WeRead Powered by ReaderPub
Si Rizal at ang mga Diwata: Zarzuelang Tagalog na may Dalawang Yugto cover

Si Rizal at ang mga Diwata: Zarzuelang Tagalog na may Dalawang Yugto

Chapter 24: HULING TUGMA.
Open in WeRead

Explore more books like this:

About This Book

A two-act Tagalog zarzuela stages a dramatized encounter between a young José Rizal and personified diwata—Beauty, Pleasure, Honor, Wealth, and Fate—who attempt to lure him away from duties to his suffering mother and family. Choral numbers and exchanges among Youth, Eldest siblings, and Rizal create tensions around filial duty, temptation, social reputation, and moral choice; the youth are drawn into gambling and revelry while others neglect responsibility, later confronting regret and a need for change. Alternating songs and spoken scenes, the piece uses allegory and musical tableaux to examine responsibility, pride, and the possibility of personal and communal redemption.

Panganay 1.º:—
Nanalo ka ba?
Panganay 2.º:—
Kung ako'y nanalo ...
Ako ay nahughog.
Panganay 1.º:—
Ako ay natalo
Sa masamang hilig tayo ay nabuyo.
Panganay 3.º:—
Hindi pa rin huli ... Tayo na'y magbago.
Maling mali tayo ng tinungong landas,
Ang lansangang yao'y patungo sa hirap;
Maligoy matinik, mabato't madawag
At pawang balahong hindi madalumat.

V TUGMA

Lalabas ang Kabinataan

Ang Mga Panganay at Ang Kabinataan

SALITAAN:

Kabinataan:—
Oh! mga Panganay ... Nasaan si Rizal?...
Kami ay samahan
Panganay:—
Siya naming pakay
Ang aming ginawing madumog sa sugal
Siyang naging sanhi ng sakit ni Inang
Kabinataan:—
At kami?... Oh! kami'y nagsisipagsisi
Panganay 1.º:—
Tayo na; halina't alayan ng puri
Ang Ina't kapatid na laging duhagi.
Halina't lunasan ang sakit ni Ina
Kalagin ang gapos ng pighati't dusa
Halina tuntunin ang himok tuwi na
Ng bunsong si Rizal
Lahat:—
Halina ... Halina, (papasok na lahat)

(Bubuksan Ang Tabing)

VI TUGMA

Sa kabilang dako'y lalabas si Rizal at sa kabilang dako'y si Minerva.

SALITAAN:

Rizal:—
Minerva.... Minerva, ako ay tulungan
Ako ay akayin sa landas ng dangal.
Minerva:—
Ano ang nais mo magiting na Rizal?
Sabihin ng agad.

Rizal:—
Ang iyong pagdamay
Ang Ina kong minamahal
Sa pighati'y mamamatay;
Minerva ako ay tulungan,
Ang hirap niya'y lunasan,
Ang isip ko ay tanglawan
Ng ningning ng karunungan,
Nang si Ina'y maalayan
Ng bahagyang kaaliwan.
Minerva:—
Ano ang aking magagawa
Sa Ina mong lumuluha?
Rizal:—
Tanglawan mo ng biyaya
Diwa kong napakahina,
Nang sa aki'y maniwala,
Kapatid kong matatanda
Sila ay nangahihimlay
Sa mga gawing mahahalay;
Kanilang nalilimutang
Mahigpit na katungkulang
Sa Ina ay tumangkakal;
Ang Ina kong minamahal
Na Ina rin nilang tunay
Sa dusa ay mamamatay ...
Minerva sila'y tanglawan
Ng iyong kapangyarihan.
Minerva:—
Kailangan magsikap ka
Kung sa aki'y pasasama;
Ang mithiin mong ligaya
Matatagpong walang sala ...
Kay Panahon ka paakay
Siyang may hawak ng buhay
(tatawag) Panahon ...
Panahon:—
(magalang) Ako po'y utusan

VII TUGMA

Si Panahon si Minerva at si Rizal.

SALITAAN

Minerva:—
Iyong samahan si Rizal
Hangang sa bayan ng dangal
Panahon:—
Ako ay sunudsunuran
Sa hari ng karunungan
(kay Rizal) Kumapit sa akin Rizal
At sa akin ka aakbay;
Ang lakas ng kalakasan
Ang sa iyo'y papatnubay.

Magtatagpotagpo ang lahat ng personaje tangi si Filipinas ang mga Diwata na nakahanda na sa Apoteosis. Ang mga Panganay ay hahanga sa pagkamatas kay Minerva at kay Panahon. Bubuksan nito ang aklat ng buhay.

VIII TUGMA

SALITAAN

Panahon:—
Ibig mong tahuin ang guhit ng palad?...
Narito't pakingan (bubuksan ang aklat)
(babasahin) «Laging mahahabag
Sa palad ng lahi na nawawakawak,
Sa kapabayaan ng dapat magingat
Na mga kapatid, hangang mapahamak
Buhay ang kapalit sa ikakakalag
Ng lubid na gapos ng Inang may hirap
Si Ingit, si Sakim ay kakatulungin
Ng mga kaaway na mang aalipin,
Sila'y magtatalik, buhay mo'y kikitlin.
Ang lahat ay tungo sa hatol ng haling.
Ito ang palad mo na tatalimahin
Upang mailigtas ang Ina sa lagim.
Kung maganap ito, ganap na ang palad
Ng Inang alipin ng mga bagabag,
Sa inyong silanga'y muli ng sisikat
Ang araw na bagong maningning ang sinag,
Wala na ang dusa, wala na ang hirap.
Sa mga kapatid, sa mga kaanak
Ay siyang pupukaw, siyang mag-uulat
Ng dapat na gawin sa ikagaganap
Ng kanilang laya sa araw ng bukas»
Rizal:—
(boong kasyahan) Kung ang kulay pula'y kinakailangan
Na siyang itina sa sikat ng araw
Dugo ko'y ibubo, pangiti kong alay,
Nang ang kanyang sinag, lalo pang dumingal.
Nang agad mahawi ang kapal ng dilim
Na sa kanyang dilag ay nakatatabing.
Nang agad sumilay ang kanyang luningning
Na nasasaputan ng pighati't lagim.
Tangi kong pangarap siya'y maalayan
Ng saganang aliw habang nabubuhay
Nais kong makilang pawi na ang lumbay.
Tingala ang mukha at wala bakas man
Ng mga tiniis sa nasawing buhay.
Nais kong makitang siya ay hangaan
At tawagtawaging "Mutya ng Silangan".

Mabubuksang bigla ang tanawin at makikita ng lahat si Filipinas at sa kanyang paana'y nakahílig ang mga Diwata.

HULING TUGMA.

Filipinas:—
Ang sapot na itim ng aba kong palad,
Ang luha sa matang linipos ng hirap,
Ang gapos na sakit, ang tanang bagabag,
Ang mga tiisin na sumasahagap
Ang lahat ng ito'y walang ibang lunas.
Tangi sa mithi kong kayo'y magyayakap.
At magkakasamang tumungo sa landas
Ng ikalalaya sa araw ng bukas.

AWITIN NG LAHAT:

Tayo na't siya'y samahan
Samahan natin si Rizal
Sumunod sa kanyang aral
Si Ina'y ating bihisan.
Kaalipina'y ibagsak
Sukdan tayo'y mapahamak
Salubungin tá ng galak
"Bagong Araw" na sisikat.

APOTEOSIS:

Samantalang nag-aawit ay unti-unting nahuhubdan ng sapot na itim ang Inang Filipinas at si Ingit at si Sakim ay masisilaw at mahahanga. Dahan dahang ibababa ang tabing.