LXI.
ANG PANGHUHULI SA DAGATAN.
—Pakinggán pô ninyó ang aking gágawing aking inisip,—ani Elías na nag ninilaynilay, samantalang pinatutung̃uhan nilá ang San Gabriel. Itatagò co cayó ng̃ayón sa bahay ng̃ isá cong caibigan sa Mandaluyong; dádalhin co sa inyó ang lahát ninyóng salapî, na aking iniligtás at itinagò co sa paanán ng̃ balitì, sa matalinghagang pinaglibing̃an sa inyóng núnong lalaki; at umalís cayó rito sa Filipinas.
—¿At ng̃ pasaibang lupaìn acó?—ang isinalabat ni Ibarra.
—Upáng manatili cayó sa capayapaan sa natitira pa ninyóng búhay. May mg̃a caibigan cayó sa España, cayó'y mayaman, macapagpapaindulto cayó. Sa papaano mang paraan, ang ibang lupai'y isáng bayang sa ati'y lalong magalíng cay sa sarili.
Hindi sumagót si Crisóstomo; naglininglining na hindi umiimic.
Dumarating silá ng̃ sandalíng iyón sa ilog Pasig, at nagpasimulâ ang bangcâ ng̃ pagsalung̃a sa agos. Nagpápatacbo ang isang nagcacabayo sa ibabaw ng̃ tuláy ng̃ España at may náriring̃ig na isáng mahaba't matinding tunóg ng̃ pito.
—Elías,—ang muling sinabi ni Ibarra; nanggaling ang inyóng casawîang pálad sa aking familia, iniligtas ninyóng macaalawa ang aking búhay, at hindi lamang may malaking utang na loob acó sa inyó, cung di namán cautang̃án co rin sa inyó ang pagsasauli ng̃ inyóng cayamanan, at yayamang gayó'y sumama cayó sa akin at magsama tayong parang magcapatid. Dito'y sawi rin cayóng capalaran.
Umiling ng̃ boong capanglawan si Elias, at sumagót:
—¡Hindi mangyayari! Tunay ng̃a't hindi acó mangyayaring sumintá't magtamó ng̃ ligaya sa lupang aking kinamulatan, ng̃uni't mangyayaring acó'y magkahirap at mamatáy sa lupaíng iyán at marahil ay dahil sa canyá; handóg dín cahi't cacaunti! ¡Ibig cong ang capahamacan ng̃ akíng baya'y siyáng aking maguíng capahamacán, at sa pagcát hindi pinapagcacaisa tayo ng̃ isáng mahal na caisipan, sa pagcá't hindi tumítiboc ang ating mg̃a pusò sa íisang pang̃alan, nais cong mapakisama acó sa aking mg̃a cababayan sa casawiang palad ng̃ lahát, mapakisama man lamang acó sa pagtang̃is sa pagdaralita naming lahát, na inisín ng̃ íisang casamáng palad ang lahat naming mg̃a pusò!
—¿Cung gayó'y bakit inihahatol ninyó sa aking acó'y manaw?
—Sa pagcá't sa ibáng panig ay mangyayaring cayó'y lumigaya at acó'y hindi, sa pagcá't hindi cayó handa sa pagcacahirap, at sa pagcá't casususutan ninyó ang inyóng bayan, cung dahil sa canyá'y masawing palad cayó isáng araw; at wala ng̃ totoong casamasamaang palad na gaya ng̃ masusot sa canyáng bayang kinamulatan.
—¡Hindi matuwíd ang inyóng palagáy sa akin!—ang bigláng sinabi ni Ibarra sa masaclap na tutol;—nalilimutan ninyóng carárating co pa lamang dito'y pagdaca'y hinanap co ang canyang icagagaling.
—Huwág pô cayóng manghinuha, guinoo, hindi co cayó sinísisi; ¡maano na ng̃ang cayó'y siyáng uliranín ng̃ lahat! Datapuwa't aayaw acóng huming̃i sa inyó ng̃ mg̃a hindi mangyayari, at huwag po cayóng magagalit cung sabihin co sa inyóng cayó'y dinaraya ng̃ inyóng pusò. Dating iniibig pô ninyó ang kinamulatan ninyóng bayan, sa pagcá't ganyán ang sa inyó'y itinurò ng̃ inyóng amá; dating iniibig pô ninyó ang kinamulatan ninyóng bayan, palibhasa'y sa canyá naroroon ang inyóng sinta, cayamanan, cabataan, sa pagcá't ng̃uming̃iti sa inyó ang lahát hindi pa gumagawa sa inyó ng̃ lihís sa catuwiran ang kinamulatan ninyóng bayan; dating iniibig ninyó ang kinamulatan ninyóng bayan, cawang̃is ng̃ ating pag-ibig sa lahát ng̃ bagay na nagbibigay sa atin ng̃ caligayahan. Datapuwa't ang araw na cayó'y maghirap, magutom, pag-usiguin, ipagcanulo at ipagbilí ng̃ inyó ring mg̃a cababayan, sa araw na iya'y inyóng susumapain ang inyóng sariling catawan, ang inyóng kinamulatang bayan at ang lahat.
—Nacasasakit sa akin ang inyong mg̃a salita,—aní Ibarra na naghíhinanakit.
Tumung̃ó si Elias, nagdilidili at muling nagsalita:
—Ibig cong iligtás cayó sa carayaan, guinoo, at ilihís co sa inyó ang isáng malungcót na pagsasapit sa panahóng hináharap. Inyó pong alalahanin ang pakikipag-usap co sa inyó sa bangca ring itó at liwanag nitó ring buwang itó, na may isáng buwan na ng̃ayón, humiguit cumulang; sumasaligaya cayó niyón. Hindi macarating hanggang sa inyó ang pamanhíc ng̃ mg̃a culang-palad; pinawaláng halagá ninyó ang caniláng mg̃a daíng, sa pagcá't daing ng̃ mg̃a masasamáng tao, lalong pinakinggán ninyó ang caniláng mg̃a caaway at, cahi't acó'y nang̃atuwira't cayo'y aking pinamanhica'y cumampí rin cayó sa panig ng̃ mg̃a umáapi sa canilá, at niyaó'y sumasainyóng mg̃a camáy ang acó'y sumamáng tao ó ang acó'y papatáy upáng aking maganáp ang isáng mahál na pang̃acò. Hindi itinulot ng̃ Dios, sa pagcá't namatáy ang matandáng punò ng̃ mg̃a tulisán ... ¡Nacaraan ang isáng buwán at ng̃ayó'y ibá na ang inyóng caisipán!
—Sumasacatuwiran po cayó, Elías, ng̃uni't ang tao'y isáng hayop na sumusunod sa casalucuyang mg̃a nangyayari: niyó'y nabubulagan acó, masama ang aking loob, ¿ayawán co ba? Ng̃ayó'y inaclás ng̃ capahamacán ang aking piríng; tinuruan acó ng̃ aking pag-iisá at paghihirap sa bilangguan; nakikita co ng̃ayón ang cakilakilabot na cáncer na cumíkitib sa mg̃a namamayan dito ng̃ayón, na cumacapit sa canyáng mg̃a lamán at nagcacailang̃an ng̃ isáng makirót at ganáp na paglipol. ¡Binucsán nilá ang aking mg̃a matá, ipinamalas sa akin ang bulóc na sugat at caniláng pinipilit na acó'y maguing masamáng tao! At yamang caniláng inibig, magpifilibuster acó, ng̃uni't tunay na filibustero; tatawaguin co ang lahát ng̃ culang pálad, ang lahát ng̃ nacaráramdam ng̃ tibóc ng̃ pusò sa loob ng̃ canyáng dibdib, yaóng mg̃a taong sa inyó'y nang̃agpasugò sa akin ... hindi acó maguiguing masamáng tao, cailán ma'y hindi masamáng tao ang nakikibaca dahil sa canyáng kinaguisnang bayan, tumbalíc. Sa loob ng̃ tatlóng daang taó'y silá'y hinahalina natin, hinihing̃an natín silá ng̃ pagsintá, minímithî nating tawaguin siláng capatíd, ¿anó ang caniláng isinaságot? Tayo'y sinasagot ng̃ lait at paglibác, at ikinacait sa atin patí ng̃ ating calagayang pagca tao na gaya rin ng̃ ibá. ¡Waláng Dios, waláng pag-asa, waláng habág sa capuwa tao; wala ng̃a cung di ang catuwiran ng̃ lacás!
Nagng̃ang̃alit si Ibarra; nang̃ang̃atal ang canyáng boong catawán.
Dumaan silá sa tapát ng̃ palacio ng̃ General, at caniláng námasid na tíla nang̃agsísigalaw at nang̃agcácagulo ang mg̃a bantáy na sundalo.
—¿Canilá na yatang nasiyasat ang pagcacatanan?—ang ibinulóng ni Elías—Humigâ po cayó, guinoo, at cayó'y tatabunan co ng̃ damó, sa pagcá't daraan tayo sa tabi ng̃ Polvorista'y baca máino ng̃ bantay na sundalo cung bakit dalawá tayo.
Ang bangcâ ay isá riyán sa maninipis at makikipot na sasakyáng hindi lumalacad cung di dumúdulas sa ibabaw ng̃ tubig.
Alinsunod ng̃a sa inacalà na ni Elías, siyá'y pinahintô ng̃ bantáy na sundalo at tinanóng cung saan siyá galing.
—Nagdalá po acó ng̃ damó sa Maynilà, sa mg̃a oidor at sa m`ga cura,—ang isinagót, na canyáng guinagád ang anyô ng̃ pananalitâ ng̃ mg̃a tagá Pandacan.
Lumabás ang isáng sargento't inalám cung anó ang nangyayari.
—¡Sulong!—ang sinabi sa canya nitó; ipinauunawà co sa iyó na huwag cang magpápasacay sa iyong bangcâ cang̃ino man; bagong catatacas ng̃ isáng bilanggò. Cung siyá'y mahuli mo at maibigay mo sa aki'y bibigyan catá ng̃ isáng magaling na pabuyà.
—Opó, guinoo; ¿anó po ba ang mg̃a icakikilala co sa canyá?
—Siyá'y nacalevita at nagwiwicang castilà; halá, ¡icaw ang bahalà!
Lumayô ang bangcâ. Luming̃ón si Elias at canyáng nakita ang anyô ng̃ bantáy na sundalong nacatindig sa tabi ng̃ pampáng.
—Masasayang sa atin ang iláng minutong panahón,—ang sabing marahan;—dapat pumasoc tayo sa ilog Beata at ng̃ cunuwari'y taga Peñafrancia acó. Makikita po ninyó ang ilog na inawit ni Francisco Baltazar.
Natutulog ang bayan sa liwanag ng̃ buwán. Nagtindíg si Crisóstomo't upáng canyáng takhán ang catahimican ng̃ mg̃a linaláng na tulad sa líbing̃an. Makipot ang ilog at ang canyáng mg̃a pampang̃i'y capatagang natátamnan ng̃ damó.
Itinapon sa pampáng ni Elias ang canyáng dala, tinangnán ang isáng mahabang tikín at cumuha sa ilalim ng̃ damó ng̃ mg̃a bayóng na waláng lamán. Nagpatuloy sila ng̃ pamamangca.
—Cayó po ang may arì ng̃ inyóng calooban, guinoo, at ng̃ inyóng hinaharap na panahón,—ang sinabi niyá cay Crisóstomo, na nananatili sa hindi pag-imíc.—Ng̃uni't cung itutulot po ninyó sa akin ang isáng pagpapahiwatig, sasabihin co sa inyó: Tingnán po ninyóng magalíng ang inyóng gágawin, inyóng papag-aalabin ang pagbabaca, palibhasa'y cayó'y may salapî at catalinuhan at macacakita agád cayó ng̃ maraming mg̃a kagawad, at sa cawaláng palad ay maraming masasamâ ang loob. Datapuwa, sa pagbabacang itóng inyóng gagawin, ang lalong mang̃ahihirapa'y ang mg̃a waláng icapagtátanggol at ang mg̃a waláng malay. Ang mg̃a damdamin ding may isáng buwán na ng̃ayóng sa aki'y umudyóc na sa inyó'y makiusap, upáng hing̃in ang mg̃a pagbabagong útos, ang mg̃a damdamin ding iyan ang siyáng umaakit ng̃ayón sa aking sa inyó'y magsabi na maglininglining muna cayó. Hindi pô nag-iisip ang mg̃a tagaritong humiwaláy sa Iná ng̃ ating kináguisnang lupà; waláng hiníhing̃ì cung di cauntíng calayaan, cauntíng pagbibigay catuwiran at cauntíng guiliw. Tutulung̃an cayó ng̃ mg̃a may galit, ng̃ mg̃a masasamáng tao, ng̃ mg̃a walà ng̃ pagcasiyahan sa samâ ng̃ loob, datapuwa't hindi makikialam ang bayan. Magcacamali po cayó, cung dahil sa nakita ninyóng ang lahát ay madilím ay mag-acalà po cayóng walâ ng̃ pagcasiyahan sa samâ ng̃ loob ang bayan. Nagdaralitâ ng̃â ang bayan, tunay ng̃â, datapuwa't umaasa pa, nananalig pa, at cayâ lamang siyá titindig ay cung maubos na ang canyang pagtitiís, sa macatuwíd bagá'y cung cailán ibiguin ng̃ mg̃a namamahalang maubos ang pagtitiis na iyán, bagay na may calayuan pa. Acó man ay hindi marahil sumama sa inyó, hindi acó gagamit cailán man ng̃ mg̃a huling panggamót na iyán, samantalang nakikita cong may pag-asa pa ang mg̃a tao.
—¡Cung magcagayo'y gagawin cong hindi cayó casama!—ang mulíng sinabi ni Crisóstomong talagáng handâ na.
—¿Iyán pô ba ang matibay na panucalà ninyó?
—¡Ang matibay at tang̃ì, sacsí co ang pang̃alan ng̃ aking amá! Hindi co maaaring ipaagaw ng̃ pagayón na lamang ang aking capayapaa't ligaya, acó na waláng ibáng hinang̃ád cung di ang cagaling̃an, acó na ang lahát ay aking iguinalang at tiniis dahil sa pagsinta sa isáng religióng magdarayà at mapagpaimbabaw, dahil sa pagsintá sa isáng bayang aking tinubuan. ¿Anó ang caniláng itinumbás sa akin? Ang acó'y ibaón sa isang imbíng bilangguan at sìraín ang magandáng caasalan ng̃ aking talagáng maguiguing esposa. ¡Hindi! ¡cung hindi acó manghiganti'y maguiguing isáng casamasamàang gawâ, maguiguing pagpapalacás ng̃ caniláng loob upáng silá'y gumawâ ng̃ bago't bagong mg̃a paglabág sa catuwiran! ¡Hindi, cung di co gawín ang gayó'y maguiguing isáng caruwagan, cahinâan ng̃ loob, humibíc at tumang̃is gayóng may dugó't may buhay, gayóng inilangcáp nilá sa paglait at paghamít ang paglulugsô ng̃ capurihán! ¡Tatawaguin co ang bayang mangmáng na iyán, ipakikilala co sa canyá ang imbí niyang calagayan; na huwág siyáng umisip sa mg̃a capatíd; walâ ng̃â cung hindi mg̃a lobo na nang̃aglálamunan, at sasabihin co sa caniláng laban sa caapiháng itó'y tumítindig at tumututol ang waláng hanggáng carapatán ng̃ tao upang tuclasín sa lacás ang canyáng calayaan!
—¡Ang bayang waláng malay ang siyáng maghihirap!
—¡Lalong magalíng! ¿Maipakikihatid po ba ninyó acó hanggáng sa cabunducan?
—¡Hanggáng sa malagay cayó sa capanatagán!—ang sagót ni Elías.
Mulíng silá'y lumabás sa Pasig. Manacanacang nagsasalitaan silá ng̃ mg̃a waláng cabuluhán.
—¡Santa Ana!—ang ibinulóng ni Ibarra,—¿napagkikilala po ba ninyó ang bahay na itó?
Casalucuyang dumaraan silá sa tapát ng̃ bahay na líwaliwan sa labás ng̃ bayan ng̃ mg̃a jesuita.
—¡Diya'y aking tinamó ang mahabang panahóng maligaya't masayá!—ang buntong-hining̃á ni Elías.—Napaririyan camí buwán buwán ... ng̃ panáhóng iyó'y wang̃is acó sa mg̃a ibá: may cayamanan, may familia, nananag-inip at nakikiníkinita ang isáng magandáng panahóng sásapit. Nakikita co ng̃ mg̃a panahóng iyón ang aking capatíd na babae na na sa isáng colegiong calapít; hinahandugan acó ng̃ mg̃a bordadong gawâ ng̃ canyáng mg̃a camáy ... sinasamahan siyá ng̃ isáng caibigang babae, na isáng magandáng dalaga. Nagdaang lahát na parang isáng panaguinip.
Nanatili silá sa hindi pag-imíc hanggáng sa dumating sa Malapad-na-bató. Ang nacapamangcâ cung gabi sa Pasig, minsan man lamang, sa isá riyán sa mg̃a caayaayang gabíng handóg ng̃ Filipinas, pagca nagsasabog ang buwan, mulâ sa dalisay na bugháw, ng̃ malungcót na pagpapaalaala; pagca itinatagò ng̃ dilím ang caimbihán ng̃ mg̃a tao at kinúcublihan ng̃ catahimican ang abáng aling̃awng̃aw ng̃ caniláng tinig; pagca ang Naturaleza ang tang̃ing nagsasalità, ang mg̃a gayón ang macauunawà ng̃ pinagdidilidili ng̃ dalawáng binatà.
Nagtútucâ ang carabinero sa Malapad-na-bató, at ng̃ makitang waláng lamán ang bangcâ, at waláng anó mang idinudulot na sucat niyáng másamsam, ayon sa dating caugaliang pinaglamnán na ng̃ calahatlahatang mg̃a carabinero at ng̃ mg̃a carabinerong nang̃aroroon, pinabayaan siláng macaraan agád.
Hindi rin naman nagsasapantaha ng̃ anó man ang guardia civil sa Pasig, caya't hindi silá binagabag.
Nagpasimulâ ng̃ paguumaga ng̃ silá'y dumating sa dagatang noo'y maamo't payapang tulad sa isáng calakilakihang salamín. Cumuculimlím ang buwán at nagcuculay rosa ang Casilang̃anan. Naaninagnagan nilá sa malayò ang isáng bagay na culay nag-aaboabó, na untiunting lumalapit.
—Dito ang tung̃o ng̃ falúa,—ang ibinulóng ni Elías;—humigâ po cayó at cayó'y tátacpan co nitóng mg̃a bayóng.
Lalong lumiliwanag at nakikita ng̃ magalíng ang anyô ng̃ sasakyán.
—Lumalagay silá sa pag-itan ng̃ pampáng at natin,—ang ipinahiwatig ni Elías na nababalisa.
At untiunting binago ang tung̃o ng̃ canyáng bangcâ, na anó pa't sumasagwang patung̃o sa Binang̃unan. Nahiwatigan niyá ng̃ malakíng pang̃ing̃ilabot na nagbabago namán ng̃ tumpá ang falúa, samantalang sinisigawan siya ng̃ isáng tinig.
Humintô si Elías at nag-isíp-ísip. Malayò pa ang tabí at silá'y marárating ng̃ bala ng̃ mg̃a fusíl ng̃ falúa. Inacalang magbalíc sa Pasig; lalong matúlin ang canyáng bangcâ cay sa falúa. Ng̃uni ¡laking casamáng palad! nakita niyáng nanggagaling sa Pasig ang isáng bangcâ at námamasdang cumíkinang ang mg̃a capacete at mg̃a bayoneta ng̃ mg̃a guardia civil.
—Húli na tayo,—ang ibinulóng na namúmutlâ.
Pinagmasdán niyá ang canyáng malalakíng bísig, guinamit ang tang̃ing pasiyáng nálalabi at nagpasimulâ ng̃ pagsagwán ng̃ boong lacás niyá, na ang tumpá'y sa dacong pulô ng̃ Talim. Samantala'y sumusung̃aw ang araw.
Dumúdulas sa túbig ang bangcâ ng̃ totoong matúlin; nakita ni Elías, sa ibabaw ng̃ falúa, na pumípihit, ang ilang taong nacatindíg, na siyá'y kinácawayan.
—¿Marúnong po ba cayóng magpalacad ng̃ isáng bangcà?—ang tanóng cay Ibarra.
—Marunong pô, ¿bakit?
—Sa pagcá't mapapahamac tayo cung hindi acó tátalon sa túbig at ng̃ silá'y aking iligáw. Hahabulin nilá acó, acó'y mabuting lumang̃óy at sumisid ... silá'y ilálayô co sa inyó, at pagcacágayo'y magpipilit cayóng lumigtás.
—¡Huwag, matira po cayó at ipagbili natin ng̃ mahál ang ating buhay sa canilá!
—Waláng cabuluhán, walâ tayong sandata; papatayin tayong tulad sa maliliit na ibon, ng̃ caniláng mg̃a fusil.
Náring̃ig ng̃ sandaling iyón, ang isáng chis sa tubig, cawang̃is ng̃ pagpatac sa tubig ng̃ isáng bagay na maínit, na casunód agád-agád ng̃ isáng putóc.
—¿Nakita na ninyó?—aní Elías, at inilagay sa bangcâ ang sagwán.—Magkikita tayo sa gabíng sinusundan ng̃ Pascó sa pinaglibing̃an sa inyóng nunong lalaki. ¡Lumigtás po cayó!
—¿At cayó pô?
—Iniligtás acó ng̃ Dios sa lalong mahihigpít na mg̃a pang̃anib.
Naghubád si Elías; pinunit ng̃ isáng bála ang canyáng tang̃ang barò at náring̃ig ang dalawáng putóc. Hindi siyá nagulumihanan, kinamayán ng̃ mahigpít si Ibarra, na nananatilí sa pagcahigà sa bangcâ; tumindíg at lumucsó sa tubig na itinúlac muna ng̃ paá ang muntíng sasakyán.
Náring̃ig ang iláng sigáw, at hindi nalaon at sa malayô-layô ng̃ cauntî ay sumipót ang úlo ng̃ binatà, na parang ibig na huming̃á, at sacâ mulíng lumubóg sa tubig.
—¡Ayún, ayún siyá!—ang sigawan ng̃ iláng tinig at mulíng humáguing ang mg̃a bála.
Hinabol siyá ng̃ falúa at ng̃ bangcâ; isáng bahagyang guhit ng̃ bulà ang siyáng pinagcacakitaan ng̃ canyáng dinaraanan, na anó pa't nalalao'y lalong nálalayô sa bangcâ na lulutanglutang na anaki'y waláng tao. Cailan ma't sumusung̃aw sa tubig ang lumálang̃oy at ng̃ huming̃á, pagdaca'y pinagbabarilanan siyá ng̃ mg̃a guardia civil at ng̃ mg̃a faluero.
Tumátagal ang paghahabulan; malayò na ang bangcà ni Ibarra, lumalapit namán sa tabí ang lumálang̃oy, at ang layò na lamang ay may mg̃a limampóng dipá. Pagód na ang mg̃a gumagaod, datapuwa't si Elías ay gayón din, sa pagcá't madalás isipót ang ulo, at sa ibá't ibang daco sumísipot, na wari'y inilíligaw mandín ang mg̃a umuusig sa canyá. Hindi na itinuturò ng̃ tacsíl na bulâ ng̃ tubig ang dinaraanan ng̃ maninisid. Minsan pang nakita nilá siyá sa dacong ang layò sa tabí ay sampóng dipá, binaril siyá nilá ...; nagdaan pagcatapos ang mg̃a minuto; walâ ng̃ sumipót uli sa ibabaw ng̃ payapa at waláng taong tubig sa dagátan.
Nang macaraan ang calahating oras, sinasapantahà ng̃ isáng manggagaod na canyáng námasdan sa tubig, sa malapít sa guílid, ang mg̃a bacás ng̃ dugô, ng̃uni't umíiling ang canyáng mg̃a casama, sa isáng anyóng hindi mapagwarì cung sumasang-ayon silá ó hindi.
LXII.
PAGPAPALIWANAG NI PARI DAMASO.
Naguíng waláng cabuluháng mátimbon sa ibabaw ng̃ isáng mesa ang mg̃a mahahalagáng handóg sa pagcacasál; cahi't ang mg̃a brillante na nasa caniláng mg̃a estuche na terciopelong azul, ang mg̃a bordado mang pinyá, ang mg̃a pieza man ng̃ sutlâ ay hindi nacaaakit sa mg̃a paning̃ín ni María Clara. Tinítingnan ng̃ dalaga, na hindi nakikita at hindi binabasa ang pamahayagang nagbabalità ng̃ pagcamatáy ni Ibarra, na nalunod sa dagátan.
Caguinsagunsa'y naramdaman niyáng dumarapo sa ibabaw ng̃ canyáng mg̃a matá ang dalawáng camay, tinátang̃nan siyá at isáng masayáng tínig, ang cay parì Dámaso, ang sa canya'y nagsásalitâ:
—¿Síno acó? ¿síno acó?
Lumucsó si María Clara sa canyáng upuan at pinagmasdán siyáng may malakíng tácot.
—Tang̃aria, ¿natácot ca ba, há? Hindi mo acó hinihintay, ¿anó? Talastasín mong naparito acóng galing sa mg̃a lalawigan upang humaráp sa iyóng casál.
At lumapit na tagláy ang isáng ng̃itì ng̃ ligaya, at inilahad cay María Clara ang camáy at ng̃ hagcán. Lumapit si María Clarang nang̃ang̃atal at ilinapit ng̃ boong paggalang ang camáy na iyón sa canyáng mg̃a labì.
—¿Anó ang nangyayari sa iyo, María?—ang tanóng ng̃ franciscano, na nawalan ng̃ masayáng ng̃itî at napuspós ng̃ balísa;—malamíg ang camáy mo, namumutlâ ca ... ¿may sakit ca ba, bunso co?
At hinila ni parì Dámaso si María Clara sa canyáng candung̃ang tagláy ang isáng pagliyag na hindi nasasapantaha nino mang canyáng macacaya, tinangnán ang dalawáng camáy ng̃ dalaga, at siyá'y tinanóng sa pamamag-itan ng̃ titig.
—Walâ ca na bang catiwalà sa iyóng ináama?—ang itinanóng na ang anyó'y naghíhinananakit mandín;—halá umupô ca rito't saysayin mo sa akin ang mg̃a maliliit na bagay na isinásamà ng̃ iyong loob, gaya ng̃ dating guinagawa mo sa akin ng̃ panahóng icaw ay musmós pa, pagca nacacaibig cang gumawa ng̃ mg̃a muñecang pagkit. Nalalaman mo ng̃ magpacailan man ay minámahal catá ... cailán ma'y hindi catá kinagalitan....
Nawalâ ang magaspáng at bugál-bugál na tinig ni parì Dámaso at ang humalili ay mairog na anyô ng̃ pananalitâ. Nagpasimula si María Clara ng̃ pag-iyác.
—¿Tumatang̃is ca ba, anác co? ¿bakit ca ba umíiyac? ¿Nakipagcagalit ca ba cay Linares?
Nagtakip ng̃ mg̃a taing̃a si María Clara.
—¡Huwág sana ninyó siyáng bangguitín ... ng̃ayón!—ang sigáw ng̃ dalaga.
Tiningnán siyá ni parì Dámasong puspós ng̃ pagtatacá.
—¿Aayaw ca bang ipagcatiwalà sa akin ang iyong mg̃a lihim? ¿Hindi ba laguing pinagsicapang cong bigyáng catuparan ang bawa't iyong maibigan?
Itining̃ala ng̃ dalaga sa canyá ang mg̃a matáng punô ng̃ mg̃a luhà, sandaling siyá'y tinitigan, at muling tumang̃is ng̃ malakíng capaitan.
—¡Huwág cang tumang̃is ng̃ ganyán, anác co, sa pagcá't nagbíbigay sákit sa akin ang iyong mg̃a luhà! ¡Saysayín mo sa akin ang iyóng mg̃a ipinagpipighatî; makikita mo cung tunay na minamahal ca ng̃ iyóng ináama!
Marahang lumapit sa canyá si María Clara, lumuhód sa canyáng paanán, itining̃alâ sa canyá ang mukháng napapaliguan ng̃ luhà, at saca sinabi sa canyá ng̃ tinig na bahagyâ ng̃ mawatasan:
—¿Iniibig po ba ninyó acó?
—¡Musmós!
—¡Cung gayó'y ... ampunin ninyó ang aking amá at huwág po ninyó acóng ipacasál!
At saca sinabi ng̃ dalaga ang hulíng pagkikita nilá ni Ibarra, ng̃uni't iniling̃id niyá ang lihim ng̃ canyáng paguiguing tao.
Bahagyâ nang macapaniwalà si parì Dámaso sa canyáng náriring̃ig.
—¡Samantalang siyá'y buháy,—ang ipinatuloy ng̃ dalaga,—inacalà cong lumaban, naghíhintay acó, acó'y umaasa! Ibig cong mabúhay upang macáring̃ig acó ng̃ mg̃a balitang tungcól sa canyá ... ¡datapuwa't ng̃ayóng siyá'y pinatáy, walâ na ng̃ang cadahilanan upáng mabuhay acó't magcasákit!
Sinabi niyá ang mg̃a salitáng itó ng̃ madálang, mahinà ang tinig, banayad, waláng luhà.
—Ng̃uni't tang̃á, ¿hindi ba macalilibong magaling si Linares cay ...?
—¡Nang buháy pa siyá'y macapag-aasawa acó ... inaacalà cong magtanan pagcatapos ... waláng hináhang̃ad ang aking amá cung di ang pakikicamag-ánac! Ng̃ayóng patáy na siyá, sino ma'y hindi macatatawag sa aking esposa ... Nang buháy pa siyá'y mangyayaring acó'y magpacasamâ, málalabi sa akin ang sayá ng̃ loob sa pagcaalam na siyá'y buháy pa at marahil maaalaala acó; ng̃ayóng siyá'y patáy na ... ang convento ó ang libing̃an.
Palibhasa'y totoong matindí ang pananalita ng̃ dalaga, nawala cay parì Dámaso ang masayáng anyô at naggunamgunam.
—¿Lubhâ bang malakí ang pag-ibíg mo sa canyá?—ang itinanóng ng̃ pautál.
Hindi umimic si María Clara. Inilung̃ayng̃ay ni parì Dámaso sa canyáng dibdib ang canyáng ulo at hindi umimic.
—¡Anác co!—ang biglang sinabi ng̃ tinig na sira;—patawarin mo acó, na hindi co sinasadya'y aking ipinahamac ang iyong caligayahan. Ang mangyayari sa iyo sa hinaharap ang aking iniisip, minimithî co ang iyong caligayahan. ¿Paano ang aking pagpapahintulot na pacasál icaw sa isáng tagá rito, upang icaw ay aking mapanood ná esposang cahabaghabág at ináng culang palad? Hindi co maialís sa iyóng ulo ang iyóng pagsintá, caya't humadláng acó ng̃ boo cong lacás, guinawa co ang lahát ng̃ lihís sa catuwiran, dahil sa iyó, sa iyo lamang dahil. Cung icaw ay naguing asawa niyá, tatang̃is ca pagcatapos, dahil sa calagayang pagca inianác dito ng̃ asawa mo, na laguing nabibing̃it sa lahát ng̃ pag-api't pagpapahirap na waláng calasag sa pagsasanggaláng; cung maguíng iná ca na'y tatang̃isan mo ang casawiang palad ng̃ iyong mg̃a anác; cung silá'y papag-aralin mo't ng̃ dumúnong, inihahandà mo sa canilá ang masacláp na mararating; maguiguing caaway silá ng̃ religión, at cung magcágayo'y makikita mo silá sa pagcabitay ó sa pagcapatapon; cung pabayaan mo namáng mangmáng, makikita mo namáng silá'y tinatampalasan at sumasacaimbihán! ¡Hindi co ng̃a mangyaring maitulot! Dahil dito'y inihahanap catá ng̃ isáng asawang macapaghahandóg sa iyó ng̃ pagca ináng maligaya ng̃ mg̃a anác na macapag-uutos at hindi mapag-uutusan, na macapagpaparusa't hindi magdaralità.... Nalalaman cong mabait ng̃a ang yong catoto buhat sa camusmusán, minámahal co siyá't gayón din ang canyáng amá, datapuwa't pinagtamnán co silá ng̃ gálit, mula ng̃ makita cong silá ang maguiguing dahil ng̃ iyong casawaliang palad, sa pagcá't catá'y minamahal, catá'y pinacasisintá, catá'y iniibig na cawang̃is ng̃ pag-ibig sa isáng anác; waláng umiirog sa akin cung di icaw na ng̃a lamang; napanood co ang iyóng pag-lakí; hindi nacararaan ang isáng oras na hindi catá inaalaala; napapanaguinip co icaw; icaw ang tang̃ing catuwaan co....
At tumang̃is si parì Dámasong tulad sa isáng musmós.
—¡Cung gayón, cung acó'y inyóng minámahal, huwag po sanang ipahamac ninyó acó magpacailán man; patáy na siyá, ibig cong mag-monja!
Itinuon ng̃ matandâ ang noo sa canyáng camáy.
—¡Mag-monja, mag-monja!—ang inulit ulit.—Hindi mo nalalaman, anác co, ang pamumuhay, ang talinghagang nagcúcubli sa loob ng̃ mg̃a pader ng̃ convento, hindi mo nalalaman! Macalilibong iniibig cong mapanood cong icaw ay nagcacasákit sa mundo, cay sa makita co icaw na nacuculong sa convento. Sa mundo'y máriring̃ig ang iyong mg̃a daíng, doo'y wala cung di ang mg̃a pader ... ¡Icaw ay magandá, totoong magandá, hindi ca sumilang sa maliwanag upang icaw ay másoc sa pag-momonja, upang maguing esposa ca ni Cristo! Maniwalà ca sa akin, anác co, kinacatcat na lahát ng̃ panahón; macalilimot ca cung malaon, iibig ca, iibig ca sa asawa mo ... cay Linares.
—¡O ang convento ó ... ang camatayan!—ang inulit ni María Clara.
—¡Ang convento, ang convento ó ang camatayan!—ang mariing sabi ni parì Dámaso.—María, matanda na acó, hindi na mangyayaring tumagál pa ang aking pagcacaling̃a sa iyo't sa iyóng capanatagan.... Humirang ca ng̃ ibang bagay, humanap ca ng̃ ibáng sisintahin, ibáng binatà, cahi't na sino, datapuwa't huwag lamang ang convento.
—¡Ang convento ó ang camatayan!
—¡Dios co, Dios co!—ang isinigaw ng̃ sacerdote, na tinacpan ng̃ mg̃a camáy ang ulo;—pinarurusahan mo acó, anóng gagawin! datapuwa't caling̃ain mo ang aking anác na babae!...
—¿Ibig mong maguing monja? maguiguing monja ca; aayaw acong mamatáy icaw.
Hinawacan ni Maria Clara ang canyang dalawáng camay, pinisíl, hinagcán at lumuhod.
—¡Ináama co, ináama co!—ang inulit-ulit.
Umalis pagcatapos si parì Damasong mapangláw, nacatung̃ó at nagbúbuntong hining̃á.
—¡Dios, Dios, tunay ng̃ang nabubuhay ca, yamang acó'y iyóng pinarurusahan! ¡ng̃uni't manghiganti ca sa akin at huwag mong pahirapan ang waláng casalanan, iligtás mo ang aking anác!
LXIII.
ANG GABING SINUSUNDAN NG̃ PASCO NG̃ PANG̃ANG̃ANAC.
Sa itaas, sa balisbís ng̃ isáng bundóc, sa tabí ng̃ isáng agúsan, natatago sa guitnâ ng̃ mg̃a cahoy ang isáng dampâ na nacalagay sa ibabaw ng̃ mg̃a licolicong punò ng̃ mg̃a cahoy. Sa ibabaw ng̃ canyáng bubóng na cúgon ay gumagapang na saganà sa calaguan ang calabaza, na humihitic ng̃ mg̃a bung̃a at ng̃ mg̃a bulaclác; napapamutihan ang abáng tahanang iyón ng̃ mg̃a sung̃ay ng̃ usa't ng̃ mg̃a bung̃ô ng̃ baboy-ramó, na may mg̃a pang̃il ang ibá. Diyán tumatahan ang isáng mag-ánac na tagalog, na ang pang̃ang̃aso't pagpuputól ng̃ cahoy na panggatong ang guinágawa.
Sa lilim ng̃ isáng cahoy, ang nunong lalaki'y gumágawa ng̃ mg̃a walis na tinting, samantalang naglálagay ang isáng dalaga sa isáng bacol ng̃ mg̃a itlóg ng̃ inahíng manóc, mg̃a dayap at mg̃a gulay. Dalawáng batà, isáng lalaki't isáng babae'y magcasamang naglálaro. May isá pang batàng lalaking putlain, mukháng namámanglaw, malalaki ang mg̃a matá at malalim cung tuming̃ín, at siyá'y nacaupô sa ibabaw ng̃ isáng nacahigáng punò ng̃ cahoy. Mapagkikilala natin sa canyáng namamayat na mukha ang anác na lalaki ni Sisa, si Basilio, na capatíd ni Crispín.
—Paggalíng ng̃ paá mo,—ang sabi sa canyá ng̃ batang babae;—maglálaro tayo ng̃ pico-picong-tagúan, acó ang inainahan.
—Saasama ca sa amin sa pag-akyát sa taluctóc ng̃ bundóc,—ang dagdág ng̃ batàng lalaki;—iinom ca ng̃ dugó ng̃ usáng pinigaan ng̃ catas ng̃ dayap at icaw ay tatabâ, at cung mataba ca na'y tuturuan catá ng̃ paglucso sa magcabicabilang malalaking bató, na na sa ibabaw ng̃ agúsan.
Ng̃uming̃itî ng̃ mapangláw si Basilio, tinítingnan ang súgat ng̃ canyáng paá at pagcatapos ay ibinabaling ang paning̃in sa araw na mainam na totoo ang sicat.
—Ipagbili mo ang mg̃a walís na itó,—anáng nunong lalaki sa dalaga;—at ibilí mo ng̃ anó man ang mg̃a capatid mo, sa pagcá't Pascó ng̃ayón.
—¡Mg̃a reventador, ibig co ng̃ mg̃a reventador!—ang sigáw ng̃ batàng lalaki.
—¡At ibig co namán ang isáng ulong mailagáy co sa aking manica!—ang sigáw namán ng̃ batàng babae, at tinangnán sa tápis ang canyáng capatid.
—At icaw, ¿anó namán ang ibig mo?—ang tanóng ng̃ nunò cay Basilio.
Tumindíg itóng nahihirapan at lumapit sa matandáng lalaki.
—Guinoo,—ang sinabi niyá;—¿nagcasakít po palá acóng mahiguít na isáng buwán?
—Buhat ng̃ masumpong ca naming hindi nacacaalam-tao't punô ng̃ mg̃a sugat ay dalawang buwan na sa itaás ang nacararaan; ang isip nami'y mamámatay icaw....
—¡Gantihín nawa cayó ng̃ Dios; camí po'y totoong mahihirap!—ang mulíng sinabi ni Basilio; datapuwa't yayamang Pascó ng̃ayón, ibig cong pa sa bayan upáng aking tingnán ang aking iná't capatid na maliit. Marahil hinahanap nilá acó.
—Ng̃uni't anác co, hindi ca pa magalíng at malayo ang bayan mo; hindi ca darating doon sa hating gabí.
—¡Hindi po cailang̃an, guinoo! Marahil po'y totoong namamanglaw ang aking iná't capatíd na maliit; sa taón taó'y nagsasamasama camí sa fiestang itó ... ng̃ taóng nagdaa'y isáng isda ang aming kinaing tatló ... ang iná co marahil ay iyác ng̃ iyác ng̃ paghánap sa akin.
—¡Hindi ca darating na buháy sa bayan, batà! Sa gabíng itó'y may inahíng manóc tayo at tapa ng̃ baboy-ramó. Hahanapin ca ng̃ aking mg̃a anác na lalaki cung umuwi siláng galing sa parang....
—Marami po cayóng mg̃a anác, at ang aking iná'y wala cung di camíng dalawá lamang; ¡marahil ipinalalagay na acóng patáy! ¡Ibig co pô siyang bigyán sa gabíng itó ng̃ galác, ng̃ isáng aguinaldo ... isáng anác!
Naramdamán ng̃ matandáng lalaking nangguiguilid ang canyáng luhà, ipinatong sa ulo ng̃ batàng lalaki ang canyáng camáy at sinabi sa canyáng nababagbag ang pusò:
—¡Tila ca matandáng tao! Halá, paroon ca na, hanapin mo ang iyong nanay, ibigay mo sa canyá ang aguinaldo ... ng̃ Dios, gaya ng̃ sabi mo; cung nalaman co lamang ang pang̃alan ng̃ iyong bayan, sana'y naparoon acó ng̃ icaw ay may sakit. Lácad na, anác co, at samahan ca nawa ng̃ Dios at ng̃ poong si Jesús. Sasamahan ca ng̃ apó cong si Lucía hanggáng sa bayang malapit dito.
—¿Bakit, aalis ca ba?—ang tanóng sa canyá ng̃ batàng lalaki.—Diyán sa ibabá'y may mg̃a sundalo, maraming mg̃a tulisán. ¿Aayaw ca bang makita ang aking mg̃a reventador? ¡Pum! ¡purumpum!
—¿Aayaw ca ba ng̃ pico-picong taguan?—ang tanóng namán ng̃ batàng babae;—¿nacapagtago ca na ba? ¿Hindi ba totoong nacatutuwa ang habulin at magtago?
Ng̃umitî si Basilio; dinampót ang canyáng tungcód at nagsalitáng nanglálaglag ang mg̃a luhà sa mg̃a matá:
—Bábalic acó agad,—anyá;—dadalhín co rito ang maliit cong capatíd, makikita ninyó siyá at cayó'y makikipaglarô sa canyá; siyá'y casíng lakí mo.
—¿Pipilaypilay rin ba cung lumacad?—ang tanóng ng̃ batàng babae;—cung gayó'y siyá ang ating gagawing iná-inahan sa pico-pico.
—Huwag mo camíng calilimutan,—ang sabi sa canyá ng̃ matandáng lalaki;—dalhín mo itong tapa ng̃ baboy-ramó at ibigay mo sa iyong nanay.
Sinamahan siyá ng̃ mg̃a batá hanggáng sa tulay na cawayang nacalagáy sa ibabaw ng̃ agúsang maing̃ay ang lagaslás.
Pinacapit siyá ni Lucía sa canyáng mg̃a bisig at nawalâ silá sa mg̃a paning̃ín ng̃ mg̃a batà.
Malicsíng lumacad si Basilio, bagá man may tali ang canyáng binti.
....................................................................
Humahaguinit ang hang̃ing sa labás at nang̃áng̃aligkig sa guináw ang mg̃a tagá San Diego.
Niyó'y gabíng sinúsundan ng̃ Pascó ng̃ Pang̃ang̃anác, ng̃uni't gayón ma'y malungcót ang bayan. Waláng nacasabit sa mg̃a bintanang isáng farol man lamang na papel, waláng anó mang caing̃ayan sa mg̃a bahay na nagbabalità ng̃ casayahang gaya ng̃ mg̃a nacaraang taón.
Sa «entresuelo» ng̃ bahay ni capitang Basilio'y nagsasalitaan sa tabí ng̃ isáng rejas, ito't si don Filipo (pinapagcaibigan silá ng̃ pagcapahamac ni don Filipo), samantalang sa cabiláng rejas namá'y tumátanaw sa daan si Sinang, ang canyáng pinsang si Victoria at ang magandáng si Iday.
Nagpápasimula ng̃ pagsicat ang buwáng patunáw sa naaabot ng̃ paning̃in at pinapagcuculay guintô ang mg̃a alapaap, mg̃a cahoy at mg̃a bahay, at tulóy nang̃agbibigay ng̃ mahahaba't wari'y mg̃a fantasmang mg̃a anino.
—¡Hindi cácauntî ang inyóng capalarang lumabás, na alinsunod sa pasyá ng̃ hucóm ay walang casalanan, sa mg̃a panahóng itó!—ang sabi ni capitang Basilio cay don Filipo;—tunay ng̃a't sinunog nilá ang inyóng mg̃a libro, ng̃uni't lalong malakí ang nang̃awalâ sa mg̃a ibá.
Lumapit sa rejas ang isáng babae at tuming̃ín sa dacong loob. Nagníningning ang canyáng mg̃a matá, namamayat ang canyáng mukhâ, lugáy at gusót ang canyáng mg̃a buhóc, binibigyan siya ng̃ buwán ng̃ cacaibáng anyô.
—¡Si Sisa!—ang bigláng sinabi ni don Filipo, at saca siyá humaráp cay capitang Basilio, samantalang lumálayô ang ulól na babae.
—¿Hindi po ba na sa sa bahay siyá ng̃ médico?—ang itinanóng;—¿gumaling na po ba?
Ng̃umitî ng̃ masacláp si capitang Basilio.
Natacot ang médicong siyá'y isumbóng na caibigan ni don Crisóstomo, at ang guinawa'y pinaalís si Sisa sa canyáng bahay. Ng̃ayó'y muling nagpapacabicabila na namáng ulól na gaya ng̃ dati, umaawit, hindi gumagawâ ng̃ masamâ cang̃ino man at natitira sa gubat....
—¿Anó anó pa po ang mg̃a nangyari sa bayan mulâ ng̃ umalis camí rito? Nalalaman cong tayo'y may curang bago at bagong alférez....
—¡Catacotacot na mg̃a panahón, umúudlot ang cataohan!—ang ibinulóng ni capitang Basilio, na ang nacaraan ang iniisip.—Tingnán po ninyó, kinabucasan ng̃ inyóng pag-alís ay nasumpung̃ang patáy ang sacristang mayor, nacabitin sa palupo ng̃ canyáng bahay. Dinamdám na totoo ni parì Salví ang canyáng pagcamatáy at sinamsam na lahát ang canyáng mg̃a papel.—¡Ah, namatáy rin ang filósofo Tasio, at ibinaón siya sa libing̃an ng̃ mg̃a insíc.
—¡Cahabaghabag namán si don Anastasio!—ang ibinuntóng hining̃á ni don Filipo,—¿at ang canyang mg̃a libro?
—Sinunog na lahát ng̃ mg̃a madasalin, sa pagcá't sa ganyá'y inaacalà niláng silá'y mararapat sa Dios. Walâ acong nailigtas cahi't ang libro man lamang ni Ciceron ... waláng guinawáng anó man ang gobernadorcillo upang sansalain ang gayóng gawâ.
Capuwà hindi umimíc ang dalawá.
Nariring̃ig ng̃ sandalíng iyón ang awit na cahapishapis at mapangláw ng̃ ulól na babae.
—¿Nalalaman mo ba cung cailán ang casál ni María Clara,—ang tanóng ni Iday cay Sinang.
—Hindi,—ang isinagót nitó;—tumanggap acó ng̃ isáng sulat ni María Clara, ng̃uni't aayaw cong bucsán sa tacot na aking maalaman. ¡Caawaawa si Crisóstomo!
Ang balità'y cung di cay Linares, si capitang Tiago'y nabitay sana, ¿anó ang cahihinatnán ni María Clara?—ang pahiwatig ni Victoria.
Nagdaan ang isáng batàng lalaking pipilaypilay; tumatacbóng ang tung̃o'y sa plaza na pinanggagaling̃an ng̃ awit ni Sisa. Siya'y si Basilio. Nasumpung̃an ng̃ batà ang canyáng bahay, na waláng tao at guibà; pagcatapos ng̃ maraming pagtatanóng, ang canyáng nausisa lamang ay ang canyáng iná'y ulól at nagpapagalagala sa bayan; walâ siyang cabalibalità cay Crispin.
Kinain ni Basilio ang luhà, linunod ang canyáng pighatî, hindi na nagpahing̃a't hinanap ang canyáng iná. Dumatíng sa bayan, ipinagtanóng ang canyáng iná, at dumatíng ang awit sa canyáng mg̃a taing̃a. Piniguilan ng̃ culang palad ang pang̃ang̃atál ng̃ canyáng mg̃a bintî at nag-acalang tumacbó't ng̃ payacap sa canyáng iná.
Linisan ng̃ ulól na babae ang plaza't tinung̃o ang tapát ng̃ bahay ng̃ bagong alférez. Ng̃ayo'y gaya rin ng̃ unang may isáng bantay na sundalo sa pintuan, at isáng ulo ng̃ babae ang siyáng nanung̃aw sa bintanà, ng̃uni't hindi na ang Medusa, ng̃ayó'y isáng batà ang gulang; hindi pawang sawíng palad ang bawa't alférez.
Nagpasimulâ ng̃ pag-awit si Sisa sa tapat ng̃ bahay, na tinititigan ang buwang nagduruyan sa isáng lang̃it na azul at napapag-itanan ng̃ mg̃a alapaap na culay guintô. Nakikita siyá ni Basilio'y hindi macapang̃ahas lumapit, at marahil hinihintay niyáng umalis doon; lumalacad sa magcabilacabila, ng̃uni't pinang̃ing̃ilagan ang paglapit sa cuartel.
Pinakikinggang magalíng ng̃ babaeng batà pang na sa sa bintanà ang awit ng̃ ulól na babae, at ipinag-utos sa bantáy na sundalong papanhikin ang ulól na iyón sa cuartel.
Pagcakita ni Sisang lumalapit ang sundalo at ng̃ maring̃ig ang tinig nito, sa malaking tacot ay nagpacatacbótacbó, at ang Dios ang nacacaalam cung paano ang pagtacbó ng̃ isáng ulól. Sinundán siyá ni Basilio, at sa pang̃ang̃anib na bacá hindi na niya makita'y tumacbó at nalimutan tulóy ang sakít ng̃ canyáng mg̃a paá.
—¡Tingnán na ng̃a lamang ninyó cung paano ang paghabol ng̃ batàng iyán sa ulól na babae!—ang sigáw na nagagalit ng̃ isáng alilang babae, na na sa daan.
At ng̃ makita niyáng ipinagpapatuloy ang paghagad sa ulól na babae, dumampót ng̃ isáng bató't inihaguis sa batà, at sinabi:
—¡Ayán ang iyó! ¡pagcasayangsayang at natatalì ang áso!
Naramdamán ni Basilio ang isáng pucól sa canyáng ulo, ng̃uni't nagtuloy ng̃ pagtacbó at hindi inalumana. Tinátahulan siyá ng̃ mg̃a áso, sumisigaw ang mg̃a gansâ, binúbucsan ang mg̃a ibáng bintanà at may sumusung̃aw na isáng mapagusisa, at sinásarhan namán ang ibáng bintana, sa pang̃ang̃anib na bacâ iyo'y cawang̃is din ng̃ gabi ng̃ mg̃a caguluhan.
Dumatíng silá sa labás ng̃ bayan. Nagpasimulà si Sisa ng̃ paghinà ng̃ pagtacbó; malakíng totoó ang calayuan niyá sa humahabol sa canyá.
—¡Nanay, acó pô!—ang isinigáw sa canyá ng̃ siyá'y mátanawan.
Bahagyâ lamang náring̃ig ng̃ ulól na babae ang tinig ay nagpasimulâ na namán ng̃ pagtácas.
—¡Nanay, acó pô!—ang isinigáw ng̃ bata na waláng pagcasiyahan sa pighatî.
Hindi nacácaring̃ig ang ulól na babae, sinúsundan siyá ng̃ anác na humihing̃al. Naraanan na nilá ang mg̃a pananím at malapit na silá sa gubat.
Nakita ni Basiliong pumasoc sa gubat na iyón ang canyáng iná at siyá'y pumasoc namán. Ang mg̃a damó, ang maliliit na cahoy, ang matiníc na mg̃a yantóc at ang mg̃a ugát na umuutláw sa lupá ay nang̃agsisihadláng sa tacbó ng̃ dalawá. Sinúsundan ng̃ anác ang naaaninagnagán niyáng catawán ng̃ canyáng iná, na manacanacang liniliwanagan ng̃ mg̃a sínag ng̃ buwang pumapasoc sa mg̃a pag-itan ng̃ mg̃a sang̃á. Yaón ang talinghagang gubat ng̃ familia ni Ibarra.
Macailang natisod at nárapâ ang batà, ng̃uni't tumítindig, hindi nagdaramdam sakít; ang boong caluluwa niyá'y pumatung̃o sa canyáng mg̃a matá, na sumúsunod sa anyô ng̃ irog niyáng iná.
Caniláng dinaanan ang ílat na bumubulong ng̃ matimyás; ang mg̃a tiníc ng̃ cawayang nang̃ahulog sa putic ng̃ pampáng ay tumitimo sa mg̃a paá niyáng hubád: hindi humihintô si Basilio upáng bunutin ang mg̃a tiníc na iyón.
Nakita niyá ng̃ boong pagtatacá na tinutung̃o ng̃ canyáng iná ang malagóng parang at pumasoc sa pintóng cahoy na pangsará sa pinaglibing̃an ng̃ matandáng castilà sa paanán ng̃ balitì.
Binantâ ni Basiliong siyá'y pumasoc namán, ng̃uni't nasunduan niyáng nacasará ang pintô. Ipinagsasanggalang ang pintóng iyón ng̃ ulól na babae, ng̃ canyáng mg̃a payát na bísig at gusamót na ulo, na anó pa't pinapananatili ng̃ canyáng boong lacás sa pagcásara.
—¡Nanay, acó pô, acó pô, acó'y si Basilio, ang inyóng anác!—ang sigáw ng̃ batang hapô na, at nagpacálugmoc.
Datapuwa't hindi nagluluwag ang ulól na babae; isinisicad ang canyáng mg̃a paá sa lupà at ipinaglalabang mainam ang pintô.
Sinuntóc ni Basilio ang pintô, inihahampas doon ang ulong napapaliguan ng̃ dugô, umiyác, ng̃uni't waláng cabuluháng lahát. Nagtindíg ng̃ boong hírap, pinagmasdán ang pader at iniisip niyáng canyáng hagdanán, ng̃uni't walâ siyáng nasumpung̃ang magawang hagdán. Nilibot niyá, ng̃ magcágayon, at nakita niyá ang isáng sang̃á ng̃ malungcót na cahoy na humahalang sa isá namang sang̃á rin ng̃ ibang cahoy. Nag-ukyabít siyá: gumágawâ ng̃ cababalaghán ang canyáng pagsintáng-anác, nagpalipatlipat siyá sa mg̃a sang̃á hanggang sa dumating sa balitì, at napanood pa niyáng itinutuon ang ulo ng̃ canyáng iná sa pintô.
Náring̃ig ni Sisa ang ing̃ay na guinágawâ ni Basilio sa mg̃a sang̃á, luming̃ón at nag-acalang tumacas, ng̃uni't nagpatihulog sa cahoy ang anác, niyácap niyá ang canyáng iná at pinuspós ng̃ halíc, at hinimatáy pagcatapos.
Námasdan ni Sisa ang noóng napapaliguan ng̃ dugô; yumucód sa canyá, ang mg̃a matá ng̃ babae'y tila mandín tatacas sa kinálalagyan, pinagmasdan siyá sa mukhâ at ang mg̃a namúmutlang pagmumukháng iyó'y siyáng pumagpág ng̃ bait na gumugupiling sa canyáng mg̃a utac ng̃ ulo, may sumipót na tulad sa isáng kisláp sa canyáng pag-iisip, nakilala ang canyáng anác at, nagpacabigáybigáy ng̃ isáng sigáw, at pagcatapos ay nahandusay sa hinimatáy na batàng canyáng niyayacap at hináhagcan.
Nanatiling hindi cumikilos ang iná at ang anác....
Nang pagsauláng-tao si Basilio'y nakita niyang hindi nacacaalam tao ang canyáng iná. Tinawag niyá ang canyáng iná, canyáng ipinang̃alan ang lalong matitimyás na palayaw, at ng̃ mamasid niyáng hindi naguiguising at hindi man lamang humihing̃a'y nagtindig, tinung̃o ang agos at cumuha ng̃ cauntíng túbig na canyáng inilagáy sa binalisungsóng na dahon ng̃ saguing, at canyáng winiligán ng̃ tubig na iyon ang namumutláng mukhà ng̃ canyáng iná. Ng̃uni't hindi cumilos ng̃ camunti man lamang ang ulól na babae, nananatili sa pagcapikit.
Pinagmasdán siyá ni Basiliong nagugulat; idinaiti ang canyáng taing̃a sa pusò ng̃ babae; ng̃uni't ang payát at lantá ng̃ dibdib ay malamig at hindi tumitiboc: inilagáy niyá ang canyáng mg̃a labì sa mg̃a labì ng̃ canyáng iná ay walâ siyáng naramdamang camunti man lamang na paghing̃á. Niyacap ng̃ culang palad ang bangcáy at tumang̃is ng̃ boong capaitan.
Lumiliwanag ang buwan sa lang̃it ng̃ boong cadakilaan, nagbubuntong hining̃á ang mahinhíng amihan sa paghihip at humuhuni ang mg̃a cagaycáy sa ilalim ng̃ mg̃a damó.
Ang gabíng pawang caliwanagan at catuwaan sa lubháng maraming mg̃a musmós, na sa mainit na sinapupunan ng̃ mg̃a casambahay ipinagdiriwang ang fiestang lalong may mg̃a matatamis na nagugunitá; ang fiestang nagpapaalaala ng̃ unang titig ng̃ pagsintá na ipinadalá ng̃ lang̃it sa lupà; sa gabíng iyáng ang lahát ng̃ magcacasambahay na mg̃a binyaga'y cumacain, umiinom, sumasayaw, umaawit, tumatawa, naglálarò, sumisinta, nang̃aghahalican ... sa gabíng iyán, na sa mg̃a lupaíng malalamíg ay nagtátaca ang camusmusan sa warí'y himaláng cahoy na pino, na humihitic ng̃ mg̃a ilaw, mg̃a manica, mg̃a matamis at makikintáb na palarang papel, na pinanonood ng̃ nang̃asisilaw na mabibilog na mg̃a matáng kinaaninuhan ng̃ pagca waláng malay, ang gabíng iyá'y waláng idinudulot cay Basilio cung di isáng pang̃ung̃ulila. ¿Sino ang nacacaalam? Marahil sa bahay ng̃ malungcuting si parì Salví ay nang̃aglalarô rin ang mg̃a batà, marahil ay caniláng inaawit: