WeRead Powered by ReaderPub
Ang Pag-ibig ng Layas cover

Ang Pag-ibig ng Layas

Chapter 18: XVI. Noo’y Karnabal
Open in WeRead

Explore more books like this:

About This Book

Isang nobelang panlalawigan na sumusunod sa isang dalagang tagabukid na ang mga piniling pag-ibig ay nagdulot ng pagkabigo, panlipunang mantsa, at pagkasira ng tahanan. Sa sunud-sunod na kabanata — panliligaw, selos, pagtataksil, mga tangkang paglalakbay, paghihiganti, at wakas na pagbagsak — sinusuri ng kuwento ang bunga ng mga ipinagbabawal na ugnayan at hatol ng pamayanan, ipinapakita ang kahinaan at pagtitiyaga ng mga babae sa gitna ng nagbabagong kapalaran. Pinaghahalo ang mga pribadong tagpo at mga pampublikong pagdiriwang tulad ng sayawan at karnabal, saka inihahayag ang moral na pakikibaka, naglilipatang katapatan, at ang pangmatagalang kaparusahan ng pagnanasa.

XVI KABANATA
NOO’Y KARNABAL

DINALAW ni Maneng ang makisig at bantog na Casa de Modas at doo’y kanyang pinanonood ang dalawang suot Turko na animo’y babala ng “Omar”.

Dalawang kasuotang babai na payak na sutlang kulay ginto ang isa, at ang isa’y kulay perlas; at kapuwa may guhit na pula at bughaw. Salawal at baro na pawang maluang at napupungos ng hugos hugos sa laylayan upang matapos sa isang sandallas o babuchang turko, na itim na nahihiyasan ng bulaklak na gintong lantay mandin. Ang talukbong ay payak na puti na sa nipis at lambot ay nagtutulot na mabakas at masinag ang magandang mukha ng kukulubungan; nguni’t sa sinsin noo’y di mangyayaring maaninaw.

Tanging ang mata, ang handang makipagtitigan at siyang tulad sa dalawang durungawang kababasahan ng puso at kalulwa ng nakabalatkayo.

Sa dako roon ay isang pierrot na payak na puti ang linulutangan ng malalaking bitones na itim, at itim ding apat na dali ang lapad ang sa laylayan ng baro at salawal ay bilang palamuti.

Ang tatlong balatkayong ito’y ipinagawa ni Maneng upang magamit nila sa dakilang sayawan ng mga balatkayo.

Sa lahat ng dako ng Maynila, ang “biro” ay siyang namamayani, animo ba’y ang lahat ng tao ay nakalimot na sandali sa dakilang asal at ang araw ay mataas pa halos, ang mga “confetti” ay nagliliparan na, at nagdadapuan sa mga maiitim na buhok ng magagandang dalagang naglalakad, at ang mga serpentina ay kasalukuyang naninilo, datapuwa’t silong marupok, kasing dupok marahil ng isang panandaliang bulong ng pita. Iisang iglap.

Nagkapantay-pantay manding lahat ang mga tao sa loob ng isang maskarang nakatawa kung minsan o nakangiwi kayang animo’y kumagat ng isang bungang kahoy na maasim.

Sa dako roon ay pulutong ng mga lungtian dimonyong animo’y tumakas kay Mandagaran; isang pulutong namang demonyo rin nguni’t mapupula naman ang animo’y mga kawal ni Fausto na nakatakas mandin sa bayan ni Pluton; at mga dimonyo pa rin na payak na itim buhat sa sungay hangang buntot. Talaga yatang ang taong natutuwa ay mahilig sa mga kawal ni Pedro Botero. Ang kamatayan ay di nila gunita. Ang lahat ay inaaglahi.

Ang mga Pierrot na sarisaring kulay, mga dominó, mga suot Principe at iba’t ibang libolibong likha, buhat sa lalong maringal hangang sa kamuramurahan, ang siya lamang halos laman ng lansangan. Kay raming Colombina na nakapangingiki.

Sa dakong Timog ay doon natatayo ang palalo at maringal, na bayan ni Momo. Nakaharap sa bagong Luneta na nagtaboy ng dagat sa dako pa roon.

Panggagaling ni Maneng sa Casa de Modas ay nagtuloy kila Selmo at doo’y ihinatid ang dalawang kasuotang babai na boong kasiyahang tatangapin nang kaniyang mga pinaguukulan.

Gaya nang dapat ng malaman, ang isa noo’y kay Mameng at ang isa’y kay Nati.

—Tayo’y maglinawan—ani Maneng—Ya’y dalawang balatkayong wala akong malamang itulak kabigin. Ibig kong malaman kung alin diyan sa dalawa ang gagamitin mo Nati. Hale mamili ka na.

—Alin ba Maneng ang ibig mong aking gamitin?

—Ang ibig ko?.......... Nalaman mo na Nati na ang mainam sa iyo ay siya kong ibig. Tangi sa kapuwa mainam ang dalawang iyan.

—Nalalaman mo rin naman na kung alin ang mapili mo ay siya kong mamainamin. Alin ba ang ibig mo Maneng na aking gamitin?

—Hindi ba mainam Nati itong kulay perlas?

—Yan nga, yan din ang aking napipili. Talagang iisa yata ang ating diwa.

—Siya mong isuot, hane?...

—Eh ikaw ba ano ba ang iyong karamtan?

—Ako’y isang pierrot na maputi. Nguni’t ang kasuotang ito’y maraming kamukha.

—Eh ano ang ating palatandaan?

—Ang singsing kong panganan na dati mong kilala. Ang auto ay ipadadala ko rine mamayang a las cuatro, gamitin ninyo sa paglilibot at sa Ciudad na tayo magkita.

—Sa Ciudad?

—Oo, sa Ciudad na.

—Saan doon? Lubhang malaki ang kaharian ni Momo.

—Siya nga; nguni’t buhat sa ikapito hangang ikasiyam ng gabi ay sa boong paligid ng gusali ni “Meralco” tayo maghihintayan.

—Bakit hindi ka pa ba sumabay sa amin?

—Marami akong lulutasing gamlay, ngayon, at di ko maipagpapaliban.

Nang matapos ang biling ito ni Maneng ay yumaon ng parang hinahabol. Paano’y may tiyap siya kay Binay, na doon manananghali sa araw na yaon.

Nang si Mameng ay nasok ay nadatnan si Nati na nagsusukat ng balat-kayo at gaanong pagkahanga ang kaniyang dinanas ng makita niyang si Nati sa kulay perlas ay lubhang kaakit-akit.

—Halika, Mameng, isukat mo nga yang balat-kayo mo. Hali na.

At isinukat ni Mameng ang kaniyang karamtan na di rin napahuhuli sa dingal at ganda sa karamtan ni Nati.

—Talagang pihikang mamili yaong si Maneng, ano Nati. Tignan mo at kay gaan sa katawan, maluwang at di nakaiinis.

—Talagang may pihikan siyang gawi Mameng. Ito’y kaniyang katangian. Nguni’t Mameng, hindi ba ang mga araw na ito’y araw ng “biro”.

—At araw ng “tawa”.

—Kung gayon ay bibiruin ko si Maneng.

—Ano bang biro ang naisip mo?

—Ang ibig niya’y ito ang aking isuot at doon na raw magkita sa Ciudad. Ang iniisip ko’y gayari. Ang balat-kayong ito na pinili niya para sa akin ay siya mong isuot at yang balat-kayo na para sa iyo ay siya kong gagamitin. Ano ang sabi mo Mameng?

—Magpapalit tayo kung gayon?

—Oo, magpapalit tayo, at walang salang di ikaw ang lalapitan na iisiping ako.

—Baka magalit Nati?

—Hindi; pagkatapus ay sasabihin kong nagustuhan ko ang iyong damit at siya kong ginamit.

—Eh ano ba ang kanyang balat-kayo?

Pierrot, nguni’t sa singsing makikilalang agad. Hindi mo ba natatandaan ang kanyang singsing?

—Bakit hindi?

—Iyan ang kanyang ipakikita paglapit.

—Eh ano ang aking gagawin Nati?

—Huwag kang pakikilala at tignan mo lamang kung ano ang kanyang gagawin.

Kung natatalos ni Nati ang magiging wakas ng komediang yaon na kanyang naisip na hangang sa isang birong kaibigan lamang sa kanyang akala, nguni’t maaring maging daan ng isang di inaantabayanang gusot o kagampanan ng mga lihim na tadhanang di talastas ng tao, disin ay di niya isinagawa.

Ang kanilang komparsa ay binubuo ng maraming babai na pawang nasa kapanahunan at payak na mga kapit-bahay si Nati at si Maneng ay siyang namumukod sa inam ng balatkayo na nagtitimpalak ng kapangyarihan ng salapi.