GAYA ng pinagkasunduan ni Maneng at ni Binay, kinabukasan ay kapuwa sila nagsihanda sa isang pagtatalastasan gaya ng dalawang bihasang magsamantala sa buhay.
Kung ang mga mandidigma sa ganitong tagpuan ay nag-uubos ng boong talino, sandata at mga paraan sa ikapagtatamo ng tagumpay, si Maneng at si Binay sa ganang kanila ay may mga pambulaga na nakahanda bawa’t isa sa kanilang hinahandaang kabaka na nasang mahuli ng buhay.
Ang katakot-takot at libolibong paraan na naisagawa na ni Maneng sa kung ilan nang kulang palad na napasusuko ng kanyang panghikayat ay di niya nasang gamitin sa tala ng Bokawe, na pagka’t ang kalolwa nito ay ibang iba kay sa kanyang mga sinawi. Si Binay ay baga man talagang pusong babai ay may isang malayang bait na gumagalaw sa isang malawak na galawan, na kinakailangang pagaralan niyang lahat upang makalatan ng balahong katitisuran. Inaakala rin naman niya na ang pagpapahayag ay dapat niyang papanimulain sa tungalian yamang si Binay mandin ay nakatatagpo ng ligaya sa ganitong aksayahan ng panahon ng mayaman at mahirap man, at tanging pinakikinabangan lamang niyaong mga pantas at talaisip na nakakukuha ng mapapakinabang na bagay sa mga lalong walang saysay na pangyayari.
Hindi nakuha ni Binay ang matulog ng tanghali; at si Maneng ay hindi man lamang nakakain ng boong kapayapaan. Kapuwa binabalisa ng nasa ang dalawang pusong ito na hindi pa man halos nagkakawatasan ay nagtitibukan na at nagkaramdamang ang isa at isa’y nagkakailanganan.
May isang kasabihang tagalog na aniya’y: “Huwag palapit (sa apoy) at madadarang, huwag palayo at magiginaw” at ang bisa ng salawikaing ito ay siyang sa kanila, sa gayong mga sandali, ay namayani.
Ang pinakamainam na damit ni Binay ay isinuot maaga pa, nagtuhog ng masinsing-masinsin ng mga tikom na kampupot at ipinulupot sa kaniyang liig. Kay-inam na panghalina ng napili ni Binay. Ang mabangong samyo.
Sa kabilang dako naman si Maneng na sawang-sawa na sa mariringal na bihis ay nagsuot na lamang ng isang kasuotang sutlang puti na siya niyang pangkaraniwan, nguni’t sa kaniyang “Supersix” sumakay upang huwag namang masuya ang matang laging nakakikita sa kaniyang “Bwick” na talagang panglakbay bayan.
Napakalaki ang sasakiyang yaon sa iisang tao. Pangyayaring nagpatinkad na minsan pa na ang kaniyang pananagana ay labis na labis at lutang na lutang siya sa kaligayahan ng mga iniwi ng biyaya.
At ganap na ikaapat ng hapon ay nagkaniig na ang dalawang tinipon sa Bokawe ng kapangyarihan ni Kupido.
—Sinasabi ninyo—ani Binay—na kayo’y may utang sa akin. Hindi ko ito nalilimutan, at sa pagka’t hindi ako makatatanggap ng bayad sa isang pautang na di ko talastas, kung mamarapatin ninyo ay mangyaring ipaliwanag upang magkawatasan tayo.
—Tunay mahal na Binibini—anang binata—Tunay na ako’y may utang sa inyo at utang na napakalaki, at kailan ma’y di ko mapatatawad ang kapabayaan ko na yao’y di ko pa nababayaran, hanga ngayon. Noo’y ihinandog ko sa iyo ang boo kong kaya, at tinugon ninyo ako ng boong tamis na sa iba ng kataon. Naala-ala pa po kaya ninyo?
—Tunay pong hindi. Ibig ba ninyo akong tulungan upang alalahanin?
—Naparon kayo noon sa Meykawayan. Ang damit ninyo’y payak na dilaw at ang kasama ninyo’y di ko kilala; lulan kayo ng isang karretela at ang inyong kotsero ay si Angko.
—Ah!... Noo’y nabanga kami ng isang “auto” na kamuntik na kaming patain. Opo naala-ala ko na.
—Ang “Auto” po ay akin at ako ang nagpapalakad. Ako ang may kasalanan Binay—hindi na pinupo ni Maneng—Napakahangal ako noon. Ang bait ko’y pumanaw sa aking katawan at ang gayong kapanganyayaan ay naging bunga ng aking kapaubayaan. Ninais kong tuntunin ang iyong tahanan, ang Meykawayan ay naliglig ko, nguni’t sino ma’y walang nakapapaghatid sa akin sa kaganapan ng aking nasa, pagkapalibhasa’y ngalan man lamang ay wala akong natandaan kundi ang kay Angko lamang at ito’y dahilan sa itinala ko sa aking Memo. Datapuwa’t isang kataon na hindi ko sinasadiya ay napasuot ako sa pulong nina General Sandiko at nang di ko sinasadya ay natagpuan ko ang aking pakay. Narito nga ako sa harap mo Binay at handang tumupad ng aking handog na paglilinkod. Minamarapat mo baga?
—At kung magalit ang inyong Celia na taga Meykawayan?—ang biro ni Binay.
—Hindi magagalit ang aking Celia, Binay, sa pagka’t siya’y kilala mo rin. Dala ko rine ang kaniyang larawan. Ibig mo bang makita?
—Tignan ko nga; saan ba naroon?
Dinukot ni Maneng ang kaniyang kartera at pagkatapus makalingap sa boong paligid ay boong pitagang nagsabi:
—Binay!... Ang larawang ito’y malaon kong iniingatan sa aking diwa. Sa aking dilidili’y di mawawalay at ngayon ko pa lamang naipahayag kaya’t pahintulutan mo akong hingan kita ng isang pangako. Tinutulutan mo baga?
—Pangakong ano?
—Na ako’y tutulungan mong lumuhog upang ang aking pitang banal ay huwag mawakawak.
—Kung kilala ko’y inyong maaasahan.
—At di mo papayagang ako’y siphayuin?
—Ah... yao’y kahit hindi ko kilala ay katungkulan kong ipagsangalang ang sinisiphayo.
—Kung gayo’y...—at iniabot ni Maneng ang isang kahitang balat na agad binuksan ni Binay.
Doo’y may isang salaming talihaba na nakakalupkupan ng isang gintong lantay na gilid.
Ang mukha ni Binay ay sumungaw pagdaka. Mukhang natina ng pula sa kabiglaanan; nguni’t buhay palibhasa ang dugo ay tumugon ng boong kapayapaan.
—Maneng—aniya—ako’y napaglalangan mo. Nguni’t gaya ng isang tapat na mangako ay tutupad ako kung sa aking itatanong ay tumbasan mo ng pagtatapat din.
—Ano yaon aking giliw?
—Ilan nang babai ang dumungaw sa salaming iyan, magbuhat ng ingatan mo?
—Iisa pa lamang. Tanging ikaw Binay.
—Hoy!... Ni hindi mo na inisip ang isinagot mo sa akin.
—Papanong iisipin ko pa’y siyang totoo.
—Papano ko mapapaniwalaan.
—Inaakala mo bang ako’y napakabulaan?
—Ipalagay natin na di ikaw ang may sabi at inaakala kong nagsisinungaling.
—Kung ang recibo ng platero na gumawa niyan ay makikita mo, disin maniniwala ka, na kangina ko lamang kinuha iyan at inantabayanan ko pa bago ako naparine; nguni’t.....
—Nguni’t ano?
—Ang recibo ay di ko ipakikita sa iyo upang huwag mong malaman ang halaga.
—Nguni’t ibig ko sana’y walang ibang mukhang babaing dumungaw sa salaming yan Maneng, lalong-lalo na yaong magagandang lulan ng auto nang kami’y mabangga.
—Oh, yao’y huwag mong pagkasalanan. Sila’y para kong mga kapatid.
—Naniniwala ako Maneng at di na natin muli pang paguusapan yaon; datapuwa’t paano ako makapapaniwalang wala nang babaing dudungaw sa salaming iyan. Ipangako mo man lamang.
—Hindi kailangan ang pangako; ang salamin ay iiwan ko sa iyo bilang sangla ng aking patunay.
Di nakaimik ang binibini sa biglang tugong yaon ni Maneng. Ang salaming yaon ay isang mayamang hiyas, gintong lantay na pinakintab ng pait, ilang talsik na diamante ang sa mga palamuting bulaklak ay nangasaubod. Hindi niya nasang hingin at siya’y napahanga ng ialay sa kaniya.
—Ya’y ipinagawa kong para sa iyo Binay. Kung di mo tatangapin ay daramdamin ko at aakalaing isang pagsiphayo.
—Hindi ko maaaring di tangapin ang isang alaalang galing sa iyo Maneng; at mamahalin ko sa pagka’t galing sa iyo.
At ang dalawa gaya ng lahat ng alagad ni Kupido ay malaong nagusap ng panay na kahibangan lamang.
At bago umalis si Maneng ay hinubad ni Binay ang tuhog na kampupot at ilinagay sa leeg ng binatang mapalad, at aniya:
—Mamahalin mo ang bulaklak na yan at ingatang maging laging sariwa, hane?
—Siyang papatnubay sa aking mabuting tala.
—¡Sayang at ang bulaklak ay dagling maluluoy!—ang habol ni Maneng sa sarili nang siya’y nasa ibaba na.