WeRead Powered by ReaderPub
Hiwaga ng Pagibig cover

Hiwaga ng Pagibig

Chapter 30: XV
Open in WeRead

Explore more books like this:

About This Book

A provincial romance traces the intense courtship of Leoning and Eduardo, portraying their affectionate encounters, tender promises, and moments of silence that reveal insecurity. When Eduardo must leave for the city and several of his letters are returned, suspicion, longing, and fear of abandonment intensify. The narrative emphasizes miscommunication, emotional restraint, and the fragility of promises under distance and social expectation, alternating intimate scenes with the narrator's reflections on youthful passion and regret, and leaving the lovers' future uncertain amid yearning and moral tension.

XIV

asalukuyan noong idinaraos ang masiglang sayawan sa maaliwalas na auditorium ng karnabal sa Maynila.

Sa sayawang yaon ay waring walang mababakas na ano mang kalungkutan sa bawa't mga naroroong mga nagsisipagsayaw. Waring ang mga puso ay naghehele sa katamisan ng kaligayahan sa kandungan yaong naging isang langitlangitan dito sa lupa na puno ng maraming mga bituing nagkislapkislap.

Ano pa't ang auditurium na yaon ay ganap na pugad ng tuwa at kaligayahan ng puso. Isang pugad na pinaghaharian ng tuwang walang kahulilip. Ang lahat ay ngumingiti at mayroon pang maririnig na malakas na halakhakan.

Datapwa't sa kabilang dako noon ay may isang puso ring bagama't gayong nasa kandungan ng katuwaan at kaluwalhatian ay paminsanminsan ding dinadalaw ng himutok. Sino kaya siya? Bakit sa harap ng halakhakang yaon ay hindi siya makipagngitian?

Kaya sa ganyang anyu ng binata ay may isang kaibigang lumapit sa kanya at sinabing:

—Eduardo, waring ang loob mo ngayon ay nagiging matamlay? Bakit, bakit ang mga sandaling paris nito ay iyong pinararaang tila ba walang kabuluhan?

—Pako, hwag mong pagaalahanin ang ganito para sa akin. Walang anoman Pako.

—Hindi ka sana dapat magkaganyan, halika at magsayaw ka.

—Hwag na, salamat, ikaw na lamang.

—Hindi, hindi Eduardo, halika—at binatak sa kamay ang kausap.

—Pako, sukat na huwag na....

Hindi nakatanggi ang ating binata at sumama rin. Masama nga namang malasin ang sila ay magbatakan pa sa karamihang yaon ng mga tao. Sukat na ang isa ay umayon.

—Pako, wala pati akong pareha.

—Eduardo hindi ka maaaring mawalan, halika na—na tuloy hila pa rin ang kamay ni Eduardo ni Pako.

At makalipas ang isang saglit ay siyang paglapit nila sa harap ng isang binibini na sa isang tanging luklukan at pagkaharap nila sa dinatnan ay sinabi ni Pakong:

—Ikinararangal kong ipakilala si G. de la Rosa.

—Fely Ester po.

—Eduardo dela Rosa po naman.

—Maraming salamat po.

—Gayon din po naman.

—Fely—ang wika ni Pako samahan mo nga silang magsayaw.

At ang dalaga ay walang naitugon kundi isang matamis na ngiti lamang na nagpapahayag ng pagayon.

Kaya sa tugtog ng isang malambing na "Waltz" ay sinaliwan nilang boong ayos. Waring sa mga bisig ni Eduardo ay naghehele sa katamisan ng pagindak si Fely, datapwa't gaano nga naman sanang lugod kung ang makakasayaw ni Eduardo ay ang dati niyang irog?

Para kay Eduardo ay naliligayahan man siya nang mga sandaling yaon ay isang kaligayahang pangkaraniwan lamang at di paris sana kung kasayaw ang dating kasuyuan, si Leoning, nalubos sana ang kagalakan ng kanyang puso.

Datapwa't hindi hinihintay ni Eduardo na sa pagsasayaw nilang yaon, ang binibini pa ang nangunang mangusap at sinabi sa kasayaw na:

—Kayo na po lamang ang magpaumanhin at ako ay hindi gasinong sanay.

At, ang gayong pangungusap ni Fely ay waring nagkaroon ng kahulugan para sa binata. Hindi niya akalaing si Fely ay magsasalita ng gayon. Alam niyang ang dalaga ay sadyang sanay at mabuti na lamang at sila ay kapuwa bihasa. Ang pagindak nila ay ayos na ayos at talagang mahusay.

Kaya ang gayong pangungusap ni Fely ay wari ba yatang isang pagkutya lamang sa binata. Datapwa't hindi, ang dalaga ay ibig lamang may mapagusapan.

Kapawa sila mabuti at nagkakaayos sa pagsayaw.

At, sa paghihinalang yaon ni Eduardo ang pananalita lamang na yaon ni Fely Ester ay isang paraan lamang na sila ay may mabuksang usapan ay kanya namang sinagot ng ganito:

Kaya Bbg. Ester, kayo nga po ang magpapaumanhin sa akin dahil sa di ko kasanayang paris ninyo.

—Hindi po sa gayon, talaga pong sanay kayo.

—Hindi nga po lamang tulad ninyo.

—Katotohanan po ang sinasabi ko sa inyo, mabuti kayo.

—Bbg. Ester huwag na naman kayong kapalibhasa sa isa ninyong bagong kakilala.

—Hindi po isang pagpalibhasa ang gayon.

—Kung gayon po ay maraming salamat sa inyo.

—Wala po naman kayong dapat na alalahanin.

—At maiba ko po naman ang ating usapan—ang patuloy ni Fely—hindi po ba kayo ang G. de la Rosang nagtagumpay sa nakaraang oratorical contest ng Philippine Law School noong araw na gininap sa Grand Opera House?

—Kung may ipaguutos po.

—Samakatuwid nga pala ay di nagkamali ang aking hinala.

—Nang sa ano pong bagay?

—Na kayo nga ang G. de la Rosang mapagwagi at mapagtagumpay.

—Tila po naman lampas ang inyong papuri Bbg. Ester.

—Hindi po ikinararangal ko nga at ang kaibigan kong Pako ay nagkaroon ng isang matalik na kasamang matalino. Na, inyo pong alam na G. de la Rosa.

—Na sino po siya—ang tila pakunwari ni Eduardo.

—Alam na po ninyo.

—Hindi ko po siya kilala.

—Kilala po ninyo.

—Hindi kaya ninyo maaring pakisabihin lamang ang ngalan sapagka't nais ko lamang siyang makilala at kung sakali at mangailangan siya ng tulong at aking makakaya ay nalalaan naman akong abang lingkod.

—Siya po ay isang binata.

—Nguni't hindi ko po siya kilala; inyo nga pong turan na.

—Isa po siyang nagaaral at malapit ng magtapos sa pagkamanananggol.

—Bbg. Ester, tila po may ibig sabihin ang lahat ng pangungusap ninyo ah!

—Wala po at siyang katotohanan.

—Katotohanan daw? hindi po yata. Na sino kaya siya?

—Wala pong iba kundi si....

—Sino po?

—Si G. de la Rosa.

—At si G. Dela Rosa po pala? Kay laking kahiwagaan ng ginawa ninyong pagtataka para sa akin.

—Hindi ninyo dapat ipagtaka.

—Kung gayon po ay maraming salamat at nagi niyang isang kahulihulihang kaibigan na, gayon na lamang ang pagkagalak ko.

—Bakit po at lubos ang inyong pasasalamat?

—Sapagka't kundi sa kanya ay di ko kayo makakakilala.

—Oh! kayo naman.

—Siya nga po.

Datapwa't ang kanilang paguusap ay nagambala sa dahilang isang bati sa binibini ang narinig ng dalawang magkasayaw. Sino yaon?

—Ester—ang kanilang narinig.

Datapwa't nang una ay hindi mahulaan ni Ester kung sino ang tumawag na iyon, hindi niya makilala dahil sa ang tinig ng pangungusap ay binago at pinakaliitliit na pakinggan. Kaya hindi makikilala ni Ester kung hindi makilala ang kilos ng tumawag.

At pamuling inulit ang tawag.—

—Ester, nakikilala mo na ba ako?—na waring nasulyapan ni Ester ang mukhang ngumiti ng tumawag.

—Ah, oo, kilala na kita.

—Leoning, Leonora.

Sa pagkarinig na gayon ni Eduardo sa ngalang Leonora ay kanyang nawikang sino kaya ang Leonorang yaon? sino ang Leonorang iyon, baka kaya si Leoning ah?

At, mahirap nga naman ang pangyayaring yaon dahilan sa hindi sila magkakilala sa may mga takip ang kanilang mga mukha. Isang napakahiwaga ang gayon para kay Eduardo, baka nga kaya si Leoning?

Kaya't ang kanyang kalooban ay waring napakaba na lamang dahil sa pagsasalawahan ng loob. Hindi niya akalain ang gayon pagkakataon kung si Leoning nga iyon na kanyang irog na ngayon ay kausap ng kasayaw.

Hindi naman agad siya makaharap sa tumawag na yaon kay Ester sapagka't baka siya ay makilala ang ayos bagama't nakadespras din. Dangan nga lamang naman ay hindi pa rin niya mapaniwalaan pagka't ang tinig ng pangungusap ay iba at hindi tila boses ni Leoning. Nguni't aywan din natin. Maaaring sa mga gayong pagkakataon ng halakhakan ay magbalat-kayo ang lahat: pati tinig ay maaring magbalat-kayo.

Nguni't si Leoning nga kaya yaon?

Mabuti na lamang at si Eduardo noon ay may takip ang mukha nakadespras siya, kaya hindi na siya nagalinglangang humarap sa binibining tumawag sa kanyang kasayaw.

At palad si Leoning nga! Si Leoning na noon ay kasayaw ng kaagaw ni Eduardo: ni Daniel Perez.

At mabuti na lamang at hindi agad siya nakilala. Ang akala ni Leoning ay kung sinong kaibigan lamang iyon ni Fely Ester, kaya parang walang ano man sa kanya.

Datapwa't napatotohanan ni Eduardo na siya ay talagang hindi nagkakamali sapagka't tunay na pangangatawan yaon ni Leoning at saka ang takip sa mukha ni Leoning ay kaunti lamang at nakalitaw ang mga labing sinusungawan ng ngiti na ang ngiting yaon ay kilala agad ni Eduardo kahi't na yata na sa malayo.

Nguni't napamangha rin si Eduardo at nang upa lamang huwag mahalata ay nagiba ang kilos, sa pagsasayaw.

At huminto ang pagtugtug ng orkesta. At palad nagkataon naman sila noon ay nagkalapitlapit. Ano kaya ang mangyayari, baka sila magkalinlan kaya? Waring mangingilag ang ating binata dapwa't hindi niya magawa ang gayon, kaya nakiharap na nga naman.

At, oh! palad, di pa nga naglilipat saglit ay nangusap na si Fely Ester sa kaibigan niyang Leonora at sinabing:

—Leonora, ipinakikilala ko sa iyo si G. de la Rosa, ang batangbatang magiging manananggol na mapagwagi.

Halos mahimatay ba wari si Leoning. G. de la Rosa? oh! ang ngalang ito ay nakatitik ng ginto sa kaibuturan ng kanyang puso.

—Si Eduardo pala—ang naibulong sa sarili ni Leoning.

At nagkamayan ding mahigpit ang dalawang magkaagaw kay Leoning: si Eduardo at si Daniel Perez palibhasa'y ang gayon ay kaugalian na ng lahat.

Datapwa't ang ginawi ni Leoning upang hwag mahalata ng kanyang kaibigang Ester at saka ng bago niyang kasuyuan ay iniabot ang kanyang kamay sa binata at nagbigay-galang:

—Eduardo de la Rosa, ang aba ninyong lingkod na mapaguutusan ng kaya.

—Maraming salamat po—na waring ang pagsasabi ni Leoning ng ngalan ay ipinakahinahina ang boses.

Nguni't parang walang ano man yaon. Hindi namalayan ng dalawang hindi nakababatid ng lihim ng puso ni Leoning at ni Eduardo.

At pamuli na namang tumugtog: isang foxtrot naman. At salamat na lamang sa pagkakataong yaon. Ginawa ni Leoning ay ipinakilala naman kay Fely Ester ang kanyang dating kasayaw na si Daniel Perez.

Kaya sa pangyayaring yaon ay nagkapalit ng makakasayaw ang bawa't isa sa kanila: si Leoning ay makakasayaw ni Eduardo at si Ester naman ay makakasayaw ni Daniel Perez. Ano kaya ang kahulugan ng mga pangyayarin yaon ...? Sadya kayang ipinakilala ni Leoning si Daniel Perez kay Ester upang kasayawin at makasayaw naman niya si Eduardo? Aywan natin. Ang pagkakataon nga naman!

At ngayon ay minsan pang nagkatagpo ang dalawang pusong waring nagkalayong maluwat.

Datapwa't ang lahat nga para kay Eduardo ay waring nagiiba. Ang kanyang kasayaw, ay waring ang mga mukha ay laging tungo sa kanya, tila nahihiya. Bakit?

At ang binibini, waring pipi at hindi sumasagot sa ilan nang mga tanong at pangungusap ng binata.

Kaya pamuling nangusap si Eduardo.

—Leoning, ang kahapon kaya natin ay ni minsan man ay di mo na magunita pa?

—Eduardo nalalaman ko ang lahat ng iyon—na sumagot na waring naghihirap ang damdamin ng binibini.

—Leoning, waring may hirap ang loob mo sa akin? Siya nga ba?

—Wala Eduardo—ang lalo pang tila paos na tinig na sagot.

—Bakit?

—Wala.

—Wala raw.

—Wala nga Eduardo.

—Leoning, nalalaman mo kaya ang kalagayan ng palad ko ngayon, na, dahil sa iyong paglimot sa sumpa ay walang oras, walang mga sandaling hindi sinisiklot ng bagabag at dusa ang aking puso?

—Eduardo, hindi ako lumilimot.

—Leoning diyata?

—Eduardo, hindi.....

—Leoning, tapatin mo sana ang puso ko.

—Eduardo, hindi nga kita nililimot, mahal ka sa puso ko—na waring ang damdamin ni Leoning ay pinagpupuyusan ng lungkot.

—Leoning, maliwanag ang pagiisip ko, hwag ka sanang magsinungaling.

—Eduardo, hanggang libingan, hindi magbabago ang dati kong pagmamahal sa iyo.

—Leoning, tapatin mo nga sana ako, kausap mo yaring puso.

—Laging tapat Eduardo, nguni nga lamang ...

—Leoning, ano ang kahulugan ng lahat mong pangungusap na iyan?

Datapwa't ang luha ni Leoning ay biglang natak sa kanyang mukhang tila garing. At sa gayon ay waring napaawa si Eduardo sa nakita niyang anyo ni Leoning.

Kaya pamuling nangusap si Eduardo.

—Leoning, bakit ano ang nangyari sa pagtingin mo sa akin sa ngayon; lason na ba ako sa puso mo.

—Eduardo hwag mong pahirapan ang aking puso, mahal kita sa lahat.

—Leoning, ano ang kahulugan ng lahat ng ito?

—Wala Eduardo, hindi nagbabago ako sa iyo, datapwa nga lamang ...—at di naituloy ang sasabihin.

—Na ano Leoning?

--- Eduardo, iniibig kita at tanging ikaw lamang datapwa't hindi yata kita palad.

At sa pangungusap na iyon ni Leoning na narinig ni Eduardo ng boong liwanag—hindi nga yata kita palad—ay waring naging subyang na mahapding tumarak sa kaibuturan ng kanyang puso.

Ano ang kahulugan ng mga pangungusap na iyon ni Leoning ...?

—Hindi raw palad....

Ang ganito ay may ibig sabihin ang lahat. Wala halos naibigkag si Eduardo kundi:

—¡Ay! Leoning!

At iyan na lamang, iyan na lamang at pamuli na namang nagkahiwalay sila pagkatapos ng ilang saglit, natapos na ang tugtugan at sila ay natapos din ang pagkakabatiran ng lihim ng puso kapwa lumuluha.

At hindi na nagkausap si Eduardo't si Leoning dahilan sa ang dalaga ay waring naghihirap ang loob sa pagsagot at hihikbihikbi, na, mabuti na lamang at hanggang sa matapos ang sayaw na hindi nahalata ng mga ibang kasama.

Ano ang kahulugan ng gayon?

Kaya hanggang sa paguwi na lamang ng tahanan ni Eduardo ay waring nagbigay ng malaking isipin at suliranin ang mga pangungusap ng kanyang irog.

Bakit? Ano nga naman ang kahulugan ng pagluhang yaon ni Leoning na kinahabagan na tuloy ni Eduardo. Ayon sa napakinggang mga kataga ni Eduardo kay Leoning ay hindi nagbabago, hindi lumilimot at dati rin ang pagmamahal sa kanya ng binibini datapwa't ano ang kahulugan ng lahat ng iyon: Hindi lamang siya palad....

Lumuluha ang binibini dahilan sa isang Eduardo.

Lumuluha ang isang Eduardo dahil sa sumpang nilimot ni Leoning.

Mga pusong nagsisitangis.


XV

ang una ay hindi lubos na paniwalaan ni Eduardo ang mga balitang kumakalat sa mga lalong matataas na lipunan sa Maynila, ang nauukol sa lalong madaling panahon na pagiisang palad ni Leonora at ni Daniel Perez.

Datapwa't nang mga sandaling yaon na kanyang pinanununghayan ang hawak na pahayagan ay siyang pagkapako ng kanyang paningin sa ikatlong dahon, na, nabasa niya ang maliwanag na titik ng mga ganitong sumusunod:

"PAGIISAHING PUSO"

Hindi na malulwatan at gaganapin sa malaking simbahang S ... dito sa Maynila ang pagiisang dibdib ng dalawang mapalad na malaon ng nanabik at nangangarap sa kandungan ng pagibig. Ang pagiisahing palad nilang ito ay malaon nang binabalak nguni't ngayon lamang sa mga hinaharap na araw isasagawa. Ang dalaga ay lubhang kilala ng marami dito sa siudad at siya ay nanirahan sa masayang bayan ng Tundo, na tumutugon sa pangalang Leonora Flores at ang makakaisang palad niya'y isang kilalang mangangalakal at mayamang taga Iloilo.

Sa dalawang pusong papasok sa panibagong baytang ng kabuhayan ay ngayon pa'y ipinaabot namin sa pamamagitan ng malaganap na pahayagang ito ang aming mataos na bati at hangad namin ang kanilang maligayang pagsasalo sa kaligayahan hanggang magpakailanman.—ANG MGA KAIBIGAN.

—Diyata at totoo nga? Kay saklapsaklap na kapalaran!

At, ang binata ay waring nawalan ng diwa, hindi niya akalain na mababasa niya ang gayong balita. Kay sungit na palad nga naman ng kanya ngayon!

Diyata at wala na nga ang lahat? Totoo nga pala ang mga balitang yaong kanyang nangarinig. Makikipagisang puso si Leonora.

Kay pait na dilidilihin ng mga balitang ito!

Kay saklap nga naman, wala na, wala na siyang pagasa, sadyang natapos na ang lahat. Wala, wala na, nauwi na lamang sa pangarap ang kanyang maligayang kahapon. Oo, ang lahat ay parang maitim na lamang na ulap para sa kanyang palad. Naglaho na ang kanyang langit, naglaho na si Leoning at nilimot ang sumpa.

Naglahong lahat!

Oo, naglaho ng lahat, at wala ng kapagapagasang pamuli pang manumbalik ang kanilang masayang kahapon. Wala na, oo wala na at natulad na lamang sa araw na nilamon ng ulap. Ang kanyang pagasa ay naglaho rin, kinain ng laho, sinakmal ng dilim.

Ay! Eduardo!

Tapos ng lahat ang kaligayahan ng iyong puso. Wala na si Leoning at hinding hindi mo na makakaulayaw. Ang mga ngiti niya, ang kanyang mga titig, ang kanyang mga sulyap na dating iniuukol sa iyo, ay kinain nang lahat ng laho, sinakmal ng ulap at tinangay ng hangin sa alapaap.

Ay!

Walang palad na binata! Di akalaing si Leoning ay lilimot. Walang malay, walang malay na binatang ngayon ay sinisiklot ng bagabag, at nagpupuyos ang damdamin sa mga dalamhati.

Kaawaawang binata!

Samantalang sa kabilang dako si Leoning ay mapapasa ibang kandungan na siyang lahat ang naging dahilan ng kanyang mga paghihirap. Si Leoning ay mapapasapalad ng isang mangangalakal na mariwasa. Hindi niya naging palad si Leoning, oh! Eduardong walang palad!

Nilimot nga naman siya ng hindi niya namamalayan. Hindi niya sukat akalain ang magkagayon. Ngayon ay waring madilim na lahat at sinasakmal ng ulap ang kanyang magandang pagasang pinapangarap.

Wala na si Leoning, na siyang pinagkukunan niya ng dating sigla sa buhay. Wala na ang kanyang irog na siyang dating laging nagaalaala sa kanya, na, pagaaalaalang yaon ay siyang nagiging daan ng kanyang pagsisikap sa lalong mga dakilang bagay na gawain.

Oh! wala na nga siya, wala na!

Parang pangarap lamang ang lahat. Oo, pangarap, pangarap lamang ang maligayang kahapong kanyang ipinagduyan sa kandungan ni Leoning. Pangarap lamang na hindi na pamuling mangyayari pa. Wala na, at wala na siyang tanging pagasa kundi limutin ang lahat. Oo, limutin na lamang at siyang tanging magiging lunas ng kanyang pusong sawing palad.

Datapwa't anong hirap gawin ng lumimot! Lalo at lalo ba waring sa puso niya ay nagsisidhi ang maalab na nasa na hwag limutin ang kanilang kahapon ni Leoning na di makatkat sa kanyang puso at alaala.

Makailan nang tangkain ng ating binata ang gawang lumimot datapwa't lalo at lalong sa damdamin niya ay hindi malimutan. Hindi malimutan ang lahat, bagkus nananariwa sa kanyang puso na ang mga nakalipas ay gunitain.

Bagkus lalong naaalaala niya at sa kaibuturan ng kanyang puso ay tila nakatitik ng ginto ang ngalang Leoning na hindi niya malimutlimutan.

Datapwa't wala ring mangyayari, hanggang sa limutin nga lamang, ang sa wakas ay mabuting magawang paraan. Oo, limutin na lamang sapagka't hindi na niya maaaring ibigin si Leoning, dahilang ang kanyang pakikipagisang puso ay di na malalaon at isasagawa na. Ilang saglit na lamang.

Ngayon ay hindi na mangyayaring maidaing pa niya ang kanyang tinataglay na kahirapan sapagka't hindi niya maaaring si Leoning, sa harap ng magiging kabiyak ng puso, ay kanyang tawagan upang ang mga tiisin niya ay damayan.

Oo, ang lahat ay hindi maaari. Kung si Leoning ay nasa ilalim na ng kandungan ng bagong irog ay ni sino man dito sa sanglupalop ay walang makaaagaw sa kanya.

Hindi na mangyayaring si Leoning ay makipagngitian sa ibang binata, mga pangiting may ibig sabihin. Hindi na siya maaaring kaulayawin ng sino pa mang bagong tao sapagka't iyan ang walang salang pagmumulan ng malaking sigalot ng dalawang puso: Ni Leoning at ng kanyang kabiyak ng dibdib.

Sadyang dumating na ang tadhanang wala nang maaasahang ano pa mang pagdamay ng ukol sa suliranin ng puso ang isang Eduardong dumaraing ng hirap ng damdamin.

Paglimot ang tanging lunas ng isang damdaming pinagpupuyusan ng hinanakit. Limutin ng isang pusong sinawi ng kapalaran sa pagibig ang kanyang kinamtang palad.

Iyan nga lamang ang mabisang lunas: limutin niya ang lahat.

Kaya sa pagiisa ni Eduardo ay walang nagawa kundi ang pahayagang kanyang kinabasahan ng ukol sa pagiisang dibdib ni Leoning at ni Daniel ay tila halos kuyumusin.

Subali't parang niwalang ano man na lamang niya. Ang hawak na pahayagan ay ipinatong sa ibabaw ng kanyang mesa at sa masidhing paghihimutok ng kanyang damdamin ay napasubasob na lamang ang kanyang mukhang mistulang larawan ng pighati.

Wala na siyang pagasa! Kay saklap na kapalaran!

Ang kanyang pagasa ay natulad na lamang sa layak na tinangay ng hanging inilipad sa alapaap na di niya maalaman kung saan hahantong.

Natulad siya sa isang liriong nalanta sa pagmamaramot ng patak ng hamog ng gabi, tulad ng batisang natuyo't sukat, tulad ng talang maningning nguni't hindi kumikislap.

Walang sa sarili ay nasasabi maminsanminsan, kundi:

—¡Ay! Leoning, nang dahil sa sumpa mong nilimot!...

At, dahil sa sumpang nilimot ni Leoning ay naglahong lahat ang pagasa niya at lugod sa buhay. Sinakmal ng papawirin na di malaman kung saang bahagi ng kapuluan hahantong.

Waring isang libingang mapanglaw, isang libingang sawi at ni bulaklak man lamang ay di tumubo't manariwa dahil sa tigang na lupang sadlakan ng mga sawi: iyan si Eduardo. Kay saklap ng gunitain!

Iyan ang naging palad ng ating binata ...!

Magtiis ng hirap, magbata ng mga dalamhati. Kaya sa pagkasubasob ng mukha niya sa mesang sulatan ay sarisaring gunita ang nagsasalinbayan sa kanyang guniguni; mga gunitang parang pawang kasawian ng kanyang palad dahil sa sumpang nilimot.

Kulang palad na binata!

At, makalipas ang ilang sandali na hindi niya hinihintay ay may kumatog sa kanyang pintuan ng silid at sinabing:

—Sulat po.

Kaya, pagkaalam niyang may sulat para sa kanya ay dagling tumindig at inabot sa may dala. Kaninong liham kaya iyon? Kay Leoning kaya? Sinulatan pa kaya siya ni Leoning gayong hindi na siya ang magiging kaisangpuso?

At kanyang binuksan.

—Kay Leoning buhat—ang kanyang nawika.

Kaya ang liham na iyon ay binasa na ganito ang mga natititik:

Eduardo:

Dumating ang mga sandaling tila isang pagkukulang ko sa iyo kundi ibalita ang nauukol sa ating naging palad.

Kay lungkot gunitain! Sa puso ko ay walang namamahay ngayon kundi ang mga pighati. Hindi ko man nababatid ang kalagayan mo sa ngayon ay waring napapangarap kong gayon din. Paris din ng puso kong hindi na nakakakita ng liwayway ng kaligayahan. Oo, waring napakapait ang lahat ngayon para sa ating damdamin.

Eduardo, natapos nga sa atin ang lahat, na, nang mga unang sandali ay di ko man lamang napangarap ang ganito. Natapos sa atin ang lahat at marahil ay magpakailan man ay di na mangyayaring magbalik pa ang ating maligayang kahapon. Hindi ko na dapat pang dito ay ilahad ang lahat.

At, dahil sa ating pagiibigan at pinagsumpaanan ay sinisisi ko ang aking sarili; nagkasala ako at ang pagkakasala kong yaon ay inihihingi ko sa iyo ng patawad. Nguni't ang paghingi ko sa iyo ng patawad ay hwag mong hinalaing ako ay kaya humihingi ay dahil sa pagkakasala ko sa iyo dahil sa sumpang nilimot. Hindi, hindi Eduardo, sa puso ko ay di ka nalilimot, laging sariwa sa kaibuturan ng aking puso ang ngalan mo. Nguni't ako ay kulangpalad at sa kandungan mo ay di doon makapagpasasa ng kaligayahan ng puso gayon ang aking buhay na kagaya nang napapangarap ko noong una.

Ay! Eduardo, sa aba ko ay talagang hindi mo nga ako palad at ikaw naman sa akin ay gayon din. Hindi kita naging palad na gaya ng aking pagasa.

Ang mga ganitong bagay ay hwag mo ng hihintin ko pang isalaysay sa iyo. Anopa't ikaw na ang bahalang magtanong sa sarili mong gunita kung ano ang kahulugan ng sinabi ko: hindi kita palad at ako naman sa iyo ay gayon din.

Nalalaman mo Eduardo, na, ni kahit saglit ay hindi na kita maaaring magkausap pa. Kaya ginawi ko na lamang ang ganitong kita'y lihaman, na, ang pagliham ko pang ito ay parang isang napakabuting pagkakataon lamang at nanakaw ko sa maramot na si Panahon. Oo, kung mangyayari lamang kitang magkausap ay mababatid mo ang boong linaw na sanhi ng ipinagkaganito ko. Oo, hindi ako lumilimot sa ating sumpa, mahal ka sa akin, mahal ka sa puso. Hindi na nga lamang kita maaring magkausap pa disin sana ay maipahiwatig ko sa iyo ang lahat: ang aking kalagayan ay tila ba napakaselan at laging may nakabantay sa akin; parang bilanggo na di makakatakas sa kulungan. Mahigpit na mahigpit sa akin ang mang Alejandro, oh! na kung malalaman mo lamang Eduardo, siya ang dapat hampulan ng sisi ng lahat kong ipinagkaganito sa iyo.

Eduardo, kung nalalaman mo lamang ang kalagayan ko, marahil ay mapapahabag ka rin sa iyong dating kasuyuan ngayong abangaba at may sugat ang puso. Oo, Eduardo, kung nasa piling lamang kita! nguni't wala na nga lamang pagkakaari pa ang lahat. Huli na ang lahat. Oo, huli na Eduardo....

At marahil sa pagtanggap mo nitong liham at pagkatapos mong mabasa ay ilang oras na lamang ang darating at oh! Eduardo, hindi na, ako si Leoning, hindi na, na dating malaya, hindi na, mangyayaring tawagin pang ako ay dalaga: May asawa na at na sa ibang kandungan na siya kong susundin. Kay pait ng lahat.

Oo, Eduardo kay saklap ng lahat nang ito para sa akin!

At, wala na nga, hindi na ako dalaga, kundi isang babaing may kabyak na ng puso at hindi na sarili.

¡Ay! Eduardo, natapos sa atin ang lahat, nguni't alamin mong hindi kita nililimot. Wala nga lamang palad kita. Hindi kita naging akin na gaya ng pagasa ko at ako naman ay di naging iyo.

Natapos na nga sa ating dalawa ang lahat nguni't ipinaaabot ko rin sa iyong hindi ako ang kusang lumimot. Talaga lamang ng panahong hindi kita ang mapalad na magkakasama hanggang sa libingan.

At, gayon di hwag mo na sanang kasisihin ang aba kong palad at alalahanin mong mahal ka sa puso ko. Datapwa't ano naman kaya ang ipalalagay mo sa akin? Baka kaya may hinanakit pa rin ikaw Eduardo? oh! hwag sana....

At, ngayon, marahil ay buongbuo ang pagasa at pananalig mo na ang simula ng iyong paghihinanakit na iyan ay dahil sa sumpa kong nilimot. Hindi ba?

Dahil sa sumpa mong nilimot!

Oh! ang ganyang pangungusap ay maanong hwag mo nang masasambit! Sa ngayon man ay kinakaulayaw mo ang hinagpis ay hwag mo nang sambitin sana ang "dahil sa sumpa mong nilimot" kung kaya ka luksa ang puso.

Alalahanin mo lamang na ako'y isang bulaklak na nasa kasariwaan nguni't mangungulutding sa isang matinik na tangkay....

Eduardo, sa hanggang dito na lamang at sa iyo ay paalam, malungkot ako sapagka't hindi kita palad at malungkot ka sapagka't ang hinala mo ay dahil sa sumpa kong nilimot.

Paalam,

LEONING.

At, matapos mabasa ni Eduardo ang liham ay halos mapaluha na lamang at sa puso ay waring walang ibang nagsisidhi kundi ang pighati. Ang kanyang mukha ay mistulang larawan ng lungkot, ang kanyang mga paningin ay binubukalan ng saganang luha, luha ng pananahimik sa kawalang-pagasa.

Hindi na nga kaya niya palad si Leoning!

Ilang mga sandali na lamang at ang kanyang Leoning ay haharap na sa dambana, na, magiging palad ni Daniel Perez, na siyang umagaw ng kanyang kapalaran.

Wala nang pagasang ano pa man: si Leoning ay hindi niya palad, hindi kanya.

Oh! pusong balot ng kasawian!

—Aay, palad!—ang nawika ni Eduardo sa kanyang pagiisa. Diyata at natapos na ang lahat!

Sa kanyang mga pangdinig ay waring nanunuot ang tunog ng batingaw ng simbahan: Oras na ng pagkakasal kay Leoning at kay Daniel.

Ang batingaw ay walang tigil ng pagtunog. Kahit na yata ang kanyang mga taynga ay takpan ng sapinsapin ay waring naririnig din niya ang tinig ng kampana.

—Kay saklap; Kinasal na si Leoning! Kinasal na ang nagi niyang irog.

At habang ang tunog ng batingaw ay kanyang naririnig ay halos ang kanyang boong katawan ay nababalot ng dalamhati, ang puso niya ay sinasasal ng malakas na pagtibok. Si Leoning ay hindi na kanya, kasal na.

Tiningala niya ang langit; nguni't ang pagdadapithapong yaon ay waring isang kimpal ng ulap. Para bang ang kanyang palad ay makikisama na sa pagtatakip-silim. Waring ang kanyang pagasa ay nagtutumuling lulubog sa matinding dagok ng kasawian.

Baka kaya ang susunod namang pagtugtog ng batingaw mamaya ay isang plegaria naman? Baka kaya ang isinunod naman doon ay ang malulungkot na tinig na nagpapahiwatig ng pagyao ng pusong sawi ...?

Kaya't walang nasabi ang ating binata nang matapos na ang maligayang tunog ng batingaw na tanda ng pagkakasal ni Leoning at ni Daniel kundi isang salitang waring napakapait na kanyang binigkas:

¡Ay Leoning! dahil sa sumpa mong nilimot....

At walang waring nagugunita si Eduardo kundi ang malulungkot na kapalaran ng kanyang palad. Waring isang libingang sakdal saklap ang kumuwakaway sa kanyang palad!

Oh! kay saklap na dilidilihin ng lahat.

Kay pakla at ngayon ay si Leoning ay kasal na, samantalang sa kabilang dako ay naiwanan si Eduardong nangungulila at walang naging palad kundi ang makaulayaw ay mga madlang dalamhati ng puso, ang kanyang pusong waring isang libingan na lamang ang siyang tanging pagasa at hahantungan.


XVI

agkaraan ng maraming araw at mga linggong sinusundan ng mga buwan mula nang si Leonora ay mapakasal kay Daniel Perez, si Eduardo ay nagi nang masasaktin. Ang lahat niyang kasiglahan ng katawan ay paraparang nangungupas na lahat, sa pagkahulog ng lakas.

Ngayo'y nagi siyang isang binatang maputlain at nagyayayat ang dating sariwang katawan. Ang ngalang Eduardo de la Rosa ay waring nawala na pati at lumubog sa mga samahang tanyag na kabinataang dating kanyang pinakikisamahan. Nawala siya at ngayon ay hindi na nakakasama ng mga dating kasamahin.

Kung mga hapon ng masayang araw ng linggo ay datidating hindi nawawala sa mga liwaliwan, sa mga pook na maraming mga tao, datapwa't ngayon, ang binatang iyan ay nawala na at kahit na sa mga liwaliwang paris ng Luneta ay hindi na rin siya makikita. Para ba ng bituin siyang kinain ng lahong hindi na napasilay.

Maging sa samahan man ng mga kabinataang kawal ng bagong panahon sa siudad ng Maynila ay napahiwalay rin siya at kusa ba waring lumubog na ng patuluyan ang ngalang Eduardo de la Rosa, ang batangbatang magiging matarong manananggol. Ang mga kabataang kanyang mga kasama sa pagaaral ay minsanminsang siya ang pinaguusapan: ang sanhi ng kanyang paglubog sa mga lipunan.

—Walangpalad na binata at lumubog ang maningning na pangalan!

Ganyang pangungusap ang madalas na pinaguusapan ng kanyang mga naging kakilala na di nakakamalay ng kanyang lihim. Sayang na Eduardo, na, may maningning na pagasa sa kinabukasan na lumubog at nawala't sukat. Ang kanyang pangalan, ngayon ay nawala na, at, sa pagkawalang iyan ay maraming nagtataka dahil sa malamalikmatang pagkaparam.

Hindi na narinig at para bang hindi na pamuling sisipot sa maliwanag. Nasaan kaya siya at ano ang kanyang kabuhayan? Ang madlang kakilala niya ay nananabik na makakita sa kanya dahil sa pagkamabuting bata.

Nawala at ngayon ay hindi na naririnig sa mga lalong matataas na lipunan ang ngalang Eduardo de la Rosa.

At, sa mapayapang pamumuhay ni Leoning sa piling ang kanyang kabiyak na si Daniel Perez, ang magkasi'y hindi na nakarinig ng ngalang Eduardo de la Rosa.

—Ano kaya ngayon ang dinaranas na kabuhayan ni Eduardo?

Ganyan namang mga haka ang minsan ay naaalaala ni Leonora. Nagugunita niya kahit siya ay mayroon nang kabiyak ng puso. Para sa kanya ay tila laging nabubuhay ang kanyang loob kung ang larawan ni Eduardo ay kanyang sa minsanminsan ay napapangarap. Dangan nga lamang ay hindi niya naging palad si Eduardo. Nguni't hindi nagbabago sa kanyang kalooban ang dating pagibig na nauunsiyami sa puso niyang ngayon ay siyang dahilan ng mga pagtitiis ng ating binata. At, ngayon, kung malalaman nga kaya niya ang kabuhayang dinaranas ni Eduardo, ay ano kaya ang magigiging hakahaka niya? Ano ang kanyang sasabihin?

Si Eduardo ay natulad ngayon sa isang bulaklak na nalalanta, at naglalaho ang dating kasariwaan at makatas na katawan. Tulad niya ay isang kandilang untiunting nauupod. Nangyayayat at waring wala nang kasiglasigla, ang katawan. Bukod pa sa riyan ay kadalasang nahihiga lamang sa banig at nagkakaroon ng sarisaring karamdaman.

Kaya habang patuloy ang paglakad ng panahon ay waring patuloy din ang dating sasaktin. Nagiging maputlain at nawawalang untiunti ang dating kasiglahan sa buhay. Madalas ngayon ang maghihiga sa banig dahil sa karamdamang yaong sa puso niya ay lalo ba yatang nagsusumidhi.

At, sa kinalaunan ng panahon ay untiunti na ring napupuna ng kanyang kasama sa bahay ang pagbabagong yaon ni Eduardo. Datapwa't para bang hindi namamalayan ng lahat ang sanhi. Ang panghihinang yaon ng katawan ng ating binata ay walang gasinong maraming nakababatid. Akala lamang ay isang sakit na sadyang dumatal sa katawan ng binata. Hindi nalalamang ang sakit na iyon ay isang sakit ng pusong sawing kapalaran sa kanyang paralumang lumimot.

Nagtataka ang kanyang mga kasama sapagka't ginagamot na ng mga bihasang Doctor ay hindi pa rin nagbabago, at habang lumalaon ay waring lalong nagsisidhi ang sakit ng binata. Pati kulay ng pamamalat ng katawan ay nagbago na at namumutlang madilawdilaw. Ano kaya ang kanyang sakit?

Kaya minsan ay sinabi na tuloy sa kanya ng manggagamot na si Dr. Velasquez, na, siya ay magbakasion sa malalamig na pook, sa mga pook na hindi mainit. Magpunta siya sa mga malalamig na pook upang makasagap ng mabuting simoy ng hangin.

—Kailangan ang ikaw ay magbakasion sa malamig na pook, tulad sa Los Banos, sa Bagyo, sa Lukban, sa Sibul, o dili kaya ay sa may ibang bahaging malayolayo sa siudad.

—Hindi na po kailangan—ang isinagot naman ng ating binata.

—Ah, mabuti sa iyo ang magbakasion sapagka't ang ipinangkakaganyan mo ay hindi bagay ang panahon dito sa Maynila.

Anong hindi bagay ang panahon sa Maynila? Si Eduardo ay malwat nang naninirahan dito, sa ngayon lamang hindi babagayan ng panahon? ¡Oh! ang lahat nang iyan ay hindi nalalaman ng ating manggagamot. Hindi niya nababatid ang lihim ng puso ng sawing palad na binata.

Kaya para sa ating binata ay kahit na yata siya saan dalhin ay wala ng makakalunas sa dinaramdam niyang sakit sa puso kundi ang limutin at waling lubos sa alaala ang kanilang naging buhay ng suyuan ni Leoning.

Datapwa't makalibo na yatang kanyang pinagtangkaan walin sa diwa ay lalo naman yatang sa puso niya ay nananariwa. Ang lahat ay di niya malimutlimutan.

Kapag ang pagibig nga naman ng isang puso ay sadyang dakila at bukal sa damdaming walang pagkupas, hindi mapawipawi sa kaibuturan ng puso na gaya na nga ng kay Eduardo.

Hindi niya malimutan!

Hindi niya malimutan ang lahat na siyang sanhi ng masidhing pagdaramdam ng kanyang pusong ngayon ay siyang kinakaulayaw.

At, hanggang sa siya ay mapagisa na lamang sa pangungulila na wala rin siyang naaalaala kundi ang kanilang kahapon ni Leoning. Nararatay ngayon siya sa banig na nagdadalamhati at nangyayayat ang katawan. Kaawaawang binata! Wala nang ligaya ay nawalan pa ng kasuyuan ...!

Datapwa't ang pangyayaring yaong kanyang dinaranas na mga sakit ng damdamin sa puso, ay di rin nalihim sa ilan niyang mga kakilala at kaibigan nang lumaon na. At, ang pagkakaalam ngang yaon sa kanyang kalagayan ay maraming nagtataka kung bakit hindi na nanumbalik ang dati niyang sariwang katawan at di na muling nagbalik ang dating lakas.

Kaya isang hapon ay nabasa sa isang malaganap na pahayagan ang ganitong mga titik ng balita:

"KAIBIGANG MAY KARAMDAMAN"

Ang aming matalik at kasamang si G. Eduardo de la Rosa ay malaon ng nararatay sa banig, dahil sa isang sakit na dumapo sa kanya. Ang pangyayaring ito ay sinikap na ng ilang mga kakilala at pantasona mga manggagamot datapwa't hindi mabigyan ng kapit na lunas ang kanyang karamdaman.

Ilan nang manggagamot ang sa kanya ay lumapit at nagadhikang mapilit na mapagaling, datapwa't pawang pagkabigo lamang at wari pa yatang lalong nagsisidhi sa kanyang katawan ang sakit.

Gayon man, ay hinahangad namin ang kanyang paggaling sa lalong madaling panahon.—MGA KAIBIGAN NIYA SA PASULATAN.

At, ang balita sa binatang ito ay kumalat na, at nalaman ng lahat ng kanyang maraming mga kaibigan. Sa mga lipunang kanyang laging kinabibilangan ay nalamang kung kaya siya nawawala ay dahilan sa may karamdaman. At, ngayon ay walang nagiging bukangbibig ang kanyang ilang mga kaibigan at kakilala na di nakamamalay ng kanyang sakit, kundi:

—Ano kaya ang naging sanhi ng sakit na iyon ng ating kaibigang Eduardo de la Rosa?

Pati ang kinatawang Velarde, na, kanyang naging matalik na kaibigan ay nagkaroon din ng kaunting pagkamangha sa kanyang naging palad.

Nabasa ng ating kinatawan ang kalagayang yaon ni Eduardo at sa pangyayaring yaon ay nakapagsabi rin sa sariling:

—Sayang na bata. Sayang na sayang ang kanyang magandang pagasang hinaharap. Sayang kundi magbabago ang kanyang karamdaman.

Marami ang sa kanya ay nanghihinayang. Kulang palad nga naman siya.

At, palad ... ngayon pati ay umabot na sa kaalaman ni Leoning, na, bukod pa sa kanyang nabalitaan sa ilang mga kaibigang walang pinaguusapan kundi ang kalagayan ni Eduardo, ay nabasa rin niya ng boong liwanag sa pahayagang dumarating sa kanila.

—Diyata at si Eduardo ay may karamdamang malubha? Walang makalunas na manggagamot?—ang naibulong ni Leoning sa sarili.

At, sa pagiisa ni Leoning ay sumagi sa kanyang alaala ang kanyang naging kasuyuan. Kulang palad na Eduardo!

Kaya nagmuni siya sa sarili. Diyata pala at naglulubha ang nagi niyang kasuyuan na di niya namalayan agad?

At, sa pagmumuni niyang yaon ay naisipang dalawin ang binatang nagi niyang kasuyuan kahapon. Nagbihis upang gumayak at kusang dalawin ang kanyang naging irog.

Naisaloob niya ang kalakasan ng budhi sapagka't wala sa kanyang magkakasala. Walang hahadlang, ang asawa niya ay wala. Kaya magagawa niyang lahat sapagka't hindi siya makikita ni Daniel Perez, na kanyang kabiyak ng puso, wala roon sa kanyang tahanan at nanaog at sinabing may pupuntahan lamang siyang kaibigan sa San Marcelino.

Kaya tuloy na siyang nanaog matapos na makapabihis. Datapwa't anong palad, nasa harapan pa lamang siya ng kanilang tahanan ay siya namang pagdating ng asawa na noo'y sakay sa kanyang autong "Cadillac". At, sa pagkamalas na iyon kay Leoning ng asawang bagong dating ay kinabahan siya ng dibdib. Ano kaya ang kanyang masasabi, hindi kaya tuloy mapuna pati ang kanyang ayos? Sinasasal ng tibok ang kanyang puso ng isang malakas na bungtonghininga. Baka kaya siya ay mabigo ah?

At, siya ay binati ng asawa.

—Leonora, saan ka pupunta at ang gayak mo ay di pangkaraniwan?

—Daniel—ang sagot naman agad—nakalimutan kong ipagbilin kanina sa iyo, nang ikaw ay umalis ang pagpapabili ng bulaklak sa Hardin Botaniko, kaya ako'y siya nang nanaog upang bumili—ang pailas ni Leoning na ang puso ay may kaba, na mabuti at walang kamalaymalay ang asawang kausap.

—Ay anong hinihintay mo at nakatigil ka pa?

—Nagaabang ng karumata.

—Dini ka na sumakay sa auto at hindi ko na gagamitin.

—Wala ka na bang ibang pupuntahan?

—Wala na, sakay na.

—Daniel, samahan mo na ako—ang malambing pang pakunwari.

—Hwag na at marami akong gagawin sa bahay. Papanhik na ako.

At, mabuti na lamang at ang pagkukunwaring yaon ni Leoning ay hindi nahalata ng walang malay na asawa.

Kaya upang hwag mahalata pati niyong tsuper ay ginawa ni Leoning ay iniutos ngang padaanin sa Hardin Botaniko upang bumili ng mga bulaklak.

At, upang makagawa ng paraan sa pagtungo sa tahanan ni Eduardo ang matalinong si Leonora ay iniuutos na din sa tsuper na ang auto ay idaan lamang sa gayong mga lansanhgan at may dadalawin siyang kaibigan na kanyang naging kadalaga.

—Ihinto mo na rito—ang wika ni Leoning, pagdating sa tapat ng kinatitirahan ng ating binata. At inihinto naman ng walang malay na tsuper na ang pagkakaalam ay ang pinanhik ni Leoning ay tahanan ng isang kaibigang dalaga.

At mapalad na pumasok ng silid ni Eduardo ang malakas na loob na si Leonora.

—Eduardo—ang kaagad na bati ng dumating.

—Leoning, Leoning ... na, nakilala agad ang tinig ng nagsalita.

—Oo, ako nga.

—Leoning, Leoning, si Leoning ka nga ba?—na waring naalimpungatan ang binatang ang mata ay may ulap.

—Oo, Eduardo, dinadalaw kita.

—Leoning, ano, ano ang nagudyok sa iyo at ako ay pinarituhan mo, bakit ka nagkaisip na pumarito?

—Upang kita ay damayan.

—Damayan?

—Oo, makihati ako sa iyong karamdaman.

—Leoning, salamat, nguni't....

—Huwag kang magalaala.

—May asawa ka na. Huwag mo nang pakialaman ako.

—Hindi Eduardo, ang sakit mo, ay sakit ko rin.

—Leoning, lumayo ka na sa akin. Hindi na maaari ang lahat.

—Eduardo, hindi, asahan mong mahal ka pa sa akin kahit ako ay may asawa.

—Mahal? oh! Leoning.

—Maniwala ka.

—Dahil sa sumpa mong nilimot?

—Eduardo, hindi ako lumilimot!

—Leoning, naghihirap ang puso ko, huwag na, hala lumayo ka na at may asawa ka, hindi na maaaring ako ay damayan mo pa mga tinitiis kong hirap na ito ng dahil sa sumpa mong nilimot, oo, Leoning, lumayo ka na sa akin, utang na loob.

—Eduardo, hindi ko matitiis ang ikaw ay maging malubha ng dahil sa akin. Narito ako at dumaramay sa iyo.

—Nguni't may asawa ka, aking inuulit.

—Walang kailangan, hindi niya namamalayan ang pagparito ko sa iyo upang makihati sa iyong mga sakit.

—Leoning, utang na loob hwag mo na akong dalawin. Lalong baka magdagdagan pa ang hirap kong tinitiis ng dahil sa sumpa mong nilimot.

—Hindi ko matitiis ang hindi kita dalawin.

—Leonora, lumayo ka na, baka ka mamalayan ng iyong kabiyak ng puso.

—Hindi Eduardo, lagi kitang dadalawin upang ang mga noo mo ay lagdaan ko ng halik tanda ng di ko paglimot sa iyo at pagmamahal.

—Leoning, layuan mo na ako, hala, wala na at hindi na mangyayaring lahat ang mga pangungusap mong iyan. Naglaho na ang lahat.

—Hindi Eduardo ... narito ako upang kita ay aliwin.

—Aliwin?

—Oo, Eduardo.

—Leoning, huwag na, huwag mo nang sa ngayon ay alalahanin pa ako. Oo, huwag na.

—Eduardo, hindi, hindi maaaring kita ay malimot sa alaala, narito ako upang sa mga noo mo ay lagdaan kita ng halik. Eduardo tulutan mong halikan ko ang noo mo.

—Leoning, salamat, huwag na, oo, utang na loob lumayo ka na sa akin.

—Eduardo, kahit na itong bulaklak, halikan mo lamang ito kung ikaw ay ayaw.

—Leoning, ang lahat ng ito ay ano ang ibig mong sabihin?

—Mahal kita kahit ako ay may asawa.

—Leoning, huwag mo nang gambalain ako, hala, layuan mo na ako. May asawa ka nga pala.

—Eduardo!—na biglang niyakap si Eduardo ni Leoning at pinaghahagkan ang namumutlang pisngi ng binata, hinagkan sa labi....

—Leoning, ano ang kahulugan ng lahat ng iyan?

—Eduardo, mahal kita.

—Leoning, bitiwan mo na ako, iwanan mo na ako, utang na loob.

—Eduardo! ang puso ko ay lason na ba sa iyo?

—May asawa ka!

—Ay! Eduardo, kung nalalaman mo lamang ang lahat!

—Leoning, oo, nalalaman ko, layuan mo na ako, baka....

—Baka ano, Eduardo?

—Baka abutan ka pa ng aking manggagamot.

—Ng iyong manggagamot?

—Oo, Leoning.

—Nguni't dadalawin uli kita.

—Huwag na, may asawa ka.

—Walang kailangan Eduardo. Ikaw ang minamahal ko.

—Leoning, iwan mo na ako, hala iwan mo na, tingnan mo siya, iwan mo na ako, oras nang darating ang aking manggagamot.

—Oo, Eduardo aalis na ako, nguni't paparito uli ako.

—Leoning, huwag na.

—Hindi Eduardo, kita mapababayaan. Kaya asahan lagi kitang dadalawin.

—Leoning sa ibang araw na.

At, hindi na tinugon ni Leoning ang pangungusap ni Eduardo at sa labi ay inilagda ang isang halik bago pa nanaog.

Kaya sa pagiisa ni Eduardo, pagkaalis ni Leonora ay walang naitanong sa sarili kundi:

—Ano ang kahulugan ng lahat ng ito? May asawa si Leonora.

Ano kaya nga naman kung ito ay mamalayan ng asawa ni Leonora? Ano kung mamalayan ng asawang may iba palang minamahal? Hindi kaya mapuna ang mga pagkilos ng ganitong pagbabago ni Leoning sa kay Daniel Perez? Hindi kaya mapuna ni Daniel Perez, ang mga bagong pagkilos ni Leonorang kanyang kabiyak ng puso?

Pamuling dadalawin ang binatang may sakit sa puso ng dahil sa sumpang nilimot datapwa't hindi na kaya ito mapupuna ni Daniel Perez?

Si Daniel Perez, Oh! kaawaawang asawa ni Leonora! Hindi pala minamahal ng asawa! Kaawaawang lalaking hindi nagkaasawa ng kaisang matapat.