VIII KABANATA
Ang panghatì at ang paraán ng̃ pagkakabahábahagi
ng̃ mg̃a pantíg
Gurò. ¿Anó ang ibig ipakilala ng̃ panghatì (ó guión)?
Nag-aaral. Ang panghatì ay siyáng nagpapakilala na ang isáng pang̃ung̃usap ay hindî buô.
G. ¿Paano ang mabuting paraán ng̃ pagbábahagi?
N. Kung tayo’y sumusulat, at sakalìng mangyari na sa katapusán ng̃ isáng talatà (ó renglón) ay hindî magkahustó ang isáng buông pang̃ung̃usap, itó’y kinakailang̃ang hatìin sa hustó ó buông pantíg upáng malagáy ng̃ tumpák; hal.: na-sa, bug-tóng, pa-la-gáy, á-na-san.
G. ¿Tumpák bagá ang pagbábahaging ganitó na ang isáng ting̃ig (ó vocal) ng̃ isáng salitâ ay mátirá sa isáng talatà?
N. Ang mg̃a salitâng nagsisimulâ ó nagtatapós sa ting̃ig (ó vocal), ang ting̃ig na itó’y dî dapat ilagáy na siyáng siyá lamang magíng sa una at magíng sa hulí ng̃ talatà. Halimbawà ang salitâng a-ba-ka-dá ay hindî tumpák kung ilálagáy ang a- sa katapusán ng̃ talatà (ó línea) at ang ba-ka-dá ay sa kabilâ namán. Gayón din ang sukat másabi hinggíl sa salitâng to-to-ó: itó’y hindî dapat hatìin sa toto sa talatàng katapusán at ang ó ay sa kabilâ namán.
G. ¿Paano ang pagbábahagi sa mg̃a salitâng ugát?
N. Ang mg̃a salitâng ugát (ó raíz) ay dî dapat hatìin katulad ng̃ ginagawâ sa mg̃a salitâng kastilà, kundî ang nátutumpák ay hatìin paris ng̃ sa ating pagbigkás. Halimbawà: tuk-lóng, kud-lít, pat-láng, at ibá pa, at hindî tu-klóng, ku-dlít, pa-tláng.
G. ¿Paano ang tumpák na paghahatì sa mg̃a salitâng binawasan (ó sincopado)?
N. Ang mg̃a salitâng binawasan na lubhâng marami sa sariling wikà, gaya ng̃ matwíd, agwát, takwíl, kálulwá, kalwalhatian, atbp. ay dapat paghatìhatìin ng̃ ganitó: mat-wíd, ag-wát, tak-wíl, ká-lul-wá, atbp.
G. ¿Paano ang mabuting pagbábahagi sa mg̃a salitâng pinag-angkóp?
N. Ang mg̃a salitâng pinag-angkóp sa pamamagitan ng̃ mg̃a anyô (ó partícula) gaya ng̃ pag, mag, at ibá pa ay dapat hatìin nang huwág masisirà ang ganitóng pagkakahiwáhiwaláy; hal.: pag-a-sa, pag-i-big, mag-i-sip, mag-a-ka-la.
IX KABANATA
Ukol sa pagsulat ng̃ iláng salitâ[38]
Gurò. ¿Paano ang pagsulat ng̃ ng̃?
Nag-aaral. Itóng ng̃ ay salitâng daglî (ó abreviatura) ng̃ nang, na pinagkaraniwanan nang gawíng gayón. Dapat mabatíd na ang ng̃ ay isinusulat ng̃ ganitó kailan ma’t pang-ukol (ó preposición). Kung pangbago (ó adverbio) ay dapat isulat ng̃ nang na nakákatumbás ng̃ noón ó niyón, at dî dinaglî (ó abreviado) ng̃. Gayón din ang dapat gawín kapág náuukol sa pangbigkís (ó conjunción) na nakákatumbás ng̃ upáng. Isinusulat din ng̃ nang kailan ma’t binubuô ng̃ na at ng̃ pang-anib (ó ligazón) ng.
G. ¿Paano ang pagsulat ng̃ mg̃a?
N. Ang mg̃a ay karaniwan nang isulat ng̃ ganitó. Siyá’y salitâng daglî (ó abreviatura) ng̃ mang̃a.
G. ¿Alín ang tuntunin sa pagsulat ng̃ anyông mag?
N. Ang mag ay dapat lagyán ng̃ isáng panghatì (ó guión) kailan ma’t iniáangkáp sa mg̃a ugát na nagpapásimulâ sa ting̃ig (ó vocal) na tumutukoy sa anó man, magíng sa pangwatas at magíng sa pangdiwà; gaya ng̃ mag-ahit, mag-aral, mag-isip, mag-amá, mag-iná. Kung ang ugát ay nagpapásimulâ sa pangtinig (ó consonante) ay dî dapat pagitnâan ng̃ isáng panghatì (ó guión), hal.: magtulóy, magpasok, magsaing.
G. ¿Alín ang panutong sinúsunód sa pagsulat ng̃ mang?
N. Itóng anyông mang ay dapat gawíng mang̃ pagkâ iniangkáp sa ugát na nagpapásimulâ sa ting̃ig (ó vocal), gaya ng̃ mang̃isdâ, mang̃utang. Kung nagpapásimulâ sa pangtinig (ó consonante) ay dî dapat baguhin, gaya ng̃ manghuli, manghanap. Dapat alamíng sa anyông mang ay nagkakábagobago ang pásimulâng titik ng̃ ugát sang-ayon sa tuntuning sinúsunód sa kanyáng kabanatang kinaúukulan.
G. ¿Alín ang mg̃a tuntunin sa pagsulat ng̃ pag?
N. Kung itó’y iáangkáp sa anó mang ugát na nagpapásimulâ sa ting̃ig (ó vocal) ay dapat lagyán ng̃ isáng panghatì (ó guión) sa ikalíliwanag ng̃ pagsulat at ikalálayô sa kamalìán, gaya ng̃ pag-isahín, pag-awayan, pag-ibig, pag-asa, pag-inís. Kung nagpapásimulâ namán sa pangtinig (ó consonante) ay hindî kailang̃an ang panghatì, gaya ng̃ pagsaing̃an, paglayùin, pagsulong, pagkuskós, pagtugtóg. Ng̃unì’t kung ang pag ay náuukol sa pangbigkís (ó conjunción) ay dapat ihiwaláy sa anó mang salitâng sumúsunód, hal.: Pag ikáw ay naglarô ay papaluin kitá, pag lumapit ka ay bibigyán kitá ng̃ puto.
G. ¿Alín ang pátakarán sa pagsulat ng̃ pang?
N. Kung tumutukoy sa pangwatas at iáangkáp sa ugát na nagpapásimulâ sa ting̃ig (ó vocal) ay dapat gawíng pang̃, gaya ng̃ pang̃isdâín, pang̃utang̃an. Kung bumabanggít namán sa pangdiwà at iáangkáp sa ugát na nagpapásimulâ sa ting̃ig din ay dapat pagitnâan ng̃ isáng panghatì, gaya ng̃ pang-angkóp, pang-anib, pang-alíw, pang-ahit. Kung ang ugát namá’y nagsisimulâ sa pangtinig (ó consonante), tumukoy man sa pangwatas ó sa pangdiwà ay hindî dapat baguhin, gaya ng̃ panghulihan, pangbató. Dapat alamíng nagkakábagobago ang mg̃a unang titik ng̃ mg̃a ugát sang-ayon sa mg̃a tuntunin nitóng anyông pang na itinakdâ sa mg̃a kabanatang nang̃auná.
G. ¿Paano ang pagsulat ng̃ pagka?
N. Itó’y dapat idikít ó isiping sa ugát kailan ma’t tumutukoy sa pangdiwà ang kahulugán, kahì’t na siyá’y magpasimulâ sa ting̃ig (ó vocal) at pangtinig (ó consonante), gaya ng̃ pagkaanák, pagkaáso, pagkatakot, pagkahulog. Kung ang kátuturán ng̃ pagka ay náuuwî sa pangbigkís (ó conjunción) ay dapat ihiwaláy, hal.: Pagkâ dinampót mo itó ay kagagalitan kitá; pagkâ akó ang tinátawag mo’y sasagót akó agád.
G. ¿Paano ang pagsulat ng̃ kapág at kapagkâ?
N. Ang dalawáng itó’y dapat isulat na hiwaláy sa mg̃a salitâng sa kanyá’y sumúsunód.
G. ¿Paano ang pagsulat ng̃ kung?
N. Itó’y dapat isulat na hiwaláy sa mg̃a salitâng sumúsunód sa kanyá. Itóng kung ay dapat isulat ng̃ ganitó, at hindî kun sapagkâ’t itó’y garíl kung ibábatay din lamang sa ating pagbigkás.
G. ¿Alín ang tuntunin sa pagsulat ng̃ kung dî at kundî?
N. Ang kung dî (dalawáng salitâ) ay isinusulat ng̃ ganitó kung pangbago (ó adverbio), at ang kundî (isáng salitâ) ay ganitó dapat isulat kung pangbigkís (ó conjunción).
G. ¿Alín ang pátakarán sa pagsulat ng̃ man din at mandín?
N. Ang man din (dalawáng salitâ) ay ginágamit sa pagpápatibay, hal.: sinunód ko na ang mg̃a iniutos at akó pa MAN DIN ang pinarusahan. Ang mandín (isáng pang̃ung̃usap) ay ginágamit sa pag-áalinlang̃an, hal.: tila MANDÍN ikáw ang tinátawag at hindî akó.
G. ¿Paano ang pagsulat ng̃ may?
N. Ang pagsulat nitó’y dapat ihiwaláy sa mg̃a pang̃ung̃usap na kanyáng kasunód, kahì’t na itó’y magsimulâ sa ting̃ig ó pangtinig, gaya ng̃ may arì, may bahay, may tao, may salapî, at hindî mayarì, maybahay, maytao, atbp. gaya ng̃ gawâ ng̃ ilán.
G. ¿Paano ang pagsulat ng̃ man?
N. Itóng man ay dapat isulat na hiwaláy sa anó mang pang̃ung̃usap na sa kanyá’y náuuná, gaya ng̃ sino man, anó man, alín man, baga man, akó man, si Luis man.[39]
G. ¿Paano ang pagsulat ng̃ pa?
N. Dapat isulat itóng hiwaláy sa mg̃a salitâng náuuná sa kanyá, gaya ng̃ anó pa, akó pa, ikáw pa, siyá pa.
G. ¿Paano ang pagsulat ng̃ mg̃a salitâng dambál (ó doble)?
N. Ang mg̃a salitâng dambál ay isinusulat ng̃ íisá ó magkasiping kailan ma’t hindî pinamagitanan ng̃ pang-anib (ó ligazón) g at ng gaya ng̃ isáisá, ilanilan, anóanó, alínalín, sinosino, samasama, pisanpisan, dikítdikít. Ng̃unì, kung pinamagitanan ng̃ pang-anib g at ng ay dapat paghiwalayín ó gawíng dalawá upáng gumandá ang pagkakáhanáy, umiklî ang mg̃a pang̃ung̃usap at sa biglâng masíd ng̃ isáng bumabasa ay huwág makalitó sa paning̃ín, gaya ng̃ masamâng masamâ, mabuting mabuti, maraming marami, malakíng malakí. Kung mg̃a salitâng ang inúulit ay ang hulíng dalawáng pantíg ó kayâ’y ang ugát ay dapat pag-isahín, gaya ng̃ nagkislápkisláp, nagtunógtunóg, nagting̃inting̃in, nagmalasmalas.
TALABABÂAN
[38] Minárapat kong maglagáy ng̃ isáng kabanata na náuukol sa mg̃a paraán ó hugis ng̃ pagsulat ng̃ iláng salitâng tagalog, upáng malunasan ang pagkakáibáibáng nangyayari ng̃ayón na ibinubung̃a ng̃ kawalán ng̃ tuntuning dapat sundín ng̃ mg̃a nagsisisulat. Ang mg̃a tuntuning nalálagdâ sa bagay na itó ay násasalig sa ating katutubòng pagbigkás at sa mg̃a panutong sinúsunód sa Balarilà.
[39] Hindî kákauntî ang nápupuná kong sumusulat ng̃ sinoman, anoman, alínman na ang man ay idinidikít. Sa ganáng hakà ko’y hindî tumpák ang ganitóng pagsulat.
X KABANATA
Tungkól sa mg̃a salitâng hirám[40]
Gurò. ¿Marapat ba tayong humirám sa ibáng wikà ng̃ iláng pang̃ung̃usap?
Nag-aaral. Oo pò, kinakailang̃an ng̃â natin ang panghihirám, sapagkâ’t kung totoó mang ang Wikàng Tagalog ay isáng salitâng lubhâng mayaman sa mg̃a katutubòng ting̃ig ay totoó rin namáng may iláng pang̃ung̃usap na walâ sa atin ng̃unì’t lubhâng kailang̃an.
G. ¿Alíng wikà ang dapat hiramán?
N. Sang-ayon sa kasalukuyang nangyayari, ang wikàng kastilà ay siyáng híhiramán natin ng̃ mg̃a salitâng kailang̃an, sapagkâ’t dito náhubog ang ating dilà nang lubhâng mahabàng panahón, at kung walâ sa kastilà ay sa inglés, na, ng̃ayó’y untîuntîng nánasok ó ipinapasok sa ating isipán at kung walâ sa inglés ay sa ibáng wikà namán.
G. ¿Paano ang gagawíng panghihirám?
N. Ang panghihirám na ating gagawín ay dapat másalig sa dalawáng urì: salitâng hirám na áarìin at salitâng hirám na isasáulî.[41]
G. ¿Anó ang ibig sabihin ng̃ salitâng hirám na áarìin?
N. Salitâng hirám na áarìin, ibig sabihi’y ang mg̃a hinirám na pang̃ung̃usap na iáayon sa katutubòng pagsulat ng̃ ating wikà. Halimbawà: Espanya, Heograpía, Pilosopía, Hulio, Huan, Paskual, at ibá pa.
G. ¿Anó namán ang kátuturán ng̃ salitâng hirám na isasáulî?
N. Salitâng hirám na isasáulî, ibig sabihi’y huwág nang baguhin ang pagkakásulat sang-ayon sa pinanggaling̃an; hal.: España, Japón, Gramática, Retórica, Zamora, zarzuela atbp.
G. Sa ating pagsulat, ¿alín sa dalawá ang lalòng mabuting gamitin?
N. Ang paggamit sa salitâng hirám na isasáulî ay lubhâng malayà sa isáng sumusulat; álalaón bagá’y ang máibigang gawín ng̃ sino man.
G. ¿Dapat bagá tayong humirám sa ibáng wikà ng̃ isáng pang̃ung̃usap samantalàng sa ati’y mayroón namán?
N. Kung ang isáng salitâng hihirami’y mayroón din namán sa ating katumbás, hanggá’t maáarì’y hindî dapat gamitin ang náturang salitâng hirám. Halimbawà: ang salitâng Teatro, hanggá’t mangyayari’y huwág nating gamitin itó sapagkâ’t sa ating wikà ay mayroóng Dúlaan; gayón ang Pámahalàán sa Gobierno, ang Panánarilí sa Independencia, ang Páaralán sa Colegio ó Escuela, at ibá pa. Gayón ma’y mangyayari ring gamitin, lalòng lalò na sa ikalíliwanag ng̃ salitâ, hal.: dúlaan ó teatro, Pámahalàán ó Gobierno, at ibá pa.
G. ¿Anó ang dapat gawín tungkól sa pag-angkín ng̃ mg̃a salitâ?
N. Ang isáng salitâng hirám na ináangkín na kinagágamitan ng̃ mg̃a titik na walâ sa atin ay dapat na ihanap ng̃ katumbás, kawang̃ís ó katalamitam sa sariling wikà.
TALABABÂAN
[40] Sásamantalahín ko sa kabanatang itó ang aking pagpapaliwanag hinggíl sa pagtatalotalong nangyayari ukol sa mg̃a salitâng hirám. Lubhâng marami ang nagpápalagáy at sumasang-ayon na ang mg̃a salitâng hirám ay dapat isulat sang-ayon sa panunulat nating ginagawâ, paris sa halimbawà ng̃ Pilipinas, Espanya, Amérika, Karlos, atbp. May marami rin namán ang nagpápalagáy na dapat igalang ang pagkakásulat ng̃ isáng salitâng hirám; sa katagâng sabi’y huwág bábaguhin ayon sa pinanggaling̃an, hal.: Filipinas, España, América, at ibá pa. At pará sa akin, yamang ang isá’t isá ay may katuwirang pinagbábatayán ay kapuwà ko silá iginalang gaya ng̃ mábabasa sa kabanatang itó.
[41] Ang pagbábahaging itó’y sinipì ko kay G. Eusebio Daluz.
XI KABANATA
Kung paano ang pagpapalít sa Wikàng Tagalog ng̃ mg̃a titik na walâ
sa kanyá
Gurò. ¿Paano ang pagpapalít sa Wikàng Tagalog ng̃ mg̃a titik na walâ sa kanyá?
Nag-aaral. Gaya na ng̃ násabi, ang isáng salitâng dayo na kinasasangkapán ng̃ mg̃a titik na walâ sa atin ay dapat na ihanap ng̃ titik na katimbáng, katulad ó katalamitam.
UKOL SA C
G. ¿Anó ang katumbás ng̃ titik na itó sa atin?
N. Ang titik na iyán sa mg̃a salitâng kastilàng ca, co, cu, ay katumbás sa tagalog ng̃ ka, ko, ku; hal.: vaca, cobre, cuadro, atbp. ay dapat gawíng baka, kobre, kuadro. Ng̃unì’t sa mg̃a salitâng ce, ci, ay kawang̃ís ng̃ s sa atin; p. h.: Cicerón, cédula, céntimo, ay dapat isulat ng̃ Siserón, sédula, séntimo.
HINGGÍL SA CH
G. ¿Anó ang katumbás ng̃ ch?
N. Ang katumbás na katumbás ng̃ titik na itó sa ati’y ang pagsasama ng̃ t at s. Halimbawà: China, chapa, chapín, cha, chicharrón, lancha, chocolate, escabeche, ay dapat gawíng Tsina, tsapa, tsapín, tsa, tsitsarón, lantsa, tsikolate, eskabetse.[42]
TUNGKÓL SA F
G. ¿Anó ang kawang̃ís sa atin ng̃ f?
N. Ang titik na itó’y kawang̃ís ng̃ p; kayâ dapat isulat ng̃ Pebo, pilibustero, peria, ripa ang mg̃a salitâng kastilàng Febo, filibustero, feria, rifa.
UKOL SA J
G. ¿Anó ang katulad nitó sa ating wikà?
N. Ang katulad ng̃ titik na itó ay h. Halimbawà: Japón, jardín, jamón, jaula, ay dapat isulat na Hapón, hardín, hamón, haula. Ng̃unì’t kung minsa’y s ang nakákawang̃ís, paris halimbawà ng̃ salitâng jabón ay dapat gawíng sabón at dî habón.
HINGGÍL SA LL
G. ¿Anó ang katimbáng ng̃ ll sa tagalog?
N. Ang katimbáng ng̃ titik na itó’y ang ly, hal.: cigarrillo, bachiller, sillón, at ibá pa ay dapat gawíng sigarilyo, batsilyer, silyón. Kung minsa’y y lamang ang nagigíng katumbás, hal.: caballo, cebollas, galleta, atbp., ay dapat isulat na kabayo, sibuyas, gayeta.
TUNGKÓL SA Ñ
G. ¿Anó ang katumbás ng̃ titik na itó?
N. Ang paglalakip ng̃ n at ng̃ y ay siyáng nakákatumbás ng̃ ñ. Halimbawà: España, puñál, cañón, cáñamo, pañoleta, atbp. ay dapat gawíng Espanya, punyál, kanyón, kányamo, panyoleta.
UKOL SA Q
G. ¿Anó ang kawang̃ís ng̃ q?
N. Ang titik na itó sa mg̃a salitâng qua, que, qui, quo, quu, ay kawang̃ís na kawang̃ís ng̃ ka, ke, ki, ko, ku, sa ating wikà. Halimbawà’y dapat gawíng kebrado ang quebrado, kerubín ang querubín, kilógramo ang quilógramo, kiosko ang quiosco, at ibá pa.
HINGGÍL SA RR
G. ¿Anó ang katumbás nitó sa ating mg̃a titik?
N. Ang mg̃a salitâng hirám na may ganyáng titik ay katumbás lamang sa tagalog ng̃ r, hal.: Correo, carro, atbp. ay dapat lamang gawíng koreo, karo.
TUNGKÓL SA V
G. ¿Anó ang katulad sa atin ng̃ v?
N. Nakákawang̃ís nitó ang b sa tagalog, hal.: bintana, berbo, bapor, bara, atbp. sa lugál na ventana, verbo, vapor, vara.
UKOL SA X
G. ¿Anó ang katimbáng ng̃ x?
N. Dapat munang matantô na ang titik na itó’y binubuô ng̃ k at s, at sa tagalog namá’y nakákatimbáng ng̃ ks. Halimbawà, ang mg̃a salitâng kastilàng Sintaxis, exámen, sexagésima ay dapat gawíng Sintaksis, eksamen, seksagésima. Ng̃unì’t kung minsa’y nakákatumbás lamang ng̃ s, hal.: excomulgado, extranjero, expediente, ay ginagawâng eskomulgado, estranghero, espediente.
HINGGÍL SA Z
G. ¿Anó namán ang katumbás ng̃ z?
N. Ang titik na itó’y katumbás ng̃ s. Halimbawà: Zamora, zapatos, zarzuela, atbp. ay dapat isulat nang Samora, sapatos, sarsuela.
TALABABÂAN
[42] Lubhâng marami ang nápapansin kong ang ch ay itinitimbáng lamang sa s, kayâ kung gawín ang chapa, chapín, lancha, cha, ay sapa, sapín, lansa, sa, mg̃a salitâng bukód sa pang̃it ay hindî angkóp sa talagáng kátuturán.
XII KABANATA
Mg̃a salitâng daglî na malimit gamitin sa Wikàng Tagalog
Gurò. ¿Bakit ginágamit ang mg̃a salitâng daglî (ó abreviatura)?
Nag-aaral. Ang mg̃a salitâng daglî’y ginágamit upáng mápadalî ang pagsulat.
G. ¿Dapat bagáng gamitin sa tuwîtuwî na ang mg̃a salitâng daglî?
N. Ang paggamit nitó’y hindî namán sa lahát na kundî sa mg̃a salitâng kailang̃an lamang na pinahihintulutan ng̃ Balarilà.
G. ¿Marami ba sa wikàng sarili ng̃ mg̃a salitâng daglî?
N. Hindî pò lubhâng karamihan, at ang palasák na ginágamit ay ang mg̃a sumúsunód:
| A.: N.: B.: | Anák ng̃ Bayan. |
| atbp. | at ibá pa. |
| Bb. | Binibini. |
| bhy. | bangháy. |
| blg. | bilang. |
| Bt. | Binatà. |
| kab. | kabanata. |
| Kag. | Kágawarán. |
| Kal. | Kalihim. |
| kap. | kapisanan. |
| K.: K.: K.: | Kataastaasa’t Kagalanggalang na Katípunan. |
| Kgg. | Kagalanggalang. |
| Kin. | Kinatawán. |
| K. P. | Kapulùáng Pilipinas. |
| G. | Ginoó (sa lalaki). |
| GG. | Mg̃a ginoó. |
| Gg. | Ginang (sa babae). |
| Hal. ó hlb. | Halimbawà ó halimbawà. |
| h. n. k. | humahalík ng̃ kamáy. |
| H. K. | Hesukristo. |
| mg̃a | mang̃a. |
| ng̃ | nang. |
| Pg̃lo. | Pang̃ulo. |
| Pg̃lw. | Pang̃alawá. |
| P. H. | Pang̃inoóng Hesukristo. |
| p. h. | paghalimbawà. |
| Sam. | Samahán. |
| S. P. | Sangkapulùáng Pilipinas. |
| Tud. | Tudlíng. |
MG̃A AKLÁT NG̃ KUMATHÂ NITÓ
BAYAN AT PAG-IBIG.—Mahalagáng aklát na nagsasalaysáy ng̃ mg̃a dakilàng súliranín at matataás na paláisipán na náuukol sa Bayan at Lahì. Iniháhandóg sa madlâng kapisanang tatág sa Sangkapulùáng Pilipinas, at nilagyán ng̃ mahalagáng paunawà ni G. Honorio López.—Halagá: ₱ 0.50 sa Maynilà at ₱ 0.60 sa Lálawigan.
GRAMATIKANG TAGALOG.—Binubuô itó ng̃ apat na bahagi: Pagbigkás (ó Prosodia), Pagkilala (ó Analogía), Paglalakip (ó Sintaxis) at Pagsulat (ó Ortografía). Aklát na nagtuturò at nagpapáliwanag ng̃ tumpák na pagsasalitâ at matuwíd na pagsulat sa Wikàng Tagalog. Ang salitâng ginamit ay wagás na tagalog, kayâ’t ang sino mang makabasa’y madalîng matututo kahì’t na walâng gurò.—Ang halagá’y ₱ 1.30 lamang sa Maynilà at ₱ 1.56 namán sa lálawigan patí ng̃ gugol sa pagpápadalá.
GURO NG BAYAN.—Binubuô itó ng̃ tatlóng aklát na maháhalagá: Gramátikáng Tagalog, Aritmétikáng Tagalog, at Heograpíang Tagalog. Ang Gramátiká’y nagtuturò ng̃ tumpák na pagsasalitâ at matuwíd na pagsulat sa Wikàng Tagalog, ang Aritmétiká’y nagsasalaysáy ng̃ pagbilang ng̃ kanyáng apat na tuntunin (ó cuatro reglas principales) at ibá pang sakláw ng̃ pagtutuús, at ang Heograpía’y nagpapáliwanag ng̃ mg̃a karunung̃ang náuukol sa mg̃a ilog, pulô, dagat, bansá, bayan, lupàín, at ibá’t ibá pa.—Halagá: ₱ 1.00 sa Maynilà at ₱ 1.26 sa Lálawigan.
Ipahatíd ang sulat sa bahay ng̃ kumathâ, Santamesa, blg. 467 (looban blg. 3) Sampalok, Maynilà, K. P.
Talâ ng Tagapagsalin
Ang pabalat ay ginawa ng tagapagsalin at inilalagay sa public domain.
Iwinasto ang pagbabantas (punctuation), ang pagbabaybay, at ang pag-eestilo sa teksto.
Pinag-ayon at iwinasto ang pagtutuldik sa mga salita, para malunasan ang kakulangan sa mga nakatuldik na titik, lalo na ng titik g̃ at mga titik na may mga tuldik na paiwa (`) at pakupya (^), ng mga tipo na ginamit sa orihinal para sa mga pahilig na teksto, mga talababa, at mga pamagat ng mga bahagi, kabanata, at seksyon. Ginawa ang mga ito maliban sa pamagat ng aklat at mga pagbanggit nito sa teksto (“BALARILANG TAGALOG” o “BALARILA”), at maliban sa mga pamagat ng mga aklat ng may-akda na nakatalâ sa hulihan ng teksto. Pinanatiling walang tuldik ang mga ito gaya nang sa orihinal.
Pinag-ayon rin ang paggigitling sa mga salita at ang pag-eestilo ng mga pamagat ng mga seksyon.
Ginawang tatlo ang mga tuldok ng lahat ng mga elipsis (...).
Ang mga ilang naulit na halimbawa sa teksto ay pinanatili gaya nang sa orihinal.
Inilipat ang Tuntunin mula sa bandang hulihan ng teksto. Ang mga seksyon sa mga Kabanata III at XI ng Ikaapat na Bahagi ay hindi nakatalâ sa orihinal.
Ang mga ilang bilang ng pahina ay wala dahil sa mga tinanggal na blankong pahina. Ang mga pahina 324–328 ng orihinal ay naglalaman ng Tuntunin, na inilipat sa bandang unahan. Ang mga seksyon sa mga Kabanata III at XI ng Ikaapat na Bahagi ay hindi nakatalâ sa orihinal.