WeRead Powered by ReaderPub
Ang mga Anak Dalita cover

Ang mga Anak Dalita

Chapter 7: ÍNDICE
Open in WeRead

About This Book

The narrative centers on Teta, a devoted daughter who tends ailing kin amid relentless poverty, depicting daily hunger, household labor, and small mercies. Relationships with figures such as Pedro and Ata introduce secrets, romantic longing, and personal ambitions that complicate family duties. Episodes examine the dignity and hardship of workers, contrasts between material wealth and moral honor, and the persistence of hope and dreams despite scarcity. Through scenes of sacrifice, social observation, and ethical dilemmas, the story moves toward forgiveness, separation, and a resolution that lays bare the emotional costs of deprivation and the resilience sustained by loyalty and love.

The Project Gutenberg eBook of Ang mga Anak Dalita

This ebook is for the use of anyone anywhere in the United States and most other parts of the world at no cost and with almost no restrictions whatsoever. You may copy it, give it away or re-use it under the terms of the Project Gutenberg License included with this ebook or online at www.gutenberg.org. If you are not located in the United States, you will have to check the laws of the country where you are located before using this eBook.

Title: Ang mga Anak Dalita

Author: Patricio Mariano

Release date: July 22, 2006 [eBook #18888]

Language: Tagalog

Credits: Produced by Tamiko I. Camacho, Pilar Somoza, and the Online
Distributed Proofreading Team at http://www.pgdp.net Handog
ng Proyektong Gutenberg ng Pilipinas para sa pagpapahalaga
ng panitikang Pilipino. (http://www.gutenberg.ph)

*** START OF THE PROJECT GUTENBERG EBOOK ANG MGA ANAK DALITA ***


ANG MG̃A

ANÁK DÁLITA

(NOBELANG TAGALOG)

SINULAT NI

Patricio Mariano

UNANG PAGKALIMBAG

MAYNILA: 1911
Limbagan at Aklatan ni I.R. Morales
Liwasang Miranda, 11-13, Kiyapo.

ÍNDICE

  Pág.
I. Si Teta 7
II. Ang mag-iná 11
III. ¡Gumigiliw! 16
IV. Si Pedro 21
V. Paghabág ng̃ puhunan 24
VI. Walang katubusan 27
VII. Isáng alamát ni Ata 29
VIII. ¡Pangarap! 32
IX. Dalawáng puso 35
X. Ang lihim ni Ata 40
XI. Ang yaman at ang puri 47
XII. Ang mg̃a manggagawa 53
XIII. Sa haráp at sa likód 56
XIV. Ang puso ng̃ dukha 60
XI. Patawad 65
XVI. ¡Paalam! 68
XVII. Katapusan 71

Sa mañga binibining manggagawa.

Sa inyóng may mura at mahinang bisig
na maghapong araw, sa sipag, ay gamit,
sa inyó ko handóg yaríng aking awit,
bilang paghang̃a ko sa pagmamasákit
na inyóng itanggól, sa tulong ng̃ pawis,
ang sariling búhay at tagláy na linis.

Pat. MARIANO.


Sa bábasa.

Kaibigan ka man ó di kapanalig,
kasuyo ó hindi, kaaway ó kabig,
di ko hiníhing̃ing huwag mong isulit,
sa akin, ang pula na ibig ikapit.
Di ko mawiwikang ipagpaumanhín
ang mali ó lisya na iyong mápansín,
sabihin mong lahát ang ibig bangitín;
may kalayaan ka, di ko sinisiíl.
Di akó gagaya sa ibáng katulad
na hihing̃ing awa ó ipahahayag
na kutád ang isip at bubót ang hagap;
kapós palá'y ¿bakit nang̃ahás sumulat?
Kaya ng̃a't antáy ko ang iyong pasiya
yamang ikáw'y siyang susuri't lalasa;
ng̃uni't ang hilíng ko'y pintás pantás sana
ang iyong gamitin sa mg̃a mábasa.
Di ikasásama nitóng kalooban,
pintasán man itó, ng̃uni't tama lamang;
ang dáramdamín ko'y ikáw ang wikaang:
mangmáng palá'y ibig magdunóng-dunung̃an.
Kaya ng̃a't bago ka magsabi ng̃ hatol
ay magnilay muna, gamitin ang dunong
(kung matalino ka) at saká ipatong
ang wíwikain mong di na mahahabol.
Dapwa't, kung sakali, namáng, ang mangyari'y
dúdulutan akó ng̃ iyóng papuri,......
¡Maraming salamat! (maraming marami)
ng̃uni't nilayin din na lubhang mabuti.
Pagka't ang tawa man, kapág nábulalás
ay hindi na tawa kung hindi halakhák;
labis na puri'y, karaniwang banság,
kung minsan ay tuya't kung minsan ay libák.

ANG KUMATHA.


Ang mañga anák dálita.

I.

SI TETA.

Sa isáng tahanang lubhang marálita
na áalang̃án pa sa pang̃alang dampa'y
may isáng babaing yayát at matandá
na wari'y may sakít, kaya't nakahiga.
Sa kaniyang siping, na abót ng̃ kamáy,
ay may isáng mangkók na lugaw ang lamán
at sa dakong paa'y mayroong uupán
na wari'y gawa pa ng̃ amáng si Adán.
Ang tang̃ing kasama ng̃ sangkáp na itó
ay isáng tampipi't isáng baul mundo,
isáng panahian, kaputol na kayo
at ilang balumbón ng̃ sutlang naguló.
Ang lahát ng̃ iyo'y siyáng kayamanan
niyóng maralita't babaing may damdám
kung di mápupuná ang isáng larawan
ng̃ himalang gandá na nasa batalán.
Isáng binibining ang tindíg at anyo,
ay nakaáakay sa gawang sumuyo
at ang kanyáng titig na lubhang maamo
ay makabibihag sa alín mang puso.
Yaóng mg̃a pisng̃í, na nagnakaw mandín
ng̃ kulay sa rosa't sa magandáng jazmin,
ay natítimbang̃án ng̃ matáng maitím
na wari'y hahalay sa mg̃a bituín.
Ang isáng makapál at mahabang buhók
na nábabalumbón sa malakíng pusód
ay inalong dagat ang nákakaayos
dahilán sa inam ng̃ pagkakakulót.
Itó ang himalang hindi nábibilang
sa mg̃a nákita na hiyas sa bahay,
kahit masasabing sa kahalagahan
ay siya ang lalong palamuting mahál.
Lalo't kung mabatíd na siya ang anák
ng̃ babaing iyong sa sakít ay lagmák,
at siya ang isáng tang̃ing naghahanap
at nagmamasakit sa buhay na salát.
Siya ang paroon, siya ang parito,
gawa niya yaón, gawá niya itó,
sa maghapong araw, ang mahinang butó,
ay di natitigil ng̃ kahit gaano.
At sa dinádaláng sadyáng kaliksiha'y
kasangkáp na tagláy iyóng kabaitan,
kaya't kahit sinong magíng kapanayám,
ay nang̃awiwili na siya'y pakingán.
Sa unang sandaling ating pagkákita
ay damít ang pigil at siya'y naglabá
at nang makatapos, tinignán ang iná
kung sa pagkáhiga ay nakabang̃on na.
Ng̃uni't nang inabot ang ináng may sakít
ay di kumikilos sa hihigáng baníg,
kaya't tinulung̃an, sa gawang pagtindíg,
upang ang pagkain ay huwag lumamíg.
Kanyáng iniupo ang ináng may damdám,
at saká kinuha ang laang linugaw;
—Kumain ka iná—ang wikang tinuran—
ng̃ upáng lumakás ang iyong katawán.
—Ay giliw kong bunso—ang sa ináng turing—
kung tayo'y mayaman, di mo sasapitin
ang hirap na itóng wari'y sapínsapín
na nagpapasasang sa ati'y umiríng.
Kundi bagá gayó'y akóng isáng iná
na dapat tumulong ay nakadagdág pa
sa mg̃a gáwaing iyong dinádalá,
sa paghahagiláp niyong kakanin ta?
Ang tao ng̃a palá, sa mundóng ibabaw,
ay dapat mag-impók ng̃ ukol sa buhay,
pagka't kung humina'y walang pagkukunan ...
"ang hindi nagbaló'y walang tatang̃aran".
At pag sumapit na sa panahóng salát
ay walang suling̃ang dapat maapuhap
at ang nálalabíng kaya niyong palad
ay ang maghinagpís, tumang̃is, umiyak.
Gaya na ng̃a nitóng sa ati'y sumapit,
salát na salát na, akó pa'y may sakít,
at ang kahinaan niyang iyong bisig
na murang mura pa'y siyang kinakatig.
Ikáw, sa maghapo'y walang hintong gawa
at di dumadaíng kahit ka na pata
¿sinong pusong iná ang di maáawa
sa isáng gaya mong labis mag-aruga?
—Aanhín mo iná, sa tayo'y mahirap,
—ang maamong sabi ng̃ giliw na anák—
ng̃uni kahit tayo madalás magsalát
ay wala sa atin namáng isusumbát.
Ang tang̃i ko lamang ikinalulumbáy
ay ang di paggalíng ng̃ sakít mo ináng;
kung sa ganáng akin salát ó mayaman
pag nasa piling mo'y ligaya ng̃ tunay.
¿Aanhín ang buhay na lubhang pasasa
kundi mákikita ang iná kong mutya?
¿aanhín ang laging walang ginagawa
kung ikáw iná ko'y dí kinákaling̃a?
Mahang̃a'y ganitóng laging nasasalát
at sa bawa't kilos kitá'y nayayakap;
ang yaman, sa akin, ay hindi ang pilak
kundi ang matamís na iyong pagliyag.
Mawika ang gayón, sa noo'y hinagkán
at saka niyakap ang ináng magulang;
—Itó ang yaman ko—ang muling tinuran—
at itó ang tang̃ing aking kasayahan.
Matapos masunód ang nasang paghalík,
isinakandung̃an ang ináng may sakít.
¡Oh! gayón na lamang ang bukong pag-ibig
at gayón na lamang ang likás na baít.


II.

ANG MAG-INÁ.

¡Giliw ng̃ pag-giliw! Kung ang pagmamahál
ay ipagagawa ng̃ sadyang larawan,
ang anyo at umpók at ayos na lagáy
ng̃ ating mag-iná, ang dapat huwarán.
Mapalad ang dukha na sa kasalatá'y
may kumakaling̃a't dibdíb na hiligán,
sapagka't ang gayóng laging kalayawa'y
hindi mábibilí ng̃ gano mang yaman.
¡Ilán ang may pilak na sa karamdaman
ay wala mang sukat tuming̃í't dumamay!
sakaling mayroon, iyón ay upahán,
¡upaháng pagsuyo'y walang kabuluhán!
Sandali'y lumipas sa pagayóng anyo't
nang nasiyahan na ang sabík na puso,
iná'y pinakain, ng̃ irog na bunso,
sa tulong ng̃ iláng maliit na subo.
Datapwa't sa bagsík niyong kasawiá'y
kumilos ang iná't tasa'y tinamaán
at ang nálalabíng kaunting linugaw
ay tumapong lahát sa silong ng̃ bahay:
Sa gayóng nangyari, kapuwa nagitlá
ang dalagang hirang at salantang iná,
itó'y sa dahiláng nababatid niya
na sa kinásidlá'y walang nátitira.
At walang kakanin ang anák na mahál
pagka't walang bigás ó kusíng man lamang
na sukat ibilí ng̃ ikabubuhay
na mailuluto hanggáng sa hapunan.
Si Tetay, gayon dín, pinasukang hapís,
dahil sa nátapon ang lugaw sa sahíg,
gayóng wala siyang ibibilí, kahit,
ng̃ sapát man lamang sa ináng may sakít.
Datapwa't gayón ma'y di nagpahalata,
sa kanyáng kandung̃an, iná'y ibinaba,
dinampót ang mangkók, pinahid ang basa,
at waring lálabas, tung̃o'y sa kusina.
—Mag antáy ka muna at aking kukunin
ang nátirang lugaw—ang wikang mahinhín—
—¿At kukunin mo pa?—ang sa ináng turing—
¿Kung gayón ay anó ang iyong kakanin?
Alám kong kagabí'y di ka naghapunan
at hangáng sa ng̃ayó'y di nag-aagahan,
kundí pa kakain ng̃ pananghalian
¿anó ang daratnín ng̃ iyong katawán?
Hapo sa paggawa, kulang sa pagtulog,
ang sa sarili mo'y hindi inaayos,
kung ikáw'y mapata, ilayó ng̃ Dios,
¿sino ang sa akí'y titing̃ín ng̃ lubós?
Ang sagót ng̃ anák—Ay giliw kong iná,
kung sa ganang aki'y huwag mag-alala.
sapagka't sa kalá'y lubhang marami pa
na makakain ko kung matapos ka na.
—Anóng pagkagandáng kasinung̃aling̃an!—
ang wika ng̃ iná sa anák na mahal—
oo't mayroon pa, sakaling balung̃an
ang palyók na tuyó na nasa sa kalán.
Sa gayóng náding̃íg, si Teta'y náng̃iti
pagka't batíd niyang ang iná'y di mali,
ng̃uni't ang hinala ni Ata'y pinawi
sa magandáng sabing nakabibighani.
—Maniwala iná't tunay na mayroón
at di kailang̃an ang siya'y bumalong,
kung sa ganáng aki'y di pa nagugutom
kanya't kukunin ko ang nátira doón.
Upáng sa sakít mo'y hindi makadagdág
iyang kakulang̃án sa kakaning sapát
at kung may malabí, iyon na ay sukat
na itatagál ko sa maghapong singkád.
Masabi ang gayón, kalán ay tinung̃o't
walang itinirá kahit isáng mumo,
ng̃uni't ng̃ makitang kaunting totoó
ang nakuha niya, ang puso'y nanglomó.
Pagka't magtipíd man ang kanyang maysakít,
ang gayóng karami'y kulang at di labis;
dito namighati ang masuyong dibdíb
at luha'y tumulo sa lakí ng̃ sákit.
Papanong di siya lubhang magdáramdam
sa wala ng̃ sukat dapat na asahang
makapagbibigay ó mauutang̃an
ng̃ ipamimilí sa kinabukasan.
Kaya't ng̃ pumasok na dalá ang tasa
ay hindi napigil ang luha sa matá,
datapwa'y sa nasang ilihim sa iná
ay nagpakunwaring siya'y tumatawa.
Ang ina'y namangha sa nakitang anyo
ng̃ bugtóng na anák at giliw na bunso:
waring nakang̃iti, luha'y tumutulo,
bibig nakatawa't matá'y namumugto.
—¿Anó ka mayroon?—ang tanóng ni Ata—
¿anó't namumugto iyang mg̃a mata?
¿anó ang hapis mo, bakit di ibadyá?
—ang kay Tetang tugo'y—Walang bagay iná.
Naalala lamang na kungdi ihatid
yaríng aking tahing panyong maliliit
ay wala na tayong sukat ipangtawid
sa loob ng̃ araw ng̃ lingong sasapit.
Kaya't kung ibig mo, ináng ginigiliw,
ay maghinahon na't ikaw ay kumain,
ng̃ upáng matapos ang aking tahii't
aking maihatíd sa ng̃ayón ng̃ayón din.
—Ikáw na anák ko ang siyang humigop
niyang nátitirang nakuha sa palyók
—ang wika ng̃ ináng halos nalulunod
sa lakí ng̃ dusang sa puso'y nagdoop.
Dito na nangyari ang pagpipilitán,
ng̃ bugtóng na anák at sintáng magulang;
aayaw ang isá't ang isá ay ayaw,
na wari'y kapuwa busóg na ng̃ang tunay.
Kahit mapag-aba't matigás na dibdíb
ang sa anyong iyo'y minsang makásilip
ay mahahabág di't pápasukang pilit
niyong pagkaawa sa mag-ináng ibig.
Pagka't ang kaniláng pagpapasunuran
ay buko ng̃ isáng boong pagmamahál,
ang ibig ni Ata'y mabusóg si Tetay
at si Tetay namá'y ang kanyáng magulang.
¿Sino ng̃a bang iná ang makababatá
na hindi kumain ang anák na sintá?
ng̃uni't sinong anák ang makakakaya
na makitang gutóm ang giliw na iná?
Kaya't ang nangyari, silá'y nagkásundo
na ang bawa't isá'y tig-iisang subo
doon sa nálabí na pagkaing luto
na kaunting lugaw ina may luhang halo!

III.

¡GUMIGILIW!

At ng̃ makatapos, iná'y pinagyama't
saka iniupo sa sadyang luklukan
na kahit sira na'y mayroong hiligán
na nakasasaló sa dakong likurán.
At siya'y lumuklók sa dakong ibaba
upáng bigyang hanggá ang náhintong gawa,
ng̃uni't anóng lakí ng̃ tinamóng mangha
nang ang panahia'y kanyáng mausisa.
Sapagka't sa loob ng̃ kanyáng tahiin
ay may nakatagong kaputol na papel
na hindi mabatíd kung saan nangaling,
kaya't itinanóng sa inang kapiling.
—¿Sino ang may dalá ng̃ sulat na itó?
¿naparito bagá kanina si Pedro?—
—Oo—aní Ata—siyang nakita ko
na tang̃ing gumaláw ng̃ panahian mo.
At saka umalís na tila may lumbáy
sapagka't malungkót niyong magpaalam
at ang idinugtóng sa huling tinura'y
ang bábalík siya sa katanghalian.
Ang puso ni Tetay ay halos tumahíp
sa sabi ni Ata na kanyáng nading̃íg,
pagka't hindi niya lubós na maisip
ang pinanggaling̃an ng̃ gayóng ligalig.
¿Anó't ginawa pa ang siya'y sulatan?
¿anó ang sa papelay nápapalamán?
yaó'y talinghaga, kaya ng̃a't binuksán,
upang mapagtanto ang lamán ng̃ liham.
Dátapwa ... ¡Oh lang̃it! Di pa natatapos
sa kanyáng pagbasa, ang luha'y umagos,
at sabáy sa isáng matinding himutók,
mukha'y nápatung̃ó't kamáy pinagduóp.
Si Ata'y nágulat sa gayong nákita
at biglang tinanóng ang anák na sintá.
—Ay iná kong giliw! Anáng pagkapaklá
nitóng kapalarang aking dinadalá!
Akó, inang irog, ay lubhang mapalad
sa gitna ng̃ ating madlang paghihirap
at yaring dibdíb ko'y lubós na panatag
at walang ligalig akóng mátatawag.
Datapwa't aywán ko, aywán ko kung bakit
at di ko mapigil ang paghihinagpís
dahil sa paglayong sa sulat sinambít
ng̃ kapuwa bata't kalaro kong ibig.
Yaríng abáng puso'y nalulunod mandín
sa bayóng malakas nitóng paninimdim,
na sakasakali na tayo'y lisanin
ay baka hindi na muling mákapiling.
Aywán ko kung bakit, ng̃uni't yaríng luha
ay di ko mapigil sa kanyáng pagbaha
at kung gunitaín ang bawa't salita
ng̃ sulat na itó, akó'y nanglálata.
At diwang ang aking boong kaluluwa
ay nababalutan ng̃ matinding dusa ...
¿anó kaya itó?—Iyan ay pagsintá—
ang pang̃iting sagót ng̃ giliw na iná.
—¡Oh! pagsintá itó?—Ang tanóng ni Tetay
na tutóp ang dibdíb ng̃ dalawang kamáy,
—Oo, aking anák; iyang pagmamahál
na tinátagláy mo ay pagsintáng tunay.
Iyan ang larawan ng̃ isáng paggiliw
na anák ng̃ iyóng pagirog na lihim;
di mo natatanto pagka't nahihimbing,
sa kapayapaan, ang iyong panimdím.
Ng̃uni't ng̃ magdamdám ng̃ munting gambala,
gaya ng̃ paglayong hindi inakala'y
sumilakbóng agád ang pamamayapa,
at nagpakilala sa sabík na nasa.
Iyan ang nangyari sa bata mong puso
na di nakabatíd ng̃ iba pang suyo
liban sa malambíng at tapát na samo
nitóng iyong ináng matanda na't hapo.
Malaon nang lubhang aking naramdamán
ang inyóng matapát na pagsusuyuan,
ng̃uni't di pinigil, bagkús binayaan
ang binhi ng̃ inyóng sintáng tinatagláy.
Sapagka't alám kong totoong malinis
ang pagsusuyuang inyóng ginagamit ...
—Kung gayón, iná ko—ang kay Tetang sulit—
¿ang unang silakbó ng̃ sintá'y pasakit?
Diyata't hindi na mangyaring mabatyág
ang lasáp ng̃ sintá kungdi sa pahirap?
—Hindi namán gayón—ang sa ináng saad—
kung minsa'y ganyán ng̃a't kung minsa'y malunas:
Kung minsan, sa piling ng̃ kapayapaa'y
núnukál ang binhi ng̃ pagmamahalan
at sa pagtatama ng̃ dalawáng simpán,
ang muntíng sandali, ay nagiging tuláy.
Upang ang pagsuyong sabik sa pahayag
ay magpakilala sa irog at liyag
at ang puso namáng nagtimping maluwat
ay magpahalata ng̃ kanyáng pagling̃ap.
Sapagka't ang sintá ay hawig sa puno
na ang binhi niya'y ang ng̃alang pagsuyo
at pinakadilig, nang upáng lumago,
ay ang katamisan ng̃ mg̃a pagsamo.
Kahit na maunlád ang kanyáng paglakí
ay di mahalata nang may daláng kasi,
kungdi matatangki't mapagmunimuni
na may ibáng nasa ang pusong sakbibi.
Nasáng náhahawig sa isáng gunita,
nasa na animo'y uhaw ang kamukha,
ng̃uni't kung suriin ay mahahalata
na ibá ang ayos, at iba ng̃ang sadya.
Sapagka't ang dating iyong pagmamahál
sa ibáng kilalá't mg̃a kaibigan
ay hindi rin iyon ang suyong bubukál
sa isáng pagsintá na bagong dinamdám.
Yaón ay taganás na pagmamasakit,
pagpapaumanhí't pakikikapatíd,
ng̃uni't itóng isá'y damdaming matamís
na may panibugho't madlang pagtitiís.
Ang bawa't salita nitóng nang̃ung̃usap,
sa dibdib ni Teta ay nagpapahirap,
pagka't unti unting kanyáng námamalas
na pawa ng̃ang tunay ang sa ináng saad.
Kaya't, ang kaniyáng kamáy, pinagduop,
sa haráp ng̃ iná'y biglang nápaluhód,
at sabáy sa luhang sa matá'y nanagos,
náwikang:—¡Iná ko, akó'y umiirog!
Kung yaring hinagpís nitóng kaluluwa
at pagkabagabag ng̃ damdaming dalá
ay tanda ng̃ aking paggiliw sa kanyá....
¡patawad, iná ko!... akó'y sumisintá!...
—Patawad! ¿at bakit?—ang kay Atang turing,
na lubhang masuyo, sa anák na giliw.
—Pagka't nagawa kong sa iyo'y maglihim
ng̃ damdaming dalá ng̃ puso't panimdím.

IV.

SI PEDRO.

Isáng manggagawa, ginoo ng̃ sipag,
mabikas ang tindíg, noo'y aliwalas,
di mayamang suot ay nagpapahayag,
na siya'y matalik na kawal ni "Hirap".
Ang magandáng ting̃i'y nagpapahalata
ng̃ ugaling mahál, kahit marálita,
at ang kanyáng labi'y hindi nagbabala
ng̃ asal na ganid ng̃ mg̃a kuhila.
Itó ang binatang bigláng nakiluhód,
sa harap ni Atang nápagitlá halos,
na sabáy ang sabing:—Salamat, sa loob
na ipinatanaw sa aking pag-irog.
Ang ating dalaga'y nagulumihanan,
pagka't nákilalang silá'y nápakingán
ninyong kapwa-batang kanyáng minámahál
at iniirog pa nang higít sa buhay.
Mukha'y itinung̃o ng̃ ating dalaga
at ayaw isilay ang magandáng matá;
waring nahihiya nang ang lihim niya
ay hindi na lihim sa tunay na sintá.
Ang ináng may sakít, na siyang matanda
na nakatataho ng̃ damdaming bata,
ay siyang sumagót ng̃ tugóng payapa
sa pamamagitan ng̃ ganitóng wika:
—Oo, tunay Pedro; ang iyong pag-ibig
ay malaon na ng̃ang may sadyang kapalít
at kahit nangyaring malabis kong batíd
ay hindi humadláng, bagkus nanahimik.
Sapagka't alám kong ang iyong paggiliw
sa sintá kong Teta'y lubhang taimtím
at walang gabahid na ikadudusing
ng̃ tagláy na puring kanyáng inaangkín.
Batíd ko rin namáng sa isáng gaya mo
ay lubhang malayo ang ugaling lilo,
kaya't pinayagang ikáw ang magtamó
sa pusong malinis ng̃ sintáng anák ko.
Datapwa't ang tang̃ing aking dináramdám
ay ang lagáy naming lipos kasalatán
at wala na mandíng mábangít na yaman
liban na sa dagsa nitóng kahirapan.
—Iná ko, sukat na ¿yaman pa'y aanhín
kung isáng biyaya ang magiging akin?
at saka sa kulay ng̃ aking paggiliw
ay di náhahalo ang sa yamang ningníng.
Akó'y inianák sa pagdadalita
at kámpón ni Hirap sapol pagkabata.
musmós pa man halos bísig ko'y pinata
at nagíng kawal na ng̃ haring Paggawa.
Ang tang̃i ko lamang pinakahahanap
ay ang isáng pusong mayaman sa ling̃ap
at ang pusong itó'y aking natatatap
na si Tetay lamang ang siyáng may ing̃at.
Datapwa'y gayón man, kahit aking batíd,
na, sa sarili ko, siya'y iniibig
ay hindi ginawang aking ipagsulit,
sa tunay na irog, ang lamán ng̃ dibdíb.
At talagá sanang aking itatago
nang lubhang malalim sa loob ng̃ puso,
at baka sakaling ang kanyáng pagsuyo
ay naidulot na sa ibáng sumamo.
At kungdi nangyaring akíng nápakingán
ang mg̃a salita ng̃ irog kong Tetay,
salitang nagbukás niyong kalang̃itán
sa palad kong aba, di sana nagsaysáy.
—Irog!... Sinung̃aling!—ang wikang banayad
ng̃ ating dalaga—kung akó ay liyag,
¿bakit mo nagawa ang lálayo't sukat,
gaya nang tinuran sa iyong sinulat?
—Iná naming irog; ikáw ang humilíng
sa anák mong sintáng akó'y patawarin.
—Pinatatawad ka, ng̃uni't sásabihin
kung bakit náisip ang kamí'y lisanin.
Kayó'y mang̃agtindíg—ang wika ni Ata
sa ating binata't sa ating dalaga—
kayo'y magsiupo at saka ibadyá
ni Pedro ang sanhi ng̃ pag-alís niya.

V.

PAGHABÁG NG̃ PUHUNAN.

Matapos na silá'y makapag-upuan
sa papag na siráng ang paá ay kulang,
binuksán ni Pedro't agad sinimulán
ang sanhing nag-udyók ng̃ kanyáng pagpanaw:
—Akó'y isáng bugtóng ni amá't ni iná
at batíd na ninyóng malaong ulila,
kaya ng̃a't nangyaring kahit hindi kaya
nitóng katawán ko, akó'y nagpaupá.
Gayón na ng̃a lamang ang isáng mahirap,
na walang mag-ampó't sukat na luming̃ap,
dapat ugaliin, ang butó, sa batak
kung ibig mabuhay at huwag masalát.
Bukód pa sa roon, ang taong may dang̃al
ay dapat batakin ang butó't magpagal,
at huwag mabuhay ng̃ hambáhambalang
ó kaya'y umasa sa mg̃a sugalan.
Kahit may salapi't nakaririwasa
kung ang pamumuhay ay pagalagala
at di ginagamit ang butó sa gawa,
ay tinatawag din namáng: hampáslupa.
Akó ay naglingkód, na bilang nag-aráw,
sa isáng gawaan ng̃ di kababayan,
ng̃uni't sa pagpasok ay may kasunduang
kung maraming gawa'y may upang katimbang.
Inihalál akóng magíng katiwala
sa isáng pulutóng niyóng manggagawa.
na kagaya ko ring pawang maralita
ng̃uni't lalong salát sa kaya at haka.
¡Mg̃a abang tao! ¿anong sasapitin?
súsunód na lamang sa bawa't sabihin,
kung busabusaang animo alipin
ay wala ng̃ kibó't mababa ang ting̃ín.
Paano'y, ang mangmáng, kahi't may matuwid,
ay umíd ang dila at pipi ang bibig;
laging nananang̃an sa tuntuning lihís
na kabaitan, daw, ang hindi pag-imík.
Sa gayón ng̃ gayó'y nákaugalian
ng̃ nang̃ang̃asiwa ang paglapastang̃an ...
waláng bigong kilos na hindi may tampál,
suntók, sikad, batok, sa munting magkulang.
¡O, gayón na lamang ang pag-alipusta
sa inuupahang mg̃a maralita!
ibayo't ibayo ang dagdág sa gawa
at sa upa namán ay baba ng̃ baba.
Datapwa't ang tao'y hindi makadaíng
pagka't natatakot na silá'y alisín,
dahil sa maraming kahit na gayonín
ay nakikiagáw, dahil sa kakanin.
Sa bawa't umalís na isáng pinasláng
ay sampu ang palít na nag-uunahán,
kahit na mababa ang upang ibigáy
ay tatangapín ding walang agam-agam.
Nakikita itó ng̃ lilong mayama't
ikinatutuwa ang pagayóng asal
ng̃ nagpapaupá, kaya't kadalasa'y
malaon mang lingkód ay di tinitingnán.
Sa munting magkulang ang kahi't na sino,
magíng matanda man ó kaya ay bago,
daglíng áalisin at tamád dikono
kahit na ang sanhi'y may sakít ang tao.
Ang ibig mangyari ng̃ namumuhunan
ay ibaibayo ang tubong mákamtán,
dapwa't ang katulong na puhunang pagál
ay huwag magtamó ng̃ milmá man lamang.
¿Paanong di gayón, ay hindi kabalát?
¡ang puhunang dayo ay walang pagling̃ap..!
¿anó kung mamatáy tayo ritong lahát
yumaman lang silá't magbalón ng̃ pilak?
¿Sa kanilá'y anó kung tayo'y masawi,
masasawi bagá ang kanilang lahi?
silá ay dayuha't dayo ang salapi,
kahit makaapí'y walang ng̃iming̃imi.