WeRead Powered by ReaderPub
Pag Susulatan nang Dalauang Binibini na si Urbana at ni Feliza cover

Pag Susulatan nang Dalauang Binibini na si Urbana at ni Feliza

Chapter 39: CABAGAYAN
Open in WeRead

Explore more books like this:

About This Book

A sequence of letters and short essays framed as correspondence between two young women presents practical moral instruction on daily manners, religious obligations, schooling, cleanliness, courtship, and preparation for married life. It also addresses parents and guardians with guidance on educating daughters, discipline, and nurturing virtuous habits, and supplies concrete rules for letter-writing, social etiquette, and household behavior. The tone is instructional and hortatory, mixing maxims, examples, and parental admonition intended to shape private conduct, civic responsibilities, and social reputation.

MAN~GA BILIN O REGLANG SUSUNDIN

SA PAGCAIN.


Si Urbana cay Feliza.—MANILA ...


FELIZA: Ang isa pang pagcacaquilanlán sa tauo, na may pinagaralan, ay sa pagcain, caya ang tauo,i, hangang bata ay magaral, at nang houag maguipit sa capanahonan. Magmulá sa cabataan, hangang sa tumanda, ay marami ang pagdaraanan, Hindi nalalaman cun siya,i, magmamaguinoo, o cun hindi, cun sino sinong tauo ang caniyang macacasalo sa pagcain, cun saan saang bayan siya mapapatun~go; cun may pinagaralan, ay di mahihiya pagdating nang capanahonang gamitin ang caniyang carunun~gun.

Cahiman, Feliza, ay di caraniuan sa ating tagalog ang gumamit nang cubiertos[5] sa pagcain; dito,i, isusulat co rin ang man~ga cahatolang dapat alinsunurin. Di mo cailan~gan ang saysayin co sa iyo, pagca,t, datihang cang gumamit; n~guni quinacailan~gan nang iba, na di nacaaalam, sapagca,t, cun maanyayahán sa isang piguing na di sumusubo nang camáy ¿ano ang masasapit cun di marunong? Capilitang mahihiya. Laqui nang nasa co, na ito,i, pagcaugalian sa catagalugan. Ang lahat nang nacion sa Europa, ang Americanos, may ganitong caugalian, sapagca,t, isang camahalan nang asal. At cahima,t, ang Inchic, ay di gumagamit nang cubiertos sa pagcain, ay may sipit na sinasancáp, sapagca,t, aayao marumihan ang camay at nang di carimariman. Ang man~ga Turcos ay may ugali sa pagcain na para nang tagalog; n~guni sa panahong ito,i, nagaaral nang magcubiertos, lalo na ang man~ga guinoó, tumutulad sa man~ga taga Europa, sapagca,t, naquiquita ang calinisan nang ganitong pagcain. Aquing mumulang isulat ang man~ga regla.

Ang lamesa,i, lalatagan nang mantel na malinis, at sa ibábao nang servillet ilalagay ang sopera[6] cun mayroon. Ang soperang ito, ay ilalagay sa harap nang magbabahagui nang sopas, na ang caraniuang mamahagui ay ang pinaca puno sa lamesa. Cun ilan ang uupó sa dulang, ay gáyon din namán ang bilang nang plato sopera;[7] sa caliua ilalagáy ang tenedor, sa canan ang cuchillo,t, cuchara na cung mangyayari maguing tatlong paris na pauang malilinis. Pagcatapos nang sopas, ay casunod ang puchero ó laoya na babahaguinin nang may catungculan. Cailan~gan, na ang magpipiguing ay humanap nang sirvienteng datihan sa ganitong pagcain, sapagca,t, cun di matuto ang naglilincód sa dulang, ay mahihiya ang may piguing. Ang iba,i, may ugali, na pagcatapos cumain nang isang potage, ay naghahalili nang pingan at cubiertos, magmasid ang pinipiguing at maquiugali sa caniyang casalo. Quilanlin naman nang may piguing cun sino ang caniyang pinipiguing at carampatang bagayan. Tingnan cun may ganitong ugali, at paquibagayan. Nang di magcagulo-gulo ang pámamahala sa mesa ay nauucol maghandá nang maraming pingang malinis sa isang bucód na mesa, at magca hali halili. Pagcatapos nang puchero, may ugali ang iba na isinusunód ang man~ga guisado at saca ang prito, asado ó inihao. Ang salsa, ay ilalagáy sa salsero[8] na carániuang gamitin sa man~ga asado. Ang salsero ay houag saosauán, sapagca,t, isang casalanlaan.

Cun cailan~gang magsangcap nang salsa, ay magbuhos nang caunti sa caniyang pingan, at cun ang salsero,i tasa lamang ay caoquin nang cucharang malinis. Ang cuchara ó cuchillong marumi, ay di dapat gamitin sa ulam na nasa mesa, at nang di pangdirihan nang iba. May isa namang ugali, na ang namamahala sa mesa, at namamahagui nang ulam, ay ang man~ga casambahay ó caibigan caya nang may piguing. Ang isdá cun malaqui, ay dapat namang ilagay sa isang platong mahaba, at cun babahaguinin sa lamesa, ay hahatiin nang cuchillo sa taguiliran, magmulá sa ulo hangang buntot, cun maubos ang isang taguiliran ay isusunod ang cabilâ. Cun ito,i, maubos naman, ay itaas ang tinic, at saca isunód na ipamahagui ang bandang tiyan. Cun ang isda,i maliliit, ay ipamahaguing boó. Cun may calac han ay pagputlin-putlin. Ang pugo ay boong ipamahagui, cun malalaqui ang ibon ay pag-puputlin-putlin sa isang pingang bucód, huhulihin ang casucasuaan nang pacpác, hita at nang huag paghirapan, ang pichó ó dibdib, ay cucunin nang paayón sa estauan, boó-boong piraso at di duduroguin. Ang jamon naman, ay lalapain muna ang tabá, na di ihihiualay sa casama, bábaligtarin ang balát na linapláp saca cucunin nang pasalapsáp sa loob, paayon sa quilabot, ninipisán nang pacuha cun ilang lapang, ang cailan~gan, ay siyang ipamahagui, at saca itataquip ang linapnáp na tabá. Ang iba,i, may ugali, na hinihiuang manipis nang paputól ang jamón. Sa pabo nama,i, ang unang quinucuha,i, ang buchi, isinusunód ang hita, at saca ang dibdib, na hinihiua nang pahabá. Di ang caraniuang gamit ay ang trinchante.[9]

Ang pastel at relleno, ay inaalisán muna náng pinacataquip, quinucuha ang lamán, at ang pastel ó masang nacabalot sa lamán ay hihiuain nang pahabá. Cun ang laman ay ibon, ay ibubucod. Cun ang pastel ay manipis, mumulan ang hiua sa bandang guitna. Ang inihao na baca, ay hihiuain nang pahalang sa lamán, ang tupa ay paayón.

Ang man~ga biling ito, ay siya ring susunód sa man~ga guisado. Ang man~ga bun~ga nang cahoy cun i aabót sa iba at uala sa pingan, ay duroin nang tenedor, at houag hahauacan nang camáy. Ang man~ga binatang nagiibig matuto, ay mag-aral sa sarili nang houag mahiya pagdating nang capanahonan.

Houag ihahahauac ang daliri nang ano man sa mesa cun di ang gagamitin ang cochillo,t, tenedor.

Sa pingan ó sa vasong ini inomán ó quinacanan, cailan man ay magtitirá nang coanti. Banlauan ang ano mang quinacanan at saca inomin ay isang catacauan.

Ang paggamit nang cubiertos ay marahan, houag n~gan~galotin nang n~gipin at houag namang n~gabn~gabin nang labi.

Ang magauit sumutsót at dumhán ang iba nang sabao, ay nacarurumí, para rin naman nang sumigao, mamintás nang ulam, mamulá sa iba, magmadirihin sa quinacain, sapagca,t, nacahihiyá sa may piguing, at nacagagalít sa iba. Cun magsasalitá ay sayahan, n~guni lalangcapán nang cahinhinan; houag maglalasing, sapagca,t, cun mapagdimlan na ang isip, ay di na maalaman ang guinagaua ó sinasabi.

Houag magpaquita nang quilos masamá, na para baga nang mamualan, dumampót nang lapang lapang na ulam, ó tinapay, uminóm nang maraming alac, nang di mauicaang matacao ó lasing.

Cun tumama nang pingan ó ulam na marumi, ay houag ipahálata sa may piguing na pinangdidirihan, ibigay sá sirviente at nang halinhan nang ibá.

Cun may capintasan ang handa, ay ualing bahala; ang ipaquiquita,i, saya, at pasalamatan ang nagpiguing sa anyayang bigay puri sa piniguing.

Ugali nang taga Europa, na sa pagcain ay nagsasalit nang tagay na sinasamahan nang pan~gun~gusap na tulá, at cun minsan ay di tulá, na ang cahulogán, pagnanasá nang cagalin~gan sa hari ó reina, ó ibang pinuno, ó sa may piguing caya. Cun minsan, ay unang nan~gun~gusap nang patindig, ang pinaca puno sa mesa, pagtindig niya,i, susunod ang lahat; at sa paginom naman nang alac ay ganoon din. N~guni,t, ang baua,t isa, ay may sariling copa ó vaso.

Máy bucod namang brindis ó tagayan na isang tatlo apat lamang sa mesa ang nagtatan~goan nang ulo, na ang cahulugán, ay pa papáhayag nang cani canilang pagiibigan at pagmamahalan.

Ang camahalan nang asal sa pagcain, sucat pagaralan hangang bata, nang pagca bihasahan, at nang di n~gan~gapa-n~gapa pagdating nang capanahonan.

Si Honesto, Feliza, pagpilitan mong matuto, sapagca,t, capurihan mo,t, caran~galan naman niya. Cun nagtatacá ca,t, aco animo,i, isang dalaga, ay hindi bagay ang gumauá nang madlang bagay na dito,i, sinasabi, ang sagot co sa iyo,i, di co guinagaua,t, di co nacacayanan, palibhasa,i, di ucol sa babaye. Isinulat co sa iyo,t, nang may pagcaaninauan si Honesto. Adios, Feliza, in~gatan ca nauá nang Dios.—URBANA.


SA PAGPAPACIAL


Si Urbana cay Feliza.—MANILA....


FELIZA: Cun si Honesto,i, isasama mong magpacial, ay papamihasahin sa paglacad na mahinhin, ang biling cong ito,i, sa iyo,t, sa caniya,i, ná-uucol naman. Cun nagpapacial ay houag tutulinan ang lacad, lalo,t, cun may ibang casama. Houag magpapaquita nang cayaban~gan, na iquinacayangcang ang dalauang camáy, ang liig ay naninigás at pacailagan ang palalong äsal, na máquiquita sa ibá, na cun ilin~gon ang muc ha,i, casama pati catauan na parang naninigas.

Cun ang tauo,i, manlalansan~gan, ay bago manaog sa lupa, ay isaloob muna na siya,i, hamac na ood, anac sa casalanan, hilig sa camalian, caya magpacain~gat man, ay nagcacamali rin. Cahit ang cabaita,t, para nang cay David, cahit ang carunu~ga,i, para nang cay Salomon, cahit ang cayamana,i, para nang cay Asuero, ay magcacamali rin at capilitang mapipintasán din.

Cun lumalacad sa daan huag magnanasang mapuri nang lahat, sapagca,t, cun may isang pumuri ay sampuó ang pupúla. Huag isasaloob ang caniyang carunun~gan, camahalan, cagandahan at dalang cabutihan, ang alalahanin ay ang sarili niyang casiraan at dalang capintasan, at nang matutong magpacababa nang loob at asal, malayo ang capalaloan, at houag mamihasáng maghambog nang di tauaguing ulól. Sa isang dalaga naman, ay di nababagay ang paglacad na pinag-áaralan, ang magpaquin dingquinding at tumin~gin nang pasuliáp sa naquiquitang binata, sapagqa,t, icapupúla sa caniyang asal.

Cun ang isang dalaga ay mag paquita sa lacad, sa quilos, at pagtin~gin nang laban sa cabaitan, ay parang nagaanyaya sa lalaqui, na siya,i, aglahiin nang masamá.

Cun pinagcalooban nang Pan~ginoong Dios nang cagandahan, ay alagaan at paca-in~gatan na parang isang lirio, bacuran nang cabaita,t, tinic nang cahinhinan at nang di pan~gahasang pitasin nang salangapang na camáy.

Houag ipagpalalo, houag magnanasáng mabunyi,t, mabantóg, sapagca,t, di ang cagandahang tulad sa bulaclac na madaling malanta, agád cumucupas, di ang cariquitang para nang oropel, na ang buti at ningning ay pandayang mata, cun di ang cabaitan at ang tacot sa Dios ang pinacamamahal nang tauong may bait, siyang hinahanap nang haring Salomon, at ipinupuri sa isang babaye.

Houag magnanasang mabunyi sa cagayacang hiyas at cariquitan, at baca mahilo sa incienso nang puri, suyo at lamuyot, na isinusuob nang cabinataa,i, mapagdimlan ang isip at mapagdayaan.

Paca isipin nang dalaga, na ang caniyang puri, ay maipaghahalimbaua sa cayamanan, sa hiyas na iisa-isa na ini-in~gatan, sa minsang masira,i, di na maooli, sa minsang malaglág ay di na madarámpot. Tulad sa maningning at malinis na bubog na sa minsang mabasag ay di na mabubuo.

Paca iin~gatan nang isang dalaga, sapagca,t, sa minsang manacao nang tacsil na loob, ay ualang magagaua, cun di ang tuman~gis, n~guni, tan~gisan ma,i, di na macucuha ang ipinanacao na hiyas.

Cun nanglalansan~gan ang isang babaye, at napamumutihan nang mariquit na damit at mahahalagang palahiyasan, at parang naguaualang bahala, sapagca,t, masamang tingnan ang palaguin nagaayos sa daan, hindi matuloy ang lacad, at toui na,i, pinagmamasdan ang boong catauan.

Cun papasoc sa isang halaman, ay houag man~gahas muti nang man~ga bulaclac, mitas nang bun~ga nang man~ga hálaman, cun di pinaguutusan nang may ari.

Cun may papanhiquing bahay, ay houag darampot nang anomang casangcapan, ó laroan caya, sapagca,t, isang capan~gahasan.

Cun ang bata,i, may casamang matandá, ay houag tutulinan ang lacad, at alalahanin ang cahinaan nang caniyang casama.

Cun ang capacialan ay isang guinoó ó mahal, ay houag man~gun~guna, ó umagapay caya, cun di magpahuli nang munti, houag namang tumiguil cun di sila ang magpauna. Cun pipihit at babalic sa pinangalin~gan, ay houag magpapauna, at cun pipihit na,i, houag tatalicuran.

Cun nagpapaalam na, at maghihiualay na sa pagpapacialan, ay houag magdaan ang bata sa haráp nang matanda at ang sila may magcapoua bata, ay houag tatalicuran ang casama cun di ang ucol ay ang harapin.

Cun ang casama ay mataas sa caniya, ay cacananin, n~guni, cun nalacad sa tabi nang bacod sa acera caya, ó latag na bato, na nasa tabi nang bahay na para rito sa Maynila, ay doon ilalagay ang mataas, ó mahal, cahima,t, mapa sa caliua.

Cun tatlo ang nagpapacial, at magbabalic at pipihit na lahat, ang paguiguitna ay ang quinacanan nang nangaling sa guitna: cun nagcaca-apat, ang paguiguitna,i, ang dalauang na sa tabi; n~guni, magin~gat sa pagpihit, at houag talicoran ang capacialan.

Ang reglang itó, ay susundin maguing sa bahay at sa lansan~gan man nagpapacial.

Cun ang nagcacasama ay tatlong di magcaisang uri, capala pa,i, di ang mahal sa lahat ang iguiguitna, at cun baga sa lansan~gan nagpapacial at pipihit na lahat, ang mataas ay ilalagay sa acera, ó sa tabi nang bacod, ang paguiguitna,i, ang pan~galaua niya sa uri.

Cun ang bata, baguntauo ó binata, ay may casamang matanda, mahal, ó guinoo at may maquitang caquilala, ay houag tumiguil na maquipagsalitaan at nang di matalicdan, na parang pinauaualang halaga, ang quinacasamang mahal, bucod dito,i, di dapat na papaghintayin.

Cun baga sacali,t, magsisitiguil at tatayó, ay masamang tingnan ang pagsaclitin, ó papagpatun~gin ang paá, ó pacaang-caan~gin caya, na parang naghahambog.

Ang magpalin~gos lin~gos sa raan, magtacá, mamaang sa ano man, na parang noon lamang naquita, ó maquipagsalita caya sa matanda na para nang sa bata, ó magsaysay caya nang ano man na parang siya lamang ang naca-aalám, ay isang casalanang nacalulupit. Cun masalubong ang bata nang sacerdote, maestro ó mahal na tauo, ay pagpugayan, at cun sacali,t, siya,i, titiguilan at sasalitain, ay houag ilalagay ang sombrero sa ulo, hangang di pagutusan, at pagutusan ma,i, houag ilalagay na madali, cun di uliting macalaua, ó macaitlo.

Cun ang na sa ulo,i, panyó ay carampatang alisin, cun maquiquipagusap, maguing sa lansan~gan man, at maguing sa bahay, lalo,t, cun nagsisilbi sa dulang.

Masama rin namang caasalan sa lansan~gan ang tingnang palagui ang chapin, ó chinelas, pagpaguin cun di cailan~gan, bunutin sa paa,t, bitbitin sa camay ó quipquipin caya sa quiliquili, ang lahat nang ito,i, nacatatauang tingnan, maguing sa lalaqui; gayon din naman sa lumalacad na lumalagapác ang paá, sasaga-sagadsad, sapagca,t, naquiquilala na hindi datihan ang paang sangcapan nang chinelas at chapin.

Ang lalaqui o babaye na cun lumalacad sa simbahan, ay di nagdarahan, ang tulin ay di hamac at cun nagchichinelas ay sumasagadsad, bucod sa masamang tingnan, nacalilibang sa nagdarasal na tauo, nacapagbibigay galit at di malayo macayurac sa nan~galuluhod, ay nagpapahayag na uala sa caniyang caloob ang pagpasoc sa bahay nang Dios.

Sa pagpapacial naman at may datnang lu~gar na paghin~galayan at ang man~ga binata,i, may casamang mahal na tauo, ó man~ga babaye, cun sacali,t, man~gagsisiloclóc, ay magparaya ang man~ga binata sa mahal na tauo, ó man~ga babaye cun sacali,t, ualang maraming bancó, ó man~ga taboreteng mauupan. Cun ang bata ó baguntauo, ay nagpapacial na casama,i, capoua binata, ay iilagan ang masamang ugali, na nagyayacapan, cun minsan nagaauitan ó naghihiyauan parang ulól, ó nagaaglahian nang mahalay, sapagca nagpapahayag na ualang pinagaralang bait.

Caiin~gatan mo, Feliza si Honesto, houag ipahintulot na maquisama at maquipagibigan sa capoua batang masama, sapagca, cun may caunting bait na inin~gat, utang sa pagcacalin~ga ni ama,t, ni ina, masisira, cahina hinayang, sapagca,t, cun ano ang maquita sa capoua bata, ay siya ang gaguin.

Cun magcagayo,i, sayang nang magandang aral na tinangáp sa magulang sayang nang canilang puyat, sayang naman nang puyat mo. Dito nauucol yaong refran nang castila: sabihin mo sa aquin cun sino ang casa-casama mo, at tuturan co naman sa iyo cun icao ay sino. Ang cahuloga,i, cun ang casamahi,i, may bait, ay bait naman ang matutuhan nang bata, at cun masamá ang casamahin, ay masamá rin naman ang matututuhan.

Cun si Honesto na sa lansan~gan, ay houag mong tulutan na maglalaong lubha, maquiquipagpacial sa batang ualang bait, at nang houag masira.

Cun may causap sa lansan~gan, na maguing mahal mang tauo, ó capoua bata, ay itutunton sa guhit ang asal, quilos at pan~gun~gusap, at houag magasal han~gal. Adios. Feliza, hangan sa isang sulat.—URBANA.


ALIUAN


Si Urbana cay Felisa.—MANILA....


FELIZA: Dito,i, ang ipahahayag co sa iyo, ay ang aasalin ni Honesto, sa paquiquipagaliuan sa capoua bata, at ang paglalaro cun siya,i, lumaqui na. Ang isip nang tauo ay para rin naman nang tauo, na nahahapo cun mapinsalaan sa paggaua. Ang malabis na pagaaral, ang magisip na palagui, ang magpuyat sa pananalan~gin, na bahagya na macapagpahin~ga ang catauan, sa oras na quinacailan~gan, at ano mang gauin nang tauo pag di natunton sa guhit, ay nacapagcaca-saquit, caya itinutulot ang pagaalio, nang may pagcaguinhauahan ang tauo, may pagcaliban~gan at nang houag maginit ang ulo. N~guni, at sapagca ang lahat nang gagauin nang tauo, ay i-aalinsunod sa regla, cun ang pagaalio, na isa rin namang cabanalan ay napapasinsay ó napapacalabis, ay naguiguing vicio.

Ang paglalaró nang bata sa capoua báta, ay ilalagay sa catamtaman at houag itulot sa caniyang puso ang anomang camalian na icapipintas sa caniyang asal.

Houag lilimutin ang cabaitan, cahinhinan, at sa caniyang calaro, ang ipaquiquita,i, magandang loob na lalancapan nang pagpaparaya cun cailan~gan.

Cun nananalo, ay houag magparamdam nang malabis na toua, at cun sacali ma,t, matouá ay houag magpaquita nang quilos na sucat damdamin nang caniyang tinalo, houag hahalachac na parang ipinagtatagumpay ang pananalo, sapagca,t, hindi man magalit, ay capilitang masasactan ang nagahis na calarô.

Cun natatalo naman ay houag magpahalata nang calumbayan ó cagalitan at nang di mauicaan na masaquim sa salapî.

Sa pagdampót nang salaping panalunan, ay houag limutin ang cabaitan.

Ang paninin~gil nang pautang sa oras nang paglalarô, ay houag gagahasaan.

Cun ang pananalo,i, nagcacaalan~gan, na ang magcacalarô ay may cani-caniyang matouid na inihahanay, ay ipahahayág nang banayad, at houag sisigáo-sigáo ó magpapahalatá caya na ualang inin~gat na mahinhing loob.

Ang pagcaisahang hatolan na dapat matalo sa inaacala mang siya,i, may matouid ay magparayá at ang isaloob, ay ang nagsihatol ay may bait na tauo,t, ualang quinacabig at ualang iniiring. Sa matouid ma,t, sa hindi ang caniyang pagcatalo, ay houag magpahalata nang galit, houag ipagtapunan ang baraja ó anomang pinaglalaroan, tatadyác caya,t, sisicad houag cucumpas cumpas sapagca,t, ang gayong quilos, ay laban sa mahal na asal. Paganhing saysayin, sa pagaalio, ay houag lilimotin ang tapát na paquiquipagcapoua tauo, at diyan maquiquilala cun may pinagaralan.

Caiin~gatan mo, Feliza si Honesto, na maquipaglarô sa malulupit na bata, sapagca,i, di man pagaauay ang caniyang matubo, ay pan~ganib na mahaua sa canilang casamaan. Cun may matandang maganyaya sa bata sa paglalarô ay houag cara-caraca,i, papayag, sapagca,t, cun masda,i, isang capan~gahasan.

Cun ang larô, ay baual nang Superior Gobierno, nang Santa Iglesia ó nang caharian, ay tumangui nang banayad, at mahan~gay siya,i, paghinanactan sa pahinuhod sa di matouid.

Cun sa paglalaro,i, may dumating na matandá ó guinoó, at ualang maupan, ay tumindig, at ipagcaloob ang caniyang loclocan.

Hangang naglalaro,i, houag patatalong tiquis, at nang di uicain na naglalaro,i, masamà sa loob, ó naguulol-ulolan.

Cun ang calaro,i, cagalang-galang na tauo, at nagagalit dahil sa natatalo,i, houag magtindig sa larò hangang di macabaui, ó siya caya,i, tulotang umayao; at cun matalo naman ay nauucol na tumindig at houag umutang magcabi-cabilá.

Cun aalis na sa larò, ay houag magpaquita nang galit ó calumbayan, sapagca,t, parang pinipilit ang tumalo sa caniya na maglaban uli hangang di macabaui; cun magcagayon, ay ano ang uiuicain cun di ang siya,i, hindi marunong maglihim nang inin~gat sa loob. Adios, Feliza, hangang sa isang sulat.—URBANA.


CABAGAYAN

NANG PAQUIQUIPAGCAPOUA TAUO.


Si Urbana cay Feliza.—MANILA ...


FELIZA: Cun icao ay maquiquipaglipon, ay pagiisipin ang sariling calagayan ang sa quinacaharap, ang caniyang asal at caugalian, at ang lugar na pinaguusapan; cun ang lahat nang ito ay hindi limutin sa paquiquipagharap ay di masisinsay ó masinsay man ay munti lamang, sa man~ga cautusang guhit nang paquiquipagcapoua tauo. Caya magmula sa pagcabata hangang sa tumanda, ay magaral maquibagay sa capoua tauo at, bagayan naman ang lugar na pinaguusapan. Ang magagaua sa sarili, ay di maaari sa harap nang iba; ang mauiuica,t, magagaua sa bahay, ay di mababagay sa lansan~gan, at ang magagaua sa lansan~gan, ay di mababagay sa Simbahan. Caya sa paquiquipagcapoua tauo, ay isasaloob cun sino ang caniyang cacausapin, ang lugar na paguusapan, at cun ano ang ipaquiquipagusap, at ang lahat ay habagayan. Ang mabibigcas na sabi sa isang maalio na salitaan, ay di mababagay, sa pagpupulong sa namatayán: sa ibang sulat, Feliza, sasaysayin co sa iyo ang masamang caasalan na dapat ilagan sa bahay nang namatayan: at ang gagauin: ang mauiuica nang lalaqui ay umaan~gat sa babaye; ang bagay sa baguntao,i, di babagay sa dalaga; ang maigagayac nang bata ay di babagay sa matanda, sapagca,t, mauiuica, na ibig manaog sa baonan na batbat nang yaman, hiyas at pamuti. Ang bumigcás nang salita na malayo sa pinaguusapan, ay nagaanyayang tauanan; caya ang tauo,i, maquiquibagay sa caniyang capoua, at ang caniyang gaua, quilos at pan~gun~gusap, ay pagbabagaybagayin at nang huag matauanan. Sa halimbaua, patutun~go sa bahay nang isang piguing, nagsasaya,t, tumangáp nang magandang capalaran, caran~galan ó catungculan, ay di nauucol magdamit nang marun~gis, magpaquita nang malumbay na muc-ha, sapagca,t, ang caniyang sadya ay ang pagbibigay nang en hora buena, ang cahuluga,i, ipahahayag ang quinacamtán niyang toua sa nabagong palad nang caniyang pinagsadya. Cun magpaquita nang calumbayan ay parang nagsasaysay na siya,i, nananaghili; caya ang quilos at pan~gun~gusap ay iisipin, na ibagay sa touang ipahahayág.

Ang tauong nagagalit ay houag aaglahiin, sa pagca,t, lalong magagalit. Ang bata,i, houag man~gan~garal sa matandá cun di may catungculan, at capoua man bata ay di sucat man~garal, cun inaacalang di mamatapatin. Cun man~gan~garal sa capoua tauo, ay babanayarin ang sabi, houag gagahasain, at itama sa oras na mamatamisin sa loob, at di ang sino ma,i, macapan~gan~garal sa caniyang capoua, cun di ang may carapatan, caya bagay-bagay ang man~gan~garal at inaaralan, at ibagay naman sa panaho,t, oras, sapagca,t, cun di magcabagaybagay, ay di macagagaling cun di macasasama ang bibitiuang aral. Ang sasalin nang pan~ginoon sa alila, ay iuucol sa caniyang pagcalagay; at nang siya,i, igalang; n~guni,t, di nauucol ang mahampalasan, ó magpaquita caya nang cagahasaang igalang cun di ang carapata,i, lumagay sa caniyang pagcalagay; di ang calupitan, cun di ang magandang loob ang ipaquiquita at nang pintohoi,t, mahalin. Houag lilimutin nang pan~ginoon, na ang caniyang alila,i, quinapál nang Dios, calarauan nang Dios, tinubós nang mahal na dugó nang ating Pan~ginoong Jesucristo; cun dito sa ibabao nang lupa,i, tinitin~gala siya doon sa isang buhay, sinong macaaalam cun siya naman ang titin~galá; dito,i, nacapagpaparusa cun may casalanan, doon sa arao nang paghohocom sa sangcatauohan di na naaalaman, cun ano ang masasapit; cun maguiguing isá sa magsisihatol sa caniya; alalahanin naman nang alila, na ang mababa niyang calagayan, ay tulot nang Dios, at parang isang hagdang pinaaacyatan sa caniya, sa pagpanhic sa lan~git; at ang paglilincod sa caniyang pan~ginoon, ay icararapat sa Dios, ipagcacamit nang caloualhatian cun minamatamis sa loob, nagtatapat sa pan~ginoon, at tumutupad nang catungculan. In~gatan nang pan~ginoon ang puri nang alila, at gayon din naman ang alila sa pan~ginoon, at houag iba bantóg cun may maquitang camalian, lalo,t, cun icasisira nang puri ay pacain~gatan. Capagnan~gahas manira, ay pan~gin~gilagan, mapaguiuicaan na ualang inin~gat na bait. Paganhing saysaying ang tapat na paquiquipagcapoua tauo ay isang tapat na pagibig, caya ang quinaoouian ay ang pagbibigay lugod sa capoua. N~guni,t, ang pagbibigay lugod na ito, ay may guhit na tinutunton. Cun ang hinihin~gi, sa atin nang capoua, maguing camaganac man at caibigan, ay sinsay sa matouid, ay di dapat pahinohod cahit ipagdalang poot at icasira man nang pagiibigan Sinasalitâ sa historia, na si Rotilio, ay pinaghinanactan nang isa niyang caibigan, dahil sa di napahinohod sa isang di tapat na cahin~gian caya pinan~gusapan nang caibigan at uinica: ¿ano ang capansanan nang pagibig mo sa aquin, cun di ca macapagbibigay loob sa hinin~gi co? ang gayong pan~gun~gusap na may hinanaquit ay sinagot ni Rotilio nang tapát: aanhin co ¿naman ang iyong pagibig cun maguiguing daan na ipipilit mo sa aquin sa paggauâ nang di catouiran? Gayon man ang marunong maquipagcapoua tauo, cun di man mangyaring macapahinohod sa namamanhic sa caniya, ay sinasagot nang banayad, binabagayan nang masayang muc-hâ. Ipinaquiquilala, malaqui disin ang caniyang nása na magbigay loob, ay hindi mangyari,t, di macayanang gauin, ó nasisinsay caya sa catouiran. Ano pa n~ga,t, ang caniyang sagót na ayao, ay sucat calugdán nang namamanhic na rin nang óo.

Ipinaguutos din naman, na cun magpapautan~gan nang loob, ay houag papaghintay hintayin ang namamanhic. Cun may sumasanguni,t, nunuha nang hatol, ay houag sumagót nang mataás na sabi, cun di banayad, malamig at cauili-uili, houag magpapangáp marunong, houag magaama-amahan, at sa caniyang sagót ay ipahahalalâ ang magandang nása nang loob sa capoua. Ano pa nga,t, cun icao. Feliza at ni Honesto, ay matutong maquipagcapoua tauo, ay ang inyong quilos, asal at pan~gun~gusap, ay magdaramit nang cariquitan na maca bibihag nang puso.

Ibig co disin, na ang man~ga sulat cong ito ay basahin mo, at gayon din naman si Honesto, houag ang minsan cun di ang maminsan-minsan, sapagca,t, cun minsan lamang, matalastas man ang cahulugan ay madaling malimutan; cun basahin toui-touina, may malimutan man ay maaalaala, at ang macaligtaan sa man~ga unang pagbasa ay maaaninao sa icalaua; ang di na pagaralan nang una, ay mapagaralan sa huli, caya ipinanamanhic co na basahi,t, basahin. Adios, Feliza, hangang sa tayo,i, magquita diyan sa Paombong—URBANA.


ANG PAGDALAO


Si Urbana cay Feliza.—MANILA ...


FELIZA: Isa sa m~ga gauang tapat na ipinaguutos nang paquiquipagcapoua tauo, ay ang pagdalao sa camaganac, caibigan ó caquilala cun capanahonan, cun dinadalao nang masamang capalaran ó namamatayán cayá, ay carampatang dalauin at maquiramay sa catouaan, ó aliuin caya sa hirap. Ituro mo Feliza cay Honesto, cun papaano at cailan gagauin ang pagdalao.

Ang unauna,i, gauin sa capanahonan, at pag di natama sa oras ay naiinip ang dinadalao, at magdadalang hiyá ang dumadalao. Sa oras na may guinagaua, lalo,t, cun nagagahól sa panahon cun cumain, humahapon ó nagdarasál ay di na uucol gauin, maliban na lamang cun magcadatihan ang nagdadalauan. Caya dapat ipagtanong ang caugalian (nang bayan at sa lahat nang caquilala) at nang houag madalao sa panahong di ucol. Cun nacasara ang pintóan nang daan, ay tugtuguing banayad at houag dalás-dalas.

Cun pumapanhic sa hagdanan, ay patatao, at cun may casamang tauo na ucol igalang ay ilálagay sa maguinhauang panhican.

Cun may casamang matanda, at di macacaya, ay tulun~gang pumanhic, at alalahanin ang panahong haharapin.

Cun may casamang mahal na babae, ay ilagay sa canan ó sa lugar cayang ucol sa caniyang calagayan.

Cun pumapanhic na sa hagdanan, ay magdarahan nang pagtungtong sa baitang at houag magin~gay at cun may masalubong na matanda ó guinoó ay tumiguil at paraanin sa canan ó sa mabuting daanan.

Pagcapanhic nang hagdanan, ay houag caracaraca,i, tutuloy, magpasabi sa alila cun mayroon, at cun uala ay tumugtóg nang marahan sa pinto at nang mamalayang may táuo.

Cun datnang bucás ang pintoan nang salas ó cabahayan, silid ó iba cayang pitac nang bahay ay houag sisilip-silip; at sala sa cabaitan.

Cun macapagbigay na nang galang sa may bahay, icao ay patoloyin sa cabahayán at paupoin ca, ay lumagay nang mahusay, houag magpaquita nang cagaslauán, na para baga nang man~guyacoy, magpatong nang paa at magpaquiling-quiling.

Cun may dalang sombrero at tungcód, ay houag ilalagay sa lamesa, canafé, cun di sa inaacala na mamatapatin nang may bahay: lalong ibinabaual, na ilagay sa hihigan. Cun ang dinadalao ay maquita na may gagauin, cacain ó aalis caya, ay houag aabalahin, at ang catampata,i, magpaalam.

Cun sa iyo at ni Honesto ay may dumalao sa oras na di ninyo ibig, ó cayo caya,i, naaabala ay houag magpahalata na ibig na ninyong umalis ang panaohin at cun magpahalata man ay binian.

Cun ang dumadalao ay mahal na tauo, ay samahan hangang sa daan, at sacali,t, gabi ay tanglanan nang candilang may nin~gas cun mayroon.

Cun cayo ay dumadalao, at sa pagalis ay sasamahan cayo nang may bahay, ay magpasalamat at ipamanhic na houag nang maabala.

Cun sa inyong pagpupulong ay may dumating na ibang tauo na di caratihan, sa caratihan man sacali at inaacala ninyo na may ipahahayag na lihim, ay houag abalahin, magpaalam sa, may bahay at sa lahat.

Cun lalaqui ang dumadalao sa isang babaye, ay di catungculan ihatid pa sa hagdanan ó sa daan, maliban na lamang cun totoong mahal na tauo; n~guni, ang lalaqui ay dapat maghatid sa babaye at catamtamang ilagay sa canan.

Cun cayo,i, dalauin ay dapat gumanti, at cun cayo,i, anyayahan sa isang piguing nang iquinasal ó ano mang pagcacatoua, ay nauucol na sa loob na ualong arao ay gantihin namang dalauin na parang pagpapasalamat sa caniyang paquitang loob.

Cun cayo,i, anyayahan sa bahay nang binyag ó libing at di nacapag ibigay loob, cun macaraan na, ay carampatang dalauin at ipahayag ang cadahilanan. Cun cayo naman ang pa sa libing ó sa bahay caya nang namatayán, sila naman ang may catungculan na gumanting dumalao.

Ang anyaya,i, magagaua sa bibig ó sa sulat at ang inanyayahan, cun ibig pahinuhod ay houag magpairiiri at sa ibig sa ayao ay pasasalamatan ang gayong paquitang loob. Cun sacali,t, aayao ay tumangi nang mahusay, at ang dahilanin ay ang man~ga gauain at iba pang bagay na paniualaan; n~guni caiilag sa cabulaanan.

Pag napaoó, ay houag sumala sa oras na taning; at cun di macatupad nang pan~gaco, ay sabihin ang pinagcadahilanan, at di carampatang sumira nang pan~gun~gusap, maliban na lámang cun may tunay na pinagcaabalahan. Alamin ang oras nang houag dumating na maaga, at houag namang mahuli.

Feliza, si Honesto palibhasa,i, bata, hindi malayo na sa paquiquipagcapoua tauo, ay magpaquita nang capusucán nang loob; cun macarinig nang uicang di dapat, cun magcabihira,i, di macapagpaparaan, caya pan~gun~gusapan mo na iilagan ang paquiquipagtalo.

Cun macarinig nang di catouiran at di mapan~garalan ang nan~gusap, ay paraanin; cun ang marinig ay lihis sa catotohanan, ay houag sagasain, nang di pagtalunan.

Si Honesto,i, na sa panahon pa nang pagaaral nang ucol sa Dios, ganang sarilí at sa paquiquipagcapoua, tauo, caya turoan mong tumupad, nitong tatlong catungculan, na catampatang pagaralan nang isang batang cristiano.

Cun matutong cumilala, sumambá,t, mamintuho sa Dios, ay di lalaquing bulàg ang isip, matututong umilag sa casalanan mamimihasang gumaua nang cabanalan, matiticman ang cáguinhauahan at magandang capalarang quinacamtan dito sa ibabao nang lupa nang isang catoto nang Dios, na sampong sa hirap at casaquitan ay nacaquiquita nang toua,t, caligayagahán; inaaring cruz na magaang pásanin, minamatamis sa loob, tinatangap nang boong pagibig, at palibhasa,i, natatanto na di macasusunod cay Jesucristo, di magcacamit nang lan~git, cun di magpasán nang cruz.

Natatanto rin naman na nag cacadalaua ang hirap nang di marunong umayon sa calooban nang Dios; hirap na ang dumarating, ay naghihirap pang lalo sa di pagcatutong magtiis, sapagca,t, iquinagagalit, at cun minsa,i, ipinagn~gan~galit na,i, di rin maalis sa hirap. At hangang ipinagn~gan~gálit ay lalong nalubóg sa hirap, n~guni ang marunong magtiis, ay magtiis, nacararanas nang toua sa hirap, sapagca,t, inaaring cruz na bigay nang Dios, at minamatamis sa loob.

Cun si Honesto,i, matuto nang catungculang ucol sa caniyang sarili, cahit ualang tauong sucat sacsing cahihiyan, cahit ualang sacsing sucat macaquita na sa caniya,i, sumisi, ay di pahihinuhod ang loob sa isang licong isip, di mapapanibulos sa isang gaua cayang lihis sa matouid, at palibhasa,i, natatanto ang boong cahulugan nang masama at magaling.

Cahit paghandogán nang boong cayamanan at caran~galan sa mundó, cahit pagpisanan nang lahat nang hirap, cahit icatapos nang buhay, ay di magpapahamac gumaua nang icasisira nang sariling puri, palibhasa,i, natatanto yaong matouid na hatol nang Dios Espíritu Santo na isinulat ni Salomon: magpilit cang magin~gat nang magandang pan~galan, ang cahuluga,i, magmahal ca sa asal.

Cun matutong maquipagcapoua tauo,i, magpapacailag sa quilos, asal at pan~gun~gusap na macasusucal sa mata nang iba, at di man cusain, ay calulugdán at iibiguin nang lahat.

Ipagcaloob naua nang Dios na matandaan at itanim sa dibdib ni Honesto itong maicling hatol na isinulat co sa iyo, at nang malagui sa pagibig sa Dios, at matutong magpacamahal sa asal. Adios, Feliza, hangang sa isang sulat.—URBANA.


CALASIN~GAN.[10]


Si Urbana cay Feliza,—MANILA....


FELIZA: Sa pagcamasid co na sa maraming bata saan mang bayan, ang isa sa man~ga nacasisira ay ang malabis na paginom nang alac na naquiquita,t, namamana sa paquiquipagibigan; sa sulat na ito, minatapat co na siya cong saysayin sa iyo, at nang pagpilitan mo na si Honesto,i, macailag sa masamang caibigan at nang houag mahaua sa canilang vicio. Cun ang batang iya,i, lumaqui,t, maguiguing baguntauo, icao ay lumamagay na parang pan~galauang ina, at ipan~garal mo yaong magandang hatol ni Tobias sa anac: houag cang maguicain at maqui-inom sa masamang tauo, at nang houag cang sumamang para naman nila. Cun ang tamaan ni Honesto ay man~gin~ginom, mauilihin sa taberna, ay di malaon at cun áno ang asal nang casáma ó caibigan, ay siya namang aasalin. Houag din nauang itulot nang Dios na siya,i, magcagayon. Ipaaninao mo na ang paglalasing ay nacasisirá sa caloloua, nacapagcacasaquit sa catauan, nacauauala n~g puri, at nacalilipol nang pagaari. Tingni,t, aquing sasaysayin itong apat na casamán na natutubo nang lasing sa alac.

1.° Ang caloloua na pinamahan nang Dios nang caniyang larauan, pinamutihan nang tatlong capangyarihan, bait, alaala,t, loob, at sa santo bautismo,i, pinagcalooban nang lalong matataas na cabanalan at daquilang biyaya, ang isa sa man~ga graciang ito, na sa caloloua,i, inahihiyas nang lan~git ay nauaualang lahat at palibhasa,i, nagcacasala nang daquila. Pag nagcagayon na,i, ¿ano pa ang quinasasapitan nitong calolouang anac nang Dios sa gracia, cun di ang maguing alipin ni Satanás sa sala? ¿Nasaan ang cabaitan, nasaan ang calinauan nang isip, baquit cun nalalasing na,i, cahit aglahiin, cahit pagtauanán ay di dinaramdam, at palibhasa,i, di nacaquiquilala? Ang hayop ay cahit ualang bait, na para nang tauo ay pinagcalooban nang Dios nang isang bagay, na cahit di matatauag na bait, ay cahalintulad nang bait na iquinaquiquilala nang pan~ganib, na icatatapos nang canilang buhay; n~gunit ang tauong lasing ay ¿nacaquiquilala caya bagá nang pan~ganib na ito, na parang pagcaquilala nang hayop? Cun lumalacad sa daan, cahima,t, may mata na itinitin~gin, ay di naquiquita ang batong catitisuran, ang butas na cahuhulugan at palibhasa,i, napagdidimlán ang isip. ¿Nasaan ang catibayan na ipinagcaloob nang Dios? ¿baquit caya baga máhipan lamang nang han~gin ay susuray suray at guiguiri-guiri? Baquit caya baga,t, cahit isang bata ang siyang magtulac, ó di man itulac at masagui lamang, ay nayuyucayoc at nasusubsob? ¡Tauong caaua-aua at cahabag-habag! na punó nang alac ay nahubdán nang cabaitan, at palibhasa,i, napagdimlán ang isip. Napagdimlán ang isip ay nahubdán nang magandang hatol, na salat sa matotouid na sabi, naticom ang bibig sa tamang salitá, at ang pinapamimilansic sa dilang matabil ay ang panunun~gayao at panunumpâ, ang maruming sabi at uicang mahalay, ang pagyayabang at paghahambog ang pagtatalo at cun magcabihira,i, ang pagtatagaan at pagpapatayan. Pasoquin cun ibig ang bahay nang masasamang piguing, malasin ang pagpupulong sa man~ga taberna, at diya,i, maquiquita ang man~ga casalanang ito. Siyang naquiquita sa man~ga lugar na iyan, at siya rin namang saysay nang Dios Espíritu Santo sa capitulong icadalauang puo,t, tatlo nang proverbios.[11]

Cun sumisirà sa caloloua ang malabis na pag-inóm nang alác; ay sumisira rin naman sa catauan. Dinguin ang catotohanan. 2° Cun dito sa ibabao nang lupa, ay may quinacamtang munting caguinhauahan ang catauan, ay ualang caparis na para nang cun di dinaratnán nang saquít. Ang tauo,i, cahit sacdal hirap, cun masaya ang loob, masiglá, ang catauan, ay tinatauag nating mapalad, n~guni cun datnán nang saquít ay ang buntonán man nang yaman, ang batbatin man nang hiyas, ang punin man nang caran~galan, ang sambahin man nang mundo,i, tauo ring mahirap, at palibhasa n~gá,i, na sa hirap. Caya ang lahat nang tauo,i, nagpipilit umilag sa saquit, at cun sacali datnan, ay ang lalong masaquít na tapal, ang capait paitang painóm, ang patuloin man ang dugo,i, nagtitiis nang hirap, at macamtan lamang ang hinahan~gad na cagalin~gan. Ang lahat ay ninilag sa saqíut, bucod ang mapaglasing na humahanap nang saquit, at nagpapaiclí nang buhay. Ang lalong matibay na catauan ay nanghihina, nagcacasaquit at cahit batang bata ay tumatanda,t, dumadali ang buhay pag nagiinom nang alac. Ang lalong mariquit na culay ay cumucupas, ang muc ha ay namumutlá, ang matá ay naninilao, ang catauan ay nan~gan~gayayat, nalulupaypáy ang licsi nang cabataan, ang siglá nang edad na catanghalian, ang ningning nang cagandahan, ay inaaglahing lahat nang alac: at sa muc-ha nang man~gin~ginom ay gauari may naguguhit na malaquing letra, na cahit sa malayo,i, nababasa ang ganitong, pan~gun~gusap: aco,i, tauong lasing. Si Hipócrates at si Galeno at ang lahat nang médico ay nagpapatotoo na ualang pansira nang catauan na para nang catacauan sa pagcain at nang cayamoan sa pag inom nang alac at uala namang pangtibay na-para nang casiyahan. ¿Ilan caya baga sa ating man~ga cababayan: ilan sa man~ga caquilala ang dinatnan nang peste ó salot, ilan ang namamatay sa masamang han~gin; ilan ang sa taol,[12] ilan ang nalulunod sa dugó dahil sa di pagtitipid nang pagcain at paginóm? Ang lahat nang ito,i, natatantó nang lasing, n~guni di pinapansin, at palibhasa,i, di mapaglabanan ang masamang caasalán.

Ang tiyan nang man~gin~ginom ay maipag hahalimbaua sa isang pusalian, na sinisin~gauan nang lalong cabaho bahoan na sumisin~gao sa catauan, caya cahit ualang lamang alac, ay quinasusuclamán nang capoua tauo, ayao lapitan, at palibhasa,i, nacahihilo. At ang lalong casaquitsaquit, ay ang biglá at masamang camatayan, na tumatapos sa masamang buhay, sapagca,t, pinatataláb sa canila ang uica nang Dios Espíritu Santo: cun ano ang pagcabuhay gayon din ang pagcamatay. Caiin~gat man~ga binata dito sa masamang vicio at linin~gin yaong santong hatol nang ating Pang~inoong Jesucristo.[13] Mahalin ninyo ang inyong buhay caiin~gat at baca mabigatan ang inyong puso sa cayamuan, sa pagcain, sa paginom at sa paglalasing; ay datnán cayo nang biglang camatayan. Ano pa n~ga,t, ang pinaquiquinabang nang lasing sa malabis na paginóm, ay pauang cahapis-hapis, asal na parang hayop, buhay na cahirap-hirapan, may caloloua,i, para ring uala, cun marapa,t, macatindig ay mararapá ulí, at mapupuno na ang ulo nang sin~gao nang alac, ay mahahalang na lamang sa tabi ó guitna nang lansan~gan at ang siya ma,i, pagsicaranan, aglahii,t, pagtauanan, ay di namalayan, at palibhasa,i, cahoy na na cahalang. Caya uala camunti mang inin~gat na puri.

3° Ang puri ay isang mahalagang hiyas, na iguinagayác nang tauo sa caniyang pan~galan. Caya may nagmamahal sa puri, na mahigit pa sa buhay, na sumasagasa sa lalong daquilang pan~ganib, lumululong sa camatayan, houag lamang mauala ang puri na iniin~gatan. Sumasalacay sa lalong maban~gis na caauay, houag lamang masira ang magandang pan~galan. Sa icalabindalaua nang capitulo nang Eclesiastes, ipinagbibilin nang Dios Espiritu Santo, na magin~gat nang magandang pan~galan, ang cahulugan, ay ang boong caasalan nang tauo, ay itutonton sa matouid, ang gaua at pan~gun~gusap ay i-aalinsunod sa utos nang religion Santa nang icararapat sa Dios at pagcamit nang puri nang tauo, n~guni ang santa religion, ang puri at lahat camahalan ay hinahamac na lahat nang man~gin~ginom. Pag napuno na nang alac ay parang ulol na lumalacad sa daan: may mata,y, para ring uala; may tain~ga,i, para ring bin~gi; ang bait ay di magamit caya cun magpasuraysuray, cun marapa at magban~gon, cun maquiling at magtouid at aglahiin nang man~ga bata, pagtauanan at paghiyauanan nang tauo, ay di dinaramdam, palibhasa,i, ualang cahihiyan. Cun may caloloua,i, para ring uala, cun may catouiran man ay hindi macayanan, caya ang sabi ni San Basilio, ay masama pa sa hayóp.[14] Ualang hayop na tulig, ualang hayop na mangmang na para nang tauong lasing, caya panira nang puri sa magulang na pinanggalin~gan, sa asaua, anac at boong cahinlugan; iquinahihiya sa bayan, at palibhasa,i, ualang inin~gat na puri at camahalan. Caya di naman pinagcacatiualaan nang cahit puri at catungculan sa bayan.

Sa isang lasing ¿ay sino caya baga ang magpapahayag nang lihim, aling may bait na dalaga ang macaiibig, alin cayang magulang ang magpapacasal sa anac, aling caya bagang man~ga guinoó ang magcacatiuala na papagpupunuin sa bayan; cun hindi rin lamang nasusuholan nang salapi ó napahihibo sa masamang suyo, cahit mapahamac ang sangbayánang tauo? Ualang magcacatiuala, at di naman sucat pagcatiualaan ang tauong lasing. Quinapopootan nang lahat, hindi pinacucundan~ganan, cun di hinahamac, sa man~ga salita,i, guinagauang ulo, at sa man~ga pagpupulong ay masabi lamang ang pan~galan nang tauong lasing, ay naguiguing pagtaua at panghalac-hac, at palibhasa,i, ualang camahalan, ualang puri, ualang cábaitan at ualang caran~galan, sapagca,t, pangsira nang capurihan, at gayon din naman sa cayamanan.

4°Ang cayamana,i, hindi lalagui sa man~gin~ginom, at palibhasa,i, iuauasac nang alac, gayon ang sabi ni Salomón sa proverbios:[15] at siya naman naquiquita natin sa arao arao.

Sa umaga, sa tanghali,t, sa hapon nagdidilim sa tauo ang tindahan nang alac; diyan maquiquita ang ualang bait na guinoó, na di nagbibigay puri sa caniyang calagayan, at siya ang maestro sa pagtatagayan. Diyan nasisira ang bait nang binata, at diyan natatapos ang hinahap sa maghapon nang pobreng cantero, carpintero, banquero, anloagui, magsasaca at iba pang upahan. Pagtangap nang upá, bago omoui nang bahay, daraan sa taberna, at ang uica,i, lalagoc nang isang lagoc, yaon na ang alio. N~gunit ¿anong nangyari? capagcalagoc nang isa,i, may darating na caibigan tatagaya,t, magiinoman, yaon na ang isang pangalio. May darating pang isa,i, magiinoman na naman. Pag nagca ganito na,i, magmamala inibay, magpapaliparan na nang sabi, at uiuicain di man pacaibiguin ay huag lamang pagca hiin. Sa ganitong uica, magiinoman na naman, man~gagtatagayan uli, at uiuicain; ang quinacain nang tauo,i, di sa cagutuman, cun di sa alang alang. Sa inolit olit náng paginom ay nan~galasing ang tumagay at tinagayan at ang quinahinatna,i, natapos ang hinanap sa maghapon, nagcautang pa sa taberna, at ang inaoui sa asaua,t, anac ay alac at utang. Pagdating sa bahay, sasalubon~gin nang asaua, itatanong ang naquita sa maghapon, at palibhasa,i, inaasahang hahapona,t, aagahan nila,t, sampong man~ga anac. Sa tanong na ito,i, sasagotin ang pobreng babaye nang isang tun~gayao, sasalubon~gin naman nang asaua nang tun~gayao rin, at ang quinasapita,i, ang sala-salabat na sumpa,t, tun~gayao. Susumpain nang babaye ang lalaqui, at ang lalaqui naman ay sa babaye: susumpain ang canilang pagsasama, ipaquiquiramay ang anac at boong sangbahayan; at ang pangtapos sa gayong música, ay ang pagsusungaban, paghahampasan, pagsisicaran, pagtatadyacan at pagcacagatan. Ano pa n~ga,t, ang quinahinatna,i, ang buhay nang lasing ay naguing infiernong munti sa sinisin~gauán nang apóy na sari saring culay, nang pagtatalo nang magasaua nang hapis at cagulohán nang boong sangbahayan: at escandalo nang capit-bahay. ¡O cahapis hapis at cahabág-habág na man~gin~ginom! verdugo ca nang asaua mo, escándalo ca nang bayan at luha nang sangbahayán. N~guni ¿ano caya ang cagamotan?

Houag uminóm nang alac cailan man, ito ang cágamutan lamang na maihahatol sa iyo. Mahirap na hatol ang maitututol mo sa aquin, n~guni,t, mahirap man, ay anong gagauin, cun di ang pagpilitan: lalong mahirap ang mabuhay sa alac, mamatáy sa alac at icapapacasama. Lalong mahirap ang doon sa infierno ay painomin ca nang apdó nang ajas at apdó nang man~ga olopong na maguing parusa sa malabis na paginóm. Cun may saquit ang man~gin~ginom ay nacapagtitiis nang isa ó dalauang buan man na di tumítiquim nang alac, ¿baquit di mo magaua caya ang pagtitiis na ito, pacundan~gan man lamang sa icagagaling nang iyong caloloua? Ang icalauang maihahatol co sa iyo, ay cun ibig uminóm magpabili nang caunti, at inomin sa oras nang pagcain: houag magiin~gat nang marami sa bahay, sapagca,t, cun maquiquita,i, di macatitiis hangang, di malasing. Ang icatlo, houag maquisama sa man~gin~ginom, at nang di malamuyot sa dating gaua. Umilag sa man~ga piguing nang man~gin~ginom, sapagca,t, diya,i, hindi naquiquita ang casiyahan sa pagcain at, sa paginóm, cun di ang cayamoan. Ang icapat, houag uminóm sa di oras nang pagcain, sapagca,t, cun aboting ualang laman ang sicmura, ay umaac-yat sa ulo ang alac at nacapagcacasaquit. Pag uminóm, sa hapon at sa gabi, ay nacapagdidilim sa isip, nacasisira nang lacás nang catauan, at pagcacadahilanan nang man~ga saquít na aquing sinaysáy. Cun ang isasagót sa aquin, ay di macatitiis na di uminóm nang marami: ang ipinapacli co,i, pagaralan. Cun ang itututol sa aquin, ay di mangyayari,t, di macacayanan: ang isasagót co,i, tumauag sa Dios, patulong cay Guinoong Santa Maria, at nang macayanang paglabanan ang masamang caibigán sa alac. Ang caholi-holihan cong hatol, ay magconfesion general, salicsiquin ang calahat-lahatang casalanang na gaua sa boong panahong nagumon sa vicio, pagsisihang masáquit sa loob, ipahayag sa confesor nang macayanang; talicdán ang masamang caasalán, at nang masaoli naman sa gracia nang Dios; sapagca,i, cun ualà sa gracia, ualà rin namang lacás na icapaglalaban: cahit anong gauín, cahit pagpilitan, ay di mangyayari, at palibhasa,i, hindi calugdang tulun~gan nang Dios.

Aco,i, napalauig na lubha, Feliza, nang pagsasaysáy nang dilang casamáng bun~ga nitong calupit-lupit na vicio, nang maquilala ni Honesto,i, ilagan hangang bata; at nang di pagsisihan cun mapahamac. Ang sulat na ito, ay mabasa naua nang caniyang capoua bata,t, binata, at nang paquinaban~gan. Adios, Feliza, hangang sa isang sulat—URBANA.