Mulâ ng̃ sumacay si Rizal sa vapor "Isla de Panay", hindî tumátantan ang mg̃a castilang casacay niya roon ng̃ sa canya'y pagpapasaring ng̃ masasaclap, pag-irap at pagpapakitang galit. Dalawang castílà lamang ang sa canya'y nagpakita ng̃ cagandahang calooban: si D. Juan Utor y Fernández at si D. Federico Brú. Pagdatíng sa Singapore ay lumunsad sa vapor na casama ni D. Pedro Roxas, na hindî na nanumbalic sa vapor.
Hindî naliling̃id cay Rizal na hanggang nananatili siya sa loob ng̃ capangyarihan ng̃ Españang pinaghaharian ng̃ mg̃a fraile, saan man siya pumatung̃o'y nang̃ang̃anib na lubhâ ang canyang buhay; talastas din naman niyang cung mátira na siya sa Singapore ay hindî na siya mapanghihimasucan ng̃ caniyang mg̃a caaway; datapuwa't ¿paanong pagtaliwacás niya sa tungculing atang ng̃ capurihan? Cung mátira siya sa Singapore, tunay ng̃a't siya'y tátahimic, ng̃uni't marurung̃isan namán ang canyáng dang̃al ng̃ capintasang siya'y tumanan, tumalicod sa pakikitunggali sa icatutubos ng̃ canyang bayan sa caalipnan.
Ng̃ ipakiusap niya sa General Blanco na siya'y ipadalá sa Cuba, ay itó ang sinabi niya sa canyang pinacasintang Ina:
"—Nanay: Walâ pong daang magcaroon acó ng̃ calayaan sa paglilingcod sa tinubuang lúpà, cung narito rin lamang acó sa bayang sacóp ng̃ capangyarihan ng̃ mg̃a fraile. Tunay ng̃a't dito sa Dapitan ay nacapagtatanim acó ng̃ mg̃a abacá, niyóg at ibá pang halamang sa capanahuna'y magbubung̃a ng̃ icapapanatag ng̃ aking catandaan, ng̃uni't capang̃itang budhing totoo ang walang adhicaín cung dî ang sariling cagaling̃an! Sa ganito'y hining̃î co pô sa Gobernador General na gawán acó ng̃ magalíng na maguíng médico ng̃ hucbó ng̃ mg̃a castílà sa Cuba, at cung magcagayo'y másusunduan co ang aking mithing cailan ma'y macagawâ ng̃ cagaling̃an sa capowa tao. Cung tamuhin co pô ang hang̃ad cung itó, hindî lamang manggagamot acó sa mg̃a nasusugatan at nagcacasakít na mg̃a castilang cawal, cung dî macapanggagamot din acó sa mg̃a nagcacasakit at nasusugatang mg̃a cubano. Walang tungcol na makipagpatayan ang médico, cung dî ang magligtas sa camatayan. Inuusig ng̃ mg̃a cubano ang marang̃al na pitang magcamít ng̃ Casarinlan at mg̃a calayaan, at sa pagca't siya co rin namang hang̃ad sa ating kinamulatang bayan, ¿sino ang nacacaalam cung cahi't babahagya'y macatutulong acó sa canila, hindî sa pamamag-itan ng̃ anomang paglililo, na totoong aking kinamumuhîan, cung dî sa mg̃a caparaanang hatol ng̃ wagas na catuwiran. Ano man ang caratnan ng̃ casalucuyang pagbabaca ng̃ castila't cubano cung camtan co ang catungculang aking hinihing̃î ay mapapagaling acó. Cung matalo ang mg̃a cubano'y macaoowî acó sa Europa, at cung manalo nama'y gayon din at cung nasa Europa na aco'y maipagpapatuloy co ang aking paglilingcod sa Filipinas at sa inyó naman."
—"Talastas mo anac co—ang sagot ng̃ Ina ni Rizal na tumutulò ang saganang lúhâ sa mg̃a matá,—na ang bawa't magaling̃ín mo'y minamabuti co naman. Ipinagpipighatî co ng̃ labis ang pang̃ung̃ulila sa iyo; datapuwa't huwag mong pansinin ang aking ililigaya, cung dî ang icararang̃al ng̃ ating láhì at ng̃ tinubuan nating lúpà."
Casagutan itóng nagbíbigay dang̃al, hindî lamang sa mahál na iná ni Rizal, cung dî sa lahát ng̃ mg̃a babaeng filipina, at macatuwirang tutol naman sa mg̃a walang pusong nagsasabing sucat na sa babae ang matutong mamahay, maglingcod at sumintá sa asawa't mg̃a anác, at hindî kinacailang̃ang matuto ng̃ mg̃a dunong. Cung hang̃ál ang iná ni Rizal, hindî ng̃â marahil mapag-aabot na marapat mahalín ang kinaguisnang lúpà cay sa sariling buhay at sa buhay ng̃ lalong pinacamúmutyang anác. Hindî dapat limuting sa calooban ng̃ ina lalong tumutulad ang calooban ng̃ bung̃a ng̃ canyang pagsinta, palibhasa'y ang iná ang unang maestra ng̃ mg̃a anác buhat sa camusmusán. Cung hinadlang̃án ng̃ iná ni Rizal ang hilig nitó sa pagsusumakit sa icagagalíng ng̃ Filipinas, mulâ pa sa canyang pagcabátà, ¿hidwâ bagá sa catuwirang sapantahing marahil hindî natin pangguiguilasan ng̃ayon ang pagca macabayan ng̃ Mártir nating capatíd?
Hindî camalîan ang capaniwalaang bawa't tao'y nagpápalagay, na ang lahát ng̃ capowa niya tao'y tulad sa canya ang damdamin at panucálà. Palibhasa'y hindî namugad cailan man sa dibdib ni Rizal ang dayà, bintang at catacsilan, hindî naman niya naisip na bacá gamitin ng̃ canyang marami't macapangyarihang mg̃a caaway ang tacsíl at capang̃itpang̃itang sandatang paratang, na guinamit cay Cristo ng̃ mg̃a judío, ni Bobadilla cay Colón, ng̃ mg̃a caaway ng̃ caliwanagan cay Galileo, ng̃ mg̃a caaway ng̃ calayâan cay Mariana Pinedas ... Nagbalíc siya sa vapor "Isla de Panay", baga man naguguniguni na niya ang sa canya'y calaguimlaguim na mangyayari.
Nalís sa Singapore ang "Isla de Panay." Ng̃ magdaan sa Port Said ang vapor na itó, ay tumanggap ang capitan ng̃ utos na piitin at hwag papakipagusapin canino man si Rizal. Ng̃ na sa dagat Mediterráneo na ang "Isla de Panay," ng̃ maulap na hapon ng̃ ica 27 ng̃ Septiembre ng̃ 1896, sinabi ni Don Juan Utor y Fernández cay Rizal, na canyang casama sa paglalacbay-dagat na iyon, sa pakiusap ng̃ capitán ng̃ vapor, ang cautusáng sinabi na, at ng̃ maalaman ni Rizal ay ng̃umitî at nagsalitâ:—Pinipilit co sanang paniwalâan ang cadalisayan ng̃ loob ng̃ Gobierno ng̃ España; ng̃uni't pinasisinung̃aling̃an ang aking pananalig ng̃ canyang mg̃a dî wastong gawâ.
Pagdatíng sa Barcelona, España, ng̃ "Isla de Luzón" ay inilunsád na bilangô si Rizal, at itinuloy agad-agad sa bilangguang cakilakilabot ng̃ Montjuich. Hindî nalao't kinuha sa bilangguang iyón si Rizal at isinacay sa vapor "Colón" upang ibalíc sa Maynílà.
Ng̃ mabalitaan sa Europa ang gayong nangyari cay Rizal, pagdaca'y nagsigalaw ang canyang mg̃a caibigan, lalonglalo na ang ating cababayang na sa Lóndres, na si Dr. Antonio María Regidor; cayâ ng̃a't sila'y tumelegrama agad sa abogadong inglés na si Mr. Charles Burton Buckley, na nasa Singapore, upang magharáp ng̃ isáng sulat sa Tribunal Supremo doon at hing̃íng ilunsád si Rizal sa "Colón," sa pagca't napipiit na walang utos ang sino mang hucóm. Tumelegrama rin naman sa Banco Chartered, upang pagbayaran ang lahat ng̃ magugol sa pagliligtás cay Rizal. Guinanap ng̃ abogado ang cahing̃ian sa canya; ng̃uni't walang nangyari. Nagpasiyá ang Tribunal Supremo sa Singapore, na sa pagca't si Rizal ay táong sacop ng̃ España, at nalululan sa isáng vapor ng̃ España ay dî ng̃â niya mapapakialaman.
Dumating ang "Colón" sa Maynílà ng̃ icá 3 ng̃ Noviembre ng̃ 1896, at pagdaca'y inihatíd siya sa bilangguang "Fuerza de Santiago" upang managót sa mg̃a sumbóng, di umano, ng̃ canya ring mg̃a cababayang pinasigáw sa capapahirap na calaguimlaguím ng̃ mg̃a verdugong casapacat ng̃ mg̃a fraile.
Ang mg̃a casulatang pinagpapatacaran ng̃ mg̃a sumbong ay ang nasumpung̃an ng̃ mg̃a guardia civil veterana sa Maynílà, sa bodega ni Mr. Fressell, na ang nagligpít doon ay si Gat Andrés Bonifacio. Ang mg̃a casulatang yao'y pawang salin lamang ng̃ mg̃a sumusunod:
1. Sulat ni G. Antonio Luna cay G. Mariano Ponce.—2. Sulat ni Rizal sa canyang mg̃a capatid.—3. Sulat ni G. Marcelo H. del Pilar cay G. Deodato Arellano.—4. "Kundiman"; tulang cathâ ni Rizal.—5. Sulat ni D. Cárlos Oliver.—6. Sulat ni "Panday Pira", (G. Pedro Serrano Laktaw) na inihahalal si Rizal na Venerable de Honor ng̃ "Gran Logia Central Nilad".—7. Sulat ni "Dimasalang" (Rizal) cay "Tenluz" (G. Zulueta).—8. Sulat ni Dimasalang (Rizal) sa isáng Comité.—9. Sulat na walang pang̃alan at walang fecha, na doo'y tinututulan ang pagpapatapon sa Dapitan cay Rizal.—10. Sulat ni Ildefonso Laurel cay Rizal.—11. Sulat ni Rizal "Segundo."—12. Sulat ni Gat Marcelo H. del Pilar cay G. "Juan A. Tenluz" (Juan Zulueta)—13. Talumpatì ni G. Emilio Jacinto sa isáng pagpupulong ng̃ Katipunan, na winacasan ng̃ mg̃a ganitóng salitâ: "¡Mabuhay ang Filipinas! ¡Mabuhay ang Calayàan! ¡Mabuhay ang Doctor Rizal! ¡!Mang̃agcáisa tayo!!"—14. Talumpatì ni G. José Turiano Santiago, sa pulong ding iyón ng̃ Katipunan, na itó ang mg̃a catapusáng saysay: "¡Mabuhay ang Filipinas! ¡Mabuhay ang Calayàan! ¡Mabuhay ang marilág na Doctor Rizal! ¡¡Mamatáy ang mapagpahirap na nación!! Mayníla, 23 ng̃ Julio ng̃ 1893.—Tiktik".—15. Sa Talisay, tulâ ni Rizal:
Pinagpatuunan din ng̃ mg̃a sacdal na laban cay Rizal ang mg̃a "declaración" ng̃ mg̃a filipinong pinahirapan ng̃ catacot-tacot, na si na guinoong Martín Constantino, Aguedo del Rosario, José Reyes, Moisés Salvador, José Dizon, Domingo Franco, Deodato Arellano, Ambrosio Salvador, Pedro Serrano, Pío Valenzuela, Antonio Salazar, Francisco Guison at Timoteo Paez.
Ang hucóm na nuha ng̃ sinabi ng̃ mg̃a declamación at lubhang nagpahirap sa mg̃a filipino ay ang malupít at cabang̃isbang̃isang si Coronel Olive.
Ng̃ ica 26 ng̃ Noviembre ng̃ 1896 ay inihalal ng̃ General Blanco na Juez especial ni Rizal si D. Rafael Dominguez, capitán ng̃ infantería, at secretario si Juan González y Garcia, cabong castílà ng̃ regimiento ng̃ infantería núm. 74.
Ng̃ ica 5 ng̃ Diciembre ng̃ 1896 ay nagpasiyá si capitan Dominguez, na ayon daw sa mg̃a casulatang narakìp at sa mg̃a "declaración" ni Martín Constantino, Aguedo del Rosario, José Reyes at iba pa, si Rizal ay siyang buháy na calolowa ng̃ panghihimagsic, pang̃ulong púnò ng̃ mg̃a "filibustero", pang̃ulong nagtatag ng̃ panghihimagsic, at iba pa.
Ipinadalá ng̃ General Blanco ang "causa" sa Auditor General de Guerra na si Don Nicolás Peña, at nagpasiya itó ng̃ ica 7 ng̃ Diciembre ng̃ 1896 na "embargohin" cay Rizal ang halagang isáng "millong piso" ang cauntian, papanatilihin itó sa pagcábilanggô, maghalál ng̃ isáng fiscal (tagasumbong) at isáng defensor (tagapagsanggalang). Hindî maihahalal na defensor cung dî isá ring oficial ng̃ Ejército, alinsunod sa utos ng̃ Auditor Peña.
Náhalal na fiscal ang ganid na pusong si don Enrique de Alcocer.
Nagpadalá cay Rizal ng̃ isáng talàan ng̃ may mahiguít na sandaang pang̃alan ng̃ mg̃a primero at segundo teniente ng̃ hucbó. Waláng nakikilala sa alín man sa canilá si Rizal; ng̃uni't natitigan niya ang pang̃alang D. Luis Taviel de Andrade, na capatíd ni D. José Taviel de Andrade, teniente ng̃ guardia civil na sa canya'y guinawang tagapagbantay ng̃ 1887, at canyang lubos na naguing caibigan. At inihalal ni Rizal na canyang "defensor" ang sinabi ng̃ don Luis, at agad-agad tinanggap nito ang gayong catungculan.
Bagong cahahalili cay General Blanco ng̃ ica 13 ng̃ Diciembre ng̃ 1896. Ang nahalili sa canya'y isáng bagong Nerón; si Don Camilo Polavieja, na nitóng mg̃a hulíng panaho'y pinamagatán ng̃ mg̃a castilang "sacristan ng̃ mg̃a fraile" at "bayaning capitan general sa campanario ng̃ Palanyag."
Ng̃ mg̃a araw na iyo'y walang laguing nariring̃ig sa mg̃a bibíg ng̃ mg̃a fraileng agustino, dominico, recoletano at franciscano, cung dî ang mg̃a sigaw na ¡barilín! ¡patayin! ¡lipulin ang lahing filipino!!!
"Wala na ng̃ang totoong carimarimarim”—ani Don Wenceslao E. Retana, na dating caibigang matalic ng̃ mg̃a fraile—walâ ng̃ totoong cakilakilabot masdang gaya ng̃ napapanood na nang̃agpapamagat na mg̃a alagad ni Jesus (na ang cabaita't pagcamahabaguin ay puspós) na nang̃ag-aasal halimaw na máninilâ. ¿Kinacailang̃an pa bagáng bumanguit ng̃ mg̃a pang̃alan? ¿Kinacailang̃an pa bagang dito'y ititic yaong mg̃a fraileng nagcucusang sumama sa mg̃a hucbó, hindî ng̃ macapaglingcod sa mg̃a calolowa, cung dî nang macapagpasulong sa mg̃a sundalo ng̃ pagpatay sa mg̃a filipino, at ng̃ magtamó naman silá ng̃ galác sa panonood ng̃ pagpapaagos ng̃ dugô ng̃ mg̃a filipino?"
At sa pagca't ayaw ipabaríl ni General Blanco ang bawa't sa canya'y iudyoc, ang mg̃a fraile't mg̃a castila'y nagagalit ng̃ dî ano lamang sa canya; ito ang dahila't nang̃agalác ng̃ mainam ng̃ mahalili si General D. Camilo Polavieja, sa pagca't talastas nilang pasasasaân silá nitó sa dugô ng̃ mg̃a filipinong canilang totoong kinauuhawan. Hindî ng̃â dapat ipagtacáng pagpilitan niláng mápatay si Rizal. "¿Hindî baga si Rizal ang siyang lalong marang̃al sa mg̃a filipino?—ani Retana.—¡Kinacailang̃ang barilín siya agad-agad! Ang dugô nito'y hindî ang caraniwang tinto, hindî ang caraniwang Valdepeñas: ¡ang dugô niya'y ang Chipre, ang lalong mahalagang alac!..."
Ng̃ ica 21 ng̃ Diciembre ng̃ 1896 ay ipinadala sa Consejo de Guerra ng̃ teniente fiscal na si D. Enrique de Alcocer y R. de Vaamonde, anac ng̃ isang meztisong castílà at dito ipinang̃anac sa Filipinas, ang canyang sumbong, na doo'y hinihing̃ing patayin si Rizal, pagcatapos na maisaysay ang pinagtanitanicalang dî gagaanong mg̃a paratang at casinung̃aling̃an.
Ipinadala ng̃ ica 22 ng̃ Diciembre sa defensor na si Don Luis Taviel de Andrade ang "causa" ni Rizal, at pagdaca'y pinagsicapan naman ng̃ defensor na iyong salicsiki't namnaming magalíng ang nalalaman sa causang iyon, upang macatupad siya sa canyang mabigat na tungculin.
Nang dalawin si Dr. Rizal ng̃ canyang capatíd na pang̃anay na si G. Neneng Rizal, at ng̃ canyang bayaw na si G. Manuel Hidalgo, ay itinanong ng̃ bilanggô cung paano ang nangyayari sa pagbabaca ng̃ castila't tagalog.
—Cahapishapis!—ang sagót ni G. Neneng—¡tatló ó apat na raang tagalog ang namamatáy bawa't labanán, at sa castila'y cauntî lamang: sampô ó labingdalawa ang nasusugatan ó namamatay; ayon sa sabi ng̃ mg̃a páhayagan! ¿Totoo cayâ iyon? ang tanóng pa ni G. Neneng.—Hindî—ang tugón ni Rizal—cung ibig ninyong maalaman cung alín ang catotohanan ay ganito ang inyong gagawin: cung baga sabihin ng̃ mg̃a páhayagang ang napatáy sa tagalog ay 200, at 10 ang namatáy sa castílà; alisín ninyo ang isáng cero sa 200, at idagdag ninyo ang cerong inalís sa 10, at ang makita ninyong maguing bilang ay siyang catotohanan ó malapit sa catotohanan. Sa ganang akin ay hindî co na dinaramdam ang aco'y ipapatáy man ng̃ aking mg̃a caaway; natatanaw co na sa silang̃anan ang pagbubucang liwayway ng̃ catubusan ng̃ tinubuan cong lúpà.
Guinawâ ang Consejo de Guerra ng̃ ica 26 ng̃ Diciembre ng̃ 1896 sa "cuarto de banderas" ng̃ "cuartel de España". Binubúò ang Consejo de Guerrang iyon ng̃ teniente coronel ng̃ caballería na si D. José Togores Arjona, pang̃ulo; mg̃a "vocal" si D. Ricardo Muñoz y Arias, capitan sa artillería; si D. Manuel Reguera, capitan ng̃ caballería número 31; si Don Santiago Izquierdo Osorio, capitan ng̃ cazadores n.° 8; si Don Braulio Rodriguez Nuñez, capitan ng̃ cazadores n.° 7; si D. Manuel Diaz Escribano, capitan ng̃ batallón ng̃ ingenieros; at si Don Fernando Pérez Rodriguez, capitan ng̃ Subinspección de las armas generales. Caharap dín doon ang teniente auditor de segunda na si D. Enrique de Alcocer y R. de Vaamonde, si Rizal, ang canyang defensor na si D. Luis de Andrade, teniente ng̃ infantería, ang isáng capatíd na babae ni Rizal, ang casintahan nitóng si G. Josefina Bracken at ang lubhang maraming táong halos pawang mg̃a castílà.
Inihatid si Rizal mulâ sa fuerza de Santiago hangang sa Cuartel de Españang naliliguid ng̃ caramihang sundalong may fusil at nacalagay sa dulo ng̃ fusíl ang bayoneta at nababalitì ng̃ mahigpít na abot síco. Icawalong oras at sampong minuto ng̃ umaga ng̃ dumating si Rizal sa haráp ng̃ Consejo de Guerra. Nalalarawan sa canyang mukhâ ang cadalisayan ng̃ canyang púsô, ang catapang̃an ng̃ canyang dibdib, at ang calinisan ng̃ canyang budhî. Luming̃ap siya sa magcabicabilâ. Tinitigan niya bawa't nanonood. Napagkikilala sa canyang anyong hindî siya nagugulat sa camatayan. Ang pananamít niya'y americana at salawal na maitím, chaleco at corbatang putî. Mahusay na mahusay ang pagcacasuclay ng̃ buhóc. Pinaupô si Rizal sa isáng bancong cahoy, balitî rin ng̃ mahigpít na abot-síco at may mg̃a sundalong bantay sa caliwa't canan at sa licuran. Dinaíg pa niya ang lalong casamâsamaang tulisán, ang lalong tampalasang mamamatay-tao. Dining̃íg ni Rizal sa loob ng̃ walompo at limang minuto ang pagbasa ng̃ "causang" laban sa canya; pagcatapos ay binasa naman ng̃ fiscal na si Alcocer ang canyang mg̃a sumbóng, na sa catapusa'y hinihing̃î sa pang̃alan ng̃ hárì sa Españang patayin si Don Jose Rizal Y Mercado Alonso. Ng̃ maring̃íg ng̃ caramihang castilang doo'y nanonood ang mabang̃ís at catampalasanang cahing̃îan ni Alcocer, nang̃agpacpacan ng̃ mainam at sa mg̃a matá nila'y bumúbuga ang galác ng̃ boong infierno. Pagdaca'y nagtindíg namán si D. Luis Taviel de Andrade, at binasa ang canyang macatuwiran at bayaning pagsasanggalang. Tinutulan ng̃ boong tapang ang mg̃a sumbóng ng̃ fiscal, inisaisang hinimay ang canyang mg̃a sacdál, ipinaliwanag na walang ano mang casalanan si Rizal, sinaysay ang masung̃it at dî wastong pag-uusig sa canya ng̃ mg̃a caaway ng̃ caliwanagan, at sa cawacasa'y sinabing lihis sa catowiran at sawî sa mg̃a cautusan ang cahing̃ian ng̃ fiscal, na ipapatay ang canyang ipinagsasangalang, at hinihing̃î niyang kilalanin ang pagca walang casalanan nitó at bigyang calayaan. Ng̃ matapos mabasa ang gayong pagsasanggalang, walâ sino mang umimíc; ipinakilala sa caniláng calamigang hindî nilá naibigan ang macatwirang pananalita ni teniente Taviel de Andrade.
Tinanóng si Rizal cung mayroon siyang ibig sabihin, at ang guinawâ nito'y ibinigay ang isáng casulatang kinatatalaan ng̃ mg̃a pang̃ang̃atuwiran niya at pagsasanggalang sa canyang sariling catawán.
Ng̃ araw ding iyón, ica 26 ng̃ Diciembre ng̃ 1896 ay inilagdà ng̃ mg̃a bumúbuò ng̃ Consejo de Guerra, ang hatol na siya'y patayín, at ang pagbabayad ng̃ sandaang libong piso sa Estado.—Nang̃apifirma sa hatol na iyon ang mg̃a pang̃alang sumusunod: José Togores, Braulio Rodriguez, Manuel Reguera, Miguel Diaz Escribano at Santiago Izquierdo.
Ng̃ araw na sinabi na ica 26 ng̃ Diciembre ng̃ 1896, ay ipinadalá sa Capitan General ang causa ni Rizal at pagtanggap nito'y caracaraca'y ipinag-utos na ipadalá ang causa ring iyón sa Auditor General na si D. Nicolás de la Peña. Kinabucasan, ica 27, inilagdâ nito ang canyang pasiyá, na siya'y sumasang-ayon sa hatol ng̃ Consejo de Guerra, cayâ ng̃â dapat na barilín sa lugar na magaling̃ín ng̃ Capitan General. Sacali't sumang-ayon itó ay dapat ipabalíc ang causa sa "capitan instructor" at ng̃ siya ang magbigay alam cay Rizal ng̃ naguíng cahatulan sa canya, sa oras na sa canya'y pagdadalá sa capilla.
Kinabucasa'y inilagdâ naman ni D. Camilo Polaviejo, Capitan General ng̃ hucbó ng̃ mg̃a castílà, ang canyang utos na ganitó ang saysay:
"Maynílà, 28 ng̃ Diciembre ng̃ 1898—Sang-ayon sa pasiyang na sa itaas, pinagtitibay co ang hatol na lagdâ ng̃ caraniwang Consejo de Guerra dito sa Plaza, at alinsunod sa hatol na iyo'y ipinárurusa sa salaring si Jose Rizal Mercado ang siya'y patayin, bagay na gáganapín sa pagbaríl sa canya sa icapitóng oras ng̃ umaga, icatatlompong araw nitóng bowan, sa "campo" ng̃ Bugumbayan, tagláy ang mg̃a pagtupad na ipinagbibilin ng̃ cautusan—Sa catuparan nitó at iba pang nararapat, ibalíc sa Juez instructor, capitan D. Rafael Dominguez—Camilo G. de Palavieja.
Umagang umaga pa ng̃ ica 29 ng̃ Diciembre ng̃ 1896 ay naparoon na ang capitang si don Rafael Dominguez sa Fuerza de Santiago upang ipagbigay alam cay Rizal ang cahatuláng siya'y patayín.
Binasa ng̃ secretario cay Rizal ang cahatulang boô ng̃ Consejo de Guerra, ang pasiya ng̃ Auditor na si Peña, at ang pagsang-ayon ni Polavieja, sa cahatulan at sa pasiyáng iyón. Pumirma si Rizal, bilang pagpapatotoong tunay ng̃ang sa canya'y ipinagbigay alam. Anang mg̃a nacapanood, ay hindî nalaguím camuntî man si Rizal sa pakikinig ng̃ hatol na siya'y ipinapápatay at pumirmang hindî nang̃iníg ang camay, cung dî bagcos pang pinacagalínggalíng at liniwanagan ang mg̃a letra ng̃ canyang pang̃alan at apellido.
At tulóy hining̃î sa canyá ang halagang sandaang libong piso, na ayon sa lagdáng hatol ay dapat niyang pagbayaran sa Gobierno ng̃ España; sumagot si Rizal sa capitan Dominguez, na walâ siyang pag-áarì cung dî ang canyang bahay, camalig at lúpà sa Dapitan, na pawang sinamsam na ng̃ Gobierno—¿At iyang taglay pô ninyong mg̃a hiyas?—ang tanong ng̃ napacaganid na capitan. Nárito pô at inyong tanggapín. At ibinigay ng̃â ni Rizal sa capitáng iyón, pagcatapos na matanggal sa kinalalagyan, ang dalawang botones na guintô sa puños, at isáng alfiler na guintô rin ang pinacatampóc na may anyong pukyutan, na ang pinacacarayom ay pílac.
Namanhìc si Rizal, na mangyaring paparoonin lamang ang canyang ama't iná, mg̃a capatíd at ang casintahang si G. Josefina Bracken upang siya'y macapagpaalam sa canila. Pagcatapos ay sumulat siya cay G. Ferdinand Blumentritt ng̃ wicang alemán, ibinigáy ang sulat cay capitan Dominguez, casabay ng̃ pamanhic na mangyaring ipadalá sa dapat tumanggap.
Ang cahulugán sa wicang tagalog ng̃ sulat ni Rizal cay Blumentritt ay itó:
"Herrn Prof Ferdin. Blumentritt:
"Minamahal cong capatíd: Patay na acó cung tanggapín mo itong aking sulat. Babarilín acó bucas, sa icapitóng oras ng̃ umaga; ng̃uni't walang malay-sala acó sa panghihimagsic.—Mamamatáy acóng payapà ang aking budhî.—Paalam na acó, lalong magalíng at lalong minamahal cong caibigan, at cailan ma'y huwag cang magsasapantahang gumawâ acó ng̃ masamâ. Fuerza de Santiago, 29 ng̃ Diciembre ng̃ 1896—Jose Rizal—Icumustá mo acó cay G. Rosa, Loleng, Conradito at Federico" (sa tabing cahabaan ng̃ sulat ay nababasa naman itó:) "Iniwan co sa iyo ang isáng libro, na aking hulíng pahimacás."
Ng̃ magawâ ang lahát ng̃ ito'y dinalá si Rizal sa capillang inilagay doon din sa fuerza de Santiago, at siya'y pinabantayan sa tatlong sundalo at dalawang oficial, na pawang mg̃a castílà, na ang namiminuno'y si Don Juan del Fresno. Hindî siya kinaliling̃atan susumandali man ng̃ mg̃a bantay na iyón.
Agad dumatíng ang isáng paring castílà, capellan ng̃ regimiento ng̃ artillería, at ang tang̃câ niya'y cumpisalín si Rizal. Kinausap siya nitó at sinabing pinasasalamatan niya ang gayong pagpapagal, ng̃uni't isinasamong howag ng̃ magpacabagabag, sa pagca't hindî niya kinacailang̃an. Ng̃ magcagayo'y inutusan ng̃ arzobispong si Nozaleda, na ang pumaroo'y ang mg̃a jesuita, at nagsiparoon ng̃â sa canya si párì Miguel Sederra, si párì Mata at si párì Luis Viza.
Samantala'y cumalat sa boong Filipinas at sa boong mundo ng̃ boong cabilisán ang lagdang hatol na patayín si Rizal, bagay na totoong ikinagalác at ipinagdiwang ng̃ mg̃a fraile, ng̃ mg̃a castila at ng̃ mg̃a lahing castílà, at ikinalungcot, at ipinagpighatî ng̃ mg̃a filipino ng̃ mg̃a lahing filipino at ng̃ lahát ng̃ mg̃a táong may malilinis na calooban.
Nang mabalitaan sa lalawigang Tang̃uay, na casalucuyang nakikibaca sa mg̃a castílà ang gágawing pagbaril cay Rizal sa umaga ng̃ ica 30 ng̃ Diciembre, pagdaca'y humandâ ang tatlong daang cawal, at ang gayac ay agawin si Rizal. Magsisiparito sa Maynílang walang dalang sandata cung dî tiguiguisang puñal, mang̃agsisitabí ang bawa't isá sa mg̃a sundalong paparoon sa Bagumbayan upang bumantáy sa pagbaril cay Rizal, at sa isáng pinagcayariang hudyat ay sabaysabay na sasacsakin ang sundalong catabí, aagawin ang dalang fusil nitó, at pagpipilitang itacas si Rizal. Ng̃ matantô ang gayong adhicâ ng̃ mg̃a capatíd ni Rizal, sinansalà nila ang mg̃a macabayang iyón, sa pagca't inaacalà niláng masasayang lamang ang maraming buhay na maaamís at walâ ring cáraratnan.
Ng̃ umaga ng̃ ica 29 ng̃ Septiembre ng̃ 1896 ay dinalaw si Rizal sa kinalalagyang capilla ni Don Santiago Mataix, redactor-corresponsal ng̃ páhayagang "Heraldo de Madrid". Náratnan niya si Rizal na tahimic, walang ano mang agam-agam, na tila mandin sumasacanyang sariling bahay. Tinanggap siya ng̃ boong cagandahan ng̃ loob, at sa pagca't ng̃ maupô si Sr. Mataix ay tang̃antang̃an nito ang canyang sombrero, kinuha ni Rizal ito't ng̃ upang ilagay sa lugar na dî macacasagabal. Inacalà ni Mataix na huwag magambalà si Rizal sa paglilingcod sa canya; ng̃uni't sumagót ang ating Mártir ng̃ masayáng pananalitang:—Hindî pô mangyayari. Aco'y na sa aking bahay, cayâ itulot pô ninyong aco'y gumanap ng̃ catungculang pagpapakitang loob sa mg̃a nagbibigay dang̃al sa akin ng̃ dito'y pagdalaw. At nagsalitaan silá ng̃ mg̃a bagaybagay tungcol sa dinaanang buhay sa camusmusan, sa cabataan at sa pagbibinatâ. Sa cawacasa'y napatung̃o ang salitaan tungcol sa librong "Noli me tangere", at itó ang canyang sinabi: "Hindî acó dating kilalá ng̃ marami. Pinagdarayaan acó ng̃ mg̃a cochero dito sa Maynílà at sinisigawsigawan nilá acó sa malabis na pagsing̃íl, at pinaglalaruan acó patí ng̃ mg̃a bangkero sa ilog Pasig. Nalís aco't aking tinung̃o ang Lóndres, at ng̃ naroroon na aco'y aking natalós na pinag-uusig acó ng̃ boong galit ng̃ mg̃a fraile; minumura aco't linalait mulâ sa púlpito, sa confesionario, sa mg̃a salitaan, sa mg̃a dahong limbag at sa mg̃a libritong ipinamamahagui, hangang sa pagcalooban ng̃ mg̃a "indulgencia" ang bawa't bumasa ng̃ mg̃a libritong iyón. Nangyari ng̃â ang dapat cálabasan: bawa't isáng sermón, isáng pang̃aral sa confesionario, isáng pagdustâ sa akin ó isang pag-alimura sa mg̃a dahong limbag ó librito ay isáng pagpapailang-ilang ng̃ aking dang̃al sa mg̃a matá ng̃ aking mg̃a cababayan at caláhì. Ilinalaking totoo ng̃ aking loob ang hindî naglilicat na pag-alipustâ sa akin, sa pagca't sa gayóng gawâ nila'y pinapupurihan nilá acó at ipinakikilala nila, at pinahahalagahan sa daigdig ang mg̃a librong aking kinathâ. Ng̃uni't maniwalà pô cayó; hubad na hubad acó sa carapatán upang aco'y pag-usiguin at alimurahin ng̃ gayon; sino mang tunay na nacacakilala sa akin ay hindî acó pinupuri at hindî acó papaguiguingdapatin papurihang barilín. Ang tunay na mg̃a pantás at ang magagalíng maglingcod sa tinubuang lúpà ang binabaríl lamang.
Sacá hinarap ni Rizal si párì Faura, marunong na jesuitang director ng̃ Observatorio Meteorológico sa Maynílà, at nagsalitâ:
Natatandaan pô ba ninyo ang inyong sinabi sa akin ng̃ inyong mámasid ang maalab cong pagsasanggalang sa dang̃al at capurihán ng̃ aking láhì? Nagcatotoo pô ang inyóng húlà, tunay pô cayóng profeta: babarilín pô acó.
Pagcatapos ay humíng̃î ng̃ papel, pluma at tinta at cumathâ ng̃ isáng tulâ.
Icaanim na oras ng̃ umaga ng̃ kinabucasang ICATATLOMPO NG DICIEMBRE ng̃ 1896 ay ipinahintulot na macapasoc sa capilla ang canyang iná, mg̃a capatíd at gayon din si G. Josefina Bracken. Niyacap silang lahat ng̃ boong pagsinta, sila'y hinagcan at nagpaalam magpawalang hanggan.
—Lumigaya cayó—ani Rizal—at aco'y magpapahing̃alay na.
Pagyacap ni Rizal sa capatíd niyang matandâ na si G. Neneng Rizal ang ay bumulóng ng̃ ganito:—"Iligpít ninyo ang "cocinilla" co rito. Sa ilalim ng̃ cocinilla'y may papel na nacaticlóp; ing̃atan ninyo yaon at tulà cong pahimacás. Cung patay na aco'y tingnan ninyo ang aking zapatos at doo'y may sulat din acó."
—¿Anó ng̃ayon ang iyong icabubuhay?—ang huling tanóng ni Rizal cay G. Josefina.
—Mabubuhay acó sa pagtuturò ng̃ inglés—ang sagót ng̃ caniyang casintahan.
—At nagsalita pa sa canya ng̃ ilan sa wicang inglés, wicang hindî natatanto ng̃ mg̃a nagbábantay, at sumagot ng̃ matigás si G. Josefina ng̃ macaalawang: "yes."
Tumatang̃is ng̃ dî ano lamang ang dalawang babae ng̃ humiwalay cay Rizal, samantalang ito'y nananatiling payapà, na parang walang ano mang nangyayari.
Pagdating sa labás, hinarap ng̃ boong galit ni G. Josefina ang mg̃a castilà, at sinigawan silá, casabáy ng̃ tadyác, alinsunod sa sabi ng̃ castilang periodista na si Don Manuel Alhama:
—¡Miserables! ¡Crueles! (¡Mg̃a waláng dang̃al! ¡malulupít!)—ani G. Josefina.
Hindî namanglaw susumandalî man si Rizal sa boong panahong siya'y nanagál sa capilla. Pati sa pagcain ay magalíng. Paano'y canyang talastás na ang dugô niyang ibubuhos ng̃ mg̃a castila'y maguiguing malusóg na binhî sa icatútubos ng̃ Kinagisnang Lupà; paano'y magáganap ang canyang mithing patotohanan sa boong daigdig na may mg̃a filipinong marunong maghayin ng̃ buhay sa dakilang altar ng̃ pagsinta sa canyang mg̃a caláhì.
Calugodlugod ang anyô ng̃ umaga. Sa silang̃ana'y bagong sumusung̃aw ang maningning na araw, walâ cahi't camunting alapaap ang lang̃it na dalisay na azul, at palibhasa'y lubhang maliwanag ang panahón, natatanawang magalíng, mulâ sa Luneta, ang bundóc Mariveles at ang Corregidor, ang pulô ng̃ Monja, pulô ng̃ Fraile at ang bundóc ng̃ Maragundong.
Bihirà ng̃ panahóng iyon ang mg̃a filipinong lumalacad sa mg̃a daan ng̃ Maynílà, palibhasa'y naghahari rito ang cabang̃isan, ang cauhawan ng̃ mg̃a castílà, sa dugong caymangui. Hindî magcasiya halos sa mg̃a bilangguan ang dami ng̃ mg̃a filipinong napipiit. Sa Monte de Piedad, sa silong ng̃ Gobierno Civil, sa Bilibid, sa mg̃a Cuartel ng̃ Veterana at sa iba pang mg̃a lugar ay nacapanghihilacbot magdaan; walang nariring̃íg doon cung dî ang cakilakilabot na sigawan ng̃ mg̃a pinapalong nacabitin ng̃ abot-síco. Walang umaaling̃awng̃aw na balità cung dî ang pagpapahirap at pagpatay sa mg̃a filipino ng̃ mg̃a sundalong voluntario ng̃ mg̃a veterana, ng̃ mg̃a verdugong policía, secreta at iba pa, sa udyóc ng̃ mg̃a fraile.
Ng̃ gabing sinundan ng̃ umagang pagbaríl cay Rizal, walang púsong filipinong dalisay na hindî tumibóc sa habág at panghihinayang sa pápataying apóstol ng̃ cagaling̃an at tang̃ing patnugot sa icararang̃al ng̃ bayang itó; walang dibdib ng̃ caymanguing hindî tumahíp sa ning̃as ng̃ ng̃itng̃it ng̃ poot sa mg̃a halimaw na dî nang̃ing̃iming magbuhos ng̃ dugô ng̃ dakilang taong walang ibáng sala cung dî ang pagcamacabayan.
¡Ah, at sino man sa mg̃a nagpapanggap na ministro ng̃ isáng Dios—na bucál ng̃ cagaling̃an, ulirán ng̃ pagcamahabaguin,—na nang̃agpaparoo't parito sa panonod cay Rizal sa capilla'y walang nábalinong mamag-itan sa Gobernador at Capitan General ng̃ Filipinas, upang howag ituloy ang gagawing catampalasanang walang mapaghalimbawaan ng̃ samâ!... ¡Hindî guniguní man lamang ng̃ mg̃a mababang̃ís sa walang sandatang mailaban, na ang mg̃a putóc na áamis ng̃ mahalagáng buhay ni Rizal ay siyang magguguhò ng̃ canilang capangyarihan sa Dulong Silang̃anang itó!...
Pagtugtog ng̃ icaanim na oras at calahatì ng̃ umaga'y handà na at naroroon na sa capilla ang pulutóng ng̃ mg̃a castilang sundalong artillero, upang ihatíd ang tunay na Bagong Cristo sa Gólgota ng̃ mg̃a Mártir na filipino.
Nagpaalam si Rizal sa mg̃a nang̃agbabantay sa canya, niyacap si G. Josefina at humandâ sa paglacad sa camamatayan. Hindî napanood sa gayong calaguimlaguím na pagpatay ang ama't ina at mg̃a capatid ni Rizal.
Binalitì na si Dr. Jose Rizal ng̃ abót-sicong mahigpít, at bago pinalacad na tinutugtugan ng̃ mg̃a trompeta at mg̃a redoblanteng tambor. Na sa pag-itan siya ni párì Estanislao March at ni párì José Villaclara. Na sa tabí rin niya si D. Luis Taviel de Andrade, na canyang defensor. Nacatunghay ang maliwanag na nóo, masayá ang mukhâ, nanasnaw sa canyang mg̃a lábì ang matimyas na ng̃itî at banayad ang lácad. Inanyayahan siyang sumacáy sa furgón ng̃uni't sumagót si Rizal na siya'y may catatagang lacás upang macapaglacad. Sa unahán at hulihán ni Rizal ay mg̃a sundalong artillero ang sa canya'y bantáy. Nagsasalita siya sa mg̃a jesuitang hindî man lamang nang̃ing̃inig ang voces:
—Tinutung̃o natin ang "Calvario Filipino"—ani Rizal sa mg̃a jesuita ng̃ sabing masayá—sa Calvario ring iyan inihandog ang mahahalagang buhay ni párì Burgos, ni párì Gómez, at ni párì Zamorang pinaghandugan co ng̃ walang cahulilip na pagsinta ng̃ kinathâ cong Filibusterismo.
Pagcatanaw niya sa dagat ay nagsalitâ uli:
—¡Pagcagandagandang umaga! ¡Maliwanag na maliwanag ang panahón! ¡Nátatanaw na magalíng ang Corregidor, ang Mariveles at ang mg̃a bundoc ng̃ lalawigang Tang̃uay! Manacanacang nacapaglacad aco rito ng̃ ganito ring umaga, na ang caacbay co'y ang aking pinang̃ing̃ibig na si Leonor.
Idinâan si Rizal sa tabing calunuran ng̃ lunetang pampang̃in ng̃ dagat na pinagdaraanan ng̃ mg̃a carruaje cung nang̃agpapasial cung hapon, at pagdating sa dulo'y saca ibinalic siya sa dacong guitnâ.
Ng̃ dumatíng sa Luneta'y doroon na ang dalawang "Compañía" ng̃ "Batallón de Cazadores expedicionarios número 7", isáng "Compañia" ng̃ "Batallon de Cazadores n.o 8", isang "Compañia" ng̃ "Regimiento de línea n.o 70", na pawang filipino; at isang "Compañia" ng̃ "Batallón de Voluntarios", na tigsasandaang tao bawa't "Compañia," at may casamang mg̃a banda ng̃ música. Ang namiminunò sa lahat ng̃ yao'y ang comandanteng si Don Manuel Gómez Escalante, na anác ng̃ abogadong si D. Juan Gómez, na mestizong castilà at taga rito sa Maynilà. May hinirang na si Comandante Gómez na walong sundalong siyang bábaril cay Rizal.
Ng̃ na sa pagbabarilan na si Rizal, siya'y nakiusap sa capitan ng̃ infanteríang mag-uutos sa mg̃a sundalo sa pagbaríl sa canyá, na siya'y barilín ng̃ paharáp.
—Hindî mangyayari—ang sagót ng̃ capitan—ang útos sa akin ay ipabaríl co cayó ng̃ patalicód.
—Aco'y hindi naglilo sa tinubuan cong lupa at di rin aco nagtasil sa naciong castila—ang tutol ni Rizal.
—Ang catungculan co'y gumanáp ng̃ mg̃a utos na aking tinanggap sa aking púnò,—ang sabi naman ng̃ capitan.
—Cung gayo'y barilín ninyo acó cung paano ang inyong ibig—ang mapanglaw na sagót ni Rizal.
At sacâ nagsalitâ ng̃ wicang tagalog sa mg̃a sundalong bábaríl sa canya:
—Mg̃a cababayan; howag ninyó acong babarilin sa ulo; patamain ninyo ang bála sa tapat ng̃ púsò.
Nagpaalam sa canyang defensor at sa mg̃a humatol sa canyang doo'y caharap, na canyang kinamayan silá ng̃ mahigpít, at nagsalitâ sa mg̃a paring sa canya'y umaacbay.
—¡Pinatatawad co ng̃ taós sa púsò ang lahat!
Humaráp na cúsà sa dacong dágat, sa macatuwid ay tinalicurán niyá ang pulutóng ng̃ mg̃a sundalong sa canya'y bábaril. Ang pulutóng na ito'y walóng sundalong filipino ng̃ regimiento núm. 70, na ang mg̃a dalá'y fusíl Remington. Sa licuran ng̃ pulutóng ng̃ mg̃a filipino'y may isa pang pulutóng na binubuò ng̃ walong sundalong castilang mg̃a cazador, na ang dala'y Mausser naman, sa pang̃ang̃anib ng̃ mg̃a punong castílà na bacâ di bumaríl ang mg̃a sundalong filipino sa capowa filipino....
Nacatindíg si Rizal, unàt ang catawan, tunghày ang ulo, nacalaylay ang mg̃a camay sa taguiliran ng̃ catawan, masayá ang mukhâ; hinihintay ang pagbaril sa canya.
Nang sandaling iyo'y lumapit cay Rizal ang médico militar na si Sr. Ruiz y Castillo, at nagsabi sa canya:
—Casama, ¿maitutulot pô ba ninyong cayo'y pulsuhan co?
Hindî sumagót si Rizal, ng̃uni't iniabot ang canyang canang camay.
Pinulsuhán siya at pagcatapos ay mulíng nagsalitâ ang médico militar:
—Mabuti pong totoò ang lacad ng̃ inyong pulsó.
Hindî rin sumagót si Rizal, cung di hiniguit lamang ng̃ cauntî ang balicat.
—Lumuhód pó cayó—anang capitan cay Rizal.
Hindî itó umimíc, ng̃uni't umilíng; sa macatuwíd ay aayaw.
Hindî nalao't nariníg ang tunóg ng̃ putóc ng̃ walong fusíl Remington, casabáy ng̃ ganitóng malacás na sabi ni Rizal: ¡Consumatum est!
Nakita ng̃ lahát na bigláng pumihit si Rizal at ng̃ huwag sa canyang licód cung dî sa canyang dibdib tumamà ang mg̃a bála, natimbuang siyang patay na anyáng pataguilíd sa dacong canan, hindî pataob, cung dî patihaya't ang mata'y nacatitig sa lang̃it, "na walang mg̃a verdugo at mg̃a mapang-apì; sa lang̃it na hindî pumápatay ang pananampalataya, at Dios ang siyang naghahárì." Namatay si Rizal sa balang pahatíd ng̃ canya ring mg̃a cababayang sundalo, tulad cay Cristong capuwâ mg̃a judio rin ang sa canya'y pumatay.
Nilapitan si Rizal ni D. Felipe Ruiz Castillo at ni D. José Luis y Saavedra, at nakita nilang bangcay na ng̃â, ng̃uni't isá man lamang bala'y walang tumámà sa ulo.
Umaaling̃awng̃aw pa ang walong sabaysabay na putóc ng̃ baríl ay nagsigawan na ng̃ dî ano lamang ng̃ ¡Viva España! ang caramihang lalaki't babaeng castílà at lalaki't babaeng lahing castílà na nang̃agsisicsican sa Luneta; sigawang pagdaca'y sinagòt ng̃ pagtugtog ng̃ "Marcha de Cádiz" ng̃ música ng̃ "batallón de Voluntarios", na ang mg̃a bumubuo'y pawang mg̃a lahing castilà rin.
Dalidaling nilapitan ng̃ isáng castilang pintor ang bangcay ni Rizal at kinunan niya ng̃ larawan.
Pagcatapos matugtog ng̃ música ng̃ mg̃a voluntario ang "Marcha de Cádiz", ipinag-utos ng̃ Comandante Gómez na humanáy ang mg̃a sundalo at mang̃agdaang lahát sa tabí ng̃ bangcay ni Rizal, na nacatimbuang ng̃ patihayâ at lumálang̃oy sa canyang sariling dugô.
¡Lumiligaya na ang mg̃a fraile! Hindî doblás sa namamatay ang ipinatugtog sa canilang mg̃a campanà, cung dî masayáng esquila ng̃ pagdiriwáng! Nang̃agcacatuwâ ang mg̃a castilà at ang mg̃a lahing castilà, ¡paano'y nang̃acagawâ na ng̃ lubháng malakíng "catapang̃an": napatay na nilá ang isáng dakilang filipinong walang sandata! ¡isáng filipinong hinahang̃aan ng̃ lahát ng̃ mg̃a pantas sa ibabaw ng̃ lúpà!
Tinawag ni D. Camilo Polavieja, "bayaning" Capitan General sa campanario ng̃ Palanyag, ang médico militar na si D. Felipe Ruiz, at huming̃íng balità tungcol sa mg̃a hulíng sandalî ng̃ buhay ni Rizal, at itó ang isinagót:
—Guinoong General: ¡Hindî co pô mapag-ísip cung papaano't mangyayaring matawíd ng̃ isáng tao ang gayong lubhang cakilakilabot na sandalî, na dî man lamang nagbago ang caraniwang lacad ng̃ pulsó, bagay na nagpapakilalang ang loob niya'y tiwasay na tiwasay at dî nagugulumihanan ng̃ cahi't camuntì man.
Hining̃î ng̃ mg̃a magulang at mg̃a capatíd ni Rizal ang bangcay nitô, upang canilang mailibing, ng̃uni't hindî pumayag si Polavieja.
Nang makita ni Pilato[58], ni Anas[59] at ni Caifas[60], na mg̃a papa ó pontífice ng̃ mg̃a judío, ng̃ mg̃a sacerdote, escriba[61] at fariseo[62], na patáy na ang canilang kinapopootang si Jesús, nagbawa na ang canilang galit, binigyan na nilang capayapaan ang kinitlán nila ng̃ hining̃á, at ipinahintulot nila kay Joseph Arimathea at cay Nicodemo[63] na mailibíng. Hindî gayon ang mg̃a fraile at ang caniláng mg̃a alagád at cacampí, ¡pinag-usig ng̃ canilang galit si Rizal hangang sa maipabaríl; hindî tinantanan ng̃ caniláng poot cahi't bangcay na, pinabantayán labing limang araw ang libing̃an at malaon ng̃ patáy ay kinagagalitan pa rin!
Datapuwa't nagtatagumpay ang catuwíran malaon ó madalî, at nagcacamit parusa ang mg̃a tampalasan hanggang sa caniláng mg̃a anàc at inapó.
Binuhat ng̃ mg̃a sundalong castilà ang bangcay ni Rizal, isinacáy sa isáng "furgón"[64] at itó ang sa canya'y naghatíd sa pagbábaunan.
Ng̃ makita niláng dinalá na sa pagbabaunan ang bangcáy ni Rizal, nang̃agsiowî na sa caniláng bahay ang dî mabílang na mg̃a nanood ng̃ boong galác ng̃ sa canya'y pagbaríl, na pawang mg̃a fraile, castilà at mg̃a lahing castilang dito inianac. Ang pinacamarami sa canila'y ang mg̃a babaeng castilà at mg̃a babaeng lahing castilang dito inianac, na ang suot nila'y ang lalong maririkít at mahahalagang damít at mg̃a hiyas, na ano pa't cawang̃is ng̃ guinágawâ ng̃ una ng̃ mg̃a salaulang babae ng̃ malupít na Roma, cung sila'y may ipinaggágalac na ipinapápatay sa Coliseo.
Ibinaón ng̃ mg̃a castilà si Rizal na waláng cabaong sa lupang canilang hinucay sa libing̃an sa Pácò. Ang pinaglibing̃án cay Rizal ay ang pinaglibing̃án din cay párì Burgos at na sa dacong caliwâ pagcapasoc sa libing̃an ng̃ Pácò, sa dulo ng̃ pabilog na cútà ó pader, at sa daco roon ng̃ cauntî sa pinaglibing̃an sa general Montoro.
Ipinakiusap ng̃ mg̃a capatíd ni Rizal sa mg̃a punong castilà na mangyaring ipagcaloob na sa canilà ang "cocinillang" guinagamit ng̃ caniláng culang palad na capatíd sa "fuerza de Santiago", ng̃ ito'y nabibilangô pa roon, upang maguing alaala, at napahinuhod namán sa caniláng pakiusap. Pagdatíng sa bahay, canilang hinanap ang casulatang ipinagtagubilin ng̃ nasírà, at nasumpung̃an nilá ang isáng manipís na papel, na mainam ang pagcacaticlópticlóp, na doo'y nababasa sa maliliit ng̃uni't maliliwanag na letra, ang isáng tuláng wícang castilà, na ang unang talata'y ganito ang saysay: ULTIMO PENSAMIENTO. Ganitó ang tulang iyón sa wícà natin: