WeRead Powered by ReaderPub
Hiwaga ng Pagibig cover

Hiwaga ng Pagibig

Chapter 50: II
Open in WeRead

Explore more books like this:

About This Book

A provincial romance traces the intense courtship of Leoning and Eduardo, portraying their affectionate encounters, tender promises, and moments of silence that reveal insecurity. When Eduardo must leave for the city and several of his letters are returned, suspicion, longing, and fear of abandonment intensify. The narrative emphasizes miscommunication, emotional restraint, and the fragility of promises under distance and social expectation, alternating intimate scenes with the narrator's reflections on youthful passion and regret, and leaving the lovers' future uncertain amid yearning and moral tension.

XVIII

ng katawan ng kaawaawang si Daniel Perez ay malatang malata nang dumating ng bahay. Ngayon ay hindi naging lihim na lahat sa kanya ang ginawang pagsusukab ni Leonora: maliwanag na nakita niya ng dalawang mata ang kataksilan. Kaya sa kanyang mukha ay walang ibang nalalarawan kundi ang kasamaan ng loob. Hindi niya nalalaman na noon pa lamang mga panahong nakaraan ng kanilang pagsasama ay siya ay pinagsusukaban na ni Leonora.

Kaawaawang Daniel Perez?

Ang kanyang buong akala at pananalig ay matapat sa kanya ang kabiyak ng pusong si Leoning, datapwa't hindi niya nalalaman ay pinagtataksilan pala siya. Hindi niya akalain na si Leoning ay may ibang minamahal matangi sa kanya datapwa't ngayon ay mayroon palang iba pang minamahal ang kanyang asawa.

Kaya noong umagang yaon ang noo niya ay nangungunot na waring may malaking kasamaan ng loob at ang kanyang damdamin ay tila ba may isang suliraning napakaselan sapagka't sa anyo niyang yaon ay mapagkikilalang may samang totoo ang kanyang kalooban. Bakit kaya? Ano kaya ang nangyayari sa dati niyang payapang pamumuhay?

Waring ngayon ay natawagan ang kanyang pansin, natawagan ang kanyang kalooban dahilan sa madalas na pagalis ni Leoning ng tahanan na buo naman ng pagtitiwala ng mapagmahal na asawang si Daniel Perez sa hinalang walang ano mang ginagawang makapagpasama sa kanyang loob ang asawang akala niyang matapat.

Datapwa't ang mga kilos ni Leonora nang umagang yaon ay siya ngang napansin niya na sa pagkapansing yaon ay nagkaroon siya ng masamang kutob ang loob. Ngayo'y naninibugho ang kanyang damdamin sa dahilang iba't iba ang nakikita niyang kilos kay Leoning. Waring napansin niya ngayon ang lahat.

Nang mga nakalipas na araw ay hindi niya inaalumana ang mga dating kilos na iyon ng asawa sa pagaakalang matapat ang pagmamahal sa kanya. Buo ang pagasa niya na ang mga ginagawang pagalis na iyon ni Leoning ng sariling tahanan ay may mga pinupuntahan lamang na mga kaibigang babae o kaibigang dalaga.

Datapwa't nang araw na iyon ay malabis ang kanyang pagtataka sa kilos na ipinakita sa kanya ni Leoning. Ang asawang si Leonora ay bihis ng magara at naglagay ng lalong mababangong "perfume" na taglay sa katawang mapangakit.

Kaya sa pagkapansing yaon ng kulangpalad na asawang si Daniel, ay waring natawagang lubos ang kanyang kalooban sa mga kilos na nakita sa asawang si Leonora. Humahalimuyak at ang pagkakaanyo ay daig pa ang isang dalagang lalong kaakitakit. Walang iniwan sa dalaga ang asawang yaon ng ating walang malay na si Daniel Perez.

Kung nalalaman nga lamang naman ng kahabaghabag na si Daniel ang mga ginagawa sa kanya ni Leonora ay marahil ay maluwat nang kanyang loob ay pinagpuyusan ng galit. Datapwa't siya ay isang kulangpalad sapagka't ang asawang akala niya ay mabait at matapat ay di man lamang gumagawa ng ano mang paglililo gayon ang mga ginawang yaon ni Leoning ay isang bagay na kay samasama kung malaman ng mga kapisanan.

Walang kamalaymalay ang kanyang sarili. Bago pa naman umalis ang nagsusukab na asawa ay nagiiwan pa sa kanya ng mga halik sa noo, ang mga maamong mata ay mapungay na itititig sa kanya, ngingitian siyang waring nagaalay ng pagmamahal na lubos namang lalong nasasabik ang kanyang puso. Kadalasang bago manaog ng tahanan ay sinasabi sa kanyang:

—Hanggang sa muli, hanggang mamaya, Daniel. Ako lamang ay pupunta sa kina Fely.

Samantalang ang kaawaawang si Daniel ay walang iginaganti naman sa asawang mananaog kundi mga ngiting lipos ng paggiliw. Datapwa't nang umagang yaon na si Leoning ay may iba nang kilos na nakatawag ng kanyang damdamin ng pansin ay ang ngiting kanyang damdamin pansin ang ngiting kanyang iginanti sa asawa ay waring isang ngiting balot ng hiwaga. Ang kanyang puso ay nagkaroon ng panibugho at nais na sana niyang sansalain ang pagpanaog na iyon ng asawa nguni't hindi na lamang niya napigilan.

Ang paalam sa kanya ni Leonora ay pupunta sa kaibigang dalaga na si Fely. Datapwa't ang pagpapaalam na iyon ni Leonora ay waring nagdulot sa kalooban ni Daniel ng isang pagkapoot. Dadalawin si Fely? Nagbago ang kalooban ni Daniel.

Kaya sa pagtawag na iyon ng pansin ng kanyang loob ay tinangka niyang sundan at subukan kung totoo nga ang mga ginagawang pagtatapat sa kanya.

At, pagkapanaog na pagkapanaog ni Leoning na noon ay sumakay sa isang karumata ay nanaog din siya upang ang asawa ay lihim na sundan. Ang pagsakay sa auto ay hindi niya ginawi sapagka't kung sasakyan niya ang kanya ring sariling auto ay baka sakaling maalaman ni Leoning na siya ay sumunod. Maaaring mamalayan nga naman sapagka't kung siya ay nasa likuran ni Leoning at mamamalas ang kanilang auto ay mababatid ni Leoning na siya ay sinusundan ng asawa.

Kaya bago nanaog si Leoning sa kinalululanang karumata ay pinagsuri muna niya ang tiyak na pintuang pinasukan at kanya namang sinabi sa kotsero na ihinto na at huwag nang malapit pa sa inibisan ng sinusundan at baka ang paglunsad niya ay makita pa ni Leonora.

Walang malay na Leonora na matapang pa rin ang kalooban at hindi man lamang sumagi sa gunita ang asawa na siya pala ay lihim na sinundan. Wala man lamang kaba ang dibdib ng asawang nagtataksil, at hindi man lang nagkaroon ng kutob ang loob na si Daniel ay kasunod niya at siya ay sinubukan.

At, sa paglalakasloob na yaon ni Leonora ay hindi niya namamalayang kasunod ang asawa. Ang pagpanhik na lamang na iyon ni Leonora sa tahanan ni Eduardo ay kung ating pagbibigyan ng kuro kuro at pansin ay waring sariling tahanan ni Leonora. Tuloytuloy agad na wala nang maraming lingonglikod pa.

Kaya nang matiyak ni Daniel ang pintuang pinasukan ng kanyang asawa ay malayolayo pa ay ipinahinto na niya ang sasakyan at siya ay lumapag agad. Nilakad na lamang niya ng kaunting pagitan ng kanyang inibisan at saka ang tahanang pinanhikan ng taksil na asawa.

Ano nga naman ang tahanang yaon? Ayon kay Leoning ay tahanan ng dadalawing kaibigang dalagang si Fely!

Kaya sa pagpasok na iyon ng pintuan ni Daniel ay waring natawagan agad ang kanyang pansin na doon ay walang tumitirang dalaga. Hindi rin naman kaila sa kanya ang mga pook na iyon at madalas din niyang mapagaabot. Kaya nabuo sa kanyang paghahaka na sadyang may ibig sabihin ang ginagawang yaon sa kanya ng asawa. Sumaloob na niya ang siya ay pinagtataksilan.

At, boong lakas loob din siyang pumasok ng pintuan. Sa kanyang kalooban ay walang ano mang dumalaw na pagaalinlangan na, sakaling siya makita ng ibang tao roon at tanungin ng ibig, ay sasagot siya ng kahit na papaano. At, salamat na lamang, ang tahanang yaon ay walang naroon kundi ang kulangpalad na si Eduardo na siyang dinadalaw ni Leonora.

Kaya't ang kalooban ni Daniel ay waring lalong lumakas at nagkaroon ng tapang sa mahiwagang yaong pagtataksil ng asawa. Dadalawin daw ay isang kaibigan? Si Fely. Oh! kasinungalingang lahat.

Anong hiwaga nga naman! Sa loob ng isang silid ay kaagad narinig ni Daniel ang tinig ng mga pangungusap ng asawa. Nakikipagusap sa kinakasuyong lalaki: kay Eduardo. Nguni't ayon sa paalam sa asawa ay dadalaw sa kaibigang naging kadalaga!

Oh! kung magtaksil at magsinungaling nga naman ang babae!

Kaya't pagkarinig na iyon ni Daniel sa tinig ng pangungusap ay isang lalaki ang kapiling ni Leoning at hindi pala babae, na ayon sa sabi sa kanya ay dalaga, ay waring sumilakbo agad ang kanyang dugo at pinagdimlan ng paningin.

Ang sabi sa kanya ay isang dalaga ang dadalawin?

Samakatuwid ay maliwanag niya ngayong nabatid na siya ay pinagtataksilan ni Leonora. Pinagsusukaban pala siya at ganap na nilapastangan ang pagkalalaki. Sumilakbo ang kanyang dugo at nagdilim ang kanyang pangmalas. Hindi niya sukat akalain ang lahat ng iyon! Si Fely raw! Oh! taksil na Leonora! Sukab na babae!

Halos malabnot niya ang kanyang mga buhok sa matinding galit at sama ng loob. Nais niyang iwasak ang pintuan ng silid nang kinaruruunang asawa, nais niyang iwasak na iyon ay kanyang lamukusin at gawin ang mangyayari sa sukab na babae, nais niyang iwasak at ang lalaking kausap ng asawa, ay kimisin, durugin kung mangyayari, mamatay si Leonora, mamatay ang lalaking kausap at mamatay rin siya. Datapwa't nang anyong gagawin na niya ang ganitong hangad ay waring sa kanya ay may pumigil.

Kay sama nga naman ng kanyang hangad!

Pagbalaang patayin ang dalawa! Anong laking kasalanan! Nagdilim ang kanyang paningin at sa pagdidilim na iyon ay hindi niya malaman kung ano ang kanyang gagawin. Sikaran ang pintuan upang mawasak, anong laking gulong ibubunga. Iwasak niya ay anong laking eskandalo ang mangyayari!

Kaya't sa pagdidilim na iyon ng kanyang paningin at pagsilakbo ng dugo ay waring may humadlang sa kanyang budhing pinagpapayuhan siya na magkaroon ng katahimikan ng loob. Huwag gumawa ng masama at makabubulabog sa madla.

Ano nga naman ang ibubunga kung ang pangyayaring yaon ay kanyang gawiin? Ano ang mangyayari kung ang pintuang yaon ng silid ay iwasak niya at kitlan ng hininga ang sukab na asawa sa harap ng lalaking kasuyuan? Ano ang ibubunga kung ang lalaking nagputong ng kawalang hiyaan ay kanyang lamukusin at alisan ng buhay? Napopoot ang kanyang paningin ba wari at nagugulo ang kanyang pagiisip ng gayon na lamang. Walang malamang gawin ang kulang palad.

Walang malamang gawin ang kahabaghabag na si Daniel! Walang malamang gawin upang makapaghiganti sa ginawang pagsusukab na iyon ng kanyang asawa na kitangkita ng kanyang dalawang mga mata.

Oh! kung gumawa nga naman siya ng gulo! Kung gumawa siya ng gulo ay walang salang mabubunyag ang kasamaan at kabulukang dapat na malihim sa mata ng mga lipunan at ng kapisanan. Oo, ang lahat ng kasamaang yaon at kabulukan ay walang salang mabubunyag, at kung mabunyag na, ay ano ang sasabihin ng tao? Ano ang ititingin sa kanya ng mga makakamalay? Ano ang ipapalagay sa kanya?

Wala!

Wala, wala kundi isang lalaking pinagsukaban ng asawa, isang lalaking naulol ng asawa, pinagtaksilan ng asawa.... Oh! diyata at ganito ang kanyang maririnig sa harap ng matataas na lipunan at sa harap ng kapisanan? Kay samasama! Anong samang pakinggan! Nagtaksil, nagsukab ang asawa. Kay samasama nga naman! Hindi kaya niya maipalagay na kung marinig na lamang niya ang isang salitang "nagsukab" ay di pa kaya siya parang tumanggap ng isang mariing sampal na tumama sa panga. Pinagsukaban! Oh! kay samang pakinggan!

At, kung mabunyag nga naman ang ginawang yaong pagtataksil ni Leonora, ay wala nga namang siyang mapapala kundi malalakas na halakhak, mga pagngisi na wari bang pinasabing:

—Hoy! niluko, naulol, pinagsukaban ng asawa!

Kaya sa pagkakapako ni Daniel na iyon sa pintuan ng silid na ang buhok ay gusotgusot na nilabnot ng kanyang kamay, habang tinititigan ang pintuan ay wari bang nababasa naman niya ang mga ganitong titik:

"Si Daniel ay kahabaghabag na asawang pinagsukaban ni Leonora at kahit na sa harap ay ginagawan ng katawatawa".

Kulang palad na Daniel na pinagtaksilan ng asawa!

Kay samasamang pakinggan: pinagtaksilan ng asawa kaawaawa!

At, sa pagdidilim na iyon at pagsisilakbo ng dugo ng kulangpalad na si Daniel, ang munting siwang ng pintuan ng silid na kinaruruonan ni Leonora at ng kasuyuan ay kanyang sinilag at sa pagkakita niyang yaon sa anyo ng dalawa, ay waring ang langit ay bumagsak. Kay samasama ng kanyang kapalaran!...

At, ang paguusap ng dalawa na kanyang narinig ay isang malakas na sampal sa kanyang mukha. Narining niya ang mga katagang:

—Kung mabatid ng iyong asawa ang ganitong ginagawa mo Leoning ay anong sasabihin niya?

—Eduardo, huwag kang magalaala at sa piling mo ay kita ang asawa.

At sa pagkarinig na ito ng kaawaawang si Daniel ay halos malugmok na lamang sa sama ng loob. Walang malamang gawin at waring nabibilot ng ulap ang kangyang pagiisip. Kaya walang nasabi sa sarili kundi:

—Ay! ano kung marinig ko na ang halakhak ng tao at ng lalaking yaong nagtaksil sa akin?

At, ang kaawaawang si Daniel na pinagsukaban ng asawa'y tuloy umalis na lamang, na kung kaya malatang-malata ang katawan pagsapit ng sariling tahanan. Bago siya umalis sa kinakitaan niyang yaon ng malaking pagkapoot ng loob ay naghagis muna siya ng isang tingin, datapwat ang pintuang yaon ng silid na kinalalagyan ng asawang sukab ay waring sa kanya ay nagdulot ng malakas na halakhak.

Kaya sa panglulupaypay na iyon ng kanyang katawan ay wala siyang malamang gawin. Umuwi ng tahanang malambot na malambot ang katawan. Sa kanyang loob ay sarisaring gunita at pagiisip ang naghahari, waring mga kimpal ng ulap at ang masamang lusak ng kapalaran ang nagi niyang palad.

At, sa pagiisa niyang yaon at samantalang ang kanyang asawa'y nasa kandungan ng ibang bisig, ay ginawa niya ay itinaas na lamang ang dalawang kamay at ang paningin ay ipinako sa itaas at waring nagukol ng mataimtim na dalangin; sa kaitaasan nakatitig ang kanyang dalawang matang binubukalan ng luha.

Datapwa't pagkaraan ng ilang saglit ay isang putok ng rebolber ang namayani sa tahanang yaon pinaghaharian ng katahimikan at lungkot. Ang putok na iyon ay nagpahiwatig ng kagulatgulat na pangyayari.

At, ¡oh! ang kanyang dibdib ang pinagaagusan ng dugo. Hindi siya namatay at tumitibok pa rin ang kanyang puso. Ano nga naman ang naging dahilan ng mga ito? Sino ang dapat na sisihin?

At dumating ang sukab na asawa, may ngiti sa labi at may titig na mapungay na isasalubong sa asawa, datapwa't ano, at ano pa ang igaganting loob ng kanyang pasasalubungan? May sugat at nagdurugo ang dibdib ni Daniel sa tama ng rebolber.

—Daniel, Oh! Poong Diyos, Daniel, bakit, bakit nagbaril ka sa sarili?—na noo'y nakita pa ni Leonora na hawak ang rebolber ni Daniel, na nakahandusay at sawi. Datapwa't siya ay hindi na natugon. Wala nang ulirat. Bangkay nang mistula! Kay lungkot na mga sandali noon!

Tinanong ng mga kaibigan at ng madlang nakasaksi sa pagpapatiwakal na iyon sa sarili ni Daniel Perez, datapwa't walang maisagot si Leonora kundi isang iling lamang. Hindi malaman ang hiwagang yaon kung ano ang sanhi at nagbaril sa sarili si Daniel Perez. Ang lahat ay nagkaroon ng iba't ibang kurokuro.

At, ang kulangpalad na si Daniel ay wala ng naitagal pa kundi ilang araw na lamang. Anim na araw na singkad sa Hospital Heneral at namatay rin siya pagkatapos.

Ang asawang sukab, na si Leonora ay walang nagawa kundi ang manggipuspos at magdalamhati ang puso. Namatay at nagpakamatay sa sarili ang kanyang ginagawan ng pagtataksil.

Namatay si Daniel Perez, ang asawa ng isang magandang babae, na kilala sa mga mataas na lipunan ng siudad.

At, ang pagpapakamatay na ito ni Daniel ay nagkaroon ng mahiwagang kurokuro ang ilang nakamamalay ng lihim. At, habang ang nasawi ay humihinga pa ay kinukunan ng tanong ng kanyang mga kaibigan datapwa't walang naiisagot kundi iling lamang, oo iling lamang, kaya naipalagay ng ilan na may mahiwaga ang pagbabaril na iyon sa sarili ni Daniel Perez.

Kaya walang naghahari sa mga lipunang dating kinabibilangan at kinasasamahan, ni Daniel Perez, kundi ang sarisaring bulungbulungan: May iba't ibang palagay ang isa at may iba't ibang pagkukuro ukol sa pagkamatay na iyon ni Daniel Perez. Nagbaril sa sarili ang kulang palad! Nagbaril si Daniel Perez, na ang balita ay halos kumalat sa lalong matataas na lipunan sa Maynila. Halos nabatid ng marami nguni't ang sanhi ay tila naging lihim sa madla.

Walang naghari kundi ang mahiwagang pagpapakamatay ni Daniel Perez, datapwa't hindi nababatid ang lihim.

Mga bulungbulungan lamang ang siyang kumakalat: nagbaril si Daniel Perez ng hindi malaman ang sanhi. May nagsasabing sadya ng nagsasawa sa buhay at may nagsasabing nasiraan ng pagiisip, kung kaya't inutas ang sarili.

At, mabuti na lamang at hindi nabatid ng lahat ang lihim. Natapos nga ang lahat at ang kulangpalad ay nalibing na hindi nagkaroon ng kung anoano pang maraming usapan at mga iba't ibang palagay.

Inilibing siya na sinamahan ng maraming kaibigan at mga kakilala at mga dating kasamahin na nagukol sa kanya ng mga pagdalangin, nagukol ng mga dalanging siya ay mamayapa na doon sa kabilang buhay at harinawang ang lupang itinabon sa kanya ay maging magaan.

Lumuha ang mga kaibigan sa pagyaong yaon ng matalik na kasama. Lumuha ang nangulila at nanghimutok ang mga may pusong kanyang mga kadamay sa lahat ng bagay at lumuha ang kanyang mga kaabutangpalad.

Nagwawakas nga naman ang lahat!

Ang lahat ay may guhit ng tadhana ng pagkatapos. Ang mga ligaya sa mundo ay may kalungkutan, ang maligaya ay may kasawian.

Tapos nang lahat ang kaligayahan ni Leonora. Pusong babaing nang makayapak sa tuntungan ng matataas na lipunan ay nalimot ang dating kaugalian. Nagkaroon ng pusong walang iisang itinitibok: salawahan. Pusong laging nauuhaw sa kaligayahan at pusong hindi na nakakaramdam ng dating sakit at hirap na kanyang katutubo nang mga nakaraan. Nang makapisan ng mariwasa ay nagbago; naging isang babaing lumimot ng kanyang kahapong lipos ng dilim sa buhay!

Oh! babae, magbago ka sana at kundi dahil sa iyo ay hindi masasawi ang isang lalaking kulangpalad na iyong pinaglaruan. Dahil sa iyo ay nasawi ang isang Daniel at ngayon ay sumahukay na ikaw ang naging sanhi. At, kung ang isang Eduardo, na matapos mong limutin ang sumpa, matapos mong maulol ay nagduyan ka sa ibang palad at nawiling sumabisig ng ibang lalaki ng dahil sa salapi iyong nilimot, ay paano pa kung sa ibang araw naman ay makakita ka ng lalo pang mariwasa at kagiliwan mo namang panibago? Nilimot mo ang dating sumpa sa unang inibig sapagka't nasilaw ka sa salapi, datapwa't ang kasariwaan mong uhaw sa hamog ng pagibig, nang hindi makasagap ng katamisan ng buhay ay pamuli kang nagbalik sa dati mong kandungan ng kung ano anong kadahilanan ang iyong sinasabi upang ikaw ay magkaroon ng kaligayahan sa buhay. Niluko mo at pinagsukaban ang isang kaisang palad sapagka't siya ay isang matanda na na hindi makapagdulot sa iyong puso ng kaaliwan ng paris ng isang pusong kabataan at kasariwaan, na matapos mong malaman ang lahat ng ito ay naging salawahan ang puso mo at laging pangarap mo ay ang kaligayahan upang makapagtalik at makapagsayaw ang iyong sarili sa gintong liwanag ng kapanahunang hindi mo nalalaman ang pait na bunga. Nagpakamatay ngayon ang iyong kaisang puso sapagka't nang dahil sa iyong pagsusukab ... At, kung si Eduardo ang naging palad mo, at sa harap na iyan ng maraming kababataan at kasariwaang nangauuhaw sa hamog ng pagibig ay mabighani ang iyong palad at matutong magduyan sa bisig ng iba, ay ano pa rin kaya ang sasapitin ng isang yaong pinaglalaruan mo ng paggiliw? Ang pagibig ay isang bagay na hindi nararapat paglaruan; kung ang pagibig ay isang laruan ay walang katamisan sa puso.

Na, ang kahabaghabag na iyong naging kaisangpalad ay ngayon ay nalibing na. Naging kahabaghabag ang kanyang palad, naging kaawaawa ang kanyang puso sapagka't inulol ng kanyang kabiyak at sa malabis na pangingilag sa pulang iuukol ng madlang makaalam ay minatamis pa ang siya ay sumahukay. Minatamis niya ang siya ay sumahukay na taglay ang kalinisan ng sarili at ayaw nang siya ay papanaw sa mahiwagang daigdig na ito na may putong ng kawalang puri, minatamis niya ang mamayapa na taglay ang kalinisan ng tibukin ng puso, at pagkawalang masamang asal na kapulapula sa harap ng kapisanan. Nagpakamatay siya sapagka't ang pagsusukab na iyon ng kaisangpuso ay hindi na niya nais pang masilayan upang huwag makapagbigay sa kanyang kalooban ng marungis na lusak ng kapalaran. Nagpakamatay siya sapagka't ninais niya ang mangilag sa kataksilang ginawa sa kanyang pagkatao ng kanyang kaisa na ang pagtataksil na iyon ay magbubunga ng kung ano anong masasamang kasiraan sa isang tao. Nagpakamatay siya sapagka't siya na rin ang nasilaw sa kawalanghiyaang ginawa ng asawang nagsukab at kung hindi niya mapangilagan ang masamang ibubunga noon ay isang kabulukang kanyang tatamuhing pagkasamasama. Inilagan niya ang masasamang asal ng asawang sukab at minatamis pa ang mahimlay sa lupang hantungan ng lahat. Iniwan niya ang pamumuhay na walang payapa, iniwan ang lasong mga namamalas sa ginagawang isang asawang naglilo. Iniwan niya ang lahat na makamandag na ngiting idinulot sa kanya ng asawang taksil.

At, ngayon si Leoning! Ano ang magiging palad nito? Ngayon ay lubos nasuklam na rin sa kanya ang isang Eduardo dahilan sa masamang halimbawang kanyang ipinamalas. Pinagtaksilan ang sariling asawa at kung siya man ngayon ang pinaguukulan ng pagmamahal ni Leoning, ay naaalaala niyang bukas ay baka naman gayong ang gawin sa kanya. Naisip na niya ang lahat. Napakasal si Leoning sa iba gayon sila ay may sumpaan at nang nasa piling na ng asawa at hindi makalasap ng katamisan ng pagibig ay sa kanya rin nagbalik.

Napagaralan niya ang lahat sa buhay ni Leoning!

Ang isang pusong salawahan at walang iisang pagibig ay asahang pusong marungis na siyang magtuturo ng landas sa kapariwaraan; at pusong siyang magdudulot ng kasawian sa kapwa pusong dalisay at wagas.

Ngayon ay iniwaksing lahat ni Eduardo ang mga gunitang: nauukol kay Leoning! Nalaman niya ang lahat. Kay sama ng ibubunga kung ang isang pusong tatangkilikin ay isang pusong walang iisang pagibig. Nilimot na niya ngayon ang lahat ng kanilang naging palad ni Leonora. Nilimot niya at ngayon ay aanhin niya ang isang babaeng tulad ni Leoning na siyang sanhi ng pagpapakamatay ng unang nakaisang palad? Aanhin niya ang isang babaing walang iisang tibukin ng puso? Ngayon ay nagi na uli siyang masigla at hindi na paris ng dati, nilimot na niya ang dating mga dalamhati dahil sa paglimot ng binibining napakasal sa iba. Ngayon ay nabatid niyang si Leoning ay isang babaing hindi makapagbibigay ng kalwalhatian sa puso. Nalaman niya na si Leoning ay isang babaing nang makayapak sa tuntungang mataas ay naging isang babaing nakalimot ng dating kayumian, nakalimot ng dating kaugalian at nakalimot ng kanyang buhay-kahapon: Naging, pusong salawahan.

Hindi kailangan niya ang isang Leoning! Hindi niya kailangan ang mga babaeng gayon na kung makayapak sa matataas na samahan at mapabilang sa maririwasa ay nagiiba ang mga kilos, ugali at dating katutubong pagkatao. Oh! ang mga babaeng ganyan ay isang magigiging sira sa karangalan ng lahing busabos at wala pang kalayaan. Hindi iyan ang magiging uliran at karangalan ng ating bayan.

Kaya ngayon ay wala na, wala na, at natapos din ang maligayang pamumuhay ni Leoning. Ang may pusong sukab at walang iisang pagibig, ang walang iisang tibukin ng puso ay nagsisisi ngayon sa kanyang pagkaligaw sa matuwid na landas ng buhay.

Oh! babai, huwag sana ninyong kalilimutan ang dating katutubong ugaling dakila. Huwag magbago ang dating ugali, ang dati ninyong kayumian at ang mga kabig-habighaning kilos ay huwag papaglahuin. Ang mga masasamang gawa ay hindi nagbubunga ng magaling. Hindi natin mapupuwing ang wika ni Bonifacio na "Huwag magtanim ng masama upang umani ng mabuti."

At, ngayo'y narito ang naging wakas na ang isang Leonora na noong una ay isang babaeng may pusong uliran, may pusong siyang dapat tularan sapagka't siya ang dalagang may mabining kilos, may pusong matimtiman, datapwa't nang mabilang na siya sa lipunang matataas at napasama sa mga lalong tanyag na kapisanan ay nagbago at nilimot ang dating kaugaliang dakila, at, ngayon ay kay pait ng kanyang naging palad.

Ayaw na siyang sakluluhan ng isang Eduardo sapagka't ang kapighatian niyang yaong naging palad ay dahil sa sumpang nilimot. At, ngayon si Leonora ay hindi na makalapit sa piling ni Eduardo sapagka't para ba sa kanyang sinasabing:

—Leonora, hala, ako'y napopoot na saiyo, hindi na kita hangad na makita, alam kong wala kang iisang puso, walang iisang pagibig. Ayoko na sa iyo, at kung makakita, ka ng ibang palad ay doon ka naman pupunta, ayoko ng babaing tulad mo!

Kulangpalad na Leonora!

Wala ng sumaklolo sa kanyang mga paghikbi. Waring sinasabi na lamang ng lahat sa kanya na:

—Hoy! Leonora, babaeng sukab dalawin mo ang libingan ng iyong asawa at doon mo hugasan ang kapurihan mong nagawa at pagsisihan mo ang lahat ng kasalanan. Namatay ang kabiyak ng puso mong si Daniel ng dahil sa iyong pagtataksil!

Kaya't ang kahabaghabag na si Leonora ay walang naging palad kundi ang magsisi. Idalangin ang asawang namatay at pagsisihan ang mga kasalanan niyang nagawa. Humingi ng tawad sa Poong Maykapal at hinihinging patawarin ang maling landas na binagtas ng kanyang buhay.

Kaawaawang Leonorang nagluksa sa buhay! Kaawaawang babaeng nagsukab na ngayon ay lubos ang pagluha at pagsisisi!

Tuwing hapon ay dinadalaw ang libingan ng kanyang naging asawa na pinagtataksilan at sa ibabaw ng hukay ay pumapatak ang luha at ganap na nagsisisi. Ang mga bulaklak ay iniaalay at isinasabog niya sa ibabaw ng libing ni Daniel Perez, ang kanyang asawang nagpakamatay sa sarili nang dahil sa pagsusukab ng asawang ngayon ay siyang dumadalaw sa kanyang libing, nagsisisi at lumuluha.

Kaawaawang Leonorang nagluksa sa buhay!

At, hindi nga magbabalik ang lahat. Natapos na ang lahat ng kaligayahan sa buhay ni Leonora. Natapos na ang lahat at ang katapusan ng kaligayahan ay kapaitan naman. Dumating na ang tadhanang kanyang kaaliwan: ngayon ay tapos na ang lahat.

Ngayon ay sa ibabaw ng libing ng kaawaawang si Daniel Perez, ay nakahimlay ang kaawaawang si Leonora na walang bumubukal sa mga maamong matang nangungulimlim kundi ang mapapait na luha. Nakahiglay siya na, humihikbi, nagbubuntunghininga nang dahilan sa pagpanaw ng kanyang irog.

Kaawaawang Leoning na nagluksa sa buhay!

Nagluksa ng dahil sa sumpang nilimot: nilimot ang sumpa kay Eduardong naging unang kasuyuan at nagluksa dahil sa sumpang nilimot sa kay Daniel Perez, na, pinagsukaban, na siyang dahilang ikinamatay.

At, ngayon kung pinagmamalas, ni Leonora ang ibabaw ng libing ni Daniel Perez, ay waring wala siyang ibang nakikita kundi ang nasa krus ng hukay ng nasawi na ganitong mga titik:

"PUSONG MINATAMIS ANG MAMATAY NG DAHIL SA PAGSUSUKAB NG ASAWA AT UPANG HUWAG NAGTAMO NG PAGPULA NG MATATAAS NA LIPUNAN AT KAPISANAN AY NINAIS NGANG SA HUKAY NG LIBING NA ITO AY MASADLAK!"

¡WAKAS!


"PANULAT BANAHAW"

KAPISANAN NG MGA MANUNULAT SA WIKANG TAGALOG.

Itinatag: Disyembre 19, 1918

MGA KASAPING TAGATANGKILIK:

Vedasto V. Cadeliña
Gerardo P. Borja
Claro Cabungkal
Juan Ranola.

LAYON:

Linangin, pagyamanin at palaganapin ang Sariling Wika.

Pagaralan at saliksikin ang panitikan ng ibang lahi upang ibanding at pagkatapos ay ikatnig sa Sariling Panitikan, sa ikaniningning pa niyang lalo.

 

PARAAN:

Maglathala ng mga akda magpalimbag ng mga aklat at magtanghal ng mga dula ng mga kasapi; magpapulong bayan, magpayaman, magpatimpalak-panitik at magdaos ng mga paligsahan sa bigkasan.

Magbasa ng mga sinulat ng mga tagaibanglupain at isalin o kaya'y halawin sa Sariling Wika.

MGA DULANG NAITANGHAL NA

MARCELINO ABUEL:

  • Ang Pagbayad ng Magaaral
  • Mga Kaawaawang Di Nagsipagaral
  • Mga Batugang Isip (Mga Mapamahiin)
  • Ang Araw ng Halaman
  • Ang Kalbaryo ng Dalaga
  • Alibughang Anak
  • Ipagtanggol ang Karapatan
  • Ang Araw ng Ina

ZÓSIMO G. RESURRECCION:

  • Ang Manglulupig at ang Makata
  • Sa Bingit ng Kasawian.

ZÓSIMO O. MADERAL:

  • ¡Isumpa ang Masasamang Hilig!

ELIAS G. NAÑOLA:

  • Ang Anak ay Anak
  • Memory of the Past
  • Who has the Fault
  • Sakit ng Panahon
  • Huling Araw ng Masamang Budhi
  • A Love of a Filipino Girl
  • Kamangmangan.

AGRIPINO D. NANTES:

  • Bayani ng Pagibig
  • Ang Laki sa Layaw.

VICENTE D. BELTRAN:

  • Bayan at Pagibig
  • Ang Salarin.

ITATANGHAL PA:

  • Wakas ng pagiimbot—Ricardo E. Palacio
  • Ang Lakas ng Katwiran—Balbino B. Nanong.

MGA IPALILIMBAG:

Pangkalahatang Talatinigan ng Wikang Tagalog—Panulat Banahaw.

Pangkalahatang Kasaysayan ng Sangdaigdig—Benjamin Racelis.

Sa Libis ng Palad (Nobela)—Balbino B. Nanong.

Mga Ulap sa Katagarawan (Nobela)—Zósimo O Maderal.

Malikmata't Pangarap (Mga Tula)—Zósimo O. Maderal.

Palaspas (Mga Tula)—Crispulo O. Salvatierra.

New Dictionary: Tagalog-English and Vice Versa

Mga Hiyas ng Parnasong Tagalog

The New Poetry

Mga Hiyas ng Pangarap (Mga Tula)—Zósimo O. Maderal.


ARAW NG KAMUSMUSAN

(Tula ni Ursula O. Maderal)

I.

Luha'y tumutulo, tuwing magunita
ang masayang araw noong ako'y bata;
na lahat ay aliw, tuwa at biyaya,
walang kulay-lungkot sa puso ko't diwa.

II.

Naalaala ko ang isang dalangin
na turo ni Nanay na ito ang turing:
"Loobin mo nawa, Oh, Dios na butihin,
na ako ay maging mabait, mahinhin".

III.

Ang panahong yao'y lumipas na ngayon,
hindi na babalik ang buhay kahapon;
tanging nalalabi'y alaala noon,
upang maging tudling sa tinatalunton.

¡BAYANG PILIPINAS...!

Taguring madalas ang iyong kariktan,
Bayang Pilipinas na hinahangaan,
Ng lahat ng tao, sa lahat ng bayan,
Sa lahat ng dako ng Sangsinukuban,
Ang paghanga nila'y hindi nalalaman,
Bayang Pilipinas, ng nagdaang araw,
Nang bago sumikat sa Kasilanganan,
Ay inalipin din at pinahirapan.
Matupos tamuhin ang mga pahirap,
Ng mga banyagang dito'y mapagpanggap,
Ay biglang pinalis, agad pinalayas,
Dito sa pangpangin ng bayan kong liyag.
At ngayo'y nagbago; napaltan ang lahat;
Ang nakasasakop magarang Watawat,
Ay isinalupa, ng Haring malakas,
Ng bayang malaya't may uring mataas.
Ang sapot na itim na nakatatakip,
Ulap na makapal ng gabing tahimik,
Ay nahawi mandin katulad ng tubig,
Pagkaulan-ula'y nawawalang tikis.
At ang humalili'y ang kaliwanagan,
Sa gabing madilim na kapanglawpanglaw;
Doon sa Silanga'y nagliwayway naman,
At saka sumikat itong Bagong Araw.
Ito nga ang saksing hindi makakatkat,
Pagka't nakikintal doon sa itaas,
Diwa'y nagsasaad ng masayang Bukas,
Sa mahal kong bayang hindi mapanatag.
Waring bumubulong ng mahinang tinig,
Sa mutya kong bayang may banal na nais:

BAYAANG UMIRAL ANG MGA MATUWID,
NANG DI MAMALAGI YAONG PANGIINIS.

Ang lahat ng ito ay malaking utang
Sa Bansang Agilang watong makapantay;
Bansang nagkandili, nagpalapalayaw
Sa iyo O bayang, sa laya ay uhaw.
Umaasa kaming iyong mga anak,
Pagkakalooban pagdating ng bukas,
Mithing Kalayaan na siyang panglunas,
Sa mga aliping lumaki sa hirap.

CRISPULO O. SALVATIERRA.


ANG BAGIN

HABILIN:

Mangagingat kayo may bukas na loob
Sa kahi't na sinong ibig na pakupkop
Alin mang "patao'y" suriin ang kilos
Nang upang malayo sa dusa't himutok;
Baka, maparis ka doon sa naglimos
Ng awa'y ¡siya pang buhay ay tinapos!...

ELIAS G. NAÑOLA.


BUHAY...

Ang gawang magsakit larawang pagasa
Noong sa darating ganap na ginhawa;
Nguni't katamara'y sumpa sa ligaya,
Kapatid ng dusa't hinlog ng balisa!
Buhay ay tungkulin at pakikibaka,
Gumawa ng ukol, at may panahon pa!!

ZÓSIMO G. RESURRECCION.

Santa Cruz, Laguna.
Agosto 29, 1922.


MGA IMBI...

Ang mga salari't may lihim na buhay,
Huwag di matingna't kagyat nang gilawgaw.
Lahat ng sa ati'y may kapanutuhan,
Sa kanila'y pawang kabalintunaan:
Bawa't ngiti'y ngisi, balang tawa'y uyain,
Tungkol kilos nati'y mayrong kahulugan...
Masalagimsimi't panimdiming tunay...
Silaw, dungo't takot sa kaliwanagan,
Diwa't puso nila'y nasa kadiliman...

RICARDO E. PALACIO.


INANG WIKA

Sa mataas na kalbaryo
Ng layon mo at pangarap,
Anak mo rin ang katalo't
Nagbibigay ng bagabag.
Parang hindi nalalaman
Na Ina kang sa kanila
Ay maampong bumubuhay
Higit kaysa, wikang iba.
Samantalang patuloy ka
Sa dalisay mong adhika;
Naglilipol naman sila
Sa binhi mong ipinunla.
Sa ganito ay maliwag
Na dumating at makita
Ang liwayway at pagsikat
Ng hintay mo at pagasa.

VENANCIO SALIENDRA.


MY ANGEL—WORLD

By Zósimo O. Maderal

I

Mine heart and soul
Thou art; the mine love
Thought thee e'er troll...
So as to prove:
There's not a throb,
A wish, a sob,
A rare fancy,
That's not of thee.

II

Thou'rt all and all
To me the world:
Suncrowned and tall...
A flag unfurled...
Thou'rt book, lyre, voice,
Pearl, nymph, fate, choice,
Rose, rhythm, path, night,
Home, dream, life, light!...

III

For thee I sigh,
For thee I hope,
For thee I yearn...
O, please, tell why
Oft do I mope?
Thou can't, dear, turn
Thine eyes to me
For ecstacy...?

IV

Mine heart and soul
Thou art; to mine love,
Thought thee e'er troll...
So as to prove:
There's not a throb,
A wish, a sob,
A rare fancy
That's not of thee.

MY SACRED FLOWER...

To my darling.

Hail, fairest dream of my dreams supreme;
From Minerva's Temple
Oh, you've come 'midst thy country's esteem!
Welcome and justified
To you, my best of wishes I deem:
May you be sanctified
At Honor's Altar; and, Life's Blaspheme,
Thee never shall trample!!...

SANCHO A. SALIVIA.