WeRead Powered by ReaderPub
Dating Pilipinas cover

Dating Pilipinas

Chapter 5: Tuntunin.
Open in WeRead

Explore more books like this:

About This Book

The work surveys the archipelago's precolonial peoples, tracing proposed origins and settlement patterns and describing indigenous communities, clothing, bodily adornment, domestic life, social organization, language and literacy, trade and watercraft, marriage and funeral rites, and native religious beliefs. Organized into focused chapters, it combines ethnographic description with summaries of earlier historical and missionary accounts to reconstruct everyday customs, material culture, rites of passage, and collective memory. The tone is documentary, aiming to preserve fading traditions and provide a compact reference for readers unfamiliar with older practices.

The Project Gutenberg eBook of Dating Pilipinas

This ebook is for the use of anyone anywhere in the United States and most other parts of the world at no cost and with almost no restrictions whatsoever. You may copy it, give it away or re-use it under the terms of the Project Gutenberg License included with this ebook or online at www.gutenberg.org. If you are not located in the United States, you will have to check the laws of the country where you are located before using this eBook.

Title: Dating Pilipinas

Author: Sofronio G. Calderón

Release date: February 18, 2006 [eBook #17787]

Language: Tagalog

Credits: Produced by Tamiko I. Camacho, Pilar Somoza and the Online
Distributed Proofreading Team at http://www.pgdp.net (This
file was made using scans of public domain works from the
University of Michigan Digital Libraries.)

*** START OF THE PROJECT GUTENBERG EBOOK DATING PILIPINAS ***




DATING PILIPINAS

Sinulat ni

SOFRONIO G. CALDERÓN

MAYNILA

Imprenta, Librería at Papeleria
ni J. Martinez
Daan Jolo bilg. 310 at C. de la Barca, bilg. 263.—Binundok.

1907.


Ipinagbibili ang aklat na ito sa lahat ng̃ aklatan dito sa Maynilà, at sa bahay nang sumulat, daang Lamayan, Bilg. 56, Sta. Ana.-Maynilà.

Kung pakyawan ay mura.


Ang aklat na ito ay itinatalaga ko sa aking anák na si Sofronio G. Calderón.


Tuntunin.

Tudling
Paunawa4
Unang Pangkat.
Mg̃a Unang Tao Rito 6
Ikalawang Pangkat.
Lahing Pilipino 12
Ikatlong Pangkat.
Pagkaparito at Pinangaling̃an ng̃ Lahing Pilipino 16
Ikapat na Pangkat.
Dating Pamamayan ng̃ mg̃a Tagarito 21
Icalimang Pangcat.
Dating Pananamit at Kalinisan sa Katawan ng̃ mg̃a Tagarito 28
Icanim na Pangcat.
Dating Kaugaliang Pinanununtunan sa mg̃a Kapaslang̃an at Sigalutan 34
Ikapitong Pangcat.
Wika 55
Icawalong Pangcat.
Pagbasa't Pagsulat 60
Icasiam na Pangcat.
Asal at Gawì 67
Icasampung Pangcat.
Pagkakalakalan 70
Icalabing isang Pangcat.
Sasakyang-Tubig 75
Icalabing dalawang Pangcat.
Almás 78
Icalabing tatlong Pangcat.
Dating Ugali Tungkol sa Pag-aasawa 80
Icalabing apat na Pangcat.
Dating Kaugalian Tungkol sa Paghihing̃alo, Paglilibing at Pagluluksa 89
Icalabing limang Pangcat.
Dating Pagsamba't Pananampalataya ng̃ mg̃a Tagarito 100
Icalabing anim na Pangcat.
Dating Pagsamba't Pananampalataya ng̃ mg̃a Tagarito (Karugtong) 107
Icalabing pitong Pangcat.
Dating Pagsamba't Pananampalataya ng̃ mg̃a Tagarito (Karugtong) 113
Icalabing walong Pangcat.
Isipan ng̃ Ibang mg̃a Tagarito Tungcol sa Pasimula ng̃ Sangkinapal 119

PAUNAWÁ.

Ang aklat na ito ay pinagtiyagaan kong sinulat upáng magíng tulong ko kahi't kaunti sa mg̃a di pa nakababatid ng̃ dating kasaysayan niring Lupang Tinubuan na ng̃ayo'y halos nalilibing sa limot. Marahil ay di na isinasaloob ng̃ iba na ling̃unin pa ang nakaraan; ng̃uni't kung ating didilidilihin ay lubhang mahalaga, sapagka't ang nakaraan ang siya nating pinagbabakasan ng̃ ng̃ayon sampu ng̃ hinaharap, siyang bumubuhay ng̃ mg̃a bagay na nangyayari, siyang kumakandili ng̃ ating alaala sa ating mg̃a kanunuan na ating pinagkautang̃an ng̃ buhay at bala na, at sa madaling sabi ay siyang pinakasalamin ng̃ madlá sa pamumuhay, na dahil dito ay pinagsikapan ng̃ halos lahat ng̃ lupain ang pagsiyasat at pag-aaral ng̃ kanikanilang kasaysayan.

Sa kasaysayang ito ay di ko muna inilakip ang sa mg̃a taong gubat at ang sa kamorohan, sapagka't ang una ay di pa lubhang kilala ang wika sampú nang boong paraa't ayos ng̃ pamumuhay, saka kapua may kahabaang salaysayin lalong lalo na ang sa kamorohan na may kilala't sariling kasaysayang naing̃atan; at dahil sa mg̃a dahilan ito ay minagaling kong unahin itong pinakamahalaga sa atin upáng huag lubhang humabà at tuloy makaya ng̃ lahat ang halaga, sapagka't kung papagsasabaysabayin ay mamabigatin ng̃ karamihan ang halaga sa kamahalan ng̃ayon ng̃ pagpapalimbag.

Tuloy ipinauunawa ko na ang kasaysayang ito ay hinang̃o ko sa mg̃a aklat nina P. Chirino, P. Delgado, P. Colin, P. Placencia, Morga, Dr. P. de Tavera. Sa salaysay ni Pigafetta, sa mg̃a paaninao ni Dr. Rizal at kaonti sa mg̃a aklat nina Blair at Robertson at gayon din sa mg̃a kasaysayan ni Dr. Barrows at Comisionado Dean C. Worcester. Marahil din naman ay may kaonting kulang pa ito, dahil sa di ko pagkasumpong ng̃ lahat ng kasaysayang kailang̃an, ng̃unit inaasahan kong ito ang mg̃a pinakamahalaga.

Ipinauunawa ko rin na ang aking pagkasulat nito ay utang na loob ko sa aking amaing si G. Felipe G. Calderón, kay Mr. J.H. Lamb, at kay Dr. James B. Rodgers na nang̃agkatiwala sa akin ng̃ kanilang mg̃a aklat na nabangit ko sa unahan nito na ng̃ayo'y mahirap mang̃asumpung̃an.

Sofronio G. Calderón


Unang Pangkat.

Mg̃a Unang Tao Rito.

Isa sa mg̃a lahing hangang ng̃ayo'y nang̃ananahan dito sa mg̃a kapuluang Pilipinas ay ang mg̃a "Itim" ó "Ita", at sapagka't ayon sa kapaniwalaan ay siyang unang nang̃amayan dito ay di ng̃a maliligtaan sa kasaysayan ng̃ Pilipinas.

Ang dami, di umano, ng̃ mg̃a ito ay may tatlong yuta at pawang nang̃ananahan sa mg̃a gubat at bundukin ng̃ Bataan at Sambales at sa Silang̃anang bundukin ng̃ dakong hilaga ng̃ Luzon na mula sa Cabo Engaño hangang Baler. May mang̃ilang̃ilan ding nang̃ananahan sa mg̃a bundukin ng̃ mg̃a lalawigang Rizal, Bulakan, Kapangpang̃an Tarlak, Pangasinan, Ilokos Norte, Nueva Ecija at Abra. Gayon din sa mg̃a pangpang̃in ng̃ Rio Grande sa Kagayan at sa ilog Ablug sa lalawigan ng̃ Kagayan at sa mg̃a dating comandancia ng̃ Infanta at Príncipe na ng̃ayo'y sakop ng̃ lalawigan ng̃ Tayabas. Bukod dito'y mayroon din sa mg̃a pulo ng̃ Mindoro, Panay, Negros, Mindanaw at iba pa.

Palibhasa,t, nakapangkat-pankat ang lahing ito ay nagkaroon ng̃ iba't ibang pang̃alan, na yaong mg̃a nasa Sambales lalong lalo na yaong mg̃a haluang dugo ay pinang̃anlang Abunlon; yaong nang̃a sa Morriones sa Tarlak ay Aburlin; ang ibang nang̃a sa Kagayan, Isabela, Kapangpang̃an Bulakan at Bataan ay Ita; ang ibang nang̃a sa Isabela ay Agtas; ang ibang nang̃a sa Nueva Ecija, Kapangpang̃an, Sambales, Ilocos Sur, at Tarlac lalong lalo na yaong mg̃a haluang dugo ay Balugas; ang ibang nang̃a sa Sambales ay Bukiles ang nang̃a sa baybayin ng̃ dagat Pacífico sa Hilaga ng̃ Luzón ay Dumagat; at ang nang̃a sa Baggaw sa Kagayan ay Parames.

Dahil sa pagkakapangkat-pangkat na ito at pagkakaroon ng̃ iba't ibang pang̃alan ay pinagkaroonan ng̃ iba't ibang isipan ng̃ mg̃a mananasaysay, na anáng iba'y supling sa iba't ibang lahi ng̃ mg̃a itim at anáng iba'y iisang lahi na napapangkat lamang ng̃ angkan-angkan na sa akala ko'y itong hulé ang mapaniniwalaan.

Ang mg̃a taong ito ay nang̃ananahan pulupulutong na limalimangpu humigit kumulang at ang hitsura't anyo ay pandak na lilimang paa ang taas, maiitim baga man ang iba'i may kakuyumangihan, malalaki ang mata ng̃ karamihan, kulot ang buhok at balbasin ang mg̃a lalaki, sarat ang ilong, makakapal ang labi at mabibilog ang ulo. Hindi nang̃aggugupit ng̃ buhok, malibang totoong mahaba na at kung gayon ay pinuputol ng̃ itak ó sundang kung sakaling walang gunting. Ang ibang itim sa Bataan ay nagsisipagkoronita sa ulo na parang pare upang makasing̃aw ang ipit, di umano, at yaong nang̃a sa Sambales ay nagsisipag-ahit kung minsan ng̃ kalahati ng̃ ulo, na mula sa tuktok hangang sa batok.

Ang damit, ng̃ mg̃a lalaki ay bahag lamang sa mg̃a balakang at ang sa mg̃a babae ay tapi na mula sa baywang hangang sa tuhod. Ang dinadamit ay kayo kung mayroon, datapua't karaniwa'y balat ng̃ kahoy.

Ang karaniwang kagayakan ay sarisari. Gumagamit ng̃ kawayang suklay na may gayak na pakpak na sarisaring kulay. Nagsisigamit din ng̃ hikaw, bitones, pirapirasong salamin at iba pa na gaya rin nito. Ang mg̃a pinuno ay nagpapatulis ng̃ ng̃ipin sa harap, at halos lahat ay nang̃agsisipagkudlit sa katawan ng̃ sarisaring hitsura na ang mg̃a lalaki ay sa dibdib, sa likod at sa mg̃a bisig at ang mg̃a babae naman ay gayon, din bukod pa sa mg̃a harapan ng̃ hita at sa iba pang dako ng̃ katawan.

Ang lahing ito ay may ugaling magpabagobago ng̃ tahanan, at sa ganito'y hindi nang̃agbabahay at ang karaniwang pahing̃ahan ay ang paanan ng̃ mg̃a punong kahoy na kanilang pinagtitindigan ng̃ balangkas na miski paano saka binububung̃an ng̃ kugon ó ng̃ miski anong dahon.

Sa pagkabuhay ay nang̃abubuhay sa isda, lamang lupa, sa bigás (na nang̃aghahasik ng̃ palay sa dakong katahanan), at lalong lalo na sa mg̃a hayop na kanilang nahuhuli ó napapana, at di umano'y mg̃a totoong maibiguin sa lamán ng̃ ungoy, saka nang̃agsisikain ng̃ ahas, palaka bubulí at iba pang hayop na di natin kinakain.

Ang sakbat na kagamitan ay sibat na kawayan ó sang̃a kaya ng̃ kahoy at, pana't busog na may lason na kanilang ginagamit sa ano mang lakad nila.

Mg̃a totoong magiliwin sa tugtugin at ang kanilang mg̃a instrumento ay buho't kawayan. May sarisaring sayaw sila, na tinatawag nilang sayaw kamote, sayaw pagong, sayaw pang̃ing̃ibig sayaw pakikihamok at iba pa na may kahabaang saysayin dito kung papaano.

Sa pag-aasawa ay inuugali ang pagkakasunduan ng̃ mg̃a magulang saka ang bigay-kaya na gaya rin ng̃ sa ibang lahing gubat. Tungkol sa pagdidiwan nito ay sarisari ayon sa iba't ibang angkan ng̃ mg̃a ito, ng̃uni sa mg̃a itim na nang̃a sa bundok ng̃ Mariveles ay ganito di umano. Nagsisipagtago sa gubat ang babae at ang mg̃a abay niya, saka hinahanap ng̃ lalaki at ng̃ mg̃a abay naman nito hangan sa masumpung̃an. Pagkasumpong ay ipinagsasama ang babae sa dakong pagtatapusan ng̃ pagdidiwan na tumutugtog ang lalaki ng̃ gansa (na isang instrumento nila) sa harap ng̃ babae at habang lumalakad ay sumasayaw: samantalang ang babae naman ay may takip na panyo sa ulo at mukha at lumalakad na payuko. Pagtigil ng̃ tugtog ng̃ lalaki ay hinahandugan ng̃ mg̃a kaibigan ang babae ng̃ kanikanyang kaya. Pagkatapos ay lumalapit ang babae sa isang wari entablado na handa na kapagkaraka na may dalawang dipa ang taas at nililigid ng̃ kanyang mg̃a kamag-anak, saka tinatakbo at inaagaw ng̃ lalaki na hinahawakan sa bisig at isinasampa sa itaas noong wari entablado na doon sila nauupong dalawa na magkaabrasete. Kung magkagayon ay sumasampa ang ilan sa kanilang mg̃a kaibigan at kamag-anakan na nagsisipag-alay ng̃ kanikanyang kaya, saka nang̃ananaog na kasama ang bagong mag-asawa. At pagkapañaog ay sinasalubong ng̃ isang matandang lalaki at isang matandang babae na nang̃agsisilagay marahil na pinaka-inaama at ini-ina at siyang nang̃agpapa-ala-ala ng̃ kanilang payo sa bagong mag-asawang yaon.

Bagay sa kanilang kapanampalatayahan, di umano, ay wari ang pagsamba sa mg̃a bagay ng̃ katalagahan at sa mg̃a kalulua, at ang mg̃a matanda at ang mg̃a namatay sa kanila ay lubhang ipinakagagalang.

Ang lahing ito ayon sa kapaniwalaan ay nang̃anahan ditong malaong panahon hangang sa dinatnan ng̃ lahing malayo.

Tungkol sa pagkaparito ng̃ mg̃a ito kung paano at saan nang̃angaling ay di masabi at hangan ng̃ayon ay di pinagkakaisahan ng̃ mg̃a mananalaysay ang bagay na ito; sapagka't anáng iba ay galing sa Aprika na nakapagpalipat-lipat sa pulo't pulo hangang Nueva Ginea at mula sa Nueva Ginea hangang dito, at anáng mg̃a bagong mananalaysay ay hindi, kun di ang mg̃a ito'y kaibang lahi ng̃ mg̃a itim sa Aprika at talagang tagarito sa Kasilang̃anan.


Ikalawang Pangkat.

Lahing Pilipino

Maliban sa mg̃a itim ay pawang lahing malayo na ang nang̃ananahan dito na may halo marahil na kaonting indonesiano, at ng̃ayo'y siyang mg̃a kinikilalang pilipino.

Ang lahing ito ay nababahagi ng̃ayon ng̃ tatlong malaking bahagi: Una'y ang mg̃a taong nagsipangubat na dî napasaklaw sa kapangyarihan ng̃ mg̃a taga ibang lupain, ikalawa'y ang mg̃a moro ó kumikilala kay Mahoma at ikatlo'y ang mg̃a nagsipagkristiano.

Ang tatlong bahaging ito ay paraparang napapangkat, ng̃ayon ng̃ lipilipi at angkan-angkan.

Ang unang bahagi, na sa mg̃a taong gubat, ay lubhang marami ang pagkakapangkatpangkat; ng̃uni't ang mg̃a lubhang kilala ay ang Igorot Ilongot, Tingian, Gaddan at Kalinga dito sa Luzon, ang Tiruray sa Mindanaw at ang Tagbanua sa Palawan. Ang pagkakapangkatpangkat ng̃ mg̃a taong ito ay pinagkaroonan ng̃ iba't ibang isipan ng̃ mg̃a tanyag na mananalaysay. Anáng Profesor Blumentrit, sukat dito sa kalusonan at kabisayaan ay napapangkat ang mg̃a ito ng̃ tatlong pu't anim na lipi baga man kalakip na pati nang sa mg̃a itim, at anáng mg̃a mananalaysay na Jesuita ay dadalawang pu't anim, at sa bilang na ito ay may binangit pa ang mg̃a Jesuita na dî ibinibilang ng̃ Profesor Blumentrit sa kanyang salaysay na gaya rin ng̃ Profesor Blumentrit tungkol sa binangit ng̃ mg̃a Jesuita: ano pa't kung idadagdag ang mg̃a binangit ng̃ mg̃a Jesuita na dì naibilang ng̃ Profesor Blumentrit sa kanyang pagkatala ay hihigit pa ng̃a sa tatlong pu't anim na bilang niya. Ng̃uni't hindi lamang ito, kundi dumating dito ang mg̃a Americano at pinagsikapan ding masiyasat itong iba't ibang liping nagsisipangubat, na sa mg̃a sumiyasat at nakakita ng̃ mg̃a ito ay di maliligtaan sina Dr. Barrows, Comicionado Dean C. Worcester, John C. Foreman. Dr. M.L. Miller, Capitan Charles E. Nathorst, at Capitan Samuel D. Crawford at di rin nang̃agkaiisa ng̃ isipan bagay sa mg̃a liping ito; sapagca't ani Dr. Barrows ay tatatlo ang liping malayo rito at kung bagá man anya't marami ay angkan lamang ng̃ tatlong ito ang iba, samantala namang ang sa Comicionado Dean C. Worcester ay anim ang liping malayong narito at anáng iba ay isang gayon: ano pa at iba't iba. Kung alin ang matuid sa mg̃a salaysay noong mg̃a una sampu nitong mg̃a huli ay di natin masabi at hangang ng̃ayon ay di pa lubos na kilala ang boong paraa't ayos ng̃ pamumuhay niyang mg̃a taong gubat na nabangit baga man masasapantahang di lubhang magkakaiiba,

Ang ikalawang bahagi na sa mg̃a moro, ay gaya rin ng̃ sa mg̃a taong gubat na napapangkat ng̃ lipilipi at angkan-angkan, na ang iba'y sa Dabaw, ang iba,y sa Samboanga, ang iba'y sa Kottabato at ang iba'y sa iba't ibang dako ng̃ Hulo't Mindanaw na pawang may kanikanyang ng̃alan. Ang mg̃a ito ang may lalong malinaw na kasaysayan kay sa lahat ng̃ lipi rito sa Pilipinas, dahil marahil sa maagang pagkasulong nila sa katalinuang pakamahometano at pagkapaging̃at nila ng̃ kanilang mg̃a alamat at mg̃a alaala ng̃ dating pamumuhay ng̃ kanilang mg̃a kanunuan. Tungkol dito ay di dapat ligtaang basahin ang salaysay ni Naajeb M. Saleeby sa kanyang aklat na kasusulat pa lamang.

Ang ikatlong bahagi, na sa mg̃a nagsipagkristiano at siyang mg̃a liping tinutukoy ko sa kasaysayang ito ay masasabi nating may walong lipi ang dami na dili iba't itong mg̃a sumusunod: Ang Bisaya, na mg̃a taong nang̃ananahan sa maraming mg̃a pulong napapagitan sa Luzón at Mindanaw, sa makatuid baga'y sa mg̃a puló ng̃ Panay, Negros, Leyte, Samar at ibapa; ang Tagalog, na nang̃ananahan sa kalagitnaan ng̃ Luzon at nakakalat sa mg̃a lalawigan ng̃, Maynila, Batang̃an, Kabite, Laguna, Bulakan, Bataan, Nueva, Ecija at iba pa; ang Kapangpang̃an at Pang-asinan na nang̃akakalat sa mg̃a kapatagan ng̃ kahilagaan nitong Luzon; ang Ilokano, na nang̃ananahan sa may dakong kalagitnaan ng̃ hilaga't kanluran nitong Luzon; ang Kagayan na nang̃agsasalita ng̃ wikang Ibanag at nang̃ananahan din sa Kagayan; ang Bikol na nang̃ananahan sa Kamarines at sa mg̃a lalawigan ng̃ Sorsogon; at ang Sambal na nang̃ananahan din sa Sambales. Dito'y di na kabilang ang ibang lipi na nang̃a sa Nueva Viskaya, sa pulo ng̃ Batanes at Kalamianes dahil sa kaliliitan.


Ikatlong Pangkat.

Ang Pagkaparito at Pinangaling̃an ng̃ Lahing Pilipino.

Ng̃ayon ng̃ang batid na natin ang dinamidami nitong mg̃a lipilipi at angkan-angkang nang̃ananahan dito na pawang kinikilalang pilipino ay di natin maliligtaan na di maitanong kahi't sa sarili kung ang mg̃a ito ay katutubo rito ó kung bakit nang̃aparito at saan nang̃angaling.

Sa pagkakatutubo rito, ng̃ mg̃a taong ito anang mang̃a mananalaysay ay hindi at bago pa ng̃a mandin ang mg̃a ito ay ang mg̃a ita muna ang nang̃anahan dito; sapagka't di ng̃a naman mangyayari na ang isang lahing mahina na gaya ng̃ mg̃a ita ay mahuli pa isang lahing may kaonting kalakasan. Ng̃uni't mula pa sa kaunaunahang dako hangang sa panahong ito ay hindi kaila na ang tao ay laging nagsikap ng̃ ikabubuti't ikagiginhawa ng̃ sarili na kung di ng̃a masiyahan sa kanyang bayan ay dumadayo sa iba; kaya't hangang ng̃ayon ay may mg̃a taong gubat na nagpapabuhatbuhat ng̃ tahanan dahil sa paghanap ng̃ lalo't lalong mabuting lupa ó ng̃ dakong lalong maginhawa sa kanyang pamumuhay, at maging sa mg̃a matalinong bayan man ay gayon din, at nariyan ang Australia na pinamamayanan ng̃ mg̃a Ingles:—at—ang mg̃a lupang Pilipinas, na halos lahat ng̃ pulo't lalawigan ay sagana sa mg̃a halama't pananim, sa mg̃a kayamanan at sa balang ikabubuhay,—ay di mapagtatakhang pamayanan ng̃ lahing ito.

Kung paano ang pagkapasimula ng̃ pagkakaparito ng̃ mg̃a ito ay di natin masabi at walang aklat na makapagpatotoo, datapua't ang mg̃a pagkakaganiganito ng̃ mg̃a tao noong unang dako, na nang̃apapalipat sa ibang mg̃a pulo't lupain ay di kaila sa mg̃a kasaysayan, at nariyan ang mg̃a aklat nina Ratztel, Ellis, John Dunmore at ibp. Noon ng̃ang una na di pa lubhang kilala ang katalinuan sa pagdadagat at wala pang kagamitan, kungdi ang mg̃a sasakyang may layag lamang ay madalas nangyayari sa mg̃a magdadagat na kung totoong nang̃apapalaot sa dagat at inaabot ng̃ pagbabago ng̃ hang̃in ay nang̃apapaligaw hangang sa másadsad sa ibang lupain, at mang̃yare, kung hindi na mang̃akabalik at kabubuhayan naman ang lupaing kinasadsaran ay natutuluyan ng̃ doon mamayan, ó kung sakali mang nang̃akabalik at sa ganang kanila ay lalong maginhawa ang lupaing kinasadsaran nila kay sa lupa nilang tinubuan ay nangyayari ring pinagbabalikan at nag-aanyaya pa ng̃ kanilang mg̃a kamag-anak at kakilala. Ito ng̃a ang matuid na masasapantaha natin, na dahil ng̃ ikinaparito ng̃ mg̃a taong ito, at dito'y di natin maliligtaang di bangitin na pinakahalimbawa ang sali't saling sabi ng̃ mg̃a Tagakaola at mg̃a Bagobo sa Mindanaw na anila'y sadsad lamang sila sa lupaing kinatatahanan nila ng̃ayon at ang kanilang pinangaling̃an ay isang lupaing malayong malayo. Hindi ko na bangitin ang lubhang maraming mg̃a pangyayaring ganito sa iba't ibang lupain at totoong makapal.

Bagay naman sa pinangaling̃an ay masasabi nating wala ng̃ iba kundi ang mg̃a kalapit lupain At dito naman sa mg̃a kalapit lupain ay wala ng̃ ibang masasapantaha, liban sa mg̃a lupang nasa dakong timog, na dili iba't ang kamalayahan dahil sa siyang mg̃a tang̃ing bayan na kahuad sa kulay tikas at anyo, kakapatid sa wika at kaayon sa halos lahat ng̃ ayos at paraan ng̃ pamumuhay ng̃ mg̃a Tagarito. Saká anang mg̃a mananalaysay, siyang sali't saling sabi ng̃ mg̃a tao rito, na ang mg̃a nabangit na lupain ang pinangaling̃an ng̃ mg̃a kanunuan nila. At bagay rito ay may salaysay si P. Colin na anya'y: "May isang taga Kapangpang̃ang nakarating sa Sumatra (isang lupaing malaya) at sumapit sa isang dako na kanyang kinaringan ng̃ kanyang sariling wika at siya'y nakisagót na parang siya'y ipinang̃anak sa dakong yaon, anopa't tuloy sinabi sa kanya ng̃ isang matanda na kayo'y mg̃a inapó ng̃ mg̃a nagsialis dito noong unang dako na nang̃amayan sa ibang lupain at di na namin nang̃abalitaan."

Ng̃uni't may isang bagay na hindi lahat ng̃ tao rito ay Kapangpang̃an ó Tagalog mang ó Bisaya kaya, kung di may taong gubat at may taong bayan, may Igorot at may Tingian, may Tagalog at may Bisaya at marami pa.

Ang kadahilanan nito, sa akalà ko, ay sanghî sa pagkakapangkat pangkat ng̃ mg̃a bayan malayo (ó lahing pinangaling̃an ng̃ mg̃a Tagarito) saká ang pagkakapangkat pangkat pa uli rito.

Kung ating ng̃ang liling̃unin at lilining̃in ang kamalayahan na pinangaling̃an ng̃ mg̃a Tagarito ay matatanto nating unauna na doo'y may kinikilalang tatlong uri ng̃ tao na dili iba't ang orang benúa (ó taong gubat), ang orang-laut (ó taong dagat) at, ang orang-malayo (ó taong bayan). Sa una na orang-benúa ay masasapantaha na siyang pinangaling̃an ng̃ ating mg̃a taong gubat, na dili iba't siyang sapantaha ng̃ mg̃a kilalang mananalaysay ng̃ayon. At ito'y mapaniniwalaan dahil sa pagkakaparis ng̃ pamumuhay ng̃ mg̃a ito sa pamumuhay ng̃ mg̃a iyon: maliban marahil ang iba nitó, na gaya ng̃ Tingian at iba na sa akala ko'y kauri rin ng̃ mg̃a lahi ritong kristiano ng̃ayon na nagsipangubat lamang dahil sa pag-ibig marahil na manatili sa kanilang kalayaan at sa ganito'y náurong sa pagsulong sa katalinuan.

Tungkol sa orang-laut at orang malayo ay di mapagtatakhang siyang pinagmulan ng̃ mg̃a taong bayan dito ayon sa kanilang ayos at paraan nag pamumuhay.

Bukod dito ay dapat ding tantoin na ang kamalayahan (maging taong-gubat ó taong dagat ó taong bayan) baga man suplíng sa isang lahi (sa lahing Mongol anáng mg̃a mananalaysay) ay pangkat pangkat din, dahil sa nang̃amamayan hiwahiwalay sa pulo't pulo, na ang iba'y sa Sumatra, ang iba'y sa Java, ang iba'y sa Celebes at ang iba'y sa iba't ibang pulo, bukod pa sa nang̃atira sa kapatagan ng̃ Malaka, at mang̃yare—sa pagkakapulopulo at pagkakahiwahiwalay na ito ay nagkaiba't iba ng̃ kaonti at sapagka't ang mg̃a Tagarito, sa akala ko, ay hindi galing sa iisang angkan ng̃ mg̃a yaon, kundi sa iba't iba ay kaya naman iba't iba rin ang mg̃a lipi rito, bukod pa ng̃a sa dito ma'y nagkapulopulo at nagkahiwahiwalay pa uli.

Tungkol sa mg̃a moro sa Magindanaw ay masasapantahang siyang mg̃a huling naparito at ayon sa kapaniwalaan ng̃ayon ay siyang mg̃a kasabay ó kasunod ng̃ mg̃a taga malayang nagsipamayan sa Borneo noong dakong 1400.


Ikaapat na Pangkat.

Dating Pamamayan ng mg̃a Tagarito

Bago nagpuno ang mg̃a taga Europa dito sa Kapuluang Pilipinas, ay may sarili ng̃ paraa't ayos ng̃ pamumuno ang mg̃a tagarito. Ang paraa't, ayos ng̃ pamunuang ito ay di kagaya ng̃ sa iba't ibang lupaín na may isang dakilang puno ó pang̃ulo na kinikilala, kundi sa bawa't pulo at lalawigan ay maraming pang̃ulong may kanikanyang kampon at sakop na nayon-nayon at lipi-lipi,[1] anopa,t, kaparis din ng̃ pamunuan sa España bago nang̃agpaka-pang̃inoón doon ang mg̃a Romano't Godo.

Ang bawa't pangkat ng̃ pamahalaan ay tinatawag na isang balang̃ay. Itong salitang balang̃ay ay pang̃alan ng̃ sasakyang-dagat na di umano'y siyang nilulanan ng̃ mg̃a taga Malaya sa pagparito, (basahin ang pangkat na sasakyan) at ang dami ng̃ mg̃a taong sakáy sa bawa't isa nito ay tinatawag na isang balang̃ay na dili iba't siyang nátatag na isang pamahalaan. At sapagka't may malalaki't maliliit na sasakyán ay nagkamalalaki't maliliit namang balang̃ay ó pámahalaan.

Ang bilang ng̃ mg̃a tao sa pinakamunting balang̃ay ay limang pú at sa pinakamalakí ay umáabot ng̃ hangang pitong libo.

Ang ibang mg̃a balang̃ay ay magkakasundô at hangang sa naglalakip-lakip[2] upang kung salakayin ng̃ mg̃a kaaway ay huwag masupil; ng̃uni't ang pagkakálakip na ito ay sanhi ng̃ pagkakasunduan at hindi ng̃ pagsasáilaliman ng̃ isa't isá; ano pa nga't bawa't balang̃ay ay may kanya ring sariling pang̃ulo, liban na sa panahon ng̃ digma na pumipili ng̃ isang mang̃ung̃ulo sa kanilang lahat.

Ang pang̃alan ng̃ pang̃ulo sa bawa't balang̃ay ay Dato na ang kahulugán sa wikang Malaya (ani Dr. de Tavera) ay nuno ó lelong: ano pa ng̃a't dito'y ating mapagninilay na ang ayos sa pámunuan ay isang pamumuno sa gulang̃an. Itong tawag na Dato na pang̃ulo ay nanánatili pa hanga ng̃ayón sa Holó't Mindanaw. Ang pang̃ulo namang nagpupuno sa samasamang balang̃ay ay nagkakapamagát ng̃ Laca ó Raja ó Ladya ó Radja. Mula ng̃ lumitaw ang mahomatismo (pananalig kay Mahoma) ay ginamit ang salitang sultán. Di umano'y may nagpápamagat, din ng̃ Hari na siyang dating kapang̃alanán sa mg̃a dakilang pinuno sa India, at ang kahulugan sa sanskrito, ani Dr. de Tavera ay Brahma, araw, Vishnu.

Ang pamumuno ng̃ pang̃ulo ay paratihan ó sa tanáng buhay. At ang pagkapuno't pagkamáginoo ay minamana ng̃ anák at kung sakaling wala, ay mg̃a kapatid ó kamag-anak na malapit ang humahalili. Ang tungkulin ng̃ mg̃a ito ay pagpunuan ang kaníkanyang sakop at kampon at tuloy ling̃apin ang kanikanilang usapín at kailang̃an; at ang sabihin namán ng̃ mg̃a ito ay iginagalang at ginaganap ng̃ kanikanyang sakop na mg̃a tao. Iginagalang din ang mg̃a kamag-anak at inapó ng̃ mg̃a puno, na kung baga ma't hindi nakapagmana ng̃ pagkapuno ay pawang ibinibilang namáng taong-mahal at ipinakatatang̃i sa mg̃a taong karaniwan. Kung paano, ang kamahala't pagkamaginoo ng̃ mg̃a lalaki ay gayon din ang sa mg̃a babae[3].

Sa mg̃a balang̃ay na nabangit ay may tatlong kalagayan ng̃ tao: Una'y ang mg̃a mahal na pinamamagatang Maginoo ó Ginoo; ikalawa'y ang mg̃a nakaririwasa na pinamamagatang timawa (ó payapa) at anáng ibang mg̃a mananalaysay ay maharlika; ang pamagat, na sa wikang Malayo ani Dr. Tavera ay laya ang ibig sabihin; at ikatlo'y ang mg̃a alipin na sa Bisaya'y oripun.

Ani Colín, ang mg̃a lalaking may mahal na uri ó mg̃a maginoo ay nagpapamagat din ng̃ Gat ó Lakan, gaya ng̃ Gat Maitan, Lakán Dula at iba pa at sa mg̃a babae nama'y Dayang gaya ng̃ Dayang Mati. Anang iba'y naging karaniwang kasambitan din ang ating kinauugalian pa hangang ng̃ayong mama (amain) ó mang sa mg̃a lalaki at ang ale sa mg̃a babae.

Sumusunod sa uring ito ang mg̃a timawa (payapa) ó maharlika (laya). Ang mg̃a ito'y tang̃i sa ibang uri na walang sinasailaliman libang sa kanilang Dato ó pang̃ulo. Hindi rin nang̃agsisibayad ng̃ buwis at ang paglilingkod na ginagawa ng̃ mg̃a ito ay ang tungkol lamang sa naayon sa ugali. Itong ugaling tungkulin nila, ay ang sumunod sa utos ng̃ pang̃ulo ó puno sa panahon ng̃ digma: kaya't ang mg̃a ito ang siyang nang̃agsisibuo ng̃ kawal ó hukbo ng̃ balang̃ay at sa ganito'y may pamagat na kabalang̃ay. Bukod dito ay tungkulin din nila ang tumulong sa pang̃ulo ó Dato kung panahong nagbubukid ó umaani at gayon din sa pagtatayo ng̃ bahay, sa pag-gaod sa sasakyan niya kung sakaling naglalayag ng̃uni't sila'y pawang pakain sa loob ng̃ boong panahong kanilang ipinaglilingkod.

Ang sumusunod sa nang̃abangit ay ang mg̃a alipin, na sa Bisaya'y oripun, at mg̃a ito'y may dalawang kalagayan ng̃ pagka-alipin: ang aliping namamahay at ang aliping sagigilir; itong hulí sa Bisaya'y tinatawag na ng̃alon.

Ang aliping namamahay ay pinagbibigyan pakundang̃an. Ito'y may bahay na sarili; kaya't may pamagat na namamahay, at sa panahong kinakailang̃an lamang naglilinkod sa pang̃inoon, at ang paglilingkod na ito ay sa pagbubukid at pag-aani ng̃ kanyang pang̃inoon, at gayon din sa sasakyan kung sakaling naglalayag. Kailang̃an din tumulong sa pagpapagawa ng̃ bahay ng̃ pang̃inoon at tuloy naglilingkod sa bahay nito kung sakaling may panauhin, ano pa ng̃a tungkulin ng̃ aliping namamahay ang maglingkod sa pang̃inoon kailan ma't kakailang̃anin; ng̃uni't natatang̃i sa ibang alipin dahil sa may sariling bahay at saka hindi naipagbibili. Wala ring namang bayad sa paglilingkod, at sa madaling sabi ay siyang mg̃a tinatawag nating kasamá, bataan, kampon, tao at ipa pa. Nakalilipat din naman ang aliping ito sa kalagayang timawa ó maharlika kung nagbabayad sa kanyang pang̃inoón ng̃ katampatang halaga na ayon sa kaugalian.

Ang aliping sagigilir ó ng̃alon ay siyang tunay na alipin na ang iba'y sa tanang búhay at sa akala ko'y tinatawag na sagigilir, dahil sa di nakalálayo sa gilid ó paligid ng̃ pang̃inoon. Ang pagkakapagíng alipin ng̃ mg̃a ito ay dahil sa pagkukulang sa Dato ó pang-ulo, dahil sa pagdidigmaan, pakikipag-usapín at gayon din sa pag-uutang̃an at ibp.

Ang mg̃a alipin ito ay siyang pinakamalaking yaman ng̃ mg̃a tagarito, dahil sa nákakatulong silang malabis sa kanilang ng̃a bukira't hanap-buhay, at ang mg̃a ito'y naípagbibili't náípagpapalit ng̃ isang pang̃inoon sa ibang pang̃inoon, ng̃ isang bayan sa ibang bayan, ng̃ isang lalawigan sa ibang lalawigan at ng̃ isang pulo sa ibang pulo. Gayon man, ani Argerzola (sabi ni Rizal), ay hindi lubhang hamak ang pamumuhay ng̃ mg̃a alipin itó, dahil sa kasalong kumakain sa dulang ng̃ kanilang pang̃inoon at hangang sa naáaring mag-asawa sa kabahay ng̃ pang̃inoon, maliban na sa ilang masamang pang̃inoon, na saa't saan ma'y di nawawalâ. Ng̃uni't ayon sa salaysay ng̃ ibá (wika rin ni Rizal) ay lumubha ang kalagayan ng̃ mg̃a aliping ito nang masakop ng̃ España ang mg̃a tagarito hangang sa ang iba'y nang̃agpakamatay sa gutom at ang iba'y nang̃agpakamatay sa lason, at pinatay ng̃ ibang iná ang kanilang anák sa pang̃ang̃anák (Basahin ang paaninaw ni Rizal sa dahong 295 ng̃ aklat ni Morga).

Ang mg̃a anák at inapó ng̃ mg̃a aliping itó, magíng namamahay at magíng sagigilir ay nagmamana ng̃ kalagayan ng̃ magulang, na siyang dating kaugalian sa halos lahat ng̃ lupaing malayo. At ang pagkaalipin nitóng mg̃a aliping namamahay at sagígilir ay sari-sari, dahil sa mayroong buô ang pagkaalipin, at mayroong kákalahati at mayroon namang ikapat na bahagi lamang. Ang dahil ng̃ pagkakaganito ay mababasa sa pangkat ng̃ kaugaliang pinanununtunan sa mg̃a kapaslang̃an at sigalutan.

[1]

Ang ganitong ayos ng̃ pagkakahiwáhiwalay ng̃ pámunuan dito ay minagaling ni Rizal. Anya'y kung napasa kapangyarihan ng̃ isang katao lamang ang pámunuan dito nang panahong yaon at anomang bagay ay isásanguni sa isang lugar, ay magiging mabigát sa bayán-bayán, at sa akala ko rin, dahil sa nang panahong yaon ay wala pa ritong telefono, telegrama at mg̃a kasangkapang nagagamit sa madaling pagsasangúnian.

[2]

Ani Rizal, ay di malayong ang ganitóng paglalakip ay malaon nang inúugali rito, at sa katunayan (anya'y) ang pang̃ulo rito sa Maynilá ay pinakapang̃ulong General, ng̃ sultán sa Bórneo; ayon sa patotoó ng̃ mg̃a kasulatan noong siglo XII.

[3]

Ani Rizal ay naáayon sa kautusán ng̃ katalagahan (naturaleza) ang pag-uugaling itó ng̃ mg̃a dating pilipino, na higit kay sa mg̃a tagá Europa na nawawalán ng̃ kamahalan ang babae kung nagsasawa sa mababa kay sa kanya, dahil sa isinasalalaki lamang ang kamahala't kababaan. Anya'y isang katunayan ito na ang mg̃a babae ng̃a rito'y pinagbibigyan na mula pa noong una.


Ikalimang Pangkat.

Dating Pananamit At kalinisan sa katawán ng̃ mg̃a tagarito

Noóng unang dako ang mg̃a tagarito ay magkakaibá ng̃ pananamit; na anó pa,t, sa Luzón ay iba sa Bisaya'y iba at gayon din sa ibang dako.

Ang pagkakáganitó marahil ay sapagka't galing sa iba't ibang dako ng̃ Kamalayahan ang mg̃a tagarito at inugali ng̃ isa't isa ang pananamit sa kanikanyang bayang pinangaling̃an.

Dito sa Luzón (sa ilang lalawigan marahil) ay nananamit ang mg̃a lalaki ng̃ kanyan (barong azul) na lagpas ng̃ kaunti sa baywang, isinasara sa harap, walang liig at maikli ang mang̃ás; ng̃uni't may nagsusuot din ng̃ kulay itim. Ang sa mg̃a maginoo'y kulay-pulá at sa India pa nangagaling. Bukod dito'y nagbibigkis sa baywang ng̃ isang kumot na tulóy ibinabahag; ang hita'y litaw, ang mg̃a paa'y walang suót at ang ulo'y walang takip maliban sa isang makitid na panyo na mahigpit na itinali sa noó at kimót-kimutan na pinang̃ang̃anlang potong ó putong. Ang putong na ito ay iniiíkid ng̃ sari-saring paraan, na kung minsa'y wari turbante ng̃ mg̃a moro na walang bunete, at kung minsan nama'y nakapulupot na parang kubóng ng̃ sumbrero. Ang nagmámatapáng ay naglálawit, ng̃ mg̃a dulo ng̃ panyóng ito na pinaáabót hangang sa batok. Sa kulay nang panyo ay napagkikilala ang pagkapuno, dahil sa siyang ginagamit na pinakasagisag sampu sa kanilang pakay at kataasan. Ang síno mang hindi pa nakakapatay (marahil sa digmá), ng̃ isa man lamang, ay hindi tinútulutang gumamit ng putong na pulá at kaya't makagamit ng̃ ikid ó pugong na parang corona, ay kung nakápatáy na ng̃ pitó. Ang pinakadagdág na kasuutan ay isang mainam na nakukulayang kumot na isinasalabat sa balikat, saka ibinubuhol sa may ibaba ng̃ bisig, at ang káyong dinaramit ay sutla't babarahin. Bagay naman sa paghihiyas ay nang̃agkúkuwintás ng̃ tinanikalang ginto na iniíkid sa liig at ang pagkakákawing-kawíng ay gaya ng̃ sa mg̃a taga Europa; nang̃agsusuót sa bisig at galang-galang̃an ng̃ kalombigas (pulsera) na gintong tinipi at may anyóng sarisari, na tuloy sinásaglitan ng̃ mahahalagáng batóng kawigin at ágata, puti't bugháw ang mg̃a pinakamahál. Anáng iba'y gumagamit din ng̃ garing; at sa mg̃a daliri naman ay nang̃agsisingsing ng̃ ginto't iba't ibang bató.

Sa ibang dako naman (sa katagalugan marahil) ay may kaibhán dahil sa nang̃agbabaro at nang̃agsásalawal ang mg̃a lalaqui, at kung may pinaróroonan ó napasa sa simbahan (sa pagparoon lamang sa mg̃a simbahan, sa akalá ko) ay nananamit ng̃ isang kasuutang kulay itim na kung tawagi'y sarampuli. Ang kasuotang ito'y mahaba na abot hangang paa at ang mangas ay makipot na di umano'y isang kasuotang lubhang mahinhín. Kung isuot ito ng̃ mg̃a tagalog ay buo at parang sapot, na ano pa't sa ulo pinapagdáraan at isang kasuotang karaniwan. Ang mg̃a babayi naman ay nang̃agbabaro at nang̃agsasaya, at kung may pinaroroonan (sa pagpa sa simbahan din marahil) ay gumagamit ng̃ isang pantakip sa ulo na abot hangang paa at kulay itim ang pinakapipiling kulay, saká nang̃agtatapis; ng̃uni't ito'y higit na inuugali sa katagaluga't kapanayan kay sa kabisayaan. Bukod dito'y nang̃aglalagay sila sa buhok ng̃ pusod na tangalin (postizo) na ang ipinang-aalalay ng̃ lalaki't babae ay ipit na ginto ó pilak na may batóng perlas ó diamante sa pinakaulo, at kung hindi naglulugay ng̃ buhók ang lalaki ay nagtatalí sa noo ng̃ panyô na kung tawagi'i purug at ang mg̃a babae namán kung napasasadaan ay nang̃agsasalakot na ang tawag sa Bisaya'y sarok.

Sa lalawigan nang Sambales, ang lalaki'y nag-aahit ng̃ buhók sa harapán ng̃ ulo at sa kaymotan ay nag-iiwan ng̃ isang kumpól na lugáy na, aní Rizal, ang ayos na ito ng̃ pagbubuhok sa Sambales at ang pananamit ng̃ mg̃a taga Bisaya, ay nahahawig sa kimono Hapón, At ang mg̃a babae sa lalawigang itó ay nang̃agbabaro ng̃ sarisaring kulay at nang̃agsasaya rin, at ang mg̃a may mahal na uri ay nang̃agkukundiman, nang̃agsusutla at nang̃ananamit ng̃ iba't ibang káyo na pinamumutihan ng̃ ginto at ng̃ sari-saring gayák na palawít; nang̃agkukuwintas ng̃ tinanikalang ginto, nang̃agkakalombigas (pulsera) sa galang-galang̃an, nang̃aghihikaw sa taing̃a ng̃ makapal na tiping ginto at nang̃agsisingsíng sa daliri ng̃ ginto rin at sari-saring hiyás.

Sa Katanduanes naman ay nang̃agsasaya ang mg̃a babae ng̃ ayon sa ugali ng̃ mg̃a taga Bisaya, nang̃agsisigamit ng̃ mahahabang balabal, ang buhók ay pusód, na mainam ang pagkasuklay at sa noo'y may sintás na nababatikan ng̃ ginto, na ang luwang ay dalawang dali. Sa bawa't taing̃a ay nakahikaw ng̃ tatlo, isa sa kaugalian ng̃ayon at ang dalawa'y sa may dakong itaás na magkasunód: at marahil ay ang mg̃a ito rin an sinasabi ni P. Chirino na nagsisipaggayák ng̃ kakatwa sa bukong-bukong.

Ang mg̃a taga Bisaya naman ay nang̃aggugupit ng̃ buhók na kagaya ng̃ sa dating kaugalian sa España at nang̃agpipinta sa katawan ng̃ sari-saring anyô at kulay. Ang pagkakapinta'y mainam at bagay-bagay at anang iba'y hindi lamang katawan ang pinipintahan kundi pati ng̃ baba't kilay. Ang paraan ng̃ pagpipinta, bago gawín ay ginuguhitan muna ng̃ máng̃ang̃atha ng̃ akalang maáayo't mábabagay sa katawan at gayon din sa pagkalalaki ó pagkababae, saka pinipintahan. Ang panguhit na ginagamit ay kawayang parang pincel na matulis ang dulo at siyang ipinangduduro hangang sa lumabas ang dugo, saca binubúdburan ng̃ pulbós, ó kung dili ay usok ng̃ sahing na maitim, na kailan ma'y di na mang̃ung̃upas. Hindi pinipintahang bigla ang boong katawan, kundi bahabahagi, at datiha'y hindi muna nagpipinta hangang hindi makapapamalas ng̃ anomang katapang̃an. Ang mg̃a bata'y hindi nagpipinta ng̃ ng̃uni't ang mg̃a babae ay nagpipinta ng̃ Isang boong kamay at ng̃ bahagi ng̃ ikalawá. Dito sa pulo ng̃ Luzón ay nang̃agpipintá rin ang mg̃a taga Iloko, hindi lamang lubós na kagaya ng̃ sa mg̃a taga Bisaya. Sa paghihiyás ay nang̃aghihikaw ng̃ malalaking hikaw na ginto at garing at nang̃agkákalombigas; sa ulo'y nang̃akakulubóng ng̃ ukáng Wari turbante na may batíkbatík na ginto; nang̃agbabaro ng̃ makipot at mahaba na walang liig, at sa harapán isinásará. Hindi nang̃agsasalawal, kundi bahág lamang na ibinibigkis sa harapán. Ang mg̃a babae'y may magagandang anyo't kilos, malilinis at, makikisig na lumakad; ang buhok ay maitím mahaba at nakapusód, nang̃akatapi sa baywang ng̃ kayóng sari-saring kulay at nang̃akabaro ng̃ walang liig; hindi nagsisipagsuot sa paa, ng̃uni't, nang̃aghiyas na nagsisipagkuwintás ng̃ ginto, nagsisipaghikaw at nagsisipagkalombigas.

Bagay namán sa kalinisan, lalaki't babae at lalo na ang mg̃a máginoo, ay totoong malinis sa kanikanyang katawa't bihis; nang̃agpapaitim na mainam ng̃ buhók na nagsisipaggugo at nagsisipaglang̃is ng̃ líng̃áng may pabang̃ó. Sa ng̃ipin ay lubhang maing̃at na lahat, na mula sa pagkabata ay pinapantay ng̃ mg̃a bato't iba pang mg̃a kasangkapang pangkiskis at pinaiitim hangang sa tumanda, na tuloy sinasaglitan ng̃ ginto at nililinis pagkakain at pagkakagising.

Bata't matanda ay naliligo sa mg̃a ilog at sa malaking bangbang na, ani Morga'y, kahi't sa anong oras, dahil sa di umano'y inaaring pinakamainam na kagamutan: kaya't pagkapang̃anak (anyá) ng̃ babaye ay agád naliligo at pati bata'y pinaliliguan din[4]. At ani Colin, ang karaniwang oras na ipinaliligo ay sa pagkalubóg ng̃ araw, pagkatapos ng̃ gawain at sa pangagaling sa pakikipaglibing na naging kaugalian din sa Hapón. Saka kung naliligo ay mahinhing naúupo na inilúlubóg ang katawán hangang sa lalamunan na nang̃agpapakaing̃at upang huwag maging tudláng ng̃ matá nino man.