Jose Rizal.
"¡Walâ isa man lamang salitâ ng̃ pagtatanim sa mg̃a pumatay sa canya!... ¡Pawang pag-ibig na lahát sa caniyang tinubuang bayan at sa canyang mg̃a capanig!" ani Don Wenceslaw E. Retana.
Dinamdam ng̃ Europa, ng̃ América, ng̃ lahat ng̃ bayang civilizado, lalo na ng̃ mg̃a pantás sa lahat ng̃ làhi ang cakilakilabot na pagcápatay sa "Dakilang Tagalog" ng̃ mg̃a castílà.
Si Guinoong Fernando Blumentrit, ang pantás na profesor etnógrafo, ang pang̃ulong nagdamdam, ang isa sa mg̃a pang̃ulong nagpighati ng̃ dî cawásà.
Pakinggan ng̃ írog na bumabasa ang isinulat cay Guinong Mariano Ponce ni G. Fernando Blumentritt, pagcaalam nitò ng̃ calupitang guinawâ sa capatíd na hírang ng̃ canyang calolowa:
"May sugat ang aking púsô!... Natatalastas mo ang calakháng dî ano lamang ng̃ sa caniya'y aking pag-irog!... Nang̃agsumakit ang lalong mg̃a bantòg na tao sa Europa upang siya'y iligtás, datapowa't hindî nang̃agtagumpáy: ang cálolowang mahal na iyo'y naakyat sa lang̃it, Macasasamáng totoo sa capangyarihan ng̃ castílà ang pagcàpabaril sa caniya: sa macatuwíd ay hindî lamang naguíng waláng cabuluhán ang boong cabang̃isáng iyòn, cung dî isa namang cahaling̃áng calakilakihan sa pamamanihálà ng̃ bayan."
Naglathálà ang marunong na si Blumentritt ng̃ mahahalagang casulatan tungcol sa buhay at pagcamatáy ni Rizal sa "Archivos Internacionales de Etnografía", sa Leida, sa "Almanaque de Praga ng̃ 1898" at sa halos dî mabilang na mg̃a pámahayagan.
Nagsaysay rin naman ng̃ malaki't taimtim na mg̃a pagdaramdam:
Ang Profesor Dr. Renward Braustetter, pantás na malayólogo sa Lucerna.
Ang Dr. Fedor Jagor, aleman, sumulat ng̃ isáng librong ang pamagát ay "Viajes por Filipinas" na isinawicang inglés at castilà.
Ang Dr. Friedrich Ratzel, alemán, marilág na geógrafo at etnógrafo, bantóg sa boong daigdig sa carunung̃an. Sinabi ng̃ pantás na itó sa isáng mahabang casulatang inilathalà sa dahong dagdág, tungcol sa dunong, sa "Allegemeine Zeitung" sa Munich, na mataas ang dunong at matálas ang ísip ni Rizal cay sa mg̃a umusig sa canyá.
Ang profesor M. Buchner, Director ng̃ Museo Etnográfico sa Munich, hirang na totoong malayólogo. Sumulat ang pantás na itó cay G. Ponce at sinabing: "si Dr. Rizal ay ang tagapakiharáp na mahal ng̃ lahing mahál ng̃ mg̃a tagalog, at ang larawan niya'y na sa lalong mahál na pinaglalagyán sa aming Museo."
Si Monsieur Edmont Plauchut, kilalang orientalista francés, na nacatatalos na magalíng sa Filipinas, na may sinulat na ilang mg̃a libro at manunulat sa mg̃a pahayagang "Le Temps" at "Revue des Deux Mondes." Pagca alam niyang ipinabaríl si Rizal ay naglathálà ng̃ pagpapapuri sa ating marilág na capatíd at pagcatapos ay sinabi: "¿Ang gayong caraming dugo'y magbung̃a cayâ ng̃ icapagsásarilí ng̃ sangcapuluan? Minimithî co ng̃ boong púsò."
Ang Dr. W. Joest, profesor sa Universidad ng̃ Berlín, marilág na geógrafo. Naglathálâ ng̃ pagtatacá at pagpapaunlác cay Rizal.
Ang Dr. H. Kern, profesor ng̃ Sánscrito sa Universidad ng̃ Leida at pang̃ulong malayista sa daigdig. Pinuri niyá ang mg̃a librong cathâ ni Rizal.
Ang Dr. J. Montano, francés, bayaning maglalacbay, marunong ng̃ sarisaring wicà at pantás na antropólogo; nagparang̃al cay Rizal.
Ang Dr. F. Muller, profesor sa Universidad ng̃ Viena, dakilang filólogo; naghayag ng̃ canyang panghihinayang cay Rizal. At gayon din ang mg̃a marurunong at maririlag sa taong sumusunod.
Ang pantás at bantog na literatang holandesa na nagpapamagat ng̃ "H. D. Teenk Willink."
Si Mr. Manfred Wittich, manunulat na taga Leipzig.
Si Dr Betances, político cubano.
Si Dr. Boettger, bantóg na naturalista alemán.
Si Dr. A. B. Meyer, Director ng̃ Museo Etnográfico sa Dresde, cárilagdilagang filipinólogo at isa sa lalong totoong nagmamahal cay Rizal.
Si Monsieur Odekerchen, Director ng̃ páhayagang "L'Express", sa Lieja.
Si Dr. Ed Seler, na naghulog sa wicang aleman ng̃ Huling Caisipán ni Rizal.
Si Mr. H. W. Bray marunong na manunulat na inglés.
Si Mr. John Foreman, na sumulat ng̃ iláng libro tungcol sa Filipinas.
Si Herr C. M. Heller, naturalista aleman.
Si Dr. Stolpe, pantás na taga Suecia.
Si Herr Armand Lehinaut, ingeniero at literato austriaco.
Si Dr. J. M. Podhovsky, balitang manunulat na teheque, at iba pang lubhang marami.
At cung dito'y ilalagda ang talaan ng̃ mg̃a libro, ng̃ mg̃a "revista" at ng̃ mg̃a "periódico" na nang̃agbigay dang̃al cay Rizal ay hindî matatapos. Tatatlompong araw pa lamang ang nacararâan mulâ ng̃ barilín si Rizal ay nacatipon na ang pantás na si Blumentritt ng̃ pitompo at tatlong "periódico" sa Europa na pumupuri cay Rizal at nagsasaysay ng̃ malaking pagdaramdam ng̃ sa canya'y pagcápatay; isipin ng̃ bumabasa cung gaanong dami cayâ ang mg̃a isinulat tungcol sa canya ng̃ macaraan na ang ilang bwan. Carapatdapat bangguitin ang mg̃a páhayagang "Leipsinger Illustrirte Zeitung", "Allgemeine Zeitung", "National Zeitung", "Berliner", "Tageblatt", "Frendenblats", "Hamburger", "Nachrichten", "Globus", "Kolnische Zeitung", ang "Ost Asien" na pinamamatnugutan ng̃ pantás na japonés na si Kisak Tamai, at iba pang maraming páhayagan sa Alemania, ang "Boletin" ng̃ mg̃a Orientalista sa Austria; ang "De Indische Gids", sa Amsterdam; "New Yorker", "Staatszeitung", "Patria", "New York Herald", "The San Francisco Chronicle", sa Estados Unidos; Le Temps", "L'Eclair", "La République Cubaine", sa Paris; "L'Express" at "La Réforme" sa Bélgica; "Opden Uitkijk", sa Holanda; "London Ilustrated News" at "National Review" sa Inglaterra; iláng mg̃a páhayagan sa Austria-Hungría, sa Suecia, at iba pa; ang lahát ng̃ mg̃a páhayagan sa Singapore, sa Hongkong, sa Macao, Shanghai, sa Japon, sa América Latina at iba pa.
Maraming mg̃a dakilang "Velada" ang inihandog sa pag-aalaala cay Rizal sa mg̃a ciudad ng̃ sangsinucob. Ang isa mg̃a Veladang iya'y ang idinaos ng̃ ica 20 ng̃ Noviembre ng̃ 1897 ng̃ "Sociedad Antropológica" sa Berlin, sa ilalim ng̃ pamamatnugot ng̃ pang̃ulong antropólogo sa boong tinacpang si Virchow. Binasa sa Veladang iyon ang "Huling Caisipan" ni Rizal sa tuláng aleman ng̃ Dr. Ed. Seler.
Naghandog din ang mg̃a norteamericano ng̃ pagbibigay-dang̃al cay Rizal, ng̃ ica 19 ng̃ Junio ng̃ 1902 sa bahay ng̃ mg̃a Representante, sa Washington, na ipinakilala nilang si Rizal ay cawang̃is din ni Washington, na may carapatáng igalang at alayan ng̃ ganáp na pagpupuri ng̃ sangcataohan. Umuugong, tunay na umuugong ang dakila't cagandagandahang bahay ng̃ mg̃a Representante sa Washington sa pagbibigay-dang̃al sa walang cahulílip nating capatíd.
Naghandog din ng̃ maning̃as at cágalingaling̃ang pagbibigay dang̃al cay Rizal, sa pamamag-itan ng̃ isáng talumpatì si Theodore Roosevelt, presidente ng̃ Estados Unidos: sinabi niyang carapatdapat uliranín ang buhay ni Rizal at ang mg̃a librong kinathâ niya'y Evangeliong pumapatnugot sa landás ng̃ icasusulong, iguiguinhawa at icaririlág ng̃ mg̃a bayan.
Pakingan naman natin ng̃ayón ang salitâ ng̃ pahám na manunulat na castilang si D. Wenceslao E. Retana:
"Pagcatapos—anya—nang maiclíng casaysayang ito, na nagpapakilala ng̃ isáng culabóng sinag ng̃ malakíng pangguiguilalás ng̃ gayong caraming lubhang maririlag na mg̃a tao, mang̃ang̃ahás camíng isumag ang pasiyang sinabi sa Gobierno tungcól cay Rizal ng̃ Excelentísimo Señor Don Nicolás Peña, Auditor ng̃ Ejército ng̃ Filipinas. Alinsunod sa sinabi ng̃ guinoo, si Rizal ay isáng pang̃ahás na hindî man lamang marunong sumulat at hindî maalam mag-isíp ísip.... ¡Lakíng kahapishapis na caibhán ang namamasdan sa pasiya ng̃ Guinoong Peña, na caya lamang kilalá ay salamat sa "Anuario Militar ng̃ España", sa mg̃a pasya ng̃ mg̃a Virchou, ng̃ mg̃a A. B. Meyer, ng̃ mg̃a Kern, ng̃ mg̃a Blumentritt at ng̃ lubhang maraming mg̃a pantás na hinahang̃aan at bantog sa boong sinucob! Datapuwa't lalo ng̃ kahapishapis ang isa pang pagcacaiba: ang sinasalitâ ng̃ "La Independencia"[66] sa canyang pagsasaysay ng̃ malaking pagdaramdam ng̃ boong sancataohang may magandang asal ng̃ maalaman nila ang pagcamatay ni Rizal ... "Laking kaibhang-anang "La Independencia"—ng̃ ganitong pagpapakita ng̃ sancataohan ng̃ canyang pagpipighatî sa pagpatáy cay Rizal, at yaong "sayáw sa mg̃a patay" na guinawâ ng̃ mg̃a castílà sa canilang pagcacatowâ ng̃ pagcápatay sa canilang tinampalasan, sayaw sa mg̃a patáy na canilang idinaos sa ibabaw ng̃ bagong catatabong baunan ni Rizal na ano pa't canilang guiniic at minunglaymunglay ang mg̃a corona at mg̃a bulaclac na inilagay sa ibabaw ng̃ libing̃ang iyon ng̃ masintahing mg̃a camay ng̃ mg̃a catoto!"
Pinabantayán ng̃ Excelentísimo Señor Don Camilo Palavîeja, Teniente General ng̃ Ejército ng̃ España at Gobernador at Capitan general ng̃ Sangcapuluang Filipinas ang libing̃an ni Dr. Jose Rizal sa loob ng̃ labing limang araw at labing limang gabi. Limampong sundalong castílà, isáng capitan, isáng teniente, isáng sargento segundo at dalawang cabo ang nang̃agbantay. Pínabantayan sa pang̃ang̃anib na bacâ nacawin ng̃ mg̃a tagalog ang bangcay ni Rizal, at bago ipamalitang ito'y muling nabuhay. Walang pinag-ibhan cay Jesucristo.
Ng̃ macalampas na ang labinglimang araw, mulâ ng̃ ibaón sa lupà, si Rizal na walang cabaong at waláng balot man lamang, na baníg, iniwan na ng̃ mg̃a, nagbábantáy.
Tinandaan na lamang ng̃ mg̃a capatíd ni Rizal ang pinaglíbing̃an nito ng̃ isáng cruz.
Ng̃ buwan ng̃ Agosto ng̃ 1898, ng̃ magtagumpay na ng̃ lubos ang mg̃a filipinong revolucionario at ng̃ maibabâ na sa Filipinas ang bandera ng̃ España, hinucay ng̃ ating mg̃a caláhì ang libing̃an ni Rizal, kinuha nila ang mg̃a butó at bung̃ô nito, inilagay nila sa isáng mahalagang urnang gawâ ng̃ bantog na escultor na si Guinoong Romualdo Teodoro de Jesús, at pagcatapos ay inihatid ng̃ di mabilang na tao ng̃ boong galang sa bahay ng̃ canyang ina. Buongbuo ang bung̃ô ng̃ úlo ni Rizal, na ano pa't napagkikilalang hindî nasugatan ng̃ bala. Datapuwa't ng̃ hanapin sa zapatos ang casulatang bilin ng̃ nasirà, ang papel ay naguing pulbos na't wala ng̃ mabasa cahi't isáng letra man lamang. ¡Cahapishapis!...
Ang mg̃a sinaysay co sa mg̃a talatang natalikdan ay mg̃a balitang bigay sa akin ni G. Saturnina Rizal, ng̃ canyang esposong si G. Manuel Hidalgo, ng̃ mg̃a caibiga't cakilala ni Rizal at ang iba'y aking nabasa naman sa librong "Vida y escritos del Dr. Rizal," na sinulat at inihayag ni Don Wenceslao E. Retana.
Sa libro ring "Vida y escritos del Dr. Rizal" ay aking sisipiín ang mg̃a saysay ni Don Francisco Pi y Margall, ng̃ sinabi ng̃ si Don Wenceslao E. Retana, ni Don Miguel de Unamuno at ni Guinoong Javier Gómez de la Serna, ang tatlong nauna'y castílà at itong hulí ay cababayan natin, sa pagca't dito siya inianâc, tungcol sa España, sa Filipinas, cay Rizal at sa mg̃a fraile.
Mg̃a saysay ni Don Francisco Pi y Margall:—"Sawíng palad ng̃â ang mg̃a nasásacop ng̃ ating capangyarihan sa dacong Oceanía: hindî ipinagcacaloob sa canila ang mg̃a "derechos políticos", ang mg̃a carapatán ò catuwiran bagáng ucol sa táong namamayan, ayaw ipagcaloob sa canilá ang catuwirang magcaroon ng̃ mg̃a tagapakiharáp sa Capulung̃ang-Bayan, ayaw alsín sa canilá ang pamatoc na sa canila'y isinacláy ng̃ mg̃a fraile, at pagca nauucol sa iguiguinhawa ng̃ canilang catawan sila'y nililimot na parang hindî mg̃a caanib ng̃ España. ¿Papaanong iirog sa atin ang mg̃a taong doo'y nananahan? ¿Papaanong hindî magdaramdam ng̃ malaking pagcainíp upang sila'y macaligtás sa cahariang sa canila'y namamahalang tulad sa mg̃a unang panahon ng̃ pagcalupig sa canila? Cung dumating ang araw na sila'y manghimagsíc, ¿anong cacatuwiranin natin upang tayo'y dumaíng?"
Ganito naman ang mg̃a pananalita ni Don Wenceslao E. Retana:
"Si Jose Rizal ang siyang buháy na nagpapakilala ng̃ ating cahapishapis na pamamahala sa ating sacop na ibáng lupaín. Hindî mangyayaring mapapanatili ang pagcasacóp ng̃ isáng caharìan sa ibáng lupaín cung dì sa pamamag-itan lamang ng̃ dalawang paraan: O sa cusang calooban ng̃ mg̃a tubò sa ibáng lupaíng iyon, ó sa sápilitan. Carapatdapat sabihing cailan ma'y walang ano mang guinawâ ang España upang manatiling cusà ang mg̃a nasasacop na taga ibàng lupain sa pagkilala sa canyang capangyarihan; salung̃at na salung̃át ang gayón sa patacbó ng̃ caisipán ng̃ ating láhì: sa tuwi na'y ipinalagay ng̃ dalisáy na castílà, na hindî tunay na guinagamit ang capangyarihan sa nasasacop na ibáng lupaín, cung hindî sinusupil ang mg̃a tagaroon upang sumunód sa bawa't maisipan ng̃ nacapangyayari. (At unawaing tinatawag na nacapangyayari, hindî ang Estado[67], at hindî rin ang Púnò ng̃ Estado, cung dî ang castílà). Pinapanatili ng̃ España sa pagkilala sa canyang capangyarihan ang nasasacop na mg̃a taga ibang lúpà sa pamamag-itan ng̃ lacás. Datapuwa't palibhasa'y hindî sumásapat ang nacucuhang salapî sa Filipinas upang doo'y mapapanatili ang isáng malakíng hucbó ng̃ mg̃a castilang tunay, minagalíng ng̃ España—cahi't kinikilalang isáng "casamang kinacailang̃ang gawín"—ang papamalaguîin sa walang taning na panahón ang calacaráng mulâ sa lacás ng̃ "hicayat" ng̃ fraile, na ano pa't hinang̃ad ng̃ España ang magawâ ang hindî mangyayaring bagay, na magcásabay ang pamamahalà ng̃ fraile at sacâ ang paglagô ng̃ mg̃a carunung̃an ayon sa bagong caisipán. Datapuwa't hindî macagaganáp ang fraile sa canyang tungculing "pagcafraile", cung hindî niya gagamitin, ano mang cáratnan, ang canyang "tinutuntong landás", na ito'y dî iba cung dî ang paraang papanatilihin ang bayan sa carilimán ng̃ isip at sa hindî pagcatantô nang magagandang caasalán, at ang naguing bung̃a ng̃ gayong hidwang palacad (papamalaguiin bagang "indio"[68] ang filipino hanggang nabubuhay) na laban sa mapilit na cahing̃îan ng̃ lacad ng̃ panahón (cahing̃îang hindî macataliwacás at ayaw namang tumaliwacás ang caramihan sa mg̃a filipino) ay ang pagsilang ng̃ paláisipang-bayang talastas na ng̃ lahát cung paano ang kináwacasan.
"Hindî lamang ang dî malilagang batás ng̃ panahón ang calaban ng̃ lumang palacad; calaban din naman ang mg̃a castilang anác sa España, na sa cawacasa'y ipinalagay niláng bawa't fraile ay canilang capang̃agáw; at sa ganito'y sa canilang cahapishapis na pag-uunahan sa pagsisirâan, silasilá ring mg̃a castilang may "hábito" ó walang "hábito", may ahit sa ulo ó walang ahit ang siyang nang̃aglugsôan ng̃ canicanilang puri, hanggang sa mapagkilala tulóy ng̃ mg̃a túbò sa Filipinas ang taglay niláng budhî. Sa isáng bagay lamang nang̃agcacaisa ang mg̃a ganap na castilà, may ahit sa ulo ó walâ; ang papanatilihin sa pagca-"indio" ang mg̃a pinamamagatang "indio"; bagay na udyóc ng̃ capalaluan ng̃ mg̃a castilâ, capalaluang lalong lumúlubhâ, samantalang lalong mahigpít; ang pag-ibig ng̃ castílà sa canyang kinamulatang bayan (!)
".....................................................Untiunting guinágawang "guinoo" ng̃ Gobierno ng̃ España ang mg̃a filipino; ng̃uni't sa pagca't nananatili ang fraile, ang cototohana'y nananatìli naman ang filipino sa "pagca-alipin", at ang nangyayari'y samantalang lumalaganap ang pagbibigay catuwiran, lumulaganap naman ang pagyurac sa catuwiran. Nananatili ang pang̃ulong púnò sa Colonia[69] sa pagtataglay ng̃ capangyarihang magawâ ang bawa't maibigan, at nananatili naman ang fraile sa pagca siyang namamag-itan sa Bayan at sa Gobierno, at sa ganitong calagaya'y walâ ng̃ang kinácamtang masasabing ligaya ang "indio", liban na lamang sa ligayang papaguing dapatin ng̃ fraileng sa canya'y ipagcaloob.
Lubós ng̃ang naguing magcaaway na totoo ang "Fraile" at ang "Progreso"[70]: calabisán ang alín man sa dalawa. Minamagalíng ng̃ mg̃a filipino ang "Progreso." Datapowa't cung alisín ang fraile; ¿alín ang "lacás" na icapipiguil sa paghiwalay ng̃ colonia? At sa ganito'y ¿di baga dapat na ipalagáy na "sospechoso"[71] ang filipinong magmunacalang magwacsì ng̃ "lacás" ng̃ fraile? Nariyan ang ugát ng̃ dî magaping capangyarihan ng̃ fraile: hindî ng̃â mangyayaring mahalinhan silá. Nalalaman ng̃ mg̃a fraile ang bagay na itó, caya't guinágawâ nilá bawa't maisipan. At ang Gobierno ng̃ castilang nagpapacapagal ng̃ dî ano lamang sa iguiguinhawa ng̃ mg̃a filipino, gayon ma'y hindî mangyaring dî niya gamitin ang fraileng magpacailan ma'y siyang bucál ng̃ ipinaghihirap ng̃ canyang mg̃a sacóp na iyang pinagsisicapan niya ang pagtatamó ng̃ "magandang palad."
..................................................
"Samantalang nananatili sa alaala ng̃ bayang Filipinas ang hindî pag limot cay Rizal, mananatili naman sa bayang iyon ang pagmimithing magcaroon ng̃ isáng Bayan puspós sa carapatán at may magandáng caasalán. ¡Sa abâ ng̃ Filipinas cung sa canya'y lumípas ang pag-aalaalang iyan! ¡Hihibic siya sa caalipnang atang ng̃ mg̃a taga ibang lupaín! At lalò pa ng̃ang magalíng sa matandang España na mamuhay ang canyang naguíng anác sa marilág na casarinlán cahi't na sa carukhâan, at huwag pawîin sa dibdib ang catibayan ng̃ dating pagguiguiliwán, cay sa magtiis ang naguíng anác na iyan sa pagcasacóp ng̃ isáng áli, na cahi't magpacayamanyaman ay hindî magtátaglay cailan man niyang talinghagà at di mapagwaring pagsintang catutubò ng̃ tunay na iná.................................."
¡Cahabaghabag na España, na totoong ipinagsisigawan sa pagdiriwang ng̃ mg̃a líbolibong halíng, na conowa'y sumísinta sa kinaguisnang bayan!... ¡Cahabaghabag na España!... ¡Ng̃ umaga ring iyón, casabay ng̃ tugtóg ng̃ "Marcha de Cádiz" na naalis na patuluyan ang paghahári mo sa púsò ng̃ Filipinas! Ang púsong iyan ay ang cay Rizal na pinaglagusan ng̃ bala, ¡oh culang palad na España! ng̃ iyong mg̃a mapagpaconwaring sumisinta sa kinamulatang lupa!... Hindî; hindî ikaw, loob mahal na España, ang umamis ng̃ buhay ng̃ Dakilang Banál na iyón, ang taong yaong itinutulad cay Jesucristo ng̃ boong catuwiran ng̃ pitong ang̃aw-ang̃aw na pawang naguing mg̃a anac mo: ang pumatay sa canya'y ang budhing hílig sa cariliman ng̃ mg̃a iniyanac sa iyong lupaíng inudyucan ng̃ isang pulutong ng̃ mg̃a fraile; iyang mg̃a fraileng cung hindî nang̃atutong gumanáp ng̃ canilang mg̃a catungcalang mahál, ang lalong mg̃a mahal na catungculan sa mg̃a nagpapang̃alang "Ministro ng̃ Dios", na mang̃agsidalaw sa capilla upang ihandog ang canilang mg̃a abuloy sa calolowa ng̃ hinatulang patayín, ay nang̃atuto namáng pumaroon sa capatagan ng̃ Bagumbayan upang magcamít ng̃ lihim na galac sa panonood sa pagcapatimbuang ng̃ Dakilang Mapaninta sa calayaan, na ang guinawang sangcala'y ang balat-cayong pagsintá sa kinamulatang lúpà sa hang̃ad nilang patdín ang sumusunog sa canilang cauhawan sa dugô ng̃ mg̃a filipino ... At samantalang sinasabi ni Rizal sa isang jesuita, sa calaguimlaguím na sandalíng iyon:—"¡Amá: pinatatawad co ang lahát ng̃ boong púsò, sino ma'y walâ acong kinasasam-an ng̃ loob!—ang mg̃a fraile, at cung dî sila'y ang canilang mg̃a caanib, ay isinusulat naman nila sa "La Voz Española" ang ganito:
"At sa ganyan lamang paraan, sa "PAGWALIS" ng̃ masamang binhî, sa "PAGGAPAS" ng̃ mg̃a tuyóng uhay sa halamanan, maiilagang magpahamac sa canilang sarili ang mg̃a mangmang at ang mg̃a magdarayang tacsíl na ipinagtumulac ng̃ lalong mg̃a budhing tampalasan sa pananandata laban sa Inang bayan, at ang mg̃a itinulac ng̃ manggagamot na mestizong insíc sa paglabág at sa pagtalicód sa pananampalataya."[72]
"¿Paanong hindî bábarilin si Dr. Jose Rizal ay ang pasiya ng̃ mg̃a namamatnugot sa caisipang bayan sa Filipinas, ang icaliligtas lamang ng̃ España sa canyang colonia malaya ay ang "PAGWALIS" at "PAGGAPAS", sa macatuwid baga'y ang "PAGLIPOL" (sa mg̃a filipino)? ¿Sa caculang̃ang palad ay hindî pa nagaganap ang pagcatuto ng̃ mg̃a castílà: baga man sa alin mang lupaín at sa alin mang panaho'y pawang capahamacán ang ibinung̃a ng̃ paraang "WALIS" at "GAPAS", ay siya ring ipinagpatuloy na gawin sa Filipinas ... At sa "pagwawalìs" at sa "paggagapas, na casabay ang pagtugtog ng̃ "Marcha de Cádiz" at ang sigaw na "¡Viva España!" ay nawalâ sa atin ang magandang Capuluang iyon, sa pagpapalag-ós ng̃ bála sa canyang púsò sa púsò ng̃ pang̃úlo ng̃ mg̃a táong doo'y inianac, ang maningning na tagalog na si Jose Rizal."
.................................................... "Halos ang boong casalanan ng̃ lubhang casakitsakit at hindî na magágamot na pagcacámali ay na sa Arzobispo at na sa mg̃a fraile. Cung hining̃ì sana ni pàrì Nozaleda at ng̃ mg̃a fraile ang "indulto" ni Rizal, hindî lamang sa catuparan ng̃ isáng catungculang lubhang nauucol sa nang̃agpápanggap (¡lakíng capusung̃an!) na mg̃a "kinàcatawan ni Jesucristo sa ibabaw ng̃ mg̃a lúpà" (ni Jesucristong bucál ng̃ cabaitan at ng̃ pagcacaawang-gawâ); cung dî naman ng̃ canilang maisu-at sa mg̃a mapupusoc na dibdib ang pagcapamag-itan nilà at ng̃ huwag mábaril si Rizal, bagay na cung guinawâ nila'y maaasahan halos na humilig disin ang calooban ni Polavieja sa pagcaawâ. Datapuwa't sa gayòng patacbó ng̃ ísip ng̃ mg̃a fraile, na "¡WALIS!" at "¡GAPAS!" silá ng̃a ang lalong totoong nangagdaramdam ng̃ pagcauhaw sa dugô silà ng̃a ang lalong nagtataglay ng̃ lubháng malakíng pagtatanim ng̃ galit (¡ganyan ang canilang pagtupad sa "ibiguin mo ang capuwa mo tawo na gaya ng̃ pag ibig mo sa iyong sarili!") laban sa marilág na tagalog, at hindî ng̃a ang paghing̃ì ng̃ "indulto" ang canilang guinawà, cung dî ang pagparoon sa Bagumbayan, puspos ng̃ hindî nila maicailang ligaya, upang mapanood ng̃ canilang sariling mg̃a matá, na tunay ng̃ang natimbuwang si Rizal at hindî na muling macababang̃on pa ... ¡Pagcalakilaking capang̃itan ng̃ asal na íyan cung panonoorin sa talárò ng̃ caisipan! ¡Hindî ng̃a mangyayaring dî caririmariman ng̃ talárò ng̃ caisipan ang ganyang casamasamaang cagagawán ng̃ mg̃a taong sinasabing mg̃a apóstol ng̃ religión ng̃ pagsisintahan ng̃ lahat ng̃ mg̃a inianac! ¡At caya ganyan ng̃a ang nangyari, na samantalang natutuclasan ni Rizal na siya'y huwag malimot ng̃ sangcataohan magpasawalang hanggan, ibinubuhos naman ng̃ mg̃a ganid na fraileng iyang tunay na caalit ng̃ wagás na budhíng binyagan, sa canilang talagang hindî nagcalinis na "historia" ang calakilakiha't macapál na dung̃is, na ano pa't magpacaílan ma'y walang macalilinis na ano mang lejía, mg̃a panalang̃in ó mg̃a himalâ man"....
"Tíniis ni Rizal—anáng pantás na castílang si Don Miguel de Unamuno ang mahambóg na cagaspang̃an ng̃ asal ng̃ (lahing) putî, asal na magaspang na walang maiuucol cung dî ang salitang griego: "authadía." Ang cahulugan nito'y ang pagcalugod ng̃ isáng tao sa canyang sarili, ang canyang pagcagalác na siya'y naguing siya, ang mag alíw sa canyang sarilí, at sa cawacasan, ang caraniwang cahulugan, ay ang pagmamalakí, pagwawalang pitagan sa ibá "authádico," at nagmamalaki, sa hindî pagcaunáwà ng̃ cálolowa ng̃ iba, samacatuwid baga'y sa casalatan ng̃ canyang cayang másoc sa mg̃a calolowa ng̃ mg̃a iba at makita at damdamín ang daigdig na gaya ng̃ canilang pagcakita at pagdaramdam."
"Carapatdapat pagsiyasating magalíng-ani Guinoong Javier Gómez de la Serna naman—ang cataohan ni Rizal. Nabuhay na tatlompo at limang taón: naliguid na niya ang daigdig pagganap niya ng̃ icadalawampo't pitong taón; siya'y médico, novelista, poeta, político, filólogo, pedagogo, magsasacá, tipógrafo, políglota, (mahiguit na sampong wicâ ng̃ iba't ibang bayan ang nasásalità), escultor, pintor, naturalista, caanib sa mg̃a bantóg na mg̃a Capisanang tungcol sa dunong, sa Europa; ibininyag ang canyang pang̃alan sa mg̃a bagong bagay na canyang na tuclasan; nanahán at nag-aral sa mg̃a malalaking pang̃ulong bayan sa Europa at América; hindî cacaunti ang bilang ng̃ dahon ng̃ librong ito ang kinatatalaan ng̃ canyang mg̃a libro at mg̃a casulatan. Nang̃ag-alay dahil sa canyang pagcamatay ng̃ mg̃a "velada" at mg̃a patungcol na alaala ang ilang mg̃a capisanan ng̃ mg̃a pantás, at ang mg̃a páhayagan sa boong tinacpan. Iyan ang taong ating binaril."
Niyayo'y buwan ng̃ Agosto ng̃ 1882.
Nalilipos ng̃ laguím ang boong Maynila; cakilakilabot ang pagcacamatay ng̃ tao dahil sa sakit na "cólera". Casalucuyang inilalathalâ niyon ang "Diariong Tagalog"; dalawa caming mánunulat sa wícâ natin sa páhayagang iyon, ang tang̃ing macabayan at cárilagdilagan filipinong si Gat Marcelo Hilario del Pilar Gatmaitan at acó. Datapuwa't ¡ay! ng̃ panahong iyo'y natatanicalaan ang calayaan ng̃ mg̃a panitic, walang nasasaysay cung dî ang papaguingdapating itulot ng̃ macapangyarihang dito'y nagmamay-arí ng̃ buhay, dang̃al at pamumuhay ng̃ mg̃a culang palad na filipino. Sa guitnâ ng̃ gayong cahapishapis na calagaya'y siyang pagdating sa amin ng̃ isang sulat na galing Barcelona, liham ni Rizal na may calakip na isang mababang casulatang wicang castilà, na "Amor Patrio" ang nababasa sa unang talatà, at ang firma'y "Laong-Laan". Walang cahulilip na lugod ang aming tinamó ng̃ basahin naming dalawa ang casulatang iyon. Maalab at dalisay na pagsinta sa tinubuang lúpà ang doo'y nálalamang sinasaysay sa calugod-lugod na pagcacahanay, mg̃a hiwagang pananalitang sacdal cagandahang tumátaos sa púsò ng̃ bumabasa. Nagpang̃agaw caming dalawa ni Gat Marcelo sa paghuhulog sa wícang tagalog ng̃ casulatang iyon, at sa cawacasa'y pinagcayarían naming ang calahating dacong una'y siya ang tatagalog, at acó naman ang calahating dacong hulí. Palibhasa'y numanamnam ng̃ timyas ng̃ pananalitâ ni "Laong Laan", hindî cami nagdamdam pagod ng̃ paghuhulog sa sariling wicang dukhâ ng̃ casulatang na sa mayamang wicà ni Cervantes, at pagdaca'y inilathálà namin sa páhayagang iyon. Mulâ niyo'y kinaguiliwan co na ng̃ lubos ang calahing sa pagsulat ay aking napagkilalang may pusong wagás na macabayan, ano pa't laguing sumunodsunod sa canya ang aking calolowa sa walang licat na canyang pagsusumicap sa icaririlag ng̃ bayang minamahal, at towi na'y nakipanig sa canyang towâ ó hapis......
Napipiit acó sa bilanguan ng̃ Cádiz, España, casama ng̃ lubhang maramíng gaya co ring ipinatapong mg̃a filipino at ilang filipina ng̃ Gobierno ng̃ castilà, ng̃ aking mabasa ang "telegrama" sa mg̃a páhayagan doon, tungcol sa pagcápabaril ng̃ mg̃a halimaw na ganid sa Dakilang Anak ng̃ linuluhuran cong Inang Bayan. Nanghilacbót aco't lalong pinaglahuan ng̃ pighatî ang calolowa cong gapós na ng̃ hapis sa pagcapalayô sa kinamulatang lúpà, sa magulang, asawa't mg̃a anác, na pawang sinusuyuan ng̃ maalab na pagsinta.....
Ng̃ macaowî acó rito sa Filipinas ng̃ taóng 1899, ang unang minithî co'y macapagtayô ang lahing caymanguí ng̃ isáng marikít na "monumento" na cailan ma'y magpapaalaala sa boong sinucob cay Dr. Jose Rizal, at ng̃ mabigyang caganapán ang gayong nais, inísip cong yumárì ng̃ isáng mahalagang "Album", na ang bawa't daho'y gawâ ng̃ isáng matalinong filipino. Nang masabi co ang gayong panucalà sa macabayang si G. Eulalio Carmelo, pagdaca'y binigyan acó ng̃ bilang ambág niyang limang daang cartulinang catatagang dahon ng̃ sinabi ng̃ Album: ipinamahagui co ang mg̃a cartulinang iyon sa mg̃a paham, sa mg̃a literato, poeta, escritor, periodista, músico, pintor, dibujante at iba pa, upang bawa't isa'y magtitic doon ng̃ acalain niláng pintura, música, caisipan, dibujo ó ano mang macapagpapahalaga sa "Album." Gumanáp ang lahat at ibinigay ng̃ bawa't isá ang canicanilang gawâ sa itinayóng "Capisanan sa pagpapaunlac cay Rizal", upang ipaencuaderna ang "Album" at pagcatapos ay parifahan, at ang mapapagbilhán sa mg̃a billete ng̃ rifa'y mapagpatuunan ng̃ gugugulin sa Monumento cay Rizal. Naggayac naman acó ng̃ isáng mainam na "Velada lírica, literaria at instrumental," na guinanáp ng̃ ica 30 ng̃ Diciembre ng̃ 1899 sa teatro Libertad. Agawán at hinanakitan pa ang pagbilí ng̃ billete. Maraming mg̃a palco ang naipagbilí ng̃ tigsasandaang piso at mg̃a butacang naipagbilí hangang tigdadalawampo't limang piso, mg̃a salapíng tinanggap na lahat ng̃ sinabi ng̃ pang̃ulo ng̃ Capisanang gaya rin naman ng̃ "Album". Nang macaraang iláng linggo mulâ ng̃ gawin ang velada'y inacalà cong mauusisà co na cung gaano ang kinálabasan, pagcatapos maawas ang gugol, ng̃uni't nasayang ang aking pagál sa pag-uusisà: salapî at "album" ay capowa nang̃aligpit sa lihim ng̃ dî co mataroc, ng̃ dî co mawataswatasang "lalim ng̃ catalinuhan at dunong" ng̃ mg̃a "maririlag na macabayang" sa "talinghaga'y" nang̃ag-iing̃at ng̃ lubhang mahalagáng salapíng ambag ng̃ bayan sa Revolucion ... Ng̃ waláng caratnan ang maulit ng̃uni't mapitagan cong pag-uusisa'y iniwan co ang gayóng gawang hindî abot ng̃ aking caya, at nag isip acong magtatag ng̃ isáng hayág na ambagang hindî lamang hubad sa mg̃a "hiwagang" di cayang saliksikin ng̃ cutad cong baít, cung dî lubos na lantaran at malayo sa camay ng̃ mg̃a "cababalaghan": madalás ng̃ nangyari sa akin yaong casabihan ng̃ mg̃a castílàng: "unos tienen la fama y otros cardan la lana"[73] "iba ang nabúbusog at aco ang napapagbintang̃an", caya't humanap aco ng̃ paraang mailagan ang gayong cahidwâan, Nakiusap aco cay general McArthur, na ng̃ panahong iyo'y siyáng Gobernador Militar dito sa Filipinas, at cay Mr. William H. Taft, na niyo'y Presidente ng̃ Comisión Civil, na mangyaring abuluyan nila aco sa adhicang macapanghing̃î ng̃ ambag sa lahat ng̃ filipino upang macapagpatayô ng̃ isáng monumento cay Rizal, sa pamamag-itan ng̃ paraang magtatayo ng̃ isàng Comité (capisanan) na ang bubu-o'y mg̃a guinoong filipino na siyang mamamahalà ng̃ nauucol sa paglalaganap ng̃ paghing̃î ng̃ ambag at makikipag-alam sa mg̃a municipio at iba pang pagcacatiwalaang manghing̃î ng̃ ambag, at ang lahat ng̃ untiunting matitipong ambag ay doon ilalagac sa Tesorero Insular ng̃ Gobierno, at ng̃ mangyaring magawâ ang lahát ng̃ ito'y aco'y namanhic na maglagdâ ng̃ isáng ucol na Ley ang Comisión Civil. Capowa napahinuhod sa akin. Inilagda ng̃ sinàbi ng̃ Comisión Civil ang ipinakiusap cong Ley at inihalal na bubuô ng̃ Comité ang mg̃a tagaritong aking ipinalagay, na dî iba cung dî si na guinoong Tomás G. del Rosario, Ponciano Rizal, Teodoro Rafael Yangco, Juan Tuason, Dr. Aristón Bautista Lim, Mariano Limjap, Ramón Genato at Maximino Paterno. Hindî nawalan ng̃ mg̃a calahì at ng̃ pamahayagang filipinong sumalangsang sa aking panucalà, na dî umano'y sa pagca't na sa mahigpít na carukhaan ang bayan ay hindî marapat isipin ang mg̃a gayong pagcacagugol cung dî ang marapat pagsicapa'y ang mapapagcunan ng̃ macacain; pang̃ang̃atuwirang hayag cong sinagot sa aking pinamamatnugutang sariling páhayagang "El Grito del Pueblo" at "Ang Kapatíd ng̃ Bayan" na hindî icababawas ng̃ yaman ó icáraragdag ng̃ paghihirap na ang pitong millóng filipino'y umambag ng̃ tigagalawang céntimo bawa't isa, upang macapagtayo sa kinatimbuwang̃ang lúpà ng̃ naghayin ng̃ dugô at buhay at ng̃ ang bayang ito'y magcamit calayâan at dang̃al; na ang dalawang céntimong ibibigay ng̃ bawa't filipino'y maguiguing isang maliwanag na tagapagpatotoo sa boong cataohang ang lahing caymangui'y marunong magmahal sa capatíd na may mahal at bayaning pusong natutong magtanghal ng̃ capurihan ng̃ bayang kinaguisnan, bucod sa macapagpapasulong ng̃ calooban sa mg̃a cababayan upang panghinularan ang mg̃a dakilang gawang cagaling̃an ng̃ pinaghahandugan ng̃ gayong bagay, at ang "monumento'y" magpapagunitâ sa maghahalihaliling tao sa panahóng hinaharap, sa natutong pumucaw sa mg̃a carugong náhihimbing sa caalipnan at nagbang̃ong puri ... Naraos ang panghihing̃î ng̃ ambág at ng̃ayo'y casalucuyang iniing̃atan ng̃ Tesorero Insular ang may mg̃a isáng daan at labing anim na libong piso (P. 116000) na siyang gugugulin sa hindî malalao't matatayong monumento cay Rizal, sa paseo ng̃ Luneta, na sa canya'y pinagbarilan. Cung magalíng ó masamâ ang aking guinawâ sa pagcapanucalà ng̃ monumentong iyón, ang mg̃a cababayang may damdamin ang siyang magpasiya.
Sa pagpapaunlac din sa ating capatíd na Martir ay naglathalà acó ng̃ linguhang páhayagang Rizal, na sa casawîang palad ay hindî tumagal ang buhay.
Ang mg̃a guinawâ cong ito'y sa pagtupad sa aking catungculang pagcafilipino.
Matibay na ng̃ang totoo ang hindî pagcalimot cay Rizal. Sa taon-tao'y guinagawâ, sa sangcapuluang itó, sa icatatlompô ng̃ Diciembre, ang pag-aalaala ng̃ sa canya'y pagbaril, na nalalao'y lalò namang naguiguing dakilà. Sa Maynilà at sa mg̃a bayanbayan ay may mg̃a itinayong Escuela Rizal, Instituto Rizal, Colegio Rizal, Liceo Rizal, Ateneo Rizal, Restaurant Dimas Alang, Cinematógrafo Rizal, Orquesta Rizal, Club Rizal, at may mang̃a nagbibilí naman ng̃ Relój Rizal, Tela Rizal, Cronómetro Rizal, Botones Rizal, Tabaco Rizal, Zapatos Rizal, Fósforos Rizal; Papel Rizal, sa lahat ng̃ bahay ng̃ bawa't may damdaming filipino'y may larawan ni Rizal; pinang̃alanang Rizal ng̃ Gobierno ang isá sa mg̃a lalong malalaking lalawigan dito Filipinas, ang lalong caraniwang gamiting sello ng̃ Correong dalawang céntimo ang halagá ay larawan ni Rizal ang naroroon; ang cay Rizal ding larawan ang na sa billete ó papel na gastahing dalawang piso ang halagá, na siyang lalong laganap; ano pa't masasabing saan man sa lupaíng itó'y walang nariring̃íg at walang namamasdan cung dî si Rizal ... Ang mg̃a cuhiláng sa canya'y nagpapatay at cahi't patay na'y canilang pinagtataniman pa, baga man lihim at dî maihayag, napipilitang gamitin ang sello ng̃ Correo ni Rizal, ing̃atan ang billeteng dalawang piso ni Rizal ... Iyan ang waláng catapusáng ng̃itng̃ít na parusa sa may pusaling budhî!...
Inilagdâ co ang maiclíng casaysayan ng̃ buhay ni Rizal, sa pagca't uliráng maningning na mapanghihinularan ng̃ lahát sa pagsinta sa kinaguisnang bayan at sa capowâ tao, sa pagsisicap sa pag-aaral at sa calinisan ng̃ asal. Ang nagawâ niya'y ¿bakit hindî magagawâ ng̃ bawa't filipino?
Pinagsicapan cong isinawicà natin ang canyang mg̃a kinathang Noli me tangere at Filibusterismo, at isasatagalog co rin ang canyang mg̃a tulâ at iba pang canyang mg̃a sinulat sa pagca't ang lahat ng̃ iya'y siyang matibay na haligui ng̃ cagalanggalang na sambahan ng̃ ating mg̃a calayaan at casarinlang canyang pinagpilitang itayô sa catigastigasang bató ng̃ pagsintang maalab at dalisay sa kinaguisnang lúpà, sa pamamag-itan ng̃ canyang macapangyarihang ísip.
Ang Noli me tangere at ang Filibusterismo'y ilaw na maliwanag na pumapatnugot sa mg̃a filipino sa lacbaying cahiraphirapan at mapang̃anig na pagtatamó ng̃ casarinlang minimithî. Cay Ibarra-Simoun at cay Elías ay mamamalas natin ang pagsintang tunay sa cagandaganhang lupang kinakitaan natin ng̃ unang liwanag; cay Don Rafael Ibarra at sa canyang anác na Crisóstomo'y ang pag-uusig ng̃ mg̃a tacsíl sa bawa't may magandang cálolowa; cay Cápitán Tiago'y ang taong walang malay nalulugso ang puri dahil sa pagca mapaniwalaín sa hiduwang pinasasampalatayanan ng̃ mg̃a gumagamit ng̃ religión ni Cristo upang madayà ang sangcataohan; sa ina ni María Clara'y ang babaeng ibinulid sa bang̃in ng̃ carumaldumal na cahalayan ng̃ nanumpang magpapacalinis ng̃ calolowa't catawan hanggang nabubuhay; cay María Clara'y ang dalagang pinagmunglaymunglay ang púsò ng̃ tunay na amáng nagpapangap na "cahalili ng̃ Dios" at ang kinasapitang calaguimlaguim ng̃ cahabaghabag ng̃ kinúculong hangang nabubuhay sa dì umano'y ligpitan ng̃ mg̃a esposa ng̃ Dios; sa mg̃a fraileng si párì Dámaso, si párì Sibyla at si párì Salví, ang malulupít at casuclamsuclam na caugalîan ng̃ mg̃a táong may catungculang mahigpít na magpacabaít at magpacalinis ng̃ asal; cay filósofo Tasio'y mapaguunawà ang casakitsakit na cahang̃aláng naghaharì sa mg̃a filipino; cay cabesang Talés ay ang táong ipinahamac ng̃ malupít na pag-uusig ng̃ magpacailan ma'y caaway ng̃ mg̃a filipino; cay Dr. Pasta ay ang larawan ng̃ mg̃a pantás na walang pinagsisicapan cung di ang canyang sariling cagaling̃an at iyayaman; cay Doña Consolación at cay Doña Victorina'y ang mg̃a babaeng hang̃al at halíng na siyang unaunang nagpapahirap ó cumucutyà sa mg̃a calahì, dahil sa sila'y kinasama ó naguing asawa nang líping dito'y nacapangyayari; cay Sisa'y ang cahabaghabag na babaeng pinahirapan hangang sa masirà ang ísip at mamatay ng̃ mg̃a tampalasang may budhing halimaw; sa isáng salita'y bawa't talata ng̃ Noli me tangere at Filibusterismo'y palatuntunang maningníng sa pamumuhay dito sa Filipinas, palibhasa'y casaysayan nang catotohanang mg̃a nangyari at nangyayari pa sa mg̃a lupaíng ito. Sa alin mang bahay ng̃ tunay na filipino'y hindî dapat mawalâ ang dalawang librong iyon at salaminíng laguì ang buhay ni Rizal, at sa araw na gawíng patnubay ng̃ cafilipinuhan ang buhay ni Rizal, at gamiting palatuntunan ang Noli me tangere, ang Filibusterismo at iba pang mg̃a casulatan ng̃ "Martir sa Luneta", sa araw na iyo'y macahihiyaw na tayong lahat, na ang Filipinas ay ligtas na sa lahat ng̃ caalipnan, at ang lupaíng ito'y siyâng pangulo sa dang̃al sa boong casilang̃anan, lowalhating sa sancapuluang ito'y mithî ni Rizal, Andres Bonifacio, Marcelo Hilario Del Pilar, ng̃ yutayutang mg̃a filipino at ng̃ abang si
PASCUAL H. POBLETE.