XXII KABANATA
ANG PAGHIHIÑGALO NG MGA KALOLWA

LINISAN si Nati sa isang alanganing katayuan. Ang puso niya’y nanggigipuspos at sisinghapsinghap sa dagat ng sakit.

Bakit hindi man lamang siya tinugon ni Maneng? Bakit yumaong sakbibi ng lungkot? Bakit di linutas ang kanyang kahilingan?

Ngayon pa namang ibinalita niyang ang bunga ng kaniyang kasalanan ay tumitibok na at nagtitimpalak, at di na malalaunan ay sisilang.

Gaanong kalunos-lunos na sandali ang bumibigti sa puso niyaong kulang palad na bihag ng malupit na pag-ibig ni Maneng!

May mga tao na likhang talaga mandin upang maging sanhi ng kapahamakan ng kanyang kapuwa at sa ganitong pangyayari palibhasa’y nagiging kasangkapan siya ng tadhana upang sawiin ang may maiitim na palad ay di naman niya matuklas ang katahimikan.

Sa mga ganitong likha ay kabilang ang kasuyo ni Nati, ang sanhi ng mga luha ng kulang palad na si Orang, ang kasawian ng dapat maging mapalad na si Mameng, at ano ang malay natin kung siya ring maging dahil ng mga maiitim na sandali ng masayang si Binay.

Nagkulong si Nati sa kanyang silid nang huwag mahalata ng kanyang mga kasambahay ang kasalukuyang pagbabakang nagwawasak ng kanyang puso, nagpapalumo sa kanyang kalolwa at gumugutay sa lahat ng ginintuang pag-asa na kinalaro-laro tuwina ng kanyang diwa.

At nang siya’y nagiisa na at wala ng kinatatakutang malas na makapapanuod ng kaniyang pang-gigipuspos ay binigyang laya ang dalamhati sa pamamagitan ng luhang naguunahan sa kanyang mga mata, mga unang luha ng kalolwang naghihingalong kasalukuyan dahil sa dagok ng sakuna na lalang ng isang kapangyarihang lumilikha ng mga kapinsalaan ng palad.

Anang ibang talaisip ang luha daw ay siyang buntuhan ng dalamhating umiinis sa atin kung ang puso ay nalulunod na sa kadalamhatian, kaya’t ang luha’y siyang dagliang dumadaloy kung ang ating katawan at kalolwa ay inuunos na ng sakuna.

At ang kulang palad na si Nati na pinahihirapang kasalukuyan ng pagaalanganin ni Maneng ay nangungunyapit na kasalukuyan sa maiinit na bagting ng tanikala na dulot sa kanya at isinilo ng Anangki niyang nakapangingilabot.

Si Maneng namang yumaon na ay tulad sa isang sasakyang walang ugit; susuling suling na hindi matukoy kung anó ang dapat na gawin.

May mga taong mahihina at agad sumusuko sa mga bayo ng dusa at kung magkabihira’y walang ibang pinagbubuntuhan kundi ang kabiglaanan, dagliang hatol o ang dagliang pagbibigay sa mga udyok ng pita. Sa diwa ni Maneng ay nagsulpot-sulpot ang mga ala-ala niyaong mga sawi na nagpapatiwakal dahil sa pag-ibig.

Sa lahat ng yaon ay walang mapili si Maneng na dapat niyang uliranin. Nasusuklam siya sa palad nang mga nagpapatiwakal na kanyang binabawan ng tawag na duwag at nangagsisitalikod sa katungkulang banal ng tao na makibaka sa buhay.

At boong tapang na tinungo ang kanyang tahanan at nagkulong din sa kanyang silid at yao’t ditong di mapakali, na sinusukat ng kanyang banayad na hakbang ang maaliwalas niyang pahingahan.

—Paano ang mabuti kong gawin?—Ani Maneng sa kaniyang sarili.Pakasal na muli kay Nati pagkatapos ng kasal kay Binay, ay ganap na pagpapatiwakal din sa kapisanang ito na aking pinakikipamayanan. Kami’y may mga batás na napakalulupit sa ganitong paglabag. Bakit ba’t di pa ako sa mga bayang tumatangkilik ng Poligamia sumilang? Disin ay di ako naghihirap ng paglutas ngayon nitong magusot na suliranin ng aking buhay.

At napatigil na sumandali; lumikmo sa kanyang maringal na likmuan at pinagwawari ang dapat na gawin.

Mayamaya, ay napatampal sa hita at aniya:

—Lutas na ang suliranin kung papayag ang Pastor na nagkasal sa amin ni Binay. Ano ang mawawala sa kanya kung ang talaan ng aming pagkakasal ay mawala halimbawa? Ang salapi ay isang mainam na panilaw. Atuhan natin sa paraang ito. Limang puong libong bagay ang kay daling lutasin, nguni’t ang tao ay napakahangal na sa isa lamang dito, ay natutulig na, at di magkatuto ng paglutas.

At nagmadaling nagbihis.

Sinidlan ng maraming salaping papel ang kanyang kalupi at nagsilid sa dalawang sobre ng tiglilimang daang piso na handang pansuhol sa Pastor ng Iglesia Metodista na kanyang handang upatan.

At nanaog na daglian, nguni’t nasalubong siya nang cartero na nagabot sa kanya ng isang sulat.

Lumulan sa kanyang auto na laging nakahanda at doon na binasa ang liham pagkatapos maipagbilin kay Ikong na paroon sa bahay ng Pastor, sa Avenida Rizal.

Gayari ang nasasabi sa liham:

“Maneng ko: Parine kang agad at nang maaga tayong makabalik at ang tatang ay darating daw ngayong hapon.”

“Kung pahintulot mo ay ihayag na natin sa kanya ang lihim nating pagiisang puso.”

“Siya ay isang taong marunong maghunos dili at kung kanyang makita na huli na ang kanyang tutol ay maaasahan nating ang kaniyang pakikiayon sa atin, bagamang hindi na yaon kailangan.”

“Mabuti na rin ang walang pinangingilagan at inaala-ala. Ano ang sabi mo Maneng?”

“Ako’y uhaw na uhaw sa iyong masuyong alo na inaasahan kong di mo ipagkakait sa iyong tapat at tuwina’y mairuging asawa.”

BINAY.

Sinabayan ng punit ang liham, pinaggutay-gutay at ipinalipad sa hanging humahagunot sa matulin niyang sasakyan.

At ang sabi sa sarili:

—Tapat na asawa!....... Kung ang lahat ng tapat ay gaya niya, ay baligtad na ang daigdig. Wala ng taksil; wala nang maituturing pang pagkakanulo sa puring dapat na ingatan at mahalin tuwina...... ¡¡Tapat na asawa!!.......

At ang bali—Hindi ako pahahalata. Makikipagkita ako kay Binay at kung siya’y madaya ko yamang ako’y dinaya din lamang niya, ay walang salang di magiging mapalad ako sa piling ni Nati.

Samantalang ito’y nangyayari si Nati naman sa gitna ng gayong dagok ng kapighatian ay waring walang ikakaya at ang kaniyang pihikang katawan ay linulupig ng dalamhati.

Ang ulo niya’y parang iginigiba sa paniwalang siya’y pinaglalaruan ni Manéng at di siya marahil nasang pagtapatan. Ang paniwalang si Mameng ang siyang pinaguubusan niya ng suyo at sanhi ng gayong alinlangan ay uutas mandin sa kanyáng buhay.

At ngayon pa namang ang kanyang kalagayan ay napapanganib.

Ang lagnat ay katulong din namang sa kanya’y gumagahasa at mahina palibhasa ang loob at mairugin tuwinang magbasá niyang mga balitang “nagpatiwakal dahil sa pag-ibig” ay nagwawaging kasalukuyan sa kanyang diwa ang nasa na magkitil ng sariling buhay.

At gaya ng ibang hibang na sumusulat muna bago pugtuin ang hininga ay hinawakan ang panitik at ang inaakala niyang HULING PATI ay itinitik:

KAY MANENG

“Ang di mo pagtugon sa aking ilinatag na suliranin sa iyo na di mo linutas; Ang katayuan kong talastas mo na; Ang iba’t ibang pangyayari na alam mo na rin, na siyang nagudyok sa iyo ng pagbabalintulot. Ang lahat ng ito ay tulong tulong na humahatol sa akin na dapat na akong magpahinga.

“Kung ang sulat na ito ay sumaiyong kamay, kaipala’y ang kaluluwa ko’y kaharap na ni Bathala upang kanyang litisin.

“Yayaon ako Manéng na taglay ko ang maningas na pag-ibig sa iyo na ipinunla mo sa aking puso. Ang ating... ay di na tunay na malaking kahihiyan natin.

“Iligtas ka ng Panginoon sa anomang kapanglawan at sa libingan ko’y ilagay mo lamang ang gayari:

Isang kulang palad na ayaw maging iná ng isang anak na walang amang tatawagin”.

Si Mameng ay parang tinutupok sa anyo ng kanyang pinsan na pagkaumaga na’y di man lamang siya kinakausap, at sa hinala na baka may ipinahahayag na si Maneng na sanhi ng gayong pagwawalang imik ni Nati, ay di siya mapalagay. Waring siya’y napapaso.

Sapagka’t si Nati ay nagkulong sa kanyang silid ay ginahis din si Mameng ng ugaling babai na tumaho ó magnais na tumaho ng lihim ng ibá, kaya’t sinilip niya sa butas ng susian ng pintuan kung ano ang nangyayari sa loob ng silid.

At ang kanyang nakita ay ang pagsulat ni Nati ng kanyang liham. Nakita ni Mameng na binabasa ni Nati ang kanyang sulat at pagkatapos ay nakita niyang may binubuksang isang kahita at doo’y kumuha ng isang pastillas na pikit matang isinamual. Sa kahita ay ang mapulang bungo ang napapansin.

At naramdaman yata sa lasong isinamwal na kasama noon ang kamatayan ay napahindusay na agad na ang dalawang kamay ay napabitin na parang pinanawan ng lakas.

Napahiyaw si Mameng ng ubos lakas at ang tanang kasambahay ay nagkagulong dumaló sa silid ni Nati.

Kay lungkot na tanawing nagbabalitang ang bahay na yaon ng katahimikan ay may isang panauhing kakilakilabot: Si Kamatayan.

Dumalo si Anselmo at si Mameng na sinaklulohan ang hibang na si Nati na sa pagkagulat ay bumagsak sa hihigang walang diwa at hawak sa kamay ang tagasiwalat ng lihim na kanyang huling liham.

Binasa ni Anselmo ang liham na nagbubunyag ng pagtatapat ni Nati at nang kakilakilabot na gagawin na ginanap na at nang ito’y natalastas ay isinalokbotan ang kalatas nang huwag matalastas nino man.

Ipinagbilin ni Selmo kay Mameng na huwag hihiwalayan si Nati ano mang mangyari, samantalang hindi siya dumarating at tinungo ang tahanan ni Maneng na sanhi ng lahat ng yaon pagkatapos na matawag si Dr. F... upang dumalo nang daglian sa kanilang tahanan.

At dinatnan ng Doctor na pinagaagaw si Nati, at sa bibig na bumubula ay dinudukot ni Mameng ang lason na nadurog na at animo’y gabok na mapula na kanyang hinuhugasang palagi kung sa kanyang kamay na idinudukot sa bibig ni Nati ay pumigta ang sublimado corrosivo na nagdadanak sa laway ng nagpatiwakal.

Pinainom ng pangpasuka ni Dr. F... at sa panahon, ay pinalabas sa kanya ring pinasukan si Kamatayan na piniging ni Nati upang siya’y ilipad na sa bayang payapa.

Si aling Tayang ay walang malamang gawin at gahol na gahol na pinatawag si Yoyong ng Pare.