Decorative motif

Nang calaghatian na ng̃ taòng 1885, at ng̃ macuha na niya ang pagca licenciado sa Filosofía at Letras, at bilang calahátì na ang nacacathâ niya sa Noli me tangere, siya'y na pa sa París, sa udyóc ng̃ maning̃as na hang̃ad na macapaglibot sa mundo, upang macapag-aral ng̃ lahat ng̃ bagay at ng̃ mabihasa siyang magaling sa pagwiwicang francés.

Nakisama siya, pagdating sa París, sa bantog na oftalmólogo[38] na si M. Wecker, upang matutuhan niyáng lubós ang panggagamót sa matá. Nagsanay rin siya roon sa mg̃a wicang inglés at alemán. Ipinagpatuloy niya sa París ang pag-cathâ ng̃ Noli me tangere.

Decorative motif

Nang mg̃a unang araw ng̃ taóng 1886 ay lumipat si Rizal sa Alemania. Nagtumirá siya sa ciudad ng̃ Heildelberg, na kinalalagyan ng̃ ilog Néckar, na sumasabang sa ilog Rhin. Buhat diya'y nakipagsulatan siya sa Profesor Ferdinand Blumentritt, sa Leitmeritz, (Bohemia). Nacaibigan niya sa Heildelberg ang profesor Dr. Galezowsky.

Hindî nalimutan ni Rizal susumandalî man ang Filipinas, at nagpapatotoo ng̃ bagay na itó ang canyáng tuláng sinulat sa Heildelberg ng̃ ica 22 ng̃ Abril ng̃ 1886, na pinamagatán niya ng̃: "A las Flores de Heildelberg."[39]

Ng̃ macatira siyang ilang bowan sa Heildelberg at sa Wilhelmsdorf, ay napa sa Leipzig naman at doo'y pumasoc ng̃ pagcacajista upang macakita ng̃ pagcabuhay.

Nang mg̃a unang araw ng̃ taóng 1887 ay siya'y napa sa Berlin at doo'y canyáng na caibigan ang mg̃a bantog na pantás na si Doctor Virchow, na sa canya'y nagpakilala upang siya'y maguing capanig ng̃ "Sociedad Antropólogica Berlinesa"; si Dr. F. Jagor, dakilang "naturalista" at maglalacbay na sumulat ng̃ librong "Reisen in den Philippinen", na ipinalimbag sa Berlin ng̃ 1873; si Dr. Joest, marilag na "geógrafo" at si Dr. Schiilzer, pantás na mangagamot.

Nang taóng 1886 ay natapos ni Rizal ang pagcathâ ng̃ Noli me Tangere, at ng̃ mg̃a unang bowan ng̃ 1887 ay ipinalimbag sa Berlín ang sinabi ng̃ libro.

Nang calaghatían ng̃ taóng 1887 ay dumating sa Maynila ang iláng Noli me Tangere; datapwa't pinacaiing̃atang lubhâ ng̃ bawa't pinalad magcaroon, sa tacot na bacâ dumating sa balítà ng̃ pinúnò, ó ng̃ mg̃a fraile, ó ng̃ mg̃a guardia civil ó ng̃ mg̃a castílà ay pagbintang̃an siyang "filibustero"[40] at pag-usiguin ng̃ cakilakilabot.

Bawa't macabasa ng̃ "Noli me Tangere" ni Rizal ay nang̃agsasabing ang librong ito'y siyang bagong Biblia ng̃ bayang filipino; sa macatowid baga'y sa mg̃a aral na nababasa sa Noli me Tangere ni Rizal naroroon ang catubusan ng̃ bayang filipino.

¡Laking pagcacagulo ng̃ mg̃a fraile at ng̃ lahát ng̃ mg̃a castílà ng̃ matalastas nila ang napapalamang mg̃a casaysayan sa libro ni Rizal!

Pagdaca'y gumawâ ang mg̃a fraile ng̃ isá at waláng higcát na pagpupulong. "¡Laking capusung̃an! ¡Isáng "indio" isang "macacong indio", isang "matsing na indio"—ang sabihan nila—ang nang̃ang̃ahas pumintas ng̃ ating mg̃a cagagawan!"

May nasumpung̃an si párì Pedro Payo, fraileng dominico at casalucuyang arzobispo dito ng̃ panahóng iyón, na isáng Noli me Tangere; dinalidaling binasa itó at pagcatapos ay agád ipinadalá ng̃ ica 18 ng̃ Agosto ng̃ 1887 cay párì Gregorio Echevarría, na fraileng dominicong gaya rin niya, at rector ng̃ cung tawaguin nila'y Real y Pontificia Universidad de Santo Tomás de Manila, upang siya namán ang sumiyasat. Dalîdálì namáng binása nitó at pagcatapos ay nagtatág ng̃ isáng capulung̃ang naboboo ng̃ tatlóng fraileng mg̃a dominico, na ito'y si párì Matías Gómez, si párì Norberto del Prado at si párì Evaristo Fernández Arias, upang silá ang humatol cung ano ng̃à cayâ ang nang̃apapalamán sa novelang sinulat ni Rizal.

Nang ica 30 ng̃ Agosto ng̃ 1887 ay nagpadalá ng̃ sulat sa Arzobispo na si párì Payo ang rector sa Universidad na si párì Gregorio Echevarria, at doo'y sinasabing binasa at pinagsiyasat ng̃ isáng capulung̃an ang Noli me Tangere na ilinathalâ ni J. Rizal, at caniláng lubos napagtantong ang librong iyo'y totoong isáng malakíng heregía, capusung̃án at nacasisirang púri sa Religión at isáng ganáp na paglabág at pag-alimura sa Gobierno ng̃ España at sa lahát ng̃ mg̃a mahál na capisanang castílà rito, at pangguguló ng̃ catahimican ng̃ púsô at ng̃ budhî ng̃ bayan at ng̃ mg̃a namamayan dito, at mangyayaring pangaling̃an ng̃ mg̃a casacunaang totoong cahapishapis sa España. Sa maiclíng sabi, alinsunod sa capulung̃an ng̃ mg̃a fraile, ang librong iyon ni Rizal ay casamasamaang panglabág sa Religión, panglait sa España at pangguguló sa calooban at damdamin ng̃ tagarito.

Ipinadalá namán nì párì Payo ang sulat na iyón sa capitán general na si D. Emilio Terrero.

Sa magcabicabilang panig ng̃ Maynilâ, ng̃ boong Filipinas ay pinaguusapan ng̃ lihim ng̃ mg̃a castílà, ng̃ mg̃a filipino, ng̃ mg̃a taga ibang lupaín ang pasiyá tungcol sa Noli me Tangere, ¡ng̃uni't waláng nacatatalós, waláng nacacabasa pa ng̃ Noli me Tangere! At lumálakí ng̃ lumálakí ang bulung-bulung̃an, ang sabihana'y ang librong iyó'y cakilakilabot, calaguimlaguim, waláng cahalintulad ng̃ samâ ... ¡at lumálakí namán ng̃ lumálakí ang pagmimithî ng̃ bawa't macahiguing ng̃ balitang iyóng mabasa ang Noli me Tangere! caya't pinagpilitan ng̃ lahát at ng̃ bawa't isá ang magcaroon; ng̃uni't hindî macakita, mahirap macakita cung dî sa pamamag-itan ng̃ lalong matatalinong paraan. Ng̃ mg̃a unang araw ay nacabibili ng̃ tatlóng piso bawa't libro, hindî nalao't dumating ng̃ sampong piso, labingdalawáng piso, labinglimang piso, dalawampong piso ... Nang malao'y hindî na dalawampong piso ang halagá ng̃ bawa't "Noli", lalô pang malakí, at cahi man malakí ang ìbayad, cung castílà ó mestizong castílà ang humahanap ay hindî macakita; caya't napilitan ang mg̃a castílà at ang mg̃a punong castílà na magpabilí sa Europa, at sapagca't mainam na pang-udyóc sa anò man ang pakikinabang ng̃ limá, anim hangang macasampong ibayo, ang mg̃a castílà rin ang namilí sa Europa ng̃ Noli me Tangere sa halagang manalapî, at sacá dinalá rito ng̃ lihim at ipinagbilí rito ng̃ lihim sa capowâ castílà rin, sa mg̃a fraile, sa mg̃a filipino at sa mg̃a taga ibáng lupaín sa halagang camalácmalác na dalawampô hangang dalawampo't limang piso ang isá.

Sa sulsol ni párì Payo ay ipinadalá naman ng̃ capitan general na si Terrero ang Noli me Tangere sa "Comisión Permanente de Censura"[41] upang ito'y maglagáy namán ng̃ canyáng pasiya. Si párì Salvador Font, fraileng agustino ang siyang naglagda ng̃ pasiyá, na doo'y pinacacalaitlait si Rizal hangang sa tawaguing isáng "hang̃al" daw na waláng pagpalagyan sa catacsilán at samá. Ang Noli me Tangere, aní párì Font, ay isang paglabág at pamumusóng sa Religión ng̃ España; isang paglabág at pamumusóng sa Pang̃asiwaan, sa mg̃a castilang cagawad ng̃ Gobierno at sa mg̃a Tribunal ng̃ justicia; isang paglabág at pamumusóng sa hucbó ng̃ Guardia Civil, isang paglabág at pamumusóng sa icapapanatili ng̃ mg̃a nasasacop ng̃ España, at pagcatapos ng̃ ganitong bugsô ng̃ "paglabag at pamumusóng" ay sinabi niyang sa canya raw pasya at acálà, ay dapat ipagbawal ng̃ capangyarihan ng̃ capitán general ang pagdadala rito, paglilimbag ulî rito at paglalaganap dito ng̃ librong Noli me Tangere, na totoong nacacapahamac.

Bucod sa lalong mg̃a casakitsákit na mg̃a pag-alimura cay Rizal at mg̃a pagpaparatang ng̃ mg̃a gawang hindî man lamang napapanaguinip ng̃ ating capatid na Martir, ay idinugtong pa ni párì Font ang ganitong mg̃a salitâ: "ANG TANGING HANGAD ni Rizal ANG CASARINLAN NG LUPAING ITO, at ang adhica niya'y iwalat ang mahal na catibayan ng̃ Bayang sarili[42], niyang Bayang sariling sa canya'y nagbigay ng̃ pagcatáo, na sa canya'y nag-arúgà at nagpasúso sa mg̃a dibdib na marang̃al, na sa canya'y nagpacain ng̃ tinapay at ng̃ mg̃a aral ng̃ magagandang asal; at ang Filipinas na dating sumasamba sa di totoong Dios, mangmang at mahahalay ang caugalian ay guinawang ganap na bayang católico, bayang lalong may calayaan at marunong sa lahát ng̃ mg̃a bayang nabubuhay sa ilalim ng̃ pagtatangkilic ng̃ mg̃a nación sa Europa, at ang lahing lalong sumasaligaya sa ilalim ng̃ nacapagbibigay guinhawang lilim ng̃ mapagcaling̃ang mg̃a cautusan sa India"; ... at iba't iba pang mg̃a salitang nagpapakilala ng̃ masilacbó niyang poot cay Rizal. At winawacasan niya ng̃ ganitong saysay: "Itó ng̃â ang pasiya ng̃ napifirma sa ibabâ nitó, upang ipagbawal ng̃ mahigpít ang dito'y paglaganap ng̃ librong itó ... Maynilà, ica 29 ng̃ Diciembre ng̃ 1887.—Fr. Salvador Font, agustino calzado."

Ipinalimbag ni párî Font at inilaganap sa boong Filipinas at sa boong España ang canyang pasiyang itó, at sa ganitong nangyari ay lalô namang lumakí ang pagmimithî ng̃ maraming mabasa ang cathâ ni RizaL, caya't ang guinawang iyon ni párì Font ay siyang nacatulong ng̃ dî cawasa ng̃ pagcalat ng̃ Noli me Tangere sa boong daigdig.

¿At ano ang sinasabi sa librong iyon upang macaligalig ng̃ dî ano lamang sa mg̃a fraile at mg̃a castila, macabagbag ng̃ loob ng̃ mg̃a filipino at bigyan ng̃ dî ugaling cahulugan ng̃ mg̃a taga ibang lupaín? Mang̃a bagay na hindî himalâ, mg̃a bagay na hindi dapat pagtakhan; walang sinasaysay cung dî ang cactotohanan; nagcámalî aco, walang sinasaysay roon cung dî ang culabóng anino ng̃ catotohanan ng̃ mg̃a nangyayari rito sa Filipinas na pananampalasan, pag-amis, paglapastang̃an, paninirang puri at walang licat na pang̃ung̃ulimbat sa mg̃a filipino ng̃ mg̃a fraile; ang mg̃a pag-iríng at pagpapahirap ng̃ guardia civil dito, at ang mg̃a hidwang cagagawan ng̃ ilan sa mg̃a empleado[43] at hindi empleadong castila. Walang sinasabi sa librong iyon cung dî ang mg̃a hidwang caasalán at ang mg̃a malíng pananampalataya ng̃ halos lahat ng̃ mg̃a filipino, at ang canilang labis na pagca mapaniwalain sa lahat ng̃ sa canila'y pasampalatayanan ng̃ mg̃a nagpapangap na cahalili ng̃ Dios, niyang Dios na totoong mahabaguin, dakila sa pagca masintahin sa canyang kinapal, walang hang̃gan ang pagca mairuguin sa catowiran; niyang nang̃agpapangap na corderong ma-amo, nagsipanumpang mananatili sa carukhaan, sa pagpapacalinis ng̃ budhî at calolowa, sa paglayô sa cahalayan at sa maruruming layaw ng̃ catawan, sa tunay na pagpapacumbaba at pagca masunurin, bago'y ang guinagawa'y lihis na lihis sa canilang mg̃a catungculang banal, sa canilang mg̃a sumpâ, sa mg̃a damdamin ng̃ bawa't taong may dalisay na calooban....

Mulâ niyo'y nagcalayong lalo ang dating nagcacahiwalay ng̃ pagtiting̃inan ng̃ mg̃a castila't ng̃ mg̃a filipino, baga man sa hayagan, sa paimbabaw ay hindî nagbabago. Napopoot ng̃ dî cawasà ang mg̃a fraile't ang mg̃a castílà na ang isang "indiong" gaya ni Rizal ay magsalitâ ng̃ catotohanan, at nalulugod namán ang mg̃a filipino sa pagcacasalitâ ng̃ catotohanang iyan. Pakinggan natin ang sabi ng̃ castilang si Wenceslao E. Retana tungcol sa bagay na ito:

"¡At anó! anang mg̃a filipino—¿diyata't ipinalalagay na dî capaslang̃an ang sa araw araw at sa boong panahón ay sumulat ng̃ sarisaring mg̃a paglait at mg̃a pagpaparatang na laban sa amin, at ng̃ayo'y mamasamain nilang ang isáng filipino'y "minsang" macasulat ng̃ boong catotohanan?"

"Filibustera" ang novela ni Rizal, sa pagca't isang filipino ang sinasabing cumathâ; cung ang nalagay na cumatha'y isang castílà—at marami ng̃a sa mg̃a castílà ang dî mag-aalinlang̃ang magsabing yao'y gawâ niya—hindî ng̃a nila pang̃ang̃alanan ng̃ gayon."

"Inulit-ulit ni Costa[44] hangang sa nagsawa ang sabing: "bayan (ang España) ng̃ mg̃a eunuco"[45]; at sinabi naman ni Unamuno[46] ang ganito: "bayan (ang España) ng̃ mg̃a dowag." Datapwa't si Costa at si Unamuno'y hindî ipinang̃anac sa Filipinas."

Dumating sa Senado ng̃ España ng̃ Junio ng̃ 1888 ang ligalig dahil sa Noli me Tangere. Ipinagcanulô ng̃ senador Vila sa canyáng mg̃a casamahang, sa Filipinas daw ay may ipinasoc na isang libro na cung tawaguin ay "novela" at ang pamagát ay Noli me Tangere, na kinathâ ng̃ isang "indio" na canyáng alám ang pang̃alan, doctor sa Medicina ng̃ Universidad sa Madrid, caibigang matalic ng̃ Principe de Bismarck at sa canyáng dunong ay nahalal na catedrático ng̃ Medicina sa isang Universidad ng̃ Alemania. Ang "novelang" yaon ... anang senador Vila ... isang pangcalat ng̃ aral na laban sa religión católica, pang-akit sa protestantismo, tagapaglaganap ng̃ aral ni Proudhon, at iba't iba pang gaya nitong pawang hindi catotohanan.

Sa Congreso naman ng̃ España ay pinagcaligaligan din ang Noli me Tangere. Nagsalitâ naman doon ang general na si D. Luis M. de Pando, ng̃ ica 12 ng̃ Abril ng̃ 1889, ng̃ sarisaring paratang sa librong iyón. Datapowa't hindî nababasa ng̃ senador Vila at ng̃ general Pando ang Noli me Tangere; walà silang nabasa cung di ang pasiya lamang ni párì Font. Ang guinawang ito ng̃ mg̃a pantas na castílà at ang walang licat na pag-uusig ng̃ mg̃a fraile sa librong iyon, sacá ang matamáng pagbabalitâ naman ni Blumentritt sa mg̃a pang̃ulong pamahayagan sa sangdaigdigan, sa carikitan ng̃ kinathâ ni Rizal, ang siyang lubhang ikinabantóg nitó sa lahát ng̃ mg̃a nación.

Decorative motif

Mulâ sa Marzo hangang Mayo ng̃ 1887 sinulat ni Rizal ang iba't ibang bagay. Isinatagalog niya ang ilang mg̃a tulâ ni Goethe; kinathâ sa wicang francés ang mg̃a librong "Histoire d'une clef", ang "La Pécheuse et le poison," isang maiclíng casaysayan tungcol sa linggo ng̃ palaspas, ang "Tartarín sur les Alpes," ang "Unter den Linden," ang "Le pistolet de la petite Baronne" at saca ang wicang inglés na: "Are account of the Life and Writings of Mister James. By Patrick Murdock, D. D. F. R. S."

Nang magtatapós na ang Abril ng̃ 1887, si Rizal ay nanaw sa Berlin at na pasa Dresde, at doo'y nakilala niya at naguing caibigan si Dr. A. B. Meyer, marunong na filipinólogo[47] at tagapamatnugot ng̃ Museo Etnográfico roon, na siyang pang̃ulo sa galíng sa lahát ng̃ kilala sa boong daigdíg tungcol sa bagay na iyon. Nagalác ng̃ dî sapálà ang Dr. Meyer ng̃ makilala niya si Rizal, at pinagpakitaan niya itó ng̃ ganáp na magandang calooban. Pumaparoon si Rizal sa Museong iyon sa araw-araw at canyang pinagsusumag ang anyo at calagayan tungcol sa baít at hilig ng̃ lahát at bawa't isá sa mg̃a láhì.

Nalís si Rizal sa Dresde at na pa sa Leitmeritz (Bohemia) at doon tumuloy sa bahay ng̃ cakilala na niyang dati sa pagsusulatan lamang na si Profesor Ferdinand Blumentritt, na namamatnugot ng̃ Ateneo Municipal sa ciudad na iyon at marilag na pantas na umiibig sa Filipinas ng̃ dî paimbabaw, na gaya ng̃ dî mamacailang ipinakita na niya at ipinakikita pa sa gawâ. Bagaman hindî nacararating dito sa Filipinas ay malaki pa marahil ang pagcakilala niya sa lupaing ito at sa mg̃a tagarito cay sa maraming nagpapangap na nacacakilalang lubos sa sangcapuluang itó[48]. Sinasabi ni Blumentritt na nagtamo siya ng̃ isa sa mg̃a casayahang lalong malakí, ng̃ makita at mayacáp niya si Rizal. Nag-ibigan siláng tulad sa tunay na magcapatid, at hindi sila nagpupupuan. Iniing̃atan niya hanga ng̃ayon ng̃ boong pagmamahal ang isang larauan niyang guinawa ni Rizal sa sandalíng pagguguhit ng̃ lápiz.

Hindî maalis sa alaala ni Rizal ang mg̃a pag-alipusta ng̃ mg̃a fraile sa mg̃a filipino, caya ng̃a't sa canyang mg̃a pakikipag-usap sa canyang matalic na caibigang si Profesor Blumentritt ay canyang nasalità ang ganito:

"Na ang lahat ng̃ mg̃a lahi ng̃ mg̃a tao ay nagcacaibaiba lamáng sa canicanilang anyô at caugalian sa dacong labas, ng̃uni't alinsunod sa Psicología[49] ang maputi, ang abo-abo, ang marilaw, ang caymangui at ang maitim ay nagcacaisa ang naramdaman, nagcacawang̃is ang mg̃a umuudyok na budhî at hilig, na nagpapatibóc ng̃ púsò: at ang pinagcacaibahan lamang ay ang paraan ng̃ pagsasaysay ó paggawâ.

"Na walang napagkikilala ang mg̃a antropólogo[50] cung dî ang mg̃a lahi; na ang napagmamalas lamang ng̃ mg̃a mapagmasid ng̃ mg̃a pamumuhay ng̃ bawa't nación ay ang pagcacaiba't iba ng̃ calagayan ng̃ mayaman at mahirap, ng̃ mahal at timawa; na sa mg̃a nacióng lalong mg̃a paham, na gaya baga ng̃ Francia at Alemania, ang lalong marami sa mg̃a nananahan doo'y casing pantay rin ng̃ calagayan ng̃ pag-iisip ng̃ mg̃a tagalog, at ang culay ng̃ balat, pananamit at wicang guinagamit ang bilang caibhan lamang."

"Na ang pag-íisip ay tulad sa mg̃a cayamanan at cung may mg̃a nacióng mayaman at mahirap, ay may mg̃a tao ring mahirap at mayaman; cung may nagbabalac na táong siya'y ipinang̃anac na pagdaca'y mayaman, ang gayong tao'y namamali, sa pagca't siya'y sumilang sa sandaigdigang dukhâ at hubád na cawang̃is ng̃ alipin; minamana ang catalasan ng̃ isip na tulad naman sa cayamanang naipamamana. Pawang mayayaman sa pag-íisip ang mg̃a nación sa Europa; datapwa't ang mg̃a tao roon ng̃ayo'y hindî mangyayaring macapagsalitâ, cung di ring lamamg maghahambog, na pagdaca'y mayaman na sila sa pag-íisip mulâ ng̃ mátayô ang canilang mg̃a nación; nagcailang̃an silang gumugol ng̃ maraming siglo[51] sa pagpupumilit sa pamamag-itan ng̃ pagbabaca upang camtán ang mg̃a calayâan, magagaling na mg̃a cautusan at iba pang sarisaring paraan, at ng̃ masundoan ang mg̃a cayamanan ng̃ pag-iisip na canilang ipinamana pagcatapos sa mg̃a táo ng̃ayon; ang mg̃a nagpapakinang ng̃ isip ng̃ayon, ang catowid baga'y ang nagtuturo ng̃ayon sa mg̃a cabataan, di ng̃a nila magagawâ ang gayong mg̃a bagay cung hindî sana nila sinamantala ang salinsaling natutuhan ng̃ mg̃a táong sinundan nila, at cung hindî naman sila lubos na nagsumakit; ang bagay na ito'y sinasacsihan ng̃ Historia[52] ng̃ panahong una'y hindî higuit ang cagaling̃an ng̃ pagpapalagay ng̃ mg̃a romano sa mg̃a alemán, sa pagpapalagay ng̃ mg̃a castílà sa mg̃a tagalog."

"Na ang mg̃a pagpintás na guinagawâ ng̃ mg̃a taga Europa sa nang̃agcacaiba't ibang mg̃a lahing may culay (ang mg̃a caymangui, maitim, marilaw ó abo-abó) ay hindî mabigyang caliwanagan sa isáng matibay na catowiran; cayâ silá nagcacagayo'y dahil sa talagang handâ na ang caniláng calooban sa dî paniniwalâ, at dahil naman sa canilang pagcaisip na sila ang nauucol macapangyari sa mg̃a láhing hindî mapuputî. Talastas ng̃ lahát na nang̃ang̃anib ang mg̃a lahing may culay na baca sila'y pawaláng halaga ng̃ lahing putî, at sa ganitong dahil, cung sila'y naglilingcod sa mg̃a taga Europa ay malaki ang sa canila'y ikinalalamang, at bucod sa rito'y sa pagca't pinagwawárì na hindî magagamit ang lahing may culay sa mg̃a linilimbag. Datapwa't cung paglilining̃in, ang mg̃a lahing may culay na canilang tinutucoy ay mg̃a táong totoong timáwà at waláng pinag-aralan, masasabing ang halaga ng̃ mg̃a pasiya ng̃ mg̃a lahing putî ay capantay lamang ng̃ sa isang tagalog, na sa canyáng paglalacbay sa Francia at Alemania ay ibig na ipalagay na ang lahát ng̃ mg̃a tagaroo'y pawang catulad ng̃ mg̃a manggagatas, mg̃a alílâ at mg̃a cocherong francés at alemáng canyáng nakita."

"Na ang dahil ng̃ caimbihan ng̃ mg̃a túbò rito sa Filipinas ay nagmumulâ lamang sa culay ng̃ balat. Maraming lalaki't babae sa Europa na nagmulâ sa lalong carukharukhâang pamumuhay, na nangyaring naca-akyat sa lalong cataastaasang calagayang lubhang mahahalagá, ang iba'y nang̃atututong bumagay sa canilang bagong calagayan at hindî ikinahihiyâ ang canilang abang pinanggaling̃an, cung dî bagcos pang ipinalálagay nilang isang malaking capuriháng nangyaring nasunduan nila, sa canilang sariling pagpupumilit, ang gayong pagcápaunlac; ang iba nama'y pinagtutuyaanan at inaaring salát sa catalinuhan, dahil sa canilang dî wastóng paghahambog. Ipinalálagay ng̃ mg̃a táong may culay, na sila'y ucol sa mg̃a dapat uyatín at pawaláng halagá, baga ma't sila'y mg̃a táong mahal na lubós, palibhasa'y isáng sacsìng nagpapatotoo ng̃ canilang pinangaling̃an ang canilang pagmumukhâ, at ang bágay na ito'y siyáng sa canila'y nacapagbíbigay ng̃ cakimian, dahil sa talastás niláng sa canila'y pagpapawaláng halagá ng̃ mg̃a taga Europa: masamâ ang pagting̃în ng̃ mg̃a europeo sa mg̃a tagalog; anó máng waláng cabuluháng pagcacamalî nitó, na mangyayáring gawín din namán ng̃ cahi't dalisay mang lahî ng̃ isáng tubò sa Montmorency, ay linílibac ng̃ mg̃a europeo, at isinisiwalat nila sa pananalitáng: "¡anó ng̃â bagá ang maaasahang gawíng mahusay ng̃ isáng taong may cúlay!" Mangyayáring datnin niyáng siyá'y maguing isáng magalíng na Abogado, isáng dakilang Médico, datapowa't cailán may hindî nila ipalalagay na itó'y isáng caraniwang bágay; ang pinaca malakíng magagawâ lamang nilá'y isáng panguiguilalás, na hicayat ng̃ pagpapalamáng, na gaya ng̃ pagtatacâ, sa isáng malakíng áso sa circo, ng̃uni't hindî ng̃â nilá, matatangáp na magcacapantáy ang pag-iísip ng̃ tagalog at ng̃ europeo".

Sa matiyagá at masalicsic na pagsisiyasat ni Rizal ay caniyang lubós napagkilalang nagcacapantay-pantay ang caya ng̃ pag-iísip ng̃ lahát ng̃ mg̃a láhì: putî, caymangui, mariláw, abo-abó ó itím, at yayamang gayó'y mangyayaring ipagcaloob sa isá't isá ang lahát ng̃ bágay na pamamahálang magalíng sa báyan, ó mg̃a cautusán bagáng nagbíbigay ng̃ lálong malalakíng calayàan; at sa ganitóng pananálig niyá'y guinugol ang boóng lacás upang camtán ng̃ caniyáng mg̃a cababayan ang mg̃a calayàang totoong kinacailang̃an, at ng̃ dito'y lumagô ang caguinhawahan at lumucloc ang Ináng Filipinas sa trono nang carang̃alan.

Nang may isáng bowan ng̃ nagsasama ang magcaibiga'y nagpaalam si Rizal cay Blumentritt, at canyáng nilibot ang mg̃a ciudad ng̃ Praga, Bruna, Viena, Nuremberg at Munich. Dumating sa Ginebra ng̃ mg̃a unang araw ng̃ Junio, doo'y nátirang sandalî, lumipat sa Losana at doo'y tumiguil na iláng araw, sacá nilibot ang mg̃a pang̃ulong bayan ng̃ Suiza at pagcatapos ay naglacbay sa Italia, nilibot namán niyá ang boong caharìang iyón; ng̃uni't malaon ang canyang itiniguil sa Milan, Venecia, Florencia, Roma at Génova. Mulâ sa Génova'y na pasa Marsella, at buhat dito'y lumulan siya sa vapor "Diemnah" na patung̃o sa Saigon ng̃ bowan ng̃ Julio ng̃ 1887, at pagdating sa Saigon ay lumulan namán siyá sa vapor "Haiphong" na patung̃o sa Filipinas na ang conciencia'y tahimic, samantalang nang̃agcácagulo namán ang mg̃a fraile't castílà sa Maynilâ, na ang pinacamagaang na cahiling̃an ay putulin ang canyáng ulo, bilang caparusahang magaang sa dakilang casalanang pagcasulat niyá ng̃ Noli me tangere.

Decorative motif

Nang dumating si Rizal dito'y casalucuyang Presidente ng̃ Consejo ng̃ mg̃a Ministro sa España si D. Práxedes Mateo Sagasta, Ministro ng̃ Ultramar si Don Victor Balaguer, Gobernador at Capitán General ng̃ Filipinas si D. Emilio Terrero, Gobernador Civil ng̃ Maynílà, si D. José Centeno, Director General ng̃ Administración Civil si D. Benigno Quiroga-López Ballesteros at Secretario ng̃ Gobierno General si D. José Sáinz de Baranda, mg̃a guinoong pawang mairuguín sa calayàan; at cung hindî ang dirito'y ang mg̃a guinoong sinabi na, noon pa sana'y napahamac na si Rizal.

Tumangáp siyá ng̃ siya'y bagong cararating dito sa Maynílà, ng̃ lubhang maraming sulat na waláng firma, at doo'y ipinagtagubilin sa canyang siya'y magpacaing̃at, sa pagca't totoong nang̃ang̃anib ang canyang buhay, at gayon din namán ang sabi sa canyá ng̃ canyáng ama't iná, mg̃a capatíd, mg̃a camag-anac at mg̃a caibigan. Nang̃agtátaca ang lahát cung bakit hindî agád siya napapahamac pa, palibhasa'y hindî cailâ ang calakilakihang capangyarihan ng̃ canyang mg̃a caaway.

Sa utos ng̃ matátaas na puno'y halos hindî humíhiwalay cay Rizal ang teniente ng̃ guardia civil na si D. José Taviel de Andrade.

Isáng umaga'y napasá Ateneo Municipal siyá upang makipagkita at bumátì sa mg̃a jesuitang si párì Pablo Ramón at si párì Federico Faura; sinalubong siyá nitó, at sinábi sa canyáng yámang nagbago siyá nang pananampalataya'y huwag ng̃ túlungtong na mulî sa Ateneo; at hindî na ng̃á namán siyá nagbalíc doón hangang sa siyá'y binaríl.

Hindî nagluwat sa Maynila si Rizal; na pa sa Calambâ siyá, at iníbig niyang doó'y manahímic; ng̃uni't hindî nangyári. Sa ákit ng̃ pagmamahál sa mg̃a cababáyan, siyá'y gumawâ nang isáng casulátang wícang castilà at wícang tagalog, na doo'y idinaraing sa Gobernador General na mangyáring tangkilikin ang mg̃a catowiran ng̃ mg̃a taga Calambang maláon ng̃ totoong niyuyurac ng̃ mg̃a fraile. Sa casulatang iyo'y sinasaysay ang lihís sa matuwíd na pagpapabuwís ng̃ mg̃a fraileng dominico sa mg̃a lupang linílinang ng̃ mg̃a taga Calambâ, ang pagdaragdag sa taon-taón ng̃ buwis, ang sa mg̃a pagtataním ng̃ mg̃a halaman, ang sa mg̃a lansang̃an, mg̃a bahay at mg̃a escuelahan: waláng sinásaysay doon cung di dalisay at wagás na catotohanan. Tumawag si Rizal ng̃ isang pulong ng̃ mg̃a namamayan sa Calambâ, dumaló sa pulong na iyón ang mg̃a caibigan at ang mg̃a caaway ng̃ mg̃a fraile; ipinabasa niyá sa lahát ang casulatang wícang castila't wícang tagalog na iyón, at walâ, isá mang tumanguí sa pagfirmá. Pumirmá sa casulátang iyón si Rizal, ang caguînoohan, ang mg̃a naghaháwac ng̃ lupa't ang mg̃a nang̃ing̃isama, ang mg̃a babae, ang mg̃a alilà, ang mg̃a insíc, ang boong báyan, sampo ng̃ mg̃a caibígan ng̃ mg̃a fraile. Ipinadalá ang caraing̃ang iyon sa Gobernador General, at ang gayong caraing̃a'y hindî pinansín; at sapagca't nag acalang manghigantí ang mg̃a fraile, mulíng nagpadalá ulî ng̃ isá pang casulatang ipinamamanhíc na mangyaring makialám ang Gobernador General sa pag-amís na guinágawâ ng̃ mg̃a fraile; ng̃uni't ang gobierno'y hindî umimíc.

Nagpasimulâ ang mg̃a taga Calambâ ng̃ pagtanguí sa pagbabayad, samantalang hindî ipinaliliwanag ng̃ mg̃a fraileng dominico ang cung bakit silá ang tang̃ing may-árì ng̃ boong Calambâ, na waláng nátira, cácarangcal mang lúpà sa mg̃a táong túbò roon; sinagót ng̃ mg̃a fraile ang gayong cahing̃ìan, ng̃ pagpapalakí ng̃ bowís at ng̃ paghihigpít ng̃ panining̃il, at sa cawacasa'y nagpadalá silá sa Calambâ, ng̃ Septiembre ng̃ 1888, sa pamamag-itan ng̃ capangyarihan ng̃ Capitán General Weyler, ng̃ isáng hucbó ng̃ mg̃a sundalo, at ipinaguibâ at ipinasunog ang mg̃a bahay ng̃ nagsisitanguing magbayad ng̃ buwís, at isá sa mg̃a ipinaguibâ ang bahay ng̃ mg̃a magulang ni Rizal.

Baga man totoong ligalíg ang canyang calooban sa mg̃a pag-apíng nangyayari sa canyang cababayan at sa mahigpít na pag-uusig na sa canya'y guinágawâ ng̃ mg̃a fraile, hindî rin siyá naglilicat ng̃ pagsulat; inihulog niyá sa wicang tagalog ang iláng maiinam na tuláng wicang alemán, at sacâ ang bantóg na drama ni Schiller na Guillermo Tell ang pamagát, na wicang alemán din, at bukod sa roo'y nanggágamot pa siyá sa mg̃a may sakít sa canyang bayan.

Datapowa't waláng salitâ, waláng pagkilos, waláng anó mang hakbáng si Rizal na hindî ipinalálagay ng̃ mg̃a fraileng hakbáng, kilos at salitáng "filibustero", at dahil sa gayong nangyayari'y napilitan si Rizal, na mulíng panawan ang canyang pinacasísintang bayang Filipinas, at papang̃ulilahin ang canyang mg̃a magulang, capatíd, kinamag-anacan, caibigan at mg̃a cababayan, ng̃ unang araw ng̃ Febrero ng̃ 1888, cahi't may dinaramdam pa siyáng sakít noon. Umalís sa Filipinas si Rizal na nanglulupaypáy ang loob; siyáng cailan ma'y di nag-ibig na magbubò ng̃ cahi't capatác dugô ng̃ canyáng capowâ tao'y napagkilala niyang hindî cacaratan ang casarinlán ng̃ Filipinas cung dî sa pamamag-itan ng̃ pagpapabahâ ng̃ dugô.

Hindî pa nalalaong nanaw si Rizal sa Maynila'y guinawà na ng̃ mg̃a caguinoohang tagalog sa pang̃ulong bayang ito ng̃ sangcapuluang Filipinas, ng̃ unang araw ng̃ Marzo ng̃ 1888, ang isáng payapang "procesión cívica" ng̃ lubhang maraming filipino, na nagdaan sa Escolta, tinung̃o ang loob ng̃ Maynilà at ibinigay cay Don José Centeno, Gobernador Civil dito ng̃ panahóng iyón, ang isáng casulatang nacafirma ang marami, na doo'y hinihing̃ing papanawin dito ang Arzobispo at paalisín ang mg̃a fraile, dahil sa mg̃a cadahilanang nálalagdâ sa casulatang iyón. Sinalubong ang mg̃a guinoong iyón ng̃ Gobernador Civil ng̃ boong cagandahan ng̃ loob, at sa canila'y ipinang̃acong gagawin ang na sa catwiran, bagay na matútupad ng̃â marahil cung dî sana macapangyarihan ang mg̃a fraile cay sa Gobierno ng̃ España. Ang nangyari'y nang̃ábilanggò sa Bilibid na mahabâ ring panahón ang mg̃a pang̃ulong pumifirma sa casulatang iyón, at walang nagawâ upang sila'y maligtas si Terrero, Centeno at Quirroga—López—Ballesteros na sa canila'y tumatangkilic.

Dumatíng si Rizal sa Emuy. Nalúlà siyang mainam sa pagdaragát, dahil sa tinátaglay niyáng sakít. Hindî siya lumunsád sa Emuy, dahil sa malacas na ulán at sa caguinawán, at dahil namán sa sinabi sa canyáng doo'y totoong marumí. Nagtulóy siya sa Hongkong at doo'y nacakilala niya ang ilang mg̃a castílà at si G. Balbino Mauricio, na malaóng taóng nabilangò dahil sa gulóng nangyari sa Tang̃uay ng̃ taóng 1872. Doon siya nátira sa bahay ni G. José María Basa, na napatapon sa Marianas, dahil din sa gulóng sinabi na. Nag-aral siya sa Hongkong ng̃ wicang insíc. Napag-unawâ ni Rizal doong ang mg̃a fraileng dominico'y sila halos ang may ari ng̃ Arsenal sa Hongkong. Sinamahan si Rizal ni Basa sa pagpasa Macao, upang dalawin si G. Lecaroz, at sa bahay nito'y natirá, silang ilang araw, at pagcatapos ay nang̃agbalic ulì sa Hongkong, at mulâ roo'y lumulan siya sa vapor "Oceanic" ng̃ ica 22 ng̃ Febrero ng̃ 1888, na ang tung̃o'y sa Japón. Damatíng siya sa Yokohama ng̃ ica 28 ng̃ buwan ding iyon. Carárating pa lamang niya sa Hotel ay tumanggáp na siya ng̃ pasabi ng̃ "Encargado ng̃ Legación ng̃ Negocios ng̃ España" sa ciudad na iyong sa canya'y makikipagkita. Hindî ng̃a nalaon at dumatíng sa tinatahanan ni Rizal ang iláng castílà, binati siya ng̃ boong pitagan, inihandóg sa canya ang boong paglilingcod at tuloy inanyayahan siya ng̃ boong guiliw na doon na matira sa Legación. Aayaw sanang pahinuhod si Rizal sa anyayang iyón, ng̃uni sa pagca't namasid niya ang malabis na pagpupumilit, at palibhasa'y nais niya ang lubos pakilala sa mg̃a castílà, sumang-ayon siya sa capamanhican. Nátira ng̃â si Rizal sa Legación ng̃ Españang may mahiguit na isáng buwan. Nilibot niya ang ilang lalawigan ng̃ Japón, na cung minsa'y casama niya ang "Encargado ng̃ Legación" at cung minsa'y ang "intérprete" nito: Doo'y nag-aral si Rizal ng̃ japonés at pinagsiyasat ang canilang teatro. Samantala'y inaakit si Rizal ng̃ sinabi ng̃ "Encargado" na tumanggap ng̃ isang catungculang mataas na sa canya'y ipinagcacaloob ng̃ Gobierno ng̃ castílà, datapwa't hindì pumayag si Rizal. Nang macalampás ang isáng bowa'y napasalamat siya sa magandang caloobang sa canya'y ipinakita, napaalam at lumulan sa isáng vapor na ang tung̃o'y sa Estados Unidos ng̃ América. Nácasacay niyá sa vapor ang isáng mag-anac na ang ama'y inglés na nagng̃ang̃alang Jakson, ang ina'y filipina at ang mg̃a anac ay ipinang̃anac sa Filipinas, at sacà isáng japonés. Itinanong sa canya ng̃ isá sa mg̃a anac ng̃ inglés cung nakikila niya ang isáng nagng̃ang̃alang "Richal" na cumathâ ng̃ Noli me Tangere; sumagot si Rizal na nacang̃itî, na nakikilala niya, tulad sa pagcakilala ni Aladin cay Florante; at sa pagca't nagsasalitâ ng̃ mg̃a pagpupuri sa cumathâ ng̃ librong yaon, siya'y napakilala na, sa pagca't cahi't ilihim man niyá ang canyang pang̃alan ay maaalaman din sa capitán at mg̃a oficial ng̃ vapor. At sapagca't ang japonés ay walang nalalaman cung dî ang canyang kinaguisnáng wícà, siya ang naguíng "intérprete" sa pakikipagsalitaan sa ibáng mg̃a casacáy sa vapor.

Dumatíng si Rizal sa San Francisco de California ng̃ ica 28 ng̃ Abril ng̃ 1888. Hindî siya nacalunsád agád, dahil sa pinapag "cuarentena" ang vapor, bagá man tumelégrama ang Cónsul americano sa Hongkong, na ng̃ umalís ang vapor na iyo'y waláng cólera roon, at gayon ang guinawâ dahil lamang sa may casacáy na walong daang insìc, at sapagca't nagcátaong ng̃ mg̃a araw na iyo'y casalucuyang halhalan, ng̃ mawicâ ng̃ mg̃a táongbayang ang Gobierno'y tumiting̃in sa canilá at naghihigpít sa mg̃a insíc, cayâ guinawâ ang gayong pagbimbín. Gayon ma'y cumacain sa vapor ang maraming mg̃a empleado sa Aduana roon at ang Médicong americano na galing sa Hospital ng̃ mg̃a may sakít na cólera. Nang macaraan ang labingdalawang araw ay pinalunsád si Rizal at iba pang mg̃a "pasajerong de primera", ng̃uni't nang̃atirá sa vapor ang mg̃a insíc at mg̃a japonés na pawang pasajerong "de 2.a" at "de 3.a" hangang sa namatáy na untiuntì, ayon sa balitâ ni Rizal, ang may tatlongdaang insíc.

Linibot ni Rizal ang lalong malalakíng ciudad ng̃ Estados Unidos, at canyáng hiniwatigan ang calagaya't mg̃a caugalian ng̃ mg̃a tagaroon. Hinang̃aan niya ang mg̃a caguilaguilalas na bahay roon, ang mg̃a ilaw eléctrico, ang cahimahimalang Niágara, ang mg̃a dakilang bung̃a ng̃ caisipán ng̃ mg̃a americano; dinalaw niyá ang mg̃a nagpapaalaala cay Washington, ang carilagdilagang táong walang cahulilip sa sanglibutan ng̃ siglong yaon; ng̃uni't namasid niyang doo'y walang tunay na calayâan sa pamamayan. Sa maraming mg̃a Estado'y hindî nacapagaasawa ang isang lalaking negro (itím) sa isang babaeng maputî, at ang isang babaeng maitím, ay hindî nacapagaasawa sa isang lalaking maputî. At doo'y totoong kinagagalitan ang mg̃a insíc, hangang sa pagcamal-an ang mg̃a japonés na isinasama nilá sa pagcasusot sa mg̃a insíc.

Ng̃ ica 16 ng̃ Mayo ng̃ 1883 ay lumulan si Rizal sa vapor "City of Roma" at tumung̃o sa Europa. Dumatíng siya sa Liverpool ng̃ ica 24 ng̃ Mayo ng̃ 1883, at hindî nalao't siya'y na pa sa Lóndres ng̃ calaghatían ng̃ taón ding iyón, at sa araw-araw ay naparoroon siya sa bahay ng̃ filipino ring si G. Antonio María Regidor.

Samantalang linilibot ni Rizal ang mg̃a iba't ibang nación upang mahiwatigan at mapagcúrô niya ang sarisaring dunong at mg̃a caugalian ng̃ iba't ibang lahì, itinátayô namán sa Madrid ng̃ mg̃a filipinong naroroon, ng̃ ica 12 ng̃ Julio ng̃ 1888, ang "Asociaciòn Hispano-Filipina," na caayon nilà ang pantás na castilang si D. Miguel Morayta.

Sa pagca't inaacálà ng̃ mg̃a filipinong yaong kinacailang̃an ang isang pamahayagang maglathalà ng̃ canilang mg̃a mithî at damdamin, nagtatag ang filipinong si G. Graciano López Jaena ng̃ isang pamahayagang pinalalabas towing icalabinglimang araw, na ang pamagat ay La Solidaridad. Nagsisulat sa pamahayagang ito si na Guinoong Marcelo Hilario del Pilar, José Rizal, Ferdinand Blumentritt, Mariano Ponce, Eduardo Lete, Antonio Luna, Graciano López Jaena, Dominador Gómez at iba pa.

Nagtayô ng̃ mg̃a panahong iyon ng̃ isang "logia" ng̃ mg̃a filipino, na pinamagatang Solidaridad, at mulâ noo'y sumilang ang adhicang palaganapin sa mg̃a filipino ang masonería.

Guinawâ ng̃ 25 ng̃ Noviembre ng̃ 1889 ang Junta general ng̃ capisanang "Asociación Hispano-Filipina at nangahalal na bumuô ng̃ Junta Directiva ang mg̃a sumusunod:

Presidente: D. Miguel Morayta, Gran Oriente Español ng̃ francmasonería.

Vicepresidentes: D. Antonio Balbin de Unquera, católico at manunulat na balita; D. Felipe de la Córte, general brigadier ng̃ ingenieros, at D. Luis Vidart, jefe ng̃ artillería, académico ng̃ Historia at manunulat.

Tesorero: D. Teodoro Sandiko.

Secretario: D. Dominador Gómez.

Ang bumubuô naman ng̃ Comisión Ejecutiva'y ang sumusunod:

Presidente: D. Miguel Morayta.

Vocales: D. Marcelo Hilario del Pilar, D. José Hernández Crame at D. Simplicio Jugo.

Secretario: D. Manuel Labra.

Hangang guinágawâ ng̃ mg̃a filipinong na sa Madrid ang mg̃a sinabi co na'y sinisiyasat naman ni Rizal ang lahát ng̃ mg̃a casulata't mg̃a librong nauucol sa Filipinas, upang malagyan niya ng̃ mg̃a paliwanag ang librong Sucesos de las Islas Filipinas (Mg̃a nangyari sa Sangcapuluang Filipinas) na sinulat ng̃ Dr. Antonio Morga na ipinalimbag nito sa México ng̃ taóng 1609.

Dito naman sa Filipinas ay hindî naglilicat ang mg̃a fraile ng̃ pagsirang puri sa Noli me tangere.

Palibhasa'y hindî marami sa mg̃a lupaíng itó ang marunong ng̃ wicang castílà, ang mg̃a sinulat ni Rizal at ibá pang mg̃a filipino, tungcol sa pagmamalasakit sa atin, ay bahagyâ, na lamang napagkikilala rito, datapowa't sa malakíng pagcacámalî ng̃ mg̃a fraile ay silá rin ang naglaganap ng̃ bagay na caniláng linilipol.

Pagca ang tao'y naparaig sa silacbó ng̃ maning̃as na galit, ang madalás na naguiguing bung̃a ng̃ guinagawà ay siyá rin ang nagpahamac sa sarili. Itó rin ng̃â ang nangyari sa mg̃a fraile.

Kinapopootang totoo ng̃ mg̃a fraile ang mg̃a sinusulat ni Rizal, dahil sa pawang pumupucao ng̃ pagsinta sa kinamulatang lúpâ, nagpapaliwanag ng̃ catowiran, nagpapakilala ng̃ sariling dang̃al at camahalan, nagtuturô ng̃ mg̃a catungculan at carapatán at ipinauunáwâ ang mg̃a pagdaraya at pang̃ang̃alacal na guinagawâ sa Religión ni Cristo ng̃ mg̃a nagpapangáp na "cahalili ng̃ Dios," at napopoot sila ng̃ di cawasà cay Rizal at sa caniyang mg̃a sinusulat, palibhasa'y talós nilang si Rizal ay lubhang pahám at masintahing totoo sa tinubuang lúpâ, at cung ang mg̃a titic na iya'y lumaganap sa sangcapuluan, ang caniláng capangyariha'y málulugsô at masisirâ ang caniláng hanap buhay na pang̃ang̃alacal ng̃ Religión.

Sa guitnâ ng̃ caniláng pagng̃ing̃itng̃it ay humanap silá ng̃ paraang sucat macasirang puri sa filipinong nagtatang̃ol sa canyang kinamulatang bayan.

Totoo't na sa caniláng camáy ang capangyarihang magbawal ng̃ pagpapadalá rito ng̃ mg̃a casulatan ni Rizal, at na sa camay rin namán nilá ang capangyarihang umusig at magparusa ng̃ cabigatbigatan sa sino mang mang̃ahás tumanggap, mag ing̃at ó bumasa ng̃ mg̃a casulatang yaon; ng̃uni't caniláng nakitang linalabag lamang at pinaglalaruan ng̃ ilang mg̃a filipinong tunay na sumisinta sa tinubuang bayan ang canilang mahigpít na utos, ang canilang mg̃a pagbábalà ng̃ caparusahán sa catawán at sa calolowa, at winawalang cabuluhan ang canilang mg̃a pang̃ang̃aral sa púlpito at sa confesionario, at sa gayong calagaya'y pinagcaisahan ng̃ mg̃a fraile na sagutin ang mg̃a casulatan ni Rizal ng̃ sulat din. Inihalál nila sa pagganap ng̃ ganitong tungcol si Fr. José Rodriguez, na ng̃ panahóng yao'y prior at púnò ng̃ "Asilo de Huérfanos" (Ampunang-bahay sa mg̃a ulilang lalaki) sa convento ng̃ Guadalupe, sacop ng̃ bayang San Pedro Macatí, na ng̃ayo'y napapanig sa lalawigang Rizal.

Tumupad si Fr. José Rodriguez ng̃ boong casipagan sa canyang mahigpit na catungculan, at sinabi naming mahigpit, sa pagca't walâ ng̃ mahirap gawing gaya ng̃ piliting hadlang̃an ang mahinusay na lacad ng̃ pagsulong ng̃ mg̃a carunung̃an at ng̃ pagcakilala ng̃ tawo sa canyang sariling camahalan; tulad naman sa halíng na mag-acalang masasalaan niya ang ilog Pasig, at ng̃ ang tubig na umaagos doo'y howag macarating sa dagat.

Nagpalimbag si Fr. José Rodriguez ng̃ sunodsunod na mg̃a libritong wicang castílà at wicang tagalog. Pinamagatán niya ang mg̃a wicang castílà ng̃ CUESTIONES DE SUMO INTERES, at ang tagalog nama'y CAIINGAT CAYO.

Hindî sagot ang mg̃a libritong yaon sa mg̃a pang̃ang̃atowiran ni Rizal, cung di licawlicaw na paglait, pag alipusta at mg̃a pagpaparatang sa tinatawag nilang hang̃al at imbíng Doctor Calambenyo.

Hindî kilala ng̃ panahóng iyón ng̃ halos ng̃ lahat ng̃ filipino ang Doctor José Rizal, at bihirangbihirâ ang nacauunáwà ng̃ canyang pang̃alan at mg̃a sinusulat, datapowa't ng̃ mabasa ng̃ mg̃a tagalog ang mg̃a librito ni Fr. José Rodriguez, na ipinang̃alat na walang bayad ng̃ boong casaganaan, ay napucaw ang canilang pagmimithing basahin ang NOLI ME TANGERE, na bagong calalabas, at sa pagca't ang pagsinta sa Inang Baya'y siyang lalong malacás na pangpatapang sa paglulong sa pang̃anib, hindî nawalan ng̃ nagpilit na dito'y macapagpasapit ng̃ lihim ng̃ lalong marami ng̃ librong iyon, at marami naman ang lihim na naglacô, at lalong marami ang mg̃a lihim na bumili, "sa anim at pitong piso bawa't libro." Walâ na yatang totoong masarap sa aliping gaya ng̃ lumasáp ng̃ ibinabawal; ito ang cadahilana't nanaig sa tacot sa capahamacan ang maalab na adhicang sumírà, ng̃ utos ng̃ mg̃a tampalasang pinapang̃inoon.

Hindî nalaon at sinagot ng̃ mg̃a tagalog ang mg̃a libritong CAIINGAT CAYO ni fray José Rodriguez ng̃ mg̃a librito ring pinamagatan naman ng̃ CAIIGAT CAYO, sa macatowid baga'y magpacaigat, tumulad sa igat, na sa cadulasan ng̃ catawan ay nacahahagpos sa camay ng̃ humuhuli. Cung minsa'y Dolores Manapat at cung minsa'y Salvadora Liwanag ang nacafirma sa mg̃a libritong iyon. Isa sa mg̃a libritong tagalog na sagot sa mg̃a librito ni Fr. José Rodriguez ay ang nacafirma'y si Dimas Alang, pamagat ni Rizal, na siyang sumulat ng̃ libritong iyon.

Sa mg̃a libritong Caiigat cayo'y ipinakikilala ang mg̃a malulupit at mg̃a cahalayhalay na asal ng̃ mg̃a fraile at ang canilang mg̃a pagdaraya sa mg̃a filipino, at bucod sa rito'y linilibac ang mg̃a maling aral, ang mg̃a licong itinuturo, at ang mg̃a cung dî sana catampalasana'y catawatawang mg̃a aral ng̃ Iglesia Católica Apostólica Romana, at ang mg̃a libritong yaon ang caunaunahang limbag na sa wicang tagalog ay nag-alís ng̃ piríng ng̃ mg̃a nalalabuang isip ng̃ tagarito.

Bucod sa mg̃a libritong Caiigat ay may isinabog din dito sa Maynilang mg̃a dahong papel na limbag, na ang pamagat ay ¡Alerta Paisanos! at iba pa, na pawang laban din sa mg̃a fraile at sa mg̃a macafraile.