WeRead Powered by ReaderPub
Balarilang Tagalog cover

Balarilang Tagalog

Chapter 68: TALABABÂAN
Open in WeRead

About This Book

The work presents a practical grammar of Tagalog, describing older orthographic conventions and spelling rules while offering guidance for correct speech and writing. It critiques the dominance of a colonizing language in education, highlights inconsistent practices among contemporary writers, and contrasts traditionalist and reformist approaches to usage. Through explanations, prescriptions, and examples the author seeks to standardize grammar, refine literary style, and encourage wider cultivation and clear expression in the native tongue.

X KABANATA
Ang pangtiyák na anyông “IN”

Gurò. ¿Anó ang tinátawag na anyông in?

Nag-aaral. Tinátawag na anyông in ang pangwatas na may sugpóng na in sa salitâng ugát.

G. ¿Anó ang káhalagahán ng̃ anyông itó?

N. Malakí pò, sapagkâ’t nanggagaling sa kanyá ang mg̃a pangwatas na tagalog na nagbabadyá ng̃ anó mang tiyák na bagay ó pang̃alan, na siyáng nagigíng katugmâ ng̃ mg̃a anyông pangbalak; kayâ’t ang in ay siyáng pang̃ulo sa mg̃a anyông pangtiyák.

G. ¿Paano ang paggamit sa anyông in?

N. May dalawáng paraán ang paggamit sa anyông itó: Una, kung ang salitâng ugát ay nagtatapós sa pangtinig (ó consonante), ó kayâ’y sa ting̃ig (ó vocal) na may kudlít na banayad (`) ó salakót (^) ay ginágamit ang in, gaya sa lasáp ay lasapín, sa hasâ ay hasâin, sa larô ay larùin, atbp. Ikalawá, kung ang salitâng ugát ay nagtatapós sa ting̃ig (ó vocal) na walâng diín ó kudlít, ó kayâ’y sa ting̃ig na may kudlít na mariín (´), ang anyông in ay dapat gawíng hin, gaya sa mana ay manahin, sa hila ay hilahin, sa damá ay damahín ó damhín, sa batá ay batahín ó bathín.

G. ¿Alín ang mg̃a kabaguhang dapat mangyari sa pagsusugpóng nitóng in sa salitâng ugát?

N. Itóng mg̃a sumúsunód:

Una.—Kung e ang katapusáng titik ng̃ salitâng ugát ay dapat gawíng i, gaya sa page ay pagihin, sa gabe ay gabihin, sa butsé ay butsihín, sa kapé ay kapihin.

Ikalawá.—Kung ang katapusáng pantíg ng̃ ugát ay may e na pinagigitnâan ng̃ mg̃a pangtinig (ó consonante), ang náturang e ay dapat gawíng i, gaya sa kiskés ay kiskisín, sa atés ay atisin.

Ikatló.—Kung o ang katapusáng titik ng̃ salitâng ugát ay dapat gawíng u, gaya sa tuksó ay tuksuhín, sa larô ay larùin, sa pasò ay pasuin.

Ikaapat.—Kung ang katapusáng pantíg ng̃ ugát ay may o na pinagigitnâan ng̃ mg̃a pangtinig (ó consonante), ang násabing o ay dapat gawíng u, gaya sa bunot ay bunutin, sa kahoy ay kahuyin, sa pukpók ay pukpukín.

Ikalimá.—Kung ang katapusáng pantíg ng̃ salitâng ugát ay nagdudulo sa ad, ed, id, od, ó ud, na ang mg̃a itó’y maáarìng baybayín sa in, ang d ay dapat gawíng r sang-ayon sa talagáng tuntuning sinúsunód ukol dito; gaya sa tilád ay tilarín, sa lipád ay liparin, sa sisid ay sisirin, sa ubod ay uburin, atbp. Kung minsan ay hindî nagbabago ang d, at dahil dito ay náwawalâ ang i ó ang o sa mg̃a salitâng nagtatapós sa id ó od, gaya sa patíd ay patdín, sa bukód ay bukdín.

Dapat matantô na ang dalawáng tuntuning náuuná ay bihiràng mangyari, sapagkâ’t sa Wikàng Tagalog ay madalang kung dî man másasabing walâ ang mg̃a salitâng mayroóng e sa katapusáng pantíg ng̃ mg̃a salitâng ugát.

HUGIS NG̃ “IN” AT ANG KANYÁNG MG̃A TUNTUNIN SA PAGBABAYBÁY

G. ¿Mayroóng ilán ang hugis (ó forma) ng̃ in?

N. Katulad din pò ng̃ um na may dalawáng hugis: Una, kung ang ugát ay nagpapásimulâ sa pangtinig (ó consonante) ay ginágamit ang in sa pangsing̃it at pangsugpóng; at ikalawá, kung ang ugát ay nagpapásimulâ sa ting̃ig (ó vocal) ay ginágamit namán ang in sa pang-angkáp at pangsugpóng.

G. Tungkól sa unang hugis, ¿alín ang mg̃a panutong sukat mapagpátakarán ukol sa pagbabaybáy (ó conjugación)?

N. Ang mg̃a sumúsunód na tuntunin, sang-ayon sa kaniyáng mg̃a ayos at mg̃a panahón:

1.—Ang pangbadyá ay binubuô ng̃ salitâng ugát at ng̃ pangsugpóng na in, gaya ng̃ tawagin, basagin, hampasín.

2.—Ang panahóng kasalukuyan ng̃ panghiwatig ay binubuô ng̃ ugát na sining̃itan ng̃ in sa unang dalawáng titik ng̃ unang pantíg at sakâ inúulit ang unang pantíg ng̃ náturang ugát, gaya ng̃ tinátawag, binabasag, hinahampás.

3.—Ang panahóng nakaraán ay binubuô na ugát at sakâ sinising̃itan ng̃ in sa unang dalawáng titik ng̃ unang pantíg ng̃ náturang ugát, gaya ng̃ tinawag, binasag, hinampás.

4.—Ang panahóng nakaraán na ay binubuô ng̃ panahóng nakaraán at sakâ sa hulí’y sinusundán ng̃ na, gaya ng̃ tinawag na, binasag na, hinampás na.

5.—Ang panahóng kararaán ay binubuô ng̃ ugát na inulit ang unang pantíg nitó, sakâ ináangkapán ng̃ ka at sa hulí’y sinusundán ng̃ pa; gaya ng̃ kátatawag pa, kábabasag pa, káhahampás pa.

6.—Ang panahóng haharapín ay binubuô ng̃ pangbadyá at sakâ inúulit ang unang dalawáng titik ng̃ unang pantíg ng̃ salitâng ugát, gaya ng̃ tatawagin, babasagin, hahampasín.

7.—Ang pang-utos ay katulad din ng̃ pangbadyá ó kayâ’y ang ugát na sinugpung̃án ng̃ in, gaya ng̃ tawagin, basagin, hampasín.

8.—Ang panahóng kasalukuyan ng̃ pangsukob ay binubuô ng̃ kasalukuyan sa panghiwatig at sakâ nilálagyán sa una ng̃ kung gaya ng̃ kung tinátawag, kung binabasag, kung hinahampás.

9.—Ang panahóng nakaraán ay binubuô ng̃ nakaraán ng̃ panghiwatig at may kung sa una, gaya ng̃ kung tinawag, kung binasag, kung hinampás.

10.—Ang panahóng haharapín ay binubuô ng̃ haharapín ng̃ panghiwatig at nilálagyán sa una ng̃ kung, gaya ng̃ kung tatawagin, kung babasagin, kung hahampasín.

G. Ng̃ayóng náilagdâ na ang mg̃a tuntunin ng̃ pagbabaybáy nitóng in, ¿paano namán ang kanyáng hugis?

N. Sa pagbabaybáy nitóng unang hugis ng̃ in ay ilagáy na halimbawà ang ugát na tawag at sakâ sugpung̃án ng̃ in na nagigíng pangwatas na tawagin, pangwatas itóng katugmâ ng̃ tumawag na binaybáy sa um.

PAGBABAYBÁY SA ANYÔNG “IN”.

Unang hugis.
Ayos. Panahón. Pagbaybáy.
Pangbadyá   Tawagin.
Panghiwatig Kasalukuyan Tinátawag.
Nakaraán Tinawag.
Nakaraán na Tinawag na.
Kararaán Kátatawag pa.
Haharapín Tatawagin.
Pang-utos   Tawagin.
Pangsukob Kasalukuyan Kung tinátawag.
Nakaraán Kung tinawag.
Haharapín Kung tatawagin.

G. ¿Sinúsunód bagá sa tuwîtuwî na ang ganitóng pagbabaybáy sa unang hugis ng̃ anyông in?

N. Hindî pò, at may isáng pásubalìng (excepción) dapat matatág na siyáng kinagawìáng gawín ng̃ marami, tang̃ì sa madalîng bigkasín at magandáng pakinggán. Ang náunáng pásubalì ay náuuwî sa ganitó: Lahát halos ng̃ mg̃a salitâng ugát, na nagpapásimulâ sa mg̃a pangtinig na l, w, at y na binabaybáy sa anyông pangtiyák na in, itó (ang in) ay nagigíng ni at hindî isinising̃it kundî iniáangkáp, na tang̃ìng mangyayari sa mg̃a panahóng kasalukuyan (ó presente), nakaraán (ó pasado) at ang mg̃a sakláw nitó, ng̃unì’t sa ibá pang panahón ay dapat sundín ang talagáng tuntuning sinúsunód ng̃ in. Náitó ang iláng halimbawà ukol sa dalawáng tuntuning pangkalahatán at pásubalì:

Ugát. Panahón. Pangkalahatán. Pásubalì.
Lináng Kasalukuyan Linilináng Nililináng
Nakaraán Linináng Nilináng
Wastô Kasalukuyan Winawastô Niwawastô
Nakaraán Winastô Niwastô
Yantók Kasalukuyan Yinayantók Niyayantók
Nakaraán Yinantók Niyantók

G. Tungkól sa ikalawáng hugis, ¿alín namán ang mg̃a panutong dapat taluntunín sa pagbabaybáy?

N. Gaya rin ng̃ mg̃a pátakaráng náilagdâ at sinunód sa unang hugis, ng̃unì’t ang kauntîng kaibhán lamang ay sa ikalawáng hugis na itó’y ang in ay iniáangkáp sa mg̃a lugál na pinagsising̃itan sa unang ayos. Baybayín natin ng̃ayón ang ugát na agaw sang-ayon sa ikalawáng hugis ng̃ in, sa makatwíd ang pangwatas na agawin.

PAGBABAYBÁY SA ANYÔNG “IN”.

Ikalawáng hugis.
Ayos. Panahón. Pagbaybáy.
Pangbadyá Kasalukuyan Agawin.
Panghiwatig Kasalukuyan Ináagaw.
Nakaraán Inagaw.
Nakaraán na Inagaw na.
Kararaán Kaáagaw pa.
Haharapín Áagawin.
Pang-utos Kasalukuyan Agawin.
Pangsukob Kasalukuyan Kung ináagaw.
Nakaraán Kung inagaw.
Haharapín Kung áagawin.

KÁGAMITÁN NG̃ ANYÔNG “IN”

G. ¿Malimit bagáng gamitin itóng anyông in sa ating mg̃a pangwatas?

N. Ang pangtiyák na anyông in ay totoóng makabuluhán at siyáng malimit gamitin sa ating mg̃a salitâ, sapagkâ’t siyá ang tumitiyák ng̃ anó mang binabanggít ng̃ pangwatas.

G. ¿Alínalín ang mg̃a tuntuning dapat mataluntón sa paggamit ng̃ náturang anyô?

N. Lubhâng mahirap pòng bigyán ng̃ mg̃a tuntuning tiyák na tiyák ng̃ sa kanyá’y paggamit, dahil sa karamihan ng̃ mg̃a anyông pangtiyák na ginágamit sa ating wikà. Gayón man, ay malálagyán ng̃ mg̃a tuntuning sukat mapagpátakarán ng̃ paggamit sa anyông in, at itóng mg̃a sumúsunód:

I.—Ginágamit ang anyông in sa mg̃a salitâng ugát na nagkakahulugán ng̃ pagkuha ó pagdampót ng̃ anó man, hal.: sa samsám ay samsamín, sa gamit ay gamitin, sa dakót ay dakutín, sa dalá ay dalhín, sa bilí ay bilhín, sa dampót ay damputín, atbp.

II.—Ginágamit ang anyông in sa mg̃a salitâng ugát na nagkakahulugán ng̃ paghing̃î ó paghirám ng̃ anó man, hal.: sa hing̃î ay hing̃ín, sa hirám ay hiramín, sa utang ay utang̃in, atbp.

III.—Ang mg̃a salitâng pangtayô sa pag-áarì (ó pronombre posesivo) ay magagawâng pangwatas sa pamamagitan ng̃ in, na nagkakahulugán ng̃ pag-arì ng̃ anó man, hal.: sa akin ay akinin, sa iyó ay iyuhin, sa kanyá ay kanyahín, sa atin ay atinin, sa inyó ay inyuhin, atbp.

IV.—Ang mg̃a salitâng ugát na nagkakahulugán ng̃ pagkain ó pag-inóm ng̃ anó man na ginaganáp ng̃ sarili, ay binabaybáy sa in, hal.: sa kain ay kainin ó kanin, sa lamon ay lamunin, sa inóm ay inumin, sa higop ay higupin, sa tunggâ ay tunggâin, sa hithít ay hithitín, sa tagáy ay tagayin, atbp.

V.—Ang mg̃a salitâng ugát na may kátuturán ng̃ pagtawag ó pagsundô sa sino man, ay binabaybáy rin sa in, hal.: sa tawag ay tawagin, sa sundô ay sundùín, sa kaon ay kaunin, atb. Kung minsan ang iláng ugát na sakláw nitóng pagtawag ó pagsundô ay binabaybáy sa an, gaya ng̃ kawáy ay kawayán, ng̃ sutsót ay sutsután, atbp.

VI.—Ang mg̃a salitâng ugát na may kahulugán ng̃ pag-akit ó pag-alók ng̃ isá sa isá ay binabaybáy rin sa in, hal.: sa pigíng ay piging̃ín, sa akit ay akitin, sa alók ay alukín, atbp.

VII.—Ang mg̃a ugát na nagtatagláy ng̃ kahulugán ng̃ paghanap ó pagsaliksík ng̃ anó man, ay binabaybáy rin sa in, hal.: sa hanap ay hanapin, sa halihaw ay halihawin, sa saliksík ay saliksikín, sa apuhap ay apuhapin, sa kapâ ay kapâin, sa salát ay salatín, atbp.

VIII.—Ginágamit ang in sa mg̃a salitâng ugát na ang kahulugá’y pagkibô ó paggaláw ng̃ anó man, hal.: sa kibô ay kibùin, sa galáw ay galawín, sa luglóg ay luglugín, sa alók ay alukín, sa kundáy ay kundayin, atbp.

IX.—Ginágamit ang in sa mg̃a salitâng ugát na ang kátuturá’y pagdadalá ó pagpapasán ng̃ anó man na ginaganáp ng̃ sarili, hal.: pasán, pasanín; dalá, dalhín; tagláy, taglayín; kilik, kilikin; kalong, kalung̃in; buhat, buhatin; atbp.

X.—Ginágamit ang in sa mg̃a salitâng ugát na nagkakahulugán ng̃ pagtanggáp ng̃ anó man, hal.: tanggáp, tanggapín; sahod, sahurin; sambót, sambutin; salubong, salubung̃in; atbp.

XI.—Ginágamit ang in sa mg̃a salitâng ugát na ang kátuturá’y nagbabadyá ng̃ mg̃a paraán sa paghuli ng̃ anó mang hayop na gumagalà sa lupà at sa himpapawíd, hal.: sa batíng ay bating̃ín, sa sumpít ay sumpitín, sa silò ay silùin, sa baríl ay barilin, sa bató ay batuhín, atbp.

XII.—Ginágamit ang anyông in sa mg̃a ugát na ang kahulugá’y nagbabadyá ng̃ mg̃a kaparaanáng ginagawâ sa paghuli ng̃ mg̃a isdâ ó ng̃ mg̃a hayop na tumatahán sa tubig, hal.: sa lambát ay lambatín, sa dalá ay daláhin, sa bing̃uwít ay bing̃uwitín, sa lambóng ay lambung̃ín, sa siík ay siikin, sa salapáng ay salapang̃ín.

XIII.—Ang mg̃a salitâng ugát na tumutukoy sa mg̃a gawî ng̃ damdamin ay maáarìng gamitin sa in kailan ma’t ang kahulugá’y pakabíg sa gumagawâ, hal.: tanáw, tanawín; panoód, panoorin; ling̃ón, ling̃unin; ding̃ig, ding̃igín ó dinggín; lasáp, lasapín; namnám, namnamín; amóy, amuyín; singhód, singhurin; hipò, hipùin; damá, damahín ó damhín; atbp. Marami rin ang ginágamit sa an ukol sa bagay na itó, gaya ng̃ ting̃ín ay tingnán; tikím, tikmán; pakinig, pakinggán; atbp.

XIV.—Ang mg̃a salitâng ugát na tumutukoy sa pag-íisip, pag-alala at pag-ibig ay ginágamit din sa in, hal.: isipin, kurùin, buhayin, usisàin, alalahanin, gunítâín, panimdimín, ibigin, nasàin, irugin, sintahín, naisin, atbp.

XV.—Ang mg̃a salitâng ugát na nagkakahulugán ng̃ pagputol, pagtimbáng at pagsukat ay binabaybáy rin sa in, hal.: sa putol ay putulin, sa tagâ ay tagâin, sa tabas ay tabasin, sa palakól ay palakulín, sa lagarì ay lagarìin, sa timbáng ay timbang̃ín, sa taya ay tayahin, sa balak ay balakin, sa takal ay takalin, atbp.

XVI.—Ang mg̃a salitâng ugát na nagbabadyá ng̃ pagsirà ó paggibâ ó paglupít ay binabaybáy rin sa in, hal.: sa sirà ay siràin, sa gibâ ay gibâin, sa sunog ay sunugin, sa guhô ay guhùin, sa patáy ay patayín, sa sundáng ay sundang̃in, sa gulok ay gulukin, atbp. May ilán ding binabaybáy sa an, gaya sa sugat ay sugatan, atbp.

XVII.—Ang mg̃a salitâng ugát na tumutukoy sa mg̃a bagay na karaniwan ay nagagawâng pangwatas sa pamamagitan ng̃ in na nagkakahulugán ng̃ paggawâ sang-ayon sa kápakanán ng̃ isá’t isá; hal.: sa barò ay barùin, sa salawál ay salawalín, sa balabal ay balabalin, sa tungkód ay tungkurin, sa bahay ay bahayin, sa payong ay payung̃in, atbp.

XVIII.—Ang mg̃a salitâng ugát na tumutukoy sa pagbilang ay maáarì ring gawíng pangwatas dito sa in, at kung magkaganitó’y nagkakahulugán ng̃ paggawâ ng̃ anó man sang-ayon sa kápakanán ng̃ isá’t isá, gaya sa isá ay isahín, sa dalawá ay dalawahín, sa limá ay limahín, sa sampuô ay sampùin, atbp.

XIX.—Ginágamit ang in sa pagtiyák ng̃ ibá’t ibáng sakít na dinaramdám, hal.: sa lagnát ay lagnatín, sa hikà ay hikàin, sa ng̃iki ay ng̃ikihin, sa ubó ay ubuhín, sa iti ay itihin, sa sikmurà ay sikmuràin, sa bulutong ay bulutung̃ín, sa kólera ay kolerahín atbp.

XX.—Nagsusulit ng̃ pagkakáwang̃ís ó pagkayarì, kailan ma’t tumutukoy sa panahóng nakaraán, hal.: sa saging ay sinaging, sa duhat ay dinuhat, sa santól ay sinantól, sa sampalok ay sinampalok, sa gulay ay ginulay, sa bataw ay binataw, atbp.

XXI.—Ang mg̃a salitâng pangturing ay nágagawâng pangwatas dito sa anyông in, hal.: mahál, mahalín; magandá, magandahín; masamâ, masamâin; mabuti, mabutihin; matamís, matamísin; atbp.

XI KABANATA
Ang pangtiyák na anyông “I”

Gurò. ¿Anó ang tinátawag na anyông i?

Nag-aaral. Tinátawag na anyông i ang pangwatas na may pang-angkáp na i sa salitâng ugát.

G. ¿Anó ang káhalagaháng tagláy ng̃ anyông itó?

N. Kung ang in ay siyáng káunáunahan sa mg̃a anyông pangtiyák ng̃ mg̃a pangwatas tagalog, ang i namá’y hindî nagigíng hulí sa kanyá kung isusumag din lamang sa daládaláng káhalagahán, kung kayâ’t ang anyông itó ay siyáng nábibilang na pang̃alawáng urì sa mg̃a pangtiyák na anyô.

MG̃A PÁTAKARÁN SA PAGBABAYBÁY

G. Sa pagbabaybáy nitóng anyông i ¿alín namán ang mg̃a pátakaráng dapat taluntunín?

N. Ang mg̃a tuntuning sumúsunód sang-ayon sa pagkakabaibaitang na dapat gawín:

1.—Ang pangbadyá ay binubuô ng̃ salitâng ugát at ng̃ pang-angkáp na i, gaya ng̃ ibilí, isulat.

2.—Ang panahóng kasalukuyan ng̃ panghiwatig ay binubuô ng̃ ugát na sinising̃itan ng̃ in sa unang dalawáng titik ng̃ unang pantíg, sakâ inúulit ó dinadalawá ang unang pantíg ng̃ ugát, bukód pa ang pag-áangkáp ng̃ anyông i, gaya ng̃ ibiníbilí, isinusulat.

3.—Ang panahóng nakaraán ay binubuô lamang ng̃ ugát na may pangsing̃it na in at sakâ may pang-angkáp na anyông i, gaya ng̃ ibinilí, isinulat.

4.—Ang panahóng nakaraán na ay binubuô nitóng panahóng nakaraán at sakâ sinusundán ng̃ na, gaya ng̃ ibinilí na, isinulat na.

5.—Ang panahóng haharapín ay binubuô ng̃ salitâng ugát, sakâ inúulit ang unang pantíg nitó at bago ináangkapán ng̃ anyông i, gaya ng̃ ibíbilí, isusulat.

6.—Ang pang-utos ay ginágamit ang sa pangbadyá ó kayâ’y ang ugát na may pang-angkáp na i, gaya ng̃ ibilí, isulat, atbp.

7.—Ang panahóng kasalukuyan ng̃ pangsukob ay binubuô ng̃ kasalukuyan sa panghiwatig at sa una’y nilálagyán ng̃ kung, gaya ng̃ kung ibinibilí, kung isinusulat.

8.—Ang panahóng nakaraán ay binubuô ng̃ nakaraán sa panghiwatig at nilálagyán ng̃ kung sa una, gaya ng̃ kung ibinilí, kung isinulat.

9.—Ang panahóng haharapín ay binubuô rin ng̃ haharapín ng̃ panghiwatig at may kung sa una, ó gaya ng̃ kung ibíbilí, kung isusulat.

G. ¿Paano ng̃ayón ang hugis ng̃ pagbabaybáy sa anyông pangtiyák na i?

N. Sa pagbabaybáy nitó ay kuning halimbawà ang ugát na bilí at sakâ angkapán itó ng̃ anyông i na nagigíng pangwatas na ibilí na siyáng pangtiyák ng̃ bumilí at magbilí na binaybáy sa um at mag.

PAGBABAYBÁY SA ANYÔNG “I”.
Ayos. Panahón. Pagbaybáy.
Pangbadyá   Ibilí.
Panghiwatig Kasalukuyan Ibiníbilí.
Nakaraán Ibinilí.
Nakaraán na Ibinilí na.
Haharapín Ibíbilí.
Pang-utos   Ibilí.
Pangsukob Kasalukuyan Kung ibiníbilí.
Nakaraán Kung ibinilí.
Haharapín Kung ibíbilí.

G. ¿Walâ bagáng pásubalì (ó excepción) ang mg̃a pátakaráng itó sa pagbabaybáy?

N. Mayroón pò, at isáng pásubalìng lalòng mahalagá kay sa in, isáng pásubalìng dapat matantô at dapat sundín, sapagkâ’t natutung̃od sa ikagagandá at ikagagaán sa pagbigkás ng̃ ating mg̃a salitâ.

G. ¿Paano ang dapat itakdâng pásubalì?

N. Itóng sumúsunód: Ang mg̃a salitâng ugát na nagpapásimulâ sa ting̃ig (ó vocal), ó sa mg̃a pangtinig na h, l, w, at y, ay may ibáng hugis ng̃ pagbubuô kailan ma’t tumutukoy sa mg̃a panahóng kasalukuyan (ó presente) at nakaraán (ó pasado) at sa mg̃a sakláw nitó, ibáng hugis na ang in ay dapat gawíng ni sang-ayon sa kinagawìán at gayón sa ikagagaán ng̃ pagsambít at ikagagandá ng̃ mg̃a salitâ. Dapat matantô na ang anyông i ay hindî nátitinag sa talagáng kinalalagyán niyá. Dapat ding matantô na ang ibá’t ibá pang panahón ay dapat isunód sa talagáng tuntunin ng̃ anyông i.

Náitó sa kasunód ang isáng tálâán ng̃ mg̃a ugát na nátatakdâ sa pásubalì, at upáng lumiwanag ay marapat pag-agapayanin ang dalawáng tuntunin, gayón ang mg̃a ugát at mg̃a panahóng kinaúukulan ng̃ bawà’t isá.

Ugát. Panahón. Pangkalahatán. Pásubalì.
Alay Kasalukuyan. Iinaalay. Iniáalay.
Nakaraán. Iinalay. Inialay.
Ilag Kasalukuyan. Iiniilag. Iniíilag.
Nakaraán. Iinilag. Iniilag.
Utang Kasalukuyan. Iinuutang. Iniúutang.
Nakaraán. Iinutang. Iniutang.
Habol Kasalukuyan. Ihinahabol. Iniháhabol.
Nakaraán. Ihinabol. Inihabol.
Luhog Kasalukuyan. Ilinuluhog. Inilúluhog.
Nakaraán. Ilinuhog. Iniluhog.
Wakwák Kasalukuyan. Iwinawakwák. Iniwáwakwák.
Nakaraán. Iwinakwák. Iniwakwák.
Yapós Kasalukuyan. Iyinayapós. Iniyayapós.
Nakaraán. Iyinapós. Iniyapós.

KÁGAMITÁN NG̃ ANYÔNG “I”

G. ¿Saánsaán ginágamit ang anyông i?

N. Itóng anyông i ay isá ring makabuluháng anyô sa mg̃a pangtiyák at isá rin sa madalás gamitin sa mg̃a pangwatas tagalog. Ang mg̃a tuntunin ng̃ sa kanyá’y paggamit ay itóng mg̃a sumúsunód:

I.—Ginágamit itóng anyông i sa mg̃a salitâng ugát na nagbabadyá ng̃ pagtatapon ó paghahagis ng̃ anó man, hal.: sa tapon ay itapon, sa buhos ay ibuhos, sa hagis ay ihagis, sa hulog ay ihulog, sa bulíd ay ibulíd, sa pukól ay ipukól, sa bató ay ibató, sa suka ay isuka, sa luwâ ay iluwâ, sa uhô ay iuhô, sa bubô ay ibubô, atbp.

II.—Ginágamit ang anyông i sa mg̃a salitâng ugát na nagsusulit ng̃ pagpupunlâ ó pagtataním ng̃ anó man kailan ma’t ipinangtitiyák, hal.: sa taním ay itaním, sa punlâ ay ipunlâ, sa hasík ay ihasík, sa tubò ay itubò, sa baón ay ibaón, sa sabog ay isabog, atbp.

III.—Ginágamit din ang anyông i sa mg̃a salitâng ugát na nagpapahayag ng̃ pagkakalat ó pagpapálaganap ng̃ anó man kailan ma’t ipinangtitiyák, hal.: sa kalat ay ikalat, sa laganap ay ilaganap, sa sambulat ay isambulat, sa bulaksák ay ibulaksák, atbp.

IV.—Ginágamit din ang anyông i sa mg̃a salitâng ugát na nagbabadyá ng̃ paghahalò ó pagsasahók ng̃ anó man kailan ma’t pangwatas na ipinangtitiyák, hal.: sa halò ay ihalò, sa sama ay isama, sa sahók ay isahók, sa kanáw ay ikanáw, sa sawsáw ay isawsáw, sa lahók ay ilahók, atbp.

V.—Nagagawâng pangtiyák na pangwatas dito sa i ang mg̃a ugát na nagbabadyá ng̃ pagtutulad ó pagtitimbáng ng̃ isáng bagay sa kapuwà bagay, hal.: sa tulad ay itulad, sa paris ay iparis, sa gaya ay igaya, sa para ay ipara, sa wangkî ay iwangkî, sa mukhâ ay imukhâ, sa bagay ay ibagay, sa gagád ay igagád, sa timbáng ay itimbáng, sa pantáy ay ipantáy, sa tumbás ay itumbás, atbp.

VI.—Nagagawâ ring pangtiyák na pangwatas sa i ang mg̃a pangwatas na nagbabadyá ng̃ pagsasalitâ ó pagsasaysáy at pagtuturò, hal.: sa saysáy ay isaysáy, sa tanóng ay itanóng, sa sagót ay isagót, sa bulóng ay ibulóng, sa sumbóng ay isumbóng, sa balità ay ibalità, sa anás ay ianás, sa turò ay iturò, sa aral ay iaral, atbp. Kung minsan ang mg̃a pangwatas na pangbalak na binaybáy sa mag ay ginagawâng pangtiyák sa pamamagitan ng̃ pangtiyák nitó, hal.: sa salitâ ay ipagsalitâ, sa wikà ay ipagwikà, atbp.

VII.—Sa anyông i ay nagagawâ ring pangtiyák na pangwatas ang mg̃a nagbabadyá ng̃ pagbibilí ó paghahandóg ng̃ anó man, hal.: sa lakò ay ilakò, sa tindá ay itindá, sa handóg ay ihandóg, sa alay ay ialay, sa gawad ay igawad, atbp. Binabaybáy rin ang ilán sa pangtiyák na ipag na siyáng katugmâ ng̃ mag, hal.: sa bilí ay ipagbilí, sa amot ay ipag-amot, sa kaloób ay ipagkaloób, sa biyayà ay ipagbiyayà, atbp.

VIII.—Ang mg̃a salitâng ugát na nagbabadyá ng̃ paglalagáy sa isáng poók ó dako ng̃ anó man ay nagagawâng pangtiyák dito sa anyông i, hal.: sa lagáy ay ilagáy, sa lantád ay ilantád, sa bunyág ay ibunyág, sa bilád ay ibilád, sa patong ay ipatong, sa sing̃it ay ising̃it, sa siksík ay isiksík, sa salong ay isalong, sa gatong ay igatong, sa tapal ay itapal, atbp.

XII KABANATA
Ang pangtiyák na anyông “AN”

Gurò. ¿Anó ang tinátawag na anyông an?

Nag-aaral. Tinátawag na anyông an ang pangwatas na may sugpóng na an sa salitâng ugát.

G. ¿Mahalagá rin bagá ang pangtiyák na anyông itó gaya ng̃ mg̃a anyông in at i?

N. Sa mg̃a anyông pangtiyák, itóng an ay siyáng ikatló sa bilang na siyáng ginágamit sa mg̃a pangwatas tagalog. Itóng an ay malimit ding gamitin kaparis ng̃ dalawáng náuná sa kanyá, at isá rin sa maraming sakláw sa ating mg̃a salitâ.

G. ¿Paano ang paggamit dito sa anyông an?

N. Gaya rin ng̃ sa anyông in na may dalawáng kaparaanán: Una, kung ang salitâng ugát ay nagtatapós sa pangtinig (ó consonante) ó kayâ’y sa ting̃ig (ó vocal) na may kudlít na banayad (`) ó salakót (^) ay ginágamit ang an, gaya sa tapon ay tapunAN, sa susì ay susìAN, sa tapî ay tapîAN, atbp. Ikalawá, kung ang ugát ay nagtatapós sa ting̃ig (ó vocal) na walâng kudlít, ó kayâ’y sa ting̃ig na may kudlít na mariín (´), ang anyông an ay dapat gawíng han, gaya sa parusa ay parusaHAN, sa kasi ay kasiHAN, sa tindí ay tindíHAN, atbp.

G. ¿Mayroón din bang nangyayaring pagkakabago ukol sa pagsusugpóng ng̃ an sa salitâng ugát?

N. Mayroón pò, at ang mg̃a pagkakabagong itó’y katulad din ng̃ nangyayari sa in. Dapat din ditong itanghál ang mg̃a tuntunin nitóng an, upáng mákilala ang ganáng kabaguhan nitó.

Una.—Kung e ang katapusáng titik ng̃ ugát ay dapat gawíng i, gaya sa gabe ay gabihán, sa page ay pagihán, sa kapé ay kapihán, atbp.

Ikalawá.—Kung ang hulíng pantíg ng̃ ugát ay may e na pinagigitnâan ng̃ mg̃a pangtinig (ó consonante), ang náturang e ay dapat gawíng i gaya sa kiskés ay kiskisán, sa tites ay titisan, atbp.

Ikatló.—Kung ó ang katapusáng titik ng̃ ugát ay dapat gawíng u, gaya sa dulo ay duluhan, sa asó ay asuhán, sa bató ay batuhán, sa tampó ay tampuhán, atbp.

Ikaapat.—Kung ang hulíng pantíg ng̃ ugát ay may o na pinagigitnâan ng̃ mg̃a pangtinig (ó consonante), ang násabing o ay dapat gawíng u, gaya sa amóy ay amuyán, sa utos ay utusan, sa kutós ay kutusán, sa subok ay subukan, atbp.

Ikalimá.—Kung ang hulíng pantíg ng̃ ugát ay nagtatapós sa ad, ed, id, od, ó ud, na maáarìng baybayín sa an, ang d ay dapat gawíng r sang-ayon sa pátakaráng sinúsunód ukol sa bagay na itó; gaya sa bayad ay bayaran, sa gilíd ay gilirán, sa tingkád ay tingkarán. Ang d ay hindî nagbabago kung minsan, at kung magkaganitó’y kailang̃an namáng mawalâ ang i ó ang o sa mg̃a salitâng nagtatapós sa id ó od, gaya sa masíd ay masdán, sa sunód ay sundán, atbp.

Dapat din namáng mabatíd na ang unang dalawáng tuntunin ay bihibihiràng mangyari, sapagkâ’t sa ating wikà ay kauntî ang mg̃a salitâng mayroóng e sa katapusáng pantíg ng̃ mg̃a salitâng ugát, gaya ng̃ matatantô sa ikaapat na bahagi ng̃ Balarilàng itó.

MG̃A PANUTO SA PAGBABAYBÁY

G. ¿Alín ang mg̃a panuto nitóng anyông an na dapat alituntunín sa kanyáng pagbabaybáy?

N. Itóng anyông an ay walâng maraming pagkakabagobagong nangyayari, at dahil dito ay dî na kailang̃ang isáisáhín ang tuntunin ng̃ kaniyakaniyáng panahón at gayón din ng̃ ayos.

Dapat lamang matantô, na ang an ay palagìng sinusugpóng sa salitâng ugát na ibig baybayín, at sa kasalukuyan (ó presente) at mg̃a nakaraán (ó pretérito) ay kailang̃ang isunód sa in kung pano ang pagkakabuô nitó, ulitin ó dalawahín ang unang pantíg ng̃ ugát sa panahóng haharapín (ó futuro), at káhulíhuliha’y dapat isugpóng sa ugát ang an ó han sa pangbadyá at pang-utos.

Baybayín natin itóng anyông an sang-ayon sa mg̃a tuntuning ipináalala, at ilagáy nating halimbawà ang ugát na sulat at sakâ itó sugpung̃án ng̃ an na nagigíng pangwatas na sulatan na siyáng pangtiyák ng̃ sumulat na binaybáy sa um.

PAGBABAYBÁY SA ANYÔNG “AN”
Ayos. Panahón. Pagbaybáy.
Pangbadyá   Sulatan.
Panghiwatig Kasalukuyan Sinusulatan.
Nakaraán Sinulatan.
Nakaraán na Sinulatan na.
Haharapín Susulatan.
Pang-utos   Sulatan.
Pangsukob Kasalukuyan Kung sinusulatan.
Nakaraán Kung sinulatan.
Haharapín Kung susulatan.

KÁGAMITÁN NG̃ ANYÔNG “AN”

G. ¿Alínalín ang mg̃a tuntunin sa paggamit nitóng anyông an?

N. Itóng an ay siyáng ikatló sa bilang ng̃ mg̃a anyông pangtiyák, at dahil dito’y hindî mapag-áalinlang̃anang sambitin na siyá’y isá rin sa mg̃a nagbibigáy ng̃ malakíng tulong sa mg̃a pangwatas na hindî tiyák sa ating sariling wikà. Itóng mg̃a sumúsunód ang mg̃a pátakarán ng̃ sa kanyá’y paggamit:

I.—Ginágamit ang an sa mg̃a pangwatas na nagbabadyá ng̃ dako ó poók na kinaroroonán ng̃ anó man, lalòng lalò na sa panahóng nakaraán, hal.: sa tapon ay tinapunan, sa lagáy ay nilagyán, sa silíd ay sinidlán, sa tayô ay tinayùán, sa sulót ay sinulután, sa pasak ay pinasakan, atbp.

II.—Ginágamit ang an sa mg̃a pangwatas na nagbabadyá ng̃ pagbibigáy ó pagkuha ng̃ anó man kailan ma’t itó’y tiyák, hal.: sa bigáy ay bigyán, sa handóg ay handugán, sa alay ay alayan, sa bilí ay bilhán, sa dalá ay dalhán, sa bawas ay bawasan, sa kuha ay kunan, sa hing̃î ay hing̃án, atbp.

III.—Ginágamit din ang an sa mg̃a pangwatas na nagsusulit ng̃ pang̃ang̃aral ó pagtawag sa sino man kailan ma’t tiyák itó, hal.: sa aral ay aralan, sa hatol ay hatulan, sa turò ay turùan, sa tawag ay tawagan, sa sigáw ay sigawán, sa kawáy ay kawayán, sa bulóng ay bulung̃án, sa anás ay anasán, atbp. Ang ilán sa mg̃a pangwatas na itó ay binabaybáy sa pangtiyák na pag-an na siyáng katugmâ ng̃ mag, hal.: sa sabi ay pagsabihan, sa usap ay pang̃usapan, atbp.

IV.—Ginágamit ang an sa mg̃a salitâng ugát na nagbabadyá ng̃ mg̃a gawíng likás ng̃ damdamin kailan ma’t tumutukoy sa sino man, hal.: sa ting̃ín ay tingnán, sa masíd ay masdán, sa amóy ay amuyán, sa hawak ay hawakan, sa dilà ay dilàan, atbp. May ilán sa bagay na itó ang ginágamit sa in gaya ng̃ lasáp ay lasapín, ng̃ diníg ay dinggín, ng̃ tanáw ay tanawín, atbp.

V.—Ang mg̃a salitâng pangdiwà na nagbabadyá ng̃ anó man at sugpung̃án ng̃ anyông an at ulitin ó dalawahín ang buông salitâng ugát na násabi ay nagkakahulugán ng̃ kaliitan ó kawalâng kabuluhán ng̃ isáng bagay, hal.: sa tao ay taútauhan, sa bahay ay baháybahayan, sa pusà ay pusàpusàan, sa lang̃it ay lang̃ítlang̃itan, sa santól ay santúlsantulan, at ibá pa. Kung ang ugát ay may tatló ó apat na pantíg ay sukat ng̃ ulitin ang unang dalawáng pantíg niyá, hal.: sa tinapay ay tinátinapayan, sa salawál ay salásalawalan, atbp.

VI.—Ang mg̃a salitâng ugát na nagbabadyá ng̃ anó man sang-ayon sa kápakanán ng̃ bawà’t isá at másungpung̃an ng̃ an ay nagigíng salitâng ang kahulugá’y poók ng̃ karamihan, hal.: sa bahay ay bahayán, sa santól ay santulan, sa manggá ay manggahan, sa saging ay saging̃án, sa bayan ay bayanán, sa duhat ay duhatán, atbp.

XIII KABANATA
Pangtiyák ng̃ anyông “UM”

Gurò. ¿Alín ang pangtiyák nitóng um?

Nag-aaral. Gaya ng̃ násabi, ang mg̃a anyông pangbalak na dî dumadalirì ó tumitiyák ng̃ anó mang bagay ó pang̃alan, ay may mg̃a katapát ó katugmâng mg̃a anyông pangtiyák na siyáng tumutukoy sa mg̃a bagay ó pang̃alang tiyák ó damá. Bawà’t anyông pangbalak ay may katugmâng anyông pangtiyák na hindî lamang íisá kundî dalawá ó tatló ang kadalasán. Ang katugmâ nitóng anyông um kung talagáng susurìin ay ang tatlóng pang̃ulong pangtiyák na sinundán na isáisáng pinag-ukulan ng̃ masusìng pag-áaral at matamáng pagsusurì, na dilì ibá’t ang in, ang i at ang an.

G. ¿Alín ang dapat kásaligán sa pagbabaybáy ng̃ mg̃a pangtiyák ng̃ um?

N. Ang pagbabaybáy sa in ay dapat másalig ng̃ sa anyông in, ang sa i ay dapat mabatay ng̃ sa anyông i at ang sa an ay dapat máayon ng̃ sa anyông an.

Baybayín nating isáisá ang tatlóng pangtiyák ng̃ um at pag-úkulan natin ng̃ dalawáng pangwatas: isá’y ang tumakbó na tumutukoy sa unang hugis ng̃ um at umutang na bumabanggít sa ikalawá.

IN.
Ayos. Panahón. Pagbabaybáy.
Pangbadyá   Takbuhín. Utang̃in.
Panghiwatig Kasalukuyan Tinátakbó. Inúutang.
Nakaraán Tinakbó. Inutang.
Nakaraán na Tinakbó na. Inutang na.
Kararaán Katátakbó pa. Kaúutang pa.
Haharapín Tatakbuhín. Úutang̃in.
Pang-utos   Takbuhín. Utang̃in.
Pangsukob Kasalukuyan Kung tinátakbó. Kung inúutang.
Nakaraán Kung tinakbó. Kung inutang.
Haharapín Kung tatakbuhín. Kung úutang̃in.
I.
Pangbadyá   Itakbó. Iutang.
Panghiwatig Kasalukuyan Itinátakbó. Iniúutang.
Nakaraán Itinakbó. Iniutang.
Nakaraán na Itinakbó na. Iniutang na.
Haharapín. Itátakbó. Iúutang.
Pang-utos   Itakbó. Iutang.
Pangsukob Kasalukuyan Kung itinátakbó. Kung iniúutang.
Nakaraán Kung itinakbó. Kung iniutang.
Haharapín Kung itátakbó. Kung iúutang.
AN.
Pangbadyá   Takbuhan. Utang̃an.
Panghiwatig Kasalukuyan Tinátakbuhán. Inúutang̃an.
Nakaraán Tinakbuhán. Inutang̃an.
Nakaraán na Tinakbuhán na. Inutang̃an na.
Haharapín Tatakbuhán. Úutang̃an.
Pang-utos   Takbuhan. Utang̃an.
Pangsukob Kasalukuyan Kung tinátakbuhán. Kung inúutang̃an.
Nakaraán Kung tinakbuhán. Kung inutang̃an.
Haharapín Kung tatakbuhán. Kung úutang̃an.

XIV KABANATA
Pangtiyák ng̃ anyông “MAG”

Gurò. ¿Alín namán ang pangtiyák nitóng mag?

Nag-aaral. Lahát ng̃ mg̃a anyông pangbalak sa Wikàng Tagalog na dî miminsan nang násabi ay may katapát ó katugmâng anyông pangtiyák na hindî lamang íisá kundî marami. Karaniwang gawín upáng ang anyông pangbalak ay magíng pangtiyák ay ginagawâng p ang mg̃a unang titik niyaóng nagpapásimulâ sa m, maliban lamang ang ilán na hindî nangyayari ang ganitóng pagbabago.

Sang-ayon sa paraáng katutukoy, pag ang siyáng pangtiyák nitóng mag. Itó namáng pag ay nang̃áng̃ailang̃an ng̃ tulong ng̃ mg̃a pang̃ulong anyô sa pangtiyák na in, i at an, na susog sa bagay na itó ang pag ay nagigíng pag-in, ipag at pag-an. Bukód sa mg̃a pangtiyák na itó, ang mag ay mayroón pang tatlóng pangtiyák ding katugmâ, na, dilì ibá’t ang in, ang i at ang an na walâng pag. Dapat matantô na ang pag-in ay bihiràng gamitin, sapagkâ’t ang karamihang ugát na náuukol sa kanyá ay binabaybáy na sa in. Gayón man, ang pag-in ay kailang̃an din kung minsan, lalòng lalò na kung tumutukoy sa mg̃a salitâng nagbabadyá ng̃ pag-úutos ó panunuyò.

G. Yamang ang in, i at an ay napag-ukulan na ng̃ kaníkaniyáng pag-áaral, ¿anó namán ang tinátawag na anyông ipag?

N. Tinátawag na anyông ipag ang pangwatas na may pang-angkáp na ipag sa salitâng ugát, gaya ng̃ ipag-utos, ipagbilin, ipagsama na mg̃a pangtiyák na pangwatas ng̃ mag-utos, magbilin at magsama.

G. ¿Anó ang tinátawag na anyông pag-an?

N. Tinátawag na anyông pag-an ang pangwatas na may pang-angkáp na pag at may sugpóng na an sa ugát, gaya ng̃ pagsalitâan, pagkalooban, pagbintang̃án, na mg̃a pangtiyák na pangwatas ng̃ magsalitâ, magkaloób at magbintáng.

G. ¿Anó ang tinátawag na anyông pag-in?

N. Tinátawag na anyông pag-in ang pangwatas na may pang-angkáp na pag at may sugpóng na in sa salitâng ugát, gaya ng̃ pag-awitin, pagdasalin, pagsayawin na mg̃a pangtiyák na pangwatas ng̃ mag-awit, magdasál at magsayáw.

G. ¿Alínalín ang mg̃a panutong dapat taluntunín sa pagbabaybáy ng̃ mg̃a pangtiyák ng̃ anyông mag?

N. Ang pagbabaybáy sa in, i at an ay dapat ibatay ng̃ sa mg̃a anyông in, i at an; ang sa ipag ay gaya rin ng̃ sa i na sining̃itan lamang ng̃ pag sa gitnâ ng̃ ugát at ng̃ násabing i; ang sa pag-an ay gaya ng̃ sa anyông an na inangkapán ng̃ pag sa ugát; at ang sa pag-in ay paris din ng̃ sa anyông in na inangkapán namán ng̃ pag sa salitâng ugát.

Isáisá nating baybayín ang mg̃a náturang pangtiyák ng̃ mag at kunin nating halimbawà ang mg̃a pangwatas na magsaing at magmana na ang una’y nagtatapós sa pangtinig at ang ikalawá’y sa ting̃ig (ó vocal).

PAGBABAYBÁY SA MG̃A PANGTIYÁK NG̃ “MAG”
IN.
Pangbadyá   Saing̃in. Manahin.
Panghiwatig Kasalukuyan Sinasaing. Minamana.
Nakaraán Sinaing. Minana.
Nakaraán na Sinaing na. Minana na.
Kararaán Kasasaing pa. Kamamana pa.
Haharapín Sasaing̃in. Mamanahin.
Pang-utos   Saing̃in. Manahin.
Pangsukob Kasalukuyan Kung sinasaing. Kung minamana.
Nakaraán Kung sinaing. Kung minana.
Haharapín Kung sasaing̃in. Kung mamanahin.
I.
Pangbadyá   Isaing. Imana.
Panghiwatig Kasalukuyan Isinasaing. Iminamana.
Nakaraán Isinaing. Iminana.
Nakaraán na Isinaing na. Iminana na.
Haharapín Isasaing. Imamana.
Pang-utos   Isaing. Imana.
Pangsukob Kasalukuyan Kung isinasaing. Kung iminamana.
Nakaraán Kung isinaing. Kung iminana.
Haharapín Kung isasaing. Kung imamana.
AN.
Pangbadyá   Saing̃an. Manahan.
Panghiwatig Kasalukuyan Sinasaing̃an. Minamanahan.
Nakaraán Sinaing̃an. Minanahan.
Nakaraán na Sinaing̃an na. Minanahan na.
Haharapín Sasaing̃an. Mamanahan.
Pang-utos   Saing̃an. Manahan.
Pangsukob Kasalukuyan Kung sinasaing̃an. Kung minamanahan.
Nakaraán Kung sinaing̃an. Kung minanahan.
Haharapín Kung sasaing̃an. Kung mamanahan.
IPAG.
Pangbadyá   Ipagsaing. Ipagmana.
Panghiwatig Kasalukuyan Ipinagsasaing. Ipinagmamana.
Nakaraán Ipinagsaing. Ipinagmana.
Nakaraán na Ipinagsaing na. Ipinagmana na.
Haharapín Ipagsasaing. Ipagmamana.
Pang-utos   Ipagsaing. Ipagmana.
Pangsukob Kasalukuyan Kung ipinagsasaing. Kung ipinagmamana.
Nakaraán Kung ipinagsaing. Kung ipinagmana.
Haharapín Kung ipagsasaing. Kung ipagmamana.
PAG-AN.
Pangbadyá   Pagsaing̃an. Pagmanahan.
Panghiwatig Kasalukuyan Pinagsasaing̃an. Pinagmamanahan.
Nakaraán Pinagsaing̃an. Pinagmanahan.
Nakaraán na Pinagsaing̃an na. Pinagmanahan na.
Haharapín Pagsasaing̃an. Pagmamanahan.
Pang-utos   Pagsaing̃an. Pagmanahan.
Pangsukob Kasalukuyan Kung pinagsasaing̃an. Kung pinagmamanahan.
Nakaraán Kung pinagsaing̃an. Kung pinagmanahan.
Haharapín Kung pagsasaing̃an. Kung pagmamanahan.
PAG-IN.[15]
Pangbadyá   Pagsaing̃in. Pagmanahin.
Panghiwatig Kasalukuyan Pinagsasaing. Pinagmamana.
Nakaraán Pinagsaing. Pinagmana.
Nakaraán na Pinagsaing na. Pinagmana na.
Haharapín Pagsasaing̃in. Pagmamanahin.
Pang-utos   Pagsaing̃in. Pagmanahin.
Pangsukob Kasalukuyan Kung pinagsasaing. Kung pinagmamana.
Nakaraán Kung pinagsaing. Kung pinagmana.
Haharapín Kung pagsasaing̃in. Kung pagmamanahin.

TALABABÂAN

[15] Sakalì mang totoó na itóng pag-in ay dî kailang̃an dahil sa anyông in, ay tunay rin namáng ang náturang pag-in ay makabuluhán kung minsan at may sariling kátuturán. Kung ang pag-an ay kailang̃an baga ma’t mayroón nang an, ang pag-in namá’y kailang̃an din kahì’t na mayroóng in. Linawin natin sa pamamagitan ng̃ halimbawà. Kung sabihing sa tiyák na bagay at pag-úutos na: Larùin mo ang batà ay hindî ng̃â maáarìng sabihin pang paglarùin mo ang batà, sapagkâ’t may magkaibáng kahulugán siláng dalawá. Ang una’y nagsasaád ng̃ pag-úutos sa sino man na siyá ang maglarô sa batà, samantalàng ang ikalawá’y nagbabadyá namán ng̃ pag-úutos sa sino man na siyá’y mag-utos ó magsabi ó magpabayà ng̃ paglalarô sa batà. Ganitó ring kaibhán ang nádadamá ukol sa an at pag-an, gaya sa mg̃a salitâng larùan at paglarùan.

XV KABANATA
Ang pangbalak na anyông “MANG”

Gurò. ¿Anó ang tinátawag na anyông mang?

Nag-aaral. Tinátawag na anyông mang ang pangwatas na may pang-angkáp na mang sa salitâng ugát.

G. ¿Anó ang káhalagahán nitóng mang sa ating mg̃a pangwatas?

N. Kung may káhalagaháng tagláy ang um at mag sa mg̃a anyông pangbalak ng̃ pangwatas tagalog, ang mang namá’y isá rin sa nábibilang sa matataás na urì ng̃ mg̃a anyô at isá rin sa nagbibigáy ng̃ mahalagáng tulong sa ating mg̃a salitâ.

G. ¿Alín ang mg̃a pagbabagong karaniwang mangyari sa pag-áangkáp ng̃ mang sa salitâng ugát?

N. Sang-ayon sa simulâng titik nitóng ugát ay nabábagong madalás ang mg̃a titik ng̃ pangwatas kung iniáangkáp ang mang, at sa pagbabagong itó ay máitatakdâ ang mg̃a ganitóng tuntunin:

Una.—Ang mg̃a salitâng ugát na nagpapásimulâ sa b ó p ay karaniwang magíng m at ang anyông mang ay náwawalâ ang hulíng dalawáng titik, sa makatwíd bagá’y nagigíng ma, gaya sa bulák ay mamulák, sa bayabas ay mamayabas, sa pukot ay mamukot, sa pulá ay mamulá.

Ikalawá.—Ang karamihan sa mg̃a salitâng ugát na nagpapásimulâ sa ting̃ig (ó vocal), ay nabábago ang pang-angkáp na mang sa mang̃, gaya sa isdâ ay mang̃isdâ, sa usá ay mang̃usá, sa ibig ay mang̃ibig, sa una ay mang̃una.

Ikatló.—Ang mg̃a salitâng ugát na ang unang titik ay k ay karaniwang náwawalâ ang titik na itó, at dahilán dito ang anyông mang ay dapat gawíng mang̃ gaya sa kahoy ay mang̃ahoy, sa kulam ay mang̃ulam, sa kutós ay mang̃utós, sa kitíl ay mang̃itíl.

Ikaapat.—Ang karamihan sa mg̃a salitâng ugát na ang pásimulâng titik ay s ó t at kung minsa’y d ay karaniwang magíng n at dahilán dito ang mang ay nagigíng ma, gaya sa sumbóng ay manumbóng, sa sisi ay manisi, sa tiklóp ay maniklóp, sa tiktík ay maniktík, sa dikít ay manikít, sa dalang̃in ay manalang̃in.

MG̃A TUNTUNIN SA PAGBABAYBÁY

G. ¿Alín ang mg̃a tuntuning dapat pagbatayán ukol sa pagbabaybáy nitóng anyông mang?

N. Kung ang pangwatas na babaybayín ay walâng pagkakabagong nangyayari ay dapat isalig ang pagbabaybáy sa mg̃a tuntunin ng̃ anyông mag na walâng pagkakáibá liban sa mang ang anyông iáangkáp. Ng̃unì’t kung pangwatas namáng may pagbabago, ang babaybayín ay gaya rin ng̃ mg̃a tuntunin ng̃ mang ang dapat sundín baga ma’t kailang̃ang ibatay sa apat sa panutong inilagdâ ukol sa mg̃a kabaguhang sukat mangyari.

Baybayín natin ang dalawáng bagay ó paraáng kasasambit at iukol sa una ang ugát na habol at sa ikalawá’y tiklóp na kung angkapán kapwà ng̃ mang ay nagigíng pangwatas na manghabol at maniklóp sang-ayon sa mg̃a pátakaráng náilagdâ.

PAGBABAYBÁY SA ANYÔNG “MANG”
Ayos. Panahón. Pagbaybáy.
Pangbadyá   Manghabol. Maniklóp.
Panghiwatig Kasalukuyan Nangháhabol. Naníniklóp.
Nakaraán Nanghabol. Naniklóp.
Nakaraán na { Nakahabol na. { Nakatiklóp na.
{ Nanghabol na. { Naniklóp na.
Haharapín Mangháhabol. Maniniklóp.
Pang-utos   Manghabol. Maniklóp.
Pangsukob Kasalukuyan Kung nangháhabol. Kung naníniklóp.
Nakaraán Kung nanghabol. Kung naniklóp.
Haharapín Kung mangháhabol. Kung maniniklóp.

PANGTIYÁK NG̃ ANYÔNG “MANG”

G. ¿Alín ang anyông pangtiyák nitóng mang?

N. Sang-ayon sa mg̃a paraáng sinambít na sa anyông mag ang pangtiyák nitóng mang ay pang. Itó namáng pang ay nang̃áng̃ailang̃ang tulung̃an ng̃ mg̃a pang̃ulong anyô sa pangtiyák na in, i at an upáng ang paggamit ay mápawastô, at sang-ayon din sa bagay na itó, ang pang ay nagigíng pang-in, ipang at pang-an.

G. ¿Anó kung gayón ang tinátawag na anyông pang-in?

N. Tinátawag na anyông pang-in ang pangwatas na may pang-angkáp na pang at may sugpóng na in, gaya ng̃ pang̃isdâín, pang̃unahin, pamukutin, na mg̃a pangtiyák na pangwatas ng̃ mang̃isdâ, mang̃una, at mamukot.

G. ¿Anó ang tinátawag na anyông ipang?

N. Tinátawag na anyông ipang ang pangwatas na may pang-angkáp na ipang, gaya ng̃ ipanghuli, ipamintás, ipang̃usá, na mg̃a pangtiyák na pangwatas ng̃ manghuli, mamintás at mang̃usá.

G. ¿Anó namán ang tinátawag na anyông pang-an?

N. Tinátawag na anyông pang-an ang pangwatas na may pang-angkáp na pang at may sugpóng na an, gaya ng̃ pang̃ahuyan, pamangkâan, pamayanan, na mg̃a pangtiyák na pangwatas ng̃ mang̃ahoy, mamangkâ, at mamayan.

G. ¿Nabábago rin bagá itóng pangtiyák na pang?

N. Oo pò, at ang pagkakabagong itó’y nátutulad sa nangyayari sa mang, kayâ’t ang mg̃a tuntunin nitó’y siyá ring dapat pairalin sa pang.

G. ¿Alín namán ang mg̃a tuntunin sa pagbabaybáy nitóng pangtiyák na pang?

N. Ang pagbabaybáy sa pang-in ay násasalig ng̃ sa anyông in, na inangkapán ng̃ pang; ang sa ipang ay naáayon ng̃ sa anyông i, na sining̃itan lamang ng̃ pang sa gitnâ ng̃ ugát at ng̃ náturang i; at ang sa pang-an ay nabábatay namán ng̃ sa anyông an na inangkapán ng̃ pang.

Sa pagbabaybáy nitóng mg̃a pangtiyák ng̃ mang ay kunin natin ang dalawáng pangwatas na manghulà at manahî, na ang isá’y nabábago ang mg̃a titik ng̃ ugát at ang isá’y hindî.

PAGBABAYBÁY SA MG̃A PANGTIYÁK NG̃ ANYÔNG “MANG”.
PANG-IN.
Ayos. Panahón. Pagbaybáy.
Pangbadyá   Panghulàin. Panahìin.
Panghiwatig Kasalukuyan Pinanghuhulà. Pinananahî.
Nakaraán Pinanghulà. Pinanahî.
Nakaraán na Pinanghulà na. Pinanahî na.
Kararaán Kapanghuhulà pa. Kapapanahî pa.
Haharapín Panghuhulàin. Pananahìin.
Pang-utos   Panghulàin. Panahìin.
Pangsukob Kasalukuyan Kung pinanghuhulà. Kung pinananahî.
Nakaraán Kung pinanghulà. Kung pinanahî.
Haharapín Kung panghuhulàin. Kung pananahìin.
IPANG.
Pangbadyá   Ipanghulà. Ipanahî.
Panghiwatig Kasalukuyan Ipinanghuhulà. Ipinananahî.
Nakaraán Ipinanghulà. Ipinanahî.
Nakaraán na Ipinanghulà na. Ipinanahî na.
Haharapín Ipanghuhulà. Ipananahî.
Pang-utos   Ipanghulà. Ipanahî.
Pangsukob Kasalukuyan Kung ipinanghuhulà. Kung ipinananahî.
Nakaraán Kung ipinanghulà. Kung ipinanahî.
Haharapín Kung ipanghuhulà. Kung ipananahî.
PANG-AN.
Pangbadyá   Panghulàan. Panahìan.
Panghiwatig Kasalukuyan Pinanghuhulàan. Pinananahìan.
Nakaraán Pinanghulàan. Pinanahìan.
Nakaraán na Pinanghulàan na. Pinanahìan na.
Haharapín Panghuhulàan. Pananahìan.
Pang-utos   Panghulàan. Panahìan.
Pangsukob Kasalukuyan Kung pinanghuhulàan. Kung pinananahìan.
Nakaraán Kung pinanghulàan. Kung pinanahìan.
Haharapín Kung panghuhulàan. Kung pananahìan.

KÁGAMITÁN NITÓNG ANYÔNG “MANG”