Decorative motif

May mg̃a bagay na nangyari ng̃ mg̃a panahóng yaóng hindî dapat calimutan, sapagca't nagpapakilala ng̃ casiglahán ng̃ loob ng̃ mg̃a táong bayan, ng̃ caniláng tunay na pag-ibig sa kinamulatang lúpà at ng̃ caniláng malakíng galit sa mg̃a fraile na dito'y pawang nag-uugaling mabang̃is na hárì bawa't isá.

Niyo'y icapat na araw ng̃ Octubre ng̃ 1888, casalucuyang ipinagpifiesta ang San Francisco de Asis, na hindî magcasiya sa simbahan ng̃ mg̃a franciscano sa Maynilâ ang dami ng̃ taong nagsimbá sa misa mayor; ng̃ matapos na ito'y may apat ó limang batang lalaki na namamahagui, sa nagsisilabás sa simbahan, ng̃ mg̃a libritong waláng pinag-ibhan ang culay ng̃ takíp sa mg̃a librito ni Fr. José Rodriguez, at ang pamagát ay Caiingat cayo. Nang matatapos na ang paglabás ng̃ mg̃a tao'y nátanawan ng̃ isáng fraileng franciscano, buhat sa bintánà ng̃ convento ng̃ simbahan ng̃ "Tercera Orden", na caniyang pinanunung̃awan, ang pamimigáy ng̃ mg̃a librito ng̃ mg̃a batang yaón. Ipinatawag agad-agád ng̃ fraile ang uldóg na portero at pinagutusang cumuha ng̃ isá sa mg̃a libritong ipinamímigay. Sumunód naman ang uldóg. Huming̃î sa mg̃a batâ ng̃ isá sa mg̃a libritong iyon at ipinanhic sa fraile, at ng̃ buclatín nitó ay nakitang ang mg̃a libritong yaon ay hindî palá ang Caiingat cayo ni Fr. José Rodriguez, cung di ang Caiigat ng̃ mg̃a tagalog, at sa gayo'y nalipós ng̃ galit ang fraile, at sinabi ng̃ pasigáw sa uldóg, na pagdaca'y iparakíp sa mg̃a guardia civil veterana ang mg̃a batang iyón. Patacbóng nanaog ang uldóg, tumawag ng̃ mg̃a veterana at iniutos niyang dacpín ang mg̃a batang namímigay ng̃ mg̃a librito sa mg̃a táong lumálabas sa simbahan ng̃uni't ng̃ caniláng hanapin ay walâ na cahi't isá man, nacatacas ng̃ lahát, at cahi't pinagpilitang maalaman cung sino sino ang mg̃a batang iyon, at cung sino sino ang sumusulat, nagpapalimbag, lumilimbag at nagpapacalat ng̃ Caiigat cayo, ay hindî nangyaring maalaman, at nasayang lamang ang di cacaunting nagugol na salapî ng̃ mg̃a fraile sa pagpapahanap na iyón.

Decorative motif

Caugalian, buhat sa caunaunahang mulâ, na sa simbahan ng̃ Santa Cruz, nayong malakí nitong Maynílà, ay wicang tagalog ang guinagamit sa pagsesermón, at sa pagca't si Fr. José Rodriguez ay balitang magaling managalog, inanyayahan siya ng̃ cura párroco sa nasabing nayon ng̃ Santa Cruz, na si párì Eustaquio Moreno, fraileng recotelano, na siya na ang magsermón sa ica 12 ng̃ Octubre ng̃ sinabi ng̃ taóng 1888, fiesta ng̃ Nuestra Señora del Pilar, pintacasi ng̃ bayan. Punóngpunô ng̃ táo ang simbahan, ng̃uni't pagcakita nilá na si Fr. Rodriguez ang pumanhíc sa púlpito at siya ang magsesermón, umugong ang isáng aling̃awng̃áw na salisalitaan ng̃ isa't isá:—¡Tayo na!—anilá,—ang magsesermón pala'y ang maestro ng̃ Dios! At nang̃aglabasan ng̃â, sa simbahan, na ano pa't iilán ilán lamang ang nanirá, na siyang nakiníg ng̃ pag-alimura ni Fr. José Rodriguez cay Rizal at sa boong catagalugan.

Hindî na namin saysayin ang lubhang maraming bagay bagay na nangyaring nagpaliwanag ng̃ pagcapucaw ng̃ loob ng̃ tagalog sa maning̃as na pag-ibig sa kinamulatang lúpà, mulâ ng̃ canilang mabasa ó mabalitaan ang mg̃a sinulat ni Rizal, hangang sa dumating ang malualhating icadalawampo't apat na araw ng̃ bowan ng̃ Agosto ng̃ 1896, na pagpapasimulâ ng̃ panghihimagsic ng̃ mg̃a filipino sa gobierno ng̃ castílâ, sapagca't lalawig caming lubhâ, at ang bagay na ito'y itatalâ na namin sa librong aming ilalathalâ na ang pamagát ay REVOLUCION NANG FILIPINAS; sucat na ang aming sabihing salamat sa mg̃a isinulat ni Rizal ay naguising sa mg̃a dibdib ng̃ catagalugan ang natutulog na pagsinta sa sariling dang̃al; at cung nangyari ang gayong caligaligayang bagay, sa gayong balibalitâ lamang ang pagcaalam ng̃ caramihan sa mg̃a sinulat ni Rizal, sapagca't bibihirâ ang tunay na nacatatalos ng̃ Noli me tangere, Filibusterismo at ibà pang canyang itinitic sa wicang castílà ¿di lalonglálò ng̃ mag-aalab ng̃ di ano lamang ang pagsintang iyán, cung caniláng ganáp na maunawâ ang mg̃a pantás na casulatan ni Rizal, na siyang naguing maliwanag na araw na humawì ng̃ dilim na mg̃a lupaing ito? Ito ang wagás na cadahilanan at pinagsicapan naming isatagalog ang calahatlahatang sinulat ni Gat Jose Rizal, at ilathalâ sa isáng paraang macacayang icabasa ng̃ lalong carukrukhaang tagalog, at lubós ang aming pag-asa na ang aming munting pagal ay pag-aanihan ng̃ matimyas at saganang bung̃ang icagagalíng at icararang̃al ng̃ Sangcapuluang Filipinas.

Nanatili si Rizal sa Lóndres, at doo'y ipinagpatuloy niya ang pag-uusísà ng̃ mg̃a casulatan at librong kinalalagdaan ng̃ mg̃a nangyari sa canyáng lúpà ng̃ mg̃a panahong nacaraan na, bucod sa siya'y nagpapadalá ng̃ sulat na ipinalalathálà sa "La Solidaridad." Sa sandasandaling siya'y natitiguil ay naglilibang sa pag-ukit ng̃ mg̃a larawang cahoy. Tatlong "estátua" ang nayari niya sa Lóndres na canyáng pinamagatang "Ang pagtatagumpay ng̃ camatayan sa buhay", "Ang pagtatagumpay ng̃ carunung̃an sa camatayan" at "Si Prometeong nacagapos". Bucod sa rito'y sumusulat siya ng̃ mg̃a casaysayang wicang inglés at wicang alemán, na canyáng ipinadádala sa mg̃a pamahayagan. Nátitira si Rizal sa Lóndres, sa nayon ng̃ Chalk Farm, sa bahay ng̃ isáng mag-anac na mg̃a inglés, na naboboo sa isang matandang lalaki at tatlong dalaga, na nagpapakita sa canya ng̃ boong cagandahan ng̃ loob, dahil sa sila'y nang̃alúlugod sa catalinuhan ng̃ isip at catimyasan ng̃ asal niya. Iguinawâ ni Rizal ng̃ isang mainam na larawang cahoy ang mg̃a ulo ng̃ tatlong dalagang iyon at saca inihandog sa canila.

Isang araw ay naparoon siya sa bahay ni G. Antonio Regidor at nagsabing siya'y aalis sa bahay na iyon at siya'y pasasa París, sa pagca't nararamdaman niyang tila siya'y ibig maraig ng̃ paghilig ng̃ budhî sa isá sa mg̃a dalagang iyon.—"Hindî mangyayaring dayain co ang dalagang iyon—ani Rizal cay Regidor;—hindî acó macapapacasal sa canya, sa pagca't hindî itutulot na gawin co ito ng̃ mg̃a ibang pag-ibig na linisan co sa ating lupain, at dî co ng̃a maitutumbas ang pagdaráyà sa isang dalisay at malinis na pag irog". Nalalarawan sa mukhâ ni Rizal ang malaking pakikipaglaban niya sa panghihinaíng ng̃ pusong sarili ng̃ sinasabi niya ang mg̃a bagay na iyón sa cababayan nating si G. Antonio Regidor.

Decorative motif

Lumipat ng̃â si Rizal ng̃ taóng 1889 sa París at doon tumulóy muna sa bahay ng̃ ating calahî at cababayang si G. Valentín Ventura, at bago lumipat sa Rue de Maubergue, bilang 45, sa París dín, at ipinagpatuloy niya roon ang pagcathâ ng̃ Filibusterismo, na canyang pinasimulán na ng̃ siya'y natitirá pa sa Lóndres, at tuloy ipinalimbág niya roon ang librong Sucesos de las Islas Filipinas, ni Doctor Antonio de Morga, na canyang nilagyan ng̃ mg̃a paliwanag upang lalong mapagcurong magalíng ng̃ babasa.

Samantala'y waláng licat ang paglaganap sa boong Filipinas ng̃ maraming dahong limbág, na doo'y ipinauunawâ ang sarisaring mg̃a mahahalay at tampalasang cagagawán ng̃ mg̃a fraile sa pagyurac sa dang̃al at pamumuhay ng̃ mg̃a filipino, mg̃a dahong limbàg na ipinamamahagui ng̃ boong lihim sa mg̃a tagarito, at hindî mapagcúrò ng̃ mg̃a cawaní ng̃ Gobierno cung sino ang nagdadalá rito, baga man nakikilalang mg̃a gawâ sa limbagan sa Hongkong, at hinihinalang ang nagpapalimbag doo'y marahil si G. Doroteo Cortés ó si G. José María Basa, na capowâ cababayan natin.

May isáng nagng̃ang̃alang filipinong sumagót ng̃ dahong limbag din sa mg̃a dahong limbag na iyón. Sa sagót ng̃ filipinong yao'y ipinagsasanggaláng ang mg̃a fraile't ang mg̃a castílà, at tinututulan at minámasamâ ang guinágawâ ng̃ mg̃a filipinong na sa Europa, at lalonglalo na ang guinágawâ ng̃ mg̃a sumusulat sa La Solidaridad at ang mg̃a pagbabagong utos na hinihing̃î ng̃ mg̃a magcacapanig sa "Asociación Hispano-Filipina;" hindî raw mabuting dito'y ipagcaloob ang Código político, ang nauucol baga sa mg̃a calayaan sa pamamayan, at hindî raw pakikinabang̃an ng̃ sino man ang magcaroon sa Kapulung̃ang bayan ng̃ España ng̃ mg̃a filipinong tagapakiharáp natin doon, bucod sa canyang inaalimura't ipinalalagay na mg̃a tampalasan ang mg̃a táong dito'y nagcacalát ng̃ mg̃a dahong limbag na laban sa mg̃a fraile at mg̃a castílà.

Nacarating hangang sa Europa ang tutol na iyon, at dî nalao't dito'y dumatíng ang isang masigabong sagot ng̃ mg̃a filipinong na sa París. Ang taglay na fecha ng̃ sagot na iyo'y 10 ng̃ Octubre ng̃ 1889. Sinasapantáhà ng̃ iláng ang sagot na iyo'y gawâ ni Rizal; datapwa't ani G. Mariano Ponce ay hindî raw. Si G. Mariano Ponce ay isa sa lalong mg̃a caibigang matalic ni Rizal.

Nagpasimulâ si G. Antonio Luna ng̃ pagsulat sa La Solidaridad, at ang guinamit niyang pamagat na pangfirma sa canyáng mg̃a ilinalathálà ay "Taga-Ilog," at sa pagca't inúuyat ni "Taga-Ilog" ang iláng mg̃a ugalî ng̃ mg̃a castílá, sumagot sa canya ang páhayagang "El Pueblo Soberano", sa Barcelona, at doo'y pinacacalaitlait ng̃ dî cawásà si G. Juan Luna, sa pagca't waláng̃ boong isip ang mg̃a castílâ cung dî si G. Juan Luna ang pumifirmá ng̃ "Taga-Ilog." Hindî nacatiís si Rizal cung dî ipagsangalang ang cababayan sa isang mainam at bayaning pang̃ang̃atuwiran, na canyáng ilinathálà sa La Solidaridad ng̃ ica 30 ng̃ Noviembre ng̃ 1889. Na sa París ng̃ panahóng iyón si Rizal. Ganito ang wacás ng̃ casagutan niya:

" ...dinaramdam namin ... na ang isáng pamahayagan ng̃ isáng "partido" na may cagalinggaling̃ang mg̃a mithî, na pinacananais na mácamtan ang mg̃a dakilang adhicâ na pamamahala't paglalagdâ ng̃ mg̃a cautusa'y ang pagcacapantaypantay ang guinagamit na saguisag; pagca nauucol na sa filipino'y limutin ang canyang linalandás na asal at gumamit ng̃ pananalitang sa capalalua'y malabis at puspós ng̃ casung̃itan, nasasalig sa camalìan, na wárì mandin ang hinahang̃ad ay ang papagng̃alitin ang mg̃a may tapát na loob na nananahán sa Sangcapuluan, at tila mandin sa canila'y sinasabi: ¡Ha! Howag cayong umasa sa cadalisayan ng̃ talarongtimbang̃an, howag cayong umasang kikilalanin ang inyong mg̃a catowiran, huwag cayong umasa sa pagcahabág: ¡cailan ma'y hindî mangyayaring cami'y inyong maguing capatid! Tunay ng̃a't ibig namin ang Calayaan, ang pagsunod sa Talarongtimbang̃an, ang Pagcacapantaypantay; ng̃uni't ibig naming cami lamang ang magcamit ng̃ tatlong cagaling̃ang ito; tunay ng̃a't ipinaglalaban namin ang icágagaling nang sangcataohan; ng̃uni't ang icagagaling lamang ng̃ sangcataohan sa Europa; hindî lumálampas ang aming pagting̃ín sa daco pa roon; sa pagca't cayo'y mg̃a, lahing marilaw ó caymangui, ¡cayo ng̃â ang bahálà sa inyong sariling catawán! Talagang mabang̃is ang lahát ng̃ mg̃a "partido"—cahi't na ang lalong maiiruguin sa mg̃a calayàan—sa mg̃a taga ibang lupaíng nasasacop ng̃ canicanilang nación. ¡Cung ibig ninyong magtamó ng̃ lubós na catowiran ay inyong hanapin sa pamamag-itan ng̃ pakikibaca."

Naghayag si Rizal ng̃ dalawang casulatang mahahalagá sa La Solidaridad, mula ng̃ Septiembre ng̃ 1890 hangang sa mg̃a unang bowan ng̃ 1891, na ang mg̃a pamagát ay Filipinas dentro de cien años, (calagayan ng̃ Filipinas sa loob ng̃ sandaang taón) at Sobre la indolencia de los filipinos (tungkol sa catamaran ng̃ mg̃a filipino). Sinasaysay ni Rizal sa Filipinas dentro de cien años ang mg̃a caunaunahang nangyari sa Filipinas, ang casalucuyang nangyayari ng̃ panahóng iyon at ang inaacálà niyang mangyayari sa hinaharap. Tungcól sa casalucuyang nangyayari, nagsasalitâ si Rizal ng̃ mg̃a catotohanang masasacláp, ng̃uni't mg̃a dákilang catotohanan.

"Ang pagca maramdamin ang púsò"—ani Rizal—"ang siyang pang̃ulong budhî ng̃ "indio", at sinugatan nila ang pagca maramdaming iyan; at cung natutong manatili sa pag-titiís sa mg̃a hirap at pagcaamis ng̃ búhay sa paanan ng̃ isang bandera ng̃ taga ibang lúpà, sa paglilingcod sa España,[53] hindî nacapagtiís ng̃ makita niyang ang sa caniya'y ibinabayad ng̃ canyang pinaghahayinan ng̃ buhay ay pag-alimura at mg̃a sawíng caasalán (chonggo, pilósopo, filibustero at iba pa). Nang magcágayo'y untiunting hiniwatiga't siniyasat ang canyang calagayan at napagkikila ang canyang anyong cahapishapis (wal-in ang pag-asa magpacailan man, sa canyang catubusan). Ang hindî nang̃ag-aacalà ng̃ ganitóng mangyayari, palibhasa'y nápacalupit na mg̃a pang̃inoon, ipinalagáy niláng paglabág ang anó mang daíng, ang anó mang pagtútol, at camatayan ang siyáng parusang bigáy; pinacsáng lunurin sa dugô ang anó mang sigáw ng̃ paghihírap, at guinawâ ang sunodsunód na pagcacámalì. Datapowa't hindî napagúlat sa ganitó ang budhî ng̃ bayan. At baga man sa íilang púsò lamang napúcaw ang pagdaramdam, ang ning̃as nito'y hindî naglílicat ng̃ marubdob na paglalakit, salamat sa mg̃a catampalasanan at mg̃a masasamang cagagawán ng̃ tang̃ing mg̃a táong nagpupumilit inisín ang mg̃a damdaming mahál at mairuguín. Tulad namán cung narirígkitan ng̃ alab ang suot na damít, ang pagcágulat at pagmamadalî ng̃ pagpapagpag ay siyáng lalong nacapagpaparubdob ng̃ ning̃as, at bawa't isáng pamamayagpag, bawa't isáng paghampás sa ning̃as ay isáng híhip na lalong nagpapaalab."

Mahábà pang lubhâ ang canyáng mg̃a sinaysáy, ng̃uni't ang lalong nacapagtátaca'y ang marami sa canyáng mg̃a sinabi'y naguing isáng panghuhúla, catulad ng̃ mg̃a wicâ niyáng itó:—"Marahil mapag-isipan ng̃ malakíng República Americana ang muha ng̃ sacóp sa mg̃a dacong itó, bagá man hangga ng̃ayo'y walâ siyáng pinakikialamán cung dî ang canyáng mg̃a pag-aaring na sa sa dagat Pacífico at hindî pa ng̃â siya nakikitalamitam sa mg̃a nacucuha ng̃ mg̃a ibáng nación sa Africa."

Sinabi rin niyáng cahi't lubhang payapang loob ang filipino'y mapipilitang ipagpasumalá, sa camatayan ang buhay na puspós ng̃ lait at cahirapan, at gayon ng̃â ang nangyari.

Ipinagsasangalang ni Rizal towî na ang canyang mg̃a caláhì, sa pamamag-itan ng̃ canyang pluma, sa mg̃a paratang at pagpapahirap ng̃ mg̃a fraile at mg̃a castílá, na ano pa't cung aking sasabihin dito ang lahat ng̃ canyang mg̃a guinawa'y hahabà ng̃ dî cawasà ang casaysayang ito, caya't ng̃ dì magcágayo'y isinasamò co sa bumabasang cung totoong ibig niyang matalós na ganap ang buhay ni Rizal at ang canyang mg̃a sinulat, bucod sa Noli me tangere, Filibusterismo at Sucesos de las Islas Filipinas, ay adhicain at basahin ang librong dî malalaon at aming ipalilimbag na ang pamagát ay Buhay ni Rizal.

Nalís sa Francia si Rizal at lumipat sa Madrid ng̃ mang̃ang̃alaghatìan na ang Agosto ng̃ 1860, at pagdating niya roo'y pinagod niya ang maraming pahayagan sa calalathálà ng̃ canyáng mg̃a sinusulat sa paglalaban ng̃ catuwiran ng̃ mg̃a filipino.

Minsa'y hindî na nagcasiya si Rizal na pluma na lamang ang gamiting sandata. Naglathálà si Don Wenceslao E. Retana sa páhayagang La Epoca ng̃ ica 16 ng̃ Noviembre ng̃ 1890, ng̃ isang sulat na laban sa mg̃a camag-anac ng̃ ating marilág na capatíd, at kinabucasa'y tumatangap na siya ng̃ dalawang sacsing inutusan ni Rizal, at siya'y ipinahahamon sa isang away na patayan (desafió â muerte). Namag-ita't ng̃ huwag mátuloy ang away na iyon ang dalawang caibigan ni Retana, at binigyang wacás ang gayong pag-aalit sa pamamag-itan ng̃ isang "acta" ó casulatang pinagfirmahanan ng̃ lahat, na doo'y sinasabing walang cahi't munting hang̃ad si Retanang ligaliguin cahi't babahagyâ, ang calooban ni Rizal, at cung sacali't may salitang dapat icamuhî ni Rizal na canyang sinulat ay ipinamamanhic na huwag pansinin at yao'y hindî niya hang̃ad. Si Retana rin ang sa canyang Vida y escritos del Dr. Rizal ay nagsabi ng̃ ganito: "Nang matapos na ang bagay na iyon, isa sa mg̃a kinatawan co, na si Sr. Scheidnagel, manunulat na militar na sa aki'y malaki ang pagguiliw, ay nagsabi sa akin: Nagaalap-ap acong mátuloy ang pag-aaway ninyó; sa pagca't talastas cong totoong magaling ang camáy ni Rizal sa pamamaril, at sacâ hindî marunong malaguím."

Sinabi ng̃ mg̃a pamahayagang castílang "La Correspondencia Alicantina", "El Demócrata," sa Lorca at ibá pa, na cung gaano raw ang cagaling̃ang totoo ng̃ camáy ni Rizal, sa pagpapagalíng ng̃ matá, ay gayon din ang cabutihang magpatámà ng̃ bala; naisusulat niyá sa pader ang canyáng pang̃alan sa pamamag-itan ng̃ mg̃a bála ng̃ pistolang canyáng pinapúputoc. Magalíng din totoong manandata siyá ng̃ espada at sable.

Nang mámasid ni Rizal na hindî niyá masunduan sa Madrid ang maalab na mithî ng̃ canyáng calolowang macapagbigay guinhawa sa Inang Filipinas, bagá man guinagamit niyá ang boong lacás ng̃ canyáng ísip, nanaw siyá roong puspós ng̃ calungcutan, pagcatapos na mailáthalà niyá sa "La Solidaridad" ang canyáng mg̃a pagsisiyasat ng̃ librong "Las luchas de nuestros dias" ni D. Francisco Pí y Margall, at ang canyáng mg̃a sinulat na ang pamagát ay "Como se gabiernan las Filipinas," "A mi.... (musa)" at "Mariang Makiling." Ica 27 ng̃ Enero ng̃ 1891 ng̃ umalís si Rizal sa Madrid na ang tung̃o'y sa París.

Decorative motif

Hindî nalaong totoo ng̃ pagtirá sa París si Rizal. Halos sa boong táong 1891 ay nátira siyá sa Bélgica. Nanahán muna siyá sa ciudad ng̃ Bruselas, ng̃uni't hindî nagluat at lumipat siyá sa ciudad ng̃ Gante, at doo'y ipinalimbág niyá ang Filibusterismo. Náhahandog ang librong itó sa mg̃a presbíterong tagalog na si párì Mariano Gómez, (walompo't limang taon); si párì José Burgos (tatlompong taón), at si párì Jacinto Zamora (tatlompo't limang taón), na ipinabitay ng̃ gobiernong castílà sa Bagumbayan ng̃ ica 28 ng̃ Febrero ng̃ 1872.

Hindî ipinagbilí ang cahi't isang libong Filibusterismo sa Madrid, ni sa alín mang ciudad ng̃ Europa; ipinadalá niyáng lahát sa Hongkong upang ipasoc ng̃ lihim sa Filipinas; ng̃uni't nátictican ng̃ mg̃a cainalám ng̃ mg̃a fraile, caya't ng̃ dalhín dito sa Mayníla'y nahuling lahát. Gayon ma'y nacapagparating din dito ng̃ librong iyón, ng̃uni't cacauntî ang naipamahagui, dahil sa malakíng paghihigpít ng̃ mg̃a nag-uusig sa mg̃a libro ni Rizal.

G. Teodora Alonso Y Quintos, Iná ng̃ Dr. José Rizal Imp. de M Fernández. Paz, 447, Sta Cruz

Ng̃ mg̃a caarawang dumating dito sa Maynilà ang librong "Filibusterismo" ay pinaparoonan naman ang Calambâ ng̃ mg̃a guardia civil at ng̃ mg̃a castilang sundalong artillero, na ang namiminuno'y ang mabang̃is at waláng habág na si Francisco Olive y García, coronel ng̃ 20.° tercio ng̃ guardia civil, na totoong maraming pinahirapan at binaríl at ipinabaríl na mg̃a filipino, mulâ ng̃ Agosto ng̃ 1896 hangang sa malupig dito ang gobierno ng̃ castílà. Ang mg̃a guinawâ ng̃ ganid at tampalasang itó at ibá pang mg̃a castílà at cauralì ng̃ mg̃a castilang sa Filipinas ay naglaganap ng̃ kilabot dahil sa caniláng calupitán, sásaysayin co sa aking librong ilalathala tungcol sa Revolución ng̃ 1896. Iguinibâ ng̃ mg̃a guardia civil at ng̃ mg̃a artillero, sa utos ni Olive, ang mg̃a bahay nang mg̃a taga Calambang inaacalang catoto at nakikisang-ayon cay Rizal, at ng̃ maiguibâ na'y sinunog naman. Guinawa ang lahat ng̃ itó sa cahing̃ian ng̃ mg̃a fraile. Hindî pa nagcasiya ang mg̃a fraile sa gayong gawâ ay hining̃î sa pamamag-itan ni Olive sa general Weyler na ipatapon sa Joló ang dalawampo't limang mg̃a camag-anac at caibigan ni RizaL, at sumang-ayon namán ang general na iyon.

Nang mábalitaan ni Rizal ang gayong nangyari, nagdamdam ng̃ di gagaanong pighatî at sacláp ng̃ loob.

Inacálà ni Rizal na dalhin ang canyang ama't iná at mg̃a capatid sa Leida, ó sa Delpt ó sa Utrecht, at doon na sila tumirang casama niya, sa pagca't ito ang sa canya'y hatol ng̃ canyang caibigang si profesor Blumentritt, datapuwa't hindî pumayag silá sa canya, caya't ang guinawâ niya'y lumipat siya sa Hongkong at doo'y dumating ng̃ magtatapos na ang buwan ng̃ Noviembre ng̃ taóng 1891, sa pagca't ibig niyang mápalapit siya sa mg̃a sinísinta ng̃ canyang calolowa.

Hinang̃ad niyang omowi dito sa Filipinas, caya't sumulat siya sa canyang "familia" ng̃ ganito:

"Hongkong, 1 ng̃ Diciembre ng̃ 1891."

"Minamahal cong ama't iná at mg̃a capatid: Sinúsundan cong walang licát ang cahapishapis na Calvariong inyong linálacbay, Huwag cayong mang̃anib at hindî aco nagpapahing̃alay sa pagsisicap. ¡Lakíng caligayahán sana cung matulutan ninyo acong macaowî riyan! ¡Marahil magbago ang lahat! Ipagcaloob ng̃a ninyo sa akin ang capahintulutang ito at papariyan agad acó. Umaasa acó, lubos ang aking paniniwalang magalíng ang ating calalabasan."

"Natatalastas co ang pagcaparoon ng̃ apat na cababayan sa Joló, at ang pagcábalic ng̃ aking capatid na lalaki sa Maynila. Natalastas co ring mulíng ipinatawag sa Gobierno Civil ang Nanay, si Pang̃oy at si Trining. Taglayín ninyó ang caunting pagtitiis. Lacsán ang loob."

"Sa pagca't pinapagmámadalî aco ng̃ panaho'y bíbigyan cong wacás itóng sulat."

"Maalab ang aking mithíng cayo'y mayacap."

Ang inyóng anác,—Rizal.

Sinagót agad siyá ng̃ canyang familiang howag ituloy ang canyang gayac, cayâ hindî siyá nátuloy niyón ng̃ pag-owi rito.

Umupa siyá ng̃ bahay sa Hongkong at doon na siyá nagtumirá, hangang sa siya'y bumili ng̃ maraming libro, na ang bilang ay dumating hangang sa sanglibo.

Ng̃uni't hindî rin siyá mátahimic; ninanasâ niyang totoo ang capanatagán ng̃ canyáng mg̃a magulang, mg̃a capatíd, mg̃a camag-anac at mg̃a cababayan, caya't naglacbáy siya sa Borneo, lupang sacóp ng̃ Inglaterra[54], at ng̃ makita niyang doo'y maluwag ang pamamayan, ming̃î siyá sa Gobierno ng̃ Inglés na pagcalooban siyá ng̃ lupang mátahanan at mápagtamnan ng̃ mg̃a halaman, at pumayag naman ang Gobiernong iyon.

Gayác na sana si Rizal, ng̃ pagpasa Borneo, na doo'y isasama niyá ang canyáng mg̃a magulang, capatíd, kinamag-anacan at cababayan, ng̃ mabalitaan niyang dito sa Filipinas ay may bagong Gobernador General na totoong masintahin sa catowiran. Ito'y ang teniente general Eulogio Despujol y Dusay, Conde de Caspe, na dumating dito ng̃ ica 17 ng̃ Noviembre ng̃ 1881. At tunay ng̃â namán. Ng̃ mg̃a unang buwan ng̃ pamumunò rito ng̃ general Despujol ay nagpakita ng̃ pag-uusig sa mg̃a gawáng masamâ ng̃ mg̃a castílà, at ipinakilala niyang hindî siyá sang-ayon sa mg̃a caasalán ng̃ mg̃a fraile. Sa pagca't marami ang nagbalitâ cay Rizal ng̃ mg̃a gayong panunupád ng̃ General Despujol sa canyáng mataas na catungculan, sumulat siya sa Gobernador General na itó, at sinabi niya ang nasang omowî rito sa Maynilà upang ihandóg niya ang pagtulong sa lalong magalíng na pamamanihalâ ng̃ lupaíng itó. Hindî sumagót si Despujol sa sulat na iyón, ng̃uni't ng̃ macaraan ang iláng buwan, mulíng sumulat si Rizal ng̃ Mayo ng̃ 1892 sa General, at sinabi niyá ang canyang acalang bumalic siyá sa bayang itóng sa canya'y pinang̃anacan, upang ipagbili niya at ng̃ canyang mg̃a caibigan ang mg̃a pag-aaring sa canila'y nátitira pa, at ng̃ macalipat silá ng̃ pamamayan sa Borneo, na casama ang canicaniláng asawa't mg̃a anác, at doo'y mang̃ang̃asíwà silá sa pagsasáca, sulat na hindî sinagót ng̃ sulat din ng̃ general Despujol, cung dî ang guinawa'y ipinasabi na lamang sa canyá sa Cónsul ng̃ España sa Hongkong, "na sa pagca't culang na culang sa magsasacá ang mg̃a lúpà rito sa Filipinas, hindî ng̃â gawang macabayan ang alsán ng̃ mg̃a magsasacá rito upang bigyang casaganaan ang lúpà ng̃ mg̃a taga ibang nación, caya't dahil dito'y hindî ng̃â siyá macatutulong sa gayong nais"; sacâ idinugtong ang sabing: "sino mang filipino'y macatutulong mulâ sa alín mang bayan ng̃ Sangcapuluan sa iguiguinháwa ng̃ lupaíng itó, sa loob ng̃ nasasaclaw ng̃ mg̃a cautusán ng̃ sariling bayan."

Datapuwa't cung nagsusumakit man si Rizal sa icapapanatag ng̃ mg̃a irog ng̃ canyáng puso'y hindî naman niya nililimot ang ipagtatamó ng̃ guinhawa, mg̃a calayâan at casarinlán ng̃ Filipinas, at sa pagca't ang pagcacaisa'y siyang mahigpít na cailang̃an upang tamuhín ang mg̃a gayóng bagay, inisip niya't itinatag ang isáng samahang pinang̃alanan niyang Liga Filipina; nagpalimbag siyá ng̃ maraming palatuntunan ng̃ capisanang itó at ipinadalá sa canyáng caibigang si G. Domingo Franco.

Sa pagca't inaacalà cong lubhang mahalagang bagay, aking isasatagalog ang "Estatutos de la Liga Filipina", sa pagca't mainam na gawing ulirán sa pagtatayô ng̃ ano mang samahang nauucol sa catubusan nitong ating kinaguisnang bayan.[55]

Ang mg̃a abreviaturang cagamitan sa "Estatutos de la Liga Filipina" (Palatuntunan ng̃ Pagcacabigkísbigkís ng̃ mg̃a Filipino) ay ang sumusúnod:

L. F., Liga Filipina; Pagcacabigkísbigkís ng̃ mg̃a Filipino.

A * * *, Archipiélago; Sangcapuluan.

VIO * * *, Vnvs Instar Omnium; Pagcacaisá ng̃ lahát.

Cp, Consejo popular; Capulung̃áng bayan.

CP, Consejo Provincial; Capulung̃áng Lalawigan.

CS, Consejo Supremo; Cataastaasang Púnò.

GS, Gefe Supremo; Cataastaasang Púnò.

G, gefe; Púnò.

F, Fiscal; Taga-usig.

T, Tesorero; Taga-ing̃at-yaman.

S, Secretario; Calihim.

A, Afiliado ó afiliados; Capanig ó Mg̃a Capanig.

P, mayúscula (malaking P), ang cahuluga'y Provincial, ang nauucol sa Lalawigan; at p minúscula, (maliit na p), ang cahuluga'y "popular, ang nauucol sa bayan".

Ganito sa wicang tagalog ang sinabi ng̃ "Estatutos":

L. P.

ADHICA: Paglakiplakipín ang A * * * sa isá lamang capisanang nag-iibigang mahigpít, malacás at nagcácaisang anyô ang magcacapanig.

2. Mang̃agtangkilican sa lahát ng̃ capang̃aniban at pang̃ang̃ailang̃an.

3. Pagsasang̃galang laban sa anó mang catampalasanan at gawáng sawî sa catuwiran.

4. Pagpapalagô ng̃ pag-aaral, ng̃ pagsasaca at ng̃ pang̃ang̃alacal.

5. Pag-iísip at paggamit ng̃ mg̃a pagbabagong cautusán.

Saguisag: VIO * * *

Palatandàan: * * *

PARAAN:

1. Upang masunduan ang mg̃a ADHICANG ito'y magtatatag ng̃ Cp, CP at sacâ isáng CS.

2. Bawa't C ay magcacaroon ng̃ isáng G, F, T, S at mg̃a capanig.

3. Bubuô-in ang CS ng̃ mg̃a GP, at gayon ding bubuô-in ang CP ng̃ mg̃a Gp.

4. Nag-uutos ang CS sa LP at makikipag-alam na tulóy-tulóy sa mg̃a GP at mg̃a Gp.

5. Nag-uutos ang CP sa mg̃a Gp.

6. Ang Gp ay nacapag-uutos sa mg̃a A.

7. Bawa't CP at Cp ay gagamit ng̃ isáng pang̃alang ibá sa pang̃alan ng̃ kinalalagyang bayan ó lupaín.

MGA CATUNGCULAN NG̃ MG̃A A.

1. Magbabayad ng̃ dalawang piso pagpasoc, at bucod sa rito'y piso sa bawa't buwan.

2. Súsunod ng̃ waláng tutol at ng̃ boong caganapán ang lahát sa mg̃a cautusáng mangaling sa isáng C ó sa isáng G ó sa GS.

3. Ipagbíbigay alám sa F ng̃ canyang C ang anó mang mahiwatigan ó maringíg na nauucol sa LP.

4. Pacaiing̃atan ang paglilihim ng̃ ano mang lagdâ, cautusán ó cahatulán ng̃ C.

5. Sa anó mang gágawin sa pamumuhay ay bíbigyang ling̃ap ang mg̃a A; howag bíbili cung dî sa tindahan ng̃ A, at cung magbíbili naman ng̃ ano man sa isáng A ay bababàan ang halagá. Parurusahan ng̃ mabigat ang ano mang pagsuay sa cautusang itó. * * *

6. Ang A na hindî sumaclolo, baga man mangyayari, sa isang capwâ A, na nakikitang na sa caguipitan ó pang̃anib ay parurusahan, at ang caliitan ng̃ parusang ito'y ang capantay ng̃ paghihirap na tiniis ng̃ dapat niyang saclolohan.

7. Gagamit bawa't A, pagpanig niya sa LF, ng̃ bagong pang̃alang hindî niya mababago ulî hangang hindî siyá naguiguing GP.

8. Itutulong sa bawa't C ang isáng gawâ, isáng paalaala, isáng natutuhang dunong ó ng̃ paghicayat sa magagandang loob na cababayang sila'y umanib sa LF.

9. Howag paaalimúra at howag magpapalálò canino man.

MGA CATUNGCULAN NG G.

1. Ling̃atan ang búhay ng̃ canyang C. Sacali't siyá ang GS, dapat niyáng masaulo ang mg̃a pang̃alang bago at gayon din ang ng̃alang tunay ng̃ mg̃a C, at sacali't siya'y Gp ay dapat niyang masaulo ang mg̃a pang̃alang dati at pang̃alang bago ng̃ sacóp niyang mg̃a A.

2. Sa towi na'y pagsisicapang maalaman ang lalong magalíng na paraan upang magcáisa ang canyáng mg̃a nasasacupan at sila'y mapag-abot-usap agad-agád.

3. Pagsisicapang maalaman at pagdaca'y bibigyang cagamutan ang mg̃a pang̃ang̃ailang̃an ng̃ LP, ng̃ CP ó ng̃ Cp, alisunod sa cung siya'y GS, GP ó Gp.

4. Pápansinin agad at paglilitisin ang lahat ng̃ mg̃a paalaala, mg̃a sulat at mg̃a cahing̃ìang canyang tangapín, at ipagbíbigay alam na madalì cung cang̃ino nararapat.

5. Sa pang̃anib ay siya ang magpapáuna at siya ang unang manánagot ng̃ ano mang mangyari sa loob ng̃ caniyang C.

6. Magbigay ulirán ng̃ canyang pagca masunurin sa canyang mg̃a púnò, at ng̃ siyá, nama'y sundín ng̃ canyang mg̃a pinamumunúan.

7. Ipagpapalaga'y ang catapustapusang A na isáng caboôan ng̃ LF.

8. Ang mg̃a caculang̃áng gawín ng̃ mg̃a púnò ay parurusahan ng̃ higuít ang cabigatán sa mg̃a parusang ibiníbigay sa isáng A lamang.

MGA CATUNGCULAN NG F:

1. Ang F ang siyang mang̃ang̃asiwà upang tumupád ang lahat ng̃ canícanilang catungculan.

2. Isusumbong sa haráp ng̃ C ang ano mang páglabág ó hindî pagtupád na canyang mámasid sa sino mang caanib sa C.

3. Ipagbigay alam sa C ang ano mang pang̃anib ó pag-uusig.

4. Siyasatin ang calagayan ng̃ salapì ng̃ C.

CATUNGCULAN NG T:

1. Magtátaglay ng̃ isáng talaan ng̃ mg̃a bagong pang̃alan ng̃ mg̃a A. na bumubuò ng̃ canyang C.

2. Magbíbigay ng̃ mahigpit na sulit sa buwan buwan ng̃ tinátangap niyáng bayad ng̃ isá't isá, na ang magtatalâ sa libro'y ang mg̃a A rin, na ang canícanilang tang̃ing pang̃alang bago (simbólico) ang gagamitin.

3. Magbibigay ng̃ "recibo" (catibayan), at canyáng ipatatalâ sa librong talaan, na ang letra at sulat ay sa táo ring nag-aambag, ang lahát ng̃ ambág na humihíguit sa píso at hindî humíhiguit sa limampong piso.

4. Ititira ng̃ Tp sa Caja ng̃ Cp ang icatlông bahagui ng̃ mg̃a naliligpit niyang mg̃a bayad at ng̃ siyang maipagtakíp sa mg̃a cailang̃an ng̃ sinabi ng̃ Cp. Pagdumatíng na sa halagang sampong piso, ang dalawáng bahagui ay ibíbigay sa TP; ipakikita sa TP ang canyang talàan at siyá rin, sa macatuwíd baga'y ang Tp din, ang susulat sa talàan ng̃ TP ng̃ salaping canyáng ibinigáy. Pagcatapos ay magbíbigay ng̃ isang "recibo" ang TP, at cung sang-ayon siyá sa mg̃a cuenta ay canyáng lálagyan ng̃ "Visto Bueno" ó "Sang-ayon" ang librong talaan ng̃ Tp. Gayon din ang gáganaping paraan pagca nagbibigay ang TP sa TS ng̃ halagang mahiguít sa sampong piso.

5. Itítira ng̃ TP sa canyáng Caja ang icasampong bahagui ng̃ mg̃a salaping sa canya'y ibinibigay ng̃ mg̃a Tp at ng̃ siyang magugol ng̃ CP. at ang siyám sa sampong bahagui ay ibíbigay sa TS ng̃ CS.

6. Pagca ibig magbigay ng̃ sino mang A sa LF ng̃ halagang mahiguít sa limampong piso, canyang ihahabilin ang salaping iyon sa alín mang matatág na Banco, na ang ipalálagay niya'y ang tunay niyang pang̃alang caraniwan, at sacâ ibíbigay niya ang recibo sa sino mang magali~ngín niyang T.

MGA CATUNCULAN NG S.

1. Ipagbibigay alám sa bawa't pagpupulong ang pinagcayarîang batás at ipauunáwà, ang mg̃a gagawin.

2. Siya ang susulat ng̃ mg̃a liham ng̃ C. Sacali't umalís ó hindî macaganáp ang sino mang púnò, maghahalal siya ng̃ samantalang cahalili sa punong hindî macaganáp.

MGA CATUWIRAN NG MGA A.

1. May catowiran ang lahát ng̃ A sa saclolong paghahatol at sa saclolong salapî ng̃ canyang C at ng̃ LF.

2. Mahihing̃î niya sa lahát ng̃ mg̃a A na siya'y tangkilikin sa canyang pang̃ang̃alacal ó hánap-búhay, cailan man at patibayan niyang hindî sahól ang calacal ó hánap-búhay niya sa mg̃a ibá. Upang camtán niya ang tangkilic na itó, sasabihin niya ang canyang tunay na pang̃alan at ang canyang calagayan sa canyang Gp, upang ipagbigay alam nitó sa GS, at ng̃ ito nama'y macapagbigay alám sa lahát ng̃ mg̃a A ng̃ LF.

3. Sa ano mang caguipitan, pagcaapí ó catampalasanang laban sa catuwirang sa caniya'y mangyari, mahíhing̃î niya ang boong pagtatangkilic ng̃ LF.

4. Macahíhing̃i ng̃ puhunan sa ano mang hánap búhay, cailan ma't may salapî sa Caja.

5. Macahíhing̃i ng̃ bawas ng̃ halagá ng̃ ano mang canyang bilhin, ó ano mang paglilingcod na canyang hiling̃in sa alin mang tindahan ó bahay-calacal na tinatangkilic ng̃ LF.

6. Hindî mapaghahatulan ang sino mang A hanggang hindî muna naipahihintulot sa canya ang pagsasanggalang.

MGA CATUWIRAN NG GS.

1. Hindi siya matututulan, cung dî rin lamang may mang̃unang sumbóng na laban sa canya ang F.

2. Macagagawâ siya ng̃ bawa't canyang magaling̃ín, dahil sa caculang̃an ng̃ panahon upáng mahintay ang pagpupulong na dapat gawin ng̃ mg̃a bumubúò ng̃ CS; ng̃uni't may catungculan siyang managót sa mg̃a casisiháng sa canya'y gawín, cung gumawâ siya ng̃ dî dapat.

3. Sa loob ng̃ alin mang C. ay siya ang hucóm na macahahatol sa ano mang usapín ó pagcacáalit.

4. Siya ang tang̃ing may capangyarihang macaalam ng̃ tunay na mg̃a pang̃alan ng̃ canyang mg̃a A ó nasasacupan.

5. Lubós ang canyang capangyarihan upang canyang itatag ang mg̃a paraang gagawin sa mg̃a pagpupulong, mg̃a pagpapadalahan ng̃ sulat at ang mg̃a inaadhicang gawín, upang lalong pakinabang̃an, pumanatag at mangyari ng̃ boong cadalîan ang mg̃a adhicâ ng̃ LF.

6. Pagcâ lubhang marami ang nang̃apapanig sa isang Cp, mangyayaring magtatag ang Gp ng̃ isang sub C, at siya ang unaunang maghahalal ng̃ mg̃a púnò. Cung natatatag na ay pababayaang ang mg̃a magcacapanig ang siyang maghalal ng̃ mg̃a púnò, ayon sa tadhánà ng̃ mg̃a palatuntunang ito.

7. May capangyarihan ang lahat ng̃ G na magtayo ng̃ isang C sa alin mang bayang wala pa nito, at pagkatapos ay ipagbibigay alam sa CS * * * ó sa CP.

8. Ang G ang siyáng magháhalal sa S.

MGA CATUWIRAN NG F:

1. Magpalabas ó magpapasoc sa nasusumbong sa pinagpupulung̃an, samantalang pinaguusapan sa C ang mg̃a nangyari.

2. Masisiyasat sa ano mang oras ang mg̃a librong talaan.

MGA CATUWIRAN NG T:

Magagamít ang salapíng canyang iniing̃atan sa isáng mahígpit at lubhang malaking pang̃ang̃ailang̃an ng̃ sino mang A ó ng̃ C; ng̃uni't may catungculang ipagbigay sabi at managót sa haráp ng̃ Tribunal ng̃ LF.

TANGING MGA CATUWIRAN NG GS:

1. Macatatawag ng̃ mg̃a pulong ó pagcacatipong hindî caraniwan, bucod sa guinágawà sa bowán bowán.

2. May malakíng capangyarihan ang G S upang macagamit ng̃ salapi ng̃ capisanan sa totoong mg̃a pang̃ang̃ailang̃an, cailan ma't ipagbigay alam pagcatapos sa CS.

PAG-UUCULAN NG SALAPI:

1. Pagcacagugulan sa pagpapa-aral ang A ó ang canyang anác, cung mapagmasdang totoong matalas ang ísip at masipag mag-aral, ng̃uni't walang caya.

2. Gugugulan ang paglalaban ng̃ catuwiran ng̃ isang dukhang A sa canyang pakikipag-usapin sa isang macapangyarihan.

3. Sasaclolohan ang maguing dukhang A.

4. Pahihiramín ng̃ puhunan ang A na mag cailang̃an, sa pagtatayô ng̃ isang hánap-buhay ó ng̃ macapagsaca ng̃ lúpà.

5. Tutulong at ng̃ gumaang ang pagdadalá rito ng̃ mg̃a máquina at ang pagtatayo ng̃ mg̃a bago ritong hánap-búhay ó kinakailang̃ang hánap-búhay.

6. Magbúbucas ng̃ mg̃a tindahan, mg̃a almacen at iba pang mábibilhan ng̃ mg̃a A ng̃ canilang mg̃a kinakailang̃an upang macabilí ng̃ lalong mura ang halagá cay sa mg̃a ibá.

MGA BATAS NA PANGCALAHATAN:

1. Sino ma'y hindî matátangap sa LF, cung hindi muna nagagawa ang pagcacaisang voto ng̃ mg̃a A sa C ng̃ canyang bayan, at cung hindî pa nagagawa sa canya ang mg̃a pagtikím na kinacailang̃ang sa canya'y gawín muna.

2. Dalawang taón ang taning lamang ng̃ tagál ng̃ pang̃ang̃atungculan ng̃ bawa't isa, liban na lamang cung magcaroon ng̃ ano mang sacdál ng̃ F.

3. Upang magtamó ng̃ catungculan ay kinakailang̃an ang tatlóng icapat na bahagui ng̃ mg̃a "voto" ng̃ mg̃a caharáp.

4. Inihahalal ng̃ mg̃a A ang Gp, ang Fp at ang Tp; ang mg̃a punong p ang siyáng mang̃agháhalal sa mg̃a punong P, at ang mg̃a punong P ang magháhalal sa GS.

5. Cailan man at tátangap ng̃ isáng A, ipagbibigay alám ng̃ Gp sa GS ang pang̃alang dati at ang pang̃alang bago ng̃ tinangáp na A; at gayon din ang gágawin pagca nagtayò ng̃ isáng bagong C.

6. Ang pang̃alang "simbólico" (pamagát) ang, siya lamang ilálagay sa pagpápadalhan at gayon din ang firma sa mg̃a sulat cung panahóng caraniwan, at ganitó ang gágawing pagpapadalá: ipadádala ng̃ A sa Gp at ipadádala ng̃ Gp sa GP, ó sa GS, at gayon din sa pabalíc; sa macatuwid: mangagaling sa GS ó GP na patung̃o sa Gp, at mulâ sa Gp hang̃ang sa A. Cung panahóng dî caraniwan lamang manyayaring masírà ang ganitong palácad. Gayon man, sa ano mang panahón at sa alin mang calagayan ang GS ay macapagpápadala ng̃ sulat ó mangyayaring makipag-usap sa canino mang capanig sa LF.

7. Hindî kinacailang̃ang mácaharap ang lahát ng̃ mg̃a capanig ng̃ C sa pagcacaroon ng̃ catibayan ng̃ ano mang pagcayarîan.

8. Sa alín mang sandalî ng̃ caguipitan ay ipalálagay ng̃ bawa't C na siyá ang caligtasan ó cútà ng̃ LF, at cung sa ano mang dahil ay magcawaraywaray ó masirà ang alín mang capulung̃an, bawa't C bawa't G, bawa't A ay magaatang sa sarili ng̃ catungculang pagtatatag at pagyarî ulì ng̃ nalanság.

CASULATAN SA PAGPASOC SA LF.

Sa Gp ng̃ Cp sa...........................

Aco'y si...........................,...... ................may..................taóng gulang...................., ang calagaya'y ...............(dito ilalagay cung binátà, may asawa ó bao).......................... ang hanap-buhay, tubo sa bayan ng̃........ .............lalawigan ng̃................ nananahan sa daang........................ bilang...........ng̃ bayan ng̃............ lalawigan ng̃......,.................., sa aking pagka tunay na anac na irog ng̃ Filipinas; sinasaysay co, sa ilalim ng̃ tunay at tapat na panunumpâ, na aking napagkikilala at ganáp na napagtátalos ang mg̃a adhicáng pinagsisicapang camtan ng̃ LF, na nátatalâ sa licuran ng̃ casulatang ito; caya ng̃a aco'y napasásacop at cusang nakikiusap sa GP ng̃ lalawigang ito, na mangyaring aco'y tangaping A * at tapat na loob na catúlong ng̃ LF, at sa icapagcácamit ng̃ cahiling̃an cong ito, lubos acong náhahandang gumawâ at sumunod sa mg̃a kinakailang̃ang pagtikím na sa aki'y hing̃ín, bilang pagpapatotoo ng̃ cataimtimán ng̃ aking pakikipanig.

.............ica..........ng̃......... ......ng 18........

...................................

Decorative motif

Taglay ng̃ vapor na naghatíd sa Maynílà cay Rizal ang sumúsunod na sulat cay Don Eulogio Despujol, Gobernador at Capitán General ng̃ Filipinas.

"Marilág na guinoo: Ang cadahilanan nito'y ipagbigay alám pô sa inyó, na casabay ng̃ correong itó ang aking pagpariyan sa aking bayan, upang lumagáy pô acó sa ilalim ng̃ inyong capangyarihan, ang una, at ang icalawa'y upang paghusayin ang aking sariling mg̃a pagcabúhay. Aayaw ang mg̃a caibiga't mg̃a ibang tao na aco'y pumarito, at ipinaalaala nila sa aking lumálagay acó sa pang̃anib na líhim sa ganitóng gawâ; ng̃uni't umaasa aco sa ganap ninyong pag-ibig sa catuwirang tumatankilic sa lahát ng̃ mg̃a nasásacop ng̃ España sa Filipinas; umaasa rin acó sa dalisay cong ipinagmamasakit at sa capayapáan ng̃ aking budhî, at matututong ing̃atan aco ng̃, Dios at ng̃ mg̃a cautusán sa lahat ng̃ mg̃a sílò pagpapahamac.

Sabihanang dahil daw sa akin ay pinag-uusig ng̃ boong calupitán ang aking mg̃a magulang na matatandâ na, ang aking mg̃a camag-anac at patí ng̃ mg̃a táong hindî co kilalá. Ng̃ayo'y humáharap acó upang sa akin ibuntó ang gayóng calakíng mg̃a pag-uusig, upang aco'y managót sa mg̃a sacdál na ibig niláng gawín laban sa akin, at sa ganito'y ng̃ mawacasán iyang caligaligáng masacláp sa mg̃a walang casalanan, at malungcot sa pamahálâ pô ninyong nagsusumicap na mapagkilala sa panununtón sa catowíran.

"Dahil sa hindî po ninyó pag-imic sa aking mg̃a sulat;—hindî pag-imíc na sa wala acóng maacalang naguiguing cadahilanan cung dî ang lubhang malaking calakhan ng̃ pag-itan, mulâ sa cataastaasáng calagayan po ninyó hangang sa cababàan ng̃ aking cataohan, sa pagca't kilala po ang cagandahan ninyong makipagcapowa tao,—hindî co maalaman cung inyong mamagaling̃ín ang humaráp aco sa sa inyo, hindî man ninyo aco tinatawag. Dahil sa bagay na ito'y maghihintay po aco sa isá sa mg̃a hotel[56] sa Maynílà, marahil ay si "Hotel Oriente" sa pagbabacá-sacaling may ibig pô cayóng paglagayán sa akin ó ano mang bagay na ipag-uutos, at cung macaraan ang tatlong araw, cung walâ cayóng inilalagay na hadláng, gagamitin co ang aking calayàan upang paghusayin co ang aking caunting pag-aárì, sa aking pag-asang nacaganáp na aco sa Gobierno at sa aking mg̃a cababayan.

"Taimtim cong nasang cayo'y ing̃atan ng̃ Dios sa mahabang panahon, at aco po, guinoo ang puspos na mapitagan at masunuring lingcod,—Jose Rizal.—Hongkong, 21 ng̃ Junio ng̃ 1892".

Ang sumusunod namang sulat na hindî napagtalós cung dî ng̃ siya'y patay na, ay canyang inihabilin cay D. Lorenzo Pereyra Marquez, na taga Macaw, bago siyá lumulan sa vapor na maghahatíd sa canyá sa Maynílà, at ang bilin ay ibigay sa canyang familia, ang dalawang sulat na iyon, cung siya'y patay na, Ganitó ang sabi:

"Sa mg̃a iniirog cong mg̃a magulang, mg̃a capatíd at mg̃a caibigan:

"Ang pagsintang sa towi na'y isinusuyò co sa inyó ang siyang sa aki'y naguutos na gawín co ang ganitóng bagay, na ang mangyayari sa hulí lamang ang macapagsasabi cung matinô ó hindî. Ang nangyayari ang siyang nagpápasiya sa mg̃a bagay alinsunod sa kinalálabasan; ng̃uni't magalíng ó masamâ ang cahínatnan, cailan ma'y wiwicàing ang tungculin co ang siyáng nag-utos, at hindî ng̃â dapat damdaming mamatáy acó sa pagtupád ng aking catungculan.

"Talastás cong cayo'y pinapagdusa co ng̃ hindî cawásà; ng̃uni't hindî acó nagsisisi sa aking guinawâ, sa pagca't yao'y siya cong catungculan. Masayá ang aking loob sa paglagáy sa pang̃anib, hindî ng̃ pagdusahan co ang aking sala (na sa bagay na ito'y walà acóng guinagawang camalian ayon sa aking paniniwálà), cung dî ng̃ bigyán cong capurihán ang aking gawâ at sacsihán ng̃ aking pagbibigay halimbáwà ang mg̃a bagay na aking iniaral.

"Dapat magpacamatáy ang tao sa pagganáp ng̃ canyang catungculan at sa canyang mg̃a pinananaligan. Ipinagmámatigas co ang lahát ng̃ mg̃a caisipáng aking inilagdâ tungcol sa calagayan at hináharap na panahón ng̃ tinubuan cong lupaín, at mamamatáy acó ng̃ boong towâ sa pagsinta sa canya, at lálò na sa pagsusumicap na inyong camtan ang tapat na catuwiran at capanatagán.

Isinasapang̃anib co ng̃ boong galác ang aking búhay-upang aking mailigtas ang lubhang maraming mg̃a walang malay-sala: ang lubhang maraming mg̃a pamangkin, ang lubhang maraming mg̃a sangól ng̃ mg̃a caibiga't hindî caibigang nang̃agcacahirap dahil sa akin.

¿Anó acó? Isáng táong nag-íisa, walang familia hálos, nilagoc, na ng̃ búhay ang lubhang mapait na mg̃a carayaan ng̃ mundo. Maraming pag-cabigô ang akíng tiniís, at marilím ang handog sa akin ng̃ hináharap na panahón, at totoong cádilimdiliman cung ang hináharap na panahóng iya'y hindî liniliwanagan ng̃ ilaw, ng̃ liwayway ng̃ aking tinubuang lupaín. Samantalang lubhang marami ang mg̃a táong puspos ng̃ mg̃a pag-asa at ng̃ mg̃a minímithing towâ, na marahil ay liligayang lahát cung aco'y mamatáy; sa pagca't inaasahan cong masisiyahan na ang aking mg̃a caaway at hindî na nila pag-uusiguin ang totoong maraming walang málay-sála. Hálos sumasa catwiran silá ng̃ pagtataním ng̃ galit sa akin tungcol sa aking magulang at sa aking mg̃a kinamag-anacan.

"Sacali't lisyâ ang aking palad, talastasín ng̃ lahat na maligayang makikitil ang aking búhay, sa pag-aacalang masusunduan sa aking pagcamatay ang pagpapahintô ng̃ caniláng masasaclap na mg̃a kahirapan. Mang̃abalíc nawâ silá sa kinaguisnang bayan natín at ng̃ doo'y lumigaya silá.

"Hangang sa hulíng sandalî ng̃ aking búhay cayó ang aking isasapag-iísip at hahang̃arín cong inyong tamuhín ang lahat ng̃ bagay na mg̃a caligayahán.—Jose Rizal.—Hongkong, 20 ng̃ Junio ng̃ 1892".

Itó namán ang pang̃atlong sulat na canyang ilinagdâ, na nagpapakikilalang nakikinikinitá na niyang maaamís ang canyang búhay sa canyang pag-owî dito sa bayang kinakitâan niya ng̃ unang liwanag:

"Sa mg̃a Filipino:

"Totoong mapang̃anib ng̃â ang aking guinawâ ó ang aking gágawin, at hindî co kinacailang̃ang sabihing pinag-ísip co munang magalíng bago co itinulóy. Talastás cong aayaw na gawín co itó halos ang lahát; datapuwa't talastás co rin namang hindî alám ng̃ halos lahát ang nangyayari sa aking púsò. Hindî mangyayaring mabuhay acó na aking nalalamang maraming nang̃agdurusa sa mg̃a walâ sa catowírang sa canila'y pag-uusig dahil sa akin; hindî mangyayaring mabuhay acóng aking pinanonood ang aking mg̃a capatid at ang canilang maraming mg̃a hinlóg na pinag-uusig na waláng pinag-ibhán sa mg̃a táong tampalasan; minámagaling co pang lumulóng sa camatayan, at ipinagcacaloob co ng̃ boong towâ ang aking búhay upang máligtas lamang ang pagcaramiraming mg̃a waláng málay-sála sa gayóng walâ sa catuwirang pag-uusig. Talastás cong naaatang sa akin ang isáng bahagui ng̃ sasapitin ng̃ aking tinubuang lúpà, sa hináharap na panahôn: na cung mamatay aco'y marami ang mang̃agtatagumpay, at yamang gayo'y marami ang nang̃agmimithi ng̃ aking pagcapahamac. Datapuwa't ¿anó ang aking gagawin? Ang unauna'y may mg̃a catungculan acóng dapat ganapín sa aking sariling budhî, may mg̃a catungculan acó sa mg̃a familia ng̃ nang̃agdurusa, may catungculan acó sa aking mg̃a magulang na dumarating hangang sa caibuturan ng̃ aking púsò ang canilang mg̃a buntóng hining̃á; talastás cong acó lamang, cahi't ang camatayan co ang mácapalit, ang siyang macapagbibigáy ligaya sa canilá, sa pagpapabalíc sa caniláng kinamulatang bayan at sa catahimican ng̃ sariling báhay. Walángwalâ acó cung dî ang aking mg̃a magulang; ng̃uni't ang tinubuan cong lúpa'y marami pang totoong mg̃a anác na macaháhalili sa akin, at humahalili na ng̃ang higuít sa akin ang caniláng nagágawâ.

"Bucod sa rito'y ibig cong ipakita sa mg̃a nagsasabing dî umano'y hindî tayo marunong sumintá sa kinamulatang lúpà, na tayo'y marunong magpacamatáy sa pag-tupád ng̃ ating catungculan at sa ating mg̃a pinananaligan. ¿Anó ang cabuluhan ng̃ camatayan, cung namamatay dahil sa sinísinta, dahil bagá sa kinamulatang bayan at dahil naman sa mg̃a táong sinusuyuan ng̃ ganáp na pag-ibig?

"Cung napagtátalastas co sanang aco ang pinagpapatoonan ng̃ política[57] ng̃ Filipinas, at cung mapagtalastás co sanang cagamitan ng̃ aking mg̃a kababayan ang aking pag-lilingcod, marahil mag-alinlang̃an aco sa pagpapatuloy nitong aking gágawin; datapowa't may mg̃a ibáng macacahalili sa akin, at humahalilí na ng̃ang malaki ang nagagawa cay sa akin; hindî lamang ito: marahil pa'y may mg̃a nagpapalagay na aco'y calabisan na, at hindî gagamitin ang aking mg̃a paglilingcod, sa pagca't aayaw niláng pakilusin acó.

"Sinintá cong laguì ang caawaawá cong tinubúang lúpà, at matibay ang paniniwalà cong siya'y aking pacasísintahin hangang sa hulíng sandalî ng̃ aking búhay, cáhíman gawín sa akin ng̃ sangcataohan ang walâ sa catowiran; at hindî co hinalagahan at páwà cong inihandog sa kináguisnan cong lupaín ang aking panahóng dáratnin, ang aking búhay at ang aking mg̃a catowàan. Ano man ang aking cásapitan, mamámatay acong pinacapupuri ang aking bayang tinubúan at sa canya'y mímithiin ang pagbubucang liwayway ng̃ canyang catubusan.

"Pagcamatay co'y ilathála ang mg̃a sulat na ito.—Jose Rizal.—Hongkong, 20 ng̃ Junio ng̃ 1892."

Dumating dito sa Maynílà si Rizal, na casama ang isang capatid niyang babae, ng̃ ica 26 ng̃ gabí Junio ng̃ 1892, at doon siya tumuloy sa Hotel de Oriente, at bilang 22 ang tahanang ibinigáy sa canya roón. Hindi kinacailang̃ang sabihing siya'y sinalubong ng̃ canyang mg̃a magulang, mg̃a capatid, bayaw, mg̃a camag-anac, mg̃a caibigan, mg̃a cakilala at hindî cakilala. Lumaganap agad-agad sa boong Maynílà ang matuling aling̃awng̃aw ng̃ canyang pagdatíng, at nang̃agtacá ng̃ dî cawásà ang canyang mg̃a caibigan at mg̃a caaway sa canyang capang̃ahasan sa pagparito niyá sa lupaíng pinaghaharîan ng̃ mg̃a ganid na púsong walang ibáng lalong pinacananais cung dî kitlín ang canyang mahalagang búhay. Buhat ng̃ matalastás ang canyang pagdatíng dito'y walang dî humulang hindî malalao't canyang dáratnín ang capahamacáng malaon ng̃ sa canya'y inilalaan ng̃ mg̃a taong tampalasang isinasacdal niya sa sanglibutan, sa pamamagitang ng̃ mg̃a casulatang canyang ilinathálà sa—"La Solidaridad" at ibá pang mg̃a pámahayagan sa Europa, at lalonglalo na sa mg̃a kitnathâ at ipinalimbag niyang mg̃a librong "Noli me tangere" at "Filibusterismo" at gayon din sa "Sucesos de Filipinas" na sinulat ni Morga at nilagyan niya ng̃ mg̃a paunawà at bago ipinalimbag.

Nang mabalitaan ng̃ paham at macabayang si Guinoong Apolinario Mabini ang canyang pagdating dito, caracaraca'y nagsadyâ ng̃ gabí rin iyon sa tinatahanan ni G. Manuel Hidalgo, na asawa ni G. Saturnina Rizal, capatid na pang̃anay ng̃ Doctor Rizal, at namanhic na siya'y pakisamahan at ipakilala sa bayaning nagtatangol ng̃ mg̃a catowiran at camahalan ng̃ mg̃a filipino. Napahinuhod naman si G. Manuel Hidalgo, sinamahan niya si Mabini at ipinakilala cay Rizal. Pag-daca'y nag-irugán ang dalawang púsong capowâ bayani, ang dalawang maniningning na isip na capowa nahahandog sa maalab na pag lilincod sa Inang Bayan. Maraming totoo ang canilang pinag-usapang pawang nahihinguil sa adhìcang pagtubós sa Filipinas sa caalipinang kinagagapusan. Nang magpaalam si Mabini ay ito ang sinabi ni Rizal sa canya:—"Sa sandalíng pag-uusap natin ay napagkikilala cong tunay po cayong macabayan, matalas ang caisipan at may púsong hindî marunong magulat sa bálà ng̃ mg̃a pang̃anib; cayo po'y isá sa lalong mahalagáng cútâ at capurihan ng̃ cahabaghabag nating Bayan." Tumumbás si Mabini ng̃ mg̃a pananalitang sumásacsing agpang na agpang sa canya ang canyang apellido: Mabini, mahinhín, hindî magasó, hindî hambóg. Casama ni G. Manuel Hidalgo sa pagdalaw na iyon cay Rizal ang canyang anác na si G. Alfredo Hidalgo, na casalucuyan ng̃ayong nag-aáral sa Estados Unidos galing na sa Lóndres.

Nang gabí ring pagdating ni Rizal, 26 ng̃ Junio ng̃ 1892, ay dumaló siya sa isáng pulong na guinawâ sa Tundo sa bahay ni guinoong Doroteo Ongjungco, at doo'y dinatnan niyá ito at saca si na guinoong Timoteo Paez, Domingo Franco, Agustín de la Rosa, Ambrosio Salvador, Numeriano Adriano, Bonifacio Arévalo, Deodato Arellano, Arcadio del Rosario, Luis Villarreal, Faustino Villarroel, Estanislao Legazpi, Gregorio Santillan, Mariano Crisóstomo, Genaro Heredia, José A. Ramos, Ambrosio Flores, Pablo Rianzares, Juan Zulueta, Teodoro Plata, Apolinario Mabini, Moisés Salvador, Francisco Nakpil, ang amá ni G. Ongjunco at si G. Andrés Bonifacio. Si Rizal ang nang̃ulo sa pulong at sa canila'y nagsalitâ ng̃ ganitó, ayon sa isáng nacapakiníg:

"Mang̃a mutyáng capatid: Panahón ng̃ pag-isípin natin ang lalong magalíng na paraan upang mailigtas ang ating Inang Bayan sa cahapíshápis na caalipinang kinatatanicalâan. Capang̃itpang̃itang catacsilán ang magpabayà, tayong manatili sa pagcabusabos ng̃ayong nagtátapos na ang siglong icalabingsiyám. Pinagcagugulan ng̃ pagod ng̃ ísip at ng̃ catawán ng̃ iláng mg̃a castílà at ng̃ maraming mg̃a filipino, at acó ang isá sa mg̃a filipinong iyan, upang camtan natin ang mg̃a calayaang tinátamo ng̃ mg̃a europeo at ng̃ ibá pang mg̃a láhì, ng̃uni't nasayang na lahát ang caniláng pagsusumícap, at nasayang, palibhasa'y nagcacáwatac-watác ang ating lacás; pag-isahín natin ang maraming mumunting cáyang nang̃agcacahiwalay, sa pamamag-itan ng̃ taimtim at tunay na pag-iibigan at pagmamalasakitan, at makikita ninyong maiguiguibâ natin ang capangyarihan niyang mg̃a táong dito'y lubós na nacapangyayari, at siyang mahigpit na humáhadlang ng̃ pagcasulong natin sa pagdunong na ikinararang̃al at sa casaganaang iguiniguinhawa. ¡Totoong casakitsákit! ¡Tayo ang túbò rito, tayo ang may árì nitó at tayo ang alipin ng̃ mg̃a nanunuluyan lamang! Hindî tayo magtátamong catubusan hangang dito'y nacapangyayari ang mg̃a fraile, na siyang tunay na may árì at pang̃inoon ng̃ Filipinas at ng̃ calahatlahatang mg̃a filipino. Naglambál ang Gobierno ng̃ España at ang mg̃a fraile sa pag-amís sa atin, caya't kinacailang̃ang pacaisiping magalíng. Hindî casucatán ang maguing caaway ng̃ mg̃a fraile; kinakailang̃ang tumutol tayo sa Gobierno; kinacailang̃ang maguing caaway naman tayo ng̃ Gobierno. Nang̃agcacaisá ang mg̃a fraile't ang Gobierno ng̃ pagcacait sa atin ng̃ mg̃a calayàan. ¿At mangyayari bagáng maatím nating magpacailan ma'y howag na tayong magcamít ng̃ mg̃a carapatáng nauucol sa táo, gayong tayo'y táo rin namang gaya ng̃ mg̃a ibang láhí? ¿Anóng capacanáng tayo'y maguing Abogado ó Médico, anóng capacanáng ibatás sa Código civil na tayo'y mg̃a castílà, cung sa catotohana'y inaapi tayo ng̃ Gobierno ng̃ castílà, cung sa catotohana'y ibinabawal sa atin ang ilathálà ng̃ hayagan ang ating mg̃a mithî, ang ating mg̃a adhicâ, na ano pa't walang pinag-ibhan sa pagbabawal sa ating tayo'y umísip, na gamitin natin ang ating ísip? ¡Busabos ng̃ang ganáp ang ating tunay na calagayan! Mang̃agpipisan ng̃â tayo; mang̃agcacáwatasan tayong sa sulác ng̃ dugo'y nagdaramdam ng̃ dang̃al ng̃ pagcatao; mang̃agtipon tayo ng̃ mg̃a kinacailang̃an upang masunduan nating sa ati'y ibigay ang ating mg̃a catuwiran sa pamamayan; papagtibayin natin, sa isáng salitâ, ang buhay ng̃ "Liga Filipina". Ang mg̃a palatuntunan ng̃ samaháng itó'y talastas na marahil ninyong lahát, at cung di man alám ninyong lahát, ang caramihan sa inyo'y nacatatalós. Ihalál ninyo sa inyong mg̃a casamahán ang mg̃a táong mamiminúnò sa adhicáng iyáng sacali't matuloy ay siyang lalong matibay na maaasahang macapaglíligtas sa cahabag habag na caalipnan ng̃ Filipinas, na dapat nating paghandugan towî na ng̃ pamumuhay at buhay. Walang salang ang gagawin nating ito'y magbubung̃a ng̃ ating mg̃a pagcapatapon at mg̃a pagpapahirap sa atin ... ¡Ah! ¡Tumang̃is cayó! ¡tumang̃is ang anác sa pagcapahamac ng̃ amá! ¡tumang̃is ang ama sa pagcapahamac ng̃ anác! ¡tumang̃is ang capatíd sa pagcapahamac ng̃ capatíd! Datapowa't ang sumísinta sa bayang sa caniya'y pinang̃anacán, at napagtátantò ang mg̃a kinacailang̃an upang macamtán ang icagagalíng nito'y dapat lumigaya, sa pagca't sa landás lamang na itó mátatamo ang Calayàan! ¡Manumpâ tayong lahát na sasacsihan natin ang maalab na pagsinta sa Inang Bayan ng̃ pagbubuhos ng̃ ating dugô!" Nagsipanumpang lahát ang mg̃a naroron.

Sa lahat ng̃ mg̃a nagsidaló sa pulong na iyo'y si G. Andrés Bonifacio ang carukharukhaan; ang mg̃a casamahan niya'y mg̃a nacacacaya sa buhay; halos ang lahát ay may sariling pag-aarì at marami ang mg̃a marurunong; datapwa't si Bonifacio'y isáng abáng "bodero" ng̃ bahay-calacal ni na guinoong Fressell at mg̃a casamahang pawang dî tagarito, at bábahagyà ang tinátangap bowán bowán; ng̃uni't hindî cailà na si G. Andrés Bonifacio ang siyang nagtulóy ng̃ adhicâ ni Rizal. ¡Isang catotohanang ang catubusa'y madalás guináganap ng̃ lalong mg̃a dukha!

Mulíng nagcatipon silá ng̃ gabí ng̃ icatlong araw ng̃ bowán ng̃ Julio ng̃ 1892, at doo'y nang̃áhalal na pámunuan ang mg̃a sumúsunod:

Nagmunacála: Dr. Jose Rizal.

Cataastaasang pang-ulo: Ambrosio Salvador.

Taga-usig: Agustin de la Rosa.

Taga-ing̃at yaman: Bonifacio Arévalo.

Calihim: Deodato Arellano.

Mg̃a casangúni: Andrés Bonifacio, Mamerto Natividad, Domingo Franco, Moisés Salvador, Numeriano Adriano, José A. Dizon, Apolinario Mabini, Ambrosio Rianzares Bautista, Timoteo Lanuza, Marcelino de los Santos, Paulino Zamora, Juan Zulueta, Doroteo Ongjunco, Arcadio del Rosario at Timoteo Páez.

Ang caramihan sa mg̃a nakianib sa "Liga Filipina", cung di ipinabaríl ay pinahirapan, ibinilangô ó ipinatapon sa malayong lúpà ng̃ Gobierno ng̃ castílà. Ipinabaril si Rizal, Domingo Franco, Moisés Salvador, Numeriano Adriano, José A. Dizon, Luís Villarreal, Faustino Villarroel, Antonio Salazar, Vicente Molina, José Trinidad, at iba pa; pinahirapan at ibinilangô si Agustin de la Rosa, Bonifacio Arévalo, Ambrosio Rianzares, Timoteo Lanuza, Marcelino de los Santos, Arcadio del Rosario, Timoteo Páez at iba pang lubhang marami; ibinilango't ipinatapon sa Mindanao si Pablo Rianzares at doo'y pinatay sa cápapahirap; ibinilango't ipinatapon sa pulóng Chafarinas si Paulino Zamora at iba pang marami.

Sa daang Raxa Matandâ ay nagtayô ang mg̃a taga Tundó ng̃ iláng "monumentong" bató na nagpaalaala ng̃ pagcapagtayô ng̃ "Liga Filipina" ng̃ gabí ng̃ ica 3 ng̃ Julio ng̃ 1892, sa tapát ng̃ lugar na iyón, sa bahay na may bilang 176, daang Ilaya. Ambag na cusâ ni G. Timoteo Páez ang lupang pinagtayuan ng̃ sinabi ng̃ monumento.

Namanhic si Rizal sa General Despujol, na mangyaring makipag-usap sa canya, at pumayag namán. Ang unang ipinakiusap ni Rizal sa General Despujol ay mangyaring palabasin sa pagcábilangô ang mg̃a napipiit at paowiín ang mg̃a tinapon dahil sa canya, yamang siya'y naririto na at handang sumagót sa anó mang sacdal, at ipinagcaloob naman ang gayong cahiling̃an. Nagsalitaan silá ng̃ maluat tungcol sa bagaybagay na nauucol sa pamamahálâ ng̃ Filipinas. Nang mananaog na si Rizal ay siya'y tinanong ng̃ General Despujol:—¿Anó pô ang palatuntunang susundin ng̃ inyong caasalán dito sa Filipinas?—Makikibagay pô ang palatuntunan ng̃ aking caasalán,—ang malumanay na sagót ni Rizal—sa caasalang gamitin ng̃ España sa Filipinas. Cung bíbigyan pô ang Filipinas ng̃ España ng̃ mg̃a calayâan at mg̃a carapatáng ucol, na siyang mithî ng̃ lahát ng̃ tagarito, acó po'y castílà, tunay na castílà, at ang pagca castílà co'y higuít sa inyó, higuít sa pagca castílà ng̃ lahát ng̃ mg̃a castílà; datapowa't cung hindî, cung papapanatilihin ang pagaapí sa cafilipinuhan, ¡ay! pagcacagayo'y ...¡acó pô ang tunay na filibustero, ang lalong ganid na filibustero!

Ipinagbilin cay Rizal ng̃ General Despujol, na pagcaca araw ng̃ Miércoles ay makipag-usap sa canyá, at gumanáp naman si Rizal. Ng̃ sumunod na pag-uusap niláng dalawa'y nasabi ni Rizal sa General Despujol ang ganitó:—Isáng cagaling̃ang malaki ang cautusáng magcaraon ang Gobernador General sa Filipinas ng̃ capangyarihang magawâ ang bawa't ibiguin, cailan man at nauucol sa icagagalíng ng̃ bayan.—¿Bakín pô? ani Despujol—Sa pagca't salamat sa cautusang iyá'y magagawâ pô ninyó ang madla't maraming cagaling̃an dito sa cahabaghabag na bayan, ang sagót ni Rizal.—Nagcacamalî pô cayo; ang tutol ng̃ General, ang cautusáng iya'y waláng casing samâ. Dahil sa cautusáng iya'y hindî maulatang mg̃a catampalasanan ang magagawâ, at marahil ay guinawâ na.—Iyan po'y cung masamâ ang General, ang sagót ni Rizal; datapowa't cung isáng Gobernador General na masintahin sa catuwirang gaya pô ninyo'y isáng tunay na cagaling̃an.—Hindi, hindi; ang pagdaca'y isinalabat ng̃ General; hindî dapat ipagcatiwalâ ang capangyarihang iyan sa lalong banál; banál ma'y mangyayaring mámali, banál ma'y maaaring matucsó ó mapagdayâan. Sa ganitong pang̃ang̃atuwira'y si Despujol din ang hindî nalao't nagbigáy catibayan sa canyáng guinawang hindî carapatdapat laban cay Rizal.

Ipinagpatuloy nitó ng̃ boong casipagan ang paglaganap ng̃ canyáng mg̃a aral. Napasa Bulacan, nagtulóy sa Malalos, at nilibot ang ibang malalakíng bayan sa Capampang̃an at sa Tarlac. Hindî kinacailang̃ang sabihing hindî hinihiwalayan si Rizal ng̃ mg̃a cawaning lihim (policía secreta) ng̃ Gobierno. Nagcacasalusalubong ang mg̃a telegrama ng̃ mg̃a Gobernador sa mg̃a lalawigan sa Gobernador General, at ang mg̃a telegrama nitó sa canilá.

Samantala'y pinagbabalaan si Despujol ng̃ mg̃a fraile at ng̃ mg̃a castila, na cung dî niya ipararákip agád si Rizal at ipabíbilangò ay ipalálagay niláng casabuat siya nito sa tacsíl na acalang pag-labag sa capangyarihan ng̃ España. Gulong-guló ang ísip ni Despujol; cung dî niya sundin ang mg̃a fraile at mg̃a castila'y siya ang lubhang nang̃ang̃anib mapahamac, at cung sundin naman niya'y tampalasan siya sa isang táong walang ibang casalanan cung dî ang pag-sintang maalab sa kinamulatang bayan. ¿Ano ang dapat niyang gawín? Itó ang madalás niyang tanong sa sarili. Nagtagumpay, sa cawacasan, ang pag-ibig sa sariling catahimican; caya't umisip siya ng̃ paraang dapat ipagpahamac cay Rizal. Ipinag-utos niya sa lahat ng̃ mg̃a puno ng̃ guardia civil veterana dito sa Maynílà at gayon din sa mg̃a Gobernador sa mg̃a lalawigang sa icasiyam na oras ng̃ umagang̃ ica 5 ng̃ Julio ng̃ 1892, sabaysabay na salicsikin (requisahin) ang lahat ng̃ bahay na tinatahanan ng̃ mg̃a taong inaacalang caibigan ni Rizal ó cacampí ni Rizal, at tingnan cung may mg̃a sulat ó ano mang pahayagan ó librong laban sa España ó sa Religión Católica. ¡Caguiláguilalás! Dalawa pa munang oras bago gawin dito sa Maynílà ang pagsalacay sa bahay bahay ng̃ mg̃a filipinong kilala rito ng̃ mg̃a panahong iyong cacampí ni Rizal ay tumangap ang mg̃a taóng ito ng̃ pasabing:—"Iligpít ninyo agad agad at itágò ang mg̃a casulatan, pámahayagan ó librong sa inyo'y macapapahamac, sapagca't sa umaga ring ito'y cayo'y sasalacayin ng̃ veterana." Ang nang̃agpasabi ay ang mg̃a capanig sa pamunuan ng̃ Liga Filipina, na pinagsabihan naman ng̃ isang taga Naic, Cavite, na ng̃ panahong yao'y madalás sa palacio ng̃ Malacanyang, at canyáng naring̃íg ang mg̃a pag-uutos ng̃ General Despujol sa mg̃a púnò ng̃ Veterana. Salamat sa gayong pasabi'y nacapag-ing̃at ang lahat at hindî naracpan sa canicanilang bahay ng̃ ano mang sucat icapahamac. Sa mg̃a lalawiga'y hindî gayon ang nangyari, palibhasa'y walang sucat magamit na paraang macapagpaunawà sa canila ng̃ darating na pang̃anib, caya't sa canila'y maraming mg̃a násamsam na "La Solidaridad", "Noli me tangere", "Filibusterismo", mg̃a dahong limbag na laban sa fraile at mg̃a sulat at larawan ni Rizal at iba pang mg̃a filipinong na sa Europa at na sa Hongkong. Dinakíp at ibinílangô ang mg̃a násamsamán.

Nagcásiya ng̃ maguing cadahilanan ang mg̃a nasamsam na mg̃a pamahayagan, mg̃a libro at mg̃a dahong limbag, na walang caanoanomang laban sa España, cung dî pawang laban lamang sa masasamang mg̃a gawâ ng̃ mg̃a fraile, upang iparakip si Rizal at ipapiit sa cútà ng̃ Santiago (fuerza de Santiago) at ipalathalâ sa "Gaceta de Manila" ng̃ ica 7 ng̃ Junio ng̃ 1892 ang isáng "decreto" ó cautusang ipinatatapon si Rizal sa isa sa mg̃a pulô (sa Dapitan) ng̃ dacong Hilaga ng̃ Filipinas, dahil sa casalanang pag-cathâ, pagpapalimbag at paglalaganap dito ng̃ "Noli me tangere" at "Filibusterismo" at ng̃ mg̃a dahong limbag na laban daw sa Religión Católica Apóstolica Romana, at dahil daw naman sa nacuhang mg̃a dahong limbag na laban sa mg̃a fraile, sa balutan ng̃ banig at unan ni Rizal at ng̃ canyang capatid na babae, at ng̃ masiraang púri ang Martir natin ay sinabi pang itinutol daw ni Rizal, na hindî siya ang may dala ng̃ mg̃a dahong limbag na yaon, cung dî ang canyang capatid na babae. Ipinag-uutos din naman ni Despujol sa decretong iyon, na canyang ipinagbabawal ang pagpapapasoc at pagpapalaganap dito ng̃ lahat ng̃ mg̃a kinathâ at isinulat ni Rizal at iba pang laban sa religión católica at sa capanatagan ng̃ capangyarihan ng̃ España.

¿Tunay ng̃â cayang nararapat na parusahan si Rizal at siráan siya ng̃ púri sa gayong parâan?

Sino ma'y waláng naniniwalang nagsabî si Rizal na ang canyang capatíd na babae ang may dalá ng̃ mg̃a dahong limbág na násamsam sa balutan ng̃ baníg at unan, Kilala ng̃ lahát ang ca-acasan at camahalan ng̃ loob ni Rizal, na ano pa't cung icapapahamac ng̃ canyáng capatíd, cahit maguing totoong itó ang may dalá ng̃ mg̃a dahong limbág na iyón, aangkinin ni Rizal ang casalanan, howag lamang magdusa ang capatíd niyang babae; hindî cailâ sa canyáng capatíd na pagdatíng nila rito'y pacasisiyasating magalíng ang caniláng mg̃a dalá, cayâ hindî ng̃â masasapantahang siya'y mang̃ang̃ahas na magdádala rito ng̃ mg̃a bagay na talastás niyang icapapahamac, liban na lamang cung sirâ ang isip, at ang capatíd na babaeng casama ng̃ pag-owî rito'y matalino at mapag-ing̃at, lalò ng̃ hindî maaacalang si Rizal ang siyang magdádala ng̃ mg̃a dahong limbag na iyón dito, sa pagca't nalalaman ng̃ lahát ang catalasan ng̃ canyang ísip; kinacailang̃an ng̃ang may isáng taksíl na camáy na doo'y naglagáy, at itó ng̃â ang catotohanan: Ang sumiyasat ng̃ balutan ng̃ banig at unan ng̃ capatíd na babae ni Rizal ay ang teniente ng̃ carabineros na naga-apellidong Nozaleda, pamangking boô ng̃ arzobispong Nozaleda, fraileng dominico, at sa acalâ ng̃ lahat ay itó ang naglagay sa balutang iyón ng̃ mg̃a dahong limbág na laban sa mg̃a fraile, at ang nagpatibay ng̃ sapantahang ito'y ang dî nalaon at nangyari. May isáng filipinong taga Naic, nagcanuló cay Don Miguel Rodriguez Berriz Juez de primera instancia sa Intramuros, (loob ng̃ Maynílà) na ang mg̃a dahong limbág na dito'y ilinalaganap, laban sa mg̃a fraile at laban sa Gobierno ng̃ España'y pawang gawâ ng̃ mg̃a fraile sa canilang limbagan sa Malabón, at mg̃a cainalám din mg̃a fraile ang nang̃agcácalat, upang mapagbintang̃an at maipahamac ang mg̃a filipinong hindî marunong manghinuyò sa mg̃a fraile, na caniláng lihim na pinadadalhán ng̃ mg̃a dahong limbag na iyón. Sa pagcaibig ni Don Miguel Rodriguez Berriz na matantô niya cung catotohanan ó hindî ang sumbong sa canyá, lihim na naparoon siyáng may iláng casama sa "Asilo de huérfanos, (Ampunan sa mg̃a ulilang lalaki) sa Malabon—na ng̃ panahóng iyo'y sacóp ng̃ lalawigang Maynílà, at ng̃ayo'y sacóp ng̃ lalawigang Rizal—na sa ilalim ng̃ pamamahálà ni párì José Rodriguez, fraileng agustino, at doo'y canyáng násamsam ang mg̃a "molde" ng̃ mg̃a ikinacalat ditong laban sa mg̃a fraile. Natotohanan ng̃ang doon din guinawa ang mg̃a "dahong limbag" na pinagpatacaran ng̃ pagtatapon cay Rizal sa Dapitan. Inusig si párì José Rodriguez, datapowa't hindî nailáng arawan at namatáy na biglâ itó, baga man waláng sakít, batà at matabâ ang pang̃ang̃atawan. Salamat sa nangyaring ito'y nawalâ ang pinacapang̃ulong dapat managót sa gayong catacsiltacsilang gawâ.