WeRead Powered by ReaderPub
Balarilang Tagalog cover

Balarilang Tagalog

Chapter 108: TALABABÂAN
Open in WeRead

About This Book

The work presents a practical grammar of Tagalog, describing older orthographic conventions and spelling rules while offering guidance for correct speech and writing. It critiques the dominance of a colonizing language in education, highlights inconsistent practices among contemporary writers, and contrasts traditionalist and reformist approaches to usage. Through explanations, prescriptions, and examples the author seeks to standardize grammar, refine literary style, and encourage wider cultivation and clear expression in the native tongue.

N. Ang talagáng kahulugán ng̃ magká kung máangkáp sa ugát ay magkaroón ng̃ anó man sang-ayon sa ugát na tagláy. Nang lalòng maliwanagan ang bagay na itó ay kailang̃ang ilagdâ ang mg̃a ganitóng tuntunin:

I.—Ang mg̃a ugát na náuukol sa mg̃a sakít ng̃ katawán ng̃ tao na máangkapán ng̃ magká ay nagkakahulugán ng̃ pagkakaroón ng̃ anó man na dati’y walâ alinsunod sa lamán ng̃ ugát, hal.: sa sakít ay magkasakít, sa sipón ay magkasipón, sa mutà ay magkamutà, sa galís ay magkagalís, sa lagnát ay magkalagnát, sa pigsá ay magkapigsá, atbp.

II.—Nagkakahulugán din ng̃ pagkakaroón na dati’y walâ kung siyá’y iangkáp sa mg̃a ugát na tumutukoy sa mg̃a kapalaran ng̃ tao, hal.: sa palad ay magkapalad, sa anák ay magkaanák, sa pilak ay magkapilak, sa lupà ay magkalupà, sa gintô ay magkagintô, sa bahay ay magkabahay, sa tungkól ay magkatungkól, atbp.

III.—Gayón ding kahulugán ang mátatamó kung angkáp sa mg̃a ugát na bumabanggít sa sarìsarìng sangkáp ó pag-áarì ng̃ tao ó sa anó mang bagay, hal.: sa tubig ay magkatubig, sa apóy ay magkaapóy, sa kahoy ay magkakahoy, sa lang̃ís ay magkalang̃ís, sa tabò ay magkatabò, sa bung̃a ay magkabung̃a, sa hayop ay magkahayop, atbp.

IV.—Ang mg̃a ugát na náuukol sa ibá’t ibáng kasakunâang nangyayari sa bayan ó sa mg̃a tao ay magagawâ ring pangwatas sa magká, na, ang kahulugá’y ang pagkakaroón ng̃ anó man na dati’y walâ sang-ayon sa lamán ng̃ ugát, hal.: sa gutom ay magkagutom, sa guló ay magkaguló, sa bagyó ay magkabagyó, sa salot ay magkasalot, sa digmâ ay magkadigmâ, sa lindól ay magkalindól, atbp.

V.—Ang mg̃a ugát namáng nagbabadyá ng̃ mg̃a kasiràán ng̃ anó man na inúulit ang násabing ugát at angkapán ng̃ magká ay nagtatagláy ng̃ matindíng kahulugán, hal.: magkagibâgibâ, magkabuwálbuwál, magkaguhôguhò, magkabutásbutás, magkapunítpunít, magkasirâsirâ, magkawindángwindáng, magkalanságlanság, atbp.

VI.—Sa mg̃a pagkakátaóng pangyayari ay binabaybáy rin sa anyông magká, hal.: magkatipon, magkasalubong, magkapanayám, magkatamà, magkasama, magkaaway, magkaguló.

VII.—Kung angkapán ng̃ magká ang ugát at sugpung̃án ng̃ an ó han ay nagkakahulugán din ng̃ mg̃a pangyayaring hindî kinukusà, hal.: magkatakbuhan, magkasuntukan, magkasikarán, magkahagarán, magkamatayán, magkadaganán, atbp.

XXVI KABANATA
Ukol sa anyông “MAGÍNG”

Gurò. ¿Anó ang tinátawag na anyông magíng?

Nag-aaral. Tinátawag na anyông magíng ang pangwatas na may pang-angkáp na magíng sa salitâng ugát.

G. ¿Paano ang mg̃a paraán ng̃ kanyáng pagbabaybáy?

N. Ang mg̃a kaparaanán ng̃ pagbabaybáy sa magíng ay katulad din ng̃ sa mg̃a ibáng anyô. Dapat maalalang sa mg̃a panahóng kasalukuyan at haharapín ay kailang̃ang ulitin ang unang dalawáng titik ng̃ hulíng pantíg ng̃ náturang anyô. Ihalimbawà natin ang mg̃a ugát na sukà at alak na kung angkapán kapwà ng̃ magíng ay nagigíng mg̃a pangwatas.

Ayos Panahón Sukà Alak
Pangbadyá   Magíng sukà[28] Magíng alak
Panghiwatig Kasalukuyan Nagigíng sukà Nagigíng alak
Nakaraán Nagíng sukà Nagíng alak
Nakaraán na Nagíng sukà na Nagíng alak na
Haharapín Magigíng sukà Magigíng alak
Pang-utos   Magíng sukà Magíng alak
Pangsukob Kasalukuyan Kung nagigíng sukà Kung nagigíng alak
Nakaraán Kung nagíng sukà Kung nagíng alak
Haharapín Kung magigíng sukà Kung magigíng alak

G. ¿Alín ang pangtiyák ng̃ anyông magíng?

N. Ang katugmâ nitóng anyông itó ay pagíng. Sa mg̃a pang̃ulong anyông pangtiyák ay isá lamang ang tinatanggáp: ang i na nagigíng ipagíng. Baybayín natin dito ang pangwatas na magíng sukà.

Ayos Panahón IPAGÍNG
Pangbadyá   Ipagíng alak
Panghiwatig Kasalukuyan Ipinagigíng alak
Nakaraán Ipinagíng alak
Nakaraán na Ipinagíng alak na
Haharapín Ipagigíng alak
Pang-utos   Ipagíng alak
Pangsukob Kasalukuyan Kung ipinagigíng alak
Nakaraán Kung ipinagíng alak
Haharapín Kung ipagigíng alak

G. ¿May ibá pa bagáng pangtiyák itóng magíng?

N. Mayroón pa pò: ang ika na nagsusulit ng̃ dahilán (ó motivo) at pa-in na nagbabadyá ng̃ pag-úutos, na kung iangkáp sa pagíng ay nagigíng ikapagíng at papagíng-in. Baybayín namán natin dito ang pangwatas na magíng alak.

  IKAPAGÍNG PAPAGÍNG-IN
Pangbadyá Ikapagíng alak Papagíng alakin
Kasalukuyan Ikinapagigíng alak Pinapagigíng alak
Nakaraán Ikinapagíng alak Pinapagíng alak
Nakaraán na Ikinapagíng alak na Pinapagíng alak na
Haharapín Ikapagigíng alak Papagigíng alakin
Pang-utos Ikapagíng alak Papagíng alakin
Kasalukuyan Kung ikinapagigíng alak Kung pinapagigíng alak
Nakaraán Kung ikinapagíng alak Kung pinapagíng alak
Haharapín Kung ikapagigíng alak Kung papagigíng alakin

G. ¿Alín ang kágamitán ng̃ anyông magíng?

N. Ginágamit siyá sa mg̃a tuntuning sumúsunód:

I.—Anó mang ugát ay magagawâng pangwatas sa magíng na ang kahulugá’y ang pagkakabago ó pagigíng anó man ng̃ isáng bagay, hal.: magíng sukà, magíng alak, magíng kahoy, magíng tao, magíng hayop, magíng banál, magíng dukhâ, magíng manók, atbp.

II.—Ginágamit din ang magíng sa ibá’t ibáng pang̃ung̃usap at nagkakaroón namán ng̃ ibá’t ibáng kahulugán, hal.: magíng akin, magíng iyó, magíng totoó, magíng kabulàanan, ¿magigíng ilán? at ibá’t ibá pa.

TALABABÂAN

[28] Dapat matantô na itóng magíng at ang kaniyáng sakláw ay sinising̃itan ng̃ ng̃a na nagigíng mang̃agíng, nang̃agigíng, at ibá pa, kailan ma’t tumutukoy sa bilang na dalawá ó marami.

XXVII KABANATA
Hinggíl sa anyông “MAGSÍ”

Gurò. ¿Anó ang pinamámagatáng anyông magsí?

Nag-aaral. Pinamámagatáng anyông magsí ang pangwatas na may pang-angkáp na magsí sa salitâng ugát.

G. ¿Alín ang tuntunin ng̃ kanyáng pagbabaybáy?

N. Ang mg̃a tuntunin nitóng magsí ay katulad din ng̃ sa magíng na inúulit ang hulíng pantíg ng̃ anyô sa mg̃a panahóng kasalukuyan at haharapín. Ang dapat lamang maalala sa anyông itó ay ang pangwatas na nagbuhat sa um at ang sa mag. Kung náuukol sa una ay magsí lamang at sa hulí’y magsipag. Baybayín natin ang mg̃a pangwatas na tumang̃is at mag-aral sa anyông itóng magsí at magsipag.

  Nagbuhat sa “UM” Nagbuhat sa “MAG”
Pangbadyá Magsitang̃is[29] Magsipag-aral
Kasalukuyan Nagsisitang̃is Nagsisipag-aral
Nakaraán Nagsitang̃is Nagsipag-aral
Nakaraán na Nagsitang̃is na Nagsipag-aral na
Haharapín Magsisitang̃is Magsisipag-aral
Pang-utos Magsitang̃is Magsipag-aral
Kasalukuyan Kung nagsisitang̃is Kung nagsisipag-aral
Nakaraán Kung nagsitang̃is Kung nagsipag-aral
Haharapín Kung magsisitang̃is Kung magsisipag-aral

G. ¿Alín ang pangtiyák ng̃ anyông magsí?

N. Ang pangtiyák na náuukol sa kanyá’y ang pagsí. Itó’y maáarì lamang tulung̃an ng̃ mg̃a pang̃ulong anyông i at an na nagigíng ipagsí at pagsi-an. Baybayín natin sa mg̃a náturang pangtiyák ang pangwatas na magsitang̃is.

  Ipagsí Pagsi-an
Pangbadyá Ipagsitang̃is Pagsitang̃isan
Kasalukuyan Ipinagsisitang̃is Pinagsisitang̃isan
Nakaraán Ipinagsitang̃is Pinagsitang̃isan
Nakaraán na Ipinagsitang̃is na Pinagsitang̃isan na
Haharapín Ipagsisitang̃is Pagsisitang̃isan
Pang-utos Ipagsitang̃is Pagsitang̃isan
Kasalukuyan Kung ipinagsisitang̃is Kung pinagsisitang̃isan
Nakaraán Kung ipinagsitang̃is Kung pinagsitang̃isan
Haharapín Kung ipagsisitang̃is Kung pagsisitang̃isan

G. ¿Alín ang talagáng kahulugán ng̃ náturang anyô?

N. Ang tunay na kahulugán ng̃ magsí ay tumutukoy sa karamihan ó sa lahát na siyáng gumagawâ ó nagtitiís ng̃ anó man sang-ayon sa lamáng tagláy ng̃ ugát, hal.: magsitang̃is, magsitawa, magsigawâ, magsilakad, magsitakbó, magsitulóy, magsipanhík, magsipasok, magsisulat, magsibasa, magsilabás, magsipanóod, magsiahon, magsipagsimbá, magsipaglutò, magsipagtaním, magsipagpasiál, magsipag-aral, magsipagsaing, magsipaglathalà, atbp.

TALABABÂAN

[29] Nangyayari kung minsan na itóng magsí at magsipag ay sinising̃itan ng̃ ng̃a, na, sa madalìáng sabi ay nagigíng mang̃agsí at mang̃agsipag, gaya ng̃ mang̃agsitang̃is at mang̃agsipag-aral. Ang kahulugán nitó’y hindî lubhâng naiibá sa mg̃a yaón, baga ma’t itó’y nagbabadyá ng̃ lalòng karamihan.

XXVIII KABANATA
Tungkól sa anyông “MAGPATÍ”

Gurò. ¿Anó ang tinátawag na anyông magpatí?

Nag-aaral. Tinátawag na anyông magpatí ang pangwatas na may pang-angkáp na magpatí sa salitâng ugát.

G. ¿Alín ang mg̃a panutong sinúsunód sa kanyáng pagbabaybáy?

N. Ang panuto nitóng magpatí ay dapat isunód sa magpaka na inúulit ang hulíng pantíg sa náturang anyô sa mg̃a panahóng kasalukuyan at haharapín. Sa pagbabaybáy ay ihalimbawà natin ang mg̃a ugát na luhód at higâ na kung angkapán ng̃ magpatí ay kapuwà nagigíng pangwatas.

  Luhód Higâ
Pangbadyá Magpatiluhód Magpatihigâ
Kasalukuyan Nagpapatiluhód Nagpapatihigâ
Nakaraán Nagpatiluhód Nagpatihigâ
Nakaraán na Nagpatiluhód na Nagpatihigâ na
Haharapín Magpapatiluhód Magpapatihigâ
Pang-utos Magpatiluhód Magpatihigâ
Kasalukuyan Kung nagpapatiluhód Kung nagpapatihigâ
Nakaraán Kung nagpatiluhód Kung nagpatihigâ
Haharapín Kung magpapatiluhód Kung magpapatihigâ

G. ¿Alín ang katugmâng pangtiyák ng̃ magpatí?

N. Ang katugmâ nitó ay pagpatí. Tinatanggáp niyá sa pagtulong ang ika na nagbabadyá ng̃ bagay ó dahilán at an na nagsusulit namán ng̃ poók ó dako; anó pa’t sa katagâng sabi ang pangtiyák ng̃ magpatí ay ikapagpatí at pagpati-an. Baybayín natin sa dalawáng itó ang pangwatas na magpatiluhód.

  IKAPAGPATÍ PAGPATI-AN
Pangbadyá Ikapagpatiluhód Pagpatiluhurán
Kasalukuyan Ikinapagpapatiluhód Pinagpapatiluhurán
Nakaraán Ikinapagpatiluhód Pinagpatiluhurán
Nakaraán na Ikinapagpatiluhód na Pinagpatiluhurán na
Haharapín Ikapagpapatiluhód Pagpapatiluhurán
Pang-utos Ikapagpatiluhód Pagpatiluhurán
Kasalukuyan Kung ikinapagpapatiluhód Kung pinagpapatiluhurán
Nakaraán Kung ikinapagpatiluhód Kung pinagpatiluhurán
Haharapín Kung ikapagpapatiluhód Kung pagpapatiluhurán

G. ¿Saán ginágamit ang anyông magpatí?

N. Ang mg̃a ugát na nagbabadyá ng̃ sarìsarìng anyô ó kilos ng̃ katawán na binabaybáy sa um ó sa mag, ay binabaybáy rin dito sa magpatí na ang kahulugán nitó’y umayos ó umanyô sa biglâáng gawâ ó kilos ng̃ anó man sang-ayon sa kátuturáng tagláy ng̃ ugát, hal.: magpatiluhód, magpatirapâ, magpatihulóg, magpatihigâ, magpatisubsób, magpatilagpák, magpatiupô, magpatihapay, magpatidulás, magpatiluklók, atbp.

Kung sa magpatí ay alisín ang g, at ang nátitiráng mapatí ay iangkáp sa mg̃a náturang kilos ng̃ katawán ay nagkakahulugán ng̃ gawâ, ayos ó galáw na hindî kinukusà alinsunod sa ugát na tagláy, hal.: mapatiluhód, mapatirapâ, mapatiupô, mapatisubsób, mapatihigâ, mapatihulóg, mapatihapáy, mapatitumbá, atbp. Dapat namáng mabatíd na kahì’t walâng ti ang magpatí kundî magpa lamang ay nagtatagláy rin ng̃ gayóng kahulugán kung iangkáp sa mg̃a násabing ugát, hal.: mapaluhód, maparapâ, mapaupô, mapasubsôb, mapahigâ, mapahulog, atbp.

XXIX KABANATA
Ukol sa anyông “MANGHÍ”

Gurò. ¿Anó ang tinátawag na anyông manghí?

Nag-aaral. Tinátawag na anyông manghí ang pangwatas na may pang-angkáp na manghí sa salitâng ugát.

G. ¿Nagkakaroón ba ng̃ mg̃a kabaguhan itóng manghí?

N. Nagkakaroón pò kailan ma’t iniáangkáp sa mg̃a ugát, at ang tuntunin ng̃ kanyáng pagkakabagobago ay dapat ialinsunod sa anyông mang gaya sa kukó ay manghing̃ukó, sa ting̃á ay manghining̃á.

G. ¿Paano ang paraán ng̃ kanyáng pagbabaybáy?

N. Gaya rin ng̃ mg̃a natapos ay inúulit ang hulíng pantíg ng̃ anyô sa mg̃a panahóng kasalukuyan at haharapín. Kunin nating halimbawà ang binanggít na kukó at ting̃á.

  Kukó Ting̃á
Pangbadyá Manghing̃ukó Manghining̃á
Kasalukuyan Nanghihing̃ukó Nanghihining̃á
Nakaraán Nanghing̃ukó Nanghining̃á
Nakaraán na Nanghing̃ukó na Nanghining̃á na
Haharapín Manghihing̃ukó Manghihining̃á
Pang-utos Manghing̃ukó Manghining̃á
Kasalukuyan Kung nanghihing̃ukó Kung nanghihining̃á
Nakaraán Kung nanghing̃ukó Kung nanghining̃á
Haharapín Kung manghihing̃ukó Kung manghihining̃á

G. ¿Alín ang pangtiyák ng̃ manghí?

N. Ang katugmâ nitóng pangtiyák ay panghí. Tumutukoy dito ang i at ang an na nagigíng ipanghí at panghi-an. Ang anyông in ay maáarì ring tumulong kung minsan baga ma’t kauntî ang sakláw niyáng mg̃a ugát. Sa pagbabaybáy nitóng pangtiyák ay kunin nating halimbawà ang pangwatas na manghing̃ukó.

  IPANGHÍ PANGHI-AN PANGHI-IN
Pangbadyá Ipanghing̃ukó Panghing̃ukuhán Panghing̃ukuhín
Kasalukuyan Ipinanghihing̃ukó Pinanghihing̃ukuhán Pinanghihing̃ukó
Nakaraán Ipinanghing̃ukó Pinanghing̃ukuhán Pinanghing̃ukó
Nakaraán na Ipinanghing̃ukó na Pinanghing̃ukuhán na Pinanghing̃ukó na
Haharapín Ipanghihing̃ukó Panghihing̃ukuhán Panghihing̃ukuhín
Pang-utos Ipanghing̃ukó Panghing̃ukuhán Panghing̃ukuhín
Kasalukuyan Kung ipinanghihing̃ukó Kung pinanghihing̃ukuhán Kung pinanghihing̃ukó
Nakaraán Kung ipinanghing̃ukó Kung pinanghing̃ukuhán Kung pinanghing̃ukó
Haharapín Kung ipanghihing̃ukó Kung panghihing̃ukuhán Kung panghihing̃ukuhín

G. ¿Alínalín ang kanyáng mg̃a kágamitán?

N. Ginágamit ang manghí sa mg̃a ugát na tumutukoy sa iláng mg̃a dumí ng̃ katawán ó sa iláng mg̃a hayuphayupan na nagkakahulugán ng̃ paglilinis, hal.: sa kukó ay manghing̃ukó, sa ting̃á ay manghining̃á, sa kuto ay manghing̃uto, sa tuma ay manghinuma, sa mutà ay manghimutà, sa tutulí[30] ay manghinulí, atbp.

Ginágamit din ang manghí sa iláng mg̃a ugát na bumabanggít sa mg̃a bagay na maáarìng pulutin, kunin, pilìin, hanapin, atbp., hal.: sa palay ay manghimalay, sa pulot ay manghimulot, sa puti ay manghimuti, sa tabas ay manghinabas, atbp.

Ginágamit pa rin ang manghí sa iláng ugát na tumutumbók sa ibá’t ibáng bagay, gaya sa sawà ay manghinawà, sa sayang ay manghinayang.

TALABABÂAN

[30] Ang ugát na itó’y náwawalâ ang unang pantíg kung iangkáp sa manghí.

XXX KABANATA
Hinggíl sa anyông “MAGKÁNG”

Gurò. ¿Anó ang tinátawag na anyông magkáng?

Nag-aaral. Tinátawag na anyông magkáng ang pangwatas na may pang-angkáp na magkáng sa salitâng ugát.

G. ¿Paano namán ang paraán ng̃ kanyáng pagbabaybáy?

N. Ang kaibhán nitóng magkáng sa ibáng mg̃a anyô ay inúulit ang unang pantíg ng̃ ugát sa lahát ng̃ panahón, bukód pa ang pag-úulit sa unang dalawáng titik ng̃ hulíng pantíg ng̃ náturang anyô sa mg̃a panahóng kasalukuyan at haharapín. Sa pagbabaybáy nitó ay kunin nating halimbawà ang mg̃a ugát na pawis at ihì na kung angkapán ng̃ magkáng ay nang̃agigíng pangwatas.

  Pawis Ihì
Pangbadyá Magkangpapawis Magkangíihì
Kasalukuyan Nagkakangpapawis Nagkakangíihì
Nakaraán Nagkangpapawis Nagkangíihì
Nakaraán na Nagkangpapawis na Nagkangíihì na
Haharapín Magkakangpapawis Magkakangíihì
Pang-utos Magkangpapawis Magkangíihì
Kasalukuyan Kung nagkakangpapawis Kung nagkakangíihì
Nakaraán Kung nagkangpapawis Kung nagkangíihì
Haharapín Kung magkakangpapawis Kung magkakangíihì

G. ¿Alín ang katugmâng pangtiyák ng̃ magkáng?

N. Ang katugmâ nitóng anyông itó ay pagkáng. Itó’y tinutulung̃an ng̃ i at ng̃ an na nagigíng ipagkáng at pagkáng-an. Sa pagbabaybáy ay kunin nating halimbawà ang pangwatas na magkangpapawis.

  IPAGKÁNG PAGKÁNG-AN
Pangbadyá Ipagkangpapawis Pagkangpapawisan
Kasalukuyan Ipinagkakangpapawis Pinagkakangpapawisan
Nakaraán Ipinagkangpapawis Pinagkangpapawisan
Nakaraán na Ipinagkangpapawis na Pinagkangpapawisan na
Haharapín Ipagkakangpapawis Pagkakangpapawisan
Pang-utos Ipagkangpapawis Pagkangpapawisan
Kasalukuyan Kung ipinagkakangpapawis Kung pinagkakangpapawisan
Nakaraán Kung ipinagkangpapawis Kung pinagkangpapawisan
Haharapín Kung ipagkakangpapawis Kung pagkakangpapawisan

G. ¿Saán ginágamit ang anyông magkáng?

N. Ginágamit ang magkáng sa mg̃a ugát na tumutukoy sa mg̃a bagay na lumalabás sa katawán ng̃ tao ó sa mg̃a anyô nitó na hindî kinukusà kundî pagkakátaón ó pagkapilit, hal.: magkangpapawis, magkangluluhà, magkangdudugô, magkangíihì, magkangtatae, magkangtatawa, magkanggagalit, magkanghihiyâ, magkangpuputot, atbp. Bukód dito ay ginágamit din sa ibáng bagay, gaya ng̃ magkangtutuyô, magkanghuhulog, magkangsasakít, magkanglilihís, magkanghuhubád, magkanglalabis, atbp.

XXXI KABANATA
Tungkól sa anyông “MAGSA”

Gurò. ¿Anó ang tinátawag na anyông magsa?

Nag-aaral. Tinátawag na anyông magsa ang pangwatas na may pang-angkáp na magsa sa salitâng ugát.

G. ¿Paano ang kanyáng paraán sa pagbabaybáy?

N. Gaya rin ng̃ mg̃a anyông nagdaán, na inúulit ang hulíng pantíg ng̃ anyông ibig baybayín sa mg̃a panahóng kasalukuyan at haharapín. Ihalimbawà natin sa pagbabaybáy ang ugát na tagalog na nagigíng pangwatas kung angkapán ng̃ magsa.

Ayos Panahón Tagalog
Pangbadyá   Magsatagalog
Panghiwatig Kasalukuyan Nagsasatagalog
Nakaraán Nagsatagalog
Nakaraán na Nagsatagalog na
Haharapín Magsasatagalog
Pang-utos   Magsatagalog
Pangsukob Kasalukuyan Kung nagsasatagalog
Nakaraán Kung nagsatagalog
Haharapín Kung magsasatagalog

G. ¿Alín ang pangtiyák nitóng magsa?

N. Ang talagáng katugmâ nitó’y pagsa sana, ng̃unì’t itó’y hindî angkáp na gamitin. Dapat lamang gamitin ang sa na tinutulung̃an ng̃ in at ng̃ i na nagigíng sa-in at ísa. Dapat lamang mabatíd na ang mg̃a pangtiyák na itó’y tang̃ìng magagamit kailan ma’t ang kahulugán ng̃ pangwatas ay náuukol sa pagsasalin ng̃ isáng wikà sa isáng kapwà wikà. Baybayín natin ang pangwatas na magsakastilà.

  SA-IN ÍSA
Pangbadyá Sakastilàin[31] Isakastilà
Kasalukuyan Sinasakastilà Isinasakastilà
Nakaraán Sinakastilà Isinakastilà
Nakaraán na Sinakastilà na Isinakastilà na
Haharapín Sasakastilàin Isasakastilà
Pang-utos Sakastilàin Isakastilà
Kasalukuyan Kung sinasakastilà Kung isinasakastilà
Nakaraán Kung sinakastilà Kung isinakastilà
Haharapín Kung sasakastilàin Kung isasakastilà

G. ¿Saán ginágamit itóng anyông magsa?

N. Kung iangkáp sa mg̃a ugát na anó man ay nagkakahulugán ng̃ pagparis ó pagtulad sa mg̃a gawî, kilos, ugalì, pananamít, atbp., hal.: magsaamerikano, magsakastilà, magsainglés, magsaintsík, magsabisayà, magsailokano, magsapusà, magsakahoy, magsabanal, atbp.

Kung iangkáp sa mg̃a ng̃alan ng̃ ibá’t ibáng wikà sa Sangsinukob ay nagkakahulugán namán ng̃ pagsasalin ng̃ isá sa isá, hal.: magsakastilà, magsatagalog, magsainglés, magsabisayà, magsailokano, magsaalemán, magsaintsík, magsakapangpang̃an, atbp.

TALABABÂAN

[31] Lalòng malimit gamitin sa ganitóng bagay ang in lamang na walâng sa, sa makatuwíd bagá’y nagigíng kastilàin, kinakastilà, kakastilàin, atbp.

XXXII KABANATA
Salitâng Pangbago (ó Adverbio)

Gurò. ¿Anó ang kátuturán ng̃ salitâng pangbago?

Nag-aaral. Ang pangbago ay isáng pangkát ó bahagi ng̃ kaisipán na siyáng malimit na isinásama sa pangwatas, ó sa ibá pang pang̃ung̃usap na sakláw ng̃ kaisipán upáng bumago sa kanyáng tagláy na kahulugán; gaya ng̃: lumakad ka ng̃ MARAHAN, bumasa kayó ng̃ MADALÎ, tumakbó siyá ng̃ MATULIN; mg̃a pagbabadyáng ang mg̃a pangbagong marahan, madalî, matulin ay siyáng bumabago sa mg̃a pangwatas na lumakad, bumasa at tumakbó.

G. ¿Alín pang mg̃a salitâ ang maáarìng samahán ng̃ pangbago?

N. Bukód pa sa pangwatas ay maáarì ring sumama ang pangbago sa pangturing (ó adjetivo), sa kapuwà pangbago at kung minsa’y sa pangdiwà (ó sustantivo); hal.: totoóng PANG̃IT, lubhâng MALAYÒ, labis na KAGANDAHAN.

G. ¿Alín ang kaibhán ng̃ pangbago sa pangturing?

N. Ang pangbago ay naiibá sa pangturing dahil sa itó’y lagìng kasakasama ng̃ pangdiwà at yaó’y kaakibat na madalás ng̃ pangwatas. Marami ng̃âng salitâng pangturing ang ginágamit din sa pangbago, ng̃unì’t itó’y nagkakahulugán ng̃ mg̃a bagay na hindî tiyák, at lagìng na sa bilang na íisá, mg̃a bagay ó dahiláng malinaw na makikilala sa lamán ng̃ pang̃ung̃usap ó ng̃ kaisipán. Ang bagay na itó’y lalòng maliliwanagan sa pamamagitan ng̃ isáng halimbawà. Kung sabihing ang TUBIG ay MALINAW, at itóng TAO ay MABUTI ay hindî mapag-áalinlang̃anang ang mg̃a salitâng malinaw at mabuti ay kapuwà pangturing na kinasasamahan ng̃ mg̃a pangdiwàng tubig at tao. Ng̃unì’t kung sabihin namáng MANG̃USAP kang MALINAW, at SUMULAT siyáng MABUTI, ang mg̃a salitâ ritong malinaw at mabuti ay mg̃a pangbago at hindî mg̃a pangturing, sapagkâ’t ang kaniláng kinasasangkapán ay mg̃a pangwatas na mang̃usap at sumulat.

G. ¿May iláng urì ang mg̃a salitâng pangbago?

N. May dalawá katulad ng̃ salitâng pangturing: dalisaysimple) at mayhalòcompuesto). Gaya nang ipinaliwanag, dalisay ay ang ugát na walâng sangkáp, gaya ng̃ dito, diyán, doón, labis, lubhâ, lalò, oo, hindî, totoó, atbp.; at mayhalò ay ang ugát na may sangkáp, na itó’y mangyayari sa pag-áangkáp ng̃ ma, gaya ng̃ matulin, marahan, malinaw, mabuti, masamâ, madalî, malimit, malayò, madalang, marami, atbp.

G. ¿Ang mg̃a pangbago ay maáarì rin bang gawíng salitâng pangtaás (ó superlativo) at pangbawas (ó diminutivo)?

N. Maáarì rin pò; ang pagbubuô sa pangtaás ay inúulit ang buông salitâng pangbago, gaya ng̃ mabuting mabuti, masamâng masamâ, malinaw na malinaw, mahusay na mahusay, atbp.; ang sa pangbawas ay inúulit lamang ang unang dalawáng pantíg ng̃ salitâ kung itó’y may tatló, at kung may dalawá ay inúulit namáng buô, gaya ng̃ maminsanminsan, manakanaka, mámayámayâ, mabutibuti, maigiigi, inótinót, untîuntî, dahandahan, atbp.

SA IBÁ’T IBÁNG BAHAGI NG̃ PANGBAGO

G. Hinggíl sa ibá’t ibáng kahulugán nitóng pangbago, ¿sa paano dapat hatìin upáng magkabukódbukód?

N. Dapat bahagiin sa mg̃a ganitóng kátawagán: pangbago sa panahóntiempo), sa poóklugar), sa ayosmodo), sa sukatcantidad), sa tuladcomparación), sa hanáyorden), sa pagpapatotoóafirmación), sa pagkakailânegación) at sa álinlang̃anduda).

G. ¿Alínalín ang sakláw ng̃ kaníkanyáng bahagi?

N. Ang mg̃a pang̃ulong sakláw ng̃ bawà’t kátawagán ay itóng mg̃a sumúsunód:

Sa PANAHÓN, gaya ng̃ ng̃ayón, bukas, kahapon, kamakalawá, kamakailan, kanina, muna, bago, mámayâ, sakâ, hulí, tanghalì, maaga, kagabí, tuwî, tuwî na, kailan man, samantalà, atbp.

Sa POÓK, gaya ng̃ dito, dini, diyán, doón, malapit, malayò, saán, sa loób, sa labás, sa haráp, sa likód, sa itaás, sa ibabâ, sa ibabaw, sa ilalim, sa tapát, sa gitnâ, sa siping, sa tabí, sa pag-itan, sa piling, sa kabilâ, saán man, atbp.

Sa AYOS, gaya ng̃ ganitó, ganirí, ganoón ó gayón, ganyán, gaya, para, mabuti, masamâ, tikís, sadyâ, kusà, kaginságinsá, biglâ, agád, kagyát, bukód ó tang̃ì, akbáy, agapay, sabáy, pagdaka, liban, lamang, bahagyâ, halos, ayon, alinsunod, baligtád, tiwarík, atbp.

Sa SUKAT, gaya ng̃ marami, kauntî, kapaták, karampót, muntî, walâ, kasiyahan, kaigihan, katamtaman, siyá na, sukat, lubhâ, atbp.

Sa TULAD gaya ng̃ lalò, higít, labis, kulang, atbp.

Sa HANÁY gaya ng̃ káunáunahan, sunódsunód, káhulíhulihan, kátapustapusan, káwakáswakasan, atbp.

Sa PAGPAPATOTOÓ, gaya ng̃ oo, oo ng̃â, siyá ng̃â, totoó, totoóng totoó, gayón ó gayón din, mandín, kaipalà pa, atbp.

Sa PAGKAKAILÂ, gaya ng̃ hindî ó , dilì, ni, isá man, hindî rin, huwág, hindîng hindî, kailan man, atbp.

Sa ÁLINLANG̃AN, gaya ng̃ marahil, sakalì, kung sakalì, kung bagá, sakalì, disin, diwa, tila, bakâ, atbp.

G. ¿Mayroón bang pangbago na náuukol sa dalawáng kátawagán?

N. Mayroón pò, ng̃unì’t íilán lamang, gaya ng̃ kailan man na náuukol sa PANAHÓN at sa PAGKAKAILÂ, hal.: ng̃ayón at KAILAN MAN; hindî ko ginagawâ KAILAN MAN ang iyóng sinasabi.

XXXIII KABANATA
Salitâng Pang-ukol (ó Preposición)

Gurò. ¿Anó ang tinátawag na salitâng pang-ukol?

Nag-aaral. Tinátawag na pang-ukol ang pangkát ó bahagi ng̃ kaisipán na siyáng ginágamit sa pagbabadyá ng̃ kaukulán ó kapangyarihan ng̃ dalawáng pang̃ung̃usap; hal.: tubig na malinaw; aklát ni Terio; kumot sa Iloko.

G. ¿Marami bagá ang mg̃a salitâng pang-ukol sa ating wikà?

N. Sa biglâng pagkukurò ay walâ isá man sa Wikàng Tagalog ng̃ mg̃a salitâng pang-ukol, sapagkâ’t ang mg̃a náuukol sa kanyá ay ginágamit na sa ibáng panig gaya sa pang-anib (ó ligazón) at sa pang-akbáy (ó artículo). Gayón man, sapagkâ’t itóng bahagi ng̃ pang-ukol ay isá sa maháhalagáng pangkát ng̃ kaisipán ay kinakailang̃ang magkaroón siyá ng̃ mg̃a salitâng dapat gamitin yamang dito’y lalòng tumpák ang paggamit. Náitó ang mg̃a salitâng pang-ukol sa ating wikà: na, ni, kay, ng̃, pará kay, pará sa, laban kay, laban sa, sa haráp, sa ilalim, sa may, mulâ ó sapúl, dapit ó dako, hanggán, ayon ó alinsunod, at bagay sa, ó tungkól sa.

G. ¿Kailán ginágamit ang bawà’t isá?

N. Isáisáhín natin ang pagpapaliwanag:

Ginágamit ang na kung pinaglalakip ang dalawáng bagay na, ang isá’y náuukol sa isá, hal.: bahay na pawid, aklát na mapulá, tubig na malinaw. Dapat matantô na itóng pang-ukol na na ay inilálagáy na na kailan ma’t ang unang salitâ ó bagay ay nagtatapós sa pangtinig, liban lamang sa n. Kung nagtatapós namán sa ting̃ig (ó vocal), ang na ay nagigíng ng, na isinusugpóng sa unang salitâ, gaya ng̃: magandáng barò, dakilàng asal, malakíng bahay. Kung nagtatapós sa n, ang na ay nagigíng g lamang na isinusugpóng din sa unang salitâ, gaya ng̃: bayang marang̃ál, kundimang marikít, tugtugang masayá.

Ginágamit ang ni kailan ma’t pinaglalakip ang isáng bagay na anó man sa isáng ng̃alan ng̃ táong kinaúukulan ó nagmamayarî, hal.: bahay ni Tasio, alak ni Ayala, aklát ni Huan.

Ginágamit ang kay kailan ma’t pinagsasama ang isáng salitâng nagbabadyá ng̃ anó mang layon sa ng̃alan ng̃ táong paglalayunan, hal.: tumirá kay Luis, dumalaw kay Mariano, tumung̃o kay Pedro.

Ginágamit ang ng̃ kailan ma’t ibig pagsamahin ang isáng bagay ó kasangkapan sa isáng kapwà bagay ó ng̃alan ng̃ katungkulan na siyáng kinaúukulan ó nagmamayarî, hal.: haligi ng̃ bahay, tungkô ng̃ kalán, bayabas ng̃ tao, aklát ng̃ abogado, panitik ng̃ mánunulát. Kung minsa’y hindî na nilálagyán ng̃ ng̃, hal.: Panulat-babae, timpalák-kagandahan, atbp.

Ginágamit ang sa kailan ma’t nais pagsamahin ang isáng salitâng nagsusulit ng̃ anó mang layon sa ng̃alan din ng̃ anó mang bagay na pinaglalayunan, hal.: lumang̃óy sa tubig, sumakáy sa bangkâ, tumung̃o sa bukid, tumirá sa bundók. Ginágamit din ang sa kailan ma’t pinaglalakip ang anó mang bagay sa bayang kanyáng pinanggaling̃an, hal.: tubig sa Mariláw, tabako sa Kagayán, tao sa Bisayà, kumot sa Iloko, barò sa Kalibo, Birhen sa Mulawin, atbp. Sa bagay na itó’y madalás din namáng hindî na lagyán ng̃ sa, ó dilì kayâ’y sa pamamagitan lamang ng̃ pang-anib (ó ligazón), hal.: tubig Mariláw, kumot Iloko, tabakong Kagayán, taong Bisayà, baròng Kalibo, atbp.

Ginágamit ang pará kay kung ibig pagsamahin ang isáng bagay ó ng̃alang tiyák sa isáng ng̃alan namán ng̃ tao na kanyáng kinaúukulan, hal.: itóng manggá’y pará kay Luis, yaóng saging ay pará kay Binong, si Mameng ay pará kay Huan, si Anong ay pará kay Binay.

Ginágamit namán ang pará sa kailan ma’t pinagsasama ang isáng bagay ó ng̃alan sa isáng bagay na kanyáng kinaúukulan, hal.: Ang Pilipinas ay pará sa mg̃a pilipino, ang babae ay pará sa lalaki, ang anák ay pará sa iná, ang tao ay pará sa bayan, akó’y pará sa iyó, si Huan ay pará sa pusà.

Ginágamit din ang laban kay kailan ma’t nais pagsamahin ang isáng bagay ó ng̃alang tiyák sa isáng ng̃alan ng̃ táong kinakalaban ó kakalabanin, hal.: Si Jeffries laban kay Johnson, ang suiso’y laban kay Rakú, si Kulás ay laban kay Ninoy.

Ginágamit ang laban sa kailan ma’t pinagsasama ang isáng bagay ó ng̃alan sa isáng bagay na kanyáng kinakalaban, hal.: ang pusà’y laban sa áso, ang ahas ay laban sa dagâ, ang tao’y laban sa hayop, si Lucio’y laban sa tigre, ang Rusia’y laban sa Hapón, ang Espanya’y laban sa Maruekos.

Ang kágamitán ng̃ ibá pang pang-ukol ay dî na dapat pagpaliwanagan, sapagkâ’t hindî lubhâng kahirapang gawín.

XXXIV KABANATA
Salitâng Pangbigkís (ó Conjunción)

Gurò. ¿Anó ang salitâng pangbigkís?

Nag-aaral. Pangbigkís ay isáng pangkát ó bahagi ng̃ kaisipán na siyáng ginágamit sa pagbibigkís ó pagsasama ng̃ mg̃a pang̃ung̃usap at ng̃ mg̃a kaisipán, hal.: Si Lucio AT si Pedro ay kapuwà mabuti; si Lukas ay mayaman, NG̃UNÌ’T maramot; siyá’y hindî paroroón, SAPAGKÂ’T may sakít.

G. Upáng magkabukódbukód ang ibá’t ibáng urì ng̃ mg̃a pangbigkís ¿sa anó itó dapat hatìin?

N. Dapat hatìin sa mg̃a kátawagáng sumúsunód: pangbigkís sa pag-íisácopulativa), sa paghihiwaláydisyuntiva), sa pagsubalìadversativa), sa pagtikímcondicional), sa pagdadahiláncausal), sa pagpapatulóycontinuativa), sa pagpapariscomparativa), sa paglalayonfinal) at sa pagtatamóilativa).

PANGBIGKÍS SA PAG-ÍISÁ

G. ¿Anó ang pangbigkís sa pag-íisá at alín ang kanyáng sakláw?

N. Ang salitâng ginágamit lamang sa pagsasama ng̃ isáng pang̃ung̃usap sa kapuwà, ó kayâ’y sa dalawáng kaisipán. Ang kanyáng sakláw ay itó: at, sakâ, patí, sampuô, ni, man.

G. ¿Saán ginágamit ang at?

N. Ginágamit ang at sa mg̃a salitâ ó sa mg̃a kaisipáng nagsasaád ng̃ pagpapatotoó, hal.: ang tao AT ang hayop ay kapuwà kinapál ng̃ Lumikhâ; si Mariano AT si Antonio ay kapuwà marunong; ang pagmámahál sa ating wikà ay isáng banál na gawâ AT ang gumágamit sa kanyá’y maituturing na magiting sa ating bayan.

Pagkâ marami ang mg̃a pang̃ung̃usap ó kaisipáng nagkakasunódsunód na pagsasamasamahin sa pamamagitan ng̃ pangbigkís at, itó’y kailang̃an lamang gamitin sa hulíng salitâ ó kaisipán, hal.: ang mg̃a tao, hayop, lang̃it, lupà AT halaman ay paraparang nilikhâ ng̃ Maykapál; ang pagsusugál ay siyáng nagpapadayukdók, nagpapasirà ng̃ puri AT humihila sa katamarán.

Kung minsa’y ang at ay paulitulit at siyáng nagsasama sa dalawá ó tatlóng salitâ na bumubuô ng̃ mg̃a pangkát na ibá’t ibá, at ang pangkát na itó’y hindî kailang̃ang dugtung̃án ng̃ násabing at, hal.: ang lalaki AT babae, batà, binatà AT matandâ, pang̃inoón AT alilà, mayaman AT dukhâ ay paraparang tao na may karapatáng mabuhay sa balát ng̃ lupà.

Sa iláng salitâng pangdiwà, pangturing ó pangwatas ay nangyayaring huwág lagyán saán man ng̃ at, hal.: ang mg̃a bahay, simbahan, tuláy, halaman ay pawàng nang̃asirà lahát; si Pedro’y mabaít, marunong, magandá, mayaman; sumulong ka, lakad, takbó.

Kung minsan namá’y inúulit sa bawà’t salitâ ang pangbigkís at kahì’t na yaó’y lubhâng marami, hal.: sinigawán ko silá ng̃ isá at dalawá at tatló at apat na sigáw at hindî rin mang̃akariníg.

G. ¿Saán ginágamit ang sakâ?

N. Ginágamit itóng sakâ sa pagbibigkís din ng̃ mg̃a salitâng nagbabadyá ng̃ pagpapatotoó. Kung talagáng pakasusurìin ang talagáng kahulugán ng̃ sakâ ay nakákatumbás ng̃ pa na naghihiwatig ng̃ pagdaragdág, hal.: ang pusà, áso, baboy sakâ manók ay pawàng mg̃a hayop. Nakákatumbás din niyáng madalás ang pangbigkís at, hal.: ang pusà, áso, baboy at manók, atbp. Malimit ding mangyari na ang sakâ ay idinurugtóng sa at na ang kahulugá’y hindî rin nagbabago, hal.: ang pusà, áso, baboy at sakâ manók ay pawàng mg̃a hayop. Dapat matantô na ang kaibhán ng̃ sakâ sa at ay hindî yaón maáarìng gamitin sa pagbibigkís ng̃ mg̃a kaisipán (ó oración).

G. ¿Saán ginágamit ang patí?

N. Gaya rin ng̃ sakâ na ginágamit sa pagsasama ng̃ mg̃a salitâng nagsusulit ng̃ pagpapatotoó, baga ma’t ang patí ay nagkakahulugán ng̃ pagkakásama at hindî pagdaragdág, hal.: Noó’y payapà ang dagat, tahimik ang hang̃in, patí ng̃ ibo’y humuhuni ng̃ buông lugód sa himpapawíd. Kung ang patí ay hindî pang̃ung̃unahan ng̃ isáng pangtigil (ó coma) ay karaniwang pang̃unahan ng̃ at, hal.: Payapà niyón ang dagat at patí ng̃ hang̃i’y lubhâng tahimik. Kung ang patí ay na sa una ng̃ mg̃a salitâ ay nakákatumbás ng̃ pa baga ma’t itó’y hindî rin lubhâng angkáp, hal.: patí akó’y kanyáng idinamay; patí ng̃ sandók ay iyóng hinihirám; na, ganitó ang mg̃a katumbás na sabihin: akó pa’y kanyáng idinamay; ang sandók pa’y iyóng hinihirám.

G. ¿Saán namán ginágamit ang sampuô?

N. Ginágamit itóng katulad na katulad ng̃ patí, magíng sa una mapalagay at magíng sa gitnâ.

G. ¿Anó ang kágamitán ng̃ ni?

N. Ginágamit ang ni sa pagbibigkís ng̃ dalawáng salitâ na nagbabadyá ng̃ pagkakailâ; at sa bagay na itó ay inúulit din ang ni, ó kayâ sa una’y ginágamitan ng̃ isáng pangbago (ó adverbio) na may kahulugán ding pagkakailâ, hal.: ni akó ni ikáw ay hindî magtatamó ng̃ kapalaran; hindî nagalit ni natuwâ ang aking binirò. Sa hulíng bagay na itó’y maáarì ring sundán ng̃ isáng pangbago ang pangbigkís ni na, ang náturang pangbago ay siyá ring ginamit sa una, upáng magkaroón ng̃ lalòng lakás ang pagtatatuwâ, hal.: hindî nagalit ni dî natuwâ ang aking binirò.

G. ¿Alín ang kágamitán ng̃ man?

N. Ginágamit ang man gaya rin ng̃ ni sa pagsasama ng̃ dalawáng salitâng nagsusulit ng̃ pagtatatuwâ, baga ma’t siyá’y walâng totoóng lakás na tagláy na paris ng̃ ni, hal.: ni ikáw ni akó ay hindî nagkápalad; ay másasabi sa man ng̃ ganitó: ikáw ma’t akó ay hindî nagkápalad.

PANGBIGKÍS SA PAGHIHIWALÁY

G. ¿Anó ang pangbigkís sa paghihiwaláy, at alín ang kanyáng sakláw?

N. Ang salitâng nagbabadyá ng̃ pagkakáibá ó pagkakáhiwaláy ó pagkakabago ng̃ dalawá ó maraming bagay, mg̃a pagkukurò ó mg̃a pang̃alan. Ang sinásakláw niyá’y itó: ó, ó kayâ, dilì kayâ, magíng.

G. ¿Saán ginágamit ang ó, ó kayâ, dilì kayâ?

N. Ginágamit ang ó sa mg̃a salitâng nagsusulit ng̃ pagkakáhiwaláy, hal.: tao Ó hayop, patáy Ó buháy, ikáw Ó akó.

Ginágamit din ang ó sa pagpapaliwanag ng̃ salitâng sinambít na, hal.: si Rizal ó ang Dakilàng Bayani ng̃ mg̃a pilipino ay pinatáy ng̃ kanyáng kaaway.

Ginágamit ang ó kayâ kawangkî ng̃ ó lamang, hal.: tao ó kayâ’y hayop; patáy ó kayâ’y buháy, atbp.

Ginágamit namán ang dilì kayâ katulad din ng̃ ó kayâ, hal.: bukas dilì kayâ’y sa makalawá; sa sábado dilì kayâ’y sa linggó. Dapat matantô na itó’y hindî malimit gamitin dî gaya ng̃ ó at ó kayâ.

G. ¿Saán ginágamit namán ang magíng?

N. Ginágamit ang magíng sa mg̃a bagay na ring nasambít, at sa kanyáng paggamit ay kailang̃ang ulitin, hal.: magíng ng̃ayón, magíng bukas ay walâng kailang̃an; magíng ikáw, magíng akó ay íisá rin. Kailang̃ang matantô na kung pinag-úulitulit itóng magíng ay karaniwan nang pag-itanan ng̃ pangbigkís na ó, hal.: magíng sa lakad, magíng sa takbó ó magíng sa lang̃óy ay walâ kang magagawâ.

PANGBIGKÍS SA PAGSUBALÌ

G. ¿Anó ang sinasaysáy ng̃ pangbigkís sa pagsubalì?

N. Ang salitâng nagsasaysáy ng̃ iláng paglabág ó pagsuwáy ukol sa mg̃a násabi at sa mg̃a sasabihin.

G. ¿Alínalín ang malimit gamitin?

N. Itóng mg̃a sumúsunód: ng̃unì, dátapuwâ ó dapuwâ, subalì, baga man, kahì ó káhimán, bagkús, kundî; hal.: Ibig ko sanang kumain, ng̃unì’t hindî maarì; siyá’y mariwasâ, dátapuwâ’tdapuwâ’t) maramot; ang mg̃a lihim ng̃ Kalikasán ay hindî maabótabót ng̃ isip ng̃ tao, subalì’t pinagsusumikapang matarók hanggáng kaubúduburan; baga ma’t siyá’y dukhâ ay marang̃ál namáng tao; kahì’tkáhimán) akó’y walâng muwáng ay nakababatíd din ng̃ iláng karapatáng katutubò sa tao; huwág mong gawín sa ganyáng paraán kundî sa ganitó.

G. ¿Anóng kaibhán mayroón ang kundî sa kung dî?[32]

N. Hindî dapat ibilang sa íisá ang dalawáng itó, sapagkâ’t may malakíng aguwát ang kahulugán ng̃ isá’t isá. Ang kundî na may isáng pang̃ung̃usap ay pangbigkís (ó conjunción) at ang kung dî na may dalawáng salitâ ay pangbago (ó adverbio). Upáng maiwasan ang pagkakalahók ó pagkakámalî ay dapat matantông ang kung dî ay maáarìng gawíng kung hindî na may íisáng kátuturán, samantalàng ang kundî ay dî maáarìng baguhin ó dagdagán. Halimbawà: Hindî ikáw ang tinátawag ko kundî (pangbigkís) si Pedro; hindî mo siyá áabutan kung dîkung hindî) ka magmamadalî.

UKOL SA IBÁNG PANGBIGKÍS

G. ¿Anó ang ibinabadyá ng̃ pangbigkís sa pagtikím?

N. Nagbabadyá ng̃ iláng pagtikím (ó condición) ó ang nang̃áng̃ailang̃ang maganáp ang anó mang pangyayari.

G. ¿Alínalín ang mg̃a pangbigkís na itó?

N. Ang mg̃a itó: kung, pag, kapág, pagkâ, kailan man, yamang ó yayamang. Halimbawà: kung ibig mong matuto ay mag-aral ka; kapág ikáw’y natulog akó ay áalís; pagkâ akó’y sumusulat ay huwág kang magaláw; makapaglalarô ka, kailan ma’t natapos mo ang iyóng ginagawâ; tuwîng babasa ka’y babasa rin akó; yamangyayamang) akó’y sinaklolohan mo, kitá namá’y pagpapalàin.

Dapat mabatíd na ang pangbigkís kung ay hindî nagbabadyá kung minsan ng̃ pagtikím kundî ng̃ pag-áalinlang̃an, hal.: ¿kung sino akó? ¿kung áaraw bukas? Dapat ding mabatíd na ang mg̃a salitâng sa tuwî ó tuwî na ay katulad din ng̃ pangbigkís na tuwî.

G. ¿Anó ang pangbigkís sa pagdadahilán?

N. Ang salitâng ipinang̃ung̃una sa mg̃a kaisipáng nagbibigáy ng̃ dahilán ó katuwiran sa anó mang bagay na sinambít. Ang kanyáng sakláw ay itó: sapagkâ’t ó pagkâ’t, palibhasà; hal.: hindî siyá makapasok, sapagkâ’tpagkâ’t) may sakít; siyá’y marunong ng̃ayón, palibhasà’y pinag-aral siyá ng̃ kanyáng magulang.

G. ¿Anó ang pangbigkís sa pagpapatulóy?

N. Ang salitâng ginágamit sa pagpapatulóy ó pagtulong sa kaisipán, at itó: kung gayón, kayâ ng̃â; hal.: Ipinang̃ang̃aral ko sa iyó, kung gayón, na huwág mo nang gagawín sa mulîmulî; kayâ ng̃â, nang huwág tayong madakíp ay huwág kang maing̃ay.

G. ¿Anó ang kahulugán ng̃ pangbigkís sa pagpaparis?

N. Yaóng salitâng nagsusulit ng̃ pagpapara ó pagtutulad ng̃ isáng bagay na talinghagà sa isáng kaisipáng talinghagà rin, at náitó: kung paano, gayón, ó gayón din, hal.: kung paano ang kadilimán ng̃ pang̃inorin kung nagbabalàng umulán, ay gayóngayón din) ang kalabùan ng̃ katuwiran sa ibabaw ng̃ lupà.

G. ¿Anó ang kátuturán ng̃ pangbigkís sa paglalayon?

N. Yaóng salitâng inilálagáy sa una ng̃ isáng kaisipán na siyáng nag-úulat ng̃ layon ó nasà ng̃ isá ó iláng kaisipáng nang̃auná, at náitó: upáng, nang, pará, hal.: Nagsisikap siyá sa paggawâ upáng mabuhay; nag-áaral ang tao nang dumunong; naghahanap-buhay akó pará sa kagaling̃an mo.

G. ¿Anó ang kahulugán namán ng̃ pangbigkís sa pagtatamó?

N. Ang salitâng ginágamit sa pagtatamó ó pagkakaroón ng̃ isáng kabagayán hinggíl sa mg̃a bagay na naipahiwatig na, at náitó: kung gayón ó kung magkagayón; hal.: Walâ kang puknát sa pagtatapon ng̃ salapî sa mg̃a bagay na walâng kabuluhán, kung gayónmagkagayón) ay dárating ang araw ng̃ iyóng pagtang̃is at pagsisisi.

TALABABÂAN