ANG paliguan sa Marilao ay lubhang masigla, maaga pa’y ang hugos ng mga autong paupahan ay nagdating-dating at sangasanganakan ang nagsisiibis sa tapat ng Paliguan.
Iba’t ibang kiyas ang handog ng tanawin; sarisaring bihis na pawang nakawiwili sa malas, at sarisaring ganda na kanikaniyang yumi at katangian ng mga dalaga ang pinagkakalipunan ng lalong mabibikas na binata sa lalawigan na tumataon sa mga gayong araw upang makipagkita sa mga taga-Maynila na dumadayo doon ng paliligo.
Ang mga dalagang pulo-pulo ay parang mga tipak ng matamis na linalamgam sa karamihan ng sunod na may iba’t ibang pakay.
Ang tanghalang yaon ng lalong mariringal na damit na pasaya ng pasaya samantalang tumataas ang araw, ay lalong dumadami, lalong sumisigla at ang pagtatalik sa lahat ng pulutong ay nakayayaya sa mga mapansinin.
Sa dako roon ay tuksuhan at tawanan ang nangingibabaw. Sila’y binubuo ng mga binatang buhat kung saan-saan, at parang doon nagtiyap. May kinatawan sa kanila ng kalakal; may ng tikma; may ng gamlayan, at di rin naman iilan ang kawal ng pag-gawa na sa kanila’y napapahalo sa gayong pagkakatipon. Namumukod sa kanilang pulutong ang isang binatang magilas; nakasalamin, palalo ang tindig, maringal ang bihis at sa kaniya’y mababasa ang kasaganaan. Sa kalingkingan ay nagaalab ang isang batong animo’y mata ng pusa kung tinatamaan ng liwanag; bituwin manding nahulog buhat sa langit.
Gaya ng dapat na sapantahain, ang binatang magilas ay si Maneng na talagang tumiwalag kina Nati, na nang mga sandaling yaon ay nasa loob ng Paliguan.
Kaumpok din nila ang isang binatang lalawigan na sa anyo ay nababakas ang isang mataas ding uri; magilas din bagamang pawang puti ang kulay ng boong kasuotan, buhat sa sapin hangang sombrero.
Isang munting kadenang ginto ang animo’y di palamuti, kundi isang gamit na lubhang kailangan ang sa kaniyang chaleko ay nakabalatay. Nakataling walang pagsala sa isang orasang karaniwan at walang dingal na di man dinudukot. Di gaya nang marami na upang sapantahaing ginto ang kanilang orasang plake, ay maya’t maya ay sinasangunian.
Siya’y si Tomas; ang kawal ng panitik na buhat sa lalawigan ay sumusulat ng sarisaring kiyas na mga tudling sa lalong mga tanyag na pahayagan sa Maynila. Naroon siyang walang pagsala upang sumagap ng mga kasinungalingang maihahandog sa mga mambabasa, tungkol sa mga kasaysayan sa Marilao.
Sa mga ganitong tagpuan ay walang pakikilalanan at bawa’t isa ay nagsisikap na makapagpakilala sa kanyang sarili sangayon sa kaparaanang abot ng kanikaniyang kaya.
Si Selmo ay dumating at humalo sa umpukan at aniya kay Maneng:
—Tanghali na’y wala pa ang Orquesta. Hangang ngayo’y di pa nagsisidating. Nanganganib ako na baka tayo’y sinugalan ng masamang sugal.
Pinakingan ng boong katahimikan ni Maneng hangang sa natapos na parang dumidingig ng isang panalangin, at pagkatapos ay tumugon:—Mahal magkakahalaga ang kanilang masamang biro pagkakataon.
—Sina Mameng, di pa ba nakapaliligo?
Di tinugon ni Maneng ang tanong ni Selmo at wari’y may mahalagang iniisip.
Binabalak niya kung paano ang mabuti, sakaling ang mga musiko ay di magsidating. Ang bailuhan ay matatayo sa isang malaking pagkabigo. Siya pa nama’y naroroon. Kahiyahiya...
Dinukot ang kanyang orasan at sumanguni. Doo’y natalos niyang ganap na ikasampu na ng umaga.
Paliparin man niya ang “Bwick” ay gagahulin din sa pagtitipon ng tao. Ang mga musiko ay kalat-kalat at di natitipon sa isang tawag.
Si Nati at si Mameng ay nangagsilabas na bihis na. Ang kaisipan ni Maneng na nababalisa sa kagipitang kalalagyan ni Selmo sa kanilang bailuhan nang araw na yaon, ay parang binihis na daglian ng dilag ng dalawang mag-pinsan.
Sa unang baitang pa lamang ay sinalubong na si Mameng at aniya:
—Umakiyat ka ng kaonti Mameng at ang iyong mata ay doon mo itingin sa dakong timog nang masapol ng liwanag ang maganda mong pilipisan.—At umurong ng dalawang hakbang, upang malasin kung mainam na ang anyo; at nang masiyahan mandin ay hinarap si Nati na payak na pula ang suot.
—Ikaw naman—anang binata ng boong tamis—ay hawakan mo ang kanyang kaliwang kamay na kunwari’y inaalalayan mo siya ng pagbaba. Dito ka sa pangalawang baitang.
—Eh ako naman?—ang salo ni Yoyong; at sinabayan ng upo sa isa sa mga baitang ng paliguan. Tiningnan ng isang makabuluhang tingin ni Maneng na parang nagsasabing: nakasasabagal ka naman, at pinaglabanan naman ng titig ni Yoyong na parang tumutugong: EH ANO?
Tinapatan pagkatapos ng kodak at sa isang pindot ay nakuha ang larawan.
Pinagala ni Nati ang kaniyang malas sa mga lupon at nang makakita ng mga kilalang mukha ay nagsabi:
—Inaanyayahan ko kayo ngayon sa bahay. Mayroon kayong isang sandaling kasikian na aming ikaliligaya at ikararangal. Isama ninyo ang mga kakilala.
Boong ayos ang pagkasabi, at ang lahat ng mata halos ay sa kaniya tumingin nang mga sandaling yaon.
Naala-ala ni Maneng ang mga musiko, at sandaling gumuhit sa kaniyang ala-ala ang kabalisahan.
Nang ang magpinsan ay patungo na sa kanilang maringal na tahanan, si Maneng laban sa dating ugali niya ay lumapit kay Ikong at ang sabi:
—Ngayon din ay lumipad ka sa Bukawe at bumalik kang kasama mo ang komparsa roon, upang magamit sa sayawan. Nalalaman mo?—at dumukot ng isang Mayon; isang dadalawang puing piso na isinakamay ni Ikong—Iyan ay patinga na ibibigay mo, at kung gaano pa ang kulang ay singilin, wika mo, sa akin. Walang salang di mo sila aabutang nagsasanay.
—Opo; ngayon din po.
—Hintay ka; huwag mong kaligtaang di sabihin na magsipagbihis ng malinis na damit, hane. Yaong pamista wika mo.
—Hindi ko po malilimutan.
At ang “Bwick” ay humagibis na animo’y nakikipaghabulan sa lakas ng hangin.