WeRead Powered by ReaderPub
Noli Me Tangere cover

Noli Me Tangere

Chapter 81: ANG PROCESION.
Open in WeRead

Explore more books like this:

About This Book

This work follows a young man who returns to his native community and, through encounters and revelations, uncovers entrenched injustice: abuses by religious and civic elites, judicial corruption, and the daily suffering of ordinary families. Presented as a sequence of interconnected episodes and vivid scenes—social gatherings, legal hearings, private tragedies, and public rituals—the narrative blends satire, moral critique, and sentimental portraiture to expose communal hypocrisy and silence. Recurring motifs of secrecy, shame, and thwarted affection deepen the critique, and the structure moves from intimate observation toward mounting tensions that foreground the need for ethical and social reform.


XXXVIII.

ANG PROCESION.

Paggabì, at ng̃ násisindi ng̃ lahát ang mg̃a farol sa mg̃a bintanà, guinawâ ang icaápat na paglabás ng̃ procesión, na sinásabayan ng̃ repique ng̃ mg̃a campaná at ng̃ talastás ng̃ dating mg̃a putucan.

Ang Capitan General na nagpápasyal ng̃ lacád, na caacbáy ang canyáng dalawang ayudante, si Capitang Tiago, ang Alcalde, ang Alférez at si Ibarra, na pinang̃ung̃unahan ng̃ mg̃a guardía civil at ng̃ mg̃a púnong-báyan, na siyáng nang̃agwawahi ng̃ dáan at nagpapatabí sa tao, inanyayáhan silang doon manóod ng̃ pagdáan ng̃ procesiôn sa báhay ng̃ Gobernadorcillo, na nagpatayò sa harapán ng̃ isáng tablado, upang doon saysayín ang isang loa (pagpupuri) sa pag bibigay dang̃al sa Santong Patrón.

Tinalicdán maráhil ng̃ bóong galác ni Ibarra ang pakikiníg ng̃ tuláng iyón, palibhasa'y lálong minámagaling pa niyáng doon na manóod ng̃ procesión sa báhay ni Capitang Tiago, na kinatitirahan ni María at ng̃ caniyáng mg̃a caibigang babáe, ng̃uni't sa pagcá't íbig ng̃ Capitan General na mápakinggan ang loa, napilítan siyáng mag-alíw na lámang sa pag-ásang si María Clara'y canyáng makikita sa teatro.

Ang pasimulà ng̃ procesió'y mg̃a "ciriales" na pílac, na taglay ng̃ tatlóng mg̃a sacristáng nang̃acaguantes, sumúsunod ang mg̃a batá sa páaralang casáma ang caniláng maestro; pagcatápos ay ang mg̃a batáng may daláng mg̃a farol na papel, na ibá't ibá ang mg̃a cúlay at anyô, nacalagáy sa dúlo ng̃ isáng tikíng humiguít cumúlang ang hába sa napapamutíhan ng̃ alinsúnod sa naisipán ng̃ mg̃a batá, sa pagca't ang nagcacagúgol ng̃ pag-ilaw na ito'y ang mg̃a musmós sa náyon at ang náyon, at ang pinabahalàan. Malígáyang guináganap nilá ang tungcúling itóng iniátang sa canilá ng̃ matanda sa nayon; bawa't isa'y nagmumunacálá at gumagawà ng̃ canyáng farol, pinapamútihan ng̃ magaling̃in niláng mg̃a sábit at ng̃ maliliit na mg̃a bandílá, alinsunod namán sa calagayan ng̃ caniláng bulsá, at sacâ iniilawan ng̃ isáng upós ng̃ candilà, sacali't macapanghing̃i sila sa isáng caibigan ó camag-ánac na sacristan, ó cung dili caya'y bumibili sila ng̃ isáng maliit na candilang mapulá, na guinagamit ng̃ mg̃a insíc sa caniláng mg̃a altar.

Sa calaguitnaa'y nagpaparoo't parito ang mg̃a alguacil at mg̃a teniente ng̃ justicia, upáng pang̃asiwàang huwag magcáwatac-watác ang mg̃a hanáy at huwág magcábuntón-buntón ang mg̃a tao, at sa ganitóng cadahilana'y guinagawà niláng tagapamag-itan ang caniláng varas, sa pagcat sa mg̃a panghahampas nila nito, na ipinamamahagui nila ng̃ ucol at catatagang lacas nasusunduan nilá ang pagcáunlac at carikitan ng̃ mg̃a proceción, sa icababanal ng̃ mg̃a cáluluwa at ininingning ng̃ mg̃a pagdiriwáng ng̃ religiôn!

Samantálang ipinamamahágui ng̃ waláng báyad ng̃ mg̃a alguacil ang ganitóng pangbanál na mg̃a paló ng̃ yantóc, ang ibá nama'y namímigay rin ng̃ waláng báyad ng̃ malalaki't maliliit na mg̃a candilá, at ng̃ sa gayo'y caniláng maaliw ang mg̃a pinalô.

Guinoong Alcalde,—ani Ibarra, ng̃ sabing mahína,—guinagawá po bà ang mg̃a pamamálong iyan upang mabigyáng caparusahán ang mg̃a macasalanan, ó dahilán lámang na canilang naibigan?

—¡Sumasacatuwiran pô cayô, guinoong Ibarra!—ang sagot ng̃ Capitan General na naring̃ig ang gayong catanung̃an:—nacapagtátaca ang ganitóng napapanóod na ... catampalasanan sa bawa't maparitong taga ibáng lupaín. Nararapat ng̃ang ipagbáwal.

Hindî maalaman cung anó ang dahil at cung bakit ang nang̃ung̃unang santo'y si San Juan Bautista. Sa nakikitang calagayan niyá'y masasabing hindî totoong kinalulugdan ng̃ mg̃a tao ang mg̃a cagagawán ng̃ pinsan ng̃ ating Pang̃inoong Jesucristo; túnay ng̃a't siyá'y may mg̃a paa't binting dalága, at may pagmumukháng ermitaño, datapuwa't ang kinalalagyan niya'y isáng lúmang andás na cáhoy, at siyá'y dinídimlan ng̃ iláng mg̃a batang may mg̃a daláng farol na papel na waláng ílaw, na nang̃agpapaluan nang lihím ng̃ canicanilang farol ang isá't isá.

—¡Cúlang pálad!—ang ibinúbulong ng̃ filosofo Tasio, na pinanonóod ang proseción mulà sa daan;—hindî macapagbibigay cagaling̃an sa iyo ang icáw ang náunang nagsaysay ng̃ Magandang Balitá, at ang cahi't yumucód sa iyo si Jesús! ¡hindî nacapagbíbigay cagaling̃an sa iyo ang inyong malaking pananampalataya't ang iyóng pagpapacahírap, at ang iyo man lámang pagcamatay dahil sa pagwalanggaláng mo ng̃ catotohanan at ng̃ iyong pinananaligan; linilimot ang lahat ng̃ itó ng̃ mg̃a tao, pagca waláng tagláy cung di ang sarîling mg̃a carapatán! Lalong magaling pa ang magsermón sa mg̃a simbahán cay sa maguíng cawiliwiling tinig na sumisigaw sa mg̃a iláng, nagpapakilala sa iyó ang mg̃a bágay na itó cung anò ang Filipinas. Cung pano sána ang iyóng kináin at hindî mg̃a balang, cung ang dinamít mo sana'y sutlà at hindî balat ng̃ mg̃a hayop, cung nakipánig cá sa isáng Capisánan ng̃ mg̃a fraile....

Ng̃uni't inihintô ng̃ matandáng laláki ang canyáng mg̃a pagsísi, sa pagca't dumárating si San Francísco.

—¿Hindî ba sinabi co na ng̃a?—ang itinulóy na ng̃uming̃itî ng̃ patuyâ;—itó'y na sa isáng carro at ¡Santo Dios! gaáno caráming mg̃a ilaw at gaáno caráming mg̃a faról na cristal! ¡Cailan ma'y hindî ca naliguid ng̃ ganyáng caráming mg̃a pangliwánag, Giovanni Bernardone! ¡At pagcagalinggalíng na músical ibang mg̃a tínig ang ipinaring̃ig ng̃ mg̃a anác mo ng̃ mamatáy na icáw! Datapuwà, ¡cagalanggalang at mápacumbabang nagtayô ng̃ isáng Capisánan, cung mabúhay cang mag-ulî ng̃ayon, walâ cang ibang makikita cung dî ng̃a haling na Eliasis de Cortona, at sacáli't makilala ca ng̃ iyóng mg̃a anác, ibíbilanggô icaw at maráhil ay mawáng̃is ca sa kinaratnan ni Cesario de Speyer!

Sumusunod sa música ang isáng estandarte na kinalalarawanan ng̃ santo ring iyon, datapuwa't may pitóng pacpac. Dalá ang estandarteng iyón ng̃ mg̃a "hermano tercero," na nacahabitông guingón at nagdarasal ng̃ malacás at sa anyóng caawá-awáng tiníg.—Ayawàn cung ano ang dahil ng̃ pagcacagayón, sumúsunod doon si Santa María Magdalena, na pagcagandagandang larawang may saganang buhóc, may panyong pinyang bordado sa mg̃a daliring punô ng̃ mg̃a singsíng, at nararamtán ng̃ damit na sutlang may pamuting mg̃a malalapad na guintó. Naliliguid siyá ng̃ mg̃a ilaw at ng̃ incienso; nang̃ang̃anino sa canyáng mg̃a luhang virdrio ang mg̃a culay ng̃ mg̃a ìlaw "bengala," na nagbibigay sa procesión ng̃ anyóng cahimahimalá, caya ng̃a't cung minsá'y lumuluha ang santang macasalanan ng̃ verde, cung minsa'y pulâ, minsa'y azul at iba pa. Hindî nagpapasimulá ang mg̃a bahay ng̃ pagpapaning̃as na mg̃a ilaw na itó cung dî cung nagdaraan si San Francisco; hindî tinatamo ni San Juan Bautista ang ganitong mg̃a carang̃alan, caya't dalidaling nagdaraán, na canyáng pagcahiyá na siyá lamang ang bucód na ang pananamìt ay balát ng̃ mg̃a hayóp sa guitnâ ng̃ gayóng caraming mg̃a taong lipós ng̃ guintô at mg̃a mahalagang bató.

—¡Nariyán na ang ating santa!—anang anác na babae ng̃ gobernadorcillo sa canyáng mg̃a panauhin; ipinahirám co sa canyá ang aking mg̃a singsíng, ng̃uni't ng̃ aco'y magtamó ng̃ lang̃it.

Nang̃agsisitiguil ang mg̃a nang̃agsisi ílaw sa paliquid ng̃ tablado upáng mapakinggan ang LOA (pagpupuri), gayón din ang guinagawá ng̃ mg̃a santo; ibig na man nilá ó ng̃ sa canilá'y nang̃agdadalang makinig ng̃ mg̃a tulá. Sa pagca pagód ng̃ cahihíntay ng̃ mg̃a nang̃agdadala cay San Juan, sila'y nang̃agsiupo ng̃ patingcayad, at pinagcaisahan nilang ilagay muna sa lupa ang santo.

—Baca maggalit ang aguacil ang tutol ng̃ isà.

—¡Hes! ¡diyata't sa sacristia'y inilalagay lamang siyá sa isáng suloc na may mg̃a bahay ng̃ gagambá!

At ng̃ mapalagay na sa lupa si San Juan, siya'y nagmúkhang tila isá sa mg̃a taong-bayan.

Nagpapasimula ang hanay ng̃ mg̃a babae buhat cay Magdalena, ang caibhân lámang ay hindî nagsisimula muna sa hanay ng̃ mg̃a batang babae, na gaya ng̃ mg̃a lalaki, cung di ang mg̃a matatandáng babae ang nang̃ung̃una at sumusunod ang mg̃a dalaga na siyang nang̃asahulí ng̃ procesión hanggang sa carro ng̃ Virgen na sinusundan ng̃ cura na napapandung̃an ng̃ palio. Pacana ang caugaliang itó ni pari Damaso, na siyang may sabi: "Hindî ang mg̃a matatandang babae ang kinalulugdan ng̃ Virgen cung di ang mg̃a dalaga", bagây na isinasamà ng̃ mukha ng̃ maraming babaeng mapag-anyong banál, ng̃uni't sumasang-ayon sila at ng̃ mapagbigyang loob ang Virgen.

Sumúsunod cay Magdalena si San Diego, baga man sila hindî niya ikinatutuwa ang gayóng calagayan, sa pagca't nananatili sa canyang mukha ang cahapisan, na gaya rin caninang umaga ng̃ sumusunod siya sa licuran ni San Francisco. Anim na mg̃a "hermana tercera" ang humihila sa canyáng carro, dahil sa cung anong pang̃aco ó pagcacaramdam; ang catotohana'y sila ang humihila, at taglay nila ang boong pagsusumipag. Huminto si San Diego sa harap ng̃ tablado at naghihintay na siya'y handugan ng̃ bati.

Datapuwa't kinakailangang hintayin ang carro ng̃ Virgeng pinang̃ung̃unahan ng̃ mg̃a taong suot "fantasma" ó multó, na nacagugulat sa mg̃a bata; caya ng̃a't naririnig ang iyacan at sigawan ng̃ mg̃a sanggol na mg̃a haling ang caisipan. Gayón man, sa guitna ng̃ madilim na pulutóng na iyon ng̃ mg̃a hábito, mg̃a capuchón, mg̃a cordón (lubid) at mg̃a lambóng, na caalacbay yaóng dasál na pahumál at hindi nagbabago ang tinig, na papanood na wang̃is sa mg̃a mapuputing mg̃a jazmin, tulad sa mg̃a sariwang sampaga nahahalo sa mg̃a lumang mg̃a basahan, ang labing dalawang batang babaeng nagagayasan ng̃ puti, nacocoronahan ng̃ mg̃a bulaclac, culót ang buhóc, nagniningning ang mg̃a matang cahuad ng̃ caniláng mg̃a collar; waláng pinag-ibhan sa mg̃a angel ng̃ caliwanagang napipilit ng̃ mg̃a multó. Sila'y pawang nacacapit sa dalawang mg̃a sintas na azul na nacatali sa carro ng̃ Virgen, na nagpapaalaala sa mg̃a calapating humihíla sa "Primavera" (larawan ng̃ pasimula ng̃ tag-araw.)

Pawang handa na sa pakikinig ang lahat ng̃ mg̃a larawan, na nagcacadaidaiti sila sa pag-ulinig ng̃ mg̃a tula; nacatitig ang lahát sa nacasiwang na cortina (tabing ng̃ pintuan); sa cawacasa'y isang "aaah!" ng̃ pangguiguilalas ang nagpumiglas sa mg̃a labi ng̃ lahat.

At carapatdapat ng̃ang pangguilálasan: siya'y isáng malakilaki ng̃ batang lalaking may mg̃a pacpac, "botas" na pangpang̃abayo, banda, cinturón at sombrerong may mg̃a plumaje.

¡Ang señor Alcalde mayor!—ang sigaw ng̃ isá; datapuwa't nagsimula ang himala ng̃ mg̃a kinapal ng̃ pagsasaysay ng̃ isang tuláng cawang̃is din niyá, at hindî niyá isinama ng̃ loob ang sa canya'y pagtutulad sa Alcalde.

Bakin pa sasaysayin dito ang mg̃a sinabi sa wicang latín, tagalog at wicang castila, na pawang tinula, ng̃ caawaawang binigyang pahirap ng̃ gobernadorcillo? Linasap na ng̃ mg̃a bumabasa sa amin ang sermón ni pari Damaso caninang umaga, at ayaw ng̃a caming sila'y lubhang palayawin ng̃ napacarami namang mg̃a caguilaguilalas na mg̃a bagay, bucód sa baca pa sumama ang loob sa amin ng̃ franciscano cung siya'y ihanap namin ng̃ isang macacapang̃agaw, at ito ang aayaw cami, palibhasa'y cami taong payapa, sa cagaling̃an ng̃ aming capalaran.

Ipinagpatuloy pagcatapos ang procesión: ipinagpatuloy ni San Juan ang malabis ng̃ saclap na canyang paglalacad.

Ng̃ magdaan ang Virgen sa tapat ng̃ bahay ni cápitang Tiago'y isang awit-calang̃itan ang sa canya'y bumati ng̃ mg̃a sinalita ng̃ Arcángel. Yao'y isang tinig na caayaaya, matining, mataguinting, nagmamacaawa, itinatang̃is warî ang "Ave María" ni Gounod, na sinasaliwan ng̃ pianong siya rin ang tumutugtóg at caacbay niyang dumadalang̃in. Nagpacapipi ang música ng̃ procesión, huminto ang pagdarasal at tumiguil pati ni pari Salvi. Nang̃ang̃atal ang voces at bumúbunglos ng̃ mg̃a luha: higuit sa isang pagbati, ang sinasaysay niya'y isáng mataós na dalang̃in, isang caraing̃an.

Narinig ni Ibarra ang tínig mula sa kinálalagyang durung̃awan, at nanaog sa ibabaw ng̃ canyang puso ang pang̃ing̃ilabot at calungcutan. Napagkilala niya ang sa caluluwang iyong dinaramdam, na isinasaysay sa isang pag-awit, at nang̃anib siyang magtanong sa sarili ng̃ cadahilanan ng̃ gayong pagpipighati.

Mapanglaw at nag-iisip-isip ng̃ siya'y masumpong ng̃ Capitan General.

—Sasamahan ninyó acó sa pagcaín sa mesa; pagsasalitaanan nátin doon ang nauucol sa mg̃a batang náng̃awala, ang sa canya'y sinabi.

—Acó caya baga ang pinagcacadahilanan?—ang ibinulóng ng̃ bìnata, na baga man tinitingnán niya'y hindi niya nakikita ang Capitan General, na canyáng sinundan ng̃ wala sa canyang loob.


XXXIX.

SI DONA CONSOLACION.

¿Bákit nacasará ang mg̃a bintana ng̃ bahay ng̃ alférez? ¿saan naroroon, sámantalang nagdaraan ang procesión, ang mukháng lalakí't nacabarong francia na Medusa ó Musa ng̃ Guardia Civil? Napagkilala caya ni doña Consolacióng lubhang nacasususot ang canyang noong nababalatayan ng̃ mg̃a malalaking ugât, na wari'y siyang pinagdaraanan, hindî ng̃ dugó, cung di ng̃ suca at apdó; ang malakíng tabacó, carapatdapat na pamuti ng̃ caniyang moradong mg̃a labi, at ang canyang mainguiting titig, na sa canyang pagsang-ayon sa isang magandang udyóc ay hindî niyá inibig na gambalain sa canyang calaguimlaguim na pagsung̃aw, ang mg̃a catuwaan ng̃ caramihang tao.

¡Ay! sa ganáng canya'y nagnawnáw lámang, ng̃ panahón na naghaharí ang caligayahán, ang mg̃a magagandang udiyóc ng̃ budhi.

Mapang̃láw ang báhay, sa pagca't nagcacatuwâ ang bayan,—na gaya na ng̃â ng̃ sinasabi ni Sínang; waláng mg̃a faról at mg̃a bandera. Cung dî lámang sa centinela (bantay na sundalo) na nagpapasial sa pintuan, mawiwicang walang táo sa báhay.

Isáng malamlám na ílaw ang siyáng lumiliwanag sa waláng cahusáyang salas, at siyáng nagpapang̃anínag sa mg̃a marurumíng capís na kinapítan ng̃ mg̃a báhay-gagambá at dinikitán ng̃ alabóc. Ang ginóong babae, ayon sa canyáng pinagcaratihang huwág gumawâ at cakilakilabot; waláng pamuti ang canyáng buhoc liban na lamang sa isang panyong nacatalì sa canyang úlo, na doo'y pinababayaang macatacas ang mg̃a maninipis at maiicling tungcos ng̃ mg̃a gusamót na buhoc ang bárong franelang asúl, na siyang na sa ibabaw ng̃ isa pang barong marahil ng̃ una'y putî, at isang sáyang cupás, na siyang bumabalót at nagpapahalatâ ng̃ mg̃a payát at lapád na mg̃a hità, na nagcacapatong at ipinag-gagalawan ng̃ mainam. Lumalabas sa canyang bibig ang bugál-bugál na asó, na ibinúbuga ng̃ boong pagcayamot sa alang-alang, na canyang tinitingnan-pagca ibinubucas ang mg̃a mata. Cung napanood sana siya ni don Francisco Cañamaque, marahil ipinalagay na siya'y isang hariharian sa bayan, ó cung dilìcaya'y mangcuculam, at pinamutihan pagca tapos ang caniyang pagcatuclas na iyon ng̃ mg̃a pagwawariwari sa wicang tinda, na siya ang may likhâ upang canyang maguing sariling gamit.

Hindi nagsimba ng̃ umagang iyon ang guinoong babae, hindi dahil sa siya'y aayaw, cun di baligtad, ibig sana niyang siya'y pakita sa caramihan at makinig ng̃ sermón, ng̃uni't hindi siya pinahintulutan ng̃ canyang asawa, at ang pagbabawal ay may calakip, na gaya ng̃ kinauugalian, na dalawa ó tatlong lait, mg̃a tung̃ayaw at mg̃a sicad. Napagkikilala ng̃ alférez na totoong catawatawang manamit ang canyang babae, na naaamoy sa canya yaong tinatawag ng̃ madlang "calunya ng̃ mg̃a sundalo," at hindi ng̃a magaling na siya'y ilantad sa mg̃a mata ng̃ mg̃a matataas na tao sa pang̃ulong bayan ng̃ lalawigan, at cahi't sa mg̃a taga ibang bayang doo'y nang̃agsidalo.

Datapuwa't hindi gayon ang pinag-iisip ng̃ babae. Talós niyang siya'y maganda, na siya'y may pagca anyong reina at malaki ang cahigtan niya cay María Clara sa cagaling̃ang manamit at gayon din sa karikitan ng̃ caniyang mg̃a damit: si Maria Clara'y nagtatapis, siya'y hindi't naca "saya suelta." Kinailang̃ang sa caniya'y sabihin ng̃ alferez: "ó itatahimic mo ang iyong bibig ó ipadadala cata sa bayan mo sa casisicad!"

Hindi ibig ni doña Consolacióng umuwi sa canyang bayan sa casisicad, ng̃uni't umisip siya ng̃ gagawing panghihiganti.

Cailan ma'y hindi naguing carapatdapat macaakit sa canino man ng̃ pagpapalagay ng̃ loob ang marilim na pagmumukhâ ng̃ guinoong babaeng ito, cahi't cung siya'y nagpipinta, ng̃ canyáng mukhâ, ng̃uni siya'y totoong nacapagbigay balisa ng̃ umagang iyon, lalong lalo na ng̃ siya'y mapanood na magpabalicbalic ng̃ paglacad sa magcabicabilang dulo ng̃ bahay, na walang imic at wari mandi'y nagbabalacbalac ng̃ isang bagay na cagulatgulat ó macapapahamac: taglay ng̃ canyang paning̃in iyang sinag na ibinubuga ng̃ isang ahas pagca inaacmaang lusayin cung siya'y nahuhuli; ang paning̃ing yao'y malamig, nagninining, tumataos at may caduling̃asan, carumaldumal, malupit.

Ang lalong maliit na pagcacahidwa, ang lalong babahagyang hindi sinasadyang alatiit, humuhugot sa canya ng̃ isang salaula at napacaimbing lait na sumasampal sa caluluwa; datapuwa't sino ma'y walang sumasagot: maguiguing isa pang malaking casalanan ang mahinahong pakikiusap.

Nagdaan sa gayong calagayan ang maghapon. Palibhasa'y walang ano mang nacahahadlang sa canya—sapagca't piniguing ang canyang asawa,—ang budhi niya'y pinupuno ng̃ guiyaguis: masasabing untiunting pinupuspos ang canyang mg̃a silacbo ng̃ tilamsic at init ng̃ lintic at nang̃agbabalang magsambulat ng̃ isang imbing unos. Nang̃agsisiyucod na lahat sa canyang paliguid, tulad sa mg̃a uhay sa unang hihip ng̃ bagyo: walang nasusunduang hadlang, hindi nacatitisod ng̃ ano mang dulo ó catayugang sucat mapagbuntuhan ng̃ canyang cayamutan; nanghihinuyo at nang̃ang̃ayupapang lahat ang mg̃a sundalo at mg̃a alilà sa paliguidliguid niya.

Ipinasara niya ang mg̃a bintana upang huwag niyang maring̃ig ang mg̃a pagcacatuwa sa labas; ipinagbilin sa centinela na huwag papasukin ang sino man. Nagbigkis ng̃ isang panyo sa ulo at ng̃ wari'y ito'y mailagang huwag sumambulat, at pinasindihan ang mg̃a ilaw baga man may sicat pa ang araw.

Ayon sa ating nakita na, piniit si Sisa, dahil sa panggugulo sa catiwasayan ng̃ bayan at inihatid sa cuartel. Niyo'y wala roon ang alférez, caya napilitan ang cahabaghabag na babaeng maglamay na magdamag na nacaupo sa isang bangco, na walang diwa ang titig. Nakita siya kinabucasan ng̃ alférez, at sa pagcaibig na siya'y maipang̃ilag sa ano mang casacunaan sa mg̃a araw na iyon ng̃ caguluhan, at sa caayawan namang huwag magcaroon ng̃ ano mang hindi calugodlugod panoorin, ipinagbilin ng̃ alférez sa mg̃a sundalong alagaan si Sisa, caawaang pagpakitaan ng̃ maguiliw na calooban at pacanin. Gayon ang naguing calagayan sa loob ng̃ dalawang araw ng̃ babaeng sira ang pag-iisip.

Ng̃ gabing ito, ayawan cung dahil sa calapitan doon ng̃ bahay ni capitang Tiago'y dumating hanggang sa canya ang mapanglaw na canta ni María Clara, ó cung dili caya'y pinucaw ng̃ ibang mg̃a tinig ang pagcaalaala niya ng̃ canyang mg̃a dating canta, sa papaano man ang dahil, pinasimulaan niyang cantahin ang mg̃a "cundiman" nang canyang cabataan. Pinakikinggan siya nang mg̃a sundalo at hindi nang̃agsisiimic: ¡ay! sa canila'y nagpapagunitâ ang mg̃a tinig na iyón ng̃ mg̃a panahong una, yaóng mg̃a gunitâ ng̃ panahóng hindi pa narurung̃isan ang calinisan ng̃ canilang budhî.

Narinig din siyá ni doña Consolación sa oras na iyón ng̃ canyáng cainipan, at ng̃ canyáng maalaman cung sino ang cumacanta'y nag-utos:

—¡Papanhikin ninyó siyá agad-agad!—ang canyang sinabi pagcaraan ng̃ iláng sandaling canyang pag-iisip-isip. Isang bagay na nacacahuwad ng̃ ng̃iti ang siyang nasnaw sa canyang tuyong mg̃a labi.

Ipinanhíc doon si Sisa, na humaráp na dî nagulomihanan, na hindî nagpahalata ng̃ pagtatacá ó tácot: tila mandin wala siyáng nakikitang sino mang guinóong babae. Ito'y nacasugat sa loob ng̃ mapagmataas na Musa, na ang bóong acala'y nacaáakit sa paggalang at pagcagulat ang canyáng calagayan.

Umubó ang alfereza, humudyát sa mg̃a sundalong mang̃agsiya-o, kinuha ang látigo ng̃ canyang asawa sa pagca sabit, at nagsalita ng̃ mabang̃is na tinig sa babaeng sira ang isip:

—"¡Vamos, magcantar icaw!"

Isa sa mg̃a magagandang caugalian ng̃ guinoong babaeng ito ang magpacasumicap na huwag niyang maalaman ang wicang tagalog, ó cung dili ma'y nagpapacunwaring hindî niyá nalalaman ang tagalog na ano pa't sinasadyang magpautal-utal at magpamalimali ng̃ pananalita: sa gayo'y magagawa niyá ang pag-aanyo ng̃ tunay na "orofea", na gaya ng̃ caniyáng caraniwang sabihin. ¡At magaling ng̃a naman ang canyáng guinagawa! sa pagca't cung pinahihirapan niyá ang wicang tagalog, ang wicang castila'y hindi lumiligtas sa gayóng catampalasanan, sa nauucol sa gramática at gayon din sa pang̃ung̃usap. At gayon man'y ¡guinawa ng̃ canyáng asawa, ng̃ mg̃a silla at ng̃ mg̃a zapatos ang boong caya upang siya'y maturuan! Isa sa mg̃a salitang lalong pinagcahirapang totoo niyá, na ano pa't daig ang pagcacahirap ni Champollion sa mg̃a geroglífico, ay ang sabing "Filipinas."

Ayon sa sabihanan, kinabucasan ng̃ araw ng̃ sa canila'y pagcacasal, sa pakikipag-usap sa canyang asawa, na ng̃ panahong iyo'y cabo pa lamang, sinabi ni doña Consolacióng "Pilipinas"; inacala ng̃ cabong catungculan niyáng ipakilala ang pagcacamali at turuan, caya ng̃a't canyáng tinuctucan at pinagsabihan:—"Sabihin mong Felipinas, babae, huwag ca sanang hayop. ¿Hindi mo ba nalalamang ganyan ang pang̃alan ng̃ iyong p.bayan dahil sa nanggaling sa Felipe?" Ang babaeng pinapanaguinip ang matimyás na lugód ng̃ pagcabagong casal, inibig sumunod at sinabing; "Felepinas". Inacala ng̃ cabong nacalalapitlapit na, caya dinagdagan ang mg̃a pagtuctoc, at sinigawan—"Datapuwa, babae, hindi mo ba masabi: Felipe? Huwag mong calimutan, talastasin mong ang haring Felipe ... quinto.... Sabihin mong Felipe, at saca mo iragdag ang "nas" na ang cahulugan sa wicang latin ay mg̃a pulo ng̃ mg̃a indio, at masusunduan mo ang pang̃alan ng̃ iyong rep-bayan!

Hinihípohipo ni Consolación, na ng̃ panahong iyo'y lavandera, ang búcol ó ang mg̃a búcol ng̃ canyang ulo, at inulit, bagaman nagpapasimula na ang pagcaubos ng̃ canyáng pagtitiis:

—"Fe ...lipe, Felipe ...nas, Felipenas, ¿gayón ng̃à ba?

Nangguilalás ng̃ di ano lamang ang cabo. ¿Bakit baga't "Felipenas" ang kinalabasan at hindi "Felipinas"? Alin sa dalawa: ó sasabihing "Felipenas" ó dapat sabihing "Felipi"?

Minagaling ng̃ cabong huwag ng̃ umimic ng̃ araw na iyón, iniwan ang canyáng asawa at maing̃at na nuhang tanóng sa mg̃a limbag. Dito'y napuspos ng̃ hindi cawasa ang canyáng pagtatacá; kinusót ang canyáng mg̃a matá:—Tingnan nating ... marahan! "Filipinas" ang siyang saysay ng̃ lahát ng̃ mg̃a limbág, cung wicaing isá-isá ang mg̃a letra; ang canyáng asawa at siyá ay cacapuwa wala sa catuwiran.

—¿Bakit?—ang ibinubulong,—macapagsisinung̃aling baga ang Historia? ¿Hindi bagá sinasabi sa librong ito, na ang pang̃alang ito'y siyang dito'y ikinapit, alang-alang sa infante na si don Felipe? ¿Bakit caya nagcapaapaano ang pang̃alang ito? Baca caya naman isang indio ang Alonso Saavedrang iyón?...

Isinangguni ang canyang mg̃a pag-aalinlang̃an cay sargento Gómez, na ng̃ panahón ng̃ canyáng cabataa'y naghang̃ad na magpari. Hindi man lámang pinapaguingdapat ng̃ sargentong tingnan ang cabo, nagpalabas sa bibig ng̃ isáng cumpol na asó at sinagot siyá ng̃ lalong malaking pagmamayabang:

—Ng̃ mg̃a panahóng una'y hindi sinasabing Felipe cung hindi Filipi: tayong mg̃a tao ng̃ayón, palibhasa'y naguiguing "franchute" (nakikigagad ng̃ ugali sa mg̃a francés), hindi natin matiis na magcasunod ang dalawang "i". Caya ng̃a ang taong may pinag-aralan, lalong lalo na sa Madrid, ¿hindi ca ba napaparoon sa Madrid? ang taong may pinag-aralan ang wica co, nagpapasimula na ng̃ pananalita ng̃ ganito: "menistro", "enritación", "embitación", "endino", at iba pa, sa pagca't ito ang tinatawag na pakikisang-ayon, sa casalucuyang lacad ng̃ caugalian.

Hindi napaparoon sa Madrid cailan man ang cabo, ito ang cadahilana't hindi niya nalalaman ang cung bakin gayon ang pananalitâ. ¡Pagcalalaking bagay ang natututuhan sa Madrid!

—¿Sa macatuwid ng̃ayon ang dapat na pananalita'y?...

—Ayon sa pananalita ng̃ una, ¿alam mo na? Ang lupaing ito'y hindi pa pantas, ¡iayon mo sa caugalian ng̃ una: Filipinas!—ang tugón ni Gómez ng̃ boong pagpapawalang halaga.

Sacali't masama ang pagcatanto ng̃ cabo sa mg̃a sarisaring wica, ang capalit nama'y magaling siyang asawa: ang bagong canyang napag-aralan ay dapat maalaman naman ng̃ canyang asawa, caya't ipinagpatuloy niya ang pagtuturo.

—Consola, ¿ano ang tawag mo sa iyong p—bayan?

—¿Ano ang aking itatawag sa canya? alinsunod sa itinuro mo sa akin ¡Felifenas!

—¡Haguisin cata ng̃ silla, p-!,—cahapo'y magalinggaling na ang pagsasalita mo ng̃ pang̃alang iyan, sa pagca't naaayon sa bagong caugalian; datapuwa't ng̃ayo'y dapat mong sabihin ng̃ alinsunod sa matandang ugali Feli, hindi pala, ¡Filipinas!

—¡Tingnan mo, hindi pa acó luma! ¿ano ba ang pagca isip mo?

—¡Hindi cailang̃an! ¡sabihin mong Filipinas!

—¡Ayaw aco! Aco'y hindi isang lumang casangcapan ... ¡bahagya pa lamang nacagaganap aco ng̃ tatlompong taón!—ang isinagot na naglilis ng̃ mangas na parang naghahanda sa pakikiaway.

—Sabihin mo, napacap—, ó ¡babalabaguin cata ng̃ silla!

—Namasdan ni Consolasión ang galaw, nagdilidili at nagsabi ng̃ pautal, na humihing̃a ng̃ malacas:

—Feli ...Fele ...File ...

¡Pum! ¡erraes! ang silla ang siyang tumapos sa pananalita.

At ang kinawacasan ng̃ pagtuturo'y suntucan, calmusan, mg̃a sampalan. Binuhucan siya ng̃ cabo, tinangnan naman ng̃ babae ang balbas ng̃ lalaki at ang isang bahagui ng̃ catawan—hindi macapang̃agat sa pagca't umuugang lahat ang caniyang mg̃a ng̃ipin,—bumigay ng̃ sigaw ang cabo, binitiwan siya ng̃ babae, huming̃ing tawad sa lalaki, umagos ang dugo, nagcaroon ng̃ isang matang mahiguit ang capulahan cay sa isa, isang barong gulagulanit, lumabas ang maraming mg̃a casangcapan sa canilang pinagtataguan, datapua't ang Filipinas ay hindi lumabas.

Mg̃a cawang̃is ng̃ ganitong bagay ang mg̃a nangyari cailan man at canilang mapapag-usapan ang nauucol sa pagsasalità. Binabalac ng̃ cabo ng̃ sakit ng̃ loob, sa caniyang pagcamasid sa pagsulong ng̃ pagcatututo ng̃ pagsasalita ng̃ caniyang asawa, na sa loob ng̃ sampong taó'y hindi na ito macapagsasabi ng̃ ano man. Gayon ng̃a naman ang nangyari. Ng̃ sila'y icasal, nacacawatas pa ang canyang asawa ng̃ wicang tagalog, at nacapagsasalita pa ng̃ wicang castilà upang siya'y mawatasan; ng̃ayon, dito sa panahón ng̃ pangyayari ng̃ aming mg̃a sinasaysay, hindi na siya nacapagsasalità ng̃ ano mang wicà: totoong nawili na siya sa pagsasalita ng̃ pacumpas-cumpas, patang̃o-tang̃ò at pailing-iling na lamang, na ano pa't canyang hinihirang pa naman yaong mg̃a sabing maririin at maiing̃ay, caya ng̃a't linaluan pa niya ng̃ hindi ano lamang ang nagmunacala ng̃ "Volapuk".

Nagcapalad ng̃a si Sisa na hindi siya mawatasan. Umunat ng̃ caunti ang cunot ng̃ mg̃a kilay ng̃ alfereza, isang ng̃iti ng̃ catuwaan ang siyang nagbigay saya sa caniyang mukha: hindi na ng̃a mapag-aalinlang̃anang hindi siya marunong ng̃ wicang tagalog, "orofea" na siya.

—¡Asistente, sabihin mo sa babaeng ito sa wicang tagalog, na siya'y cumanta! ¡hindi niya aco mawatasan, hindi siya marunong ng̃ castila!

Nawatasan ni Sisa ang asistente at kinanta niya ang canción ng̃ Gabi.

Pinakinggan ang paunang canta na may halong tawang palibac, ng̃uni't untiunting nawala sa canyang mg̃a labi ang tawa, pinakinggang magaling, at ng̃ malao'y lumungcot at nag anyong nag-iisip ng̃ caunti. Ang tinig, ang cahulugan ng̃ mg̃a tulâ at pati ng̃ canta'y tumatalab sa canya. Nawawatasan niyang magaling: marahil nauuhaw sa ulan ang pusong iyong mabato at tuyò, ayon sa "cundiman", tila baga mandin ay nanaog naman sa ibabaw ng̃ canyang pusò:

"Ang calungcuta't guinaw at ang calamigang
sa lang̃it ay buhat, putos ng̃ balabal
ng̃ gabing marilim at labis ng̃ panglaw"....
"Ang lanta at cupas na abang bulaclac
sa boong maghapo'y nagladlad ng̃ dilag
sa nais na camtam pagpuring maalab
sa udyoc ng̃ dib-dib na mapagmataas."
"Pagdating ng̃ hapon pawang cahapisan
ang inaning bung̃a sa hang̃ad na dang̃al,
at ang pagsisisi ang taglay na lamang
sa mg̃a nagawang lihis sa catuwiran."
"Pinagpipilitang itaas sa lang̃it
ang pinacadahong lanta na't gulanit,
at caunting dilim ang hing̃i ng̃ hibic
upang maitago ang puring naamis."
"At mamatay siyang hindi namamasdan
ng̃ nacapanood na sicat ng̃ araw,
ng̃ ningning ng̃ caniyang naamis na dang̃al
at ng̃ hindi wastong mataas na asal."
"Mataos ding hing̃i ng̃ canyang dalang̃in
cay Bathalang Poong lubhang mahabaguin,
ang canyang libing̃a'y mangyaring diliguin
ng̃ hamog na luhang sa lang̃it ay galing."
"Ang ibong panggabi'y sadyang iniiwan
ang lubhang maluncot na canyang tahanan
sa matandang cahoy na lihim na guang
at liniligalig tahimic na parang..."

—¡Huwag, huwag ca ng̃ cumanta!—ang sigaw ng̃ alfereza, sa ganap na wicang tagalog, at tumindig na malaki ang balisa; ¡huwag ca ng̃ cumanta! ¡nacalalaguim sa akin ang mg̃a tulang iyan!

Tumiguil ang ul-ol na babae ng̃ pagcacanta: nagbitiw ang asistente ng̃ isang:—¡Aba! ¡sabe pala tagalog! (marunong pala ng̃ tagalog) at nacatung̃ang̃ang tinitingnan ang guinoong babae na puspos ng̃ pagtataca.

Napagkilala nito na ipinagcanulo niya ang sariling catawan; nahiyà at palibhasa'y hindi sa babae ang catutubo niyang damdamin, ang cahihiya'y nauwì sa masilacbong galit at pagtatanim. Itinurò ang pintuan sa hindi marunong mag-ing̃at na asistente, at sa isang sicad ay sinarhan ang pintò, pagcalabas niya. Lumibot na macailan sa silid, na pinipilipit ng̃ nang̃ing̃ilis niyang mg̃a camay ang látigo, tumiguil na bigla sa tapat ng̃ ul-ol na babae, at saca sinabi sa canya sa wicang castilà;—¡Sayaw!

Hindi cumilos si Sisa.

—¡Sayaw, sayaw!—ang inulit-ulit ng̃ tinig na nacalalaguim.

—Tiningnan siya ng̃ ulol na babae ng̃ titig na walang diwa, walang cahulugan; itinaas ng̃ alfereza ang caniyang isang bisig, at ang isa namang bisig pagcatapos, at saca ipinagpag ang dalawang bisig: walâ ring naguing cabuluhan. Hindi nacacawatas si Sisa.

Siya'y naglulucsó, naggagalaw, ibig niyang sa gayóng gawa'y gagarin siyá ni Sisa. Naririnig sa dacong malayo ang música ng̃ procesióng tumutugtog ng̃ isáng marchang malungcót at dakila, datapuwa't naglulucso ang guinoong babae ng̃ catacot tacot na ang sinusunod ay ibang compás, ibang música ang tumútunog sa loob ng̃ canyáng budhi. Tinititigan siya ni Sisang hindi gumágalaw; isang wangki sa pagtatacá ang naguhit sa canyáng mg̃a matá, at isáng bahagyáng ng̃iti ang siyáng nagpapagalaw sa canyáng mg̃a putlaing mg̃a labi: kinalulugdan niyá ang sayaw ng̃ guinoong babae.

Huminto itó at tila mandin nahihiyâ, iniyaang ang latigo, yaong calaguim laguim na látigong kilalá ng̃ mg̃a magnanacaw at ng̃ mg̃a sundalo, na gawa sa Ulang̃o at pinag-inam ng̃ alferez sa pamamag-itan ng̃ mg̃a cawad na doo'y ipinulupot, at nagsalita:

—¡Icaw naman ang nauucol sumayáw ng̃ayon!... ¡sayáw!

At pinasimulang paluin ng̃ marahan ang waláng ano mang takip na mg̃a paa ng̃ ul-ol na babae, hanggáng sa magcang̃iwing̃iwi ang pagmumukha nito sa sakít, na anó pa't pinilit niyáng magsanggalang ng̃ mg̃a camáy.

—¡Ajá! ¡nagpapasimula ca na!—ang isinigaw na taglay ang catuwaang malupit, at mula sa "lento" (madalang) ay iniuwi sa isang "allegro vivace" (masaya at madalas).

Sumigaw ang cahabaghabag na babae ng̃ isang daing sa sakít, at dalidaling itinaas ang paa.

—¡Sasayaw ca ba, p-india?—ang sinasabi ng̃ guinoong babae, at tumutunog at humahaguinit ang latigo.

Nagpacalugmoc si Sisa sa sahig, tinangnan ng̃ dalawang camay ang mg̃a binti, at tinitigan ang canyang verdugo ng̃ mg̃a matang nacatiric. Dalawang malacas na hagupit ng̃ látigo sa licod ang pilit sa canyang tumindig, at hindi na isáng daing, cung di dalawang atung̃al ang siyang isinigaw ng̃ culang palad na sira ang isip. Nawalat ang canyang manipis na barò, pumutoc ang balat at bumalong ang dugò.

Nacapagpapagalac ng̃ mainam sa tigre ang pagcakita ng̃ dugô: nagpasilacbo ng̃ loob ni doña Consolación ang dugo ng̃ canyang pinahihirapan.

—¡Sayaw, sayaw, condenada, maldita! ¡Mapacasamà nawà ang inang nang̃anac sa iyo!—ang isinigaw;—¡sayaw ó papatayin cata sa capapalò ng̃ látigo.

At ang canyang guinawa'y hinawacan niya ng̃ isang camay ang babaeng ulol, samantalang pinapalo naman niya, ito at ng̃ canyang isang camay, at nagpasimulà siya ng̃ paglukso at pagsayaw.

Sa cawacasa'y napagkilala ng̃ ulol na babae ang sa canya'y ibig, caya ng̃a't ipinagpatuloy niya ang paggalaw na walang wasto ng̃ canyang mg̃a bisig. Isang ng̃iti ng̃ ligaya ang siyang nagpacubot sa mg̃a labì ng̃ maestra, ng̃iti ng̃ isang Mefistófeles na babae na nangyaring nacapag-anyo ng̃ isang alagad; ang ng̃iting iyo'y may taglay na pagtatanim, pagpapawalang halaga, paglibak at kalupitan, datapuwa't walang magsasabing yao'y may cahalong halakhac.

At sa pagcatigagal ng̃ pagtatamong lugod sa caniyang gawa'y hindi niya naring̃ig ang pagdating ng̃ canyang esposo, hangang sa biglang nabucsan ng̃ malaking ing̃ay ang pinto sa isang tadyac.

Sumipot doon ang alférez na namumutla't marilim ang mukhâ; napanood ang doo'y nangyayari at ibinulusoc sa canyang asawa ang isang catacottacot na titig. Ito'y hindi cumilos sa kinalalagyan at nanatiling nacang̃iti ng̃ boong pagcawalang kinahihiyaan.

Inilagay ng̃ alférez ng̃ lubos na pagpapacamairuguin ang canyang camay sa balicat ng̃ magsasayaw na caiba sa lahat, at ipinag-utos na tumiguil ng̃ pagsayaw. Huming̃a ang ulol na babae at dahandahang naúpo sa lapag na narurumhan ng̃ canya ring dugò.

Nagpatuloy ang catahimican: humihing̃asing ng̃ malacas ang alférez; kinuha ang látigo ng̃ babaeng sa canya'y humihiwatig at tumiting̃in ng̃ mg̃a matang wari'y tumatanong, at saca sa canya'y nagsabi ng̃ tinig na payapa at madalangdalang:

—¿Ano ang nangyayari sa iyo? ¡Hindi ca man lamang nagbigay sa akin ng̃ magandang gabi!

Hindi sumagot ang alférez, at ang guinawa'y tinawag ang "asistente."

—Dalhin mo ang babaeng ito,—anya;—¡pabigyan mo siya cay Marta ng̃ ibang baro at sabihin mo tuloy na gamutin! Pacanin mo siyang magaling at bigyan mo ng̃ isang magaling na higaan ... ¡icaw ang bahala, pagca siya'y inyong pinaglupitan! Bucas ay ihahatid siya sa bahay ni guinoong Ibarra.

Pagcatapos ay sinarhang mabuti ang pintuan, inilagay ang talasoc at saca lumapit sa canyang asawa.

—¡Naghahanáp icaw na basaguin co ang mukha mo!—ang sa canya'y sinabing nacasuntoc ang mg̃a camay.

—¿Ano ang nangyayari sa iyo?—ang tanong ng̃ babae na tumindig at umurong.

—¿Ano ang nangyayari sa akin?—ang sigaw ng̃ tinig na cahawig ng̃ culog, casabay ng̃ isang tung̃ayaw, at pagcatapos na maituro sa babae ang isang papel na puspos ng̃ sulat na tila cahig ng̃ manoc, ay nagpatuloy ng̃ pananalita:

—¿Hindi mo ba ipinadala ang sulat na ito sa Alcalde, at iyong sinabing pinagbabayaran aco upang aking ipahintulot ang sugal, babaeng p—? ¡Aywan co cung bakit hindi pa kita linûlusay!

—¡Tingnan natin! ¡tingnan natin cung macapang̃ang̃ahas ca!—ang sinabi sa canya ng̃ babaeng nagtátawa't siya'y linilibac;—¡ang lulusay sa aki'y isang malaking totoo ang cahigtan ng̃ pagcalalaki sa iyo!

Narinig ng̃ alférez: ang gayong alimura, ng̃uni't namasdan niya ang látigo. Dumampot ng̃ isang pinggan sa mg̃a na sa ibabaw ng̃ isang mesa, at ipinukol sa ulo ng̃ asawa: ang babaeng dating bihasa na sa ganitong pakikiaway, agad-agad yumucod, at ang pingga'y sa pader tumama at doon nabasag; gayon din ang kinahangganan ng̃ isang mangcoc at ng̃ isang cuchillo.

—¡Duwag!—ang sigaw ng̃ babae,—¡hindi ca macapang̃ahas lumapit!

At linurhan ang alférez upang ito'y lalong magng̃itng̃it. Pinagdimlan ang lalaki at umaatung̃al na hinandulong ang babae; ng̃uni't hinaplit nito ng̃ caguilaguilalas na caliksihan ang mukha ng̃ lalaki at saca sumagasang tumacbong tuloytuloy sa canyang silid, at biglang sinarhan ng̃ malacas ang pinto. Hinabol siya ng̃ alférez, na humahagoc sa galit at sa sakit ng̃ palong tinanggap, ng̃uni't walang nasunduan cung di mapahampas sa pintò, bagay na sa canya'y nagpabulalas ng̃ mg̃a tung̃ayaw.

—¡Sumpaín nawà ang iyong angcan, babaeng baboy! ¡Bucsán mo, p—p—, bucsan mo, sa pagca't cung hindi'y babasaguin co ang iyong bung̃ô!—ang iniaatung̃al, at kinacalabog ang pinto ng̃ canyang mg̃a suntoc at sicad.

Hindi sumasagot si doña Consolación. Nariring̃ig sa dacong loob ang calampagan ng̃ mg̃a silla at mg̃a baul, na anaki mandin nagtatayo ng̃ isang cutà sa pamamag-itan ng̃ mg̃a casangcapang-bahay. Yumayanig ang bahay sa mg̃a sicad at mg̃a tung̃ayaw ng̃ lalaki.

—¡Huwag cang pumasoc! ¡huwag cang pumasoc!—ang sabi ng̃ maasim na tinig ng̃ babae; ¡papuputucan co icaw pagca sumung̃aw ca!

Tila mandin untiunting pumapayapa ang lalaki, at nagcasiya na lamang siya sa magpalacadlacad ng̃ paroo't parito sa magcabicabilang dulo ng̃ salas, na ang isang halimaw na na sa sa jaula ang catulad.

—¡Pasalansang̃an ca't magpalamig icáw ng̃ ulo!—ang patuloy na paglibac ng̃ babae, na tila mandin nacatapos na ng̃ pagtatayo ng̃ caniyang pangsangalang na cutà.

—¡Isinusumpa co sa iyo, na pagca kita'y nahaguip, cahi't ang Dios ay hindi ca makikita, salaulang babaeng p—!

—¡Oo! masasabi mo na ang ibiguin!... ¡aayaw cang aco'y magsimba! ¡aayaw mo acong bayaang gumanap sa Dios!—ang sabi ng̃ boong capalibhasaang siya lamang ang marunong gumawà.

Dinampot ng̃ alférez ang canyang capacete, naghusay ng̃ caunti, at saca umalis na ang hakbang ay malalaki, datapwa't pagcaraan ng̃ ilang sandali'y dahandahang bumalic: siya'y nag-alis ng̃ canyang mg̃a bota. Palibhasa'y bihasang macapanood ang mg̃a alila roon ng̃ mg̃a ganitong pangyayari, caraniwang sila'y inaabot ng̃ yamot, ng̃uni't canilang pinagtakhan ang pag-aalis ng̃ mg̃a bota, bagay na hindi dating guinagawa, caya't nang̃agkindatan ang isa't isa.

Naupo ang alférez sa isang silla, sa tabi ng̃ dakilang pinto, at nacapagtiis na maghintay roon ng̃ mahiguit na calahating oras.

—¿Tunay bagang umalis ca na ó naririyan ca pa, lalaking cambing?—ang tanong na manacanaca ng̃ tinig, na pinagbabagobago ang lait, ng̃uni't nalalao'y ilinalacas.

Sa cawacasa'y untiunting inalis niya ang mg̃a casangcapang ibinunton sa tabi ng̃ pinto: naririnig ng̃ lalaki ang calampag, caya't siya'y ng̃uming̃iti.

—¡Asistente! ¿umalis na ba ang pang̃inoon mo?—ang sigaw ni doña Consolación.

Sumagot ang asistente sa isang hudyat ng̃ alférez:

—Oo po, guinoo, umalis na.

Naring̃ig ang masayang tawa ng̃ babae, at saca hinugot ang talasoc ng̃ pinto ...

Isang sigaw, ang calabog ng̃ catawang natutumba, mg̃a sumpa, atung̃alan, mg̃a tung̃ayaw, mg̃a hampas, mg̃a tinig na paós ... ¿Sino ang macapagsasaysay ng̃ nangyari sa cariliman ng̃ silid na tulugan?

Ang asistente ay napasapanig ng̃ bahay na pinaglulutuan, at nagbigay sa tagapagluto ng̃ isang hudyat na macahulugan.

—¡At icaw ang magbabayad!—ang sinabi sa asistente ng̃ tagapagluto.

—¿Aco? ¡Cung sacali'y ang bayan ang siyang magbabayad! Itinanong niya sa akin kung umalis na: tunay; ng̃uni't bumalik.


XL.

ANG CATUWIRA'T ANG LACAS.

Niyao'y may icasampong oras na ng̃ gabi. Nanghihinamad na napaiimbulog at nagnining sa madilim na lang̃it ang ilang globong papel, na ipinaitaas sa pamamag-itan ng̃ asó at ng̃ hang̃ing pinainit. Ang ilang mg̃a globong pinamutihan ng̃ mg̃a bomba't coetes ay nang̃asunog at isinasapang̃anib ang lahat ng̃ bahay; dahil dito'y may nakikita pang mg̃a tao sa mg̃a palupo, na may mg̃a dalang isáng mahabang cawayang sa dulo'y may nacacabit na basahan at saca isang baldeng tubig. Naaaninagnagan ang maiitim nilang anyo sa malamlam na liwanag ng̃ impapawid, at ang cahalimbawa nila'y mg̃a fantasmang mula sa alang-alang na nanaog upang manood ng̃ mg̃a casayahan ng̃ mg̃a tao. Sinusuhan din naman ang maraming mg̃a "rueda", mg̃a "castillo", mg̃a toro ó mg̃a calabaw na apoy, at isang malaking volcang sa ganda at cadakilaa'y linaluan ang calahatlahatang nakita hanggang sa panahong iyon ng̃ mg̃a taga San Diego.

Ng̃ayo'y tumutung̃o ang caramihang mg̃a tao sa dacong plaza ng̃ bayan, upang panoorin ang huling palalabasin sa teatro. Dito't doo'y may nakikitang mg̃a ilaw ng̃ Bengala (luces de Bengala), na siyang lumiliwanag ng̃ catacataca sa masasayang mg̃a pulutong; gumagamit ang mg̃a bata ng̃ mg̃a sigsig sa paghahanap ng̃ mg̃a bombang hindi pumutoc, at iba pang mg̃a labí na mangyayari pang gamitin, datapuwa't tumugtog ang música ng̃ isang palatandaan, at ng̃ magcagayo'y linisan ng̃ lahat ang capatagang iyon.

Mainam na totoo ang pagcacapaliwanag sa tablado, libolibong mg̃a ilaw ang nacaliliguid sa mg̃a haligui, nacabitin sa bubung̃an, at nasasabog sa sahig na masinsin ang pagcacapulupulutong. Isáng alguacil ang siyáng nag-aalaga ng̃ mg̃a ilaw na iyón, at pagca napaparoon at ng̃ mapagbuti ang mg̃a ilaw na cucutapcutap, siya'y pinagsusutsutanan at sinisigawan ng̃ madla;—¡Nariyan na, nariyan na siyá!

Sa haráp ng̃ escenario (palabasan) ay pinagtotonotono ng̃ orquesta ang canilang mg̃a instrumento, ipinariring̃ig ang mg̃a pang̃unahin ng̃ mg̃a tugtuguin; sa licuran ng̃ orquesta'y naroroon ang lugar na sinasabi ng̃ corresponsal sa canyáng sulat. Ang caguinoohan sa bayan, ang mg̃a castila at ang mg̃a mayayamang dayo'y nang̃agsisiupo na sa nahahanay na mg̃a silla. Ang bayan, ang mg̃a taong walang catungculan at walang mg̃a dang̃al na caloob ng̃ pamahalaa'y siyang nacalalaganap sa nang̃atitirang lugar sa plaza; may pas-ang bangco ang mg̃a iba, na ang caraniwa'y hindi ng̃ upuan cung di ng̃ bigyang cagamutan ang pagca pandac: pinanggagaling̃an ang ganitóng gawâ ng̃ maiing̃ay na mg̃a pagtutol ng̃ mg̃a walang bangco; pagcacagayo'y nang̃agsisipanaog agad-agad ang mg̃a nacatayo sa bangco; ng̃uni't hindi nalalao't sila'y muling pumapanhic, na parang walang ano mang nangyari.

Mg̃a pagpaparoo't parito, mg̃a sigawan, mg̃a ing̃ayan sa pagtataca, mg̃a halakhacan, isáng huli na sa panahóng "buscapié", isang "reventador" ang siyang nang̃agdáragdag ng̃ caing̃ayan. Sa daco rito'y may nababaling paa ng̃ isáng bangco at nang̃ahuhulog sa lupa, sa guitna ng̃ tawanan ng̃ caramihan, ang mg̃a taong nanggaling sa malayo at ng̃ macapanood ay ng̃ayo'y siyang naguiguing panoorin; sa daco roo'y nang̃ag-aaway sa pagpapang̃agaw sa lugar; sa dacong malayo pa roo'y may nariring̃ig na isáng calampagan ng̃ nababasag na mg̃a copa at mg̃a botella: yao'y si Andeng na may daláng mg̃a alac at mg̃a pangpatid uhaw; maing̃at na tang̃an ng̃ dalawang camay ang malapad na bandeja, ng̃uni't canyang nacasalubong ang sa canya'y nang̃ing̃ibig, na nag-acalang magsamantala ng̃ gayong calagayan ...

Nang̃ung̃ulo sa pamamanihala at cahusayan ng̃ panoorin ang teniente mayor na si don Filipo; sa pagca't malulugdin sa "monte" ang gobernadorcillo. Ganito ang sabi ni don Filipo cay matandang Tasio:

—¿Ano caya ang mabuti cong gawin?—ang sabi niyá;—hindi tinanggap ng̃ Alcalde ang pagbibitíw co ng̃ catungculan;—"¿inaacala po ba ninyóng salá't cayó sa lacás sa pagganap ng̃ inyóng mg̃a catungculan?"—ang itinanóng sa akin.

—At ¿ano ang inyong isinagot?

—¡Guinoong Alcalde!—ang aking isinagot;—ang mg̃a lacas ng̃ isang teniente mayor, cahi't magpacawalawalang capacanan, pawang catulad ng̃ mg̃a lacas ng̃ lahat ng̃ mg̃a pinuno: nanggagaling ang mg̃a lacas na iyan sa mg̃a matataas na pinunò. Tinatanggap ng̃ cahi't hari man ang canyang mg̃a lacas sa bayan at tinatanggap naman ng̃ bayan sa Dios ang canyang lacas. ¡Itong bagay na ito pa naman ang wala sa akin, guinoong Alcalde!—Datapuwa't hindi aco pinakingan ng̃ Alcalde, at sinabi sa aking pag-uusapan na raw namin ang mg̃a bagay na ito pagca tapos ng̃ mg̃a fiesta.

—¡Cung gayo'y tulung̃an nawa cayo ng̃ Dios!—ang sinabi ng̃ matanda, at nag-acalang umalis.

—¿Aayaw po ba cayong manood ng̃ palabas?

—¡Salamat! hindi co kinacailang̃an ang sino man sa pananaguinip at sa paggawa ng̃ mg̃a caululan, sucat na acong mag-isa,—ang isinagot ng̃ filósofong calakip ang isang tawang palibac;—datapuwa't ng̃ayo'y naalaala co, ¿hindi ba tinatawag ang inyong paglilining ng̃ caugalia't hilig ng̃ ating bayan? Payapa, ng̃uni't malulugdin sa mg̃a panooring nauucol sa mg̃a pagbabaca at sa mg̃a labanang sumasabog ang dugò, ibig ang pagcacapantay-pantay, datapuwa't sumasamba sa mg̃a emperador, sa mg̃a hari at sa mg̃a príncipe; hindi mapagpitagan sa religión, ng̃uni't iniwawaldas ang pamumuhay sa mg̃a walang cabuluhang pag paparang̃alan sa mg̃a fiesta; ang mg̃a babae rito sa atin ay may caugaliang matimyas, ng̃uni't nang̃ahahaling pagca nacacakita ng̃ isang princesang nagpapa-ikit ng̃ sibat ... ¿nalalaman po ba ninyo cung ano ang cadahilanan nito? Talastasin po ninyong dahil sa....

Pinutol ang canilang salitaan ng̃ pagdating ni María Clara at ng̃ canyang mg̃a caibigang babae. Tinanggap sila ni don Filipo, at sinamahan sila sa canicanilang upuan. Sumusunod sa canila ang curang may casamang isa pang franciscano't ilang mg̃a castila. Casama rin naman ng̃ cura ang ilang mg̃a mamamayang ang hanap-buhay umalacbay tuwina sa mg̃a fraile.

—¡Bigyang pala nawà sila ng̃ Dios naman sa cabilang buhay!—anang matandang Tasio, samantalang lumalayo.

Pinasimulan ang palabas cay Chananay at cay Marianito, sa pagcanta ng̃ "Crispino e la comare". May mg̃a mata at may pakinig ang lahat ng̃ na sa escenario, liban lamang sa isá: si párì Salvi. Tila mandin walang sinadyâ ng̃ nagbibigay paroon cung di bantayan si María Clara, na ang tinataglay na cahapisa'y nagbibigay sa canyang cagandahan ng̃ isang anyong cahimahimalá sa ningning at cahalagahan, na ano pa't napagwawaring tunay ng̃ ang may catuwirang siya'y panoorin ng̃ boong pagliyag. Ng̃uni't hindi nang̃agsasaysay ng̃ pagliyag ang mg̃a mata ng̃ franciscano, na lubhang natatago sa malalim na hungcag na kinalalagyan ng̃ canyang mg̃a paning̃in; nababasa sa mg̃a titig na iyon ang isang bagay na cahapisang may malaking pagng̃ing̃itng̃it: ¡gayon marahil ang mg̃a mata ni Caín sa panonood, buhat sa malayo, ng̃ Paraiso, ng̃ mg̃a caligayahan, doo'y ipinakilala sa canya ng̃ canyang ina!

Nagtátapos na ang "acto" (bahagui) ng̃ pumasoc si Ibarra; pinanggaling̃an ang pagdating niya roon ng̃ isang bulungbulung̃an: siya at ang cura ang siyang pinagtining̃an ng̃ pagpansin ng̃ lahat.

Datapuwa't parang hindi nahiwatigan ng̃ binata ang bagay na iyon, sa pagca't bumati siya ng̃ walang kimì cay María Clara at sa canyang mg̃a caibigang babae, at naupo sa tabi ng̃ canyang casintahan. Si Sinang ang tang̃ing nagsalitâ:

—¿Pinanood mo ba ang volcan?—ang initanong.

—¿Hindi caibigan? ako'y napilitang aking samahan ang Capitan General.

—Cung gayo'y ¡sayang! Casama namin ang cura, at sinasaysay sa amin ang mg̃a naguing buhay ng̃ mg̃a napacasama; ¿nakita mo na? tacutin cami at ng̃ huwag caming macapagsaya, ¿nakita mo na?

Nagtindig ang cura at lumapit cay don Filipo, na tila mandin canyang pinakipagtalunan ng̃ masilacbo. Mainit ang pananalita ng̃ cura, mahinusay naman at mahina ang pananalita ni don Filipo.

—Dinaramdam co pong hindi aco macapagbigay-loob sa inyo; ang sabi ni don Filipo;—si guinoong Ibarra'y isa sa mg̃a lalong malalaki ang ambag, at may catuwirang macalagay rito samantalang hindi nanggugulo ng̃ capayapaan.

—¿Ng̃uni't hindi ba panggugulo ng̃ capayapaan ang magbigay casalanan sa mabubuting mg̃a cristiano? ¡Iya'y isang pagpapabayang macapasoc ang isang lobo sa cawan ng̃ mg̃a mababait na tupa. ¡Sasagot ca sa bagay na ito sa harap ng̃ Dios at sa harap ng̃ mg̃a matataas na puno!

Cailan man po'y nananagot aco, padre, sa lahat ng̃ mg̃a gawang bucal sa aking sariling calooban,—ang isinagot ni don Filipo na yumucod ng̃ caunti;—datapuwa't hindi binibigyang pahintulot aco ng̃ aking maliit na capangyarihang makialam sa mg̃a bagay na nauucol sa religión. Ang mg̃a nag-iibig mang̃ilag na canyang macapanayam ay huwag makipagsalitaan sa canya: hindi naman namimilit si guinoong Ibarra canino man.

—¡Ng̃uni't isáng pagbibigay puang sa pang̃anib, at cung sino ang umiibig sa pang̃anib ay sa pang̃anib namamatay!

—Wala acóng nakikitang anó mang pang̃anib, padre: ang guinoong Alcalde at ang Capitan General, na aking mg̃a punong matataas, capuwa nakipag-usap sa canyá sa boong hapong itó, at hindi ng̃a acó ang sa canila'y magpapakilalang masama ang canilang guinawa.

—Cung hindi mo siyá palalayasin dito'y cami aalis.

—Daramdamin cong totoo, datapuwa't hindi aco macapagpapalayas dito sa canino man.

Nagsisi ang cura sa sinabi, ng̃uni't wala ng̃ magawa. Humudyát sa canyáng casama, na nagtindig na masama ang loob, at capuwa sila umalis. Guinagád silá ng̃ mg̃a taong caniláng cacampí, baga man inirápan muna nila ng̃ boong pagtataním si Ibarra.

Napuspos ang ugong ng̃ mg̃a bulungbulung̃an at salisalitaan: ng̃ magcagayo'y nang̃agsilapit at nang̃agsibati sa binatang si Ibarra ang ilang mg̃a tao, at sinabi sa canyá:

—¡Sumasainyo cami; huag po ninyóng pansinin ang mg̃a iyán!

—¿Sinong mg̃a "iyan"?—ang itinanong na nagtátaca.

—¡Iyang mg̃a nagsialis at ng̃ mapang̃ilagan ang macapanayam po ninyo!

—¿At ng̃ mapang̃ilagan ang aking pakikipanayam? ¿ang aking pakikipanayam?

—¡Opo! ¡anila'y excomulgado raw po cayó!

—Sa pagtatacá ni Ibarra'y hindi naalaman cung anó ang sasabihin, at luming̃ap sa canyáng paliguid. Canyáng nakita si María Clara na tinatacpan ang mukha ng̃ canyáng abanico.

—Ng̃uni't ¿ito baga'y dapat cayang mangyari?—ang sa cawacasa'y bigláng sinabi ng̃ malacás;—¿casalucuyan bang na sa unang panahón tayo ng̃ cadilimán? Sa macatuwid baga'y....

At lumapit sa mg̃a dalaga, at binago ang anyo ng̃ pananalitâ.

—Pagpaumanhinan ninyó acó,—anyá,—nacalilimot acóng mayroon paláng sa aki'y naghihintay na aking catipán; magbabalic acó at ng̃ cayo'y aking masamahan.

—¡Huwag cang umalís!—ang sa canya'y sinabi ni Sinang;—sasayaw si Yeyeng sa "La Calandria"; ¡totoong calugodlugod sumayaw!

—Hindi maaari, caibigan co, datapuwa't aco'y bábalic.

Lalong lumala ang mg̃a bulungbulung̃an.

Samantalang lumalabas si Yeyeng na nacasuot "chula" at sinasabi ang "Da usté su permiso?" ("¿Ipinagcacaloob po ba ninyo ang inyong pahintulot?") at sinasagot siya ni Carvajal ng̃ "Pase usté adelante" ("Tumuloy po cayo") at iba pa, nang̃agsilapit ang dalawang sundalo ng̃ guardia civil cay don Filipo at hinihing̃ing ihinto ang pagpapalabas.

—¿At bakit?—ang tanong ni don Filipo na nagtataca.

—Sa pagca't nagsuntucan ang alférez at ang guinoong babae ay hindi sila macatulog.

—Sabihin po ninyo sa alférez, na binigyan cami ng̃ capahintulutan ng̃ Alcalde Mayor, at "wala sino man" sa bayang may capangyarihan sumalangsang sa capahintulutang ito, cahi't ang gobernadorcillo man, na siyang tang̃i cong mataas na puno.

—¡Talastasin ninyong kinakailang̃ang itiguil ang palabas!—ang inulit ng̃ mg̃a sundalo.

Tinalicdan sila ni don Filipo. Nang̃agsialis ang mg̃a guardia.

Hindi sinabi canino man ni don Filipo ang nangyaring ito at ng̃ huwag magulo ang catahimican.

Ng̃ matapos na ang bahaguing iyon ng̃ zarzuela na totoong pinagpurihanan, lumabas naman ang Príncipe Villardo, at hinahamon ng̃ away ang lahat ng̃ mg̃a morong pumipiit sa canyang amá; pinagbabalaan sila ng̃ bayaning puputlan silang lahat ng̃ úlo, at ang mg̃a ulong ito'y ipadadala sa buwan. Sa cagaling̃ang palad ng̃ mg̃a moro, na nang̃agsisipaghanda na sa labanang tinutugtugan ng̃ "himno de Riego", ay siyang pagcacaroon ng̃ isang gulo. Biglang nagsihinto ng̃ pagtugtog ang mg̃a bumubuo ng̃ orquesta at canilang linusob ang teatro, pagcatapos maipaghaguisan ang canilang mg̃a instrumento. Ang matapang na si Villardo, na hindi inaacalang mang̃agsisirating ang mg̃a taong iyong, canyang ipinalagay na cacampi ng̃ mg̃a moro, inihaguis naman ang canyang espada at escudo at saca bumigay ng̃ tacbo; nang makita ng̃ mg̃a morong tumatacas ang cakilakilabot na cristianong iyon, hindi sila nag-alinlang̃ang siya'y canilang gagarin: may nariring̃ig na mg̃a sigawan, mg̃a daing, tung̃ayawan, mg̃a salitang capusung̃an, nagtatacbuhan ang mg̃a tao, nang̃amatay ang mg̃a ilaw, ipinaghahaguisan sa impapawid ang mg̃a vaso ng̃ ilaw, at iba pa.—¡Mg̃a tulisan! ¡Mg̃a tulisan!—ang sigaw ng̃ mg̃a iba.—¡Sunog! ¡sunog! ¡mg̃a magnanacaw!—ang sigawan naman ng̃ mg̃a iba; nang̃agsisitang̃is ang mg̃a babae't ang mg̃a musmos, gumugulong sa lupa ang mg̃a banco at ang mg̃a nanonood, sa guitna ng̃ ligalig, pagcacaing̃ay at caguluhan.

¿Ano ang nangyari?

Ilinagad ng̃ dalawang guardia civil na may tang̃ang pamalo ang mg̃a músico at ng̃ pahintuin ang pinalalabas; sila'y narakip, baga man nagsisilaban, ng̃ teniente mayor, na casama ang caniyang mg̃a cuadrillerong ang dalang sandata'y ang canilang mg̃a lumang sable.

—¡Inyong ihatid sila sa tribunal!—ang sigaw ni don Filipo,—cayó ang bahala pagca sila'y nacawala!

Bumalic na si Ibarra at canyang hinanap si María Clara. Nang̃agsicapit sa canya ang natatacot na mg̃a dalagang pawang nang̃ang̃atal at nang̃amumutla; dinarasal ni tía Isabel ang mg̃a letanía sa wicang latin.

Ng̃ pagbalicang loob ng̃ caunti ang mg̃a tao sa pagcagulat, at ng̃ canilang matalastas cung ano ang nangyari, nag-alab ang galit sa lahat ng̃ mg̃a dibdib. Umulan ang mg̃a bato sa pulutong ng̃ mg̃a cuadrillerong naghahatid sa dalawang guardia civil; may isang nagyayacag na silabin ang cuartel at iihaw roon si doña Consolacióng casama ang alférez.

—¡Sa ganyan lamang sila pinakikinabang̃an!—ang sigaw ng̃ isang babaeng naglililis ng̃ canyang mangas at iniunat ang canyang mg̃a bisig;—panggugulo ng̃ bayan! ¡Wala silang nalalamang pag-usiguin cung di ang mababait na mg̃a tao! ¡Nariyan ang mg̃a tulisan at ang mg̃a magsusugal! ¡Sunuguin natin ang cuartel!

Hinihipò ng̃ isa ang canyang bisig at humihing̃ ng̃ confesión; cahabaghabag na mg̃a taghoy ang lumalabas sa ilalim ng̃ mg̃a bangcong nang̃atumba: yao'y isang caawaawang músico. Punongpuno ang escenario ng̃ mg̃a artista at ng̃ mg̃a taong bayan. Nariyan si Chananay, na nacasuot ng̃ Leonor sa Trovador, na nakikipagsalitaan ng̃ wicang tinda cay Ratia, na nacasuot maestro ng̃ escuela; si Yeyeng na nacabalot ng̃ malaking panyong sutla na na sa tabi ng̃ príncipe Villardo; pinagpipilitan ni Balbino't ng̃ mg̃a morong aliwin ang mg̃a músicong may mg̃a nasactan at hindi. Nagpapacabicabila ang ilang mg̃a castila at pinagsasabihan ang bawa't canilang nasasalubong.

Datapuwa't may nagcacabilog ng̃ isang pulutong. Napag-unawa ni don Filipo ang canilang adhica at canyang tinacbo upang sansalain.

—¡Huwag sana ninyong sirain ang catahimican!—ang isinisigaw ni don Filipo;—¡hihing̃i tayo bucas ng̃ carapatang tumbas sa caguluhang canilang guinawa, bibigyan tayo ng̃ nauucol sa ating catuwiran; nananagot aco sa inyong bibigyan tayo ng̃ nauucol sa ating catuwiran!

—¡Hindi!—ang isinasagot ng̃ ilan; ¡gayon din ang guinawa sa Calambà (ng̃ 1879), gayon din ang ipinang̃aco, datapuwa't walang ano mang guinawa ang Alcalde! ¡Ibig naming gumawa ng̃ pagca justicia sa aming camay! ¡Tayo na sa cuartel!

Nawalang cabuluhan ang mg̃a pakikiusap ng̃ teniente mayor; nagpapatuloy ang pulutong sa canilang panucala. Luming̃ap si don Filipo sa canyáng paliguid at humahanap ng̃ sa canya'y tumulong ay canyáng nakita si Ibarra.

—Guinoong Ibarra, ¡para na ninyóng awa! ¡Sila'y inyóng sansalain, samanatalang humaharap acó ng̃ mg̃a cuadrillero!

—Anó ang aking magagawa?—ang itinanong ng̃ binata, na natitigagal, datapuwa't malayo na ang teniente mayor.

Si Ibarra naman ang nagling̃ap-ling̃ap sa canyáng paliguid, at naghahanap siya ng̃ hindi nalalaman cung sino. Sa cagaling̃ang palad ay anaki'y canyáng nasuliapan si Elías, na walang bahalang pinanonood ang gayóng kilusan. Tinacbó siya ni Ibarra, hinawacan siyá sa bisig at sinabi sa canya sa wikang castila:

—¡Alang-alang sa Dios! ¡gumawa po cayó ng̃ bahagya, sacali't may magagawa; wala po acong magawang anó man!

Tila mandin siya'y nawatasan ng̃ piloto, sapagca't nawala siya't sinuot ang mg̃a bumubuo ng̃ pulutong.

Naring̃ig ang masilacbóng pagmamatuwiran, mabilís na tutulán; pagcatapos ay untiunting nagpasimula ng̃ paghihiwahiwalay ng̃ mg̃a magcacapulutóng, at naalis sa bawa't isá ang anyóng may gagawing caguluhan.

At panahón na ng̃a, sa pagca't lumalabas na ang mg̃a sundalong may dalang mg̃a sandata at nacalagay sa dulo ng̃ fusil ang bayoneta.

¿Samantala'y ano ang guinagawa ng̃ cura?

Hindi pa nahihiga si párì Salví. Nacatindig siya, nacatuon ang noo sa mg̃a "persiana", sa dacong plaza ang tanaw, hindi cumikilos, at manacanacang pinatatacas niya ang pinipiguil na buntong hining̃a. Cung hindi sana napacadilim ang liwanag ng̃ canyang ilaw, marahil napagmasdang napupuno ng̃ mg̃a luha ang canyang mg̃a mata. Gayon ang caniyang naguing anyo sa isang horas halos.

Pinucaw siya sa ganitong calagayan ng̃ pagcacagulo sa plaza. Sinundan ng̃ canyang mg̃a matang nangguiguilalas ang walang tuos na pagpaparoo't parito ng̃ mg̃a tao, at ang mg̃a tinig nila'y dumarating sa canyang hagawhaw na lamang.—Isa sa mg̃a alilang dumating ang sa canya'y nagbigay alam ng̃ nangyayari.

Dumaan sa canyang panimdim ang isang isipin. Sa guitna ng̃ mg̃a caing̃ayan at caguluhan, sinasamantala ng̃ mg̃a may mahahalay na budhi ang pagcagulat at cahinaan ng̃ loob ng̃ mg̃a babae; nang̃asisisiticas at nang̃agliligtas sa sarili, sino ma'y walang nacacaalaala sa cang̃ino man, hindi nariring̃ig ang sigaw, hinihimatay ang mg̃a babae, nang̃agcacasaguian, nang̃asusung̃aba; dahil sa pagcagulat at pagcatacot ay hindi pinakikinggan ang hibik ng̃ capurihang nalulugso, at sa calaguitnaan ng̃ gabi ... ¡at pagca nagcacaibigan! Tila mandin nakikinikinita niyang calong ni Crisostomo si María Clarang hindi nacamamalay-tao, at sila'y nang̃awala sa cadiliman.

Lumulucsong nanaog sa mg̃a hagdanan, walang sombrero, walang bastón at parang sira ang isip na tinung̃o ang plaza.

Nasumpung̃an niya roon ang mg̃a castilang pinagwiwicaan ang mg̃a sundalo, canyang tiningnan ang mg̃a upuang kinalalagyan ni María Clara at ng̃ canyang mg̃a caibigan, at nakita niyang wala na sila roon.

—¡Padre Cura! ¡padre Cura!—ang sigawan sa canya ng̃ mg̃a castila; ng̃uni't hindi niya pinansin sila. Doo'y nacahing̃a siya: nakita niya sa manipis na tabing na naroon ang isang anino, ang carapatdapat sambahing anino, ang puspos ng̃ biyaya at calugodlugod na pang̃ang̃atawan ni María Clara, at ang sa canyang tía na may dalang mg̃a taza at mg̃a copa.

—¡Magaling na lamang!—ang canyang ibinulong,—tila mandin walang nangyari cung di ang pagcacasakit lamang.

Sinarhan ni tía Isabel, pagcatapos ang mg̃a capis ng̃ bintana, at hindi na napakita ang caibig-ibig na anino.

Lumayo sa lugar na iyon ang cura, na di man lamang nakikita ang caramihan. Nalaladlad sa harap ng̃ canyang mg̃a mata ang cagandagandahang pang̃ang̃atawan ng̃ isang dalaga, na tumutulog at humihing̃a ng̃ catamistamisan; naliliman ang bubong ng̃ mg̃a mata ng̃ mahahabang pilicmata, na ang calantican ay tulad sa mg̃a pilicmata ng̃ mg̃a Virgen ni Rafael; ng̃uming̃iti ang maliit na bibig; nalalarawan sa boo ng̃ pagmumukhang yaon ang pagca Virgen, ang calinisang wagas, ang pagca walang malay casalanan; ang pagmumukhang iyo'y isang lubhang matimyas na panaguinip sa guitna ng̃ maputing damit ng̃ canyang higaan, wang̃is sa isang ulo ng̃ querubín sa guitna ng̃ mg̃a alapaap.

Nagpatuloy ng̃ pagcakita ang panimdim ni pari Salví ng̃ iba't iba pang mg̃a bagay ...; ¿ng̃uni't sino ang macapaglilipat sa papel ng̃ lahat ng̃ mapapanimdim ng̃ isang nag-aalab na budhi?

Marahil ay ang Corresponsal ng̃ periódico, na winacasan ang pagsaysáy ng̃ fiesta at ng̃ lahat ng̃ mg̃a nangyari sa ganitong paraan:

"Macalilibong salamat, walang hangang salamat sa sumapanahon at masicap na pamamag-itan ng̃ totoong cagalanggalang na si pari fray Bernardo Salví, na hindi kinatacutan ang lahat ng̃ pang̃anib, sa guitna ng̃ bayang iyóng nagng̃ing̃itng̃it ng̃ galit, sa guitna ng̃ caramihang wala ng̃ pinagpipitaganan; waláng bastón, walang sombero'y pinayapa niyá ang mg̃a galit ng̃ caramihan, na waláng ibang guinamit liban na lamang sa canyáng mapanghicayat na pananalita, at ang cadakilaan at capangyarihang cailan ma'y hindi nagcuculang sa sacerdote ng̃ isang Religión ng̃ Capayapaan. Linisan ng̃ banal na religioso ang mg̃a catamisan ng̃ pagcahimbing, na tinatamasa ng̃ lahat ng̃ magandang diwa na gaya ng̃ canyang taglay, upáng mailagang mangyari ang isang munting casacunaan sa canyáng mg̃a oveja. Hindi ng̃a marahil calilimutan ng̃ mg̃a mamamayan sa San Diego ang ganitong lubhang magaling na guinawa niyá at magpacailan ma'y kikilanlin sa canyang utang na loob!"