VI
i Eduardo nga naman ay walang palad!
Nang magdamag na iyon ay halos di na siya naidlip kamuntiman. Sa pagkakita niya kay Leoning ay waring pinagiisip niya na napakahiwaga. Anong paraan nga naman at si Leoning ay naparito sa Maynila na hindi niya sukat akalain? May katwiran nga naman ang isang Leoning kung sisihin ng isang Eduardo kung bakit ibinalik na lahat ang liham ng binata. Wala nga palang totoo si Leoning sa sariling bayan. Nagtataka ang isang Eduardo? Bakit ni balita ay hindi man lang ibinalita sa kanya ni Leoning? Apat na liham ang nabalik sa kanya.
Napakalaking suliranin para sa kanya ang gayon! Naito pala sa Maynila si Leoning! Bakit? anong nagbigay daan at nawili siyang manahan sa siudad na itong puno ng hiwaga?
Sa pagkakita niya kay Leoning na waring lalong nagibayo ngayon ang ganda kay sa noong naroon pa sa lalawigan ay siyang lalo namang nagdudulot sa kanyang puso ng malaking pananabik at pakikipagtagpo sa binibini.
Halos ang bawa't tunog ng orasan ay kanyang narinig sa boong magdamag. Pilitin man niyang ipikit ang kanyang mga mata ay waring nakikita rin niyang lagi, sa kanyang mga balintataw ang magandang larawan ni Leoning.
Sa kanyang pagkakahimlay, ang maliwanag na sikat ng buwan ay waring nagtatanod sa kanya. Kaya't hanggang sa sumapit na ang kalaliman ng gabi na tahimik na ang lahat, ay nagbangon siya at ang maaliwalas at mabituing langit na walang bahid ng ano mang ulap ay kanyang pinagpakuan ng tingin.
Kay aliwalas nga naman ng langit noon!
Ni badha ng ano mang ulap ay walang masisinag sa kaitaasan. Kabilugan ang buwan. Anong dikit malasin kalangitan! Waring nagdudulot sa kanya ng lugod ng puso at kaligayahan ng damdamin. Kay sarap ng simoy ng hangin! Anong sarap kung masanghap! Kay bango ng simoy na dala ang mga kabanguhang humahalimuyak sa mga bulaklakan!
Ang gabing yaon ay isang gabing puno ng pangarap at tulain!
Sa kanya, ang gabi, ay waring nagpapahiwatig ng isang kaligayahan ng puso! Waring nagbabalita kay Eduardo ng magandang kapalaran ng buhay na puno ng pagasa. Waring ibinubulong sa kanya ang kaligayahan ng puso. Waring naririnig niya ang mga awit ng pusong mapapalad na nagduduyang sa bisig ng magandang kalikasang puno ng pangarap.
At ... nang magmamadaling araw na, bago siya maidlip ng bahagya ay walang nasabi ang kanyang sarili kundi:
—Anong lugod sana kung makakapiling ko si Leoning sa pagkakataong paris nitong gabing puno ng sariwang pagasa, ng lugod ng puso at buhay!
Kinabukasan, pagkagising ni Eduardo, ay wala nang ibang sinikap sa sarili kundi ang paraang kanyang gagawin upang makausap ang binibini.
Kaya't wala na siyang sinikap kundi ang maghanda. Kung baga sa digmaan ay para siyang lulusob.
Sa Tundo, kay ligayang pook!
Si Leoning ay doon naninirahan at bagama't ang pook na ito ay may kaunting kalayuan sa kanyang tinitirahan ay naging gayon na lamang kalapit para sa kanya. Kung noong una ay di man lang niya kinagigiliwan paroonan, ngayon ay siyang paraiso ng kanyang puso. Iyan ngayon ang kanyang kinagigiliwan.
Sa kanyang kalooban ay buo na ang pagasa at pananalig na makausap ang kanyang irog. Mababatid ni Eduardo kung ano ang dahilan at si Leoning ay naparito sa siudad. Mababatid rin naman ng ating binibini kung ano ang sanhi ng kanilang pagkakatigilan ng pagpapalitan ng mga balita ng kanilang pagsusulatan.
Para sa binata ay kay buting pagkakataon. Gayon na lamang ang kanyang kasiyahang loob.
Dumating ang takdang oras.
Magara ang damit ng ating binata at bagay na bagay sa kanyang tindig.
—At, anong palad na pagkakataon—ang nawika sa sarili.
Natanaw niya sa may durungawan si Leoning.
Anong palad nga naman! Ang kanilang mga paningin ay karakang nagkasalubong: nginitian agad siya at boong lugod na inanyayahang pumanhik.
—Mabuti na lamang at hindi nagbabago si Leoning—ang nawika ni Eduardo.
At si aling Rita na noo'y na sa labas ay pagdaka'y pumasok at sinalubong ng boong lugod ang ating binata.
—Eduardo, magtuloy ka, halika—ang wika ng matanda—Ano, kumusta ka?
—Mabuti po sa awa ng Dios.
—Bakit mo nalaman itong amin?
—Hindi ko po sinasadyang mapadaan dito nguni't nakita ko si Leoning sa inyong durugawan.
—Mabuti naman at nalaman mo ito. Pumarito ka ngang lagi.
Gayon na lamang ang pagkalugod niya sa anyayang yaon ng matanda; kay gandang loob!
—Leoning, kausapin mo nga sila, ipagsama mo sa loob, hala pasok kayo at ako lamang ay magaayosayos dito sa labas—ang dugtong pa ni aling Rita.
At nagsipasok sila. Anong tuwa ng binata! Wala kundi pawang kasiyahan sa puso ang naghahari.
Datapwa't paghakbang ni Eduardo sa loob ng kabahayan ay nagtaka at napamangha siya ng gayon na lamang. Bakit? Ano ang kanyang nakita? kung nababatid lamang niya! Hindi sana siya nagpunta agad kina Leoning, nagdaan muna sana siya kina Pako at magpalipas ng ilang sandili doon.
May panauhin pala si Leoning!
At, bakit nakikipagngitian kay Leoning? Nanggilalas siyang lalo ng mangusap ang binibini.
—Ipagpatawad ninyo ang sandaling iyon—ang sabi ng binibini sa lalaki. Hinagisan na lamang ni Eduardo ng tingin ang kinausap.
Ano nga naman ang kahulugan ng mga yaon? Sino ang taong ito? Ito kaya'y kaagaw niya kay Leoning?
Nang magkatama ng titig ang ating binata at ang dinatnang panauhin nina Leoning ay nagsalita ang binibini ng ganito:
VII
inararangal kong ipakilala sa iyo ang kinatawan sa lalawigang C ... ang kagalanggalang na kinatawang Velarde.
—Eduardo de la Rosa po.
—Maraming pong salamat.
—Ang binata pong iyan ay aking kababayan—ang patulo'y ni Leoning. Siya ay isang nagaaral dito sa Maynila at di magluluwat at makatatatapos na sa kanyang pagaaral,—ilang araw pa't siya'y isa nang manananggol na tatawagin.
—Ah, samakatuwid nga pala ay di nagkamali ang aking sarili sa pagpapalagay na sila—sabay turo sa kaharap—iyan ay nakilala ko na. Ang ngalang iyan Bbg. Leoning ay nakilala ko na noon pang mga buwang nakaraan.
—Nakilala na ng kinatawan? At, kayo po pala ay nagkatagpo nang minsan nila?
—Oo, lamang, ang pagkakakilala kong yaon ay di paris ng sa ngayong kami ay nagkaabutan ng kamay.
—At, sa ano pong paraan?
—Nakilala ko siya sa isang pagkakataon.
Samantalang sa kabilang dako ay ni kaputok na salita ay di man lamang makabigkas ang ating binata dahilan sa kanyang pagkamangha sa mga pangungusap ng kinatawan. Bakit sinabing siya ay nakakilala ng kinatawang yaon? Bakit nga naman ay sa ngangayon lamang sila nagkatagpo? Sa paanong paraan siya nakilala ng kinatawang ito? Kaya't kanyang naitanong sa sarili:
Datapuwa't ang sumagot ay ang kanya na ring sarili;
—Nakatagpo ko na kaya ang kinatawang ito?
Sinagot ng kanya na ring budhi: hindi, hindi, hindi. Hindi pa niya namumukhaan ang kinatawang yaon.
Gayon na lamang ang kanyang pagkamangha: isang kinatawan pa ang nakakilalang mauna sa kanya. Nagtataka siya nang gayon na lamang.
At pagkuwa'y naibulong pa rin niya sa sarili.
—Aywan ko sa kinatawang iyan kung bakit sinabi niyang ako ay kanya nang nakilala noong pang una.
At, ang katotohanan nga naman ay sadyang hindi pa nakakatagpo ni Eduardo ang kinatawang ito. Para kay Eduardo, hindi man lamang sila nagkakatama ng mata kundi ng mga sandaling yaon lamang. Ang katotohanan ay talagang hindi. Hindi pa sila nagkakatagpo ni minsan. Nguni't sa paanong paraan nga naman at nakilala siya ng kinatawan?
Nang boong liwanag na marinig ni Eduardo ang mga huling salitang yaon ay halos nais na niyang mangusap. Nguni't para bang ang kanyang dila ay nadikit sa ngalangala: ni hindi makapangusap. Pinagsusuri niyang mabuti ang kalooban ng kinatawan na baka ang gayong ginagawi ng ginoo ay isang paghamak lamang sa kanyang pagkatao. Baka isang pagalipusta nga lamang pagka't, sino nga ba naman siya sa harap ng isang kinatawan gayong siya ay isa lamang hindi kilala sa mga lubhang matataas na lipunan. Sino nga ba naman si Eduardo sa harap ng isang marangal na tao? Sino siya?
Datapuwa't hindi, si Eduardo ay isang may magandang bukas. Hindi pa lamang dumarating ang kanyang araw, hindi pa lamang ganap na sumisikat ang magandang liwayway ng kanyang palad ... Oo, si Eduardo ay hindi rin naman lubhang kaabaabaan sa harap ng kinatawang ito. May maningning siyang bukas na hinihintay. Siya ay may maningning na pagasang kasing uri ng lantay na ginto. Higit pa marahil sa ginto!
Kaya't, palibhasa'y taglay ng kanyang kalooban ang mapayapa at ang malamig na pagmumunimuni ay hinintay na muna niyang pamuling magsalita ang kinatawan.
—Malaon ko na nga iyang nakilala, Bbg. Leoning—ang patuloy ng kinatawan—nguni't gaya ng sinabi ko na sa inyo, lamang ang pagkakilala ko diyan ay di paris ng lubos kong pagkakakilala sa ngayon na kami ay nagkamay.
—At, sa ano nga pong paraan?—ang agad ay agaw ni Leoning.
—Ang pagkakakilala ko ay dahilan sa kanyang kagitingang kapuripuri para sa kanyang mga kababayan. Siya ay may maningning na pagasa sa kinabukasan ng ating lahi.
Namula at lalong napamangha ang ating binata dahilan sa kanyang pagaakala na sadyang siya nga yata'y nais lamang alipustain ng kinatawang yaon. Ang ating binata ay anyung dinalaw ng poot ang loob at sasagutin na sana niya ang marangal na kinatawan—akala niya ay hinahamak ang kanyang pagkatao,—nguni't hinadlangan agad siya ng ating kinatawang Velarde at sinabing:
—Hindi naman ito sa pagpuri ng harapan—ang dugtong ng kinatawan at saka nagpatuloy.
—Ang pagkakilala ko sa inyo ay ipagtataka nga ng inyong sarili. Hindi ba ginoong Eduardo de la Rosa?
—At sa ano pong paraan mahal na kinatawan?—ang pagdaka ay naisagot ng tinanong.
—Karangalan ninyo at karangalan ko ang ipagtapat ang lahat. At, masasabi ko pa ring hindi karangalan lamang natin kundi ng inyong bayan at mga kababayan.
Gayon na lamang ang pagkamangha ng dalawang kaharap, sa kinatawang nagsasalita at kung bakit nga nama't ayaw pang ipagtapat agad ng lubusan ang kanyang sasabihin.
—Nang kayo ay unang makilala ko, G. de la Rosa, ay buhat pa noong kayo ay magtamo ng First Prize sa ginanap na talumpatian ng mga nagtatapos sa kolegio ng pagkamanananggol sa maaliwalas na Grand Opera House.
Nang mabigkas ang ganitong mga pangungusap ng kinatawan ay saka pa lamang nagluwag ang dibdib ni Eduardo at halos ang humalili sa kanyang pusong kanikanina ay waring may poot ay gayon na lamang kasiyahang loob. Totoo nga ang sinabi ng kinatawan.
—Kaya Bbg. Leoning, hindi sa pagpuri ng harapan ay masasabi ko sa inyong si G. de la Rosa ay isang mapagwagi sa katalinuhan na siyang karapatdapat putungan ng laurel ng tagumpay.
At pagkasabi nito ng kinatawan ay tinapunan ng isang tingin ng ating binibini ang binatang pinapurihan. Ang tinging yaon na may kahalong ngiti ay nangahulugan para kay Eduardo ng isang pangarap na puno ng pagasa at buhay. Isang kinatawan ang pumupuri sa kanyang pagkamatalino sa harap pa naman ng isang paraluman. Gaanong lugod at kagalakan sa puso ang gayon!
Purihin ng isang kinatawan? Kay palad na pagkakataon!
—Kaya gining Leoning, kung hindi sila magagalit sa aking pagpuring ito ay ipagpapatuloy ko.
—Mahal na kinatawan, wala kayong dapat alalahanin sa isang abang lingkod ninyo—ang sagot ng binata.
—Sila gining Leoning, ay maningning na pagasa ng ating lahi. Nasa kanya ang dangal at pagasa ng Inang Bayan. At, upang aking mapatutuhanan sa inyo ng boong pagtatapat ay kung narinig lamang ninyo ang kanyang binigkas ay sukat ng magdulot sa inyong puso ng isang alaala sa ginoong iyan, na, ang ginoong iyan ay marahil ay masusulat sa inyong puso ang ginintuang mga habilin na malalalim at may kahulugang mga pangungusap.
Opo, ang bawat taong mga naroon na nakikinig, nang mga sandaling yaon na binigkas niya ang talumpati ay naghabilin sa lahat ng diwa ng mga dakilang aral at mga may kahulugan at ginintuang kaisipan na namulas sa kanyang mga labi. Hindi ito isang pagkutya sa inyo G. de la Rosa. Ako'y nagtatapat sa inyong pagkatao sa mga sandaling ito, wala nga akong ibang nais at hangad kundi kayo ay aking makilala, maging matalik na kasama at kaibigan. Hindi kaya pangit sa loob ninyo G. de la Rosa?
—Maraming salamat po kung gayong ang abang palad ko ay mabibilang ninyong isang lingkod.
—Sakaling kayo ay nangangailangan ng tulong, ay nalalaan ako kung makakakaya.
—Gayon din po naman.
—Bb. Leoning, kaya marahil, ang lahat ay nabatid na ninyo.
—Maliwanag kung gayon ang lahat.
Para kay Eduardo ay isang karangalan niyang hindi malilimot ang gayong pagkakatagpo nila ng kinatawan. Isang karangalan ng kanyang sarili ang gayong pagpuri pa naman sa harap ng kanyang paraluman. Kay inam na pagkakataon!
Samantalang para kay Leoning ay isang karangalan sa sarili ang gayong pagkabatid niya sa mga ginintuang damdamin ng kanyang Eduardo. Karangalan niya ang isang Eduardo kung gayon. Nasa kanya ang pagasa at maningning na tagumpay ng bayan at lahi.
—Ako'y naroon G. de la Rosa sa loob ng Opera nang kayo ay magtamo ng unang ganting pala ng tagumpay ninyo. Iyan ang paraan kung bakit ko nakilala ang inyong pangalan. Kaya hindi na ninyo ipagtataka kung bakit sinabi kong nakilala nga kitang malaon na ay di paris ng pagkikilala nating ngayon na pinagabot ang mga kamay. At, kung bakit hindi napapawi sa akin gunita ang inyong pangalan? Naito: ang talumpating yaong inyong inilaban, na, puno ng maraming kahulugan at palaisipan ay nalathala pa sa isang pahayagang malaganap.
At nang mabatid ni Leoning ang ganito ay dagliang kinamayan ang kanyang irog: si Eduardo at sinabing:
—Binabati kita sa iyong tagumpay na kinamtan.
—Salamat ng marami Leoning.
Na, ang pagkamay na iyan ni Leoning ay anong kahulugan na naman? Ang puso ni Eduardo ay waring nasa tunay na tampok ng kanyang kadakilaan. Nalulugod siya ng gayon na lamang. Lalo at lalong nagkakaroon ng kahulugan sa puso ni Eduardo ang gayon. Tagumpay ... Tagumpay nga ang lahat sa kanya! Halos lihim na napalundag ang kanyang puso sa galak.
Kay buting palad nga naman!
May maningning na pagasa at ginintuang pangarap ang ating binata!
Sa harap ni Leoning ay isang kinatawan ang pumuri, isang mataas na tao.
Datapuwa't pagkalipas ng ilang saglit ay dinukot ng kinatawan sa kanyang bulsa ang taglay na orasan at nang makitang ikaanim na pala at kalahati ng hapon ay nagtindig siya at sinabing:
—Magpapaalam na po ako sa inyo. Saka na muli akong dadalaw rito pagka't hindi ko na mahihintay ngayon si G. Alejandro, may mga pagkakataon akong dadaluhan.
—At hindi na po kayo maghihintay?
—Hindi na, paalam sa inyo G. De la Rosa—at ito ay kinamayan.
—Adios po.
At kinamayan din ang binibini at pagkakuwa'y nagpaalam din kay aling Rita, na, noon ay nasa labas.
At, tuloy tuloy nang nagpaalam ang ating kinatawan.
VIII
a piling ng isang Leoning ay lalong dumakila ang isang Eduardo. Lalong naging maningning ang kanyang pagasa. Kay buti nga namang idinulot ng pagkakataong yaon! Sa harap ni Leoning ay naging isa siyang dakila, isang bayani na pinuputungan sa ulo ng masaganang laurel. Purihin siya sa harap ng kanyang paraluman, ay anong tamis sa isang kalooban ng binata! Sa pakiwari niya ay walang kasing halaga, walang kasing uri,—nasa tampok siya ng gintong tagumpay at pagkadakila,—dangal ng kanyang sarili at kapurihan sa harap ng sino mang tao.
At, ngayon sa harap ni Leoning ay siya'y isang bayani. Isang bayani siya na sa pakikidigma ay nagwagi na taglay ang laurel ng tagumpay.... Sa harap ni Leoning ay naging mahalaga siya; lalong naging dakila sa puso ng kanyang paraluman. Si Eduardo, ngayon, ay siyang pagasa at dangal ng kanyang irog: ni Leoning. Siya ang pagasa, ang pagibig, ang buhay....
Samantalang sa kabilang dako naman, si Leoning ay siyang sulo sa piling ni Eduardo, siyang liwanag at tanging aliw ng puso. Para kay Eduardo ay isang maulap na langit ang titiisin niya kung wala si Leoning. Kung maglalaho si Leoning ay isang libingan, isang yungib na di man lamang inaabot ng sikat ng liwanag, isang langit na wala kahit isang bituin.
Kaya mauulit ngang magbalik ang lahat! Sila ay magkakangitian, magkakatitigan ng mga mata, magkakabatiran ng mga lihim ng puso!
At, makalipas ang ilang sandaling makapagpaalam ang panauhin ay napagisa na lamang silang dalawa. Nang mga sandaling yaong kanilang sinasarili na ang pagsasalitaan ay waring ang naguumapaw sa kanilang puso ay ang pagkalugod ng isa't isa. Nagkakahiyaan noong una datapuwa't ilang saglit lamang ay nagiba na ang kanilang damdamin: waring naguusap ng kusa ng tapatan. Nawala ang mga sandaling kanilang kanina ay pinapaghaharing katahimikan. Waring nangapipi ng hindi naman. Ang naghahari sa kanilang puso ay ang pagirog, ang pagibig na malinis. Magkapiling ngayon ang kanilang mga damdamin na waring mga dati'y nabilanggo. Ang kanilang mga pusong malaong nagkasabikan, nagkalayong ngayon ay mapalad na pamuling nagkatagpo.
—Leoning—ang panibukas ng binata—anong hiwaga at ang magusot na siudad ay kinawilihan mong tunguhin?
—Nang una nga ay ni sa pangarap ay di man lamang sumagi sa aking gunita na ito ay aking maabot, datapuwa't sadyang ganito lamang ang panahon.
—Ni hindi ko rin nga akalain.
—Ang sarili ko man, nguni't....
—Leoning, ano ang paraan at naparito ka—ang agaw agad ni Eduardo.
—Upang ipagtapat ko agad sa iyo ang lahat at lahat ay ito: Isang umaga, ang kapatid ni aling Rita, na, si mang Alejandro ay nagpunta sa ating bayan at di ko nga akalain ay inanyayahan kami na sumama sa kanya. At, matapos mapagusapan nilang dalawa ang lahat at lahat, lalo na sa kabutihan ng paninirahan sa siudad ay siyang nagbigay daan kung kaya't sa madali ring panahon ay iniwan namin ang sarili.
—Kaya kita tinanong ng ganito ay lubos at gayon na lamang ang pagtataka ko sa inyong pagkaparito.
—Magtataka ka nga marahil nguni't maliwanag na ngayon sa iyo ang lahat.
—Oo, nga Leoning, maliwanag na ngayon ang lahat, hind ko na dapat ipagtaka.
—At, saka hindi mo na naman dapat pang pagtakhan ang ganitong pagkaparito ko sa siudad.
—Nguni't masasabi kong lalong napabuti naman.
—At bakit, nang sa anong dahilan?
—Sapagka't si Leoning ko ay hindi na malalayong paris ng dati sa aking paningin.
—Ah, Eduardo, at hanggang sa ngayon pa ba'y sariwa pa sa puso mo ang lahat ng iyan?
—Bakit iyong hihinalaing malanta ang lalong sumasariwang pagibig ko sa iyo?
—Hindi ba siyang katotohanan na limot mo na ang lahat?
—Leoning, bakit mangyayari naman ang gayon?
—At hindi ka ba nagsisinungaling sa iyong mga pangungusap?
—Kausap mo yaring puso.
—Na, sinungaling!
—Nagtatapat ng boong puso Leoning.
—Kasinungalingan!
—Kasinungalingan daw.
—Eduardo, diyata kaya't hindi?
—Nang sa anong paraan Leoning? Huwag mong pahirapan ang puso kong malaong nangulila sa iyong harapan.
—Pahirapan Eduardo, pahirapan pa ang iyong sasabihin matapos mong paglaruan ang aking palad na....
At di naituloy ni Leoning ang sasabihin.
—Paglalarong ano Leoning?
—Oh! di nakita mo na at ikaw pa'y magkukungwari.
—Leoning, nagtatapat ako sa iyo, ngayon ay tapatin mo naman ako.
—Eduardo, tinatapat kita.
—Na, ano?
—Dito nga naman sa siudad ...!—na, waring di madugtungan ni Leoning ang sasabihin.
—Na, ano Leoning? Huwag mong pahirapan ang aking pusong matapat sa iyo.
—Eduardo, na di nga nagkamali ang pangarap ko noong una, ang hinagap ko sa iyo nang ako ay nasa lalawigan pa.
—Ipagtapat mo Leoning ang lahat ng iyon.
—Na, nagkatotoo nga ang lahat na, ako'y iyong lilimutin.
—Diyata Leoning at ako pa ang pararatangan mong lumimot.
—Katotohanan Eduardo ang lahat kong sinabi.
—Leoning, pinahihirapan mo ang aking damdamin.
—Eduardo, ang sinasabi mong hirap na iyan ay wala pang ika isang libo, paris ng ginawi mo sa aba kong palad.
—Leoning, liwanagin mo ang lahat.
—Oo, maliwanag Eduardo, ang lahat: hindi ba maliwanag pa sa sikat ng araw ang iyong paglimot?
—Leoning, walang sangdaling nawaglit man lamang sa alaala ko, ikaw.
—At di nakita mo na nga ang iyong kasinungalingan?
—Hindi ako nagsisinungaling; huwag mong paratangan ang sarili ng ganyan, malinis ang tibukin ng aking puso.
—Na, hindi ka nagsisinungalin?
—Leoning, isinusumpa ko!
—Isinusumpa raw!
—Tunay.
—Na, apat kong liham sa iyong ni isang kasagutan ay di man lamang ako nagtamong tugunin kahit minsan. Hindi ba maliwanag pang higit sa sikat ng araw? Talagang hindi nga naman nagkabula ang pangarap ko Eduardo, na, pagdating mo na ng Maynila ay limot mo ang isang sumisinta ng tapat.
—Leoning may katuwiran ka, nguni't hindi mo naliliwanagan ang lahat.
—Na ako pa ang malalabuan sa iyong pagsisinungaling
—Hindi Leoning.
—Hindi, ang ako ay pahirapan?
—Leoning, oo, hindi mo nga lamang nababatid ang lahat. Kung nang mga sandaling tinatanggap ko ang iyong liham ay makikita mo lamang ang aba kong kalagayan, ay mapatak din marahil ang luha mo kung may habag ka sa abang Eduardong ngayon ay kausap mo. Leoning, salamat at ako ay hindi sadyang kulang palad pa at kung nagkataon sana ay hindi na ako si Eduardo ngayon.
—At ano ang nangyari sa iyo Eduardo?
—Leoning, napapasalamat ako sapagka't ako ay naaalaala mo marahil nang panahong yaon. At kung nasaksihan mo lamang nang mga sandaling mangyari sa katawan ko ang sakuna at kung hindi ko nga nailagan marahil ay ni isang "ay" o isang "Diyos Ko" ay hindi man ako nakapangusap.
—At napaano ka Eduardo?
—"Nang isang hapon ay ako ay inanyayahan ng mga kakilala ko't kaibigan sa isang sayawan sa masayang Malate. Ang sayawang yaon ay parangal sa pagsapit ng ikalabing siyam ni Bbg. Anita Fernandez, datapuwa't ang naging wakas nga ng kasayahan ay ang kasakunaang nangyari naman sa akin. Hindi ko na kailangang sabihin pa sa iyo ang mahahabang salaysaying ukol dito. At, nang kasalukuyang naghahari ang kaligayahan ay biglangbiglang nagkagulo ang marami sa paguunahang manaog dahilan sa isang sunog ang naging simula.
Maraming mga binibini ang nasaktan at ako nga ay inabot ng isang malubhang sakuna. Hindi sa isang pagmamalaking loob ay tinangka ko ang makatulong sa pagliligtas ng ilang mga mahahalagang kasangkapan ng mga nasunugan, datapuwa't sa isang masamang pagkakataon ay isang sing bilis ng kidlat na biglang pumatak mula sa itaas na tumama sa kamay ko ang mabigat na pirasong kahoy, saka isang kahon, na di ko nailagan na siya ko ring ikinalugmok agad noon din.
Napasigaw na lamang ako at sa pagsaklolo sa akin ng ilan, ay tinulungan ako sa paguwi ng tahanan, na, ang kamay ko ay gayong nagsisidhi ang sakit na di ko maikilos at namaga na tuloy.
Mahigit na isang buwang ang kamay ko ay may putpot at nakasabit sa leeg ko sa pamamagitan ng damit na nakapulupot. At, sa awa ng mga manggagamot ay mabuti na lamang at ang butong nabali ay napasauli sa dati at lumakas.
Makalilibo kong ninais na ang ganito ay ibalita sa iyo datapuwa't ang kamay ko'y ni hindi makahawak ng panulat. Ninais kong magpasulat sa iba, nguni't ang budhi ko na rin ang nagpakatanggitanggi sa dahilang hindi ko nais mabatid ng iba ang lihim ng ating puso. At, hindi ba ikaw rin Leoning ang may sabing hangga't maililihim natin sa madla ang malinis na pagiibigan ay di natin ipamamalay?"
—Oo, Eduardo.
—Kaya't wala akong maging paraang gawin upang ibalita sa iyo ang gayong nangyari sa akin at saka mababatid mo na, naito ang kadahilanan kung bakit ang mga liham mo ay di ko nasagot. At, salamat at hindi sa ibang panig ng katawang maselan ako inabot ng gayong sakuna at kung nagkataon sana ay hindi na ako Eduardo ngayon. Wala na ngayong Eduardo at mababalita mong namayapa na.
At napairap at ngumiti si Leoning sa pagkasabing gayon ang kanya sanang naging palad.
At nagpatuloy si Eduardo nang makitang ang binibini ay umirap ng bahagya sa kanya at ngumiti.
—Maluha ka rin kaya Leoning, maluha ka rin kaya kung ako'y tinanghal na bangkay?
—¡............!
—Leoning, maluha ka rin kaya?
—Eduardo, hindi ako ang maluluha, kundi ang paralumang noo'y sumaklolo sa iyo.
—Nguni't kulang palad nga ako at walang paraluman noong lumapit man lamang sa akin ... Wala akong tinatawag sa sarili kundi: Leoning! Leoning! Nguni't ang tinatawag kong yaong ngalan ay di man lamang nagmakaawang lumapit. Oo, wala, walang walang lumapit. Kung hindi pa lumapit ang....
At hinadlang ni Leoning.
—Kundi ibang Leoning.
—Kundi ang mga kaibigan kong mga binata.
—At, nang ikaw ay gumaling ni balita ay di ka naman lamang nag....
—Leoning, anim na liham na paraparang ibinalik ni Bbg. Leonora.
—Na, kahit isa ay wala akong tinanggap.
—Pagka't marahil ay narito ka na sa siudad.
—Na, sa makatwid ay sinisisi mo si Leoning?
—Hindi, at naliwanagan ko ang lahat.
—Maliwanag na iyong nilimot.
—Leoning hindi mo na kailangang pahirapan ang aking puso.
—Dinaramdam mo ang hirap ng iyong puso nguni't ang abang palad ko ay di mo namamalayang ang titiitiis ng dahil sa pagaalaaala sa iyo.
—Leoning tunay kaya?
—Asahan mong ako'y di marunong lumimot sa sinanglaan ng pagibig.
—Leoning, salamat.—At hinawakan ang kamay ng binibini na dahilan sa galak ng kanyang puso....
Datapuwa't ang kanilang maligayang paguusap ay nahinto. Ang masaya nilang paguusap ay nabulabog. Ang kanilang pagngingitian ay natigil, kapwa nagulat ang dalawa. Bakit? Ano ang kahulugan noon? Isang putok ng rebolber ang kanilang narinig. Ano ang nangyayari? At dinunghal ni Eduardo ang bintana ay maraming taong nagkakagulo. Bakit ano ang nangyari? Ano ang nangyaring yaong gulo na sa tapat pa naman ng bahay nina Leoning? At, nang makita ni Eduardo ang pinagkakaguluhan ay nakita niyang isang bisig ang inaaugusan ng dugo: sino iyon?
Subali't sa kanyang pagkakapako ng tingin sa taong yaong may sugat ay siya namang pagkabaling ng tingin sa kanya at nang siya ay makita ay biglang ngalan niya ay tinawag na napapahabag.
—Eduardo, tulungan mo ako halika.
Ganyang pangungusap ang kanyang narinig nang siya ay makita ng may sugat ang bisig. Sino ang lalaking yaon; at ano ang kapahamakang yaon nangyari? Sino ang may diwang masama na nagpatama sa bisig niya ng punglo?
Alamin natin!
IX
ng gulong yaon ay nakabulahaw ng gayon na lamang karaming tao. Sino nga naman ang may kagagawan noon? Isang bisig ang inaagusan ng dugong hindi maampat ang pagtulo. Waring lalong naghuhumapdi habang nagtatagal. Ang ibang nakamalas sa anyong kaawaawa ng may sugat ay halos dinalaw rin ng habag ang mga damdamin, kinaaawaan ang binatang sawing naghihirap.
Kaya't di naglipat saglit at ang naruong nakamalas sa kalagayan ng binata ay kaagad na tumawag ng karo-ambulansia ng pagamutang bayan (Heneral Hospital). Ang kaawaawang kulang palad na binata ay halos nalugmok na lamang sa lansangan. Kaawaawang binata! Ang binatang yaon ay dili iba't ang matalik na kasama't kaibigan ni Eduardo: si Pako, ang binatang nakatira sa tapat nila Leoning.
—Eduardo, mangyaring tumawag ka sa maykapangyarihan upang pagusigin ang may masamang hangad na iyon sa akin.
—Pako, na paano ka? Ano ang ginawa mo at ikaw ay sinaktan ng kung sino?
—Mapayapa akong naglalakad nang hindi ko hinihintay ay nangyari ito sa akin.
—Sino ang may kagagawan kaya?
—Wala akong malay.
—Diyata?
—Oo, narinig ko na lamang ang putok at naging parang kidlat na biglang tumagos sa bisig ko ang punglo.
—Pako, wala kang nakita kahit na sino?
—Walang wala nga.
Samantalang walang makaimik sa mga taong nangaroon, na, nakasaksi sa kalagayan ng kaawaawang binata. Salamat na lamang at dinaluhan agad ng may kapangyarihan: dalawang pulis ang madaling lumapit upang siyasatin ang pangyayaring yaon.
Datapwa't sa pagdalo kayang yaon ay matiyak din agad nila kung sino ang may kasalanan? Sino kaya roon ang kanilang paguusigin?
Paglapit ng dalawang pulis na magsisiyasat ay paraparang natahimik ang lahat. Naghari ang mga sandaling walang nagsasalita man lamang. Ano kaya at sino ang tatanungin doon? Wala namang matiyak ang tinamaan kung sino ang may gawa ng kasakunaan umabot sa kanyang katawan.
At, ang dalawang pulis ang siyang nagtatanong ng mga bagaybagay sa pangyayari kay Pako, kung sino ang may kagagawan noon ay walang matiyak naman ang ating binata, sa katotohanan, hindi niya nakita ang may masamang hangad na iyong napoot sa kanya.
Makalipas ang ilang sandali, ay dalawang malaking lalaki naman ang lumapit, na, waring humawi sa salipunpon ng mga tao. Ang dalawang ito ay kapwa makisig: mga sekreta pala. Sila naman ang nagkuha ng tanong sa tinamaan, nguni't ni hindi rin matiyak kung sino ang may kagagawan.
—Sino ang may kagagawan ng ganito?
—Hindi ko po maalaman.
—Bakit pinatamaan ka ng punglo?
—Wala po akong malay; papauwi na lamang ako nang hindi ko hinihintay ay nangyari nga ang sakunang ito.
—Mayroon ka bang kaalit?
—Wala po akong nalalaman.
—Wala ka bang nakakasamaang loob dito?
—Wala po.
—Hindi mo na matiyak kung saan nagbuhat ang punglo?
Datapwa't ang tanong na ito ay hindi nasagot ng binata. Nakatalikod siya ng tamaan. Samakatwid ay sa kanyang likod nagmula. Nguni't hindi rin naman niya matiyak ng lubusan. Hindi nga naman nakita niya at sa katotohanan ay wala siyang matitiyak na sino man sapagka't nang siya ay pauwi na ay tahimik ang kanyang loob na hindi niya hinihintay ang gayong mangyayari. Kung nalalaman lamang niya, di sana ay nakahandang umilag. Wala ni sino mang nasa harap niya na nakita na may maghahangad ng gayon. Ano nga naman ang mabuti? Sino ang may pananagutan sa gayong sakuna?
Sino nga kaya ang mananagot?
Wala, wala sapagka't ang may masamang budhi ay di nakita. Wala sapagkat walang matiyak ang mga maykapangyarihan, kung sino ang may kagagawan ng pangyayaring yaon. Wala, sapagka't hindi matiyak nino man at ni hindi rin matiyak ng tunay na tinamaan. Wala, sapagka't walang matukoy ang tinamaan: wala siyang kaalit, walang kasamaang loob at walang nalalamang may nagmamasamang loob sa kanya.
Datapwa't hindi, kailangan ang may sala ay madakip. Hindi maaaring walang gagawang sino man sa may kalapit din ng pook na iyon ng pinangyarihan. Hindi mawawala roon ang nagbigay-bulahaw sa mamamayan ng gulong yaon.
Walang salang naroroon!
Kailangan lamang ang isang mahigpit na pagsusuri at mahigpit na pagsisiyasat. Kailangang makuha sa mga pook ding malapit doon. Kailangang paghanaping mabuti, kailangan ang mahigpit na paguusig sa may kasalanan. Kailangang pagusigin, ang nakapagbigay gulong yaon sa katahimikan ng mga tao. Kailangan ang lahat ng ito.
At, hindi maaring ipaggayon gayon lamang ang pangyayaring ito. Kailangan paghabulin ng isang kaawaawang binata ang kanyang kinamtang kasawian. Diyata ba't kanyang pababayaan na lamang ang gayon? Oh! hindi! Hindi niya maaaring pabayaan. Mayroon tayong pamahalaang matatag at malaya. Na, ang isang tao, ang isang individual ay malaya at di maaring upasalain ng maling pananalig. Ang isang tao ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng mga batas, na, ang mga batas na iyan ay siyang matibay na saligan at pinagbabatayan ng mga matwid ng isang mamamayan.
Na, ang isang tao ay di dapat upasalain kung sino man siya. Na, ngayon ay di na paris ng mga nagdaang panahon na ang nakapaghahari ay ang lakas sa hina. Malaya ngayon ang lahat; walang busabus, walang alipin. Lahat ay may kanyang matwid na gumamit ng karapatan sa harap ng batas na kailan ma't ang batas na ito ay matuwid at siyang umiiral.
Na, ang mga taong lumabag sa ipinaguutos ng batas ay mapaparusahan.
Kaya't kinakailangan ng isang tao ay sumunod at sumubaybay sa ipinaguutos ng kapangyarihan kailan ma't nababatay sa batas. At, ang pagsunod ng isang tao, o ng bawa't individual sa batas na pinagbabatayan ay isang paraang magiging daan ng pagkakaroon ng isang bayang payapa, ng isang bayang dakila, ng isang bayang sa sangsinukob ay walang nakapaghahari kundi ang batas ni Bathala at ang batas na ito ay ang pagkakapantaypantay.
Kaya kailangan ang madaling pagkilos ng maykapangyarihan. Kailangan ang paghanap sa dapat na pag-usigin. Oo, kailangan ang lahat ng ito sapagka't kung ipagpapaliban pa ay baka makalayo, baka lalong mawalang bisa ang lahat ng mga paraan sa ikadadakip ng may masamang budhing yaon. Oo, kailangan sapagka't baka ang may kagagawan noong may diwang "Bolsibismo" ay minsan pang maulit. Baka maulit pa ang pangyayaring yaon na di dapat mangyari sa isang bayang payapa.
At, sa pangyayaring yaon ay di nagpabaya ang mga maykapangyarihan. Pipiliting hanapin ang may kagagawan noon. Kaya kailangan ang sila ay magsikilos. Kailangan liksihan ang paguusig sa ikatatagpo ng nanakit na yaong ngayon ay nawawala sa mata ng madla.
Nguni't ang lahat ng pagkakasala ay dapat pagbayaran. Alin mang may utang ay nagbabayad. Mahuhuling walang sala, kundi man ngayon ay bukas o dili kaya'y darating ang tadhanang araw na kanyang magiging sukdulan upang isigaw ang lahat ng kanyang mga ginawa at masasamang hangarin.
Kailangan paghanapin ang lahat ng ito upang ang matuwid ay siyang lumitaw sa harap ng katiwalian. Kailangan sapagka't ang matuwid ay kailan man ay matuwid na dapat paghabulin ng isang tao ang kanyang sinusubaybayan.
At, ang masasama ay may kanyang kalalagayan. Ang masama ay masama. Kaya kailangan ang masama ay mabukod sa mabuti at ang mabuti ay mabukod sa masama. Sa sangdaigdig ay sadyang may ganito, na ang masasama ay sa masama at ang mabuti ay sa mabuti.
Sino nga naman ang magkakapasasabi ng gayong pinagmulan ng pangyayaring muntik ng ikinasawi ng isang binatang tahimik ang loob at walang malay?
Nguni't ang lahat ng bagay ay mayroong wakas. Ang lahat dito sa mundo ay natatapos. Ang kaligayahan ay di namamalagi. Paris ng langit na kung minsan ay maulap at kung minsan ay maaliwalas.
Ang may kagagawan nito ay nagkaroon din ng takot, kaya hindi maaaring ilihim niya sa mata ng tao ang kanyang kasalanang nagawa. Hindi maaaring ilihim niya sa harap ng tao ang kanyang kasalanan. Nagkasala siya, siya ay namaril. Samakatuwid ay isang kasalanan ang ganito.
Sa pagkakabaril niya ay nagkasala ang kanyang sarili sapagka't ang pinatatamaan niya ay nakailag. Nang makita niyang ang tinamaan ay ang kulang palad na binata, pagdaka'y iniurong ang rebolber at parang walang ano man. Datapuwa't kailangang siya ay magsabi ng totoo.
Kailangan!
Kailangan nga sapagka't ang mga maykapangyarihan ay nagsikilos. Bagama't ang kanyang budhing nagkasala ay nanahimik na sandali ay muli ba waring pinagharian din ng poot pa ang loob. At bakit? Sino ang taong iyon? Sino itong ngayo'y waring isisigaw ang kanyang nagawang pagkakasala?
At, nagsalita na waring inubos ang lakas:
—Sukab! Sukab!
Na, ang salitang itong malakas ang waring nanoot sa mga pandinig ng ilan. Narinig ng dalawang sekreta, kaya't sa bahaging pinanggalingan ng hiyaw ay daglian agad na pinatunguhan ng dalawang kawal ng maykapangyarihan.
—Sukab na asawa! Oo, pinugayan mo ang aking karangalan, dahil dito ay muntik tuloy ikasawi ng mga tahimik na budhi. Oo, ang pangyayaring iyan ay, isang bagay na dapat mong pagaralan. Ikaw ang asawang dapat sumpain.
Sino ang asawang yaong pinagngitngitan ng galit?
Ano ang ginawa niya na naging daan ng pagalimura sa asawa namang humihikbi?
Samantalang ang asawang nagwalang bahala sa karangalan ng nagsasalita ay waring napahibik na lamang at ni kaputok na pangungusap ay di nakasagot.
Taksil! Kaya ngayon ay maaaring hindi ka na pakita sa aking pangmalas. Magagawa mo na ngayon ang iyong ibig at ako'y napopoot ng tumingin sa iyo.
—Ikaw ang magwawasak ng karangalan ko at magpuputong sa ulo ko ng kawalang hiyaang pagsusukab?
Samantalang ang nagngingitgit na iyon sa galit ay dagling tumalikod at sinabayan ng panaog. Mabuti na lamang at nakalamig ang kanyang loob na sana ay bibigwasan pa noong unang mangyari ang pagpapaputok, subali't nang kanyang makitang iba ang tinamaan ay nagbago ang kanyang nagdilim na isip.
Nakakalabas pa lamang siya ng pintuan ay hinarang na agad siya ng dalawang sekreta at sinabing:
—Mahal na ginoo, hindi kaya sakaling maging pangit sa kalooban ninyo ang kami ay magtanong ng nauukol sa pangyayaring itong muntik ng ikasawi ng isang tao?
—Opo, maaaring ipaliwanag ko sa inyo ang lahat.
At, hindi na nakapagtanong pa ang dalawang kawal ng maykapangyarihan at sila ay tuloy nagsilakad sa kinatatayuan ng sawing palad na si Pako.
—Pako—ang wika ng taong kasama ng dalawang sekreta—muntik na palang nasawi ikaw sa pangyayaring ito?
—Mang Pepe, sino ang may kagagawan nito, hindi mo po ba nalalaman?
—Pako, ako ang may sala ng lahat, oo, ako ang mananagot sa pangyayaring iyan.
—Mang Pepe, nang sa ano pong paraan, bakit akong iyong isang pamangkin ay ginanito?
—Saka ko ilalahad sa iyo ang lahat. Hindi ko kinusa ang pangyayaring iyan kaya malalaman mo ang simula.
—Mang Pepe, ano ang sumadiwa ninyo?
—Hayaan mo't saka na.
—Oh, maano pong sabihin na ninyo ang lahat ng mahiwagang pangyayaring ito!
—Ano po ang inyong ginawa?
—Oo, malalaman mo ang lahat, ipadadala mo na kita sa pagamutan at upang mabigyang lunas agad iyang sugat.
—Sumama na po kayo sa akin at ilahad ninyo ang lahat at lahat.
—Oh! hwag na, sumakay ka na sa iyong auto at ako ay hahanap ng ibang magpapalakad pagka't ang kamay mo ay hindi makakilos.
—Sumama po kayo.
—Hwag na at ako ang bahalang maglahad sa maykapangyarihan nitong mahiwagang gulong ito.
—Sasama kayo sa maykapangyarihan at bakit?
—Sasama ako upang malaman ang lahat ng hiwaga ng pangyayaring ito na nagbigay ligalig sa maraming tao.
—Kung ikaw rin po lamang ang may kagagawan ng lahat kong itong sinapit, ay hwag na, hindi na kailangan.
—Ipinagsasama nila akong pilit upang kunan ng tanong—na sabay turo sa dalawang sekreta—hala magpunta ka agad sa pagamutan upang iyan ay malunasan.
At di na nagsalita pa ang binata. Sa mga pangungusap ng matandang Pepe ay hindi na siya kumibo. Ano nga namang kung pinipilit ng maykapangyarihan na siya ay ipagsama?
At hustong dumating naman ang karo-ambulansia. Sumakay siya at ang matandang Pepe naman ay ipinagsama ng dalawang sekreta sa Bagong Bayan upang kunan ng ilang tanong sapagka't walang iba kundi ito ang may kinalaman sa pangyayaring yaong gulo.
Kaya't gayon na lamang ang nagharing bulungbulungan! Ano nga naman ang naging sanhi nang pangyayaring yaon at ang isang Pako pa na pamangkin ni mang Pepe ang tinamaan?
Sino kaya ang nakababatid ng lihim na iyon?
Sino nga kaya? Ang lahat ay parang namangha na lamang. Kaya't ang maraming taong nakasaksi sa kaunting ligalig na nangyari ay nagkahiwahiwalay na ang mga pagkukuro ay nagtatalo sa kung ano anong hiwaga ang pinagmulan ng gulo.
Ang lahat ay parapara ng nagsipagalisan. Nilisan ang pook na yaong hindi naman nila man lamang nabatid ang tunay na naging simula.
Si Eduardo ay muling nanhik kina Leoning at sana'y pamuli pa niyang kakausapin ang binibini at ipagpatuloy ang naputol nilang masayang paguusap datapwa't ang gayon ay di na nangyari sapagka't maraming nagtatanong sa puno't dahilan ng gayon at pati si aling Rita ay nakihalo na sa kanilang paguusap sa kahiwagaan ng nangyari.
Kaya't gayon din lamang ang naghaharing bulungbulungan ay tinangka na niya ang magpaalam. At, isa pa ay itatanong sa kanya kung ano ang kahulugan ng mga hiwagang yaon datapwa't hindi naman niya masagot kaya't nagtindig na siya at sinabing:
—Leoning, hanggang sa muli.
—Hwag mo sanang limutin ang muli mong pagdalaw dito.
At si aling Rita pati ay nakilahok na sa usapan nila at sinabing:
—Hwag ka sanang makalilimot ng pagparito.
—Hindi po.
At nanaog na ang ating binata. Sa durungawan ay muli pang nagdulot si Leoning ng isang ngiting puno ng pagasa para kay Eduardo na habang natatanaw at naaabot ng kanyang titig ang binata ay di naaalis ang pagkakapako ng kanyang paningin. Para kay Eduardo ay naging ilaw naman niya sa paglakad ang gayong mga ginawi ng binibini.