The Project Gutenberg eBook of Florante at Laura
Title: Florante at Laura
Author: Francisco Balagtas
Commentator: Carlos Ronquillo y Valdez
Release date: May 17, 2005 [eBook #15845]
Most recently updated: December 14, 2020
Language: Tagalog
Credits: Produced by Tamiko I. Camacho, Jerome Espinosa Baladad and PG
Distributed Proofreaders. Special thanks to Matet Villanueva, Pilar
Somoza and Ateneo Rizal Library-Filipiniana Section.
marked as ~g. Mistakes in the original published work has been
retained in this edition.]
[Paalala ng nagsalin: May kilay ang mga salitang "ng, mga," at iba pa
upang ipakita ang dating estilo sa pag-sulat ng Tagalog na sa ngayon
ay hindi na ginagamit. Hinayaang manatili sa edisyong ito ang mga
pagkakamali sa orihinal na pagkakalimbag.]
FLORANTE
at
LAURA
May Paunang Salita at mga Paliwanag
ni
CARLOS RONQUILLO
Maynila
1921
TALAAN NG NILALAMAN
PAUNANG SALITA
Nang kalahatian ng 1906, na lumabas sa larangan ng Panitikang Tagalog ang mahalagang aklat ng "Kun sino ang kumatha ng Florante", ni G. Hermenegildo Cruz, ay sinasabing may mga 106,000 nang salin ng "Florante at Laura" ang naipalilimbag ng iba't iba; at sapul noon hangga ngayon ay marami na ring taón ang nagsipagdaan, at sa loob ng panahong iyan—lalo na nga't kung aalagataing siyang panahon ng kaunlaran ng Panitikang Tagalog at ng kasiglahan sa pagbabasá at ng pag-uumalab na lalo ng pagmamahal sa ating walang kahambing na Makatang Francisco Baltazar—ay walang alinlangang sa datihang bilang ng 106,000 ay di na rin kakaunti at di na iilang libo ang naparagdag pa.
At sa harap ng kasiglahang iyan ay mapaghahalatang nagkaroon din ng ibayong sigla ang nagsisipagpalimbag. Isa't isa ay gumagawa ng kanikanyang kaya, upang mapalitaw na kalugodlugod ang "Florante at Laura". Ngunit sa likod ng kasiglahang iyan at kapuripuring pagpupunyagi ay kasakitsakit sabihing wari'y naipagwawalang bahala kung minsan ng ilan yaong tagubiling:
"Di co hinihinging pacamahalin mo tauana,t, dustain ang abang tula co gauin ang ibigui,t, alpa,i, na sa iyo ay houag mo lamang baguhin ang verso".
Naipagwawalang bahala? Walang alinlangan. Pinatutunayan ng mga pangyayari. Nguni't maaari namang paniwalaang hindi sa atas ng masamang hangad na "paalatin ang matatamis na tula" kundi bagkus pa ngang sa magandang nais, na lalo pang mapatamis. Lalong mapasarap. Lalong mapabuti. Lalong maitumpak. Gayon man, at maging gaano man kabanalang ganyang nais, ay di rin maipagkakailang tunay na pagwawalang bahala sa tagubilin at tunay na ipinagkakamit ng malubhang kasalanan ni Sigesmundong dinadaliri ng dakilang Makata.
Kailangan ngang kung ano ang akda ng dakilang Makata ay siyang papanatilihing buhay magpakailan man, walang munti mang pagbabago, sa maging labis man o kulang, kahi't mali mang nakikita. Ni isang titik, ni isang kuwit—maliban na nga lamang kung hindi maiwasan dahil sa makapangyarihang atas ng panibagong alituntunin sa pagsulat.
Sinasabing ni saan man ay wala na ngayong matatagpuang isa mang salin ng "Floranteng" limbag noong buhay pa si Balagtas, at may paniwalang ang iniingatan ni Dr. Pardo de Tavera ay siyang matanda sa lahat nang nakatago ngayon; nguni't sa kagandahang palad ay sumakamay namin ang isang salin ng lumabas noong 1861, linimbag sa papel Tsina ng "Imprenta de Ramirez y Giraudier", at sa kanyang takip na papel katalan—takip na ilinagay lamang ng maingat na may-ari—ay nakatitik ito: "Es propiedad de Don Jose Dioniso de Mendoza". Si Balagtas ay namatay noong ika 20 ng Pebrero ng 1862, sa gulang na magpipitongpu't apat na taón. Kaya, maliwanag, na buhay pa si Balagtas ng limbagin nina Ramirez ang "Floranteng" sumakamay namin, at matanda pang di hamak sa iniingatan ni Dr. Tavera, sapagka't ang kanya ay limbag lamang noong 1870 ng "Imprenta de B. Gonzales Mora" sa Binundok. Siyam na taón nga ang katandaan dito. At kung aalagataing buháy pa nga si Balagtas noong 1861 ay walang alinlangang dahil sa pagpipitagan man lamang sa noon pa ma'y itinuturing nang "Hari ng mga Manunula", ang sumakamay namin ay di pa "napanghihimasukan ng kamay ni Sigesmundo",
Ang saling iyan ay wala na sa amin, pagka't hindi amin. Naipagparanya lamang sa amin—dahil sa paglabas noong 1906 ng "kun sino ang kumatha ng Florante"—ng noo'y nag-aaral pa sa "Escuela de Derecho" at ngayo'y abogado Alfonso Mendoza, masugid na demokrata; at sa likod ng ilang buwang pag-iingat at pagsipi namin ay pinagpilitang bawiin ng nagpahiram, dahil sa minamahal daw mabutí ng kanyang ama, palibhasa'y sa mga nuno pa nila minana. Isinauli rin nga namin, sa likod ng kung makailang pagwawalawalaan.
At kamakailang maitanong namin uli sa abogado Mendoza ay ganito ang isinagot:
—Aywan bagá kung saan na naroon. Tila sira na ang mga unang mukha.
Kaya, nang paroonan ni Epifanio ay aywan kung nakuha niya o hindi....
Si G. Epifanio de los Santos—ang dalubhasang istoriograpo, ang guro, ang akademiko, ang sumakastila ng "Florante"—ay siyang tinutukoy. Kami ang sa kanya ay nakapagpahiwatig, upang mapawi ang maling paniwala, na "wala na ngayong Floranteng limbag nang buháy pa si Baltazar." At dahil diyan ay walang salang nagdumaling paroon, upang makuha—sa paano man—ang mahalagang hiyas ng Literaturang Tagalog na pinakamamahal niya. Sakaling nakuha niya, kahi't na nga sira-sira, ay dapat ipagpasalamat, sapagka't parang napalagay sa "kabang may pitong susi"; nguni't kung hindi, at kung natuluyan na ngang nasira, ay tunay na kahinahinayang.
Kahinahinayang! Tunay na kahinahinayang!...
Sakaling nasira na nga.
Nguni't gayon man ay may sukat na rin tayong dapat ikaaliw; ang siping naingatan namin. Pagkakapag-ingat, na maituturing nating isa na ring tunay na kapalaran, at siping walang munti mang pagbabago, palibhasa'y pinag-ingatan naming ilagay pati ng kanyang maliliwanag na kamalian sa limbagan at di dinagdagan, ni kinulangan, ng kahi't na ano.
At ang siping iyang sa huli'y linagyan namin ng mga paliwanag ay siyang ngayo'y inihahandog namin sa tanang magiliwin at mapagmahal sa walang kamatayang "Florante at Laura".
Maipaliliwanag naming buháy pa ang dakilang Makata ay nasasaulo nang mabuti ng kanyang mga anak ang "Florante at Laura". Paanong di magkakagayon ay sa pati ng iba't iba pa niyang akda'y nasasaulo rin? Ang "Florante" pa nga ba ang di mapapakintal sa kanilang ulo? At ang "Floranteng" nalalaman nila at mapahangga ngayo'y sariwa pa sa isipan ay isang saling ayon din sa kanilang ama ay siya niyang tunay na gawa. Dito natin mapagkukuro kung bakit walang kamalian sa mga huling labas ng "Florante", na di ang di mapupuna nila.
Kaya, nang ang ilang kabaguhang napuna namin, dahil sa masusing pagsusumag sa "Kun sino ..." at sa siping nasa amin ay maipakitang isaisa kay G. Victor Baltazar—anak na lalaki ng Makata at siyang pinakamatanda sa tatlong nabubuhay pa hangga ngayon (Victor, Isabel at Silveria), na laging nasa amin, tumitigil ng buwanan at lingguhan, dahil sa kalimitan nilang magpagamot dito sa Maynila, gayon din ang dalawang apong dalaga ni Balagtas, na sina Pepita at Vicenta[I.], anak ng Victor[II.]—; ang mga kabaguhang nadaliri ay pinatunayang "iba nga at di siyang nasa matandang nasasaulo nila". Nguni't, hindi naman napagpakuan namin ng tingin ang lahat, kundi ang madla lamang lalong mahalaga. Ni ang mga kamalian man ng pagkakalimbag sa siping nasa aming kamay ay di rin napag-usapan.
At ang lahat nang kaibhang iyan at kamalian ay siyang naging sanhi ng mga paliwanag namin sa dakong huli.
CARLOS RONQUILLO
Maynila, 10 Septiembre 1921.
[I.] Namatay noong ika 21 Sept. 1921.
[II.] Namatay noong ika 12 Dis. 1926.
-Alberta Balmaseda, asawa ni Victor, namatay noong Marso, 1921.
FLORANTE
at
LAURA
Sipi sa lumabas noong buháy pa ang dakilang
Makatang may akda, na linimbag sa
"Imprenta de Ramirez y Giraudier"
noong 1861, at linagyan ng
Paunang Salita at ng mga
Paliwanag
ni
CARLOS RONQUILLO
Kaparis na kaparis ng ipinamana ng Makata
sa kanyang mga anak, na sariwang nakikintal
sa kanilang isip magpahangga
ngayon
MAYNILA
1921
Pinagdaanang Buhay
ni
FLORANTE at ni LAURA
sa
Cahariang Albania
Quinuha sa madlang "cuadro histórico" o pinturang
nag sasabi sa mga nangyayari[1] nang unang
panahón sa Imperio nang Grecia, at tinula
nang isang matouain sa versong
tagálog.
Reimpreso-Manila
Imprenta de Ramirez y Giraudier
1861
Sa dakong huli ay may mga paliwanag na makikita, na aming ginawa, bukod pa sa mga sariling paliwanag ni Baltazar sa kanyang akdang ito. Lahat nang may bilang na ganito ay siyang amin, na pinagsunodsunod sa dakong huli. At ang paliwanag sa bilang na ito (1) ay makikita sa unahan ng lahat nang paliwanag namin.
CAY CELIA
Cong pag saulang cong basahin sa isip[2]
ang nan~gacaraang arao n~g pag-ibig,
may mahahaguilap cayang natititic
liban na cay Celiang namugad sa dibdib?
Yaong Celiang laguing pinan~gan~ganiban
baca macalimot sa pag-iibigan;
ang iquinalubog niyaring capalaran
sa lubhang malalim na caralitaan.
Macaligtaang co cayang di basahin[3]
nagdaáng panahón n~g suyuan namin?
caniyang pagsintáng guinugol sa aquin
at pinuhunan cong pagod at hilahil?
Lumipas ang arao na lubhang matamis
at ualáng nátira condi ang pag-ibig[4],
tapat na pag suyong lalagui sa dibdib
hanggang sa libin~gan bangcay co,i, maidlip.
N~gayong namamanglao sa pan~gon~golila
ang guinagaua cong pag-alio sa dusa
nag daang panaho,i, inaala-ala,
sa iyong laraua,i, ninitang guinhaua.
Sa larauang guhit n~g sa sintang pincel
cusang ilinimbag sa puso,t, panimdim,[5]
nag-íisang sanláng naiuan sa aquin
at di mananacao magpahangang libing[6].
Ang caloloua co,i, cusang dumadalao
sa lansan~ga,t, náyong iyóng niyapacan
sa ilog Beata,t, Hilom na mababao
yaring aquing puso,i, laguing lumiligao.
Di mámacailang mupo ang panimdin
sa puno n~g mangang náraanan natin,
sa nagbiting bun~gang ibig mong pitasín
ang ulilang sinta,i, aquing ináaliu.
Ang catauhang co,i, cusang nagtatalic
sa buntong-hinin~ga nang icao,i, may saquit,
himutoc co niyao,i, inaaring Lan~git
Paraiso namán ang may tulong silíd.
Liniligauan co ang iyong larauan
sa Macating ilog, na quinalagui-an[7]
binabacás co rin sa masayáng doon~gan,
yapac n~g paá mo sa batóng tuntun~gan.
Nag babalíc mandi,t, parang hinahanp
dito ang panahóng masayáng lumipas
na cong maliligo,i, sa tubig áagap,
nang hindi abutin n~g tabsing sa dagat.
Parang naririn~gig ang laguî mong uica
"tatlong arao na di nag tatanao tama"
at sinasagot co ng sabing may touâ
sa isa catauo,i, marami ang handa.
Ano pan~ga,t, ualang dî nasisiyasat,
ang pagiisipco sa touang cumupas
sa cagugunitâ, luha,i, lalagaslás
sabay ang taghoy cong "¡ó, nasauing palad!"
Nasaan si Celiang ligaya ng dibdib?
ang suyuan nami,i, baquít dí lumauig?
nahan ang panahóng isá niyang titig
ang siyang búhay co, caloloua,t, Lan~git?
Baquit bagá niyaóng cami mag hiualay
ay dîpa naquitil yaring abáng búhay?
con gunitain ca,i, aquing camatayan[8],
sa puso co Celia,i, dica mapaparam[9].
Itong dî matiis na pagdaralitâ
nang dahil sa iyo, ó nalayóng touâ,
ang siyang umacay na aco,i, tumulâ
auitin ang búhay nang isang na abâ.
Celia,i, talastás co,t, malabis na umid,
mangmáng ang Musa co,t, malumbay ang tinig
di quinabahag-yâ cong hindí malait
palaring dinguin mo ng tainga,t, isíp.
Ito,i, unang bucal nang bait cong cutad
na inihahandóg sa mahal mong yapac[10]
tangapin mo nauâ cahit ualang lasáp
nagbúhat sa puso nang lingcód na tapát.
Cong casadlacán man ng pula,t, pag ayop
tubo co,i, daquila sa puhunang pagod,
cong binabasa mo,i, isá mang himutóc
ay alalahanin yaríng nag hahandóg.
Masasayáng Ninfas sa laua nang Bay,
Sirenas, ang tinig ay cauili-uili
cayó n~gayo,i, siyang pinipintacasi
n~g lubháng mapanglao na Musa cong imbi.
Ahon sa dalata,t, pangpang na nag liguid
tunuhan nang lira yaring abáng auit
na nag sasalitáng búhay ma,i, mapatid,
tapát na pag sinta,i, han~gad na lumauig[11].
Icao na bulaclac niyaring dili-dili,
Celiang saguisag mo,i, ang M. A. R.
sa Virgeng mag-Iná,i, ipamintacasi
ang tapát mong lingcód na si F. B.
SA BABASA NITO
Salamat sa iyo, ó nánasang írog,
cong halagahán mo itóng aquing pagod,
ang tulâ ma,i, bucál nang bait na capós,
paquiquinaban~gan nang ibig tumaróc.
Cong sa bigláng tin~gi,i, bubót at masacláp
palibhasa,i, hilao at mura ang balát
ngunit cung namnamín ang sa lamáng lasáp
masasarapán din ang babasang pantás.
Di co hinihin~ging pacamahalín mo,
tauana,t, dustaín ang abáng tulâ co
gauin ang ibigui,t, alpa,i, na sa iyó
ay houag mo lamang baguhin ang verso.
Cong sa pagbasa mo,i, may tulang malabo
bago mo hatulang catcatin at licô[12]
pasuriin muna ang luasa,t, hulô[13]
at maquiquilalang malinao at uastô.
Ang may tandang letra alin mang talata
dimo mauatasa,t, malalim na uicà
ang mata,i, itin~gin sa dacong ibabâ[14]
boong cahuluga,i, mapag uunauà.
Hangán dito acó ó nánasang pantás,[15]
sa cay Sigesmundo,i, houag ding mátulad
sa gayóng catamis uicang masasaráp
ay sa cababago nang tula,i, umalat.
(Sa cursiva o bastardilla)