Ang lalong mabuti sanang uliranin
ng̃ mg̃a dalaga ay ang limang Martir,
na minatamis pang buhay ay nakitil
maing̃atan lamang yaong pagca Vírgen.
Sasalaysaying co ng̃ayong isa isa
ang pinagdaanang mang̃a buhay nila,
ng̃uni at ang aking sasaysaying una,i,
ang pag-mamartir ni Santa Dorotea.
Bantog sa Ciudad yaong cagandahan
niyong Cesarea, at sa cabaitan,
cagandahang yaon ang naguing dahilan
ng̃ calunos-lunos niyang camatayan.
Manang isang araw ay tinauag ito
nang Hucom na nagng̃anlang si Apricio,
at hinicayat siyang di mamagcano
na siya,i, sumamba sa mang̃a Idolo.
Pagca,t, ang uica niya,i, isang caululan
ang gauang pag-samba ng̃ mang̃a binyagan,
doon ng̃a sa isang tauong hamac lamang
na nag-caroon nang laking casalanan.
Caya ng̃a at ipinaco siya sa Cruz
na pinarusahan nang mang̃a Judios,
cay Santa Dorotea ng̃ang isinagot
ay si Jesucristo ang totoong Dios.
Sa Lupa at Lang̃it siya,i, Haring tambing
na dapat igalang natin at sambahin,
cung caya ang dusa ay dahil sa atin
nang tayo,i, matubos sa pagca-alipin.
Ang sa cay Apriciong guinaua pagdaca
tinauag si Crista,t, saca si Calista,
mang̃a babayeng tumalicod sila
sa totoong Dios nang sampalataya.
Na cay Doroteang capua capatid
at inihabiling himuking mapilit,
ang naturang Virgen at upang maákit
na siya,i, sumamba sa mang̃a Dioses.
Datapua,t, tunay na nasayang lamang
yaong capagalan nang dalauang hunghang,
sa pagca at sila,i, siya pang naácay
sa pag-sisisi at pagbabagong buhay.
Caya,t, ang guinaua nang lubhang malupit
na Hucom ay pinahubaran nang damit,
si Santa Dorotea sa laking galit
at ipinag-utos nang labis at higpit.
Na dictan ang caniyang boong catauan
niyong linapad na mang̃a tanso,t, bacal,
na mang̃a binaga,t, upang mahirapan
at cung matapos na ay saca pugutan.
Yaong Martir namang si S. Teopilo
dating caáuay nang mang̃a cristiano,
doon sa Hucoman ay palagui ito
sa dahilang siya,i, isang Abogado.
Pagca,t, lubos niyang kinatutuaan
cung may isusumbong na pagbibintang̃an,
na cahima,t, sinong mang̃a bininyagan
at inaari niya na isang aliuan.
Caya,t, ang sinabi na naring̃ig niya
sa Hucom, niyong si Santa Dorotea,
na di nauaualan cailan man bagá
nang mang̃a sariuang bulac-lac at bunga.
Sa halamanan nang caniyang Esposo
sa lualhating bayang Paraizo,
ang nasoc sa isip ng̃a ni Teopilo
ay sa paglacad ay salubung̃in nito.
Ang Vírgeng mapalad na si Dorotea
caya ng̃a noong ilinalacad na,
sa pag-pupuguta,i, ihahatid siya
sinalubong naman na caracaraca.
Inaglahi na niyang lubos na tinuyá
at pinag-bilinan pa niya conoua,
na padalhan siya nang ibinalita
na bung̃a,i, bulac-lac na mang̃a sariua.
Ang sabing birong uala sa loob niya
at pagpalibhasa lamang na talaga,
ang pagmamartir ni Santa Dorotea
na tinangap naman ay nang matapos na.
Niyong oras din ng̃ang sinasaysay naman
ni Teopilo, sa ilang caibigan,
ang biling bulac-lac at bung̃ang halaman
na ipinang̃acong siya,i, padadalhan.
Ay nagtatauanan silang para-para
ualang ano ano,i, nacakita sila,
niyong isang batang lalaking maganda
sa cay Teopilo,i, lumapit pagdaca.
Siya ay binigyan nang tatlong manzanas
na sa isang sang̃a nabibiting lahat,
saca tatlo naman nang sariuang rosas
na cahang̃a-hang̃a sa matáng mamalas.
Tuloy na sinabi naman sa caniya
yaon ng̃a ang bilin niyang ipadala,
sa minartir na si Santa Dorotea
at biglang nauala naman capagdaca.
Nagtacá si Teopilong hindi hamac
yayamang caniyang napagtalastas
na sa mang̃a araw na yao,i, di dapat
na mamung̃a yaong halamang manzanas.
At ang mang̃a rosa,i, di capanahunang
magsipamulac-lac ayon sa dahilan,
na noo,i, panahong laking calamigan
caya lubos siyang nagulumihanan.
Pinagcalooban din siya nang Dios
nang bisa nang gracia na icatatalos,
na Dios ng̃ang tunay si Cristong sumacop
sa salang minana nitong Sansinucob.
Ipinagsigauan na ng̃a ni Teopilo
na siya,i, totoong tunay na cristiano,
humarap sa Hucom at sinabi dito
hangang sa minartir siyang naguing Santo.
Caya at siya rin nama,i, nacasama
nang Martir na si Santa Dorotea,
at kinamtan ang lualhating gloria
na bayan nang madlang tua at guinhaua.
Si Santa Catalina Martir ay Anác
nang mahal na tauo sa nasabing Ciudad,
sa Alejandría ay siya,i, namulat
sa mang̃a Idolo nang pagsambang ganap.
Ng̃uni at pinaturuan naman siya
na magaling nang caniyang Amá,t, Iná,
madaling natuto niyong iba,t, ibang
mang̃a carunung̃a,t, lubhang na bihasa.
Linoob nang Dios siyang liuanagan
nang gracia niyang camahal-mahalan
nakilala niya ang catotohanan
na si Jesucristo ay Dios na tunay.
At ualang aral na matuid na puspos
cundi ang lahat nang mang̃a sinusunod,
nang mang̃a cristiano caya,t, tumalicod
sa Idolo,t, siya,i, nagbinyagang lubos.
Nang macaraan nang mang̃a ilang araw
sa pagtulog niya,i, napakita naman,
yaong Pang̃inoong Jesucristong mahal
at Vírgen Maríang cabanal-banalan.
Casama ang madlang maraming Angeles
na sinootan siya ang napanaguinip,
nang isang singsing at ng̃inalanang tikis
na Esposa niyong Pang̃inoong ibig.
At nakita niya nang siya,i, maguising
sa isang daliri ang nasabing singsing,
magmula na noo,i, nag-alab na tambing
sa caniyang pusong pag-ibig na angkin.
Sa Dios, at di na sa bibig naualay
ang Jesús na ng̃alang catamistamisan,
at uala ng̃a cundi si Jesús na lamang
sa hining̃a niyang pinagbubuntuhan.
Caniyang pinag-nanasa ang malabis
na makita niya ang Dios sa lang̃it,
at yaon ang siyang ikinasasabic
na muntima,i, hindi maualay sa isip.
Mana,i, nagpatauag nang panahong ito
ang Emperador na si Maximiano,
na balang binyagang cahiman at sino
talicdan ang Dios nang mang̃a cristiano.
Sa dagling panaho,t, ang balang sumuay
ay magsihanda na,t, sila,i, mamamatáy,
sumunod sa utos niyong napakingan
si Catalina ng̃ang babayeng marang̃al.
Caya,t, ang guinaua ay cusang humarap
sa Emperador at ang ipinahayag,
ay binyagan siya na cusang tatangap
niyong camatayan sa Ley ay atas.
Ang Emperador ay cusang natiguilan
pagca,t, tila manding naálang-alang,
ang malabis niyang mang̃a calupitan
doon sa dalagang puspos carunung̃an.
Bakit kilala nang ang babayeng ito
ay tunay na Anác nang mahal na tauo,
ang taglay na gulang ay lalabing-ualong
taón nang humarap cay Maximiano.
Sa Emperador na inacala naman
na madaling yaon ay mauupatan,
at dahilan doon sa caniyang taglay
na cabataan pa,i, marupoc ang lagay.
Ipinasundó ng̃a ni Maximiano
lalong marurunong niyang filósofo,
niyong tanang mang̃a Idolatrang tauo
siyang laang magsisihicayat ito.
Sa cay Catalina na babayeng Virgen
na sa Idolo ay ibig pasambahin,
limang pu pagdaca doon ang dumating
pinacamarunong nang̃usap na tambing.
Guinamit ang lahat nang mang̃a paraan
sa cay Catalina upang mahiboan,
sa Demonio pa silang tinulung̃an
ng̃uni,t, sila,i, ualang nagauang anoman.
At kinasihan nang Espíritu Santo
ang abang babaye cung caya natuto,
nang mang̃a panagot caya ng̃a,t, nagtamo
siya, sa calaban niyong pananalo.
Nagpilitang nang̃agsikilala tuloy
yaong filósofong limangpung marunong
sa cay Jesucristo na Dios na Poon
at nang̃agsisamba silang mahinahon.
Minagaling nilang mang̃a catuiran
at ang mariríkit na mang̃a pang̃aral,
ng̃ caharap nilang dalagang timtiman
na hindi nang̃ambang naghain ng̃ buhay.
Sa malaking galit niyong Emperador
ay pinasungaban yaong marurunong,
na filósofos at iniutos tuloy
na silang lahat ay sunuguin sa apoy.
Caya't silang lahat nama'y para-parang
sinac-lolonan nang mahal na gracia,
sa gayong pasakit ay namatay sila
alang-alang sa cay Jesucristo bagá.
Si Catalina,i, ipinahampas naman
at di pinacaing labing isang araw,
at di pinainom ng̃a sa bilanguan
hinihimutoc niya sa madlang paraan.
Hindi naman pinahalagahang lubos
ang tanang pang̃aco na idinudulot,
sa caniyang lahat na pakitang loob
cahit camunti man ay di nalamuyot.
Emperatriz tuloy ay pinapugutan
na asaua niyong mabunying General,
na si Porfirio dahil sa pagdalaw
sa cay Catalinang na sa bilanguan.
At silang lahat ay nanampalataya
sa Dios, at tuloy nang̃agbinyagan pa,
saca iniutos niyong palamarang
gulung̃an ng̃ bató ang dakilang Santa.
Na may nacapacong maraming patalim
sa boong paliguid caya't nanalang̃in,
sa Dios, si Santa Catalinang Virgen
sa hirap na yaon na dadalitain.
Caya ng̃a nasira,t, sumabog pagdaca
ang gulong, at madlang sumampalataya,
sa cay Jesucristo ng̃uni at lalo pang
tumigas ang loob sa pagpaparusa.
Nang tacsil na Emperador Maximiano
agád iniutos na putlan ng̃ ulo,
itong Vírgeng Mártir at nanaw sa Mundo
yaong calulua,t, Lang̃it ay tinamo.
Catauan ng̃ Santa,i, sa Dios inibig
na buhatin naman ng̃ mang̃a Angeles,
sa taluctoc niyong bundoc inihatid
ng̃ Sinay, at doon nalibing na tikis.
Ang Vírgen at Martir at hirang na Santa
na alilang tang̃i na si Potamiana,
puspos cahinhina,t, dalagang maganda
na nacalulugod sa titig ng̃ matá.
Na di nahicayat camunti man lamang
niyong pang̃inoon sa pitang mahalay,
ang di pagcagahis sa ng̃ayong paglaban
ang sa pagca Martir ay naguing dahilan.
Pagca,t, ang ginaua niyong pang̃inoóng
malibog, sa bagay na hindi pag-ayon,
ay dumulog ng̃a siya sa Gobernador
sa Alejandría ay ipinagsumbong.
Ang di miminsang caniyang pagcahiya
doon sa mahalay niyang ninanasa,
at sinabi yaong caniyang alila
at caibigan niya pagcapalibhasa.
Yaong Gobernador at ang cahiling̃an
si Potamiana,i, dapat pahirapan,
na patayi,t, siya,i, sumunod sa aral
ni Jesucristo,t, tunay na biniyagan.
At ayaw sumamba sa mang̃a Idolos
na siyang dito,i, ating dinidios,
ng̃uni,t, ibinulong ng̃ may asal hayop
sa Gobernador na tampalasang loob.
Na si Potamiana ay huag aanhin
cun hindi madali lamang paouiin,
sa caniyang bahay at papang̃acuin
na ang calooban niya,i, siyang sundin.
Sa Gobernador ng̃ang pinang̃atauanan
ang pagsunod sa caniyang caibigan,
at si Potamiana ay pinagbaualan
na tunay na siya ay pasusungaban.
At ilalagay sa cumuculong lang̃is
hangang ang hining̃ang tangan ay mapatid,
cun ang pagsamba niya ay di maáalis
sa cay Jesucristo cacamtan ay sakit.
Cung sa calooban ay tatangui siya
niyong pang̃inoo,i, pilit magdurasa,
sa balang mahigpit ay di nabalisa
alilang mabait at di man nang̃amba.
Pagdaca,i, nang̃usap siya nang ganito
labis na aniyang natatalastas co,
anoman ang hirap na iparusa mo
sa akin ay pilit matatapos ito.
Na di malalao,t, ualang sala naman
at cung mauala na yaring aking buhay,
at manaw na dito sa lupang ibabaw
tunay naman acong pag-cacalooban.
Sa Lang̃it, nang macapangyarihang Dios
niyong lualhating ualang pagcatapos,
at payapang buhay na ligaya,i, lubos
ualang gutom uhaw dalita at pagod.
Cung matacot aco,t, sumunod sa iyo
nanamnaming co ng̃a sa buhay na ito,
ang sandaling layaw niyaring catauang co
sa cabulaanang hain nitong Mundo.
Mauiuili aco,t, maguiguinhauahan
sa buhay na ito ang aking catauan,
at malaking hirap naman ang cacamtan
doon sa Infierno magpacailan man.
Icaw sa sarili ng̃ayo,i, pag-isipin
cun ano ang iyong nararapat gauin,
yamang ang puso co ay di magmamaliw
na sa isang Dios lamang ihahain.
Sa Gobernador na maunauang tunay
na ang pagod niya,i, masasayang lamang,
at di magagahis ang dalagang hirang
anoman ang gauin na mang̃a paraan.
Caya ng̃a, noon din ay ipinatauag
ang mang̃a verdugo at ipinag-atas,
ang balang parusa ay ganapin agád
doon sa dalagang loob na matigas.
Hindi man nasindac sa parusang yaon
si Potamiana,t, pagdaca,i, lumusong,
doon sa lang̃is na cumuculong hatol
na itinatadhana niyong Gobernador.
Ang cahalimbaua ay lumusong lamang
sa isang masarap niyang paliguan,
dinálitang lubos yaong camatayan
tikis na sumugbang di kinilabutan.
Huag na masira lamang ang caniya
na matibay bagang pagsampalataya,
at dalisay na pagca Vírgen sadya
huag madung̃isan buhay ma,i, mapaca.
Caya,t, ang hining̃ang tang̃a,i, ng̃ mapatid
ay kinamtang lubos ang tua sa Lang̃it,
cahirapan niya ay ginanting bihis
ng̃ Amang lumalang nitong sandaigdig.
Ang Virgen at Martir na Santa Agueda
doon sa Palermo ipinang̃anac siya.
Ciudad ng̃ cahariang Cecilia
yaong pagcatauo,i, doon nakilala.
Namamahala ng̃a ng̃ panahong ito,i,
casalucuyang Emperador Decio,
ng̃uni,t, si Agueda,i, magandang totoo
ay di nabubuyo sa layaw sa Mundo.
Ang Amá at Ina,i, capua binyagan
at mahal na lahi ang pinangalingan
caya ang Anác ay pinaturuan
ng̃ Amá at Inang marunong magmahal.
Niyong sarisaring carunung̃ang angkin
bakit may talagang cabaitang kimkim
loob ay banayad at sadyang mahinhin
sa tanang dalaga ay isa nang ningning.
Pagsapit sa ica dalauang pung taón
ng̃ caniyang búhay bagáng linalayon,
yaong cagandaha,t, loob na hinahon
mabang̃ong bulaclac ang siyang caucol.
Caya ng̃a,t, naacay sa gauang pagsinta
ang Gobernador doon sa Cecilia,
na si Quinciano ang pang̃alan niya
at moli,t, moli ng̃ang sumasamo siya.
Na tangapin yaong caniyang pag-ibig
ng̃uni,t, si Agueda,i, tumanguing malabis,
pagca,t, inialay ang pusò at dibdib
sa Dios na Hari nang lupa at lang̃it.
Ang pagca Vírgen niyang iniing̃atan
ay di dinung̃isan magpacaila man,
bakit si Quinciano,i, hindi binyagan
at di sumasamba sa Dios na tunay.
Sa hindi pag-ayon sa iuing pag-ibig
niyong si Aguedang may pusong malinis,
si Quinciano ng̃a,i, nagtaglay nang galit
maálab na lubhang apóy ang caparis.
Inacala niyong Gobernador naman
butihing dalaga ay pag-higantihan,
nang dusang malabis at cadahilanan
ay yaong nasapit niyang cahihiyan.
At agád-agád ng̃ang ipinatauag na
doon sa hucuman yaong si Agueda,
at pinagsabihang huag na sumamba
sa cay Jesucristo at sumpain niya.
Dagling kilalanin at sambahin nito
ang mang̃a Dioses na pauang idolo,
na sinasamba nang hindi cristiano,t,
iguinagalang doon sa Imperio.
Nang sa cay Aguedang mading̃ig ang utos
ay sa Gobernador pagdaca,i, sumagot,
ang loob mong iya,i, di co masusunod
pagca,t, aco,i, ualang ibang Dinidios.
Cundi yaong tunay na si Jesucristo
sa akin ay siyang may aring totoo,
iyaring boong puso at calulua co
alay sa caniya caratnan ma,i, ano.
Tunay acong hindi macahihiualay
sa caniya, anomang aking caratnan,
ay tumutol naman yaong tampalasang
Gobernador bagáng sadyang calupitan.
At pinagbalaan yaong si Agueda
na palalapatan nang labis na dusa,
caya ng̃a mapilit na sumunod siya
sa iniuutos na mang̃a pag-samba.
Sumagot na di man nagulumihanan
at ipinahayag nang Virgeng matapang,
na cahima,t, siya,i, alisan nang buhay
ang utos na yao,i, di magagampanan.
Lubos ang caniyang pagsampalataya
sa cay Jesucristo, at pag-ibig niya,
matuluyang kitlin ang tang̃ang hining̃a
yaon ang Dios niyang kinikilala.
Ipinatauag na niyong asal hayop
na si Quinciano, ang mang̃a verdugos,
ni Santa Agueda ay ipinag-utos
na pagtatampaling lacas ay iubos.
Cung matapos nama,i, canilang cayurin
niyong mang̃a cucong hayap na patalim
ang boong catauan nama,i, sayaran din
nang lapád na tansó at bacal na tambing.
Na pinapagbaga,t, saca pinaputlan
nang dalauang suso niyong tampalan,
ang tanang caharap ay kinilabutan
sapagca,t, lumabis yaong calupitan.
Doon sa Vírgen ni Quinciano bagá
caya,t, ang lahat nang doo,i, nacakita,
sa gayong pahirap cay Santa Agueda
muc-ha,i, di nagbago,t, lalo pang sumaya.
Ipinaculong na yaong bunying Martir
sa bilanguan ng̃a na lalong madilim
at di malalao,t, pilit makikitil
ang buhay sa gayong hirap na inatim.
Anopa at cusang lumiuanag naman
ang sadyang madilim bagang bilanguan,
at dumating doo,t, napakitang tunay
ang malualhating Apostol na hirang.
Na si San Pedro,t, namasdan ng̃ lahat
na biglang gumaling ang lahat ng̃ sugat,
ng̃ cay Santa Aguedang catauang hayag
na tila uala ring dinamdam na hirap.
Si Quinciano ng̃a,i, bagcus pang nagalit
sa bagay na yaong caniyang nabatid,
at ipinag-utos ng̃ lalong mahigpit
caladcaring hubad na bigyang pasakit.
Doon sa lupa ng̃ang sadyang sinabugan
ng̃ maraming bága,t, mang̃a bubog naman,
ang utos na yao,i, agád ginampanan
ng̃ mang̃a verdugos na pauang sucaban.
Ng̃uni at natacot yaong palamara
at lihim na ipinadala ang Santa,
doon sa bilangua,t, dahilan bagáng
malacas na lindol ang nacabalisa.
Sa boong Ciudad at nang̃aglagpacan
yaong mang̃a bató na ikinamatay,
ni Silvino saca ni Palcomio man
caibigan niya,t, casama sa bahay.
Martir ay bahagya lamang humihing̃a
sa catacot-tacot na pagcaparusa,
ng̃ sa bilanguan ay naroroon na
nanalang̃in na ng̃a ang mahal na Sánta.
Pang̃inoong co aniyang Jesucristo
yayamang aco po ay iniibig mo,
at di itinulot na yaring loob co,i,
mauili sa mang̃a paraya ng̃ Mundo.
Ay marapatin po na tangapin mo na
ng̃ayon yaring aking abang calulua,
at mamatay naua aco sa pagsinta
sa iyo Dios co,t, macandiling Amá.
Dining̃ig ng̃ Dios ang gayong dalang̃in
caya ng̃a,t, ang tang̃ang hining̃a,i, nakitil
ni Santa Agueda,t, kinamtan noon din
yaong lualhating ualang hangang aliw.
Anopa,t, natapos ang lahat ng̃ hirap
nahaliling tua nama,i, ualang capas,
yaong Virgeng Martir na lubhang mapalad
ng̃ayo,i, na sa lang̃it na puspos ang galac.
Niyong Emperador si Deocleciano
nag-utos sumamba sa mang̃a Idolo,
ang mang̃a binyagan na cahima,t, sino
ang balang sumuay papanaw sa Mundo.
Caya ng̃a,t, ang isang butihing dalagang
Anác tauong mahal sa Alejandría,
siya,i, nagng̃ang̃alang si Teodora
na sa Idolos ay aayaw sumamba.
Dahilan sa gayong guinauang pagtangui
ay ipinaculong ang abang babaye,
doon sa bahay ng̃ mang̃a ualang puri
na sa cahalaya,i, pauang nauiuili.
Ng̃uni,t, ining̃atan din naman ng̃ Dios
at isang soldado ang doo,i, pumasoc,
ng̃ala,i, si Didimo na binyagang lubos
ang siyang sa silid niya ay naglagos.
Sa Santa at Martir cung caya tumung̃o
siyang cailang̃a,t, ang uica,i, ganito,
huag cang matacot sa pagparito co
at aco,i, cristiano ring caparis mo.
Caya sa silid mo kita ay linacbay
ang calinisan mo,i, nang di madung̃isan,
pagpasoc cong ito,i, ualang ibang pacay
cundi sa nais co na mapag-ing̃atan.
Iyang iyong puri caya tangapin mo
at siyang isuot ang damit na ito,
na cagayacan co sa pagcasundalo
at lumabas ca na,t, magtagong totoo.
At aco ang siyang dito,i, matitira
na mahahalili,t, upang maligtas ca,
sa capahamaca,t, sa payong maganda
ay agad pumayag din si Teodora.
Dagling isinuot na ng̃a yaong damit
na pagca-soldadong cay Didimong gamit,
ang Santa,i, lumabas sa naturang silid
na cahima,t, sino,i, ualang nacamasid.
Nang sa Emperador na mapag-alaman
yaong pagcauala sa culung̃ang bahay,
nang mang̃a babayeng búhay na mahalay
ni Santa Teodorang loob na timtiman.
Pagca,t, hinalinhan siya ni Didimo
caya nacalabas na hindi naino,
siyang hinatulan na putlan nang ulo
yaong nagpahiram nang damit soldado.
Mapagtalastas naman ni Teodora
na si Didimo ang kikitlang hining̃a,
ay siya,i, tumacbong humabol pagdaca
hangang sa dumating sa lupang talaga.
Na doon ang laang puputlan nang ulo
yaong humaliling bayaning sundalo,
aniya,i, ang dapat patayin ay aco
alang-alang naua sa cay Jesucristo.
Yaong si Didimo ay sumagot naman
uica,i, di matuid ang hiling mong iyan,
sapagca,t, icaw ay aking hinalinhan
aco ng̃a ang siyang dapat na mamatay.
At yayamang iyong ipinagcaloob
sa akin, ay dapat buhay co,i, matapos,
ng̃uni,t, tumutol sa gayong palasahot
si Santa Teodora at ang isinagot.
Ipinayag co ng̃ang aco,i, halinhan mo
nang upang maligtas lamang ang puri co,
sa capang̃anibang daya nitong Mundo
doon sa bigay mo na damit soldado.
Hindi co ipinagcaloob sa bagay
na hahaliuhan mong icaw ang mamatay,
na magcamit niyong calualhatian
niyong pagca-martir na sa aki,i, laan.
At hindi co hang̃ad mabuhay sa Mundo
Hucom na malupit ng̃ mading̃ig ito,
pinaputlan yaong dalaua nang ulo
ang hirang na mang̃a alagád ni Cristo.
Siyang pagcatapos nang búhay na hiram
nang dalauang Martir sa lupang ibabaw,
at doon sa gloria,i, guinanti naman
nang di matatapos na caligayahan.
Mang̃a Mártires ng̃a na pinang̃ang̃anlang
de Sabaste yaong soldadong binyagan,
apat na pung husto yaong cabilang̃an
na hindi miminsan na pinahirapan.
Sa pagca-bilango nang isang malupit
na Gobernador ng̃ang di nagdalang hapis,
ng̃ala,i, Agricoláo nang nagbigay sakit
sa banal na mang̃a sundalong mabait.
Doon sa Sabaste nangyari nang una
Ciudad nang cahariang Armenia,
ang mang̃a soldado,i, nang pahubaran na
niyong tampalasa,t, ipinag-utos pa.
Na magdamag niya na ipinababad
sa paliguan ng̃ang laang pangpahirap,
na punó nang tubig lamig ay di hamac
na pinahamuga,t, namumuong cagyat.
Dahil sa taglamig noon ang panahon
caguinaua,i, halos ualang macaucol,
ang di macatagal utos ay umaho,t,
sa malahining̃ang tubig pumaroon.
Yao,i, siyang tandang tumatalicod na
sa Dios na dati nilang sinasamba,
ito ang tadhana sa sino mang siya
na mang̃a soldadong binigyang parusa.
Niyong hating gabing sadyang calaliman
na yaong hining̃a,i, papanaw na lamang,
nang mang̃a bayaning Mártires na tunay
at para-para nang nagsisipang̃atal.
Sa malaking guinaw, ng̃uni at namalas
na sa paligua,i, biglang lumiuanag,
nakita nang isang bantay na caharap
na hindi binyagan ang hiuagang ganap.
Na ang maligayang doo,i, pagpanaog
nang mapag-candili na Poong si Jesús,
na galing sa lang̃it at humintong lubos
sa tapat nang Martir na mang̃a soldados.
At ipinag-utos sa casamang tanan
na mang̃a Angeles na pauang putung̃an
nang isang corona balang isa naman
nang mang̃a Mártires na mang̃a mamatay.
Tang̃i yaong isang loob na mahina
na sa parusahan ay umahong cusa
at di na mahintay ang coronang handá
na sa gayong dusa ay ganting biyaya.
Pusò ay nagtaca,t, nagulumihanan
at nagbalic loob sa Dios na tunay,
yaong di binyagang doo,i, nagbabantay
dahil sa himala niyang napagmasdan.
Ginaua pagdaca ay siya,i, naghubad
at taos sa loob na ipinang̃usap,
na cristiano siya sa tanang caharap
at sa paliguan ay lumusong agád.
Di lubhang nalaon naman ay namatay
caya maligayang caniyang kinamtan,
ang sa pagca martir na coronang hirang
sa sandaling hirap tua,i, ualang hang̃an.
Ang mahinang loob na di nacabata
ng̃ sandaling hirap alang-alang bagá,
sa cay Jesucristo at humanap siya
ng̃ guinhauang tubig na malahining̃a.
Nang macaraan na yaong ilang araw
siya nama,i, cusang nakitlan ng̃ buhay,
ay napacasama,t, dusang ualang hangan
doon sa Infierno ang kinahinatnan.
Capagca-umaga ay ipinag-utos
ni Agriculáo ng̃a sa mang̃a verdugos,
na ang mang̃a Martir na mang̃a soldados
na sa paliguan hirap ay malubos.
Na pauang balian namang para-para
niyong mang̃a hita at tipunin sila,
sa siga,i, sunuguing lahat capagdaca
ito sa verdugos ang babala niya.
Ang pinacabata,i, canilang bayaan
sa mang̃a Mártires na pinarusahan,
na si Meliton ng̃a ang siyang pang̃alan
sapagca,t, canilang nakita pang buhay.
Ng̃unit siya nama,i, tantong mahina na
at hindi na halos na macagalaw pa,
at namamanhid ang boong catauan niya
at papanaw na ng̃a ang tang̃ang hining̃a.
Iná,i, nabalisa niyong si Meliton
nang nasang maning̃as sa bagay na yaon,
na malubos ang pagca-martir niyong
Anác at masamang sunuguin sa apóy.
Pagdaca ang bata,i, caniyang pinasan
at ang mang̃a carro,i, caniyang sinundan,
na sa Mártires ng̃a na kinalalagyan
na dadalhin doon sa pag-susunugan.
Ipamamanhic niyang talaga doon
sa pinag-atasan niyong Gobernador,
na ipakihapis nila si Meliton
sa sigâ,t, masamang mamatay sa apóy.
At ualang guinaua siya habang daan
cundi ang Anác niya ay pinang̃aralan,
bunso co,i, tiisin yaong cainitan
ng̃ apóy, na parang pagtitiis naman.
Nang guináw sa paliguan ng̃ang malamig
naghing̃alo nama,t, buhay ay napatid,
niyong si Melitong matimtimang bait
sa lacad na yaon ng̃ mang̃a Mártires.
Mabait na Iná ay tantong nalugod
at yaong pag-asa ay puspos na puspos
at ang Anác niya ay kinamtan na lubos
yaong lualhating caloob ng̃ Dios.
At na sa Lang̃it nang caluluang hirang
caya agad-agad niyang ilinagay
sa talagang carro ang sa batang bangcay
ng̃ mang̃a Santos Mártires na banal.
Sumunod ding gaya nang dati ang Iná
hangang di napugnaw sa sigang nakita,
ito ng̃a ang dinarasal cung fiesta
na mang̃a Mártires de Sabaste bagá.
Bilang ica sampu niyong Marzong buan
guinagaua yaong mang̃a capurihan,
nang apat na pung Mártires na tunay
na mang̃a, soldadong pauang mang̃a banal.
¡Oh mang̃a capatid dinguin yaring luhog
na pag-tibayin ang ating mang̃a loob,
nang sampalataya sa totoong Dios
at sa Iglesiang taglay nang sumacop.
Huag nang isipin na mang̃agbago pa
sa Iglesiang dati nang sampalataya,
at yamang ang dati atin nang kilala
ang hindi mabilang na Santo at Santa.
Ang mang̃a Mártires ay gayon din naman
na nagsipaghain nang canilang buhay,
sa catacot-tacot nilang camatayan
sa cay Jesucristong Dios alang-alang.
Cahimanauari tayo ay matulad
sa mang̃a Mártires na Santos at Santas,
at sa ating puso naua ay malimbag
ang aral ni Cristo sa atin at atas.
Hanapin ang lalong mabuting paraan
na icasusupil sa ating catauan,
huag manatili sumagap ng̃ layaw
ng̃ Mundong sa huli pauang cahirapan.
Caya tayo,i, dapat maglingcod tuina
sa Dios na Poo,t, sa Virgen María,
upang tayo nama,i, macasama nila
doon sa payapa,t, ualang hangang saya.