MGA TALABABA:
[1] A mi pátria, ang sabi sa "original" na wicang castilà. Ang sabing "pátria" ay waláng catumbas sa wícà natin cung dî: ang tinubuang lupà, ang tinubuan bayan, ang kinaguisnang bayan, ang kinamulatang bayan, at iba pa. Ng̃uni't ang sinasabing bayan ò lupà rito'y saclaw ang boong Sangcapuluang Filipinas, hindî ang lupang Naic ó bayang Malabon ó lalawigang Tayabas, cung di ang capisanan ng̃ lahat ng̃ bayan, ng̃ lahat ng̃ lalawigan sa boong Sangcapuluang ito, casama ang mg̃a bundóc, gubat, ilog, dagat at iba pa.—P.H.P.
[2] "Casaysayan ng̃ ano mang nangyayari." Ipinang̃ung̃usap na "istoria"; sa pagka't sa wicang castila'y hindî isinasama ang h sa pagbasa—P.H.P.
[3] Ang cáncer ay masamáng "bùcol" ó bagâ, na hindî maisatagalog na "bagâ" ó búcol, sa pagca't ibang iba sa mg̃a sakit na itó. Caraniwang napagagaling ang "bagâ" ó búcol, datapowa't ang "cáncer" ay hindî. Bawa't dapuan ng̃ "cáncer" ay namamatay. Wala pang lunas na natatagpuan ang mg̃a pantás na manggagamot upang mapagalíng ang "cáncer", na cung pamagatá'y "carcinoma." May nagsasabing napagagaling ang "carcinoma" sa pamamag-itan ng̃ paglapláp sa búcol, cung panahóng bagong litáw, na walang ano mang itítira, datapuwa't palibhasa'y hindî nararamdaman ng̃ may sakít ng̃ carcinoma na siya'y mayroon nito, cung dî cung malubha na, iyan ang cadahilana't walâ ng̃ magawâ ang mg̃a cirujano. Ang caraniwang dinadapuan ng̃ cáncer, carcinoma, ay ang mg̃a taong bayan at hindi ang taga bukid; at lalong madalas sa babae cay sa lalakí. Sa suso ó sa bahay-bata madalás dumápò cung sa babae. Ang sakít na "cancer" ay tinatawag na "Noli me tangere," na ang cahuluga'y "Howag acong salang̃ín nino man;" sapagca't cung laplapin at hindi macuhang maalís na lahat at may matirang cahi't gagahanip man lamang ay nananag-ulî at lalong lumalacas ang paglaganap, tulad sa inuulbusang halaman, damó ó cahoy na lalong lumálacas ang paglagô, at pagcacagayo'y lalong nadadalî ang pagcamatay ng̃ may sakit.—P.H.P.
[4] Tinatawag na civilización ang caliwanagan ng̃ isip dahîl sa pag-aaral ng̃ mg̃a bago't bagong dunong. Nagpasimula ang tinatawag na "civilización moderna," ó bagong civilización, ng̃ icalabinglimang siglo, at nacatulong na totoo na bagay na ito ang pagcátuclas ng̃ limbagan.—P.H.P.
[5] Colado, ang taong hindi inaanyayaha'y cusang dumádalo sa isang piguíng. Maraming di ano lamang sa mañg̃a bayanbayan, at lalonglalo na dito sa Maynilà, ang mañg̃a taong di nating calahì, na hindî man inaanyayahan ay nagdudumalíng dumaló sa mang̃a piguíng nang mang̃a filipino, na canilang tinatawag na indio, at ang mang̃a taong yaong di natin calahì ang siyang tinatawag ni Rizal na mang̃a colado sa piguíng.—P.H.P.
[6] Ang catutubong mahusay at dî nagbabagong calacarán ng̃ mg̃a linikhâ ng̃ Dios—P.H.P.
[7] Nang panahóng sulatin ni Rizal ang Noli me tangere ay hindi pa umaagos dito sa Maynila ang tubig na inumíng nanggagaling sa ilog San Mateo at Marikina. Talastas nang madla, na ang guinugol sa pagpapaagos na ito ay ang ipinamanang salapi, upang iucol sa ganitong bagay, ni D. Francisco Carriedo, castilang naguíng magistrado sa Real Audiencia nang una. ¡Salamat sa isáng castílà, sa isáng hindî nating caláhì ay nagcaroon ang Maynílà ng̃ tubig na totoong kinacailang̃an sa pamumuhay! Maraming mayayamang filipinong bago mamatay ay nagpapamana ng̃ maraming salapî at mahahalagáng cayamanan sa mg̃a fraile ó sa mg̃a monja, datapowa't hindî nang̃ababalinong magpamana ng̃ anó mang iguiguinhawa ó magagamit sa pamumuhay ng̃ caniláng mg̃a cababayan. Walâ rin acóng nalalamang nagawáng handóg sa mg̃a filipino ang mg̃a fraile na macacatulad ng̃ pamana ng̃ dakilang si Carriedo; gayóng dahil sa mg̃a filipino cayâ yumaman at naguíng macapangyarihan ang mg̃a fraileng iyan.—¡Culang palad na Filipinas!—Nang di pa umaagos ang tubig na inumíng sinabi na ay sa ilog Pasig ó sa mang̃a ibáng nacaliliguid sa Maynilà umiiguib nang inumín at ibá pang cagamitan sa bahay, sacali't ang bahay walang algibe ó tipunán ng̃ tubig sa ulán.—P.H.P.
[8] Ang namamatnugot sa paggawâ ng̃ anó man edificio. Tinatawag na edificio ang bahay, palacio, simbahan, camalig at iba pa.—P.H.P.
[9] Ang ladrillong parang pinggan ang pagcacayarì.—P.H.P.
[10] Ang "maceta" ay wicang castilà na ang cahuluga'y ang lalagyán ng̃ lupà na pinagtatamnan ng̃ mg̃a halamang guinágawang pangpamuti, sa macatuwid ay malî ang tawag na "macetas" sa halaman.—P.H.P.
[11] Patung̃án ng̃ mg̃a "maceta" ó pátirican ng̃ haligue ó ano mang bagay.—P.H.P.
[12] Ang capisanan ng̃ guinagamit sa pagcaing cuchara, cuchillo, tenedor at iba pa.—P.H.P.
[13] Ang sabing "caida" ay wìcang castilà, na ang cahuluga'y ang pagcahulog, pagcálagpac, pagcárapâ pagcatimbuang, ó ang kinahuhulugan ó ang laláy ng̃ ano mang bagay; datapuwa't dito sa Filipinas, ayawan cung anong dahil, tinatawag na "caida" ng̃ mg̃a castilà at ng̃ mg̃a lahing castila ang macapanhíc ng̃ báhay.—P.H.P.
[14] Ang panig ng̃ bahay na pinaglálagyán ng̃ mesang cacanán.—P.H.P.
[15] Mulíng pang̃ang̃anac. Ang panahong nagpasimulâ nang calaghatian nang Siglo XV, na napucaw sa mang̃a taong tubò sa dacong calunuran ng̃ Sandaigdigan ang masilacbong pagsisiyasat nang mg̃a maririkit na guinagáwâ sa una nang mg̃a griego at nang mg̃a latino—P.H.P.
[16] Bataláng bató, na ang caraniwa'y baldosa ang tungtung̃an.—P.H.P.
[17] Sa convento ng̃ Antipolo ay may isang cuadrong catulad nitó.—J.R.
[18] Isáng pabilóg na parang culuong na ang caraniwa'y pinagagapang̃an ng̃ mg̃a halaman.—P.H.P.
[19] Ang ilawang sang̃asang̃a na ibinibiting may mg̃a pamuting mg̃a cristal na nagkikislapan.—P.H.P.
[20] Isáng papatung̃ang cahoy, na catulad ng̃ papag na mababà ang anyô.—P.H.P.
[21] Cahoy na caraniwang tawaguin ng̃ tagalog na "Palo-China." Ang cahoy na ito'y caraniwan sa Europa at América. Sumisibol din sa Benguet, dito sa Filipinas, dahil sa malamíg ang sing̃aw roon.—P.H.P.
[22] Natuclasán ang paggawâ ng̃ "piano" ng̃ siglo XIII at siyang naguing cahalili ng̃ "clavicordio" at ng̃ "espineta." Alinsunod sa anyô at lakí ay tinatawag na piano de mesa, piano de cola, piano de media cola, piano vertical, piano diagonal at iba pa. Ang piano de cola'y nacahigang parang mesa, na sa isáng dulo'y malapad at sa cabiláng dulo'y makitid at isá sa mg̃a lalong mahál ang halagá.—P.H.P.
[23] Tinatawag na larawang "al óleo," (retrato al óleo) ang larawang ipinípinta sa pamamag-itan ng̃ mg̃a culay ó pinturang tinunaw sa lang̃is.—P.H.P.
[24] Sambahan ng̃ mg̃a judío.—P.H.P.
[25] Caraniwang tinatawag na Nuestra Señora ang anó mang larawan ni Guinoong Santa María, na halos may dî mabilang na pamagát: Nuestra Señora del Carmen, cung may mg̃a escapulario sa camay; Nuestra Señora del Rosario, cung may tang̃ang cuintás; Nuestra Señora de la Correa, cung nacabigkís ng̃ balát, Nuestra Señora de Turumba, Nuestra Señora de Salambaw at iba pang lubháng napacarami.—P.H.P.
[26] "Hindî carapatdapat" ang cahulugán ng̃ sabing "indigno," salitang caraniwang sabihin ng̃ mg̃a nacacastiláan.—P.H.P.
[27] Tinatawag na cadete ang nag-aaral sa isáng colegiong doo'y itinutúrò ang mg̃a bagaybagay na nauucol maalaman ng̃ isáng militar.
[28] Taga ibáng lúpà, sa macatuwid ay hindî taga Filipinas ang cahulugán ng̃ sabing "extranjero." Gayon ma'y dî caraniwang tawaguing "extranjero" ang insíc, ang castílà, ang turco, ang japonés, ang bombay, ang colombo at ibá pa; sila'y tinatawag ditong insíc, castílá, "turkiano," japón, bombay, colombo. Tinatawag lamang "extranjero" ang inglés, alemán, francés, suizo at ibá pa, sa pagca't iniuucol lamang ang sabing "extranjero" sa mg̃a mang̃ang̃alacal na may malalaking puhunan.—P.H.P.
[29] Ang bubóng na tablá ng̃ mg̃a sasacyán.
[30] Tinatawag na "paisano" ng̃ mg̃a sundalo ang hindî militar.—P.H.P.
[31] Caraniwang tinatawag na "biscuit" ang biscochong na sa mg̃a maliliit na latang nanggagaling sa Inglaterra. Tinatawag dito sa ating "biscocho" ang mg̃a malulutóng na tinapay, gaya ng̃ tinatawag na "biscocho y caña" at "biscocho y dulce," at ang tunay na biscocho'y tinatawag na "sopas" ng̃ mg̃a dî nacaaalám ng̃ wicang castílà. Ng̃ayo'y gumágawâ na rito sa atin ng̃ masasaráp na biscochong hindî saból sa mg̃a nanggagaling sa Inglaterra, ang La Perla ni G.J.E. Monroy, ang La Fortuna ni G. Claro Ong at ibá pa. Carapatdapat papurihan ang mg̃a cababayang itóng naglíligtas sa Filipinas na bomobowís sa mg̃a taga ibáng lupaín sa pagbilí ng̃ mg̃a bagay na dito'y nagágawâ.—P.H.P.
[32] Marang̃al na general ni Cárlos V at ni Felipe II. Siya ang nagtagumpáy sa panghihimagsic ng̃ Paises Bajos at nacalupig sa Fort.—P.H.P.
[33] Ang talaán ng̃ mg̃a oficial at mg̃a púnò sa mg̃a hucbó.
[34] Ang may catungculang umusig sa masasamang tao at mang̃asiwà sa capanatagán ng̃ mg̃a bayanbayan. Ng̃ panahón ng̃ Gobierno ng̃ España'y may dalawang bagay na Guardia Civil dito sa Filipinas: "Guardia Civil" ang pang̃alan ng̃ mg̃a na sa bayanbayan ng̃ mg̃a lalawigan, at "Guardia Civil Veterana" ang na sa ciudad ng̃ Maynílà.—Pawang mg̃a filipino ang mg̃a sundalo ng̃ Guardia Civil at ng̃ Guardia Civil Veterana, at mg̃a castílà ang mg̃a oficial at ang mg̃a púnò. Manacánacáng nagcacaroon ng̃ alferez at tenienteng mg̃a filipino. Ang nahalili ng̃ayon sa Guardia Civil ay ang Policía Insular, na tinatawag ding Policía Constabularia, at sa Guardia Civil Veterana ay ang Policía Metropolitana na pawang americano at ang Policía Municipal na pawang filipino. Bucod sa Guardia Civil at Veterana'y may mg̃a Cuadrillero pa na pawang filipino ang mg̃a sundalo at pinunò, na ang caraniwa'y fusil na walang cabuluhán at talibóng ang mg̃a sandata. Ng̃ mg̃a hulíng taón ng̃ Gobierno ng̃ castila'y nagcaroon sa Maynílà ng̃ mg̃a tinatawag na "Guardia Municipal," na ang dalang sandata'y revolver at sable. Sa macatuwíd ang mg̃a namamahalà ng̃ catahimican ng̃ mg̃a namamayan, ng̃ mg̃a hulíng panahón ng̃ mg̃a castilà, dito sa Maynílà'y ang Guardia Civil Veterana, ang Guardia Municipal at ang Cuadrillero, at sa mg̃a lalawiga'y ang Guardia Civil at ang Cuadrillero, bucód sa Policía Secreta na itinatag dito sa Maynílà, hindî co matandaan cung ng̃ taóng 1894 ó 1895.—P.H.P.
[35] Ang nagtuturò sa paaralan.—P.H.P.
[36] Colegio ó paaralang mg̃a fraileng dominico ang may-arì at silá rin ang nang̃agtuturò.
[37] Tinatawag na "dialéctico" ang gumagamit ng̃ dialéctica. Ang "dialéctica'y" ang carunung̃ang ucol sa pag iisip-ísip at ang mg̃a pinanununtunang landás sa bagay na itó.—P.H.P.
[38] Si Santo Domingo de Guzman ang nagtatag ng̃ capisanan ng̃ mg̃a fraileng dominico cayá sila'y tinatawag na mg̃a anác ni Guzman.—P.H.P.
[39] Ang nananatili sa pakikipanayam sa sangcataohan; ang hindî sacerdote.
[40] Ang nagpápalagay ng̃ mg̃a paláisipang dapat sagutin at tutulan sa pang̃ang̃atowiran ng̃ catalo.
[41] Ito'y ang balitang si G. Benedicto de Luna, marunong na abogadong filipino.
[42] Ang pagtatang̃î at pagbubucod ng̃ pinagmamatuwirang anó man.
[43] Ang mg̃a inanác ó iniapó ng̃ mg̃a unang senador sa Roma.
[44] Mg̃a fraile.
[45] Si Enrique Heine ay bantóg na poeta at crítico alemán. Sumulat sa wicang alemán. Ipinang̃anác ng̃ 1796 at namatáy ng̃ 1856.
[46] Ang mg̃a dios sa pinagtapunan.
[47] Ang Tyrol ay isáng magandáng panig ng̃ Suiza at Baviera at isá sa mg̃a lalawigan ng̃ Austria-Hungría. May siyam na raang libong tao ang namamayan doon.
[48] Tinatawag na equinoccio ang pagcacaisá ng̃ hábà ng̃ araw at ng̃ gabí. Nagcacaequinoccio pagpapasimulâ ng̃ signo Aries at pagpapasimulâ namán ng̃ signo Libra. May equinoccio ng̃ tag-araw, mulâ sa 20 hanggang 21 ng̃ Marzo, at may equinoccio ng̃ tag-ulan, mulâ sa 22 hanggang 23 ng̃ Septiembre.
[49] Halos talós ng̃ lahát ng̃ fipinong ang cahulugán ng̃ "morisqueta" ay canin; ng̃uni't ang walâ marahil nacacaalám niyan ay cung saang wicà nanggaling; sa pagca't ang sabing morisqueta'y hindî wicang castilà, hindî tagalog, hindî latín, hindî insíc at iba pa. ¿Ang mg̃a fraile cayâ ang nagtatag ng̃ salitang iyan?
[50] Sinabi co na sa sa isá sa mg̃a paunawà sa Buhay ni Rizal na sa pasimulâ ng̃ librong itó na ang sabing "indio" ay wicang castilà na ang cahuluga'y túbò ó inianác sa India. Ang Filipinas ay mg̃a pulóng na sa panig ng̃ libutáng tinatawag na "Oceanía," at ang India ay na sa panig ng̃ libutáng tinatawag na Asia. Ang tawag na indio ng̃ mg̃a fraile, ng̃ mg̃a castilà at ng̃ mg̃a lahing putî sa mg̃a túbò sa Filipinas ay isáng pag-alimura at pagcutyâ sa mg̃a lahing caymanggui. Caacbáy ng̃ sabing indio ang cahulugang tamád, waláng damdamin, hang̃al, dugong mabábà, cutad na ísip, ugaling pang̃it, waláng cahihiyan at iba pang lalong mg̃a casamasamâan. Sacsí nitóng mg̃a sabi co ang mg̃a sinulat ng̃ mg̃a fraile't castilà tungcol sa Filipinas. Ng̃uni't ang lalong nacatátawa'y ang mg̃a táong túbò rin dito sa Filipinas, na dahil sa maputî ang caniláng balát ay tumatawag sa capowâ tagritong caymangui ng̃ indio ... ¡Mg̃a dukhang damdamin!—P.H.P.
[51] Ito'y lubós na catotohanan. Ang sumusulat nito'y nacapang̃umpisal ng̃ panahóng cabataan pa sa isáng fraileng palibhasa'y bahagyâ ng̃ macawatas ng̃ wicang tagalog, ipinipilit na ang casalanang ikinucumpisal ay sabihin ng̃ nang̃ung̃umpisal sa mg̃a salitáng cahalayhalay at magagaang na sa Diccionariong wicang castilà at wicang tagalog na sinulat ng̃ caniláng capowà fraile.—P.H.P.
[52] Ang mg̃a sinising̃íl sa binyag, casal, tawag, libíng, campana, ciriales at iba pa.
[53] Ang caraniwang tinatawag na "manong" ó "manang", galing sa salitang "hermano" "hermana". May dalawang bagay na manong, ang manong na franciscano ó franciscana at manong na dominico ó dominicana.
[54] Dating estancado ang tabaco dito sa Filipinas. Ang Gobierno ng̃ España ay siyang namímilì ng̃ tabacong dahon sa mg̃a magsasacá sa mg̃a bayang may pahintulot na magtaním ng̃ tabaco, ang Gobierno ang nagpapadalá dito sa Maynílà siya ang nagpapagawa ng̃ tabaco at cigarrillo at siya rin ang nagbibilí. Sino ma'y walang nacabibilí ng̃ tabacong dahon cung dî ang Gobierno at sino ma'y walang nacapagbibilí ng̃ tabacong dahon, ng̃ tabacong yarì at ng̃ cigarrillo cung dî ang Gobierno. Sa mg̃a bayang may pahintulot na magtaním ng̃ tabaco'y may mg̃a cagawad ang Gobierno, na siyang nang̃ang̃atawa't ng̃ gumalíng ang taním na tabaco at mag-ani ng̃ marami. Ang Gobiernong mamimili ay siya ring nagháhalaga ng̃ tabacong dahong canyang biníbili. Ng̃ taóng 1883 ay inalís dito sa Filipinas ng̃ Gobierno ng̃ España ang estanco ng̃ tabaco at binigyang calayaan ang lahat na macapagtaním at macapagbilí ng̃ tabacong dahon, tabacong yarì ó cigarrillo, at ang inihalili sa estanco ay iba't ibang bagay na pagpapabowis sa mg̃a tagarito.—P.H.P.
[55] Alac na Jerez, na nanggagaling sa uvas na inaani sa bayang Jerez de la Frontera, na sacop ng̃ lalawigang Cadiz, caharian ng̃ España. Ang bayang iyo'y mayaman, nasa tabí ng̃ ilog Guadalete at may 62,009 ang nananahang tao.—P.H.P.
[56] Tinatawag na Evangelio ang mg̃a sinulat ni San Mateo, San Lucas, San Marcos at San Juan. Ang mg̃a sinulat ng̃ apat na Santong itó, na dî iba cung dî ang casaysayan ng̃ mg̃a ipinang̃aral at buhay ni Jesucristo, ang siyang pinagpapatuunan ng̃ mg̃a utos at palatuntunan ng̃ Iglesia Católica Apostólica Romana, ng̃ Iglesia Cismática sa Rusia at sa Grecia, ng̃ Iglesia Protestante at ng̃ Iglesia Filipina Independiente.—P.H.P.
[57] Ang cahulugan ng̃ sabing indolente ay ang táong hindî napupucaw ang loob sa mg̃a bagay na sa iba'y nacasakit. Ang walang malasakit sa ano man, ang mabagal, ang tamád.
[58] "Bailujan," galing sa sabing "baile," sayáw. Ang baile ay wicang castilà. Ang "bailuhan" ay hindî guinagamit ng̃ mg̃a fraile at ng̃ mg̃a castilà dito sa Filipinas cung dî ang sabing "baile" pagca ang sayawan ay sa bahay ng̃ capowà castílà, at "bailujan" pagca ang sayawan ay sa bahay ng̃ mg̃a filipino. Sa maiclíng sabi, ang cahulugan ng̃ "bailujan" ay sayáw na carapatdapat cutyaín, catawátawá, waláng cahusayan.
[59] Ang "loto" ay isáng cahoy sa Africa. Anang mg̃a poeta, ang taga ibang lupaíng macacain daw ng̃ bung̃a ng̃ "loto" ay nacalilimot sa canyang kinamulatang bayan.
[60] Sa macatuwid baga'y sucat na ang magcaroon ng̃ caunting pag-iisip.
[61] Caugalian sa mg̃a castilang hindî "usted" (cayó pô) na guinagamit sa caraniwan, cung dî "Vuestra Reverencia" ó "Vuesarevencia" (sa cagalanggalang pô ninyo) ang siyang ibinibigay na galang sa mg̃a fraile sa pakikipag-usap sa canila.
[62] Ipinang̃ung̃usap ng̃ "ereje," sa pagca't sa wicang castila'y hindi isinasama ang h sa pagbasa. Tinatawag na "hereje" ang cristianong sumásalansang ó hindi sumasampalataya sa mg̃a pinasasampalatayanan ng̃ Iglesia Católica Apostólica Romana.—P.H.P.
[63] Ang kinácatawan ng̃ Dios.
[64] Maliit na general; sa macatuwíd baga'y waláng halagang general.
[65] Maliit na general Capansanan.
[66] "Su excelencia" sa wicang castila, paunlác na tawag sa Capitan General at sa iba pa ng̃ mg̃a castila.—P.H.P.
[67] Pang̃alawa ng̃ Real Patrono. Tinatawag na Real Patrono ng̃ Iglesia Católica Romana ang Harî sa España. Haring tagatangkilic ang cahulugan sa wicang tagalog—P.H.P.
[68] Hindî acó nasísilong cahi't siya'y pang̃alawá man ng̃ harì—ang ibig sabihin ni Pári Dámaso.—P.H.P.
[69] Mulà sa taóng 1717 hangang 1719 ay naguíng Gobernador General sa Filipinas si Don Fernando Bustamante. Sa pagca't canyáng napagunáwà ang malaking mg̃a pagnanacaw sa pamamanihalà ng̃ salapî ng̃ Harì, minagálíng niya ang magtatag ng̃ mg̃a bágong utos sa pamamahalâ ng̃ salapî ng̃ calahatán. Pinasimulán niyáng kinulóng sa bilangguan ang mg̃a taong pinaghihinalàan; sila'y canyáng pinag-usig sa haráp ng̃ mg̃a tribunal. Galít na galít cay Bustamante ang mg̃a may matataas na catungculang sa ganito'y nang̃agsipang̃anib na mapahamac, at sa gayóng cahigpita'y hindî nang̃abihasa cailán man. Sa pagcá't nabalitàan ni Bustamante ang panucalang manghimagsic laban sa canyáng capangyariha't pamamahálà, at tinatangkílic ng̃ mg̃a fraile sa caniláng mg̃a simbahan ang lalong mg̃a kilaláng mahihigpít niyáng mg̃a caaway, naglathalà siyá ng̃ pagtawag sa lahát ng̃ mg̃a lalaking may mahiguít na labíng apat na taón upang mang̃agsipanig sa hucbòng magsasanggaláng sa capangyarihan ng̃ Harì. Dining̃íg ng̃ bayan ang pag tawag na iyón, at nátatag ang isang hucbó ng̃ mg̃a cusang pumasoc sa pagsusundalo. Nang̃agsifirma ang Arzobispo at iláng mg̃a abogado sa isáng casulatang doo'y itinututol na waláng capangyarihan at waláng catowiran daw si Bustamante na ipag-utos ang pagpapabilangô sa notariong si Osejo, na tumacbò at nagtagò sa simbahang Catedral: dahil dito'y ipinag-utos ng̃ Gobernador General na dacpín at ibilanggô ang arzobispo at gayon din ang mg̃a abogadong cainalám sa gayong panucalang catacsilan.—Pinanggaling̃an ang mg̃a pagpapabilanggong itó ng̃ iba't ibang mg̃a caguluhan, at sa tacot ng̃ mg̃a fraileng bacâ síla namán ang pag-usiguin, minagalíng nilá ang silá ang mamatnugot sa mg̃a lumálabag sa capangyarihan ng̃ Gobernador.—Lumabás sa mg̃a simbahan ang mg̃a nagtatagò roon, nagdalá ng̃ mg̃a sandata, at ng̃ macasanib na sa canilá ang iláng mg̃a tagarito, lumacad silá't ang tinung̃o'y ang palacio ng̃ Gobernador, na ng̃ panahóng iyó'y na sa taguilirang ilaya ng̃ tinatawag ng̃ayóng Plaza ni William McKinley. Nang̃ung̃una sa paglacad ang mg̃a fraile na may mg̃a hawac na Santo Cristo sa caniláng mg̃a camáy. Nang maalaman ni Bustamante ang gayóng panghihimagsic, ipinag-utos sa canyáng mg̃a guardiang barilín ang mg̃a nanghihimagsic na iyón; datapuwa't hindî sumunód sa canyáng utos ang mg̃a sundalo, at ng̃ dumating ang mg̃a nanghihimagsic sa tapát ng̃ palacio, isinucô nilá ang caniláng mg̃a sandata sa haráp ng̃ pagca damít sacerdote ng̃ mg̃a fraileng náng̃agtaás ang mg̃a camay na may hawac na mg̃a Santo Cristo at mg̃a larawan ng̃ Santo. Pinabayaan din ng̃ mg̃a sundalong alabardero na silá'y macapasoc. Lumabás ang cahabaghabag na si Bustamanteng may sandatang hawac, at sinalubong sa hagdanan ang mg̃a nanghihimagsic. Hinandulong siyá ng̃ mg̃a nanghihimagsic at sa sandali lamang ay may sugat na siyáng malubha. Dumaló sa canyá ang canyang anác na lalaki, at itó nama'y agád binaril at nasugatan ng̃ bála. Kinaladcad ng̃ mg̃a nanghihimagsic ang canilang Gobernador na naghihing̃aló hanggang sa isáng bilangguang na sa silong ng̃ Audiencia, at doon siya namatáy ng̃ magtatakip silim ng̃ hapon ng̃ araw ring iyong ica 11 ng̃ Octubre ng̃ 1719; ipinagcaít sa canyá ang lahát ng̃ saclolo at hindi siyá binigyán ng̃ isá mang lamang vasong tubig. Kinaladcád namán ang anác ng̃ Gobernador General sa talian ng̃ mg̃a cabayo sa palacio, at doon siya namatáy ng̃ hapon ding iyón, at ipinagcáit sa canyáng macaguibíc ang sino man manggagamot at itinangguí sa canyá ang lahat ng̃ bagay na saclolo. Ang mg̃a nanghimagsic na pinamunuan ng̃ mg̃a fraileng pumupuri at nagpapaunlac sa mg̃a pumatáy sa Gobernador at sa canyáng anác ay nang̃agsitung̃o sa cúta ng̃ Santiago at doo'y kinuha at pinawalán ang arzobispo, na pagdaca'y siyá, ang nagatang sa sarili ng̃ catungculang pagca Gobernador General sa Sangcapuluang itó. Hindi nagcamít parusa cailan man ang mg̃a cakilakilabot na katampalasanang ito.—Sinipi sa "Censo de las Islas Filipinas" ng̃ 1903, tomo I, página 342—P.H.P.
[70] "Su Majestad el Rey" sa wicang castilà. Masasabing: "ang Macapangyarihan Harì."
[71] Sa matuwid bagá'y hindi niya pinahahalagahan ang taong sinasabi ng̃ Teniente.
[72] Aayaw kilalanin ng̃ mg̃a fraile si Alfonso XII, na ng̃ panahong sinasabi sa "Noli me tangere" ay síyang hari sa España, cung di si Cárlos de Borbón na naghahang̃ad na siyáng maghari sa mg̃a castilà. Dahil sa paghahang̃ád na ito'y silasila ring mg̃a castilà ang nang̃agsipagbaca, at maraming dugò ang nabuhos. Ang unang nacabaca ng̃ reina Cristina at ng̃ reina Isabel II ay si Cárlos de Borbón, capatid ni Fernando VII; isinalin niyá pagcatapos ang tinatawag niyang catuwiran sa Corona ng̃ España sa canyáng anác na si Cárlos Luis, na nagpamagat ng̃ Conde de Montemolin at haring Cárlos VI, na siyang muling nagsabog ng̃ caligaligan, dugô at mg̃a capahamacan sa España, sa isang maning̃as na pagbabaca at ng̃ siyá'y matalo'y omowi sa Trieste at doon namatáy ng̃ 1861.
Humalili cay Cárlos Luis ang canyang capatíd na si Juan Borbón, ng̃uni't walà itóng nagawáng may cahulugán.
Ang anác ni Juang nagng̃ang̃alang Cárlos at nagpamagát ng̃ haring Cárlos VII ang siyang nagpatuloy ng̃ pagbabaca, sa udyóc at tulong ng̃ mg̃a fraile at macafraile. Pinasimulán ang icatlong pagbabaca sa Españang mg̃a capowa castila rin ang nagpatayan, ng̃ 8 ng̃ Abril ng̃ 1872. Ng̃ panahong iyó'y maraming totoong salapi ang ipinadaláng galing sa Filipinas na handóg ng̃ mg̃a fraile cay Cárlos, datapuwa't wala ring kinahinatnan ang pagpupumilit nitó, ng̃ mg̃a fraile at ng̃ mg̃a macafraile, cung dî magsabog ng̃ dugong calahi at papaghirapin ng̃ di ano lamang ang España. Natapos ang pagbabaca roon ng̃ 27 ng̃ Febrero ng̃ 1876, araw na ibinalic ni Cárlos sa Francia. Ang pinacamabuti sa mg̃a general nito'y si Zumalacárregui at si Cabrera. Cumilala at sumuco si Cabrera sa haring Alfonso XII ng̃ taóng 1895. Cung pamagatán si Don Cárlos ng̃ mg̃a castila'y "Cárlos Chapa."
Marahil ibiguin ng̃ mg̃a bumabasang maalaman cung ano ang dahil ng̃ pagbabacang ito, na nagpasimula ng̃ 2 ng̃ Octubre ng̃ 1833 at nagtapós ng̃ 27 ng̃ Febrero 1876, at aking sasabihin sa maicling salitâ:
Bago pa lamang nacacawalâ ang España sa capangyarihan ng̃ mg̃a francés, ay nagpasimulâ na ang panúcalà ng̃ mg̃a fraile at ng̃ mg̃a macafraileng papanumbalikin doon ang pagtatatag ulî ng̃ "absolutismo"; sa macatuwid baga'y ang capangyarihan ng̃ haring magawâ ang bawa't maibigan, at manumbalic ang "tribunal ng̃ Inquisición." Hindi pumayag si Fernando VII sa gayóng balac, at sa gayó'y kinagalitan siya at minagaling ng̃ mg̃a fraileng sa canyá'y mahalili ang canyáng capatid na si Cárlos María Isidro de Borbón, na nang̃acong cung siya ang maguiguing harì ay gagawin niya bawa't ibiguin ng̃ Papa at ng̃ mg̃a fraile. Bago namatáy si Fernando ay gumawa itó ng̃ testamentong isinasalin niya ang canyáng corona sa canyáng anác na babaeng si Isabel. Ng̃ mamatay si Fernando VII ng̃ 29 Septiembre ng̃ 1833 ay nahahanda na upang bacahin ang hahaliling reinang si Isabel II, na sa pagca't musmós pa noon, ang namamahalà ng̃ caharia'y si reina Cristinang nabao cay Fernando VII, at ng̃ icatlóng araw ng̃ pagcamatay nitó'y pinasimulaan na ng̃â ang pangguguló sa España ni Cárlos, na tinutulung̃an ng̃ papa, ng̃ mg̃a fraile, ng̃ lahat ng̃ mg̃a párì at ng̃ canilang mg̃a cacampi.
Ng̃ayóng mg̃a panahóng itó'y mahinang mahinà na ang carlismo sa España, at sila sila'y nagsisirâan. May nang̃agpapang̃alang "integrista" na siyang nang̃ag-iibig ng̃ "absolutismo" at ng̃ "inquisición," at "mestizo" ang itinatawag nila sa sumasang ayon sa calagayang dalá ng̃ panahón at ayaw sa "inquisición" at sa "absolutismo." Ng̃ayo'y macucurò na cung bakit aayaw kilalanin ng̃ mg̃a fraileng hárì nila si Alfonso XII at si Alfonso XIII man; ng̃uni't ang sawicain ng̃a ng̃ mg̃a castilà'y "á la fuerza ahorcan" (sapilitan ang pagbitay). Aayaw man sila'y sapilitang nilálagoc ang apdóng handóg ng̃ catuwiran at ng̃ catotohanan.—P.H.P.
[73] Sa canyáng calagayan ó sa canyáng sarili.
[74] Sa galit ay nabiglaanan.
[75] Sa bibíg lamang.
[76] Mulâ sa púsò, taimtim sa púsò.
[77] Na sa pag-iisip.
[78] Sa isáng pagcacataón, hindi sinasadya.
[79] Sa pagcacataon at sa ganáng akin.
[80] Ang páring catulong ng̃ cura. Ng̃ panahón ng̃ Gobierno ng̃ España, halos ang lahat ng̃ paring filipino ay pawang coadjutor lamang ang naaabot na catungculan; bihirang bihirà ang naguiguing cura, at ang caraniwa'y mg̃a fraile ang naguiguiug cura; caya't ang lahát ng̃ mg̃a cura halos sa sangcapuluang ito'y pawang mg̃a fraile. Aliping mistulà ang pagpapalagay ng̃ mg̃a curang fraile sa mg̃a coadjutor na filipino. Salamat sa revolucióng guinawa ng̃ Katipunang tatag ni Gat Andrés Bonifacio'y nahang̃ò ang mg̃a paring filipino sa gayóng caalipinan; datapuwa't hanggá ng̃ayò'y walá isá man lamang sa mg̃a paring filipinong nacacagunitang magpaunlác cay Gat Andrés Bonifacio. Cahimanawarì sila'y mang̃águising sa panahóng hináharap. ¡Wala ng̃ carimarimarim na púsong gaya ng̃ di marunong tumumbás sa utang na loob!!!
[81] Ang sumusulat ng̃ mg̃a inilalathala sa mg̃a periódico ó pámahayagan.
[82] Ang may almacen ó tindahan. Tinatawag ding almacenero ang catìwala sa pag-iing̃at ng̃ mg̃a camalig na ligpitan ng̃ anó man, ó ang isáng catungculan sa Gobiernong ganito ang pang̃alan.—P.H.P.
[83] Caugalìan ng̃ mg̃a taong may pinag-aralang cung pumapanhic silá sa bahay ng̃ isang hindî cakilala, ang siya'y iharap sa maybahay ng̃ isáng cakilala nitó at sabihing:—"May capurihan po acóng ipakikilala sa inyó si guinoong Fulano."—P.H.P.
[84] Ang monje Bernardo Schwart, alemân, na siyáng nacátuclas ng̃ pag-gawâ ng̃ pólvora ng̃ siglo XIV.—P.H.P.
[85] Caraniwan sa catagalugan tawaguing "among" ang parì, marahil sa turò rin ng̃ fraile. Ang sabing "among" ay galing sa "amo," na ang cahuluga'y "pang̃inoon," at ang tumatawag ng̃ "amo" ay "alipin." ¿Bakit hindi sila nagpatawag ng̃ "ama" na siyáng cahulugan sa wicang tagalog ng̃ sabing "padre?" ¿Bakit itinutulot ng̃ mg̃a sacerdote na silá'y tawaguin "amo?"
[86] Wicang haluang castilà't tagalog, na cung tawagui'y "wicang tinulá". Nagpapatumpictumpic bago'y ibig,—May mg̃a filipinong hindî nang̃ingiming magsalitang sila'y hindî nacacawatas ng̃ wicang tagalog, na hindî silá marunong ng̃ wicang tagalog; datapawa't hindî rin naman marunong magsalitâ ng̃ tunay na wicang castilà; waláng nalalaman cung dî ang wicang tindá: ¡cahabaghabag na mg̃a tao!
[87] Ang pagtuturò ng̃ isáng carunung̃an; sa halimbawà: si Fulano'y nagtuturò ng̃ catedra ng̃ "Derecho" na gaya rin cung sabihing si Fulano'y nagtuturò ng̃ dunong ng̃ "Derecho."
[88] Magbigay ang sandata sa haráp ng̃ carunung̃ang; sa macatuwid baga'y dapat gumalang ang mg̃a militar sa mg̃a táong pantás.
[89] Magbigáy ang sandata sa harap ng̃ mg̃a fraile; dapat gumalang ang mg̃a militar sa mg̃a fraile.
[90] Wicang castilà ang sabing "mundo" at maraming cahulugán: ang cabooan ng̃ lahat ng̃ mg̃a kinapal.—Ang lupà.—Ang cabooan ng̃ lahát ng̃ tao.—Baúl na malakí.—Tungcol sa pamumuhay. Isá sa mg̃a caaway ng̃ caluluwa. Dito'y ang cahulugan ay isáng tang̃ing bahágui ng̃ sangcataohan, sa macatuwid baga'y ang mg̃a tao sa piguíng na iyón.—P.H.P