XI
At napag-unawa nga ni Semel at ni Matrena kung sino yaong kanilang binihisan at pinakain at kung sino yaong kasama nila. Sila'y napaiyak sa kagalakan at katuwaan, at ang anghel ay nagpatuloy ng pananalita:
Ako'y nanatiling mag-isa at hubad na nasa daan. Nuo'y hindi ku pa kilala ang anumang kahirapan ng tao, ang ginaw o ang gutom man. Ako'y naging tao, nagdamdam ako ng gutom at di ko malaman kung anong gagawin. Nakakita ako ng isang simbahan, na itinalaga sa Walang Hanggan at inisip kong tumuloy roon. Ang pinto ay nakatalasok. Sapagka't hindi ako makapasok ay naupo ako sa pintuan at pinagsikapang kong duon makasilong; gumabi, nagdamdam ako ng ginaw, nagdamdam ako ng gutom, ininda ko, at ako'y nanginig. At ang hirap ay sumaakin. Agad akong nakarinig ng yabag sa daan; may dumarating na isang tao; may dalang mga bota at nagsasalitang ang mga ngipin ay nagngangalit. Nuon ako nakakitang una ng mukha ng taong may kamatayan, at kung sa bagay na ako'y tao na rin ay natakot pa rin sa mukhang yaon, Inilingon ko ang aking ulo at aking narinig, na nagsasalitang laban sa akin.
Paanong pakakanin ko ang aking asawa at, aking mga anak? Paanong kakandilihin ko sa ginaw ng taginaw ang mga nanginginig na sangkap namin ng katawan? At inisip kong:
Ako'y namamatay sa ginaw at gutom at naito na dumaraan ang taong ito na ang iniisip lamang ay ang kanyang kailangan at di matutuhan ang ako'y saklolohan.
Nakita ako ng nagdaraan, nagkunot ng noo, nag-anyong marahas at nagpatuloy ng paglakad ... Nawalan ako ng pag-asa. Pagdaka'y nakita kong bumalik, siya'y aking tinignan at hindi ko nakilala: Ang kanyang mukha ay patay ng una at nakita kong nagliwanag ng larawang Diyos. Ang nanauling buhay ay lumapit sa akin, binihisan ako, tinagnan ako sa mga kamay at ipinagsama ako sa kanyang bahay. Ang kanyang asawa ay nasa sa pintuan ng dampa at nangusap: ang babaing yaon ay lalong kakila-kilabot kaysa lalaki; ang anyo ng kamatayan ay nabubuka sa kanyang bibig, ang anyong nakamamatay ng kanyang mga salita ay umiinis sa akin, at ako'y nanlupaypay; inibig niyang mahandusay na muli ako sa ginaw, sa hirap, sa kamatayan, at aking napag-unawa na siya man ay mamamatay rin sa pagtataboy sa akin. Agad pinagsalitaan siya ng kanyang asawa ng tungkol sa Diyos. Pagdaka'y nagbago ang babae; hinainan ako ng pagkain at sapagka't ako'y tinitignan niya ay tinitigan ko siya: ang patay ay muling nabuhay, at nakilala ko ang Diyos sa kanyang mukha. At aking naalala ang salita ng Diyos: Iyong malalaman ang sumasatao. Napagtalastas ko sa ganito na sumasa mga tao ang pag-ibig. Naginhawahan ako sa pagkahayag ng isa sa mga salita ng Diyos, at una kong ikinangiti; nguni't hindi ko napag-alamang lubos sa isang sandali, hindi ku pa napag-uunawa ang hindi ipinabatid sa tao ni ang bumubuhay sa tao.
Natira akong isang taon sa inyo; ang barini ay naparito na nagpasadya ng mga bota, mga botang dapat magluwat ng isang taon na hindi man lamang mahihiwid o masisira man. Tinignang ko siya at nakita ko sa kanyang siping ang isa sa aking mga kasama, ang anghel ng kamatayan; ako lamang ang nakakita; siya'y aking nakilala at aking napag-unawa na bago lumubog ang araw ay mahihiwalay ang barini sa kanyang kaluluwa at inisip kong:
Ang tao ay nagtitipon ng sa isang taon; nguni't di niya nalalamang siya'y mamamatay sa paglubog ng araw.
At aking naalaala ang ikalawang salita ng Diyos: Iyong malalaman ang hindi ipinabatid sa tao.
Ang sumasatao ay nalalaman ko na. Nalaman ko nuon ang hindi ipinabatid sa tao. Hindi ipinabatid sa kanya ang pagkukulang sa kanyang katawang ikinangiti ko.
Nguni't hindi ku pa batid, at hindi ku pa nauunawa ang bumubuhay sa mga tao. Nabuhay ako sa paghihintay ng pahayag ng Maykapal, ng huling salita ng Diyos. Sa ikaanim na taon ay naparito ang babae na may kasamang dalawang batang kambal, aking nangakilala at napuna kong sila'y nabuhay. Ng magkagayo'y aking naalamang lahat at inisip ko.
Namamanhik ang ina, dahil sa kanyang mga anak at aking dininig ang ina; pinaniwalaan ko, na ang mga ulilang iyan ay natatalaga sa kamatayan at naito, na sila'y pinakain at kinupkop ng isang babae, ng isang di kilala.
At ng ang babaing iyan ay mapaiyak sa kabutihan, ng kanyang minahal at kinahabagan, ay nakita ko sa kanya ang larawan ng Diyos at aking napag-unawa ang bumubuhay sa tao. Aking napag-unawa na naipahayag sa aking ng Diyos ang huling salita at iginawad sa akin ang kapatawaran at siyang ikatlo kong pagkangiti.
XII
At ang anghel ay naghubad ng kanyang pagkalupa at nagbihis ng liwanag; ang mga mata ng tao ay nangasilaw sa liwanag na yaon. Naglakas ng kanyang tinig na parang galing sa langit at nagsabing; At aking naunawa, na ang tao ay hindi nabubuhay sa kanyang mga sariling kailangan, kundi nabubuhay sa pag-ibig.
Hindi alam ng ina ang bubuhay sa kanyang mga anak; hindi alam ng barini ang kailangan; hindi alam ng sinumang tao na kung buhay sa gabi, ay mangangailangan ng bota o kung patay ay sandalyas.
Ako'y nabuhay sa pagkatao, hindi sapagka't kinandili ko ang sarili, kundi sapagka't inibig ng isang naglalakad at ng asawa niyaon; nangahabag sa akin at ako'y inibig. Nangabuhay ang mga ulila sapagka't nagkaroon ng isang babae na nagtaglay sa kalooban ng maningas na pag-ibig. Nabubuhay ang mga tao, hindi sapagka't kinandili nila ang sarili, kundi sapagka't ang pag-ibig ay kumandili sa kalooban ng mga tao.
Alam ko kapagkaraka, na pinagkalooban ng Diyos ang mga tao ng buhay at inibig niyang sila'y mangabuhay: ngayo'y napag-unawa ko na ayaw ang Diyos, na ang tao ay mabuhay na mag-isa, at dahil dito ay inilihim niya sa isa't isa ang kailangan. Ibig niya na ang bawa't isa ay mabuhay sa ikagagaling ng mga iba at dahil dito ay inihahayag niya sa isa't isa ng paminsan ang makabuluhan sa sarili at pati ng sa iba.
Napag-unawa ko nga na ang mga tao na may paniwalang nabubuhay sa sariling sikap, ay hindi nga nabubuhay kundi sa ngalang pag-ibig. Ang nabubuhay sa pag-ibig ay nabubuhay sa Diyos at ang Diyos ay nananahan sa kanya, dahil sa ang Diyos ay pag-ibig.
At ang anghel ay umawit ng pagpupuri sa Panginoon; umuga ang bahay sa kanyang tinig, nabuksan ang bubungan at isang haliging apoy, ay napailanlang sa kalawakan.
—Si Semel, ang asawa at ang kanyang mga anak ay paraparang nagsiluhod sa lupa. Ang Anghel ay nagbukadkad ng kanyang malalaking pakpak at umilanlang sa langit.
Ng pagsaulan ng malay-tao si Semel ay namasdan niyang ang bahay ay gaya rin ng dati na walang linalaman liban sa kanya at sa mga dating nangaroon.