WeRead Powered by ReaderPub
Dating Pilipinas cover

Dating Pilipinas

Chapter 52: Almás
Open in WeRead

Explore more books like this:

About This Book

The work surveys the archipelago's precolonial peoples, tracing proposed origins and settlement patterns and describing indigenous communities, clothing, bodily adornment, domestic life, social organization, language and literacy, trade and watercraft, marriage and funeral rites, and native religious beliefs. Organized into focused chapters, it combines ethnographic description with summaries of earlier historical and missionary accounts to reconstruct everyday customs, material culture, rites of passage, and collective memory. The tone is documentary, aiming to preserve fading traditions and provide a compact reference for readers unfamiliar with older practices.

[14]

Tungkol dito sa ayos ng̃ pagsulat ng̃ mg̃a tagarito ay pinagkaroonan ng̃ iba't ibang isipan ng̃ mg̃a mananalaysay. Ani Marche ay pahalang, ani Jambaulo na nakikita mandin ng̃ kasulatan dito na malaong panahon bago ipinang̃anak ang Pang̃inoóng Jesu-Kristo ay gaya rin ng̃ sabi ni Chirino na paibabang mula sa itaas, at ang sabi naman nina Colin at Esguerra ay patiwali sa nabangit, dahil sa anila'y paitaas na mula sa ibaba at ang pahalang ay inugali na lamang ng̃ dumating ang mg̃a taga España.


Icasiam na pangcat.

Asal at gawi

"Ang mg̃a tagarito"; ani P. Chirino. "ay hindi gaya ng̃ mg̃a insic at hapón na mapagsikotsikot sa canilang pagbati, gayon man ay may sariling bait at asal. Lalong lalo na ang mg̃a tagalog na sa salita at sa gawa ay mg̃a magalang at mapagbigay loob. Nagsigaya sa atin (sa kanila na mg̃a kastila) ng̃ pagbati na nag-aalis ng̃ putong na isang toalla ó diadema. Ugali rin na di tumatayo sa harap ng̃ mg̃a taong canilang iginagalang, kungdi nauupo sa lupa ng̃ di lubhang sayad na nag-aalis ng̃ takip sa ulo at ipinapatong ang putong sa kaliwang balikat saka nakikipag-usap sa nakatataas sa kanila. Ang pag-galang na inuugali sa pagpasok ó sa pagcacasalubong ay ang magpakayukod at iunat ang isa ó dalawang kamay sa mukha: iduop sa mg̃a pisng̃i, at saka maupo ó maghintay kayang tanung̃in ng̃ ibig; inaaring masama ang magsalita, kung hindi tinatanong...."

Sayang at di nasiyasat ni P. Chirino ang dahil ng̃ mg̃a ganitong galaw, na marahil ay may catuturan. Sa India ay may isang bayan na cung magbatian ang mg̃a tao ay tumitigil muna saca, idinuduop ang camay sa tapat ng̃ pusò (na tahanan ng̃ damdamin), itinutuloy sa noo (na tahanan ng̃ isip) at itinitigil sa bibig (na tahanan ng̃ salita),—na ang ibig sabihin ay bago co salitain ang aking na sa loob ay akin munang iisipin saca co bubukhin sa bibig: at di malayong ang gayong pag-galang ng̃ mg̃a tagarito ay may cahulugan ding gaya naman ng̃ sa mg̃a taga Indiang yaon.

Di ng̃a caila na sa asal nakikintal ang pagcatao ng̃ tanang kinapal,—at ang bayang pilipino,—cung bagá ma't di siyang pinacasacdal ay di naman siyang pinacahamac. Marahil ay walang gasinong carunung̃an datapua't paraparang may sacdal na damdamin,—mapagpatuloy sa walang matuluyan, mapagbiyaya sa mahirap, at ito'y namamalas natin mula sa cayamanyamanan hangang sa carukharukhaan. Sa caibigan ay idinadamay ang buhay at sa isang pakitang loob ay iginaganti ang yaman.

Sa mg̃a gawain ay gayon din, at ani Morga'y: "ang mg̃a tagarito ay may mabubuting licás sa anomang hipuin, malilicsi't matatalino, bagá man maiinitin."

At sa paghahanap buhay ay di rin maliligtaan nino man ang cay Morgang salaysay na anya'y: "Ang gawa't hanap buhay ng̃ mg̃a tagarito (na babae) ay manahi ng̃ sarisari; gumawa ng̃ saya, humabi ng̃ sinulid, at mag-ayos ng̃ bahay ng̃ canicanyang asawa't magulang, magbayó ng̃ palay na bibigasin, at maghanda ng̃ bala na, mag-alaga ng̃ manoc at baboy at mang̃asiwa ng̃ bala na sa bahay, samantalang ang mg̃a lalaki naman, ay siyang sa pagbubukid, sa palaisdaan, sa pagdadagat at pang̃ang̃aso." Ano pa't dito sa licás ng̃ canilang pamumuhay ay malinaw na natatanghal ang matuid na gampaning isinatao ng̃ Maycapal, na ang magaang gawa ay sa babae sapagca't mahina at ang mabigat ay sa lalaki sapagca't malacas.

Sa acalá co, sa hangang dito ay sapat ng̃ makilala ang asal ng̃ tagarito sa canilang kilos at galaw, ng̃uni't hindi lamang ito. Sa wica man ay namamalas rin ang asal, palibhasa't siyang calulua ng̃ bayan: at sa wicang tagalog hangang ng̃ayo'y nababacas pa sa mg̃a batian ang tawag na Ale, mang ó mama (amain) Ginoó at iba pa na nagpapakilala ng̃ pagcamagalang; at gayon din ang tawag na ka gaya ng̃ ka Maneng ka Biang at iba pa na nagpapakilala ng̃ pagcacapatiran.

Sa catagang sabi ng̃a ay di asal gubat na gaya ng̃ sabi ng̃ ibang mananalaysay, cungdi isang ugaling mahal na tangkilikin ng̃ alin mang lupaing may inimpoc na bait.


Icasampung Pangcat

Pagkakalakalan.

Ang pagkakalakalan dito na noon pang una'y laganap na bago natuklasan ito ng̃ mg̃a taga Europa ay isa sa mg̃a pinakamahalagang bahagi ng̃ kasaysayan ng̃ Pilipinas.

Kapagkaraka ng̃a, di umano, ay may mg̃a sadya ng̃ pamiliha't tiyangihan ang mg̃a bayan-bayan at balabalang̃ay, lalong lalo na rito sa Kalusonan at Kabisayaan, ang mg̃a karaniwang kalakal ay bigás, palay, isda, kayo, almas, mg̃a bung̃a ng̃ kahoy, hiyas at iba't iba pang mg̃a kakainin kasangkapan at mg̃a kagamitan sa lupaing ito.

Ng̃uni't bukod sa mg̃a pagkakalakalang ito ng̃ mg̃a tagarito ay may pakikipagkalakalan rin sa mg̃a kalapit lupain, lalong lalo na sa mg̃a taga Malaya na nagsisidayo rito: kaya't ng̃ dumating rito sina Legaspi ay may isang sasakyan ng̃ mg̃a morong malayo na totoo nilang nakalaban sa pulo ng̃ Bohol, at anáng mg̃a nabihag (na mg̃a morong malayo) ay pang̃ang̃alakal ang kanilang ipinarito. At sa Cebu man ay may nakatagpo rin ang mg̃a kastila na sasakyang mula sa Siam na doo'y nakikipagkalakalan.

Sa China at Hapón ay di mapag-aalinlang̃an na ang mg̃a tagarito ay may pakikipagkalakalan kapagkaraka dahil sa mg̃a kasangkapang insik na dito'y nang̃asumpung̃an noong una, saka maraming katunayan na sa atin ay nagpapatotoo, gaya ng̃ sulat ni Legaspi kay Felipe II sa España, na anya'y: "Sa dako pa roon niring aming kinatitigilan ay may malalaking pulò na pinang̃ang̃anlang Luzón, at Vindoro; na pinaparoonan taon-taon ng̃ mg̃a insic at mg̃a hapón, upáng mang̃alakal. Ang kanilang dala'y seda, lana, porselana, pabang̃o, tansò, lata, mg̃a kàyong babarahin na may culay at iba pa. Sa pagbalic ay nagsisipag-uwi sila ng̃ gintô at pagkit. Ang mg̃a tao sa dalawang pulong ito ay mg̃a moro at pagcabili ng̃ mg̃a calacal ng̃ mg̃a insic at mg̃a hapón ay kinacalacal naman sa iba't ibang pulò.

"Gayon din ang isang aklat ng̃ mg̃a insic tungcol sa pagcacalacalan na sinulat ni Chau-lu-cua ó Chan Ju-cua na sa pagbangit ng̃ tungcol sa mg̃a lupaing ito ay sinaysay na:

"Pagca ang mg̃a sasacyan ng̃ mang̃ang̃alacal (na insic) ay dumarating sa doong̃ang ito (dito sa Pilipinas) ay dumodoong sa isang dacong lual ... na inaaring tiangihan, at doon nang̃ang̃alacal ng̃ mg̃a calacal ng̃ lupain. Pagcadoong ng̃ sasacyan ay inaalayan ng̃ capitan ang mg̃a mandarin ng̃ mg̃a puting payong. Ito naman ay ginaganti ng̃ mg̃a mang̃ang̃alacal upang sila'y pagpakitaan ng̃ mabuting-loob ng̃ ginoong ito. Ang mg̃a calacal ng̃ lupaing ay pagkit na dilaw, sinulid, perlas, susô, (ó sigay marahil), mg̃a bung̃a ng̃ cahoy at cáyong yuta (na marahil ay sinamay ó huse ó pinya), ang calacal ng̃ mg̃a insic ay porcelana, ginto, tinga mg̃a basong sarisaring culay, cawaling bacal at mg̃a carayom."

Ang paraan naman di umano, ng̃ pang̃ang̃alacal ng̃ mg̃a insic dito, anáng ibang mg̃a mananalaysay ay tinatambol ang canilang gongs pagdating upáng malaman ng̃ mg̃a tagarito na may sasacyan ng̃ calacal na dumating at agad naman sumasalubong ang mg̃a tagarito na sumasacay sa canilang mg̃a munting bangca.

Bucod sa nang̃abangit na lupaing ay nang̃alacal rin dito marahil ang mg̃a taga iba't ibang lupain sa Asia, sapagca't noong siglong ica labing pito, ani P. Delgado, ay nakikipagcalacalan rito ang mg̃a taga Malabar, taga Koromandel, taga Bengala, taga Kambodhe, at marami pa.

Balican co uli ang mg̃a calacal ay di dapat ligtaan ang calacal na alipin na di umano'y dito napagkikilala ang yaman ng̃ mg̃a tagarito na gaya rin marahil noong panahon nina Abrabam, na ang may pinacamaraming alipin ay siyang pinacamayaman. Ang pinacamalaking pamilihan sa calacal na ito ayon sa mg̃a casaysayan ay sa Butuan, (Mindanaw,) na doon nagdadalá ang mg̃a tagá Borneo, at taga iba't ibang lupaing calapit upang magbilí, hangang sa nagcamurang totoo, na noong 1573 ay ipinagbili rito sa Maynila, ng̃ anim na piso't cahati lamang ang isá. At maraming sasacyan dito sa Luzón, anáng isang mananalaysay, ay dumadayo sa Butuan, upáng mamili, sapagca't bucod ng̃a sa mg̃a bihag ng̃ mg̃a moro roon na ipinagbibili ay nagbibili rin, di umano, pati mg̃a insic at hapón ng̃ mg̃a galing namán sa canicanilang lupain.

Gayon din ang calacal na sigay na isa sa mg̃a calacal na dinadayo rito ng̃ mg̃a taga Siam, taga Kambodhe at mg̃a taga iba pang lupain dahil sa siyang pinacasalapi sa canicanilang lupain.

Bagay naman sa mg̃a mahalagang bató rito na ang iba'y kinacalacal ng̃ mg̃a tagarito ay di co na bangitin dahil sa nang̃ang̃ailang̃an ng̃ totoong mahabang salaysay sa cayamanan ng̃ lupaing ito sa mg̃a mahalagang bató.

Tungcol sa pagbabayaran ay hindi gumagamit ng̃ salapi, cung di gintong durog ang itinitimbang na totoong macapal sa lupaing ito anang mg̃a mananalaysay. Ang pang̃alan ng̃ mg̃a panimbang, ani Dr. Pardo de Tavera, ay pang̃alang insic gaya ng̃ tael ó tae na nababahagi ng̃ dalawang tinga at isang tinga ay may isang sapaha at isang sapaha ay pitong sema at ang caliitliitan, di umano, ay ang sangasahe; ng̃uni't sa pagtimbang ng̃ mg̃a calacal ay gumagamit ng̃ pikul. At sa pagsucat ay dangcal, sico at dipa ang inuugali. Sinasapantaha rin ni Dr P. de Tavera na dito'y nagcaroon ng̃ mg̃a salaping galing sa India, dahil sa tawag na salapi na pang̃alan ng̃ salapi sa India.


Ikalabing isang Pangcat.

Sasakyang-tubig.

Ang mg̃a tagarito ay gaya rin ng̃ hapón at ibp. na nagkaroon ng̃ kanilang mg̃a sasakyan-tubig na ayon sa kanilang katha. Kung paano at saan nila pinag-aralang gawin ay di natin batid, bagá man sa akala ko'y sa kamalayahan Ang mg̃a sasakyang ito ay siya nilang ginamit sa pamamalakaya ng̃ isda sa pagtawid-tawid at pagkakalakalan at gayon din sa pakikidigma.

Tungkol sa mg̃a sasakyang ito, ani Morga, ay sarisaring hitsura. Ang iba'y mg̃a bankáng lulanán ng̃ kanilang mg̃a kalakal na mg̃a isinasadsad cung gabi sa mg̃a pasigan at baybayin, at ang iba sa mg̃a ito ay malakílalakí na iisahing layag at taganás na tablang pinapagduopduop. Ang mg̃a ito ang canilang ginagamit sa mg̃a ilog at bangbang na nang̃aloloob sa lupain. Nagsisigamit din ng̃ mg̃a balang̃ay na malalaking sasacyan at matutuling patacbuhin magíng sa unahan at magíng sa hulihan at nacapaglululan ng̃ maraming mangagaod sa magcabicabilang panig at napatutulin ng̃ tulong ng̃ saguan, pangaod at tikin habang tinitimbang̃an ng̃ iba sa magcabilang panig na tuloy tinutugmaan nilang lahat ng̃ mg̃a awit[15] na siya nilang pinagcacaunawaan cung patatacbuhin ng̃ matulin ó ng̃ marahan. Sa ibabaw nito ay may isang lapag na nacatatakip sa mg̃a mangagaod. Ang lapag na ito ay matibay na nalalacaran ng̃ mg̃a taong pangdigma at nilululanan ng̃ ayon sa caya ng̃ sasacyan. Sa lapag na ito naglalagay ng̃ layag na pinapagtitibay sa dalawang cahoy ó cung may calac-han ang sasacyan ay pinapagtatatlo ang cahoy ó cawayan at ang namamahala naman sa tung̃o ng̃ takbo ng̃ sasakyan ay sa hulihan lumalagay. Bukod dito'y may hinubugang balangkas na may atip na pawid at siyang ginagamit na pinakakarang kung umuulan ó sumisikat ang araw: anó pa,t, pawang nasisilong ang tanáng lulan. Ang magkabilang panig ng̃ sasakyan ay may katig na malalaking kawayan na duopduop na baga ma,t, sumasayad sa tubig ay dí nakababagal sa takbo at ito'y siyang tumitimbang na mabuti sa sasakyan at nakahahadlang tuloy sa pagkataob kung sakaling napúpunô ng̃ tubig. Ngunit may lalo páng malalaki na nakapaglululan ng̃ isang daang mangagod sa bawa't panig at sa ibabaw ay tatlong pung sundalong pandigma.[16]

Sa mg̃a tagarito naman, dí umano, ay maraming marunong tumabas at gumawa ng̃ mg̃a sasakyang-tubig, na lalong lalo na sa Katanduanes na aní Morga ay magagaling na mangagawa ang mg̃a tagaroon na nang̃akagágawa ng̃ malalaki,t matutulin na ipinagbibili nila sa mg̃a kalapit pulo. At saká dí umano'y nang̃akagágawa rin ng̃ mg̃a huegong sasampuin at lalabing dalawahin na pinapagsususonsuson at pawang buong puno na pinag-ukáan lamang saka pinapahiran ng̃ alkitran.

[15]

Ani Colin ay mg̃a awit na kanilang isinasaulo at itinutugma na kanilang paggaod sa mg̃a sasakyan, at binabangit sa kanilang mg̃a pistaha't sayawan at sa lahat ng̃ gawaing pinagtutulung̃an. Ang binabangit, di umano, sa mg̃a pag-awit ay ang mg̃a kagilagilalás na pamumuhay ng̃ kanilang mg̃a Dios.

[16]

Ang mg̃a tagarito, ani Rizal, na di lubhang alang̃an sa mg̃a taga Marianas tungkol sa pagdadagat ay dí lamang dí nasulong, kungdí naurong pa sa katalinuang ito, at kung baga man anya't ng̃ayo'y nakagágawà rito, ng̃ mg̃a sasakyang-tubig ay halos pawang kaanyo na ng̃ sa mg̃a taga Europa. At yaong mg̃a sasakyang nakapaglululan ng̃ isang daang mangagaod at tatlong pung sundalong pandigma ay naparam na; at ang mg̃a lupaing ito na noong unang dako ay nakagágawa ng̃ mg̃a sasakyang halos 2000 tonelada ay nang̃ang̃ailang̃an na ng̃ayong sa mg̃a kalapit lupain magpagawa na gaya sa Hong-Kong upáng doon ibigay ang salaping kinukuha rito sa mg̃a mahirap.


Ikalabing dalawang pangkat.

Almás

Ang mg̃a almás na ginagamit ng̃ mg̃a tagarito, anáng mg̃a unang nakakita ay pana't bosóg, sibat, sungdang, sandata ó kris, talibong, kampilan, baluti na sung̃ay ng̃ kalabaw na di umano'y sa Siam nangagaling at iba't iba pa na hangang ng̃ayo'y ginagamit ng̃ mg̃a moro at ng̃ mg̃a taong gubat. Nagsisigamit din ng̃ sarisaring kalasag at ng̃ mg̃a damit na cuero at iba pa na sa labanan ay makasasangalang sa kanilang katawan.

Bukod dito'y nagsigamit ng̃ almás na nakapagpapahilagpos ng̃ maraming sibat, ng̃ mg̃a lantaka ó mg̃a munting kanyón: kaya ng̃ dumating rito di umano, ang mg̃a kastila ay nang̃akasumpong dito sa Maynila, Kainta, Taytay at Lubang ng̃ mg̃a kuta na may mg̃a lantaka ó munting kanyon.

At dito sa Maynila, anáng ibang mg̃a mananalaysay ay nagkaroon ng̃ pagawaan ng̃ kanyón at ng̃ pabubuan ng̃ pulburá, na di umano'y wari nasa pang̃ang̃asiwa ng̃ isang portugés at ng̃ isang tagarito na nagng̃ang̃alang Panday Pira.

Sa Kabisayaan ay wari gumamit din ng̃ mg̃a almás na ito, dahil sa isang sulat ni Legaspi sa hari tungkol sa mg̃a morong natuklasan sa Panay, na anya'y: "Itong mg̃a huli ay may mg̃a artillería (ó pagawaan at pabubuan ng̃ kanyón, baril at pulburá) na sila rin ang bumububô at gumágawa pati ng̃ mg̃a pulburá at ng̃ iba't ibang almás" saka niya sinundang "Ipinadadala ko po sa iyo iring dalawang almás na tanso na yari ng̃ mg̃a moro sa lupaing ito upáng paniwalaan po ng̃ iyong kamahalan ang katalinuan nila sa paggawa at pagbububô ng̃ mg̃a canyón."

Ani J.P. Sanger at ng̃ mg̃a kilalang mananalaysay ng̃ayon ay sa mg̃a insic at mg̃a moro marahil nang̃atuto nito.


Ikalabingtatlong Pangkat.

Dating ugali tungcol sa Pag-aasawa.

Lahat ng̃ lupain ay may canicanyang caugalian sa pag-aasawa, at ang Pilipinas, palibhasa'y isang lupain, ay may sarili ring caugalian tungcol sa bagay na ito.

Sang-ayon sa ugaling ito cung nag-aasawa ang sinoman ay pinagsisicapan na ang maging asawa ay caangcan at cabalang̃ay, maliban sa lubhang malapit na camag-anac na ibinabawal.

Ang sino man ay hindi nacapag aasawa ng̃ hihigit sa isa, at cung sacaling may ibang kinacasama, ay pinang̃ang̃anlang sandil; datapwa't, sa Bisaya, palibhasa'y malapit sa Mindanaw, ay inuugali ng̃ iba ang asal ng̃ camorohan na nag-aasawa ng̃ dalawa ó tatlo, bucod pa sa mg̃a kinacasama.

Sa pag-aasawa naman ay kinauugalian na ang maginoo ay sa kapwa maginoo, ang timawa ay sa kapwa timawa at ang alipin ay sa kapwa alipin; ng̃uni't naghahalo-halo rin kung minsan, ano pa't mabuti (ani Rizal) kay sa dating ugali sa Roma at sa ibang lupain sa Kanluran ó Europa na ang may mababang uri ay hindi na naaaring makapag-asawa ó makalakip sa may mahal na uri.

Bago ipagdiwan ang pag-aasawa ay pinagkakayarian muna ang ipagkakaloob na bigay-kaya (dote) na sa Bisaya ay bugey.

Ang nagbibigay ng̃ bigay-kaya[17] ó bugey ay ang lalaki,[18] na hindi gaya sa Europa na babae ang nanunungkol nito[19].

Pagkatapos na pagkayarian ang bigay-kaya ó bugey ay ipinagdidiwan ang pag-aasawa. Ang pagdidiwan namang ito ay naaayon sa kalagayan ng̃ magaasawa.

Ang maginoo kung ibig mag-asawa sa kauri ay nagpapasugo ng̃ mg̃a maharlika ó timawa upang siyang lumakad ng̃ pag-aasawa niya. Bago yumaon ang mg̃a ito ay nagdadala ng̃ isang sibat, sibat ng̃ maginoong mag-aasawa, at pagdating sa bahay ng̃ magulang ng̃ kakaisahing-dibdib, ay isinasaksak ang sibat sa hagdanan na nilalakipan ng̃ pagdalang̃in sa kanilang mg̃a diyos at mg̃a kanunuan upang sila'y kaling̃ai't pagpalain sa kanilang pakay. Pagkatapos ng̃ pagkakasunduan ay ginaganap ang pagkakaloob ng̃ bigay-kaya na ang karaniwang halaga ay isang daang putol na ginto na maaaring palitan ng̃ mg̃a alipin ó mg̃a hiyas. Kung magkagayo'y sumasama ang babae sa pagparoon sa bahay ng̃ kanyang bibiyanin na pasan ng̃ isang lalaki at pagdating sa hagdanan ng̃ bahay ng̃ magiging asawa, ay nagpapakunwari munang ayaw pumanhik, at sa ganito'y sinasalubong ng̃ biyanan at pinang̃ang̃akuan na pagkakalooban ng̃ isang alipin; kung makapanhik na, ay nagpapakunwa uli ng̃ hindi pagtuloy agad, hangang sa di muna pang̃akuan ng̃ panibago, at gayon din sa pagpapakain at pagpapainom. Pagkatapos ng̃ mg̃a pagpapakunwang ito at pag nagkatabi na ang lalaki at ang babae, ay tumatayo ang isang matanda at sumisigaw na tumahimik ang lahat, saka sinasabing: Si Gat Maitan ay nakikipag-isang-dibdib kay Dayang Matî; ng̃uni't kung kanyang pababayaan at hindi niya kakaling̃ain, ay iiwan siya at di sasauli sa kanya ang "bigay-kaya", at si Dayang Matî ay mag-aasawa sa iba. Datapwa't kung si Dayang Matî naman ay masamang asal ay babawiin sa kanya ni Gat Maitan ang "bigay-kaya", iiwan siya at mag-aasawa sa ibang babae, saka pinasasaksihan sa mg̃a kaharap. Pagcatapos nito ay kumukuha ng̃ isang pingang kanin, lumalapit ang isang matandang babae at hinahawakan ang mg̃a kamay ng̃ mg̃a nag-iisang dibdib, na idinuduop muna sa tapat ng̃ puso saka pinapagkakamay at kung magkayo'y tinatagnan ang pingan ng̃ kanin at isinasabog sa lahat, saka sumisigaw ng̃ malakas ang matandang babae na tinutugon naman ng̃ gayon din ng̃ mg̃a kaharap at sa ganito'y mag-asawa na ang lalaki't babae.

Ang timawa cung mag-aasawa sa capwa timawa ay di na nagdidiwan ng̃ ganito, cundi pinaglalapit lamang, pinapagsasalo ng̃ pang̃inoon sa isang lumbó, saca sumisigaw ang matandang babae at mag-asawa na.

At ang mg̃a alipin (sagigilir, marahil), palibhasa'y nang̃amamang̃inoon ay di na nagdidiwan ng̃ ano pa man, cundi sucat na lamang sa pagcacasunduan ay mag-asawa na.

Sa Bisaya naman at gayon din sa ibang lalawigan ng̃ catagalugan ay may ibang ugali. Mula sa pagcabata ay ipinakikipagkasundo ng̃ magulang ang canyang anac, at sa ganito'y ipinagpapauna ang calahati ng̃ bigay-kaya ó bugey na ipagcacaloob na ang tawag sa Bisaya ay kalabgayan. Datapwa't cung ang sino man sa magulang ng̃ lalaki ó babae ay magkulang tungcol sa usapan ay pinarurusahan ng̃ ayon sa utos at gayon din cung sacaling umayaw ang sino man sa mg̃a bata, dahil sa pagsapantahang ang magulan ang nag-udyoc ó humicayat. Ng̃uni't cung ang magulang ay patay na, ay nagsasaulian lamang ng̃ ipinagpauna at di na naguusapin.

Inuugali rin ang sa paglilingcod ó sa pa ninilbihan na sa Bisaya'y tinatawag na pangagar, na ang lalaki ay naglilingcod sa magulang ng̃ babae hangang sa gayong panahon, at ang cadahilanan ng̃ ganitong paglilingcod ay upang mataroc ang ugali't asal ng̃ lalaki cung mácacasundo, na siyang dating caugalian ng̃ mg̃a Hebreo ó mg̃a taga Israel: caya't si Jacob ay naglingcod muna sa canyang biyanang cay Laban bago naging-asawa si Rakel.

Pagdating ng̃ tadhanang panahon ó matapos cayang maibigay ang caganapang bigay-kaya na pinagcasunduan, na ang tawag nito sa Bisaya ay ligay ó dahik, ay ipinagdidiwan ang pagcacasal ó pag-aasawa sa ipinaghahanda pa't pinaggugugulan ng̃ lalaki, ayon sa canyang caya't calagayan.

Datapua't bucod sa bigay-kaya ó bugey, na cabuoan ng̃ kalabgayan at ng̃ ligay ó dahik, ay tungculin ng̃ lalaki na magcaloob nitong mg̃a sumusunod, na lahat ay pawang may canicanyang tawag ó pang̃alan: ang caloob na ibinibigay sa pagpanhic sa bahay ng̃ biyanan ay pinang̃ang̃anlang pasaka; ang ipinagcacaloob ng̃ lalaki upang maca upong casiping ng̃ cacaisahing-dibdib ay patupar; ang ipinagcacaloob sa biyanang babae dahil sa mg̃a puyat na dinanas at sa gatas na naipasuso sa panahon ng̃ pag-aalaga, ay himaraw ó himuraw at sa tagalog ay panghimuyat (galing sa salitang pagpupuyat) at di umano'y ang karaniwang ipinagkakaloob ay halagang walong piso; ang ipinagkakaloob sa bumilang ng̃ kalabgayan ó ipinagpauna ng̃ bigay-kaya ay binarian at ito'y binibilang sa tugtog ng̃ kampanang ginagamit at di tinitigilan ang tugtog hangang di matapos ang pagkakasal; ang ipinagkakaloob sa lumakad ng̃ pag-aasawa ay himukaw; kung bao ang babae, ay pinagkakalooban din ang kapatid ng̃ kinabauhan at pinang̃ang̃anlan himalo ang kaloob na ito; ang ipinagkakaloob sa mg̃a alipin ng̃ biyanan ay pankol; ang ipinagkakaloob sa natigatig sa bagay bagay ng̃ pag-aasawa ay pahinankol; ang ipinagkakaloob upang maisama ang babae sa bahay ng̃ lalaki ay padara ó patabuk kung sakaling itatawid pa ng ilog ang ipinagkakaloob, upang mahugasan ang mg̃a paa ng̃ babae pagdating sa bahay ay pamaú; at ang ipinagkakaloob sa pag-aalis ng̃ panyo sa ulo ay patakas. Ito'y sa Bisaya ng̃uni't sa Tagalog man di umano ay ganito rin.

Kung sakaling malaki ang bigay-kayang ipinagkaloob ng̃ lalaki ay pinagkakalooban naman ng̃ biyanang kaniya ang anak ng̃ tinatawag na pasunod, na dili iba't isang kuintas na ginto ó dalawa kayang alipin; at ani Colin ay isinasauli ang boong bigay-kayang ipinagkaloob kung maging masunurin ang manugang, at kung hindi ay binabahagi sa mg̃a dapat magmana; datapuwa't ani Delgado, ay patanaw-tao lamang na ipinamamalas sa mg̃a nagsidalo, dahil sa ang mg̃a yao'y hiram na isinasauli pagkatapos.

Sa pagdiriwang ng̃a pagkakasal ó pag-aasawa ay humaharap ang katalona ó babaylona na isang matandang babae na siyang tagapang̃asiwa sa mg̃a ganitong bagay. Ang lalaki't babae ay nauupo sa dakong kinauukulan nilang upan ó kung dili ay sa kandugan ng̃ isang matandang babaeng kamag-anak na siyang pinaká-iniina. Pinapagsasalo nito ng̃ pagkain ang lalaki't babae sa isang pingan at sa pag-inom sa isang lumbo, at pagkakai't pagkainom ay hinihiling ng̃ lalaki na maging asawa niya ang kanyang kaharap at pagpapaoo ng̃ babae ay pinagpupurihanan ng̃ mg̃a kaharap na saksi sa pagdiriwang yaon, saka binabasbasan ng̃ tagapang̃asiwa at tuloy binabati na sila nawa'y guminhawang lubos, magkaanak, magkalupain at magtaglay ng̃ mahabang pamumuhay. Kung magkagayo,y sumasayaw na sinisibat ang isang baboy na handa na kapagkaraka at dito natatapos ang pagkakasal, saka naman ipinagdidiwan ng̃ mg̃a inanyayahan na pinupuri ang bagong kasal na nang̃agsasayaha't nang̃aglalasing̃an. Ang pagdiriwang ito ay hangang sa paglubog ng̃ araw at ang iba'y tumatagal ng̃ ilang araw ayon sa kalagaya't katungkulan ng̃ ikinakasal.

Kung sakaling di nagkasundo ang lalaki't babae ay nagdadaos ng̃ panibago at muling naghaharap ng̃ isang baboy, na sa harap noo'y sumasayaw ang lalaki na may hawak na isang sibat, at habang sinisibat ang baboy ay nakikipanayam sa kanyang diwata ó dios at hinihiling na papagkaisahing lubos ang kanilang kalooban at sa gayo'y inaasahang ang lalaki't babae ay magkakasunod at mabubuhay na payapa.

Kung ang mag-asawa naman, sa kanilang pagsasama ay hindi magkaanak, ay tinutulutan ng̃ babae na lumakip ang lalaki sa kanilang aliping babae na dati ring kaugalian ng̃ mg̃a Hebreo at ito't ating natutunghan sa Banal na Kasulatan na tinulutan ni Rakel si Jakob na lumakip sa kanyang aliping kay Bala, dahil sa siya'y hindi mag-kaanak.

Tungkol sa mg̃a anak, ay ang anak lamang sa asawa ang kinikilalang anak sa kautusan at ang sa sandil ó babae ay hindi.

Kung nagkakaalit, ang mag-asawa ay naghihiwalay, at ang humahatol sa mg̃a ganitong sigalot ay ang mg̃a kamag-anakan nila't ang mg̃a matatanda at ito, ani Rizal, ay lalong mabuti kay sa kautusan ng̃ mg̃a inglés at ng̃ mg̃a frances tungkol sa paghihiwalay ng̃ mag-asawa, sapagka't sa mg̃a ganitong sigalot ng̃ mg̃a kabahay ay makapupong mabuting humatol ang mg̃a kamag-anaka't matatanda kay sa sino mang pantas at hukom, magpakadunong dunong man. Basahin ang Kaugalian Pinanununtunan sa kapaslag̃an at Sigalutan.

[17]

Ang bigay-kayang ito, ay sinapantaha ng̃ mg̃a manunulat na pagbili sa babae; ng̃uni't sa akala ko ay dahil sa di nila pagkabatid ng̃ kahulugan ng̃ salitang ito na dili iba't kaloob ó handog na ayon sa abot ng̃ nagdudulot at hindi bayad: kaya't kay Rizal, ang asawang tagalog ay hindi babaeng insik ó aliping mahometana na nabibili sa magulang ó sa bazar upang pagtamuhang lugod ng̃ asawa ó pang̃inoon; at hindi rin babaeng taga Europa na sa pag-aasawa ay nawawala ang pang̃alan, (kundi ang asawang tagalog ay malaya at pinakukundang̃anan, siyang sinasangunian ng̃ lalaki sa ibang gagawin; siya ring tagapag-ing̃at ng̃ salapi at siyang nang̃ang̃asiwa sa mg̃a anak na ang kalahati ay kanya ano pa ng̃a't ang bigay kayang ito ay hindi bayad, (ani Rizal) kungdi isang alaala sa pagod at puyat na ginugol ng̃ magulang sa pagpapalaki sa kanya.

[18]

Lalong mabuti, ani Rizal, na lalaki ang manungkol ng̃ pagkakaloob ng̃ bigay-kaya kay sa babae, dahil na sa ganitong paraan, ay hindi nagkakalalayo ang magmamagulang, samantalang sa Europa, kung magkaasawa ang lalaki ng̃ mayaman at magkasalapi ay nagkakalalayo na.

[19]

Matwid, ani Rizal, na ang babae ang pagkalooban ng̃ bigay-kaya (dote), sapagka't ang babaeng pilipina ay hindi isang pasan maging sa asawa at maging sa magulang, kundi tulong, at sa ganito'y kailang̃ang alalahanin ng̃ ano mang kayang kaloob ang kanyang nilisang magulang sa pagkahiwalay niya. At ang gayon pa mang magulang na ng̃ babae ang tumatangap ng̃ bigay-kaya at hindi siyang nagkakaloob, ay namamalas pa rin ang malabis na kapanglawan, na kaiba sa Europa na wari ipinagmamadalian ng̃ magulang na ihiwalay ang anak na dalaga hangang sa lumalabas na katuwan hitsura kung minsan ang ina.

Bukod dito, ani Rizal din, kung nag-aasawa ang lalaki ay hindi nagtataglay ng̃ mabigat na pasan sa pag-aasawa, kundi bagkus nakakasumpong ng̃ kasama't katulong sa pag-aayos ng̃ kanyang pamumuhay kaya't ang babaeng pilipina ay hindi namamalakaya ng̃ asawa, kundi pumipili ng̃ kanyang ibig.


Ikalabing apat na Pangkat.

Dating Kaugalian Tungkol sa Paghihing̃alô, Paglilibing at Pagluluksâ.

Ang dating ugali ng̃ mg̃a Tagarito tungkol sa bagay na itó, ay hindi lubhang kaibá kay sa dating ugali ng̃ iba't ibang lahi at lupain.

PAGHIHING̃ALÔ:

Kun ang sino man ay may-sakít at naghi-hing̃alo ay nagdáraos ng̃ kanilang kaugalian, na ang gumaganap ay ang katolona ó katalona ó babaylana. Ang katolona ay siyang pinaka paré ó pinaka pastor na tagapang̃asiwa sa anomang pagdiriwan na kinaugaliang gawin. At ang katolona, kung dumádalo sa ganitong pagdiriwan, ay nagpuputong sa ulo ng̃ inikid na bulaclác, nagsusuót ng̃ canyang mg̃a hiyás, nagdadalá ng̃ canyang mg̃a gamit na casangcapang lalagyán ng̃ alác at canin at sa harap ng̃ isang baboy na buháy at nang mg̃a pagcaing nahahayin ay sumasayaw na dumadalang̃in sa anito ó diwata na kanilang pinapang̃inoon, at pagkatapos ay hinuhulaan kung ang may-sakít ay mamamatay ó hindi. Habang ginanagawa itó ng̃ katolona ay itinutugma ang canyang sayaw sa tugtog ng̃ isang campana saca humahawac ng̃ isang sibat na isinisibat sa baboy, at pagcamatay ay inilalagay sa pingan at inihahayin sa pinaka alta ó dambana na casabay ng̃ canin, saging, alác, at iba pang pagcain. Kung matapos ang mg̃a pagdalang̃in ito at ang maging hula ay gagaling ang may-sakit, sila'y nang̃agsasaya't at nagkakainan, naglalasing̃an at tulo'y inaawit ang mg̃a pagca bantog ng̃ mg̃a kanunuan ng̃ may-sakit, na siyang mg̃a anito ó duratang canilang dinadalang̃inan; ng̃uni't kun ang naging hula ay mamamatay, inaaliw ng̃ katolona ang may-sakít sampu ng̃ mg̃a pinagcacasactan, at sinasabing ibig ng̃ mg̃a anito na ang may-sakít ay macasama nila at mácabilang. Sa ganito ay maginhawang namamatay, ang may-sakít, sanhi sa paniniwalang siya'y luluwalhati, sa cabilang buhay[20] at gayon din ang mg̃a cabahay na sa pananalig na ang may-sakít ay luluwalhati, hindi na nang̃agtataglay ng̃ samá ng̃ loob, kundi ang pagbibilin na cung siya'y mapasa caginhawahan sa cabilang buhay ay alalahanin sila at huag limutin, tuloy nagagsasaya, nagcacaina't nag-aawitan. Sa casayaha't pagcacainang ito, ang katolona ang cumacain ng̃ pinacamabuting lamán ng̃ baboy at ng̃ iba pang mg̃a hayin[21]. Datapwa't kun ang pagsasayang ito ay abutin ng̃ pagcalagot ng̃ hininga ng̃ may-sakít ay agad itinigil ang pagsasayá at ang nahahalili ay ang panaghuyan ng̃ mg̃a cabahay dahil sa pagcalisan sa canila at ang ibang nakikinabang sa namatay dahil sa mawawaláng sila ng̃ pagcacakitaán at di umano'y bumabayad pa ng̃ ibang mg̃a tagapanaghoy.[22]

Pagkatapos na mataghuyan ay hinuhugasan[23] ang bangkay sa tugma ng̃ isang mapanglaw na tugtugin na sinusuob ng̃ mg̃a panuob na dagta ng̃ mg̃a kahoy na di makapagpapabulok[24] at ang mg̃a ito'y nangatutuklasan sa mg̃a bundukin dito sa Pilipinas, saka binibihisan ng̃ mg̃a pinakamainam na bihis, ayon sa kalagayan ng̃ namatay na tuloy sinapatan. Ang mg̃a may kapangyarihan ay pinapabang̃uhan[25] bukod pa sa sinusuob at ginágamot[26] ng̃ mg̃a gamot na di makapagpapabulok na pinakatatang̃i ang katás ng̃ aloe. Ginagamit din ang katás ng̃ ikmo na ibinubuhos sa bibig anopa't, mapasok hangang sa tiyan, at sa ganito, ng̃ makaraan ang malaong panahon ay maraming bangkay ang násumpung̃ang di pa bulok ó tunaw.

Matapos mapanang̃isan at malapatan ng̃ gamot na laban sa pagkatunaw ay isinisilid sa kabaong, datapwa't bago isilid ay ginagayakan at nilalagyan ng̃ mg̃a putól-putól na gintô sa bibig at sa mg̃a mata[27]. Ang kabaong naman ay buong kahoy na may takip na lapat: anopa't, di masisimuyan ng̃ hang̃in ang loob, at ang tabas at anyô ay parang munting bangka.

Pagkatapos ng̃ lahat na ito ay inililibing at sa paglilibing ay walang ano mang paghahatiran ó kung sakali ma'y ang mg̃a kasambahay lamang ang nagsisisama; ng̃uni't ani Colin, ay may mg̃a tagapanaghoy na nagsisipanang̃is.

PAGLILIBING

Tungkol dito sa paglilibing ay iba ang sa mg̃a taga Bisaya at iba ang sa mg̃a taga Hulo at Mindanaw.

Ang mg̃a Tagalog ay naglilibing ng̃ kanilang bangkay sa kanikanyang sariling bahay, na iniing̃atang malaon sa mg̃a kaban ang mg̃a buto[28] at iginagalang ang mg̃a bung̃o[29] na parang buhay at kaharap.

Ang mg̃a kabaong na ito ay inilalagay sa tatlong dako, ayon sa ibig at pasya ng̃ namatay: sa itaas ng̃ bahay na kasama ng̃ mg̃a hiyas[30] ó sa ibaba kaya sa lapag ó kun dili ay sa silong na inilalagay sa hukay na di tabon at nababakuran, saka sinisiping̃an ng̃ isang baul na punô ng̃ mg̃a pinakamaiging damit ng̃ namatay at tuloy hinahainan ng̃ sarisaring pagkain sa oras oras. Ang mg̃a lalaki ay sinisiping̃an ng̃ kanilang mg̃a kasakbatan at ang mg̃a babae ay ng̃ kanilang kasangkapang pangawa.

Kung minsan ay inilalayo sa bahay at kung gayon ay nagsisiga sa silong at tuloy tinatanuran ang bahay dahil sa baka magbalik at kunin ang iba pang nang̃atitira, ng̃uni't ani Delgado ay dahil sa nilalapitan ng̃ asuwang ó ng̃ ibang hayop at sinisira ang kabaong hangang sa umaling̃asaw at di tuloy maing̃atan.

Pagkatapos na mailibing ang bangkay ay nagdiriwang ng̃ isang kasayahan sa ikatlong araw na ang tawag ani P. San Antonio, ay tibaw at sa bahay ng̃ namatayan idinaraos[31]. Sa pagdiriwan ng̃ kasayahang ito ay naglalagay sa pintuan ng̃ bahay ng̃ isang pasóng tubig upang mapaghugasan, ng̃ isang banig na may abo upang mabakas ang mg̃a paa sa pagpasok; at sa dulang ay tinataanan ng̃ pinakapang̃ulong upuan ang namatay saka nagkakaina't naglalasing̃an na tuloy inaawit ang pamumuhay at kagaling̃an ng̃ namatay, kung siya'y naging magaling na mang̃ang̃aso ó mamamalakaya ó sa ibang bagay kaya.

Ang mg̃a taga Bisaya naman ay karaniwang naglilibing sa mg̃a yung̃ib[32] ng̃ mg̃a bundok at ang tabi ng̃ libing̃an ay hinahainan ng̃ mg̃a pagkain at sinisiping̃an ng̃ kaban ng̃ damit at kung lalaki ay sinisiping̃an ng̃ mg̃a kasakbatang ginagamit nila gaya ng̃ sibat kalasag at ibp. tuloy pinababaunan ng̃ mg̃a kambing baboy usa at ibp. at kung sakaling naging matapang at mabuting mangdidigma, ay sinasamahan ng̃ aliping may sakbat; kung sakaling magdaragat ang mg̃a kasangkapan naman sa pagdaragat at sinasamahan kung minsan ng̃ mg̃a mangagaod at mg̃a alipin[33] na kanyang makakatulong at ang tawag dito ng̃ mg̃a taga Bisaya ay bálon na sa Tagalog ay baon; at kung babae naman ay mg̃a kagamitan ng̃ babae ang isinisiping gaya ng̃ mg̃a panghabi kayo at ibp.

Nagsisipaglibing din naman sa mg̃a batong burol[34] na malapit sa dagat at sa ibabaw ng̃ isang malapad na bato sa Katbalogan ani Delgado ay nakita niya ang maraming kabaong at mg̃a bung̃o at buto. Ang mg̃a gayong dako na pinaglilibing̃an ay lubhang pinagpipitaganan nila, dahil sa kapaniwalaang kung yao'y bangitin ó galawin ó lapastang̃anin ay may mangyayari sa kanila na ang kanilang tawag ay balin ito'y dili iba't maging bato, ó magkasakit ó matamaan ng̃ kidlat ó iba pang kapahamakan kaya: kaya't sa mg̃a dakong libing̃an nila ay naglalagay ng̃ bantay ó tanod upang huag daanan ng̃ ano mang sasakyan at sino man ay huag magsalita ng̃ kahit ano sa gayo't gayong panahon, dahil sa malaking kasalanan sa kanila ang lumabag sa gayong ugali.

Sa Hulo at Mindanaw naman ay iba; iniupo ang bangkay sa isang upuang maybutas pagkatapos ay nilalamnan ang katawan ng̃ alkampor na isinisilid sa pamamag-itan ng̃ isang panghihip na bungbóng na hinihipan sa bibig at sa ganitong paraan ay napananatili ang bangkay at di natutunaw. Matapos ito ay inililibing ng̃ paupo[35] sa yung̃ib na kanilang ginagawa sa ilalim ng̃ lupa, saka hinahainan sa harap ng̃ isang bungbong na tubig, isang pingang ikmo at ng̃ iba't ibang pagkain pa, at niwawakasan sa pagdaraos ng̃ kanilang kaugaliang pagdiriwan, na ani Delgado, ay naaáyon sa pananalig kay Mahoma at kay Pitágoras.

PAGLULUKSÂ

Tungkol naman sa pagluluksa, ani Chirino, ay nagdadamit ng̃ itim ang mg̃a tagalog at hindi kumacain ng̃ carne't isda, kundi kaunting gulay lamang, at ang tawag sa ganitong pagcuculasiyón ay sipa; ng̃uni't ani Delgado ay hindi kumacain ng̃ canin, hangang sa di macabihag (ng̃ kaaway marahil) at nagdadamit ng̃ yantók na inikid na umaabot hangang sa bisig, at ang ipinagpapawing gutom lamang ay saging at kamote: ano pa't kung hindi makabihag ay nagluluwat ng̃ hangang isang taón na nang̃ang̃alirang at nang̃ang̃ayayat tuloy, at ang tawag, anya, sa kaugaliang ito ay maglahi.

Ang mg̃a taga Bisaya kung nagluluksa ay nag-dadamit ng̃ puti, saka nag-aahit ng̃ buhok sa ulo at gayon din sa kilay na pinakatanda ng̃ kanilang pagdaramdam.

Pagka pang̃ulo ang namatay ay tumatahimik ang bayan ng̃ malaon ó ilang araw ayon sa kalagayan ng̃ namatay, at sa boong panahong ito ay walang maririnig na pukpukan ó kaing̃ay man sa alin mang bahay. At ang mg̃a tao sa pangpang̃in ay naglalagay ng̃ pinagcacakilanlang tanda upang huag daanan ng̃ anomang sasakyán na ang lumabág sa ugaling itó ay nagdaranas ng̃ mabang̃is na parusa.

Ang namatay sa digma ay ipinagdiriwan ng̃ di kawasa sa kanilang mg̃a panaghoy at sa kanilang paghahandog ng̃ mg̃a hayin na lubhang ipinagsasayá.

Ang namatay na pinagliluhan sa digma ó sa capayapaan ay ipinagluluksa ng̃ malaon at hindi ipinag-aalis ng̃ luksa hangang di maigantí. Ang pagganting itó ay ginaganap sa mg̃a pumatay, sa mg̃a kaaway at sa mg̃a taga ibang bayang di kaibigan.

Ang luksa naman ng̃ mg̃a babae na pinang̃ang̃anláng moratales ay gaya rin ng̃ sa mg̃a lalaki; ng̃uni't hindi ng̃a lamang nangbibihag ó pumapatay man upang makakain ng̃ canin, kundi nagsisisakay sa isang balang̃ay (bangka) na nilululanan ng̃ saganang pagkain, saka nagsasama ng̃ anim na lalaki na isa ang namimiloto, isa ang sumasaguan at isa ang tumitikin at tatlo pang matatapang na lalaki na may naipakita ng̃ kagilasan. Ang mg̃a ito'y napasa sa ibang bayang kasundo nila na habang namamangka ay inaawit ang kanilang mg̃a katapang̃an, ang kanilang mg̃a nabihag at napatay sa digma na itinutugma sa paggaod; at pagdating sa bayang pinaroroonan ay nakikipagsayaha't nakikipag-lasing̃an doon at kung gayon ay inaalis ang kanilang mg̃a balabal na puti at ang kanilang mg̃a suot na yantok sa bisig at ng̃alang̃ala saka kumakain ng̃ kanin at nagsusuot uli ng̃ mg̃a hiyas[36].