Ito'y minasama ng̃ mg̃a paring manunulat ng̃uni't ani Rizal, ay matwid at si Cristo man anya, kaya naparito sa lupa ay upang magturo ng̃ isang Religion ng̃ pag-ibig at pag-asa na makaaaliw sa kahirapan ng̃ nasa hirap, at sa ganito anya ay bakit pa paitin ang mg̃a huling oras ng̃ pamumuhay, bakit papaghihirapin at papag-aalapapin ang isang kapatid sa gayong kakilakilabot na mg̃a sandali ng̃ paglipat doon sa walang hangang bayan?
Hanggang dito, ani Rizal, ay napagkikilala na ang ganitong hanap buhay ay pinakikinabangan saan saan man.
Ang ugaling ito ay natutunghan pa natin sa mg̃a santong kasulatan na si Job ay isa sa nanganyaya ng̃ mg̃a taga panaghoy at gayon din sa Kanaan at iba't iba pang lupain.
Hindi kakaunting aklat ang ating kababasahan ng̃ ugaling ito na dating ginagawa ng̃ mg̃a taga Persia, taga-Ejipto at ipa ba.
Itong ugaling pagsuob sa pagpapanatili sa bangkay na huwag matunaw ay lubhang matandang ugali na di malaman kung ito'y katutubong ugali sa Ejipto ó ating minana pa sa iba. Ang mg̃a taga Peru ay nag-ugali rin nito, datapwa't karaniwa'y di pa nilalagyan ng̃ gamot at sa lupang maapog na lamang itinatapon.
Ang pagsuob at pagpapabang̃o sa bangkay ay lubhang matandang kaugalian at hindi lamang ang mg̃a dating Romano at Griego ang nag-ugali nito, kun di pati ng̃ Hebreo na gaya ng̃ ating nababasa sa paglilibing kay haring Asa.
Itong paggamot sa bangkay upang manatili at huag mabulok ay inugali rin ng̃ maraming lupain at lalo na sa Ejipto, dahil kapaniwalaang ang kaluluwa'y nagbabalik uli at ani Simon Henry Gage, ay sinaysay ni Diodoro ang kapanalígang ito noong taong 484 bago nakatawang tao ang Pang̃inoóng Jesucristo.
Anang iba ay dahil sa kapaniwalaan na kung mayaman ó may maraming baon ay sasalubung̃ing mabuti saan man dumating; at sa ibang lupain ay inugali rin ito upang maibili, di umano, nang pagkain at kung sakaling magdadagat ay maibayad sa sasakyán at sa ganito ay ating nababasa ang pagtawa ni Luciano sa kanyang mg̃a kalupain noong una, tungkol sa bangka at bayad ni Caronte na gaya rin ng̃ ginawa nina Hircano at Herodes sa libing̃an ni David.
Ang pag-iing̃at ng̃ mg̃a buto ó abo kaya na pinakaalala ay ugali ng̃ maraming bayan at sa akala ko ay upang madala nila saan mang lupain ó bayan sila malipat, gaya na ng̃a ng̃ ibinilin ni Jose sa kanyang mg̃a kapatid na kung tamuhin nila ang lupaing sa kanila'y inpinang̃aco ng̃ Dios ay huag iwan ang kanyang mg̃a buto sa lupain ng̃ Egipto.
Ani Rizal ay makapupong magaling na igalang ang mg̃a bung̃o't butó ng̃ kanilang mg̃a magulang at kanunuan na siya nilang pinagkakautang̃an ng̃ buhay, bait at ng̃ halos lahat, kay sa igalang ang buto't buhok (reliquia) ng̃ mg̃a di umano'y santo na di man lamang nila nakilala ó nakaulayaw at marahil ay di makaalala sa kanila kailan man.
Ito'y naaayon sa ugali ng̃ mg̃a dating taga Hebreo, Persa at India, at gayon din sa dakong kanluran ng̃ Arabia noong panahon ni Job na ang yama't hiyás sa libing̃an ay marami pa kay sa na sa bahay nilá.
Ang ugaling ito ay ugali rin ng̃ iba't ibang lahi na, magpiging ó mag anyaya pagkatapos ng̃ paglilibing; at dito sa Pilipinas ay pinagtakhang malabis ng̃ mg̃a taga Europa at hangang sa tinatawanan kung minsan; datapua't ani Rizal, ay matwid gawin ang kasayahan yaon, dahil sa kapaniwalaan dito noon una na ang namatáy ay giginhawa. At ng̃ayon, ani Rizal, bagá man napawi na ang kapaniwalaáng yaón at sinusunod pa rin ang dating ugali, ay wala ng̃ iba pang kahulugan, kundi ang kaugalian na lamang ng̃ mg̃a Tagarito na di maaring di aluki't handaan ng̃ umaaliw at umaambag sa namatayan, ay sinasapantaha ng̃ mg̃a taga Europa na isang piging̃an. Ang katunayan, anya, na hindi piging̃an ay hindi inaanyayahan ang wala sa bahay at ang nandoon naman ay hindi na pinipilit sa pagdulóg sa dulang na kung sa bagay ay ugali rito. Anya'y ang pasiyam sampu ng̃ katapusan ay isang pakikipagsiyam ng̃ mg̃a kaibiga't kamag-anak sa kabahay ng̃ namatay, at ang mg̃a ito, palibhasa't nang̃a sa bahay ay hinahandaan ng̃ kahit ano na siyang ugali; ng̃unit hindi piging ó paganyaya, sapagka't ang mg̃a Tagarito ay hindi nagaanyaya ng̃ chaá lamang sa anomang piging̃an. Ang catapusan na pinakahuling araw ng̃ pagsisiyam, ay tila anyayahan na dahil sa higit na sa chaá at ang katunaya'y hapunan na ng̃a; dapatwa't ito'y sanhi ng̃ ugali ng̃ kalahatan dito na ang ano mang bagay ay niwawakasan ng̃ mainam, at sa ganito'y lalong sumasaya dahil sa siyang huling araw, at sapagka't ang Tagarito ay walang ugaling magwalang kibo na di paghandaan ang mg̃a panauhin ay sinapantaha ito ng̃ mg̃a taga ibang lupain an isang pistahan ó sáyahan.
Ang pag-iing̃at ng̃ bangkay sa mg̃a yung̃ib at kung saan saan ay ugali ng̃ mg̃a taga Egipto, dahil sa kapaniwalaan nila na habang ang bangkay ay hindi natutunaw at habang kalakip ng̃ ba (ó káluluwa) at ng̃ chu (ó pag-iisip, ay boo ang pagkatao at hindi hinihiwalayan ng̃ ka na espíritung nananahanán sa libing̃an at siyang sa tao ay "kumakaling̃a: nagpapanatili, nakapagpapalinis, nakapagpapa galing at nakapagpapasaya" at di umano'y isang espiritung laging kasamasama ng̃ tao, at sa ganito'y pinakaiing̃atan ang bangkay at ipinipili ng̃ mg̃a mapagtataguan.
Ani Colin ay nakita niya ang paglilibing sa isang pang̃ulo sa Bohol na sinamahan ng̃ pitong pung alipin. Si P. Chirino ay may binangit din sa kanyang aklat na ganito.
Ang paglalagay ng̃ bangkay sa matataás na lugal ó dako at gayon din ang pagbibitin sa mg̃a punong kahoy ay inugali ng̃ ilang lahi noong una at marahil, ay upang maing̃atang huwag malapa ng̃ hayop.
Itong ugaling maglibing ng̃ paupo ay dating kaugalian sa Hilagang América at di umano'y naging kaugalian din sa Timog ng̃ Bretania.
Sa akala ko ay sa Bisaya inuugali ito dahil sa ang luksa ay puti at marahil ay ginaganap ito pagcatapos na maiganti ang namatay kung sa digma namatay, ó kung pinagliluhan.
Ikalabing limang pangkat.
Dating Pagsamba't Pananampalataya ng̃ mg̃a Tagarito.
Kung paanong ang mg̃a tagarito ay may dating sariling ayos ng̃ pamamayan at pag-uugali ay may dati ring sariling religion ó ayos ng̃ pagsamba't pananampalataya.
Ang pagsamba't pananampalatayang ito ng̃ mg̃a Tagarito ay iba't iba, dahil dito sa Luzón ay may kaibahan at gayon din sa Bisaya at Mindanaw.
Ang religion dito sa Luzón ay ang pananampalataya sa Diyos na Maykapal at Lumikha ng̃ boong sangsinukob na pinang̃ang̃anlang Bathala[37] ng̃ mg̃a Tagarito.
Itong Diyos Bathala na kadakidakilaan at nasa kaitaas-itasaan ay hindi ipinagtatayo ng̃ simbahan ó inaalayan man ng̃ ano mang hayin[38].
Ang Diyos Bathala ring ito ay mayroong maraming Tagapang̃asiwa dito sa sandaigdigan na siyang nang̃ang̃asiwa sa kanikanyang kinaroroonan. Ang mg̃a ito'y ang mg̃a pinang̃ang̃anlang anito ng̃ mg̃a Tagalog, na ang iba'y nang̃ang̃ansiwa sa mg̃a magsasaka, ang iba'y sa mg̃a magdadagat, ang iba'y sa mg̃a mandidigma, ang iba'y sa mg̃a sakit at ibp. Bawa't isa nito'y may kanikanyang pang̃alan at siyang mg̃a pinakapintakasi; kaya't ang kanilang pasintabi't hayin ay naririnig at námamalas sa lahat ng̃ dako dahil sa ganang kanila'y may pintakasi saa't saan man, mapa sa kati't mapasa tubig at mapa sa lupa't, mapa sa lang̃it: anopa't ang sangsinukob sa ganang kanila ay puno ng̃ mg̃a pintakasing anito nila.
Ang karamihan nitong mg̃a anitong pinipintakasi nila ay ang kanilang mg̃a kanunuan[39] na lubha pa yaong nang̃abantog sa pamumuhay, dahil sa ayon sa kapanaligan ng̃ mg̃a dating Tagarito ay napapa sa kaluwalhatian ang mg̃a namamatay.
Bukod dito sa mg̃a anitong nabangit ay kumikilala sa mg̃a larawang sarisaring hugis na kanilang iniing̃atan sa kanikanilang bahay at gayon din sa mg̃a yung̃ib na pawang inaalayan ng̃ mg̃a pabang̃o, pagkain at mg̃a bung̃a ng̃ kahoy. Ang mg̃a hugis di umano ng̃ mg̃a ito ay nang̃akahalokipkip ang mg̃a kamay at nang̃apapatong ang mg̃a siko sa mg̃a tuhod (na marahil ay nang̃akapaninkayad), kung minsa'y nang̃adidiit ang mg̃a bisig sa mg̃a tagiliran at nang̃apapatong ang mg̃a kamay sa puson ó kun dili ay nang̃ahabalokipkip sa dibdib at ang kamay ay nang̃apapatong sa mg̃a dakong itaas ng̃ suso.
Nang̃agsisisamba rin sa araw at buwan[40] gaya ng̃ mg̃a taga Asiria at sa mg̃a hayop at ibon na gaya ng̃ mg̃a taga Egipto. Dito sa katagalugan di umano'y may sinasambang ibong[41] kulay bughaw ó asul na pinang̃ang̃anlang Bathala na dili iba't siyang pang̃alan ng̃ Dios: at sa uwak na pinang̃ang̃anlang May-lupa ó may-ari ng̃ lupa ang ibig sabihin.
Ang mababang̃is na hayop na gaya ng̃ buwaya at iba pa ay kanilang iginagalang at pinagbibigyang pasintabi; ng̃uni't di umano'y dahil sa takot at hindi sa anomang bagay, at sa ganito'y binábangit nila sa kanilang panunumpa na lamunin ako ng̃ buwaya kundi ko tuparin: kaya't ng̃ kumilala sa Pamahalaan ng̃ España ang mg̃a pang̃ulo dito sa Maynila at Tundó noong taong 1571 ay nang̃agsisumpa di umanong: sila'y ilubog ng̃ araw, at sila'y lamunin ng̃ mg̃a buwaya at sila'y kapootan ng̃ mg̃a babae kung magculang sa canilang pang̃aco. At upang mabigyan pa ng̃ lubhang katibayan ang sumpang itó ay ginaganap ang tinatawag nilang pasambahan, na di umano'y nagsahaharap ng̃ larawan ng̃ isang malaking hayop, saca sinasabing lamunin sila noon cung hindi sila tumupad ng̃ canilang pang̃aco, at pagcatapos ay nagsisindi ng̃ isang candila at saca muling nagsabi na cung paanong nauupós ang candilang yaon ay gayon din mauupós ang magculang. At sa ganito'y napagkikilala na ang canilang pagpapasintabi sa mg̃a hayop ay maipaparis sa pagpapasintabi ng̃ taga Egipto sa mg̃a pinasisintabian naman nilang mg̃a hayop din.
Ang ibang malalaking bató sa mg̃a pangpang̃in ay pinagbibigyán pasintabi na pinag-aalayan ng̃ hayin cahi't ano, isang putol na tikín halimbawa. At dito sa ilog Pasig di umano'y may isang malaking bato na ayon sa naging capaniwalaan ay buwayang naging bató (marahil sa Guadalupe) at pinagbigyán din pasintabi ng̃ mg̃a namamangka na inaalayan ng̃ cahit ano hangang sa sinira di umano ng̃ mg̃a pareng agustino ang batong yaon at tinirikan ng̃ isang cruz, saca pinagtayuan ng̃ isang munting simbahan na ipinatungcol cay San Nicolás.
Ang matatandang punong cahoy at lalong lalo na ang puno ng̃ baliti[42] ay pinagbibigyan ding pasintabi at sa ganang canila'y casalanan na pagisipang putulin, at ang dahil di umano'y siyang sinisilung̃an at tinatahanan ng̃ mg̃a anito[43].
Ang mg̃a anitong nabangit (palibhasa'y hindi casinsacdal ni Bathala) ay siyang mg̃a ipinagtatayo ng̃ mg̃a moog at bahay dalang̃inan na canilang pinang̃ang̃anlang ulang̃o. Ang mg̃a ulang̃o namang ito ay moog na cawayan ó torre na ani P. Chirino ay marikit ang pagcayari ayon sa caniyang nakita sa Taytay. Ang mg̃a ulang̃ong itó marahil ay hindi dalang̃inang bayan, sapagca't di umano'y sa canicaniyang bahay ginaganap ang pagdalang̃in, ó cung sacali man ay bihirang gamitin ng̃ bayan.
Ang pagdalang̃in ay idinaraos cailan ma't may cailang̃an silang hiling̃in sa anitong kinauuculang tawagan, na cung halimbawang sa pagcacasakit upang gumaling ó sa pagnanais na ang nasa hirap doon sa cabilang buhay ay mahang̃o at sa ibang bagay pa, ay ang mg̃a nuno nilang anito ang tinatawagan na di umano'y siyang mg̃a nacacaalám ng̃ calagayan ng̃ nang̃andoon sa cabilang búhay at mg̃a sumasagót sa dalang̃in ng̃ catalona, cung halimbawa namang sa pag-paroon sa digma ó sa pagsalakay at upang magwagí ay ang hubog ng̃ lang̃it ang dinadalang̃inan na canilang pinang̃ang̃anlang bataubaw; at gayon din sa iba't ibang dahilan. Bucod dito ay nagsisidalang̃in sa Diyos Inaginid at sa Diyos Amakawdak na dinidiyos din nila at marahil ay sa ibang bagay naman.
Ang nang̃ang̃asiwa sa pagdalang̃in ó lumalagay na pinacaparê ó pinacapastor ay ang catalona na siyang nanunungcol nito. Ang paraan naman ng̃ pang̃ang̃asiwa ó pagdalang̃in nitó ay mababasa sa Dating caugalian tungcol sa Paghihing̃aló» at gayon din sa «Dating caugalian tungcol sa Pag-aasawa» pati ng̃ canilang bihis at sangcap. Ang mg̃a katolonang, ito, ani Colin, ay mayayaman ano pa't nanánamit ng̃ maririkit at nag hihiyas ng̃ maiinam[44].
Ang mg̃a catalonang ito, bucod sa siyang-tatawagin sa ganganitong cailang̃an ay siya ring mg̃a sangunian sa bala na (na siyang mg̃a tinatawag natin marahil na manghuhula at gaya rin marahil ng̃ mg̃a astrologo[45]) sa Egipto na siya namang dating sangunian ng̃ mg̃a tagaroon.
Tungcol sa capanampalatayahán bagay sa mg̃a caluluwa ay nang̃ananampalatayang may cabilang búhay na kinaroroonan ng̃ mg̃a caluluwa ng̃ namamatay, at naniniwala ring may ibang calagayan ang mabubuti at may iba ang masasama. Ang sa mabubuti ay pinang̃ang̃anlang caluwalhatian at sa tula ay ulugan at ang sa masasama naman ay solad ó casamaan.
Doón sa kaluwalhatian, anila'y nacararating din ang nang̃amamatay sa tabac, ang nang̃ásasacmal ng̃ buwaya at ang nang̃amamatay sa lintic ó kidlat at di umano'y sa pamamagitan ng̃ bahag hari umaakya't na canilang pinang̃ang̃anlang balang̃aw.
Sa pang̃ing̃ilin naman, ay hindi nang̃ing̃inlin ang mg̃a tagarito, maliban cung ang mg̃a lalaki ay pasa digma, at cung ganito'y hindi gumagawa ang mg̃a babae sa boong panahóng yaon. At gayon din sa pitong araw ng̃ pagpapasimula ng̃ pamumung̃a ng̃ mg̃a halamana't bukiran, na hindi bumabayo ng̃ palay at hindi rin nagpapapasoc ng̃ taga ibang bayan, dahil sa di umano'y panahon ng̃ pagdalang̃in sa Diyos upang pagcalooban sila ng̃ mabuting áni.
Itong salitang Bathala anáng maraming mairugin sa sarili natin wika ay hang̃o sa Sanscrito at nábabasa sa isang aklát ng̃ ating calupaing manunulat na si G.P.A. Paterno,—sa dahong ica 36.
Ani Gat Rizal ay dahil sa inísip marahil ng̃ mg̃a Tagarito na ang Dios na Maycapal ng̃ sangsinucob ay hindi nang̃ang̃ailang̃an ng̃ gayong tahanan ó ng̃ mg̃a pang-libang at pangpalupag-loob, dahil sa Siya'y laging matuid at pantás at hindi nagbabago dalá ng̃ canyang pagka Dios.
Ang mg̃a taga Grecia noóng una ay may ganito ring pananampalataya, na ang sandaigdigan ay punô ng̃ canilang mg̃a bantog na canunúan na pinipintacasi nila.
Aní Gat Rizal ay napagkikilalang may matuid sila sa pagsamba sa araw at buwan, sapagca't anya'y ¿ano't di sasambahin ang sagísag ng cagandahan, ng̃ cawalang hangan at ng̃ pagca Dios?—¿anong bagay sa isipan ng̃ tao ang hihigit pa sa araw tungcol sa casacdalan, sa cabutihan, sa cagandahan at hangang sa máihuhuwad sa cawalang hangan?—Sa buwan naman, anya'y napagmamalas na siyang aasawa ng̃ araw, siyang diosa at dahil dito'y sinasamba rin.
Tungcol dito sa ibong bughaw ó asul na binangit ng̃ ibang manunulat na anila'y pinang̃ang̃anlang Bathala ay walang ganitong culay ani Rizal, cundi dilaw na siyang culyawan ó cilyawan, Marahil aní Rizal ay walang ganitóng ibon, at cung nagcaroón man ay maitutulad sa agila ni Jupiter, sa pavo real ni Juno, sa calapati ni Venus, ó sa ibat íbang ibong kinatha lamang sa isip, ano pa't mg̃a sagisag na caraníwang paghalintularan sa pagca Dios, ng̃ tanang tao. Ang ibon anyang ito na bughaw ó dilaw ay siya marahil na sagisag ng̃ Dios na Maycapal na pinang̃ang̃anlang Bathala, at sapagca't hinahamac ng̃ mg̃a misionero ang ano mang di nila sinasampalatayanan ay pinagcamalán nila marahil, Anya'y maigagaya rin naman sa mg̃a Ita't Igulot na cung iya namang macakita ng̃ sagisag ng̃ Espiritu Santo ó ng̃ sa mg̃a Evangelista na calapati, toro, leon, atb, ay hindi malayong ibalita naman ng̃ mg̃a ito sa canilang mg̃a caibigan na ang mg̃a cristiano ay sumasamba sa calapati, sa toro sa leon at ibp. ayon sa pagcasagísag sa mg̃a yaon.
Ang puno ng̃ baliti rito ay isang maitutulad sa mg̃a puno lotus sa Egipto, China at India na pinacagagalang at pinakabigyang pasintabi ng̃ mg̃a tagaroon. At sa Indi di umano'y ang calasutsé ang tinatawag na lotus.
Ng̃ mg̃a anito marahil na pinipintacasi nila sa parang at bukid.
Aní Rizal, ay napagkikitang saa't saan man ay pinakikinabang̃an ang ganitong tungculin ó hanap-buhay.
Ang mg̃a nanghuhula ng̃ magyayari ayon sa calagaya't anyo ng̃ mg̃a tala.
Ikalabing anim na Pangcat.
Dating Pagsamba't Pananampalataya ng̃ mg̃a tagarito.
(Karugtong)
Sa pagsamba't pananampalataya sa Kalusunan; ay mapagmamalas ng̃ sino mang mapag-aral ng̃ iba't ibang religión na yao'y isang religiong haluán: at sapagka't hindi ang nasa ko rito'y saysayin ang dahil ng̃ pagkakahalohalong yaon, kundi isaysay lamang ang dating ugali ng̃ mg̃a Tagarito, ay ipatutuloy ko ang tungkol naman sa Kabisayaan.
Ang mg̃a taga Bisaya ay sumasampalataya rin ng̃ halos kagaya ng̃ mg̃a taga Luzón, dahil sa ganang kanila, ang Bathala nating lumalang ng̃ sangsinukob at lumikha ng̃ tanang kinapal ay kinikilala rin at kanilang pinamamagatang Laon.
Kumikilala rin sila sa mg̃a anito na sa kanila'y diwata, na dili iba,t ang kanila ring mg̃a kanunuan na pinipintakasi't tinatawagan sa bala ng̃ kailang̃anin, maging sa kati't maging sa tubig, maging sa buhay na ito at maging sa kabila.
Nang̃agsisikilala ring gaya ang mg̃a taga Luzón sa mg̃a larawang sarisaring hugis na iniing̃atan sa bahay ó kung dili'y sa mg̃a yung̃ib na pawang inaalayan ng̃ pabang̃o, pagkain at ibp. at dito sa kabisayaan (sa Sebú) nakakita ng̃ ganito si Pigafeta[46] na anya'y nakadipa ang mg̃a kamay, nakabuka ang mg̃a hita at patiwarik ang bali ng̃ mg̃a paa; ang mukha'y malaki at may apat na malaking ng̃ipin na kasinglaki ng̃ mg̃a pang̃il ng̃ baboy-damó at nang̃akukulayan[47].
Sa araw at bwan naman ay nang̃agsi sisamba rin na gaya sa Kalusunan: At dito nakita ni Pigafeta ang paraan ng̃ pagsamba sa araw, na anya'y ganito:
Sa pagpapasimula ay tumutugtog ng̃ ilang malaking tambol; saka naglalapit ng̃ tatlong pingan; na dalawa'y punô ng̃ kanin at ng̃ mais na nabibilot sa dahon, at may kasamang isdâ; at ang isa'y may káyong kambray at dalawang hidahon ng̃ palma Naglalatag ng̃ kayong kambray sa lupa, sakâ lumalapit ang dalawang matandang babae na bawa't isa'y may tang̃ang pakakak. Pagkatapos ay nilalakaran ang kayong kambray na nalalatag at tuloy gumagalang sa araw, sakâ isinusuot nila ang nabangit na kayo. Kung magkagayon ay nagtatali ng̃ panyô sa ulo ang isa sa mg̃a ito na sa noo ibinubuhol na pinag sisikapan na magkaroon ng̃ dalawang parang sung̃ay at pagkatang̃an ng̃ ibang panyô ay sumasayaw at humihihip ng̃ kanyang pakakak at tuloy gumagalang sa araw.
Ang isa namang matandang babae ay dumadampot ng̃ isang dahon ng̃ palma at gaya rin noong isa na sumasayaw at humihihip ng̃ kanyang pakakak. Ang pagsayaw nilang ito at paghihip ng̃ kanilang mg̃a pakakak ay nagluluat ng̃ kaonti at kanilang sinasabayan ng̃ pagsasaysay sa araw ng̃ sarisaring bagay.
Matapos ito ay binibitiwan ng̃ isang matandang babae ang panyô niyang hawak sa kamay at dinadampot ang dahon ng̃ palma at kapwa humihihip ng̃ kanilang pakakak at sumasayaw na matagal sa palibot ng̃ isang baboy na nakahanda sa lupa. Ang isa'y nagsasaysay na marahan sa araw at ang isa naman ang sumasagot. Ano pa't ang araw at ang dalawang matandang babae ay parang may pagkakaunawaan.
Pagkatapos naman nito ay dumadampot ang isang matandang babae ng̃ isang copang alak at iniaalay sa kanyang kasayawan, at habang ipinagpapatuloy nila ang kanilang pagsasaysay sa araw ay makaapat ó makalimang iniuukmang iinumin ang alak at habang ginagawa yaon ay iniwiwisik ang alak sa pusò ng̃ baboy. Kung matapos yaon ay binibitawan ang kopa, at humahawak ng̃ isang sibat na kanyang pinaiikot sa kamay, habang sumasayaw at nagsasaysay at makaapat ó makalimang iniuukma ang sibat sa pusô ng̃ baboy; ng̃uni't sa katapustapusan ay isinisibat at pinapaglalagpaslagpasanan, saka binubunot ulî na tinatakpan ang sugat at tuloy binabalot ng̃ damo.
Habang idinadaos ang ganitong pagdidiwan ay may apoy na laging nakahanda at hinihipan na pinapatay ng̃ matandang babaeng sumisibat sa baboy; samantalang ang isa naman ay isinasawsaw ang kanyang pakakak sa dugo ng̃ baboy at saka itinatanda yaon sa noo ng̃ kanyang asawa at ng̃ kanyang mg̃a kasama at pagkatapos ay sa lahat ng̃ kaharap.
Kung magawa nang lahat yaon ay hinuhubad ng̃ dalawang matandang babaeng yaon ang kanilang balabal at dinudulog ang nasa dalawang pingan na walang inaanyayahan, liban sa mg̃a babae lamang. Pagkatapos ay inaalisan ng̃ balahibo ang baboy sa apoy at ang mg̃a matandang babae lamang ang nakagagawa noon at ang hayop na ito, di umano, ay di maaaring kanin kailan man, malibang patayin ng̃ ganitong paraan.
Sa malaking bató sa mg̃a pangpang̃in ay nang̃agpapasintabi rin: kaya't sa isang dako ng̃ pangpang sa Potal na nasa pulo ng̃ Panáy ay nang̃ag-aalay ang mg̃a magdadagat ng̃ pingan at bala na.
Gayon din sa malalaking punong cahoy na ipinacatatang̃i rin ang baliti na di pinuputol at bagcus na ipinacacagalang.
Sa pagdalang̃in at sa anó mang pagsanguni ay sa katalona rin ipinang̃ang̃asiwa na canilang pinamamagatang babaylana.
Nang̃agsisipaniwala ring may cabilang buhay; ano pa't ang canilang pagsamba't pananampalataya ay masasabi nating caisa ng̃ mg̃a taga Luzón palibhasa'y caisang lahi; ng̃uni't bucod dito sa nang̃abangit ay may iba pa silang capanaligan na siya nilang ikináiiba at dili iba't ang sumusunod.
Ang iba'y cumikilala sa Dios Lisbusawen na di umano'y siyang kinacasama ng̃ mg̃a caluluwa sa isang bundoc na nasa pulô ng̃ Burney (marahil ay Borneo).
Ang iba naman ay kumikilala sa Dios Sidapaw na siyang nagtatangkilik ng̃ isang malaking punong kahoy sa isang mataas na bundok sa Panay na pinang̃ang̃anlan Mayas ó Maya at ang Diyós na nabangit di umano'y siyang sumúsucat doon ng̃ buhay ng̃ tanang kinapal na pagdating sa kanyang sukat ay namamatay na walang pagsala.
Nang̃aniniwala rin na may Diyós sa Infierno[48] na canilang pinang̃ang̃anlang Suinuran at Suigaguran at sa camay ng̃ mg̃a ito nahuhulog di umano ang balang caluluwang mamatay, at may Diyós namang tagapagdalá ng̃ caluluwa sa Infierno na pinamamagatang Diyós Magwayan, na pagdating sa balang̃ay nito ay sinasalubong ng̃ Diyós Sumpoy na siya namang tagapaghatid sa Diyós Suiburanin (casama marahil ng̃ Diyós Suinuran at Diyós Suigaguran) na anila'y siyang tagasacop sa lahat ang caluluwa, maging mabuti't maging masama; ng̃uni't ang mg̃a ito, di umano'y hindi pinababayaan ng̃ Diyós Pandake (na nasa bundoc din ng̃ Maya); kundi agad tinutubos dito sa pamamagitan ng̃ mg̃a maganito na siyang pang̃alan ng̃ mg̃a haying inihahandog sa canya roon sa bundoc: at sa ganito, ani P. Delgado, ay hindi lubhang pinagsisicapan ang pagpapacabuti, cundi ang pagpapacasipag upang magcaroon ng̃ pangtubos.
Si Pigafeta ay isang italiano na kasama ni Magallanes sa pagkasumpong ng̃ mg̃a kapuluang itó, at siyang tang̃ing; sumulat ng̃ aklat na tungkol sa kanilang paglalakbay at pinamagatan niyang «Ang unang paglalakbay sa Palibot ng̃ Sandaigdigan».
Anang iba'y hindi lahat ay gayon; kaya't sa ganang kay Rizal ay ang masasamang dinídiyos lamang marahil ang may malaking ng̃iping kasinglaki ng̃ pang̃il.
Ang pagkilala sa Dios sa Infierno at sa ibp. ay naging kapanaligan din na ibang nang̃ábansag na lupain, gaya sa Persia, India at atb, ng̃uni't marahil ay napulot ito ng̃ mg̃a taga Bisayang Malayo sa Religiong «Hinduismo» ng̃ mg̃a taga India at siyang inugali hangang dito; sapagka't sa Religiong "Hinduismo", bukod sa kumikilala sa tatlong pinakapang̃ulong Diyós ay kumikilala pa sa Diyós Yana na di umanoy, Diyos sa kainfiernohan: sa Diyos Ganesa ó Ganabali Diyós ng̃ karunung̃an at tagahawi ng̃ kapansanan; sa Diyós Kartikeya na pinakapintakasi sa digma; sa araw na pinamamagatan nilang Sunya, sa buwan na tinatawag nilang Soma at sa ibp.
Ikalabing pitong Pangkat.
Dating pagsamba't Pananampalataya ng̃ mg̃a tagarito.
(Karugtóng)
Tungkol sa kapanampalatayahán ng̃ hulíng bahagi ng̃ Pilipinas, na Hulo't Magindanaw, ay dapat malaman muna na ang mg̃a tagaroon ay hindi namayang sabay-sabáy, kundi ang iba, na gaya ng̃ mg̃a Manobo, Tiruray atb, ay siyang nang̃auna; at ang iba naman ay masasapantahang mg̃a kasabay ó kasunod ng̃ mg̃a taga Malayang nagsipamayan sa Borneo noong dacong 1400.
Mapaniniwalaang ang pananampalataya ng̃ mg̃a unang namayan doon na gaya ng̃ mg̃a Manobo, Tiruray, atb. ay ang sa Kamalayahan na halos kagaya ng̃ dating pananampalataya ng̃ mg̃a taga Bisaya't tagarito sa Luzón: at sa catunayan ng̃ dumating dito ang mg̃a taga España ay may, nasumpung̃an pang isang daco sa Mindanaw na pinang̃ang̃anlang De Flechas ó ng̃ mg̃a Pana na balang magdaan doon ay naghagagis ng̃ pana na pinatutusoc sa bato at siyang iniaalay nilang pinakahayin upan sila'y macaraang tiwasay, bagay itong dili iba't isa sa mg̃a bahagi ng̃ capanaligan ng̃ mg̃a taga Bisaya't tagarito sa Luzón, na alayan ng̃ cahi't ano ang mg̃a pooc na kinalibing̃an ng̃ canilang mg̃a nunò. At cung bagama't nalimutan na ang canilang pinaca-Bathala ó pinaca-Laon ay sanhi marahil sa pagcahicayat nila sa Mahometismo ó pananalig kay Mahoma na taglay ng̃ mg̃a huling nacapamayan nila.
Ang mg̃a sumunod ó huling namayan sa Hulo't Mindanaw ay ang nang̃abangit nang casabay ó casunod ng̃ mg̃a namayan sa Borneo noong dacong 1400. Ng̃ panahong yaon ay halos laganap na ang pananalig cay Mahoma sa Kamalayahan at sa ganito ay mapaniniwalaan at siyang pagcaacala rin ng̃ mg̃a bagong manunulat na ang mg̃a yao'y nagsisipanalig na cay Mahoma ng̃ magsidating sa Hulo't Mindanaw, at siya tuloy na mg̃a humicayat sa mg̃a dinatnan At ayon sa sali't saling sabi ng̃ mg̃a moro sa Mindanaw, aní Dr. Barrows ay si Kabunsuan ang humicayat sa canila. Ito'y isang taga Johore na anac ng̃ isang lalaking taga Arabia at ng̃ isang babaeng taga Malaya. Si Kabunsuan ay dumating sa Mindanaw na may maraming casamang nananalig sa canya at di umano'y siyang pinangalig̃an ng̃ mg̃a dato sa Mindanaw. Sinasapantaha na si Kabunsuan ay isa sa mg̃a inapo ni Mahoma sa dugo ng̃ cayang amang taga Arabia: caya't hang̃a ng̃ayon daw ay ipinagmamalaki ni Alí at ng̃ mg̃a dato sa Mindanaw na sa canilang mg̃a ugat ay umaagos pa ang dugo ng̃ profetang si Mahoma, na siyang nagtanyag ng̃ bagong religiong mahometisimo na pinacareligion ng̃ mg̃a taga Hulo't Mindanaw.
Ang mahometismo ng̃ mg̃a taga Hulo't taga Mindanaw ay di lubhang cagaya ng̃ tunay na mahometismo, dahil sa ang lahat ng̃ religion habang tumatagal ay nababago ng̃ nababago. Gayon, ma'y inaasahan co, na sapagca't siyang religion ng̃ isang bahagi ng̃ Pilipinas ay maitatanong din mg̃a magiliwin sa ganitong casaysayan, «cung ano ang religiong mahometismo» At ang religion mahometismo ay ang itinanyag ni Mahoma na anya'y wala liban sa isang Dios at siya ang profeta ng̃ Dios at tuloy sinulat niya ang koran na ng̃ayon'y siyang pinaka Biblia ng̃ mg̃a moro.
Si Mahoma ay anak ng̃ isang babaeng judia na naging kristiana at ng̃ lalaking si Abdallah na palasamba sa mg̃a diosdiosan (idolo). Siya'y ipinang̃anak sa Arabia noong taong 569 at mula sa kanyang pagkabata ay naulila sa kanyang mg̃a magulang: anopa't ang nagpalaki sa kanya ay si Abu Taleb na kangyang mabuting amain. Nang siya'y magkadalawang pu't limang taon ay naglingkod kay Kadihah na isang matandang baong taga Mekka na mayama't marang̃al, at sa kagandahang asal ni Mahoma ay naibigan hangang sa naging asawa. Sa ganito'y siya'y nagcasalapi at naluwagan sa canyang pamumuhay; anopa't nagcapanahon ng̃ pag-aaral at pagmamasid ng̃ mg̃a bagaybagay sa sandaigdigan.
Noon naman, ang Arabia na kanyang kinamulatan, ay siyang maitutulad ng̃ayon sa Estados Unidos ng̃ Amérika, sa Inglaterra ng̃ Europa at sa Hapón ng̃ Asia, dahil sa kalayaan ng̃ isa't isa na makapapamili ng̃ kanikanyang religion, at sa gayon ay nabuksan ang kanyang isip ng̃ di ano lamang.
Sa kabanalan ni Mahoma ay napasasa yung̃ib ng̃ Hera (na malapit sa Mekka) taon taon at doon nagpapahing̃ang isang buwan (kung buwan ng̃ Ramadan), at minsan di umano'y napakita sa kanya roon sa yung̃ib ang angel Gabriel at pinagsaysayan siya ng̃ mg̃a lihim na bagay, na siya ang magiging profeta ng̃ Dios at magpapaisa ng̃ religion sa tanang kinapal na pang̃ung̃uluhan ng̃ Dios na di malirip. Saka isinakay siya, di umano sa isang kahimahimalang hayop na ang pang̃ala'y borak at inihatid siya mula sa templo ng̃ Mekka hangang sa Jerusalém. Mula rito ay isinama siya ng̃ angel Gabriel na sumampa sa pitong lang̃it at doo'y nakipagbatian siya sa mg̃a profeta, sa mg̃a patriarka at sa mg̃a angel. Sa dako pa roon ng̃ ikapitong lang̃it ay si Mahoma lamang ang pinatuloy, anopa't nalagpasan niya ang tabing ng̃ pagkakaisa at sa harap ng̃ luklukan doon ay nalugmok siya hangang sa siya'y tinapik ng̃ kamay ng̃ Dios. Pagkatapos ay bumaba siya sa Jerusalém, sumakay uli sa borak at nagbalik sa Mekka.
Mula noo'y itinanyag ni Mahoma ang mg̃a salita ng̃ angel Gabriel na ng̃ayo'y nasusulat sa Koran na dasala't banal na kasulatan ng̃ mg̃a mahometano.
At sa kagandahan di umano ng̃ pagmumukha ni Mahoma, sampu ng̃ kanyang ugali't asal at ng̃ kanyang matamis na pananalita na kalakip ng̃ kanyang kabanalan, ay pinananaligan siya, at hangan sa paniniwalaang siya'y sinalubong ng̃ mg̃a punong kahoy, binati ng̃ mg̃a bato sampu ng̃ tubig, nagpakain sa nagugutom, nagpagaling ng̃ may sakit at bumuhay ng̃ patay. Bukod dito'y ipinalagay ng̃ marami na ang mg̃a salita ni Mahoma ay puspos na mg̃a aral ng̃ katotohanan at ang kanyang mg̃a gawa ay pawang uliran ng̃ kabanalan (baga man ang dating kaugalian ng̃ panahong yaon na gaya ng̃ pag-aasawa ng̃ higit sa isa at ibp. ay di niya pinawi); dahil sa ganang kanya'y wala ng̃ gaya ng̃ manalang̃in, magkulasyon at maglimos, sapagka't sa kanya ang pagdalang̃in ay nakapapatnubay hangang sa kalahatian ng̃ daang patung̃o sa Diyos, ang pagkukulasyon ay nakapaghahatid hangan sa pintuan ng̃ tahanan ng̃ Diyos at ang paglilimos ay siyang ikinatatangap ng̃ Diyos sa tao. Anopa't sa gayong pananalig sa kanya ay hindi laman ang kanyang asawa't mg̃a kaibigan ang sumampalataya kundi pati na ng̃ kanyang mg̃a kababaya't kalupain, hangang sa siya'y nahalal na pinakapang̃ulo sa kanyang bayang tinubuan. At sapagka't ang kanyang munakala'y papag-isahin ng̃ religión ang tanang kinapal ayon sa sinaysay sa kanya ng̃ angel, ay hindi lamang ang kanyang lupain ang sinakop at hinikayat niya't ng̃ mg̃a humalili sa kanya, kundi pati ng̃ mg̃a lupaín sa Europa, Africa, sa Asia at hangang dito sa Kasilang̃anan na dili iba't siyang pinanánaligan pa hanga ng̃ayon ng̃ ating mg̃a kalupaing taga Mindanaw at taga Huló.
Ang religióng ito at umabot hangang sa Mindoro at dito sa Maynila at kung hindi dumating rito ang mg̃a kastila ay naging moro marahil ang lahat ng̃ tagarito.
Ikalabingwalong Pangkat.
Isipan ng̃ Ibang Tagarito Tungcol sa Pasimulâ ng̃ Sangkinapal
Isa sa mg̃a kapaniwalaan ng̃ ibang mg̃a Tagarito na binangit, ng̃ mg̃a mananalaysay ay itong sumusunod:
Ang mg̃a tao sa baybayin na pinang̃ang̃anlang Iligayanes ay naniniwala na ang lupa't lang̃it ay hindi nagkaroon ng̃ pasimula: at di umano'y nagkaroon ng̃ dalawang Diyos na ang isa'y nagng̃alang Kaptan at ang isa'y Magwayan: at ang hang̃in sa lupa at ang hang̃in sa dagat ay nagkaisa at sumuka ng̃ isang kawayan. Ang kawayan namang ito ay itinanim ng̃ Dios Kaptan, at ng̃ lumaki ay pumutok na nilabasan ng̃ dalawang kawayan na kapwa naging tao, na ang isa'y lalaki at ang isa'y babae. Ang lalaki ay pinang̃anlang Sikalak at ang babae'y Sikabay. Ang lalaki ay nagpahayag sa babayi na sila'y magisang dibdib, dahil sa walang iba dito sa sangdaigdigan; ng̃uni't hindi pumayag ang babae; sapagka't sila'y magkapatid na galing sa isang kawayan. Sa katapustapusan ay nagkasundo na sila'y yumaon at kanilang isanguni ang gayon sa Lindol ng̃ lupa, at sinagot naman sila na kailang̃ang sila'y mag-isang dibdib upang magkaroon ng̃ mg̃a tao sa sanlibutan, at sila'y nag-isang dibdib at nagka-anak. Ang unang naging anák nila ay lalaki at pinang̃anlang Libo, at ang sumunod ay babae, at pinang̃anlang Saman, at ang dalawang magkapatid na ito ay nagkaanak ng̃ isang babae na pinang̃anlang naman nilang Lupluban. Itong si Lupluban ay nakipag-isang dibdib sa isang anak na lalaki ng̃ mg̃a unang tao (marahil ni Sikalak at ni Sikabay) na ang pang̃ala'y Pandaguan at ang mg̃a ito ay nagkaanak ng̃ isang lalaki na kanilang pinang̃anlang Arion. Si Pandaguan, di umano'y siyang unang kumatha ng̃ mg̃a palaisdaan upang mamalakaya sa dagat, at ang unang nahuli ay isang pating, at pagkahuli ay iniahon sa kati, na sa akala niya'y hindi mamamatay; ng̃uni't pagkaahon sa kati ay namatay: ng̃ makita niyang patay ay pinasimulang alayan ng̃ mg̃a hayin at tuloy tinang̃isan, at tumawag sa mg̃a Diyos, na may namamatay, dahil sa wala pang namamatay noon; pagkarinig naman di umano ng̃ Diyos Kaptan ay sinugo ang mg̃a lang̃aw upang tignan kung sino ang patay, at sapagka't hindi makapang̃ahas lumapit ang mg̃a lang̃aw ay bukbok ang sinugo na siyang nakakita na ang patay ay pating, at sa ganito'y nagalit ang Diyos Kaptan dahil sa pagkakaalay ng̃ mg̃a hayin sa isang isda. Sa pagkagalit na ito ng̃ Diyos Kaptan ay naghagis silang dalawa ng̃ Diyós Magwayan ng̃ isang lintik at siyang pumatay kay Pandaguan, at namalaging tatlong pung araw sa Infierno; ng̃uni't pagkaraan ng̃ tatlong pung araw ay kinahabagan siya ng̃ nang̃abangit na mg̃a Diyós at muli siyang binuhay dito sa sanglibutan. Noong samantalang siya'y patay ay napababae ang kanyan asawang si Lupluban sa isang nagng̃ang̃alang Marakoyan, at di umano'y ito ang pinagmulan ng̃ pang̃ang̃alunya. Nang si Pandaguan ay mabuhay na mag-uli at umuwi sa kanyang bahay ay hindi inabutan ang kanyang asawa, sa pagka't inanyayahan ng̃ kanyang kaagulo na magsalo sila sa isang baboy na kanyang ninakaw (di umano'y ito ang unang pagnanakaw na nagawa dito sa ibabaw ng̃ lupa), at sa ganito'y sinugo niya ang kanyang anák upang kaonin, at si Lupluban ay tumangi at di sumama, na ang sabi ay hindi na magbabalik ang mg̃a patay dito sa ibabaw ng̃ lupa, at sa galit ni Pandaguan ay nágbalik uli sa Infierno.
Ang pag-aakala, naman ng̃ mg̃a Tingian ay itong sumúsunod:
Iba ang paniwala ng̃ mg̃a taga bundok at anila'y noong una ay walâ kundi dagat at lang̃it, at sapagka't may isang lawin na walang kádapuan, ay hinalughog ang lang̃it at dagat dahil dito ay dinigma ng̃ dagat ang lang̃it na nagpakalaki-laki hangang sa itaas: ng̃ makita ng̃ lang̃it ang ganitong asal ng̃ dagat ay pinasibulan ng̃ isda ang dagat at pagkatapos upang makaganting lubos sa pagkapang̃ahas laban sa kanya ay inihagis sa dagat, di umano, ang lahat ng̃ kapuluang ito upang ang dagat ay mapasuko at upang ang kanyang mg̃a tubig ay maglagos sa iba't ibang dako at huwag mangyaring makapagmalaki at ito ay pinagkapasimulan ng̃ mabario na ang ibig sabihin ay paghihigantihan sa pag-apí kaya di-umano'y nagíng kaugalian dito ang panghihiganti hangang sa di masiyahan. Saka ayon sa kasaysayan tungkol sa kawayan, ay ang lawin di umano ang siyang tumuka, kaya pumutok at lumabas yaong naging lalaki at babae na nabangit na (si Sikalak at si Sikahay). Di umano pa ng̃ mang̃anak si Kariuhi (isa sa mg̃a anak ng̃ mg̃a unang tao marahil) ay nang̃anak ng̃ lubhang marami, at nangyari isang araw na pumasok sa bahay ang ama na lubhang galit at sapagka't binalaan ang mg̃a anak ay nang̃agsitakas sa takot anopa't ang iba'y nang̃agsipasok sa mg̃a silid na totoong kublí, ang iba'y sa mg̃a silid sa dakong labas ang iba'y nagsikubli sa mg̃a dinding, ang iba'y nang̃agsipanaog na tumung̃o sa dakong dagat. Anila'y yaong nang̃agsipasok sa silid na totoong kublí ay siyang pinangaling̃an ng̃ mg̃a maginoo, yaong mg̃a napa sa silid sa dakong labas ay siyang pinangaling̃an ng̃ mg̃a timawa, yaong nang̃agkublí sa dapugan ay siyang pinang̃aling̃an ng̃ mg̃a maitim at ang nang̃agsitung̃o sa dakong dagat ay ang mg̃a maputi na hindi na nang̃abalitaan nila, kundi ng̃ dumating na lamang dito ang mg̃a taga Europa.