XVII KABANATA
¡OH!, ANG PANIBUGHO

SA lilim ng lihim na kasal ni Maneng at ni Binay ay nagtatamasa sa likod ng malas ng madla ng masarap at napakaligayang alo ng pagsusuyuan.

Ang kanilang mga gawi ay bubo sa bagong kaugalian at ang ganito’y pinagpasasaan nila ng boong pagtatamasa, bagamang ang lalaki’y isang Don Juan din sa kaniyang tahanan; at ang babai, ay ang dati ring mayuming dalagang tagalog sa halamanan ng kanilang anak.

Kapuwa sila bihasang maninining na di mawawalan ng malilikhang pakana upang magtagpuan, bagay na di nila sana kailangan, danga’t ang kanilang himaling, ay ang paglalangan ang lahat, nguni’t simula sa kanilang sarili. Anong ligaya ng kanilang sandasandaling pangangarap!

Ang buhay ay ginagawa nilang isang laruan, at laruang mapanganib. Isa’t isa sa kanila’y parang tunay na may laya baga mang ang tanikala ng pagiisang puso, sa kanila ay nakabigkis.

Sa lahat ng ito’y ang kulang palad na si Tomas ay humahanap ng isang kataon upang si Maneng, ay matagpuang muli pa, bagay na di pa yata tulot ng tadhana, sapagka’t ngayon pa namang araw-araw ay na pasa sa Bokawe, ay ngayon pa niya hindi makita; paano’y hindi na gaya ng dati na humahayag, kungdi ang auto ay laguing tumitigil sa labas ng bayan at doon na niya natatagpuan tuwina, ang magandang si Binay.

Doon nila sinisimulan ang malayang pagsagap ng hangin kung saan saan dako at maituturing na wala silang naging sariling pugad sa pagsasaliw ng awit ng puso, at tulad sa mga ibon na kung saan tawagin ng pita ay doon idinadaos ang kanilang mga kalayaan. Sampu nang sa kanila ay magpahiram ng tahanan ay ibinububulid nila sa pagkakasala.

Ito’y isang bagong paraan ng “pulot at gata” na maituturing na napakaligaya sa ganang kay Maneng at kay Binay, sa pagka’t tuwina’y parang bagong tagpo, tuwina’y pinaniningas ang kanilang nasa ng kasabikan, at animo’y nakaw lamang ang lamyusan nilang pinagtatamasahan. Talaga yatang ang nakaw sa pagtagay sa saro ni Kupido, ay napakasarap.

Tumutungo na ang araw nang si Maneng ay bumalik sa Maynila at nang si Binay naman ay umuwi sa Bokawe na parang may ginawa lamang na anomang kailangan sa kalapit na bayan na pinananahanan ng kaniyang ama.

Linipad ni Maneng ang Maynila. Nagbago ng damit pagkatapos na makapagalis ng alikabok sa katawan, binalumbon ang pierrot at pamuling lumakad, pagkasiyasat na ang Supersix ay wala na roon at ipinadala na ni Gorio kina Selmo sangayon sa kanyang utos.

Sumagi sa kanyang nasa na sa La Campana magminindal gayong sa sarili ay iniwang nakahain ang lalong masasarap na pamatay gutom na ihinahanda ni Biyang.

Ang bahay ni Maneng ay parang isang Babel gayong sila’y lilima halos. Di sila nagkawatasan kailan man gayong doo’y di dumadalaw ang pagtatalo.

Araw-araw halos ay banquete para kina Gorio, sa pagka’t maigagamot ang araw na doon ikinakain ni Maneng; nguni’t di naman nagbibigay ng bilin kailan man na di darating at di naman pumapansin ng gugol kumain man siya o hindi sa bahay.

Ang kanyang katiwala ay ubos kay Gorio na nakakikilala sa kanya ng ganap, kaya’t naglilingkod naman ng higit pa sa isang aliping binili.

Dumating si Maneng na parang hayok na hayok sa gutom sa minandalang La Campana at pagkatapos na maituro sa utusan ang mga bilang ng Menu na kanyang napili ay tinunghayan ang isang linguhan na nasa ibabaw ng lamensang bubog na minandalan.

Di pa man halos natutunghan ang linguhan ay para siyang dinagukang bigla at tinamaan ng malas ang hambog na si Tomas na nasa kabilang dako at parang ipinagmamalaki sa kanyang korbata ang imperdible na nakikilala na natin.

Napakalaki ang imperdibleng yaon upang gamitin sa korbata; nguni’t kinusa yaon ni Tomas sa nasang pasakitang loob si Maneng kung makatagpo sa paniwalang yaon ay sanla ni Maneng kay Binay na kasintahan niyang tumalikod sa salitaan.

Kung may matuwid si Tomas o wala ay bayaan natin, sa pagka’t ang mga akay ng panibugho may matuwid o wala man ay walang ibang nagagawa kungdi kapanganiban.

Pinagmalas-malas ni Maneng ang binata na nagpapalamig na kasalukuyan sa tulong ng isang copang sorbetes.

Sinusukat niya buhat sa paa hangang ulo, na animo ba’y ibig na tirisin nang walang tanong-tanong at sa pagka’t yao’y ibinabawal ng dakilang asal ay nagtindig na gahasa na nangapalingon ang mga nagmiminandal na kasabay nila, linapitan si Tomas at boong kabanayaran, nguni’t punong-puno ng kutiya na tinanong:

—Ginoo. Kung di po isusukal ng inyong loob ay maaari po bang sabihin sa akin kung saan galing ang imperdibleng yan ng inyong korbata?

Si Tomas ay sumandal. Minasdan pamula sa ulo hangang sa paa si Maneng na nang mga sandaling yaon ay baliti na ng poot, at saka tumugon:

—Ginoo; tinatanong ninyo ako ng isang tanong na nakatatawa; at nang huwag naman kayong magmukhang api ay malaman ninyo, na sa isang daang libong bagay na di ninyo dapat malaman ito ay isa. Hindi ninyo dapat na malimutan na kapag saya ang napagitna sa mga salawal ay pangit na totoong ibuyangyang.

—Ninanais kong malaman Ginoo—ani Maneng ng boong galit—at kung hindi ako bibigyang liwanag na ikasisiyang loob ko ay......—at ang kamay ay ipinakitang higpit na higpit.

Tumindig si Tomas na handang magtatangol, nguni’t ang kamay ni Maneng ay bumagsak na bigla sa mukha ni Tomas.

Lamensa, tao at kasangkapan ay nangagsigulong sa lupa kasabay ng tilihan ng mga babai, at tindigan ng mga lalaki, na handang aawat.

Namagitan ang mga suki ng La Campana at ang dalawa’y di na nagabot na muli pa; nguni’t ang dugo sa mukha ni Tomas ay nagdadanak.

Nagbigay paliwanag sa may-ari ng La Campana si Maneng at pagkatapos na nakapagbigay ng pangungusap na babayaran niya ang kapinsalaang nangyari ay lumulang pamuli sa kanyang auto at iniwan si Tomas sa gitna ng gulo.

Nang dumating ang mga pulis na tagapagpapatili ng kapayapaan si Maneng ay malayo na. Wala nang makatugon kung saan siya napatungo.