WeRead Powered by ReaderPub
Ang Pag-ibig ng Layas cover

Ang Pag-ibig ng Layas

Chapter 3: I. Gising Mayaman
Open in WeRead

Explore more books like this:

About This Book

Isang nobelang panlalawigan na sumusunod sa isang dalagang tagabukid na ang mga piniling pag-ibig ay nagdulot ng pagkabigo, panlipunang mantsa, at pagkasira ng tahanan. Sa sunud-sunod na kabanata — panliligaw, selos, pagtataksil, mga tangkang paglalakbay, paghihiganti, at wakas na pagbagsak — sinusuri ng kuwento ang bunga ng mga ipinagbabawal na ugnayan at hatol ng pamayanan, ipinapakita ang kahinaan at pagtitiyaga ng mga babae sa gitna ng nagbabagong kapalaran. Pinaghahalo ang mga pribadong tagpo at mga pampublikong pagdiriwang tulad ng sayawan at karnabal, saka inihahayag ang moral na pakikibaka, naglilipatang katapatan, at ang pangmatagalang kaparusahan ng pagnanasa.

LAYO; layo alaalang malungkot. Bayaan mong tumahimik yaring puso na tulad sa bangkay na walang karamdaman. Bayaan mong yaring diwa ay malayang magyao’t dito sa matitimyas na pangarapin; huwag mong balakiran ang aking mapayapang sandali, at yayamang nagugumon na rin lamang, ay bayaan mong maganap yaong kasabihan na: KUNG SAAN NARAPA AY DOON MAGBABANGON.

Pagibig!..... Oh pag-ibig! sumpain nawa ang sandaling ikaw ay dinamdam niyaring puso, yayamang wala kang nagawa sa akin kundi ang iwanan mo ako ng isang kaligaligang di magpatahimik. Kay lupit mo para sa aba kong palad!

Naririto ako ngayon sa pinakamaligayang bahagi ng buhay. Ang mga halamanang aking tinatahak ay panay na hitik ng bulaklak; pawang mababangong samyo ang kanilang ihinahatid sa akin saan mang dako ako humimpil; pawang masasayá ang kanilang kulay; busog sa pangako ng ligaya, at animo ba’y sa ganitong kalagayan ang kamatayan ay di kabati. Isang balitang di pinapansin... Walang katunayan.

At..... Oh!.... May tago palang mga tinik ang mga bulaklak. Ako’y dinuro, ako’y sinaktan, ako’y binalisa. At isang sugat na di na mababahaw mandin ang kaniyang lagak sa akin.

Lunas ang aking kailangan. Pag-ibig ang dahil ng aking pag-tangis, at pag-ibig din ang mainam na pandampi. Sinugatan mo ang aking puso, pinatangis mo ako at lagi nang pinabalong ang agos ng pighati; at nais mong ako’y malunod at suminghapsinghap; nguni’t ayokong tumangis, ayokong mamatay. Magbuno tayo.

At ano sa akin kung sa bisa ng aking matibay na tika ay maraming kalolwa ang maghingalo?

Humanda kayo. Humanda kayo mga lipi ni Eva; at daraan ang isang pusong walang karamdaman. Panahon namang kayo ang magsiluha.

Ang buko-bukong ito na nagsalimbayan sa hinagap ni Maneng, ay ginambala ng pagtawag sa pintuan ng isang alila.

Kinabig ni Manéng ang pintuan ng silid at sumungaw pagdaka, ang ulo ng utusan:

Isang binatang siksik ang katawan, maigsi ang liig, pungok at bilugan ang mga bisig, na tinutulutang mabilad ng mga mangas na maigsi ng kaniyang kamisetang halang-halang ang guhit at itiman ang kulay.

Pagsungaw niya sa silid ni Maneng ay inabot pa niya roon na nakasuot panghiga ang kaniyang panginoon.

Isang baro at salawal na magkabagay na kung tawagin ng mga bandiala ay PIJAMA. Sangayon sa kintab at lambot na ipinamalas sa tuwing kikilos si Maneng, ay mapagkikilalang yao’y yaring sadya sa Bombay at pawang sutlang pili ang ginamit at di man lamang sinalitan ng sinulid na bulak, gaya ng karaniwang nabibili sa mga naglalako, o sa mga tindahan ng Hapon.

Sa isang palalo at mayamang hihigang asana ay nakalatag pa at kuyamos ang isang manipis na kumot bilang pambawas ng init na dadanasin kungdi sasapnan noon, ang isang makapal na colchon na kulay sikulate at nasasabugan ng madidilat na bulaklak; ang mga unan ay naghambalang sa hihigan at isang hapag na mabilog ang kinapapatungang walang ayos ng bihisang kaipala’y ginamit ng gabing yumaon.

Noo’y umaga at boong sipag na nagmadali ng pagsikat ang araw, tanda ng mabuting panahon.

—Anó ang ibig mo Gorio?—ang tanong ni Manéng sa kaniyang utusan.

—Iniabot po sa akin ni mang Selmo ang liham na ito at pagkaramdam ko raw pong kayo’y gising na, ay ibigay ko sa inyo agad.

—Dalhin mo rito.

Si Gorio ay yumaon pagkabigay ng sulat, tandang siya’y di maaaring makapaglaon doon sangayon sa kaugalian.

Agad pinilas ang sobre.

Gayari ang kaniyang nabasa:

Maneng

“Sa Marilao tayo manananghali.”

“Nauna na kami ni Yoyong. Si Nati at si Mameng ay kasama ng nanay.”

SELMO

Malaong di nakaimik si Maneng, na parang sinambilat ng isang karamdamang nakalilitó ng diwa, niyang karamdamang sumisikdo sa ating puso kung ang kaba ay nagbabalita sa atin ng isang pangyayaring parang nakikinikinita.

Tiniklop ang sulat at isiningit sa isang aklat na nasa ibabaw ng hapag, binatak ang kahon noon at hinalungkat sa isang imbakan ng mga larawan, ang larawan ni Nati.

Malaon sa gayon anyo na parang binabakas sa larawan ang dilag ng kapatid ni Selmo, nang sa di kawasa ay parang ginising siya ng isang bagong munakala.

Minalas ang larawan, at binitiwan pagkatapos sa ibabaw ng aklat, na pinagipitan ng tinanggap na kalatas.

Naghilamos, nagbihis ng isang mambisang abuhin, pinigta ng pabango ang kaniyang barong pangloob, at isinukbit ang isang munting revolver na may puluhang nakar sa isang makisig na suksukan ng kaniyang pamigkis na katad.

Nang siya’y lumabas sa kaniyang silid ay magalang siyang sinalubong ni Biyang at aniya:

—Nakahain na po.

Sa hapag na kainan na nasasapnan ng isang maputing mantel ay naka-ayos ang isang mayamang almusal.

Ang usok ng sikulate na may taglay na bangong nagaanyayang ako’y higupin mo, ay namumukod sa sinag ng araw na nagtatagusan sa iba’t-ibang kulay na salamin ng kakanan, ano pa’t animo’y bahaghari na umaalon sa ibabaw ng hapag.

Lumikmo si Manéng at nagmamadaling hinigop ang sikulate ng wala sa loob at kaipala’y nasa ibang dako ang kaniyang ala-ala.

¡¡Demontres!! Napaso na ako—at sinabayan ng tindig na parang humihigop ng hangin upang mapawi ang init na nakapaso.

Si Biyang ay napatangá sa takot na makagalitan.

Nguni’t hindi man lamang siya pinagsalitaan ni Manéng ng ano man.

Inabot sa sabitan ang kaniyang Kodak at matapos na isakbat sa balikat ay lumulan sa isang auto na malaon nang naghihintay sa tapat ng pintuan.

At sa kaniyang hinagap ay nagsasalimbayan ang malulungkot na tanawin. Para niyang nakikita ang isang babaing napakaganda, kawiliwili, nguni’t kakampi ni Kataksilan at pinaglagot-lagot ang tanikala ng pag-ibig na sa kanila’y naka bibigkis.

Sa isang dako’y lalaboy-laboy ang isang sangol na hiwaga ng gandá, ulilang ganap mandin; ang isang inang walang kalolowa, at amang walang puso. At ang amá ay siya.... Oh kay lungkot!

Nguni’t paanong babalikan ang isang babaing pagkalipas ng isang panahon ng sumpaan ay nagtaksil? Paanong babalikang muli ang salangapang na babai na naglaro sa kaniyang karangalan, naglustay na walang pakundangan ng kaniyang salapi at nagkait sa kaniya ng matimyas na sandaling magiwi sa kaniyang tangi at unang-unang sangol?

Ang ala-alang baka ang anak na ito ay hindi niya sarili ay nagpapasakit sa kaniya ng gayon na lamang. Kulang palad na sanggol!

Ang kawawang si Manéng na patungo sa ligaya, ay batbat ng sakit; ito ang unang tinik na tumimo sa puso ni Maneng nang siya’y biruin ng Pag-ibig.