WeRead Powered by ReaderPub
Isa Pang Bayani cover

Isa Pang Bayani

Chapter 16: V
Open in WeRead

About This Book

The author records struggles and internal flaws in early labor organizing through short histories and on-the-ground scenes, portraying spontaneous strikes, opportunistic leaders, and the wear of uncoordinated revolt. He critiques charismatic figures who mislead or betray collective action and traces how disorganization, cowardice, and false promises undermine workers' causes. Interspersed vignettes describe crowds gathering outside a tobacco factory on a June morning and the small defeats that follow. The narrative argues for collective trade-union organization and socialism as a path toward durable reforms while offering hope that clearer leadership and union building can correct earlier mistakes.

V

At ... ¿si Gervasio ay saan naroron? ¿Ano't sa mg̃a huling pangyayari ay di man lamang nakita gayong siya ang pang̃ulo...?

Alamin natin.

Gaya nang nalalaman natin, si Pablo, nang makalabas sa pintuan ng̃ pagawaan, ay nagisip ng̃ mg̃a paraang gagamitin sa paghimok kay Gervasio, upang ito ay magbalik sa Pagawaan. Sa gabi rin ng̃ araw na yaong makausap siya ng̃ may Pagawaan ay nagsadya na siya sa bahay ng̃ hihikayatin, at taglay sa puso ang malaking pagasa sa tagumpay ay walang kimi ni pagaalinlang̃an ipinabatid kay Gervasio ang kanyang layon, sa pamamagitan ng̃ mg̃a tiyakang pang̃ung̃usap at hindi maligoy na pagsasalaysay. Sinabi ang pagkakapatawag sa kanya ng̃ Tagapamahala ng̃ Pagawaan, at gayon din ang mg̃a pang̃akong ibinigay at ng̃ sampung pisong kaloob.

Si Gervasio, sa haráp ng̃ gayong salaysay at panghihikayat ni Pablo, ay natilihan muna at di agad nakasagót; pinagbulaybulay sa isip niya ang mg̃a pangyayari at dapat pang mangyari sakali't tanggapin ang amuki ng̃ kaibigang humihikayat.

Nang mamalas ni Pablo ang gayong di pagtugon ng̃ kanyang kausap ay nagpatuloy:

—Tingnan mo—anya—¿ano ang mapapala mo sakali't magpatuloy ka sa kalagayang taglay mo ng̃ayon? ¿Inaasahan mo baga, na kayo'y magtatagumpay sa aklasan? Inaakala kong hindi, at nasabi ko na ng̃a sa iyo ang sinabi sa akin ng̃ Tagapamahala sa Pagawaan. Titikisin daw niya at susubukan kung hanggang saan aabot ang inyong lakás. At tang̃i sa rito, ¿ano't makikiloko ka sa kanila? ¿Kung wala ka pa bang makain at sampu ng̃ iyong pamilya ay mayroong magbibigay sa iyo?

—Iyan din ng̃a ba ang sinasabi ko sa taong iyan—ang halos ay nangdididilat ang mata ng̃ asawa ni Gervasiong humalo sa salitaan—sa hirap naming ito ay hindi ko ng̃a malaman sa taong iyan kung ano't hahalohalo sa mg̃a kaululan at "chismes;" tila baga kung napipisanan na siya at sampu ng̃ kanyang pamilya ay may tutulong man lamang at makaaalaalang siya'y lapitan. ¡Sús ... aywan ko ng̃a ba!—at sabay sa mg̃a huling pang̃ung̃usap na ito ay nangdudura pa man din.

Wala na; para sa mahinang puso ni Gervasio, ang ano mang pang̃ang̃atwiran ay di na maibuka sa bibig.

Marinig sa bibig ng̃ asawa niya ang isang pagsisi sa kanyang ginawa at ginagawa sa kapakinabang̃an ng̃ marami, bakit ay naisurot pa nito na kung ano at kung bakit hahalohalo sa mg̃a "chismes," ay doon na pinanglupaypay na lalo ang kanyang marupok na puso sa haráp ng̃ mg̃a nakahahalinang amuki ni Pablo.

Kaya't pagkalipas ng̃ ilang sandali ay napilitang magsalita.

—¿Paano ang iba kong kasamahan?

—¿Ang iba mong kasamahan?—ang wari'y sagot na tanong din ni Pablo.—¿Bakit mo sila iintindihin? ¡Di bayaan mo sila! Ang bawa't isa ay dapat humanap ng̃ kanyang sariling kagaling̃an; kanikanyang hanap at pagsisikap ...

—¿At ang aming sumpaan? ¿At ang aming ...?

—Walin mong kabuluhan—ang saló agad ni Pablo.

—Aywan ko sa taong itó—ang sabad na naman ng̃ babai—tila ibig mag Kristong papako sa krus sa kagaling̃an ng̃ marami at ibig yatang matawag na manunubos.

—Siya ng̃a naman—ang sambot pa ni Pablo—isipisipin mong mabuti. Ang iniaamuki ko sa iyo ay kagaling̃an mong sarili at ng̃ iyong pamilya. ¡Siya na iyang makámakabayan!

At si Gervasio ay pilit na sumuko; sa haráp ng̃ dalawang tuksó ay wala na siyang magagawa. At saka naaalaala ng̃a rin niya ang gipit nilang kalagayan sa pamumuhay, sa gitna ng̃ malawak na dagat ng̃ buhay at sa gitna ng̃ naglalakihang daluyong ng̃ kasaliwaang palad.

At siya, si Gervasio, ay walang tápang na makahaharap sa malalaking pagbabaka maging ang pagbabakang ito ay magbung̃a sa huli ng̃ tagumpay ng̃ isang dakilang simulain at kalasapan ng̃ di gaanong kagaling̃an ng̃ marami.

Maligtas lamang ang sarili ay mamatay na ang lahat. Ito, ang simulaing naghari at pinapaghari ni Gervasio sa kanyang puso; kaya't sa wakás ay sinabi ng̃ boong siglá.

—Ako ay umaáyon.

At ang pang̃ulong Gervasio, mula sa mg̃a sandaling yaon na bigkasin niya ang pag-ayon, ay isa na sa maraming taksil na naglipana sa Pilipinas.

—Kung gayon,—ang may malaking kagalakang sabi ni Pablo—búkas ng̃ hápon ay sasama ka na sa akin. Tayo ay gagawa nang kasama ng̃ ilan pang manggagawa na kinuha ko sa ibang pagawaan.

—Huwag; huwag muna. Kailang̃an nating hikayatin si Mauro.

—Siya ng̃a; lalong mabuti kung pati na siya ay makasama natin.

—Inaasahan ko rin, na gayon ang mangyayari. Siya nama'y dukha ring kamukha ko ... wala rin siyang itatagal sa malaong aklasan.

—Kung gayon, bukas na ng̃ hapon tayo pumaroon, at sa hapon ko na rin dadalhin sa Pagawaan ang mg̃a magsisigawa, at pagkapanggaling ko roon ay saka na tayo magkita. Sa gabi na tayo pumaroón.

—Lalong mabuti ng̃a—ang tugon ni Gervasio—kita'y hihintayin.

—Oó, darating akong walang sala.

At noon din si Pablo ay nagpaalam.

Nariyan ang dahil, kung kaya't si Gervasio, sa poók na pinagtitipunan ng̃ mg̃a nagsiaklás ay di man lamang nakita.


VI

Sa haráp ng̃ kanyang susulatán, si Mauro ay payapang nakaupo kinagabihan din ng̃ araw ring yaong ipinaghiwahiwalay nilang magkakasama.

Nakapatong sa ibabaw ng̃ lamesa ang dalawang bisig at sa mg̃a palad ay nakakatang naman ang dalawang pisng̃i.

Malungkot ang kanyang anyo; at sa pagmumukha ay nababakás ang isang napakalaking damdaming kinakabaka ng̃ puso, damdaming nakapagpapapulás sa dibdib ng̃ malalalim na buntonghining̃a.

Sadyang nang mg̃a sandaling yaon, ay may isang malaking suliraning pinagaaralan ...

Kinukuro at dinuduklay sa isip ang sanhi at kung bakit may mg̃a manggagawang sa kilusang tung̃o sa pagtatanggol ng̃ karapatan na pinagsisikapang itaguyod ng̃ iba nilang kamanggagawa ay nagkakatápang na siyang sumira sa kilusán sa pamamagitan ng̃ pagtataksil.

Hindi niya lubos maisip ang sanhi ng̃ kung bakit samantalang ang ilang magigiting na kawal ng̃ pawis ay nagpapakasákit sa pagtataguyod ng̃ aping karapatan ng̃ mg̃a manggagawa upang pagkatapos ay kilalanin ng̃ mg̃a mapaniil na puhunan, ay marami rin naman sa mg̃a manggagawa ang walang sinasamantala kundi ang gayong mg̃a kilusan upang makasunod sa masamang nasa at kinamihasnan ng̃ puso na pagpapasasa sa mg̃a tungkulin at gawain ng̃ mg̃a nagsisiaklás, sa kapakinabang̃an at kagaling̃an nilang sarili.

Lumuluha ang kanyang puso. At nagdaramdam sampu ng̃ kanyang kaluluwa, sa mg̃a katiwaliang namamalas.

Hindi miminsan, at sa gayon niyang pagbubulaybulay, ay ikapit ang malaki at lalong mabibigat na pagsisi, doón sa mg̃a unang humawak ng̃ kapalaran ng̃ mg̃a manggagawang pilipino at sa ilang humahawak pa rin at nagsisipagtaguyod kunwa sa mga anák-pawis, bago'y ang kadalasang mangyari ay sila na rin ang unaunang nagbibili at kumakalakal sa mg̃a itó sa maraming kilusang nangyari.

At lalong malaki at napakalaking sala ang ibinibigay niya sa haráp ng̃ mg̃a napapariwarang kilusan ng̃ mg̃a anák-pawis, sa mg̃a nagbabansag na tagapagtanggol ng̃ malalayang karapatan ng̃ mg̃a manggagawa at sa mg̃a nagkukunwaring umaákay sa mg̃a ito, sa landas ng̃ pagkakaisá, sapagka't maliwanag na nakikita at nadadamá sa mg̃a pangyayari, na, marami pa ang panahong ginugugol nila sa pagpapalaganap ng̃ isang lihim na pagiimbót sa isang tungkuling inaadhika, kay sa panahong dapat gugulin sa pagiisip at paghanap ng̃ wastong paraan, upang ang marami at malalaking suliraning manggagawa sa Pilipinas ay malunasan.

Anopa't sa ganang kanya, sa ganang kay Maurong nagdaramdam sa namamalas na kaapihan ng̃ madlang kilusang manggagawa, ang mg̃a ito ay malimit lamang na gawing hagdanan ng̃ ilang mapagimbot at nagkukunwaring tagaakay nila at upang makaakyat sa tugatog ng̃ dang̃al at katungkulan, dang̃al at katungkulang gagamitin lamang sa sariling kapakanan at kagaling̃an.

Sa gayong malungkot na pagmumunimuni ni Mauro, ang asawa niyang si Serafina Halili, babaing puspos hinhin, marang̃al at matalino, na di lamang karapatdapat na iná ng̃ tatlo nilang maliliit na anák, kundi isá rin namang katulong at katuwang niya sa malaking pagbabaka sa buhay, na mula pa nang mg̃a unang sandali'y nagmamalasmalas na sa anyo at kilos ng̃ asawa, ay di na nakabatang di lumapit at magusisa:

—¿Bakit ka nalulungkot?—¿Ano ang nangyayari sa inyó? ¿May malubhang bagay bagang sinasapit ang inyong kilusan?—ang sunodsunod na tanong ni Serafina.

—Serafina ... Serafina ...—ang naitugon ni Mauro na hinawakan ang kamay ng̃ asawa—¡Sawing palad...! ¡Sawingsawi ang kapalarang sinasapit ng̃ mg̃a manggagawa!

—¿Bakit? ¿Hindi ba't ang kilusan ninyo ay nagkakaisá?

—¡Nagkakaisa! Oó; datapwa't ang mg̃a taksil, ang mg̃a Hudas, ay siyang nagwasak at magwawasak pa ng̃ nalalabing pagkakaisa ng̃ mg̃a nagsiaklas sa pamamagitan ng̃ ...—at si Mauro, sa laki mandin ng̃ pagdaramdam na sa puso niya'y tumitiim, ay napasuntok sa ibabaw ng̃ kanyang sulatán at tuloy na napayukayok.

Si Serafina, babaing kailan ma'y di pinagmamaliwan ng̃ pagmamahal sa kanyang asawa, at babaing nakakikilala at nakababatid ng̃ tungkulin niya, sa mg̃a sandaling yaón ay biglang napayakap kay Mauro at ito'y pinagbiyayaan ng̃ matatamis na halik.

—Mauro: husayin ang iyong loob; pumayapa ka, at mangyaring sabihin sa akin ang sanhi ng̃ iyong malaking pagdaramdam ... Titingnan ko, kung ano ang magagawa ko ... At kung, sakali mang ako sa aking pagkababai ay walang magagawang anomang tulong upang sa kasawian ng̃ mg̃a kamanggagawa mo'y makabawasbawas, ay matulung̃an man lamang kita sa paghahanap ng̃ lunas.

—¡Salamat, Serafina, salamat: at nalalaman mo na naman marahil, na ako'y walang lihim para sa iyo, kaya't makinig ka at aking isasalaysay ang lahat. Umupo ka.

Si Serafina ay umupo.

At si Mauro ay nagsimula.

—Kaninang hapon, samantalang ang lahat at bawa't isa sa mg̃a manggagawang nagsiaklás ay nagkakapulong at pinaguusapan namin ang mg̃a pangyayaring hinaharáp, at samantalang inaasahan namin ang tagumpay na di malalaon ng̃ mg̃a adhika namin, ay naririto, at sa pagawaan, ay nagsipasok ang ilán, sa ilalim ng̃ pang̃ung̃ulo naman ni Pablo, isang manggagawang may kinalalagyang pagawaan, na nahikayat mandin ng̃ Tagapamahala ng̃ pagawaán, at ito naman ang siyang humikayat sa iba. Sa ganitong pangyayari, kaming nagsiaklás ay wala nang nalalabing pag-asa munti man sa pagtatagumpay; sapagka't nakikinikinita ko, na sa likod ng̃ taksil na si Pablo at sa likod pa ng̃ ilan pang nahikayat niya, ay susunod naman ang ilan pa; at sa wakas ... sa wakas ng̃a, ay marahil ang lahat na ¡Sukatin mo, Serafina, kung sa lahat nang itó ay may puso akong itatagal!

—Huminahon ka, Mauro, at ikaw, sa mg̃a nangyayaring iyan, munti man ay walang sala; hindi ka masisisi ng̃ sinoman, pagka't ikaw sa iyong sarili ay walang magagawa.

—Kung sa bagay, Serafina; datapwa't di ko lubos na dinaramdam ang magiging palad ng̃ aklasan namin ng̃ayon kung matalo man, kundi ang magiging palad ng̃ mg̃a darating na kilusán.

—Iya'y katotohanan; subali't taglayin ng̃ mg̃a may sala ang parusa, subali't ikaw ay hindi; sapagka't napariwara man ang iyong magagandang layon at adhika ay paano't paano ma'y dadalhin mo sa harap ng̃ iyong sariling budhi ang kasiyahang loob, sa, pagkatupad mo sa inaakala mong tungkulin; at sa isang dako, ako namang asawa mo, ay lalasap ng̃ lalong malaking ligaya sanhi sa ang pang̃alang taglay ko na ipinagkaloob mo sa akin, ay malinis at hindi nalalahiran ng̃ bahagya mang pagtataksil; at ang mg̃a batang anák natin ay maiiwanan mo naman ng̃ isang karang̃alang di matutumbasan ng̃ pilak ni ng̃ anomang kayamanan. Magbalik na silang lahat sa pagawaan ng̃ di natatamo ang tagumpay kundi ang kahiyahiyang pagkatalo; datapwa't, ikaw na asawa ko, ay hindi ko inaasahang gagawa ng̃ gayon, alangalang man lamang sa malinis na karang̃alan na dapat mong ipamana sa ating mg̃a anák. Dumating na ang hirap; dumagsa na sa atin ang lahat ng̃ sákit at paghihikahós sa buhay kung wala ka mang pagkakitaan ay nakang̃iti kong tatanggapin at ituturong tanggaping maluwag sa puso ng̃ ating mg̃a anák. Sa gayon ay maipakikilala natin sa haráp ng̃ kahit sino, na kung sakali mang may mg̃a manggagawang pilipino na walang hinaharap ni sinisikap kundi ang kagaling̃an at kapakanang sarili, ay mayroon din namang hindi, at isinasailalim ang mg̃a kagaling̃ang sarili sa kagaling̃an na marami; kaya, Mauro, paghusayin ang iyong loob ...

—Salamat, Serafina ... at tantuin mo, na sa haráp ng̃ mg̃a kasawiang laging inaabot ng̃ maraming aklasan at ng̃ ano mang kilusang manggagawa, ang mg̃a hatol mo at pasyang binitiwan ay siya kong gagawing kalasag ...

Isang tinig ang mula sa lupa ay siyang pumutol sa gayong mahalagang paguusap ng̃ mag-asawa.

Dinung̃aw ni Serafina, at nang makita at makilalang si Gervasio at si Pablo ang tumawag ay agad na sinabi kay Mauro.

Natigilan si Mauro at hindi agad nakakibo. Inisip niyang huwag tanggapin ang pagdalaw ng̃ dalawa, pagka't mandi'y nasusuklam siyang makiharáp sa kasama ni Gervasio ...

Datapwa't madali siyang nagbago ng̃ akala. Nararapat niyang tanggapin ang pagdalaw ng̃ dalawa, upang huwag siyang mapintasan sa pakikipagkapwa, at upang mabatid tuloy ang sadya, at malaman kung ano't kung bakit si Gervasio ay kasama ni Pablo.

Sa pamamagitan ni Serafina, ang dalawa'y ipinatuloy.

At nagsipanhik.


VII

Sa haráp din ng̃ sulatan ni Mauro, pagkatapos ng̃ mg̃a kailang̃ang batian ay nagkaibayo sila ng̃ upo.

Si Serafina, pagsunod sa isang anyaya ni Mauro, ay naupo rin sa piling nito.

—¿Anó, kumusta, mg̃a kasama...?—ang unang bati ni Mauro na nakang̃iti—¿Anó ang inyong layon...?

Nagkating̃inan muna ang dalawang panauhin at pagkatapos ay ibinaling ang mg̃a matá kay Serafina.

Ang gayon ay di naling̃id sa kaalaman ni Mauro, at nahulaan mandin ang pagaatubili ng̃ dalawa, kaya't muling sinabi:

—Sabihin ninyo, mg̃a kasama, ang sanhi ng̃ inyong ipinarito; huwag kayong magalinlang̃an at sa haráp ng̃ aking asawa ay makapagsasalitaan tayo; huwag kayong magalaala ... siya nama'y mapagkakatiwalaan ...

—¡Oh, hindi naman sa gayon!—ang sambót agad ni Gervasio.

—Kung gayon ay sabihin na ninyo.

At si Pablo ang nagpasimula.

—Kami ay naparito, kaibigang Mauro, upang kausapin ka sa isang mahalagang bagay.

—Siya ng̃a:—ang ayon ni Gervasio.

—Ipatuloy ninyo—ani Mauro naman.

—Ang sanhi,—ani Pablo—ay upang amukiin kang sumama na sa amin sa pagpasok.

—¿Saan?—ang nabiglang tanong ni Mauro na kumabakaba ang dibdib.

—Sa ating Pagawaan—ang tugon ni Gervasio.

—¿Sa Pagawaan natin?

—Oó,—ani Pablo naman.

Isang matunog mang "bomba" ang lumagpak sa harapan ni Mauro ay di pa marahil ikagugulat nito na gaya nang marinig ang katatapos na sabi ng̃ dalawa.

Napatindig sa kinauupán; at noo'y ibig na sanang daluhung̃in ang dalawang panauhin upang maipakilala sa kanila ang bigát ng̃ sinabi; subali't nakapagpigil din sanhi sa pagaalaala sa mg̃a pangyayaring di pamumung̃ahan ng̃ anomang buti at sa pagaalaala rin naman na siya'y nasa kanyang sariling tahanan, at di nararapat na gumawa ng̃ anomang malalabag sa magandang kaugalian; kaya't namayapa pa rin at ang wikang kasabay ng̃ pagupong muli.

—Mga kasama: ¿sa inyo bagang sinabi at iniaamuki sa akin ay nalalaman ninyong may isang mahalagang bagay na napapagitna?

—Oó, nalaláman namin—ani Pablo.

—¿Alin?

—Ang aklasan.

—Kung gayo't nalaláman ninyo, ay ¿anong mg̃a matwid ang mailalahad ninyo sa akin upang kayo'y ayunan ko?

—Ang sarili mo ring kagaling̃an—ang nakang̃iting tugón pa ni Pablo.

—Salamat, kasamang Pablo; pinasasalamatan ko ng̃ marami ang iyong mabuting hang̃ad; subali't ipahintulot mo, na sabihin kong hindi ko matatanggap kailan man ang anomang hang̃aring makapagpapabuti lamang sa aking sarili, ng̃uni't sa kapang̃anyayaan naman ng̃ marami.

—¿Bakit mo iisipin at aalalahanin ang kapakanan ng̃ iba? Sukat mong alamin, kasamang Mauro, na ang inyong aklasan ay di magtatagumpay. Walang pangyayarihan kundi ang pagkabigo at pagkasayang lamang ng̃ panahon; kaya't ¡bayaan mo na sila't harapin mo ang sarili mong kagaling̃an, yayamang isang pagkakataóng dapat mong samantalahin ang pang̃akong binitiwan ng̃ may Pagawaan!

—Siya ng̃a naman—ang paayon ni Gervasio.

—¿At ikaw ba, kasamang Gervasio, ay umáyon na?—ang tanong ni Mauro dito.

—Oó;—ang tugóng may kasiglahan ng̃ tinanong.—ako'y umayon na, sapagka't nakikita kong wala rin lamang pangyayarihan ang ating pagmamatigás; tayo, sa ating kahirapan, ay walang magagawa.

—Gervasio, Gervasio ...—ang ulitulit na tawag na may kahalong pagiring ni Mauro.—Hindi ko akalain, na ikaw, ikaw na inaasahan pa naman ng̃ marami mong mg̃a kapatid at kamanggagawa sa pagtatanggol, ang siya ngayong unaunang magpapawalang kabuluhan sa lakas ng̃ pagiisá; ikaw na pinagkatiwalaan nila ng̃ lahat nilang pagasa ay siya ng̃ayong maglalagpak sa karang̃alang malinis na dapat sanang dalhin at tamuhin nating lahat sa aklasang ito. Hindi ko hinihintay, oó; hinding hindi ng̃a, na sa iyo'y mamugad ang isang pusong may tiwali at di wastong paniniwala. ¡Sayang! Oó; hindi ko inaasahan, na ikaw pala ay may isang puso at damdaming marupok, upang huwag kong sabihing imbi.

—Mauro; hindi rin naman lubos na gaya ng̃ paniniwala mo ...—ang nakang̃iti pa ring tugon ng̃ kinakausap.

—¿At ano ang maitatawag sa iyong inaasal?

—Pagliligtas sa isang bagay na di katatamuhan ng̃ tagumpay—ang salo naman ni Pablo.

—Mg̃a kasama; ipahintulot ninyo, na ako pa rin ay tumugon. Sa ganang akin, kailan man ay di ko magagawa ang magtaksil sa aking mg̃a pananalig. Pinanaligan kong ang kilusan namin ay nararapat kong katigan at ipagtanggol, kaya naririto ako't hangga ng̃ayon ay nananalig pa rin, kung hindi man sa tagumpay ay sa kadakilaan ng̃ layon at simulaing ipinakikipaglaban.

—Oó na ng̃a—ang putol pa ni Gervasio sa nagsasalita—datapwa't ang lahat nang iyan ay kailang̃ang ing̃atan kung nakikitang may tagumpay na inaasahan sa huli ...

—¿At paanong ibig ninyong makaasa sa tagumpay, kung may mg̃a taksil at walang kaluluwang nagbibili sa pamamagitan ng̃ isang pang̃ako ng̃ lalong dakila at mahalagang kilusan? ¿Paanong ibig ninyo, na ang alin mang aklasan ay magwagí, kung ang mg̃a nang̃ung̃ulo at nagsisipang̃asiwa sa kapalaran at buhay ng̃ libolibong mg̃a kapatid ay siyang unang nagsisipagtaksil sa dakilang pagiisa ng̃ mg̃a manggagawa? ¡Oh! hindi, makalilibong hindi.

—¡Mauro! ¡Mauro!—ang nagkapanabay ng̃ dalawa.

—Ipatawad ninyo—ani Mauro—ang kaunting kabigatan ng̃ aking sinabi; subali't ang puso ko ang siyang naguutos; kaya't ...

—Huwag kang magalaala ng̃ anoman—ang tugon ni Pablo.—Kung sa bagay ay dapat na sana naming ipagdamdam ang iyong mg̃a binitiwang pang̃ungusap; ng̃uni't ipinagpapaumanhin na namin, sa paniniwalang makukuha pa rin namin na ikaw ay maliwanagan, at sa huli ay makikilala mo ang kahalagahan ng̃ aming layon.

—¡Salamat! Subali't, huwag na kayong magpagod—ang matigas ding tugon ni Mauro.

—Alalahanin mo, na ang sarili mong kapakanan ang siyang dapat unahin.

—Lalong hindi ko matatanggap ang sinabi ninyong iyan; sapagka't nananalig pa rin ako, na samantalang ang pagmamahal sa sariling kapakanan at kagaling̃an ng̃ mg̃a manggagawa sa Pilipinas ay di isinasailalim ng̃ kapakanan at kagaling̃an ng̃ marami, ang kabusabusan ay di mawawala at ang liwayway ng̃ katubusan ay di mamamanaág ...

—¿At ikaw ba ang babago sa kapalakarang iyán?—ang nakatawang tugón agad ni Gervasio.

—Kung hindi man gayon ang mangyari ay maging pasimulang hakbang man lamang sa pagbabagong buhay ng̃ mg̃a manggagawa sa Pilipinas.

—¡Ha, ha, ha, ha,...!—ang halakhakang nagkapanabay ng̃ dalawa, at saka ang sabi ni Pablo:

—Alalahanin mong may asawa ka at mg̃a anák, na madadamay sa paghihikahos.

Ang sandaling yaon, para kay Serafinang nakikinig at malaon na ring ibig na sumagót sa paguusap ng̃ tatlo; ang sandali ng̃ang yaon ay inakala niyang isa nang pagkakataóng dapat samantalahin upang maipakilala sa dalawa ang kaniyang linoloob; kaya't pagkatapos na matingnan si Mauro ay boong siglang sinabi:

—Mg̃a ginoo: Dumating ang sandali, na sa kapahintulutan ninyo at ni Mauro ay kinakailang̃an kong magsalita, yayamang nabanggit na rin lamang ninyo sa inyong mg̃a pang̃ang̃atwiran ang kanyang asawa't mg̃a anak. Dinaramdam ko nang labis, na sabihin sa inyo ng̃ayon, na sa pang̃alan din ng̃ inyong mg̃a nabanggit na asawa't anák ni Mauro, ay siya'y hindi maaaring magtaksil sa kanyang mg̃a pananalig. Makalilibong nanasain kong dumating ang hinuhulaan ninyong paghihikahós, huwag lamang ang sandaling siya'y matawag na taksil at mamamátay sa mg̃a dakilang kilusan ng̃ mg̃a manggagawa. Hindi namin kinakailang̃an ang anomang ginhawa, kung ang ginhawang iyan ay magiging kapalit ng̃ karang̃alang malinis na dapat ipamana sa aming mg̃a anák. Si Mauro ay hindi makagagawa ng̃ gayon. Ang karang̃alan muna, bago ang lahat, mg̃a ginoo. At ang lalaki ó amáng hindi marunong magtanggol sa karang̃alang naaapi, magpakailan ma'y busabos, alipin at apiapihan.

Ang mg̃a huling pang̃ung̃usap na ito ni Serafina ay parang mg̃a palasong tumímo sa puso ng̃ dalawa; hindi nang̃akakibo at mandin ay nang̃atubigan sa pagkakaupo.

Hindi nila inaantabayanang marinig sa asawa ni Mauro ang gayong mg̃a pang̃ung̃usap; mg̃a pangungusap na labis ng̃ sakláp at paít.

Sa pagkabanggit nila sa asawa't mg̃a anák ni Mauro ay inaasahan nilang sila'y matutulung̃an ng̃ babai sa paglalahad ng̃ mg̃a katwirang sukat makapagpabago ng̃ loob sa hinihikayat at kailan ma'y hindi nila inakala, na si Serafina ay magkaroón ng̃ tápang at sigla ng̃ puso sa paghahayag ng̃ mg̃a damdaming pangbihira sa mg̃a babaing pilipina.

—Kayo po ang bahala ...—ang naitugón na lamang ni Pablo, pagkatapos ng̃ pagsasalita ng̃ babai.

—Ginagawa po lamang namin ang lahat nang magagawa, upang kayo'y mailigtas sa paghihikahós—ang naisagót naman ni Gervasio.

—Salamat sa inyong nasa, mg̃a kasama:—ang tugon ni Mauro.—Datapwa't narinig na ninyo ang mg̃a katwirang pinanghahawakan ni Serafina; at mg̃a pang̃ang̃atwirang lubos kong sinasangayunan sapagka't nasasalig sa aking mg̃a paniwala at sa mg̃a simulaing pinanghahawakan; kaya't ipatawad ninyong tapusin ko na ang paguusap na itó.

—Kami'y sadyang magpapaalam na naman—ang nagkapanabay na tugón ng̃ dalawa sabay ng̃ pagtitindigan.

Nagkamayan at parang walang anomang nangyari sa kanila, ay malugod ding inihandog ni Mauro at ni Serafina ang kanilang tulong sa bawa't bagay na makakaya.

Liban sa mg̃a pusong walang anomang karang̃alan, na gaya ng̃ taglay na ng̃a ng̃ dalawang magkakasama, ay wala ni sinomang makalalasap sa mg̃a pananalitang binitiwan ni Serafina sa pagtatanggol sa napapang̃anib na karang̃alan ni Mauro, na di tatablán ng̃ isang malaking kahihiyán.

Pagkaalis na pagkaalis ng̃ dalawa, si Serafina ay lumapit sa asawa; inaloalo ng̃ matatamis na pang̃ung̃usap na sukat bagang makapagpatibay sa loob ni Mauro sa mg̃a nangyayari, at sabay sa mg̃a pagsasalita niya'y pinagbibiyayaan ng̃ matutunog na halik, halik na ginaganti naman ng̃ lalaki ng̃ gayon ding tanda ng̃ walang maliw na pagiibigan.

¡Mapalad na lalaki ang magkaasawa ng̃ ganitong mg̃a babai!

At mg̃a babaing gaya ni Serafina, ay bihira nating makikita.


IIX

Sumapit ang kinabukasan.

Ang pagawaang pinagaklasán, nang umagang yaón ay pinapasukan na ng̃ maraming manggagawa.

Ang lahat halos ng̃ mg̃a manggagawang ito ay pawang nang̃ahikayat ni Pablo sa ibang mg̃a pagawaan.

At siya, si Pablo, na pinang̃akuan ng̃ mg̃a mamumuhunan ng̃ kung anoanong katang̃ian, ay lalong napamahal sa mg̃a ito, dahil sa kanyang ginugol na sipag at tiyaga sa paghahanap ng̃ mg̃a tao; sipag na nakatulong nang malaki upang silang mg̃a mamumuhunan ay magwagi sa ibabaw ng̃ mg̃a nagsiaklás.

At, ang mg̃a pulés, na buhat pa sa unang araw ng̃ aklasan ay tumatanod sa pagawaan, sa kahiling̃an ng̃ mg̃a may-ari, ay naroón pa rin at di nagsisialis.

Sa may dulaang Rizal, pook na pinagtitipunan, ay nang̃aroon ang mg̃a nagsiaklás.

Ang lahat ay nakating̃in sa maluwang na pinto ng̃ pagawaan, at pinagmamasdan ang mg̃a lumalabas at pumapasok.

At ang ilan sa kanila ay boong ng̃itng̃it na sumasaksi sa gayong pagkapariwara ng̃ aklasan, dahil sa pagtataksil ng̃ mg̃a kapatid din nila; subali't ang lalong marami ay waring nang̃aiinggit na sa nagsisipasok.

Sa lipunang ito ng̃ lalong marami ay pinaguusapan ang pagbabalik na sa pagawaan, yayamang wala na rin lamang magagawa, sa dahilang pinapasok na ng̃ marami ang pinagaklasan nila, at dahil dito ay nagaalaalang baka kung sila'y magpapaumatumat ay hindi na tanggapin ng̃ mg̃a, mamumuhunan, at sila naman ay wala nang iba pang mapapasukan dahil sa ang karamihan ng̃ mg̃a pagawaan ng̃ tabako ay inaabot ng̃ malaking panghihina sa kalakal.

Nang mg̃a unang sandali pa ay ibig na ng̃ ilan ang pumasok; subali't walang makapang̃ahas na mang̃una; ang kaunti pang karang̃alang nalalabi sa bawa't isa sa kanila ay siyang pumipigil, lubha na't magunita nilang ang ilan sa mg̃a kasama ay mahigpit na tumututol.

Itó ang sanhi ng̃ di matuloytuloy nilang pagsasagawa ng̃ mg̃a binabalak na panunumbalik sa Pagawaan.

Subali't sadya manding masasawi ang aklasang yaon, sapagka't noón, ay nagsilabas sa Pagawaan sila Pablo at Gervasio, at sa pinagtitipunan ng̃ marami ay nagsitung̃o.

Pagdating ng̃ dalawa ay niligid na ng̃ marami, at kay Gervasio ay tinanong ang nararapat na gawin.

Ipinabatid ng̃ tinanong, na siya'y umayon na sa pagbabalik sa pagawaan, sapagka't sa ganang kanya, ay wala na rin lamang mapapala ang pagmamatigás laban sa mamumuhunan; at kasabay na rin ang paghikayat sa marami upang magsipasok na.

Pagkatapos ng̃ ilang sandaling pagpapaliwanagan, ang lipunang yaón na binubuo ng̃ marami ay sumang-ayon na rin sa hikayat ng̃ dalawa, bagama't ang lipunan ng̃ ilan, na binubuo lamang yata ng̃ anim ó walo katao, ay nagmamatigás at ayaw sumang-áyon.

Magsisialis na sana ang maraming yaón upang magsisama sa dalawa, nang dumating si Mauro at siyang ikinahinto muna.

Inantabayanan nilang makalapit.

—Mg̃a kasama:—ang unang bati ni Mauro pagkalapit.—¿Saan ang inyong tung̃o?

—Sa Pagawaan—ang sagutan ng̃ marami.

—¿Magbabalik kayo? ¿at bakit?—ang may malaking panggigilalas na tanong pa ni Mauro.

—Pagka't wala na rin lamang magagawa ang ating aklasan—anang ilan pa rin.

—Kung gayon, mg̃a kasama, ang aklasan ay tinatapos na ninyo?

Oó;—ang sigawan ng̃ marami.

—Mg̃a kapatid: ¡Kayo ang masusunod! Kung ibig na ninyong magbalik ay hindi ko kayo pinipigilan: hari kayo ng̃ inyong loob. Subali't alalahanin lamang ninyo na kayo ay may malaking sagutin na dapat taglayin sa mg̃a darating na araw, sa harap ng̃ bayan, sa harap ng̃ Diyos at sa haráp ng̃ inyong sariling budhi. ¡Gawin ng̃ sino man ang maibigan! Datapwa't, ¡bumagsák sa ulo ng̃ mg̃a may sala ang sumpa!...

—¡Ulól! ¡Ulól!—ang sigaw ng̃ isang tinig.

Si Mauro ay napaling̃on. Sa poók na pinagbuhatan ng̃ gayong sigaw ay pinagalagala ang mg̃a matá niya.

Isang bagay ang kanyang namalas.

Si Gervasio at si Pablo ay ligíd ng̃ ilang lalaki, at ang ilang itó ay nakilala niyang mg̃a kaibigan, at siyang mg̃a sumusunod sa madlang simulaing pinananaligan niya.

Hawak ng̃ ilan, sa mg̃a bisig ang dalawa, at anyong nagkakainitan sa paguusap.

Si Mauro ay lumapit, at sa gitna ay tumayo.

—Ang mg̃a taong ito po ay siyang sumigaw sa inyó ng̃ ulól—ang wika ng̃ isang may hawak sa bisig ni Pablo, sabay ng̃ pagbibitiw dito.

—¿Totoó ng̃a ba, kaibigang Pablo, na ikaw ang sumigaw?—ang nakang̃iti pa ring tanóng ni Mauro.

—Oó; ¿anó ang ibig mong gawin?—ang may pangdidilat pang tugón ni Pablo.

—Wala—ani Mauro pa rin ng̃ boong kalamigan.—Subali't, ¿anó ang dahil at ako'y tinawag mong ulól?

—Sapagka't ibig namin—ang tugón naman ni Gervasio

—Ulól ka ng̃a at sampu ng̃ iyong mg̃a kasama—ang sigaw pang muli ni Pablo.

Sukat itó, upang ang higing ng̃ isang malakas na suntók na lumagpag sa mukha ng̃ isang tao, ay marinig ng̃ lahat.

Nagkagulo; at ang munting lipunang yaon ay nagpanuntukan. Subali't ilang sandali pa at ang panuntukang yaon ay naging panglahat.

Ang pangkat ng̃ iilán, na kinabibilang̃an ni Mauro, ay nagigitna sa pangkat ng̃ karamihan na kinabibilang̃an naman nina Pablo at Gervasio.

Sigawan at panakbuhan ng̃ mg̃a babai at ing̃ay ng̃ mg̃a nagaaway ang siyang sa mg̃a pulés na bantay sa Pagawaan ay nakapagpadalo.

At ang lahat ay ibig na magpulasan; subali't hindi nagawa, sanhi sa pagbabala ng̃ mg̃a tanod ng̃ kapayapaan.

Nang magkahiwahiwalay ang dalawang pangkat, ay dalawa ang may sugat sa bisig at dalawa naman ang nakatimbuwang na naliligo sa sarili nilang dugo ang nakita ng̃ lahat.

Si Mauro at isa pang kasama nitó ay siyang may mg̃a sugat sa bisig at ang dalawa namang nakatimbuwang ay dili iba't sila Gervasio at Pablo, na kapwa may sugat sa dibdib at sa mukha....

Sa gitna ng̃ gayong paglalaban ay si Mauro ang siyang unang tumanggap ng̃ isang saksak na sa dibdib sana niya umabot kundi natutuhang salagin ng̃ bisig na kaliwa, kaya't ito ang nasaktan din naman ng̃ malaki.

May sugat na si Mauro; subali't gayon man, ay hindi rin nasira ang loob; kaya't nang makita niyang ang may patalim na kanang kamay ni Pablo'y babagsak na muli sa kanyang katawan ay maliksi at kasingliksi mandin ng̃ lintik na sinagupa ang kamay na mamamátay at mahigpit na hinawakan.

Nagpang̃agawan sila sa patalim, at sa kabutihang palad naman ni Mauro ay nakuha sa kamay ni Pablo ang kortapluma.

Ang dugong umaagos halos sa sugatang bisig niya ay siyang nakapagpadilim sa mg̃a paning̃in ni Mauro; umakyat halos sa kanyang ulo ang dugo at siyang nakapagpasubo sa malamig niyang puso ... Kinakailang̃an na niya ang magtanggol, upang mailigtas ang sariling buhay na sa mg̃a sandaling yao'y sumasapang̃anib.

Kaya't pagkapasakamay niya ng̃ patalim na hawak ni Pablo ay maliksi na rin sanang itatarak dito; subali't isa pa ring bisig na may patalim ang namalas niyang lalagpak sa katawan niya, kaya't itó na ang hinaráp; si Gervasio naman ang kanyang pinakipagtunggalian.

Sa pagsasagupaan nila, sa unang saksak na ibinigay in Gervasio, si Mauro ay nakailag; kaya't lumihis ang saksak na yaon. At pagkatapos, si Mauro naman ang gumanti.

Sa dibdib ni Gervasio, at sa dakong susong kanan, ay doon tumarak ang patalim ni Mauro.

At sabay sa pagbagsak ng̃ duguang katawan ni Gervasio ay lumagpak din naman ang katawan ni Pablo sa isang saksak na ibinigay ng̃ isang di nakilala.

At ang lahat ay naganap sa loob ng̃ isang kisapmatá lamang.

At nang ang mg̃a pulés ay dumating, nakita pang hawak ni Mauro ang naagaw na kortapluma at puno ng̃ dugo.

Pinabitiwan sa kanya ng̃ pulés ang hawak at siya ang unaunang binantayan.

At sunod sa kanya ay ang lima pang kaayon ni Mauro, na ipinagturo ng̃ mg̃a kasama at kapanalig nila Gervasio, nang ang mg̃a ito'y ligid na rin ng̃ ibang pulés na gumibik.

Dalawang "ambulancia" ang dumating na maliksing tinawag ng̃ isang detective at sa isang laan sa mg̃a may sugat ay doon isinakay ang mg̃a ito, at sa isá pa ay ang mg̃a malalakas naman ...

¡¡Kakilakilabot na bung̃a ng̃ di pagkakaunawaan ng̃ mg̃a manggagawa sa kapwa manggagawa...!!


IX

Tatlong buwan ang lumipas buhat nang mg̃a huling pangyayari.

Sa tulong ng̃ malaking pagsisikap ng̃ mg̃a manggagamot, ang buhay nila Pablo at Gervasio ay nailigtas sa kamatayan.

At si Mauro at ang kasama naman nito sa pagamutan, pagkatapos ng̃ may mahigit na isang linggong paggamot sa mg̃a sugat nila, ay mayroon nang dalawang buwan naman sa Bilibid, na naghihintay ng̃ araw ng̃ paglilitis.

Ang ilan sa mg̃a kasama pa nila ay pinakawalán na ring matagal, pagkatapos na makunan muna ng̃ ilang; mg̃a tanóng na siyang ihaharap na, saksi sa araw ng̃ paglilitis.

Ang ilan sa mg̃a kasama naman nila Gervasio at Pablo ay gayon din; ang mg̃a sagot nila at salaysay, ay siyang gagawing katibayan naman ng̃ paguusig sa sakdal na nalalaban sa dalawa ni Mauro.

......................................................................

......................................................................

......................................................................

......................................................................

Ang araw ng̃ paglilitis ay sumapit.

At ang maluwang na bulwagang yaon ng̃ Hukumang Unang Dulugan ay napuno sa dami ng̃ taong nanoód ng̃ paglilitis.

Si Serafina, asawang kulang palad ni Mauro at sampu ng̃ tatlong anák nila ay kasama sa Hukuman, upang makita man lamang at makausap ang asawang sa loob ng̃ panahong ikinapiit muna sa Bilibid ay hindi man nangyaring kausapin.

Sa Hukuman ng̃a ay doon niya pinaroonan, nang malamang sa araw na yaon gagawin ang paglilitis sa kanyang asawa.

Sa pamamagitan ng̃ mg̃a abuloy na tinanggap niya sa maraming kaibigan at kakilala nilang mag-asawa, at gayon ng̃ buhat sa mg̃a kamaganakan nila, ay nangyaring si Serafina ay makakuha ng̃ isang abogado upang magtanggol sa usapin ni Mauro sa harap ng̃ Hukuman.

Sa haráp ng̃ kagalanggalang na Hukom ang lahat ng̃ kailang̃an ay ginawa at isinakatuparan ng̃ Tagausig-sala, at gayon din ng̃ Tagapagtanggol sa dakong nauukol sa kanyang tungkulin ...

Ang paglilitis ay natapos. Subali't ang Hukuman ay hindi nagpasya. Ipinagpaliban ang kanyang hatol, upang sa mataman niyang pagsusuri ay idaan ang lahat.

Ang madla ay nagsiuwi; at bago nagkahiwalay si Mauro at si Serafina, ay maraming pagod muna ang ginugol ng̃ mg̃a bantay; sapagka't si Serafina ay halos ayaw nang humiwalay sa kanyang asawa na noón ay isasakay uli sa "ambulanciang" naghihintay.

—¡Katitiís ka, asawa ko...!—ang habol pa ni Mauro kay Serafina nang sumasakáy na sa "ambulancia."

—¡Mauro! ¡Mauro!—ang sigaw naman ng̃ kaawaawang babai.

—¡¡Tatay!! ¡¡Tatay!!—ang habol naman ng̃ mg̃a anák.

—¡Huwag kayong mang̃ahapis!—ang sa wakas ay nasabi na lamang ni Mauro sa boong pagdaramdam.

At ang sasakyang ay matuling tumakbo.

At si Serafina at ang kanyang mg̃a anák ay nagsiuwi na rin.

¡¡Kaawaawang magiiná!!


Samantalang tumatakbo ang mg̃a pangyayari, ang mg̃a manggagawang tabakero ay patuloy naman sa kanilang pagpasok sa arawaraw at sa halagang naging sanhi ng̃ aklasan ay sumailalim.

At hindi lamang yaon. Kundi ang may pagawaan, sa pagsasamantala marahil sa gayong mg̃a pagkakataon na walang magagawa ang alin mang kilos na gawin ng̃ mg̃a manggagawa nila, ay ipinagbawal pa sampu ng̃ pagtatatag ng̃ anomang kapisanan sa loob ng̃ pagawaan. Ibinaba pang muli ang halagang mababa na, na kanilang itinanggap sa bawa't "vitola" at ang lahat nama'y walang kibong sumunod at yuko ang ulong tumalima sa gayong mg̃a bagong utos at kapalakarang pinaiiral ng̃ may pagawaan.

Silang lahat ay walang magawa. Sapilitang sumailalim sila sa lahat ng̃ bagay na magaling̃in ng̃ puhunan ...

Ang pagsisisi, ang paghihimutók ng̃ lahat at pagsusumpaan ay dumating.

At ang lahat sa katayuan nila ng̃ayon, ay nagbibigay matwid kay Mauro sa mg̃a pagmamatigas nito noón, at sa lahat ng̃ mg̃a ginawa niya sa pagtataguyod ng̃ aklasan.

Subali't ang lahat ay huli na. Nagawa na nila ang malaking pagkukulang; naganáp na ang napakalaking pagkakasalang magagawa ng̃ sinoman sa haráp ng̃ isang dakilang layon at adhika.

¡Ng̃ayon nila natutuhang panghinayang̃an ang mg̃a pagsusumikap ni Mauro...!

¡Oh...! Ang pagsisising Hudas ay sumapit na sa mg̃a taksil at walang pusong mg̃a manggagawang yaon!

¡Datapwa't wala na silang magagawa!

.......................................................................

.......................................................................

.......................................................................

.......................................................................

At ang araw ng̃ paghatol ay dumating.

At ang minarapat ng̃ Hukuman, pagkatapos na mapagaralan ng̃ boóng pagiing̃at ang mg̃a pangyayari at naging sanhi ng̃ sigalot na namagitan sa nasasakdal at ang pagkakasugat nitó sa dalawa, ay ipinasyang mabilanggo ng̃ siyam na buwan at isang araw si Mauro at ang kanyang kasama ay tig-aanim na buwan naman.

—¡Siyam na buwan at isang araw!—ang napabulalás na sabi ni Serafina, pagkarinig sa hatol, at sabay na nanang̃is.

—Huwag mong ikahapis ang pagkabilanggo ko, ni ang katagalan ng̃ araw na ipaglulumagak ko sa bilangguan ...—ang wika ni Mauro sa kanyang asawa sa buháy na tinig—alalahanin mo, asawa ko, na isang dakilang simulain ang ipinagtatanggol natin, at ang simulaing itó, sa malao't madali ay inaasahan kong magwawagi sa ibabaw ng̃ lahat. Sa harap ng̃ mg̃a batás ay maaaring ako'y nagkasala; datapwa't sa haráp ng̃ aking bayan at sa haráp ng̃ aking budhi ay malinis ang aking pagkatao ...

—¡Mauro! ¡Mauro! ¡Ang mg̃a anák mo!—ang panang̃is ni Serefina.

—Sa iyong katalinuhan ay ipinagkakatiwala ko sila.

At noón din pagkatapos na mahagkan si Serafina at gayon din ang mg̃a anák niya ay si Mauro na rin ang nagyayang sumakay sa naghihintay na ambulancia....

At mula noón si Mauro ay naging isang bilanggo.

Siyam na buwan at isang araw ang hihintayin upang siya'y makalaya.

¡Oh, ang tadhana!

At si Serafina at ang tatlo niyang anák ay sumakay sa isang karumata at napahatid sa kanilang bahay; ng̃uni't samantalang tumatakbo ang sasakyan, ay boong paghihinagpis na sinasabi sa mg̃a anák ang mg̃a pang̃ung̃usap na itó:

—Mg̃a anák ko: siyam na buwan at isang araw tayong maghihintay upang ang inyong amá ay makalaya. Siyam na buwan at isang araw na pagtitiís at pang̃ung̃ulila ang daranasin natin bago sumapit ang araw na muli niya tayong maisalilong sa malaya niyang pagkukupkop. Subali't, ang takdang panahong iyan ay maikli kung isusukat natin sa haba at tagal nang panahong ikinabibilanggo sa piitan ng̃ pagkabusabos at kaalipnan ng̃ lalong dakilang karapatan ng̃ mg̃a manggagawang pilipino na kinabibilang̃an ng̃ inyong amá, at karapatang siyang ninanasang ipagtanggol niya hanggang sa maaabot ng̃ kanyang kaya; ng̃uni't sadyang kapos palad pa ang mg̃a manggagawa ... sapagka't ang panahon ng̃ kanilang ganáp na pagkatubós ay malayo pang sumapit sa kanila. Kinakailang̃an pang magkaroon ng̃ maraming magtitiís ng̃ hirap sa ikatutubos ng̃ lahat, at kailang̃an pang magkaroon ng̃ maraming Kristong magpapakasákit sa katubusan ng̃ madla.

Sa mapupung̃ay na mg̃a matá ni Serafina ay dalawang masakláp na luha ng̃ pagdaramdam ang nagunahang sumung̃aw.

Pinakayapós na mahigpit ang tatlo niyang anák at pagkatapos ay pinaghahagkan ng̃ boong giliw at boong pagmamahal.

WAKAS