Parang Liham na Bukas

K. Deogracias A. Rosario (alias) Delio. Taliba, Maynila.

Kasamang Delio:—

Yamang ikaw ang nakikilala kong "revistero" ng̃ TALIBA sa kanyang pitak ng̃ mg̃a Dulaan, ay minarapat kong sa iyo ibalita ang isang bagong naisip ni Pepe Rivera. Ng̃uni't, bago iyan, ay ibig ko munang tumukoy ng̃ ilang bagay. Naalaala kong ikaw na rin ang nakapuna ukol sa ginawang "recurso" ng̃ ilan sa ating mg̃a "autores" sa pagtatanghal ng̃ mg̃a dulang tang̃i sa marami ng̃ mg̃a actores principales at secundarios, ay napakarami pa rin ang mg̃a "koro" na kung minsa'y "nakasisinok" sa panlasa ng̃ mg̃a nanonood. Napuna ko rin sa mg̃a nakaraan mong lathala, na tumukoy ka sa mg̃a dulang "iilan" ang kanyang mg̃a "pesonaje" at sa pagtukoy mong ito ay nabanggit mo ang "Panibugho" ni Pepe Rivera, ang "Dalawang Hangal" ni Moneng Ilagan, at ang "Ana Maria" ni Ñol Binoy Reyes.

Ako'y sumaiyo ng̃ buong buo, sa iyong pagkukuro, na, upang makilala ang "habilidad" ng̃ isang "autor" ay sa pagtatanghal ng̃ isang dulang "iilan" ang mg̃a taong gumagalaw, buháy ang mg̃a tagpuan at busog sa kasariwaan ng̃ isang diwang ibinubuhay o nilalayon. Sa tatlong katha ng̃ mg̃a beteranong mandudulang nabanggit ko na sa iyo, na kapwa ko napanood, ay masasabi ko sa iyong isang katang̃itang̃i. Kung ang mg̃a isipan ng̃ "tatlong haring iyan", (tawagin na nating Hari), ng̃ ating dulaan, ay maging isipan ng̃ marami nating mangangatha, ay hindi malayong maiaagapay na rin natin ang ating dulaan sa taas at indayog ng̃ mg̃a isipan at sa kasaysayan din naman ng̃ mg̃a mangangathang hinahang̃aan natin sa ibayo ng̃ ating mg̃a dagat.

Doon, sangayon sa ating mg̃a nababasa, ay iilan sa maraming manang̃atha, ang natatang̃i hindi dahil sa kanilang katalinuhan, kundi sa mg̃a katha nilang binubuo ng̃ iilang "personaje" lamang, ng̃uni't sa "iilang" yaon, ay nandoon na ang lahat. Anopa't nakayayari ng̃ isang buhay na kinalalarawanan ng̃ isang pangyayaring kung iisipin lamang, ay masasabing hindi magaganap kung "iilang katao" ang magsasagawa.

Nasabi ko ang ganyang malayang kurokuro, dahil sa nasaksihan ko, oo, Kasamang Delio, nasaksihan ng̃ dalawa kung mata na ang mg̃a kinatha ng̃ tatlo nating "hari ng̃ sariling dulaan" ay hindi na maihuhuli, maging sa layon, sa isipan, sa diwa at sa kabuuan man, ng̃ mg̃a nakatha ng̃ mg̃a nabanggit ko nang mandudulang taga ibang lupa.


Napaguusapan na rin lamang natin ang ukol sa mg̃a dulaan, ay maibabalita ko sa iyong ipalilimbag daw yata ni Rivera ang kanyang dulang may isang yugto na pinamagatang "Cinematografo".

Ang dulang ito, ay napanood ko na sa unang pagtatanghal sa "Rizal", sa kapakinabang̃an ng̃ kumatha. Pagkatapos kong mapanood, ay ako na rin sa sarili ang nagtanong:

—Ano ang aking napanood? Isang dula lamang kayang "pasampay-bakod"?

—Oh, hindi,—ang akin ding sagot. Tal mente, ay hindi isang dula lamang, manapa'y isang sinematograpong nang̃ung̃usap at ang kanyang layuni'y bumaka sa masasamang hilig ng̃ ating mg̃a tao.

Ang "Cinematografo" ni Rivera, ay naglalayon ng̃ malalaking bagay na tumutukoy sa masamang hilig ng̃ marami sa ating mg̃a kapwa, na dahil sa malaking hilig sa bisyo, ay napapabayaan ang lahat ng̃ gawain sa sariling tahanan. Inilarawan din ng̃ kumatha, ang kasagwaan ng̃ ilang tanod o tagapaging̃at ng̃ kapayapaan at tinuligsa ang kanilang kasagwaan sa paggamit ng̃ kanilang tungkulin. At hindi pa iyan. Sakali't ipalilimbag ng̃a ng̃ Kasamang Rivera ang katha niyang ito, (kahimanawari'y ipalimbag ng̃a sana), ay mababasa ng̃ madla na isa sa mg̃a tagpo ay maguusap ang dalawang magkaibigan sa harap ng̃ pintuan ng̃ isang Sine. Ibabalita ng̃ isa, na, may nalalaman siyang isang kakilalang naglihi sa isa sa mg̃a artista ng̃ isang pelikula at dahil doo'y ginabigabi ang pagpasok sa alin mang sineng pagtanghalan sa kanyang "favorito"; nagbuntis halos sa loob ng̃ sine, at nang̃anak, oo, Kasamang Delio, nang̃anak sa loob din ng̃ kamalig ng̃ isang sine, bagay na masasabing isang tunay na "barbaridad" na hindi makikita sa ibang bayan.

Ang anak ng̃ naglihi sa nasabing artista, ay naging isang pusakal na alagad ng̃ sinematograpo hanggang sa lumaki.

Inilarawan din ni Pepe sa kanyang dula ang ukol sa karaniwang napagkikita natin, na ang sine ang siyang ginagawang paraan sa pagtatanan ng̃ mg̃a anak na napakakasal ng̃ hindi pa oras. At isa pa, ang lalong kriminal, ay ang ukol sa mg̃a pagnanakawang parang itinuturo sa mg̃a nanonood. Ang bahaging ito, ay pinagukulan ng̃ autor ng̃ ilang "halibas" sa pamamagitan ng̃ paglalarawan ng̃ kasamaang ibinubung̃a, lalo pa ng̃ napapanahon ang mg̃a Zigomar at mg̃a Fantomas.

Iyan, at mg̃a iba pang tagay na pawang "sakit ng̃ Sangkatauhan" ang kanyang binaka at kung tunay ng̃ang ipalilimbag, ay inaasahan kong makatutulong ng̃ malaki sa pagpapaliwanag at pagbaka sa inaasal o maling hilig ng̃ marami sa atin.

Tang̃i sa riyan, ay masasabi ko sa iyong ang pagpapalimbag na gagawin ni Rivera sa kanyang "Cinematografo", ay makatutulong din naman sa pagpapalaganap ng̃ Sariling Wika sa una, at sa pang̃alawa'y magkakapanahong mabasa ng̃ mg̃a tumatangkilik sa dulaang tagalog ang kanilang karaniwang nakikita't naririnig magbuhat sa esenario ng̃ isang dulaan. Mabasa, oo ng̃a, mabasa, at sa gayo'y mapagaralan nila't masuri ang kahalagahan ng̃ ating mg̃a dulaan na siyang tampok at karang̃alang masasabi ng̃ Lahi ni Balagtas, na hindi man karapatdapat, ay kinabibilang̃an natin.

Kung hindi lamang inaakala kong pahahaba ang liham na ito, at may isang gawain akong nakahahadlang sa akin, ay tutukuyin ko sana rito ang lahat ng̃ nalalaman ko ukol sa mg̃a katha ni Pepe Rivera. Gayon pa man, at sa maiikling salita ay tumukoy rin tayo ng̃ pasapyaw.

Napanood mo ang tatlo niyang dulang "Panibugho", "Mg̃a Bing̃e" at "Mg̃a pagkakataon," hindi ba?

Ng̃ayon, sabihin mo sa akin kung ano ang iyong niloloob.

Sa kanyang "Panibugho", tang̃i sa nakatatawang pangyayari, ay nakatutulong din sa pagbibigay liwanag sa nalalabuang isipan ng̃ mag asawang (mg̃a asawang babae ang tinutukoy ko rito), pagdaka't magbubudhi na lamang at sukat, at hindi na sumasangguni sa kanyang tapat na puso, kung namamali siya o kung hindi, at pagdaka'y patatang̃ay sa simbuyo ng̃ magdarayang damdamin, ¿Hindi ba tunay? Ang kamaliang iyan, ay nagamot ni Rivera sa pagtatanghal ng̃ kanyang "Panibugho".

Sa kanyang "Mg̃a Bing̃e" ay nakuha rin namang naipakilala ang kadalubhasaan ng̃ kanyang panitik. Kanyang inilarawan ng̃ ganap na ganap ang konsekuensiang laging ibinubung̃a ng̃ isang hindi pagkakaunawaan, at tang̃i sa roo'y ginulo niya muna ang isip ng̃ nanonood, at ng̃ lito na, ay "pinaglamas" niya ang salitaan, ng̃uni't, pagkatapos, ay unti unting nagliliwanag hanggang sa niwakasan ng̃ isang "pagkakataong" hindi inaantay na mangyari na ipinagkapalad ng "isang hindi naghahanap" at "hindi nananadya". Ng̃ayon kung sa dalawang obrang iyan, ay nakuha kong naipakilala sa iyo ang "kadiyaskihan" ng̃ ating Pepe, ay tignan naman natin ang kanyang walang kamatayang "Mg̃a Pagkakataon", na habang tumatanda ay lalong nagiging bata at na kahahalina sa puso ng̃ ating publiko.

Ano ang napuna mo sa "Mg̃a Pagkakataon"?

Sa "obrang" iyan, ay hindi pangkaraniwang talino ang pinuhunan ni Rivera ng̃ kanyang sulatin. At, sobre todo,ay ang pagkakalagay ng̃ pamagat. Nasabi ko tuloy na "kinasihan yata ng̃ Santong katutubo si Pepe", sa kanyang "Mg̃a Pagkakataon", o talagang natama sa mabuting oras.

Kalabisan pang ilarawan dito ang mg̃a "kuntil butil" ng̃ "obra". Sukat nang sabihin ko na sa "Mg̃a Pagkakataon", ay hindi dapat manood ang isang tao o mg̃a taong katatapos kumain lalo pa't busog, pagka't hindi malayong saktan ng̃ tiyan o kaya'y maapendesitis. Itatanong mo sa aking kung bakit? Saksi ka. Hindi ba't ng̃ mapanood natin, ay kaunti ka nang pang̃apusan ng̃ hining̃a dahil sa katatawa, bakit at si Ballecer pa naman ang nag-Kosme? Hindi ba't sinabi mo pang, "ang lalong matimpiin, ang lalong pihikan, "at ang lalo pa mang walang kibo kahima't banal o simenarista pa siya ay tatawa, at tatawa pag napanood ang "Mg̃a Pagkakataon"?

Tang̃i sa riya'y nagtuturo din naman sa isang magulang na ayaw pabayaan ang hilig ng̃ isang anak lalo pa't sa gawang pagaasawa.

Dahil sa mg̃a naipahayag kong iyan, ay inaasahan kong sa pagpapalimbag ni Pepe ng̃ nanyang "Cinemetografo", ay lalong mapatutunayan ng̃ madla kung tama o kung hindi ang aking mg̃a daglian pagkukuro hinggil sa kakayahan at sa "habilidad" ni Pepe Maria Rivera sa gawang pagsulat.

Samantala'y magutos. Kumusta sa Katotong Crispin.

Remigio Mat. Castro.
Kalihim ng Ilaw at Panitik.

Marso, 15 ng̃ 1920.


A beneficio de los incendiados de Cavite, la "Compañia Ilagan" dió una función en el Teatro "Zorilla", en la noche del 6 de Mayo, representandose tres obras de un acto de José Maria Rivera. Pepe es un creador de tipos y se reveló en "Opereta", haciendo mover en escena a dos tipos pueblerinos, uno del pasado, ignorante, socarrón y desconfiado y otro del dia, aunque con reminiscencias del de antaño, pero con más desparpajo, con más perspicacia.

Rivera al hacer mover en escena a esos tipos, a mas de ir dandolos a conocer, pintando sus defectos para ser corregidos, regocija al espectador con graciosas escenas.

En el escenario, este joven autor, completa la pintura haciendo hablar a los muñecos en su dejo y estilo peculiares de la region correspondiente. En esto, el autor tuvo un éxito completo, como tambien en la presentacion de otro tipo popular, un cantante que fue tambien caricaturizado de un modo acabado.

¡Bien por Rivera!

Alitaptap.

CONFETTI, 16 de Mayo de 1920


Advertisement
Advertisement
Advertisement
Advertisement