wala na ang sukáb.
Tinulung̃an akó sa gawang magtindíg
ng̃ isáng utusáng may tagláy na tubig,
at saka nang akó ... ¡sa laki ng̃ hapis!
ay namimighati,
sinabi sa aking dapat nang umalís
at doon ay walang
magpapahalagá sa pinag-uusig.
At sabáy sa gayóng wikang walang tuós,
pitong lilimahing pawang gintóng pulós
ang ibiníbigay at iniáabót
sa akin ... Bathala!...
yaón ang halagáng sa akin ay limós
niyong walang budhing
nag-abóy sa palad na kalunoslunos.
Matá ko'y nagdilím; hindi napaghaka
na ang kaharáp ko ay isáng alila,
aking sinungabán ang salaping handa't
saka inihagis
sa harapan niyóng taong alibugha,
na sabáy ang sabing:
akó'y di babaing walang puri't hiya.
Magmula na noon, akó ay naghanap.
upang ipaglaban ang buhay na salát;
akó ay nanahi hangáng sa nang̃anák
at ang sintáng bunso,
na ng̃ayó'y tangulan sa madla kong hirap,
ay nagíng tao na
at siya'y nagtanáw ng̃ unang liwanag.
Kaya't iyang bukong iyong linalang̃it
ay anák ng̃ isáng mayamang malupít
at itóng kaharáp ay isáng nagkamít
ng̃ ng̃alang buhaghág,
pagka't di nagawang ang puri'y iligpít
at naipaglaban
sa gahasang udyók ng̃ isáng pag-ibig.
Ng̃ayóng talós mo na ang lihim ng̃ buhay
nitóng pinara mong tunay na magulang
at ng̃ayóng talós din ang pinanggaling̃an
ni Teta mong sintá,
ikáw ang magsabi, kung ang pagmamahál
na tinátagláy mo'y
marapat ó hindi magbago ng̃ kulay.»
Sa gayóng tinuran, si Pedro'y nagwika,
na tutóp ang dibdíb—Dang̃a't magagawa
na pagibayuhin ang sintáng alaga,
dapat pong alamíng,
dinagdagán sana, pagka't naunawa
ang inyóng tiniís
sa laláng ng̃ isáng lalaking kuhila.
¿Sino ang may sala: ang pusong naghandóg
ng̃ isáng matapát at boong pag-irog
ó ang nagkuhila, dumaya't umayop
sa nagkatiwala?
Kung sa ganáng akin, ang dapat mahulog
sa lusak ng̃ kutya'y
ang sa kanyáng dugo'y natutong lumimot.
—Salamat, anák ko,—ang putol ni Atang—
at di ka kagaya ng̃ ibang isipan;
magíng awa, kahit, ang iyong tinuran
ay nagpapahayag
na sa iyong piling ay di sisilayan
ang giliw kong bunso
ng̃ isáng pagdusta sa pinanggaling̃an.
XI.
ANG YAMAN AT ANG PURI.
Isang bagong Creso kung sa kayamanan
at isang Atila sa kaugalian,
isang Carlo-Magno sa nauutusan
at Cingong alipin sa pinápasukan.
Walang karang̃alang di nasa kaniya,
ang lahát ay daíg, sa mg̃a pamansá,
walang liniling̃ap na katwirang ibá
liban sa katwiran ng̃ kanyáng bituka.
Wikang kababayan, ay isang salita
na ang kahulugán, sa kanyá, ay bula;
¿kalahi, ay anó? ¿anó kung madusta
may salapi lamang na sukat mápala?
Sa loob ng̃ bahay na pinápasukang
gawaang tabako'y walang pakundang̃an
sa mg̃a mahirap na nang̃ag-aaráw
na kung pagmurahín ay gayón na lamang.
Ng̃uni't kung sa haráp ng̃ namumuhunan
ay piping mistula at mababang asal,
sumagót pa'y waring binibining banál
na hindi marunong magtaás ng̃ tanáw.
Itó ang ginoong sa dukha ay hari
datapwa'y alipin niyóng may salapi,
at siya rin namán ang taong mayari
ng̃ mg̃a gawaing kay Teta'y patahi.
Siya'y, nagpagawa sa ating dalaga
ng̃uni't hindi dahil kailang̃an niya,
kung hindi sapagka't ang tagláy na gandá
niyong binibini'y kanyáng pinipita.
Yao'y isáng silo, laláng at pakana
upang maihayag ang tagláy na nasa,
ang nasang mahalay na palaging gawa
sa mg̃a dalagang kanyáng manggagawa.
Kaya't nang mákitang si Teta'y dumating
na dalá sa kamáy ang mg̃a tahiin
ay agad iniwan ang mg̃a kapiling
na mg̃a upaháng sa kanyá'y nádaíng.
At biglang tinapos ang kaniláng usap
sa wikang gahasa na lubhang matigás:
—Kung hindi sang-ayon—aniya—sa awás
sa upa, ay dapat na kayó'y lumayas.
At ang kakulang̃án ninyóng inuusig
ay di mangyayaring bayaran pa, kahit
magsakdál. Sulong na, at baka mag init
pa ang aking ulo, kayó'y máhagupít.
Masabi ang gayón, ay agád iniwan
ang mg̃a kapulong na kanyáng upahán,
at saka tinung̃o ang kinalalagyán
ng̃ ating dalagang di lubhang nag-antáy.
Datapwa'y hindi man nakuhang minasíd
ang pagkakayari ng̃ pagawang damít,
agád inialók ang kanyáng pag-ibig
na wari ay batang matakaw at sabík.
Sa wikang malambót ay inisáisá
ang maraming yamang ihahandóg niya
—Tangapín mo lamang inéng yaríng sintá'y
di na kailang̃an ang maghanap ka pa,
—Mahál na ginoo—anáng binibini—
nagkámali ka po sa hain mong kasi,
akó'y maralita't walang yamang iwi,
ng̃uni't di marunong magbilí ng̃ puri.
Ang pag-ibig ko po'y di siyang dahilán
kung kaya nárito sa iyong harapán,
akó'y náparito ng̃ upang mákamtán,
ang sapát na upa sa gawa kong tagláy.
Ipagpatawad po kung di ko matanggáp
ang inihahain na iyong pagliyag,
may kapantáy ka po, ikáw ay humanap,
at huwag habagín ang gaya kong hamak.
—Oo't mangyayari ang iyong tinuran
na akó'y humanap ng̃ aking kapantáy
kung hindi ng̃a sana, ang nálalarawan,
dini sa puso ko'y larawan mo Tetay.
Iyong pag-isipin: ikáw ay magandá,
sa iyo'y di bagay ang maghirap ka pa;
ng̃uni't kung tanggapín ang aking pagsintá
ay masusunód mo ang lahát ng̃ pita.
Ikáw magíng akin, at bukas na bukas,
may bahay kang bató't sarisaring hiyas,
may sasakyán ka pa't hindi maglalakád,
at salaping labis sa gugol mong lahát.
Máding̃íg ang gayón ng̃ ating dalaga'y
nagtindíg sa upo, ang mukha'y namulá,
at biglang naparam sa noong magandá
iyong kaamuang laging dinádalá.
—Di ko akalain—ang wikang matigás—
na ikáw'y mámali sa iyong pangmalas;
akala mo yata'y sapagka't mahirap
ay nárarapa na sa ningníng ng̃ pilak?
Akó'y marálita, at kung di gamitin
ang munti kong lakás ay hindi kakain,
datapwa'y libo mang hirap ang danasin,
ang handóg mong sintá'y hindi maaamin.
Di ko kailang̃an ang magandáng hiyas,
ni ang titiraháng bahay na mataás ...
ang buntón ng̃ yama'y pisanin mang lahát ...
walang kabuluhán sa aking pagling̃ap.
¿Ang kataasan ba nitóng batóng bahay
ay tataas kaya sa pulang kakamtán?
¿at ang mg̃a ningníng ng̃ hiyas at yama'y
makatakíp kaya sa puring hahapay?
Kung ang karang̃ala'y hindi mo kilalá't
ang pilak, sa iyo, siyang mahalagá;
unawain mo pong sa aking pangtaya'y
sa salapi't hiyas ang puri ay una.
Sapagka't ang tao, kahit na mayaman,
kapag walang puri'y walang kabuluhán,
¿aanhín ang hiyas, ang pilak, ang bahay
kung akó'y yagít na't yúyurakyurakan?
Mahang̃a'y ganitóng dukha't nasasalát,
may kapuwa tao, kahit mg̃a hamak,
at hindi pasasang baluti ng̃ hiyas
at wala ng̃ linis ang dang̃ál na hawak.
—Mataas mag-wika—
—Talagáng mataas
kapag dinudusta ang isang mahirap
na may pagmamahál sa puring ining̃at;
nariyan ang tahi, antáy ko ang bayad.
—¿Ang bayad? kung ikáw sa aki'y iibig
hindi lamang tumbás ang ipakakamít,
datapwa kung hindi, ay ipagkakaít
ang sampu ng̃ upa sa mg̃a náhatíd.
Máding̃íg ang gayón ng̃ ating dalaga
ay halos nanglumó, ang puso, sa dusa,
sapagka't sumagi sa kanyáng alala
na hindi kakain ang salantang iná.
Kaya't namalisbís sa matá ang luha,
at sumabudhi na ang magmakaawa,
ng̃uni,t ang kausap na ma'y maling nasa
ay hindi duming̃ig sa anó mang wika.
Subali't nag-ulól sa pakikiusap
na siya'y ling̃apin sa haing pagliyag,
at sinamahan pa ang balang marahás
ng̃ kapang̃ahasang gahasai't sukat.
Dapwa'y nang dulugín, sa kinátayuán,
ang ating dalagang nag-íisá lamang,
itó'y ay lumayo't ang lilong mayaman
ay pinapagkamít ng̃ mariíng tampál.
—Iyan ang marapat sa isáng kuhila
na di gumagalang sa bawa't mahina
upang matuto kang huwag gumahasa
sa hindi pumayag sa buhóng mong nasa.
Nang masabi iyon ay biglang iniwan
ang nahilóhilóng taksíl na mayaman,
saka nang sumapit sa pinto ng̃ daan
ay muling lining̃ón ang pinangaling̃an.
—Walang budhi—anyá—Taong walang damdám!
Ikaw, kung tawagi'y: mayaman! marang̃al!
ng̃uni't walang kayang gipití't tambang̃án
kung hindi ang dukhang walang kakayahán.
Iwan natin siya sa kanyáng pag-uwi
na ang nagíng bao'y isáng dalamhati,
at ang unawain ay ang mg̃a sawi
na anák paggawa na namimighati.