[91] Si Lucio Licino Lúcalo, cónsul romano, na bantog dahil sa totoong magalíng na pagcain sa canyang mesa.
[92] Ang cahulugán dito'y isang malaking tasang malucóng na pinaglálagyan ng̃ pagcain—Cahulugan din ng̃ wicang "fuente"; Bucál ng̃ tubig na nanggagaling sa lúpà.—Isáng "aparato" upang doo'y lumabas ang tubig na nanggagaling sa mg̃a "tubo" at ng̃ magamit sa bahay, sa daan ó sa halamanan.—Mulâ ng̃ isang bagay.—Ang sugat na talagang guinágawâ sa brazo, sa bintî at iba pa.—Kinacailang̃ang sa pagsasalitâ ng̃ "fuente" ay magpalabas ng̃ hang̃in sa bibig, sa pagca't cung hindi ay masasabing "puente" na ang cahuluga'y tuláy. Ito'y isá sa mg̃a cadahilanan cayâ ayaw acóng makisunod sa bagong palacad na isulat ng̃ P cahi't ang pinanggaling̃a'y F, gaya sa halimbáwà ng̃ Filipinas, Fernando, Faustino na may mg̃a sumusulat ng̃ayon ng̃ Pilipnas, Pernando, Paustino. Gayon ma'y iguinagalang co at hindi co pinipintasan ang sa ibang caisipan at palacad na sinusunod.—Upang maipang̃usap ang "efe" ay idinadaiti ang labi sa mg̃a ng̃iping itaas sacâ magpalabás ng̃ hang̃in sa pagsasalitâ ng̃ letra.—P.H.P.
[93] Pinupuri cata. Pasimulâ ng̃ isáng dasál sa Dios na wicang latíng sinasabi ng̃ mg̃a pári at iba pang católico bago cumain.
[94] Tinatawag ng̃ mg̃a castilang "Península" ang España.—"Peñinsula" ang sabi ni Doña Victorina, sa pagca't siya'y isá riyan si mg̃a babaeng tagálog na nagcacasticastilaan ay bago'y hindî man lamang marunong mang̃usap ng̃ wicang castilà. Ang tunay na cahulugan ng̃ Península ay ang lupang halos naliliguid ng̃ tubig magcabicabilà.—P.H.P.
[95] Tulad sa tinatawag nating wicang "castilàng tinda." Halohalong salitang inglés, insic, portugués at malayo; gaya namán ng̃ nangyayari na rito sa Filipinas tungcol sa pananalitâ ng̃ inglés na halohalò ng̃ inglés, castila't tagalog.—P.H.P.
[96] Guillermo Shakespeare, dakilang poetang inglés at isa sa mg̃a pang̃ulong dramático sa sangcataohan. Ipinang̃anac sa Strafford ng̃ 1564 at namatay ng̃ 1616. Ang mg̃a pang̃ulong sinulat niya'y ang "Macbet," "Romeo at Julieta," "Hamlet," "Otelo," "Ang Mercader sa Venecia," "Ang panaguinip ng̃ isáng gabíng tag-araw" at iba pa.—P.H.P.
[97] Ang caharian ng̃ China.
[98] Pang̃alawáng libro ng̃ Pentatesco ni Moisés.—Ang paglalacbay sa ibang lupain ng̃ mg̃a túbò sa isáng nación ó báyan, na siyáng cahulugán dito.
[99] Ang balbás na sumisibol sa babà, na pinapag aanyong pera—Ang pera ay ang caraniwang tawaguing "peras." "Pera" pagcâ íisa; "peras" pagcâ dalawá ó marami, ito'y cung sa wícang castilàs sa pagcá't sa wícà natin ay hindî nagbabago ang tawag cung íisa ó marami man. Ipinaliliwanag co itó sa pagca't marami sa mg̃a tagalog na sa dî caalaman ay tinatawag na "pera" ó "pira" ang isáng céntimo, sa pagtulad sa mg̃a castilàng tinatawag na "perra chica" ang caniláng cuartang ang halaga'y isáng céntimo natin ó "perra grande" pagcâ halagang dalawang céntimo. Asong babae ang cahulugan ng̃ sabing "perra," at ganito ang itinawag ng̃ castilà sa canilang cuarta, dahil doo'y may napapanood na isáng leóng ang camukha'y aso.—P.H.P.
[100] Catutubong hiyas ng̃ espíritu ng̃ tao na siyang tagaacay sa paggawâ niyá ng̃ anó man. Pagcakilalang tunay ng̃ casamaang dapat nating pang̃ilagan at ng̃ cagaling̃ang dapat nating gawín—P.H.P.
[101] Nang panahóng nacapangyayari ang Gobierno ng̃ España sa Filipinas, hindî ipinahihintulot na ang mg̃a castilang lalaki't babae'y gumawâ ng̃ anó mang may cabígatán, gaya bagá ng̃ mag-araro, mag-asaról, mag-pahila ng̃ carretón, magpas-an, ang lalaki, at ang babae namá'y hindi namimilí ng̃ pagcain sa mg̃a pamilihan, hindi naglulutò, hindi naglalácad ng̃ maláyò; inaacala ng̃ mg̃a castilang isáng casiraan ng̃ caniláng puri cung mapanood ng̃ mg̃a filipinong sila'y gumagawa ng̃ mabigat, at nakikigaya namán sa canilá ang mg̃a lahing castilà. Naguíng casabihán tulóy sa catagalugan, dahil sa bagay na itó ang "para ca namáng castila," "para ca namáng señora," sa mg̃a lalaki't babaeng tagalog na aayaw magtrabajo ng̃ mabigát.—P.H.P.
[102] Ng̃ panahóng sinasabi ni "Rizal" na nangyari ang sinasaysay sa librong itó, ang tawag sa bahay-bayan (Casa municipal) ay tribunal at ang tawag sa Presidente Municipal ay Gobernadorcillo (maliit na Gobernador) panglibác na pang̃alan. Ang Gobernadorcillo'y tagapamahalà ng̃ bayan, hucóm sa mg̃a mumuntíng bagay na usapín, tagausig sa masasamáng tao, taga paning̃íl as mg̃a cabeza de barangay, nacaaalam ng̃ correo at ibá pa.—P.H.P.
[103] Waláng anó mang calabisán. Lubhà ng̃ang catotohanan ang sinasabing itó ni Rizal na sucat na ang alalahanín cung bakit hinatulang mapresidio ang iláng maririlag na guinoong filipino, ng̃ 1872 dahil sa sinapantahang sila'y mg̃a cainalám sa mg̃a nangyari sa arsenal ng̃ Tang̃uay ng̃ taóng iyón. Ang isá sa lalong mg̃a calaguímlaguím na sumbóng na guinawâ laban cay Don Antonio Maria Regidor ay ang pagcacuha sa isáng "aparador" ng̃ canyáng bahay, na "punong-punô ng̃ alaboc," ng̃ dalawampong "ejamplar" ng̃ librong La Cuestión Colonial na sinulat ni Labra. Basahin ang folletong "Caraing̃ang ipinadalá sa mahál na Hari ni Don Antonio María Regidor, na sinulat ni Don Manuel Silvela: Madrid 1872. Pinagdusahan sa Marianas ni Don Antonio María Regidor ang gayong cakilakilabot na "casalanan."
Ang isá pang nagdusa sa presidio dahil sa mg̃a gayón ding casalanan ay si Don Máximo Paterno, na ipinagsanggalang ng̃ hindî malilimot na si Don Germán Gamazo sa ganitóng pananalitâ: "Gayon ma'y hindî piniit ó pinag-usig sa haráp ng̃ mg̃a tribunal si Don Máximo Paterno, sa mg̃a sandaling malapit na una ó hulí sa panghihimagsíc (sa Tang̃uay). Panatag at umaasa sa canyáng sariling pagcawalang malay-sala, nang̃asiwang hayág, sa canyáng mg̃a hanap buhay, mulâ ng̃ ica 21 ng̃ Enero, nangyari ang panghihimagsic, hangang sa ica 20 ng̃ Febrero na siya'y dinakíp sa canyáng bahay at inihatid sa cutà ng̃ Santiago. Pinag-usig siyá sa harap ng̃ mg̃a Tribunal na hindî nacapágligtas sa canyá ang canyáng ganitóng pag-asa at capayapaan ng̃ loob, na nagpapakilalang maliwanag na hindi siyá sinasalaguimsiman ng̃ cahi't muntíng panimdín, palibhasa'y talastás, niyang siyá'y walang sala; at ang lalong cahapishapis ay siya'y hinatulang magdusa. Ang siyá'y nasamsamán ng̃ isáng bilang ng̃ "El Eco Filipino" (pamahayagang nagsásanggaláng sa Madrid ng̃ mg̃a catuwiran ng̃ mg̃a páring clérigo); ang siya'y umambág ng̃ caunting salapî sa pagtatatag ng̃ (pamahayagang) "El Correo de Ultramar" ... ang siyáng mg̃a tang̃ing cadahilanan mandin ng̃ hatol na siyá'y magdusa. (Basahin ang folleto: "Caraing̃ang ipinadalá sa Consejo Supremo de la Guerra ni Don Máximo Paterno na sinulat ni Don Germán Gamazo:" Madrid, 1873.)
Sa "El Correo de Ultramar ay nang̃agsisulat ang mg̃a pantás at macabayang castilang sina D. Ramón Mesonero Romanos, D. Mariano Urrabieta, D. Juan Miguel de Arrambide, D. José González de Tejada, Pedro Antonio de Alarcón, D. José Selgas, Baldomero Mendez, D. V. Guimera, D. José Ferrer de Coute, D. J. M. Bello, D. Luis Mariano de Larra at iba. ¿Naglalathalà bagá, ang "El Correo de Ultramar" ng̃ ano mang laban sa mg̃a castilà? Ito'y catulad cung tanung̃íng: ¿sumulat baga si Rizal, si Marcelo Hilario del Pilar, si Mabínì, si López Jaena ng̃ ano mang laban sa catagalugan? Gayón ma'y pinag-uusig ng̃ mg̃a fraile bawa't bumabasa ng̃ "El Correo Ultramar" dahil sa ang pamahayagang iyo'y hindi catoto ng̃ cadilimán ng̃ isip na dito'y pinipilit laganap ng̃ mg̃a "cahalili ng̃ Dios."
Ang isá pang napapresidio ay ang sacerdoteng si Don Agustín Mendoza, na naramay rin sa nangyari sa Tang̃uay. ¿Mg̃a cadahilanan? Dingguín ninyó ang canyáng abogadong si Don Rafael Maria de Labra: "ang lahat ng̃ mg̃a sumbong ng̃ Fiscal laban sa nagsasaysay ng̃ayón ay maioowi sa dalawá lamang: ang una'y ang paglalaganap ng̃ isáng lihim na pamahayagang ang pamagát ay "El Globo," na sino may waláng nacapagharáp ng̃ cahi't isá man lamang na "ejemplar," at ang icalawa'y ang pagpapanucálà ng̃ mg̃a lihim na pagpupulong, bagay na waláng nagbabalitâng policía ó sino mang táo ng̃ cahi't bahagya man lamang. Basahin ang folleto: "Caraing̃ang ipinadalá sa Poder Ejecutivo ni D. Agustin Mendoza, na sinulat ni Don Rafael María de Labra: Madrid, 1878.
Sa isáng salita: "antiespañol" (laban sa castilà) "filibustero" at iba pa ang lahát ng̃ filipinong sa canyáng lupain ay may tagláy ng̃ mg̃a caisipang nauucol sa mg̃a calayaan; ng̃uni't lalonglalò na cung ang mg̃a caisipáng iya'y sumasacanyáng bahay sa pamamag-itan ng̃ mg̃a libro ó ng̃ mg̃a pahayagan, cailan ma't dumating ang isang capanahunan, dapat samantalahín ang capanahunang itó upang mapapresidio ang gayóng filipino."
Ang ibáng nang̃atitic sa itaas ay sinipi co sa "Vida y Escritosa ng̃ Dr. Rizal," sinulat ni G. Wenceslao E. Retana. Salamat sa casipagan at catalinuhan ng̃ guinoong itó'y maraming catotohanang hindî kilala ang ng̃ayo'y lumilitaw at numiningning.—P.H.P.
[104] Ang pagtiguil ó pagcapásalà ng̃ anomang bagay na mg̃a "humor" sa alin mang bahagui ng̃ catawan.
[105] Sirâ ang isip.
[106] Ng̃ panahóng iyo'y naititipon sa alcalde ang mg̃a catungculang pagca hucóm, gobernador civil administrador ng̃ Hacienda, Subdelegado ng̃ Fondos Locales, administrador ng̃ Correos at iba pa.—P.H.P.
[107] Ang dalawang salamíng na sa mg̃a tila bumbóng na tansô ó bacal, na cung doon sumílip ang sinó man ay nacacakita ng̃ mg̃a na sa malayò.—P.H.P.
[108] Espiritung nananahan sa alang alang.
[109] Alín man sa mg̃a diosang nananahán sa tubig, sa mg̃a gubat at sa iba pa.
[110] Isáng semidios ó pang̃alawang dios na ang calahati'y tao't calahati'y cambíng.
[111] Dios na lumilikha ng̃ lahát ng̃ bagay, anáng mg̃a gentil.
[112] Ang dalagang bukid.
[113] Elefante. Hindî malayong ng̃ caunaunaha'y nagcaroon ng̃ elefante dito sa Filipinas, caya sa wicà natin ay may sadyáng tawag, gadya; samantalang napagkikilalang dito'y talagáng dating waláng cabayo, cayâ sa wicà natin ay waláng sariling pang̃alan ang hayop na itó na di gaya ng̃ áso, baboy, manóc at iba pa.
[114] Isáng larawang cahoy, bató, tansô ó kacal.
[115] Guintô pa panahóng iyón ang salapi sa Filipinas.
[116] Ang may pag aaring bahay ó lúpà.
[117] Ang may malalakíng lúpà.
[118] Ang waláng catungculang bìgay ng̃ Gobierno.
[119] Ang arte ng̃ paggawâ ng̃ larawan sa pamamag-itan ng̃ mg̃a casangcapang guinagamit sa bagay na itó. Natuclasán ang "fotografía" ni Niepce ng̃ 1814 at pinagbuti ni Daguerre ng̃ 1839. Nagcamít si Mr. Talbot ng̃ 1841 ng̃ "privilegio" ng̃ ucol sa fotografía sa papel sensible.
[120] Ang haring nacagagawâ at nacapag-uutos ng̃ bawa't maibigan, sa macatowid ay waláng nacaháhadlang na sino man sa canyáng calooban.
[121] Tinatawag na haring "constitucional" ang hindî nacapag-uutos ng̃ bawa't maibigan cung dî ang ipinakikilala ng̃ Bayang canyáng calooban sa pamamag-itan ng̃ canyáng mg̃a kinácatawáng bumubuô ng̃ Asemblea ó Congreso, Senado at Consejo ng̃ mg̃a Ministro.
[122] Si Luis Catorce ay haring "absoluto" sa Francia; ipinang̃anác ng̃ taóng 1643 at namatáy ng̃ 1715. Siyá'y iguinalang at minahál ng̃ mg̃a francés.
[123] Si Luis Diez y Seis ay haring "Constitucional," sa macatowid ay haring hindî siyá ang nacapangyayari cung di ang guinágawâ niyá't ipinag-uutos ay ang ipinagágawá't ipinag-uutos ng̃ mg̃a kinacatawán ng̃ mg̃a táong bayan; nagharì sa Francia mula ng̃ 1774 hanggang 1798. Pinugutan siyá ng̃ úlo, sampô ng̃ canyáng asawang si María Antonieta ng̃ mg̃a revolucionario.
[124] Si Felipe Segundo ay anác ng̃ haring Carlos Quinto, at haring "absoluto" sa España. Guinágawà ni Felipe Segundo bawa't maibigan; sa calooban niyá'y waláng nacasasansalà. Halos dî mabilang ang ipinapatay at pinahirapan ng̃ haring itó sa pamamag-itan ng̃ Inquisición at iba pa. Sa mg̃a guinawâ ni Felipe Segundo nagpasimulâ ang pagguhò ng̃ halos di maulatang capangyarihan ng̃ España at ng̃ halos dî macayang isiping calakhán ng̃ nasasacop ng̃ cahariang ito. Gayon ma'y maraming mg̃a castilà at lalonglalò na ang mg̃a fraile na umiibig ng̃ di cawasà sa haring "absolutong" ito.—P.H.P.
[125] Si Amadeo "Primero" ay haring "constitucional" sa España buhat sa 1870 hanggang sa 1873. Ang haring ito'y mabait, matalino at bayani. Lubós na umiibig sa canyáng pinaghaharîan; ng̃uni't hindî siyá iniibig, at ng̃ mahalatâ niyá itó'y nagbitáw siyá ng̃ canyáng tungcol, at ang pagbibitaw niyáng ito'y siyáng naguíng dahil ng̃ pagtatag ng̃ República ng̃ España (11 ng̃ Febrero ng̃ 1873).—P.H.P.
[126] Ang bawa't isá sa mg̃a dios ng̃ bahay.
[127] Ang palatuntunan ng̃ mg̃a sumasampalataya sa maraming Dios. Sa mg̃a táong gaya ni Capitán Tiago'y maiuucol lamang itóng tulâ ni Lucrecio: "Primus in orbe deus fecit timor;" ang tacot ang siyáng pinanggaling̃an ng̃ mg̃a dios.—P.H.P.
[128] Palatuntunang walang kinikilala cung dî isáng Dios lamang.—P.H.P.
[129] Si Jesús, si María at si Joséf.
[130] Libing̃an ng̃ mg̃a taga Egipto.
[131] Sombrerong may tatlong dúlo.
[132] Isá sa mg̃a anyò (orden) ng̃ arquitectura.
[133] Loobin nawa ng̃ Dios na matuloy ang hulang itó sa sumulat ng̃ maliit na libro at sa ating lahat na sa canyá'y naniniwalâ—J.R.
[134] Pitóng wicâ; datapowa't hindi sinasabi ng̃ catagalugang "pitóng wicâ" cung di "Siete Palabras."
Hindi nagcacaisa ang mg̃a Evangelista tungcol sa mg̃a sinabi ni Jesús ng̃ siya'y napapacò na sa Cruz:
I. Sinasabi ni San Mateo sa cap. 27, versículo 46 ng̃ canyáng Evangelio at ni San Marcos sa capítulo 15, versículo 34 ng̃ canyáng Evangelio, na itó raw lamang ang sinaysay ni Jesús, ng̃ malapit na ang hora ng̃ "nona"—ani San Mateo—ng̃ hora ng̃ "nona"—ani San Marcos: Dios co, ¿bakit aco'y pinabayaan mo?
II. Sinasabi namán ni San Lúcas sa mg̃a versículong 34, 43 at 47, ng̃ capítulo 23 ng̃ canyáng Evangelio, na itó raw ang mg̃a sinaysay ni Jesús ng̃ napapacò na siyá sa Cruz;
1. Amá, patawarin mo silá; hindi nalalaman ang caniláng guinagawa.
2. Ang catotohana'y sinasabi co sa iyo, ng̃ayo'y cacasamahin catâ sa Paraiso, na bilang casagutan niyá sa isá sa dalawang magnanacaw (na hindî sinasabi sa mg̃a Evangelio cung anó ang mg̃a pang̃alan) na nacapacong gaya rin niya, na sa canyá'y nagsalitâ ng̃ ganitó: "Alalahanin mo acó cung icaw ay na sa iyong caharian na."
3. Amá co, sa mg̃a camáy mo'y ipinagtatagubilin co ang aking calolowa.
III. At sinabi ni San Juan sa capítulo 19, mg̃a versículo 26, 27, 28 at 30 ng̃ canyáng Evangelio, na itó raw mg̃a wicang itó ang sinabi ni Jesús sa canyáng pagca-paco sa Cruz.
1. "At sa pagca't nakita ni Jesús ang iná at ang alagád na canyáng sinisintang naroroon, sinabi sa canyáng iná: Babae, nariyan ang iyóng anác.
2. Sinabi pagcatapos sa alagad: Nariyan ang iyong ina.
3. Nauuhaw acó.
4. Natapos na.
Pinagsamasama ng̃ Iglesia Católica Apostólica Romana ang mg̃a sinabing iyán at siyáng ng̃inang̃alanang "Siete Palabras."—P.H.P.
[135] Ang Sacerdote sa Roma na ng̃ una'y humuhulà ng̃ mg̃a mangyayari sa panahong darating, sa pamamag-itan ng̃ pagmamasid ng̃ paglipad at paghuni ng̃ mg̃a ibon.
[136] Ang candilang malaki at mahaba.
[137] Ang taga Iberia.—Ang Iberia'y ang magcanugnóg na lupang kinalalagyan ng̃ España at Portugal.
[138] Mapapalad ang mg̃a may espiritung dukhá
[139] Lumiligaya ang nacacacaya sa buhay.
[140] Lumualhati sa Dios sa caitaasan at capayapaan sa mg̃a taong may mabuting calooban.—Alinsunod cay Don Lázaro Bardón, catedratico sa Universidad Central sa Madrid, España, ay ganito raw sa wicang castilà ang tunay na cahulugan: Gloria á Dios en las alturas; en la tierra, paz; entre los hombres; buena voluntad—Luwalhati sa Dios sa caitaasan; sa lúpa'y capayapaan; sa mg̃a táo'y mabuting calooban.
[141] Carunung̃ang ucol sa Dios at ang sa canyá'y mg̃a pinagcacakilanlan.
[142] Ilalagay ng̃ Papa sa Roma sa bilang ng̃ mg̃a santo at santa.
[143] Caranung̃ang nagpapaunawà ng̃ mg̃a anyô at paraang dapat gawín upang masunduan ang mg̃a pagcakilalang magaling ng̃ mg̃a nangyayari.
[144] Felix Torres Amat, obispo sa Astorga. Siyá'y ang isá sa mg̃a naghulog sa wicang castilà ng̃ Biblia.—Ang filosofíang sinulat ni Amat.
[145] Ang mg̃a mundong waláng tiguil ng̃ mabilís na pagtacbó ng̃ araw. Cung masdán natin dito sa lupa'y mg̃a bituing malamlám ang ningning. Ang mg̃a pang̃ulong planeta, alinsunod sa canilang láyò sa araw ay ang mg̃a sumusunod: Mercurio, Venus, ang Lupang ating tinatahanan, Marte, Júpiter, Saturno at Neptuno. Bucód sa ritó'y marami pang mg̃a planetang hindi makita cung dî sa pamamag-itan ng̃ "telescopio."
[146] Itinatag ang beaterio at Colegio ng̃ Santa Catalina ni Fr. Juan de Santo Domingo, provincial ng̃ mg̃a fraileng dominico ng̃ taong 1696 at pinasimulán ng̃ araw ng̃ cafiestahan ni Santa Ana ng̃ taóng 1696 din. Ang dahil ng̃ pagtatayo ng̃ beaterio at colegiong itó'y ng̃ may cáligpitan ang mg̃a babaeng ibig manatili sa pagcadalaga hanggang nabubuhay. Ang palatuntunan nilá'y ang palatuntunan din ng̃ Tercer Orden ni Santo Domingo, at nanunumpang tulad sa mg̃a fraile, na magpapacalinis ng̃ catawa't calolowa, magpapacarukhâ at magmamasunurin. Pinapagtibay ang pagcacatayò ng̃ ligpitang itó ng̃ mg̃a babae ng̃ Real Despacho na may fechang 17 ng̃ Febrero ng̃ 1716 na siyang nagbigay wacás sa mg̃a iniharáp na tutol na huwag ipatuloy ang pagtatatag ng̃ beaterio at colegiong iyán. Inilagáy niláng pintacasi si Santa Catalina de Sena. Ipinag-utos na labinglimang monja de coro lamang ang mátitira roon, bilang paunlác sa labinglimang misterio ng̃ Rosario. Ipinagcaloob ng̃ Real Cédula ng̃ 1732 na macapaglagay ng̃ isáng simbahan at macagamit ng̃ isáng campana, at tuloy ipinag-utos na huwag piliting mamalagui ang mg̃a monja sa lubós na pagligpit; cung di sa nauucol lamang sa magalíng na pamamanihala ng̃ beaterio at colegio.
Ang palatuntunang sinusunod doon ay di macararaan ang sino mang monja sa pintuang na sa loob ng̃ convento, na isáng matandang monja ang taga-bantáy; ng̃uni't sino mang tao'y macapapasoc doon, cailan man at may tang̃ing pahintulot ang provincial ng̃ mg̃a dominico. Ng̃ huwag ng̃ manaog ang mg̃a babaeng na sa beaterio at colegio ng̃ Santa Catalina ay nang̃aglagay ang mg̃a paring dominico ng̃ tuláy na nakikita sa itaas ng̃ daang San Juan de Letrán, sa loob ng̃ Maynila at ng̃ doon magdaan ang mg̃a babaeng iyón ng̃ pagpasa simbahan ng̃ San Juan de Letrang cacabit naman ng̃ Colegio ng̃ mg̃a lalaking San Juan de Letran din ang pang̃alan, at ang namamahala't nagtuturò'y pawang mg̃a fraileng dominico. Sa gayong paraa'y maguinhawa ng̃a namán ang pagsimba at pananalang̃in ng̃ mg̃a monja sa simbahan ng̃ San Juan de Letrán.
Bagá man ng̃ una'y ligpitan ang Santa Catalina ng̃ mg̃a babaeng castilang ibig tumalicod sa mg̃a layaw at casayahan sa mundo, hindi nalao't minagaling ng̃ mg̃a fraileng dominico, na mang̃asiwâ ang ilán sa mg̃a monja sa pagtuturò sa mg̃a dalagang ibig pumasoc at mag-aral sa Santa Catalina. Ang itinuturò doo'y pag-basa, pagsulat, doctrina cristiana, mg̃a gawáng ucol sa babae. Nang̃ag-aaral din namán ng̃ pagpapacabanál. Dinagdagan ng̃ mg̃a dominico ng̃ 1865 ang dami ng̃ mg̃a "hermana" at ng̃ lalong mapalaganap ang caniláng mg̃a pagtuturò. Hindî itinutulot sa mg̃a pumapasoc sa Colegio ng̃ Santa Catalina ang macaaalis cung di rin lamang may totoong malaki't di maiwasang dahilán.
Ang namamahalà sa beaterio'y ang provincial ng̃ dominico at isáng "priora" na siyá, ring "madre superiora" sa colegio, at may isáng directorang nacaaalam ng̃ mg̃a pagtuturò.—P.H.P.
[147] Hiyas na pinacasingsíng sa camau-o.
[148] Libritong ganito ang pang̃alan.—"Pangligtas sa sacunà."
[149] Isáng halamang ang caraniwang bulaclac ay puláng-pulá.
[150] Mahinhin ó mahinang hang̃in.
[151] Ipinang̃ung̃usap ng̃ "ada".—Isáng hiwagang babaeng may cahimahimalang mg̃a capangyarihan, anáng mg̃a di binyagan.
[152] Unawaing hindî tinatawag ni Rizal na Inang Bayan, cung dî Inang España, dalawang pang̃alang totoong nang̃agcacaiba.
[153] Isáng malaki't mataas na cahoy, matibay at macúnat. Ang tawag sa bung̃a ng̃ cahoy na ito'y "hayuco".—Aya, ang pagbasa.
[154] Cahoy na masang̃á, may mg̃a ng̃ipin-ng̃ipín ang mg̃a dahon. "Bellota" ang tawag sa bung̃a ng̃ cahoy na itó.
[155] Ibong mainam humuni. Sa Europa'y marami ng̃ ibong itó.
[156] Tubig na tumítigas na halos parang bató dahil sa totoong calamigàn.
[157] Alamo: cahoy na tumataas ng̃ mainam: may tatlóng bagay na álamo: ang álamong putî na ang mg̃a daho'y verde ang isang mukhâ at ang cabiláng mukha'y putîan—Ang álamong itím, na verde ang magcabicabilà ng̃ dahon.—At ang "amo altemblón" na ang mg̃a daho'y waláng tiguil ng̃ paggaláw.
[158] Isá sa magagandáng diosa.
[159] Casaysayan ng̃ mg̃a kinikilalang mg̃a Dios ng̃ mg̃a dî binyagan.
[160] Ang namamaguitnâ sa pagbilí, pagbibili, ang nakikialam sa mg̃a almoneda at iba pa.
[161] Ang nagpapaupa ng̃ pagdadalá ng̃ ano mang bagay na mabigat.
[162] Ang bahay na nagpapacain sa sino mang nagbabayad sa may ari, at ang papatuloy sa bawa't magbayad.
[163] Wicang francés na ang cahuluga'y "fonda:" cacanán at tuluyan. Cung ipang̃usap ay "restorán."
[164] Estátua ó larawang cáhoy, bató, tansô ó bacal na inilalagay na pinacahaligui ng̃ anó man.
[165] Tuláy ng̃ España.
[166] Isáng carruajeng ganitó cung tawaguin.
[167] Tinatawag ng̃ catagalugang "carretela" ang isáng sasacyáng anyóng carretong marami ang lulan, ng̃uni't mahirap sa sumásacay; dalawá ang gulong at isáng cabayo ang humihila.—Ang tinatawag na carretela ng̃ mg̃a castilà ay isáng mainam na carruajeng apat ang gulóng at dalawang cabayo ang humihila.
[168] Tinatawag na Sabána [hindî Sábana, cumot] ang daang macalampás ng̃ Jardin Botánico, hangang sa mg̃a unang báhay ng̃ Ermita, na tinatawag na daang Real.
[169] Tinatawag ng̃ mg̃a castilàng guindilla ang mg̃a policía municipal sa sa España.—Ang sili ó ang bung̃a ng̃ tinatawag na "guindillo de India."
[170] Ang lupang iniuucol sa pagtatanim ng̃ sarisaring cahoy at mg̃a halaman upang doo'y mapag-aralan ang mg̃a carunung̃ang nauucol sa bagay na ito.
[171] Tila mandín naguguniguni na ni Rizal na sa pinagpatayaang iyón sa paring canyáng sinasabi, na sa acalà co'y waláng ibá cung dî si Pari Burgos, doon din siya pápatayin.
[172] Ang tang̃ing ibong pinaniniwalaan ng̃ mg̃a tao sa unang mulíng nabubuhay, pagcatapos na masunog, sa ibabaw ng̃ canyáng mg̃a abó.
[173] Ang alín may sa dalawáng panig na malapit sa Ecuador ó calaguitnaan ng̃ lupa, tinatawag ang isáng panig na "trópico de Cancer" sa hemisfercio boreal, at "trópico de Capriconio" de "hemisfercio austral".
[174] Sásacyang waláng gulóng na siyáng guinagamit pagca hielo ang dinaraanan; cahawig ng̃ canggâ ó ng̃ paragos natin.
[175] "Quos vult perdere Jupiter domentat prius", casabihang wicang lating cung tatagalugui'y: Ang mg̃a ibig ipahamac ni Jupiter ay pinasisimulaáng sirain muna ang ísip.—P.H.P.
[176] Ang cometa'y tulad sa bituing manacanacang napapanood natin sa lang̃it. Ang Cometa'y ma'y buntot na makinang na cung minsa'y isá at cung minsa'y marami. Palibhasa'y ang galaw na painóg ng̃ cometa'y hiwaláy na hiwaláy sa caraniwang liniliguiran ng̃ mg̃a planeta, caya hindî nalalao't ang pagkakita natin sa canya. Isáng casinung̃aling̃ang ilinalaganap ng̃ mg̃a hang̃al na ang pagsicat ng̃ cometa'y nagbabalita ng̃ mg̃a sacunang mangyayari.—Tinatawag ding "cometa" ng̃ mg̃a castilà ang sarangolang papel na pinalílipad ng̃ mg̃a bátà.
[177] Ang masasama at magagaspang na cagagawán ng̃ mg̃a fraile.
[178] Wala caming nasumpong na alin mang bayang ganito ang pang̃alan, ng̃uni't marami ang nacacatulad ng̃ calagayan ng̃ bayang ito.—J. R.
[179] Pang̃alan ni Venus; sa Siria; ni Céres, sa Fenicia, at ni Juno sa Cartago.
[180] Anác na babae ni Júpiter at ni Latona, capatíd na babae ni Apolo at diosa sa pang̃ang̃aso.
[181] Caunaunahang ciudad ng̃ Tonia, sa Asia Menor, balità dahil sa carikitdikitang templo ni Diana, na sinunog ni Eróstrato. Ipinalagay ang templong iyo'y isá sa pitóng mg̃a caguilaguilalás na edificiong itinayo sa daigdig.
[182] Malalaking ibong totoong mahábà ang mg̃a paa.
[183] Flora.
[184] Machiavelo: balitang escritor, político at literato italiano, na naguíng ministro sa Florencio, inihahatol ni Machiavelo sa canyáng sinulat na librong "El principe" ang pagdarayà sa mg̃a pakikipanayam sa tagâ ibáng nación tungcol sa politica.—P.H.P.
[185] Capisanan ng̃ mg̃a táong nagcacaisang loob sa pagsasanggalang ng̃ isáng caisipan.
[186] Alagaan ng̃ mg̃a cabayo.
[187] Capatíd ni Remo at siyáng nagtayô ng̃ Roma ng̃ taóng 733 bago ipang̃anác si Cristo.
[188] Palacio ng̃ papa sa Roma, na na sa bundóc Vaticano.
[189] Palacio ng̃ hárì sa Roma na na sa Quirinal, isa sa pitóng bundóc sa Roma.
[190] V.O.T. "abreviatura" ng̃ Venerable Orden Tercera; Cagalang-galang na icatlong hanáy ng̃ Capisanan ó icatlong pulutóng ng̃ Capisanan.
[191] Pangguitlá sa táo. Mg̃a cabulaanang larawang likhâ ng̃ panimdím ng̃ mg̃a matatacutín.
[192] Dakilang panahóng nagpasimulâ ng̃ pagwawasác sa caharìan ng̃ Roma, sa Calunuran, ng̃ mg̃a "bárbaro", taóng 476, at ang wacás ay sa pagcacuha ng̃ mg̃a turco sa Constantinopla, ng̃ taóng 1453, ó sa pagcatuclás ng̃ América ng̃ 1492. Ang pangyayari ng̃ feudalismo ang siyáng caraniwan ng̃ panahóng iyón.—P.H.P.