LIX.
ANG KINAGUISNANG BAYAN AT ANG MG̃A PAG-AARI.
Lihim na ibinalità ng̃ telégrafo ang nangyaring iyón sa Maynilà at ng̃ macaraan ang tatlompó't anim na horas ay nang̃agsasaysay na ng̃ bagay na iyón ng̃ malakíng talinghagà at hindi cacauntîng mg̃a pagbabalà, ang mg̃a pamahayagan, na dinagdagán, pinagbuti at binawasan ng̃ fiscal. Samantala'y mg̃a balitàng tang̃ing mulâ sa mg̃a convento ang nang̃aunang tumacbóng salinsalin sa mg̃a bibíg, sa lihim, na nagbíbigay ng̃ malakíng tacot sa bawa't macaalam. Ang nangyaring iyóng sa libolibong pagcacabalità'y nagcaiba ng̃ lubhâ, pinaniniwalâan ng̃ humiguit cumulang na cadalian, alinsunod sa cung nagpapapuri ó nacasásalansang sa mg̃a hidwáng hílig at anyô ng̃ caisipán ng̃ bawa't isá.
Bagá man hindi nasisirà ang catahimican ng̃ bayan, sa paimbabáw man lamang, ng̃uni't naliligalig ang capayapaan ng̃ bahay, tulad sa nangyayari sa isang lawà: bagá man nakikitang patag at waláng anó mang alon ang dacong ibabaw, ng̃uni't sa ilalim ay gumágamáw, nang̃agtatacbuhan at nang̃agháhabulan ang mg̃a piping isdâ. Nang̃agpasimuláng nang̃agpainog-inog, wang̃is sa mg̃a paró-paró, ang mg̃a cruz, mg̃a condecoración, mg̃a galón, mg̃a catungculan, mg̃a carang̃alan, capangyarihan, calakhán, matataas na camahalan at ibá pa, sa isáng impapawid na guintóng salapî sa mg̃a matá ng̃ isáng bahagui ng̃ mg̃a mámamayan. Sa isáng bahagui namán ng̃ mg̃a mámamayang iyá'y napailangláng sa abót ng̃ paning̃in ang isáng alapaap na madilím, at nang̃ing̃ibabaw sa culay abó-abóng pinacapang-ilalim, ang maiitim na parang anino ng̃ mg̃a rejas, mg̃a tanicalâ, at pati ng̃ calaguimlaguim na bibitayán. Warì'y náriring̃ig sa hang̃in ang mg̃a tanóng, ang mg̃a bató, ang mg̃a sigáw na pinápacnit ng̃ mg̃a pahirap; nagagamagam ang Marianas at ang Bagumbayang cápuwâ nang̃ababalot ng̃ isáng parang maduming pigtâ ng̃ dugóng culubóng: na sa culabô ang mg̃a mang̃ing̃isdâ at ang mg̃a isdâ. Ang nangyaring iyó'y iniláladlad ni Capalaran sa guniguní ng̃ mg̃a tagá Maynilàng tulad sa mg̃a tang̃ing paypáy na galing sa China: napipintahan ng̃ itim ang isáng mukhâ; ang isá namá'y puspós ng̃ dorado, matitingcád na mg̃a culay, mg̃a ibon at mg̃a bulaclac.
Naghaharì sa mg̃a convento ang malakíng ligalig. Isinísingcaw ang mg̃a carruaje, nang̃agdádalawan ang mg̃a provincial, may lihim na mg̃a pulong. Nang̃agsisiharap silá sa mg̃a palacio upáng caniláng ihandóg ang caniláng tulong sa Gobierno na na sa calakilakihang pang̃anib. Muling napagsalitaanan ang mg̃a cometa, ang mg̃a pasaring, ang mg̃a matutulis na pananalità, at ibá pa.
—¡Isáng Te Deum, isáng Te Deum!—ang sinasabi ng̃ isáng fraile sa isáng convento;—¡at ng̃ayó'y sino ma'y huwag magcuculang sa pagpasacoro! ¡Hindi cacaunting cagaling̃an ang guinawâ ng̃ Dios, na ipakita cung gaano ang cahalagahan natin, ng̃ayón pa namán sa mg̃á panahóng itóng totoong nápacasasamâ!
—Dahil sa ganitóng muntíng turò, marahil ay kinácagat ang canyàng mg̃a labì ng̃ generalillong Buisit,—ang sagót namán ng̃ isá.
—¿Anó cayâ ang nangyari sa canyá cung hindi ang mg̃a Capisanan ng̃ mg̃a fraile?
—At ng̃ lalong umínam ang ating pagdiriwang, ipagbigay álam sa uldóg na tagapagluto at sa procurador ... ¡Gaudeamus (cainan) sa tatlóng araw!
—¡Amen!, ¡Amen! ¡Mabuhay si Salvi¡ ¡Mabuhay!
Ibá namán ang salitaan sa isáng convento.
—¿Nakita na ninyó? Iyá'y isáng nag-aral sa mg̃a jesuita; ¡lumálabas sa Ateneo ang mg̃a filibustero!—ang sabi ng̃ isáng fraile.
—At ang mg̃a caaway ng̃ mg̃a fraile.
—Sinabi co na: ipinapahamac ng̃ mg̃a jesuita ang lupaíng itó, pinahahalay ang ugali ng̃ cabatàan; datapuwa't pinababayaan, sila't dahil sa gumuguhit sa papel ng̃ iláng mg̃a waláng cawawaang cahig manóc cung lumilindol....
—¡At ang Dios ang nacacaalam cung papaano ang mg̃a pagcacagawâ!
—Siyá ng̃â, ¿datapuwa't mang̃ahas cayóng sumalansang sa canila? ¡Pagca nang̃ng̃iníg at gumágalaw ang lahat! ¿sino ang macasusulat ng̃ mg̃a cahig-manóc! ¡Walâ, si parì Secchi!....
At nang̃agng̃ing̃itîan ng̃ malakíng pagpapawaláng halagá.
—¿Ng̃uni't ang mg̃a sigwá? at ¿ang mg̃a bagyó?—ang tanóng ng̃ isá ng̃ matindíng paglibác;—¿hindi ba cadakidakilàan iyán?
—¡Sino mang mang̃ing̃isda'y nahuhulàan ang mg̃a bagay na iyán!
—Pagcâ ang namiminuno'y isang halíng ... ¡sabihin mo sa akin cung anó ang anyô ng̃ iyong ulo, at sasabihin co sa iyó cung anó ang iyong panicad! Ng̃uni't makikita rin ninyó cung nang̃agtatangkilican ang mang̃agcacaibigan: halos hiníhing̃î ng̃ mg̃a pamahayagang bigyán ng̃ isáng mitra (ng̃ catungculang pagca arzobispo ú obispo) si parì Salvi.
—¡At cacamtan ng̃â niyá! ¡Masusunduan niyá ang catungculang iyán!
—¿Sa acalà mo cayà?
—¡At hindi bagá! Ng̃ayó'y ibinibigay ang catungculang iyán cahi't sa waláng cabuluháng bagay. Nacakikilala acó ng̃ isáng sa lalong waláng cabuluha'y nagcamit ng̃ mitra: sumulat ng̃ isáng waláng cawawaang aclát, ipinakilalang waláng caya ang mg̃a indio cung hindi sa mg̃a gawain ng̃ camáy ... ¡psh! ¡matatandâ ng̃ pangcaraniwan!
—¡Tunay ng̃â! ¡Nacasisirà sa religión ang ganyáng caraming mg̃a paglihís sa catuwiran!—ang bigláng sabi namán ng̃ isá;—cung may mg̃a matá sana ang mitra at caniláng makita ang mg̃a bao ng̃ ulong sa canilá'y pagpuputung̃an....
—¡Cung ang mg̃a mitra sana'y pawang mg̃a likhâ ng̃ Naturaleza,—ang dagdág namán ng̃ isá, na ang tinig ay lumalabas sa ilóng.—Natura abhorret vacuum ...
—Cayâ ng̃â cumacapit sa canilá; ¡ang pagcawaláng lamán ang sa canilá'y humahalina!—ang sagót ng̃ isa.
Ang mg̃a itó at iba páng mg̃a bagay ang mg̃a sábihan sa mg̃a convento, at ipinatátawad na namin sa mg̃a bumabasa ang pagsasaysáy ng̃ mg̃a ibáng mg̃a upasalà na may mg̃a culay político, metafísico at mahahangháng. Ating ihatid ang bumabasa sa bahay ng̃ isáng waláng anó mang catungculan, at sapagcá't cácauntî ang cakilala natin sa Maynilà'y doon tayo pumaroon sa bahay ni capitang Tinong, ang lalaking mapag-anyaya, na ating nakitang pinipilit anyayahan si Ibarra upáng papurihan siya ng̃ isáng dalaw.
Sa mayama't maluang na salón ng̃ canyáng bahay sa Tundó ay naroon si capitang Tinong, nacaupo sa isáng malapad na sillón, na hináhagpos ang noo't ang batoc, na may anyóng lubháng nahahapis, samantalang umíiyac at pinagwiwicaan siyá ng̃ canyáng asawang si capitana Tinchang, sa haráp ng̃ canyáng dalawáng anác na babae, na nagsisipakiníg mulâ sa isáng suloc na hindi nang̃agsisiimic, nang̃atútulig at nang̃abábagbag ang loob.
—¡Ay, Virgen sa Antipolo!—ang sigáw ng̃ babae.—¡Ay, Virgen del Rosario at de la Correa! ¡ay!, ¡ay! ¡Nuestra Señora de Novaliches!
—¡Nanay!—ang sa canyá'y sinabi ng̃ bunso sa canyáng mg̃a anác na babae.
—¡Sinasabi co na sa iyó!—ang ipinatuloy ng̃ babae, na pagsisi ang anyô;—¡sinasabi co na sa iyó! ¡ay Virgen del Cármen, ay!
—¡Ng̃uni't hindi ca namán nagsasabi sa akin ng̃ anó man!—ang ipinang̃ahás isagót ni capitang Tinong na napapaiyac;—baligtád, sinasabi mo sa aking mabuti ang aking guinágawâ sa pagmamalimít co sa bahay na iyón at manatili sa pakikipag-ibigan cay capitang Tiago, sa pagcá't ... sa pagcá't mayaman ... at sinabi mo sa aking....
—¿Anó? ¿anó ang sinabi co sa iyó? ¡Hindi co sinasabi sa iyo iyán, walâ acóng sinasabing anó man sa iyó! ¡Ay! ¡cung pinakinggán mo sana acó!
—¡Ng̃ayo'y acó ang bibigyan mong casalanan!—ang itinutol ng̃ masacláp na tinig, at sacâ tumampál ng̃ malacás sa camáy ng̃ sillón;—¿hindi mo ba sinabi sa aking magaling ang aking guinawâ na siyá'y aking inanyayahang cumain dito sa atin, sa pagcá't palibhasa'y mayaman ... sinasabi mong hindi dapat tayong makipagcaibigan cung di sa mayayaman lamang? ¡Abá!
—Tunay ng̃ang sinabi co iyán sa iyó, sa pagcá't ... sa pagcá't walâ ng̃ magágawâ; walâ cang guinágawâ cung hindi purihin siyá; don Ibarra dito, don Ibarra doon, don Ibarra sa lahát ng̃ panig, ¡abaá! Datapuwa't hindi co inihatol sa iyong makipagkita ca sa canyá ó makipagsalitaan ca sa canyá sa pagcacapisang iyon; hindi mo maicacailà itó sa akin.
—¿Nalalaman co bang paparoon siyá roon?
—¡Abá! ¡dapat mong maalaman!
—¿Paano? ¿siyá'y hindi co man lamang nakikilala pa niyon?
—¡Aba! ¡dapat mo siyáng makilala!
—Ng̃uni't Tinchang, ¡paano'y niyón co lamang siyá nakita, at niyón co lamang namán náring̃ig na siya'y pinag-uusapan!
—¡Aba! ¡dapat sanang nakita mo siyá ng̃ una, náring̃ig ang usapan tungcól sa canyá, sa pagcá't lalaki icaw, may salawal ca at bumabasa ca ng̃ Diario de Manila!—ang di mabilíng na sagót ng̃ asawa, casabáy ng̃ pagpapahatid sa canyá ng̃ cakilakilabot na irap.
Waláng maalamang itutol si capitan Tinong.
Hindi pa nasiyahan si capitana Tinchang sa canyáng pagwawaguíng itó'y pinacsáng siyá'y papangguipuspusín, caya't sa canyá'y lumapit na nacasuntoc.
—¿Cayâ ba nagpagál acó ng̃ mahabang panahón at nagtipíd ng̃ hindi cawasà, at ng̃ dahil sa iyóng cahaling̃a'y ipahamac mo ang bung̃a ng̃ aking mg̃a pagod?—ang ipinagwica sa canyá,—Ng̃ayó'y paririto silá't ng̃ icaw ay dalhín sa tapunán, huhubaran camí ng̃ ating pag-aarì, gaya ng̃ nangyari sa asawa ni ... ¡Oh, cung lalaki lamang acó! ¡cung lalaki lamang acó!
At ng̃ makita niyáng tumútung̃o ang canyáng asawa, mulíng nagpasimulâ ng̃ pagtang̃uyng̃óy, ng̃uni't laguì ring inuulit:
—¡Ay, cung lalaki lamang acó! ¡cung lalaki lamang acó!
—At cung naguing lalaki icaw,—ang itinanóng sa cawacasan ng̃ lalaking nadadalimumot na,—¿anó sana ang gagawin mo?
—¿Anó? ¡abá!, ¡abá!, ¡abá! ¡ng̃ayón di'y háharap aco sa Capítan General, upáng acó'y humandóg sa pakikihamoc laban sa mg̃a nanghihimagsic, ng̃ayón din!
—Ng̃uni't ¿hindi mo ba nababasa ang sinasabi ng̃ Diario? ¡Basahin mo! «Nasugpô ng̃ boong higpít, lacás at catigasán ang caliluháng imbî at casamâsamaan, at hindi malalao't daramdamin ng̃ mg̃a suwail na caaway ng̃ Ináng Bayan at ng̃ caniláng mg̃a cainalám, ang boong bigát at cabang̃isán ng̃ mg̃a cautusan» ... ¿nakita mo na? wala ng̃ himagsican.
—Hindi cailang̃an, dapat cang humaráp na gaya ng̃ guinawa ng̃ madla ng̃ taóng 72, at nang̃acaligtás ng̃a namán.
—¡Siya ng̃a! humaráp din si parì Burg....
Datapuwa't hindi natapos ang salita; tinacbó siya ng̃ babae at tinacpán ang canyáng bibíg.
—¡Halá! ¡sabihin mo ang pang̃alang iyán at ng̃ bucas di'y bitayin ca sa Bagumbayan ¿Hindi mo ba nalalamang sucat na ang saysayin ang pang̃alang iyan upang parusahan ca, na hindi cailangan ang gumawa pa ng̃ causa? ¡Halá! ¡sabihin mo!
Cahi't ibiguin man ni capitan Tinong sundin ang utos ng̃ canyáng asawa'y hindi rin mangyayari; natatacpan ang canyang bibig ng̃ dalawáng camáy ng̃ canyáng asawa, at iniipit ang canyang maliit na ulo laban sa licuran ng̃ sillón, at marahil namatay sa pagcainis ang abáng lalaki cung hindi namag-itan ang isáng bagong dumatíng na tao.
Itó'y ang caniláng pinsang si Primitivo, na nasasaulo ang Amat, isáng lalaking may mg̃a apat na pong taón ang gulang, malinis ang pananamit, titiyanin at may catabaan.
—¿Quid video?—ang bigláng sinabi;—¿anó ang nangyayari? ¿Quare?[262]
—¡Ay, pinsan!-anáng babae na umiiyac at tumatacbong patung̃o sa canyá;—ipinatawag cata, sa pagcá't hindi co maalaman cung anó ang mangyayari sa aming mg̃a babae ... ¿anó ba ang hatol mo sa amin? ¡Magsalita ca, icaw na nag-aral ng̃ latin at mg̃a argumento (pakikipagmatuwiran)!..
—Ng̃uni't bago magsalita acó, ¿Quid quaeritis? Nihil est in intellectu quod prius non fuerit in sensu; nihil volitum quin praecognitum,[263]
At marahang naupô. Anaki mandín ang mg̃a sinabing wicang latin ay may bisàng nacapagbibigay capanatagán, capuwa tumiguil ng̃ pagtang̃is ang mag-asawa, at nang̃agsilapit sa canyá at hinihintay sa canyáng mg̃a labì ang aral, na gaya namán ng̃ guinágawa ng̃ mg̃a griego ng̃ una cung hinihintay ang pangligtas na salita ng̃ «oráculo» na macapagliligtas sa canilá sa manglulusob na mg̃a tagá Persia.
—¿Bakit cayó umiiyac? ¿Ubinam gentium sumus?[264]
—Nalalaman mo na ang balità tungcol sa panghihimagsic.
—¿Alzamentum Ibarræ ab alferesio Guardiæ civilis destructum? ¿Et nunc? ¿At anó? ¿May utang ba sa inyó si don Crisóstomo?
—Wala, ng̃uni't talastasin mong inanyayahan siyá ni Tinong na cumain dito, bumati sa canyá sa tuláy ng̃ España ... ¡sa liwanag ng̃ araw! ¡Wiwicain niláng si don Crisóstomo'y canyáng caibigan!
—¿Caibigan?—ang bigláng sinabing námamangha ang latino, at saca tumindíg, ¡amice, amicus Plato sed magis amica veritas![265] ¡Sabihin mo sa akin cung sino ang casacasama mo at sasabihin co sa iyo cung sino icaw! ¡Malum negotium et est timendum rerum istarum horrendissimum resultatum![266]
Namutla ng̃ catacottacot si capitang Tinong ng̃ canyang marinig ang gayóng caraming salitáng ang catapusá'y um; ang tunog na itó'y ipinalálagay niyáng masama ang cahulugan. Pinapagdaóp ng̃ canyáng asawa ang dalawáng camáy sa pagsamò, at nagsabi:
—Pinsan, huwag mo camíng causapin ng̃ayon ng̃ latín; talastás mo nang hindi cami mg̃a filósofong gaya mo; causapin mo camí ng̃ tagalog ó castilà, datapuwa't hatulan mo camí ng̃ dapat naming gawín.
—Sayang na hindi cayó marunong ng̃ latín, pinsan; ang mg̃a catotohanan sa latín ay casinung̃aling̃an sa tagalog, sa halimbawà: contra principia negantem fustibus est argüendum,[267] sa latín ay isáng catotohanang tulad sa Daóng ni Noé; minsa'y guinamit co sa gawa ang bagay na iyán, ang pinangyarihan ay acó ang nabugbóg. Dahil dito, cahinahinayang na hindi cayó marunong ng̃ latín; sa latín ay mahuhusay na lahát.
—Camí ay maraming nalalaman namáng oremus, parcenobis at Agnus Dei Catolis, ng̃uni't ng̃ayó'y hindi tayo magcacáwatasan. ¡Bigyán mo ng̃a ng̃ isáng argumento si Tinong at ng̃ huwág siyáng bitayin!
—¡Masama ang guinawa mo, totoong cásamasamaan ang guinawa mo, pinsan, sa iyong guinawáng pakikipagcaibigan sa binatang iyan!—ang mulíng sinabi ng̃ latino.—Nagbabayad ang mg̃a waláng casalanan sa gawâ ng̃ mg̃a macasalanan; halos ihahatol co sa iyong gawin mo na ang iyong testamento (casulatang pinaglálagdaan ng̃ mg̃a hulíng kalooban ng̃ isáng tao).... ¡Vae illis! Ubi est fumus ibi est ignis! Similis simili gaudet; alqui Ibarra ahorcatur, ergo ahorcaberis!....[268]
At nagpapailing-iling na masamâ ang loob.
—¡Saturnino, anó ang nangyayari sa iyo!—ang sigáw ni capitana Tinchang, na puspós ng̃ tacot;—¡ay, Dios co! ¡Namatáy! ¡Isáng manggagamót! ¡Tinong, Tinonggoy!
Dumaló ang dalawáng anác na babae at nagpasimula ang tatló ng̃ pananambitan.
—¡Itó'y isang panghihimatáy lámang, pinsan, isáng panghihimatáy! Lalo pa sanang icatutuwâ co cung ... cung ...; datapuwa't sa cawaláng palad ay walà cung di isáng panghihimatay lamang. Non timeo mortem in catre sed super espaldonem Bagumbayanis.[269] ¡Magdalá cayó rito ng̃ tubig.
—¡Huwág cang mamatáy!—ang panambitan ng̃ babae;—¡huwág cang mamatáy, sa pagcá't paririto silá't huhulihin icaw! ¡Ay, cung icaw ay mamatáy at saca pumarito ang mg̃a sundalo, ¡ay! ¡ay!
Winiligán ng̃ pinsan ng̃ tubig ang mukha ni capitang Tinong, at pinag-saulìan itó ng̃ pag-iisip.
—¡Halá, huwág cayóng umiyác! Inveni remedium, nasumpung̃an co na ang gamót. Ilipat natin siyá sa canyáng hihigán; ¡hala! ¡tapang̃an ninyó ang inyóng loob! nárito acó at ang lahát ng̃ carunung̃an ng̃ mg̃a tao sa una.... Magpatawag cayó ng̃ isáng doctor;—at ng̃ayón din, pinsan cong babae, pumaroon ca sa capitán general at dalhán mo siyá ng̃ isáng handóg, isáng tanicalang guinto, isáng singsíng.... Dadivae quebrantant peñas; (dumudurog ng̃ bató ang handóg); sabihin mong iyá'y handóg dahil sa pascó. Sarhán ninyó ang mg̃a bintanà, ang mg̃a pintô, at sino mang magtanóng sa aking pinsan, sabihin ninyóng may sakít na mabigát. Samantala'y susunuguin co ang lahát ng̃ mg̃a súlat, mg̃a papel at mg̃a libró at ng̃ huwag siláng macakita ng̃ anó man, gaya ng̃ guinawâ ni don Crisóstomo. Scripti testes sunt! Quod medicamenta, non sanant, ferrum sanat, quod ferrum non sanat, ignis sanat [270].
—¡Oo, tanggapin mo, pinsan; sunuguin mong lahát!-ani capitana Tinchang;—nárito ang mg̃a susì, nárito ang mg̃a sulat ni capitang Tiago, ¡sunuguin mong lahát! Huwag ca sanang mag-iiwan ng̃ anó mang pamahayagang galing sa Europa, sa pagcá't totoong nacapagbibigay pang̃anib. Nárito itong mg̃a The Times na aking iniing̃ata't ng̃ mapagbalutan ng̃ mg̃a sabón at ng̃ mg̃a damít. Nárito ang mg̃a libro.
—Pumaroon ca na sa capitán general, pinsan,—aní Primitivo;—pabayaan mo acóng mag-isá. In extremis extrema. Bigyán mo acó ng̃ capangyarihan ng̃ isáng tagapamatnugot na romano, at makikita mo cung paano ang pagliligtás na gagawín co sa bay ... sa aking pinsáng lalaki bagá.
At nagpasimula ng̃ sunódsunod na pag-uutos, ng̃ paghalo ng̃ mg̃a estante, ng̃ pagpupunit ng̃ mg̃a papel, mg̃a libró, mg̃a sulat at iba pa. Hindi nalao't nag-álab sa cocina ang isáng sigâ; caniláng sinibác ng̃ palacól ang mg̃a lumang escopeta; itinapon nilá sa cumón ang mg̃a cálawang̃ing revolver; ang alilang babaeng ibig sanang iligpít ang cañón ng̃ isáng revolver at ng̃ magamit na hihip ay kinagalitan:
—¿Conservare etiam sperasti, perfida? ¡Sa apóy!
At ipinatuloy ang canyáng pagsúnog.
At nacakita ng̃ isáng líbróng ang balát ay pergamino (balát ng̃ vaca) ay binasa niyá ang pang̃alan:
«Mg̃a revolución ng̃ mg̃a globo sa lang̃it» (mg̃a ganáp na pag-inog ng̃ mg̃a planeta sa caniláng talagáng tinatacbuhan), na sinulat ni Copérnico; ¡pfui! ¡ite maledicti, in ignem calanis!—ang bigláng sinabi at saca inihaguis sa ning̃as. ¡Mg̃a revolución at saca si Copérnico pa! ¡Patong patong na casalanan! Cung di dumatíng acó sa capanahunan ... «Ang calayaan ng̃ Filipinas»; ¡Tatata! ¡pagca mg̃a libro! ¡Sa apóy!
At sinunog ang mg̃a libróng waláng caanoano mang casamaan, na sinulat ng̃ mg̃a taong waláng malay. Hindi man lamang nacaligtas ang nagng̃ang̃alang «Capitang Juan», na napacawalang sala. May catuwiran si pinsáng Primitivo: nagbabayad ang mg̃a waláng casalanan sa mg̃a sála ng̃ mg̃a macasalanan.
Nang macaraan ang ápat ó limáng oras ay pinagsasalitaanan ang casalucuyang mg̃a nangyayari sa isáng púlong ng̃ mg̃a nagmámataas, sa loob ng̃ Maynilà. Silá'y caramihang matatandáng babae at mg̃a dalagang matatandáng nacaca-ibig mag-asawa, mg̃a asawa ó mg̃a anác na babae ng̃ mg̃a cawaní ng̃ pamahalaan, nang̃acasuot ng̃ báta, nang̃agpápaypay at nang̃aghíhicab. Capanayám ng̃ mg̃a lalaki, na cawang̃is din namán ng̃ mg̃a babaeng sa caniláng pagmumukha'y nahihiwatigan kung anó ang caniláng pinag-aralan at ang caniláng pinagbuhatan, ang isáng guinoong may catandáan na, maliit at pingcáw, na pinagpipitaganan ng̃ mg̃a naroroon, at siyá namá'y nagpapakita sa canyáng mg̃a caharap ng̃ isáng pagpapawaláng halagá sa canyáng hindi pag-imic.
—Ang catotohanan ay dating totoong nasususot acó sa mg̃a fraile at sa mg̃a guardia civil, dahil sa cagaspang̃án ng̃ caniláng mg̃a asal,—ang sabi ng̃ isáng matabáng guinoong babae; ng̃unit ng̃ayóng nakikita co ang sa canila'y pinakikinabang at ang caniláng mg̃a paglilingcod, hálos aking icagágalac na pacasál sa alín man sa canilá. Macabayan acó.
—¡Gayón din ang sabi co!—ang idinagdág ng̃ isáng babaeng payát;—¡sáyang at ng̃ayo'y walâ rito ang náunang gobernador; cung siyá ang náririto'y lilinising parang «patena» ang bayang itó!
—¡At malilipol ang mg̃a lahì ng̃ mg̃a filibusterillo!
—Hindi ba ang sábiha'y marami pa ang mg̃a pulóng kinacailang̃ang padalhán ng̃ mg̃a mámamayan doon. ¡Bakit hindi itápon doon ang ganyán caraming mayayabang na mg̃a indio! Cung acó ang capitán general....
—Mg̃a guinoong babae,—anáng pingcáw;—nalalaman ng̃ capitán general cung anó ang canyáng catungculan; ayon sa aking náring̃ig ay totoong galit na galit siyá; sa pagcá't canyáng pinuspós ng̃ mg̃a biyaya ang Ibarrang iyán.
—¡Pinuspos ng̃ mg̃a biyaya!—ang inulit ng̃ payát na babae, na nagpápaypay ng̃ malaki ang poot;—¡tingnán na ng̃a lamang ninyó ang pagca hindi marunong cumilala ng̃ útang na loob nitong mg̃a indio! ¿Mangyayari bagáng silá'y ipalagáy na mg̃a tao sa pagpapanayám? ¡Jesús!
—At ¿nalalaman ba ninyó ang aking náring̃ig?—ang tanóng ng̃ isáng militar.
—¡Tingnán natin!—¿Anó iyón?—¿Anó ang sinasabi nilá?
—Pinagtitibay ng̃ mg̃a taong mapaniniwalaan,—anáng militar sa guitná ng̃ lalong malakíng hindi pag-imic ng̃ madlâ;—na ang lahát ng̃ mg̃a caing̃ayang iyón sa pagtatayô ng̃ isáng páaralan ay walâ cung di pawang catacata lámang.
—¡Jesús! ¿nakita na ninyó?—ang bigláng sinabi ng̃ mg̃a babae, na nang̃ag sisipaniwalà na sa catacata.
—Isáng sangcalan lámang ang páaralan; ang bantà niyá'y magtayô ng̃ isáng cutà, at ng̃ buhat doo'y macapang̃anlóng cung silá'y lusubin na namin....
—¡Jesús! ¡pagcálakilaking cataksilan! Ang isáng indio ng̃a lámang ang tang̃ing macapagtátaglay ng̃ ganyáng pagcaimbiimbíng mg̃a isipan,—ang bigláng sinabi ng̃ babaeng matabâ. Cung acó ang capitán general, nakita sana nilá ... nakita sana nilá....
—¡Gayón din ang sabi co!—ang bigláng sinabi namán ng̃ babaeng payát na ang pingcáw ang kinacausap. Dáracpin co ang lahát ng̃ abogadillo, cleriguillo, máng̃ang̃alacal, hindi co na pagagawán pa ng̃ causa at silá'y aking itatapon ó ipadádalá sa ibáng lupaín. ¡Bawa't masamâ'y bunutin patí ng̃ ugát!
—¡Abá, sabihana'y castilà ang magugulang ng̃ filibusterillong iyán!—ang pahiwatig ng̃ pingcáw na hindi tumiting̃in cang̃ino man.
—¡Ah, gayón palá!—ang sinabing mariin ng̃ hindi masiyahang babaeng matabâ;—¡cailán ma'y ang mg̃a halûan ang dugô! ¡sino mang indio'y hindi nacawawatas ng̃ panghihimagsic! ¡Mag-alagà ca ng̃a namán ng̃ mg̃a uwác! ¡mag-alagà ca ng̃a namán ng̃ mg̃a uwác!...
—¿Nalalaman ba ninyó ang naring̃ig cong salitaan?—ang itinanóng ng̃ isáng babaeng halûan ang dugô (mestiza), na sa gayóng paraa'y pinutol ang salitaan.—Ang asawa raw ni capitáng Tinong ... ¿naaalaala ba ninyó? iyong may-ari ng̃ bahay na ating pinagsayawan at hinapunan niyóng fiesta sa Tundó....
—¿Iyón bang may dalawáng anác na babae? ¿at anó?
—¡Abá, ang babaeng iyó'y bagong caháhandog ng̃ayóng hapon sa capitán general ng̃ isáng singsíng na isáng libong piso ang halagá!
Luming̃ón ang pingcáw.
—¿Siyá ng̃a ba? ¿at bakit?—ang tanóng na numíningning ang mg̃a matá.
—Ang sabi raw ng̃ babae, iyón daw ay bigáy niyáng papascó....
—¡Isáng buwán pa muna ang lálampas bago dumating ang pascó!
—Marahil nang̃ang̃anib na bacá lagpacán siya ng̃ sigwá ...—ang pahiwatig ng̃ babaeng matabâ.
—At caya siyá'y cumúcubli,—ang idinugtóng ng̃ babaeng payát.
—Ang pagsasanggaláng cahi't hindi pinúpucol nino man ay pagpapakilalang tunay na may casalanan.
—Iyán ng̃a ang sumasaisip co; tinamaan ninyó ang sugat.
—Kinacailang̃ang tingnáng magalíng iyán,—ang hiwatig ng̃ pingcáw;—nang̃ang̃anib acóng baca riyá'y may nacáculong na pusà.
—¡Nacáculong na pusà! iyán ng̃a! iyán ng̃a sana ang sasabihin co!—ang inulit ng̃ babaeng payát.
—At acó,—ang sinabi namán ng̃ isáng babae, na umagaw ng̃ pananalita sa payát;—ang asawa ni capitang Tinong ay napacaramot ... hanggá ng̃ayo'y hindi pa tayo pinadádalhan ng̃ anó mang hangdóg, gayóng tayo'y napaparoon na sa canyáng bahay. Tingnán ninyó, pagcá ang isáng maramot at macamcam ay nagbibitiw ng̃ isang handóg na isáng libong piso'y ...
—¿Ng̃uni't totoó ba iyán?—ang tanóng ng̃ pingcáw.
—¡At napacatotoo! ¡at napacatunay! sinabi sa aking pinsáng babae ng̃ nang̃ing̃ibig sa canyá, na ayudante ng̃ capitán general. At hálos ibig cong acalaing ang singsíng na iyón ang suot ng̃ pang̃anay ng̃ araw ng̃ cafiestahan. ¡Siya'y lagui ng̃ batbát ng̃ mg̃a brillante!
—¡Siyá'y isáng tindahang lumalacad!
—Isáng paraan din namáng magalíng upáng macapagbilí, na gaya rin ng̃ alin man sa ibáng mg̃a paraan. Nang huwag ng̃ bumilí pa ng̃ isáng tautaohan ó bumayad pa ng̃ isang tindahan....
Linisan ng̃ pingcáw ang pulong na iyon sa pamamag-itan ng̃ isáng dahilán.
At ng̃ macaraan ang dalawáng oras, ng̃ nang̃atutulog na ang lahát, tumangáp ang iláng namamayan sa Tundo ng̃ isáng anyaya sa pamamag-itan ng̃ mg̃a sundalo ... Hindî mapabayáan ng̃ Punong may capangyarihang ang mg̃a tang̃ing táong mg̃a mahal at may mg̃a pag-aari ay matulog sa caniláng báhay, na hindi magalíng ang pagcacaing̃at at bahagya na ang lamig: ang pagtulog sa Fuerza ng̃ Santiago at iba pang mg̃a bahay ng̃ gobierno'y lálong tiwasáy at nagsasaulì ng̃ lacas. Casama sa mg̃a táong itóng pinacamamahal ang caawa-awang si capitang Tinong.
LX.
MAG-AASAWA SI MARIA CLARA.
Natútuwâ ng̃ mainam si capitán Tiago. Sa boong panahóng itóng catacot-tacot ay walâ sino mang nakialam sa canyá: hindi siyá ibinilanggô, hindi pinahirapan siyá sa pagcáculong na sino ma'y hindi macausap, mg̃a pagtanóng, mg̃a máquina eléctrica, mg̃a waláng licat na pagbasâ ng̃ tubig mulâ sa talampacan hanggáng tuhod sa mg̃a tahanang na sa ilalim ng̃ lupà, at ibá pang mg̃a catampalasanang totoong kilalá ng̃ mg̃a tang̃ing guinoong tumatawag sa caniláng sarili ng̃ «civilizado». Ang canyáng mg̃a caibigan, sa macatuwíd bagá'y ang canyáng naguíng mg̃a caibigan (sa pagcá't tinalicdán na ng̃a ng̃ lalaki ang canyáng mg̃a caibigang filipino, mulâ sa sandaling silá'y maguíng mg̃a hinalain sa gobierno), nang̃agbalíc na namán sa canícaniláng bahay, pagcatapos ng̃ iláng araw ng̃ caniláng pagliliwalíw sa mg̃a bahay ng̃ gobierno. Ang capitán general din ang siyáng sa canilá'y nagpalayas sa mg̃a tahanang canyáng pinamamahalaan, palibhasa'y ipinalagáy niyáng hindi silá carapatdapat na manatili roon, bagay na lubháng ipinagdamdám ng̃ pingcaw, na ibig sanang ipagsayá ang malapit ng̃ dumating na pascó sa casamahan ng̃ gayóng mayayaman at masagana.
Umuwi sa canyáng bahay si capitáng Tinong na may sakít, putlain at namámagâ,—hindi nacagalíng sa canyá ang pagliliwalíw,—at lubháng nagbago, na anó pa't hindi nagsásalitâ ng̃ catagâ man lamang, hindi bumabatì sa canyáng mg̃a casambaháy, na tumatang̃is, nagtátawa, nagsásalitâ at nang̃ahahalíng sa galác ng̃ loob. Hindi na umaalis sa canyáng bahay ang cahabaghabag na tao, at ng̃ huwág lumagáy sa pang̃anib na macabatì sa isáng filibustero. Cahi't ang pinsán mang si Primitivo, bagá man tagláy niyá ang boong carunung̃an ng̃ mg̃a tao sa una, ay hindi macuhang siyá'y mapaimíc.
—Crede, prime,—ang sabi sa canyá;—pinisíl sana nilá ang liig mo cung hindi co sinunog ang lahát mong mg̃a papel; datapuwa't cung nasunog co sana ang boong bahay, hindi man lamang sana hinipo cahi't ang buhóc mo. Pero quod eventum, eventum; Gracias agamus Domino Deo quia non in Marianis Insulis es, camoles seminando[271].
Hindi cailâ cay capitán Tiago ang mg̃a nangyaring catulad ng̃ pinagdanasan ni capitán Tinong. Nagcacanlalabis sa lalaki ang pagkilalang utang na loob, bagá man hindi niyá maturól cung sino caya ang pinagcacautang̃an niyá ng̃ gayóng tang̃ing mg̃a pagtatangkilic. Ipinalálagay ni tía Isabel na ang bagay na iyó'y himalâ ng̃ Virgen sa Antipolo, ng̃ Virgen del Rosario, ó cung hindi ma'y ng̃ Virgen del Cármen, at ang lalong cáliitang canyáng mahihinala'y himalâ ng̃ Nuestra Señora de la Correa: ayon sa canyá'y hindi sasala sa alin man sa canilá ang gumawâ ng̃ himalâ. Hindi itinátanggui ni capitán Tiago ang cababalaghán, ng̃uni't idinúrugtong:
—Pinaniniwalaan co, Isabel, datapuwa't marahil ay hindi guinawáng mag-isa ng̃ Virgen sa Antipolo; marahil siyá'y tinulung̃an ng̃ aking mg̃a caibigan, ng̃ aking mamanugang̃in, ni guinoong Linares, na nalalaman mo nang binibirò pati ni guinoong Antonio Cánovas, iyón bagáng nacalagáy ang larawan sa «Ilustración», iyóng aayaw papaguingdapating ipakita sa mg̃a tao cung di ang cabiyác lamang ng̃ canyáng mukhâ.
At hindi mapiguil ng̃ mabait na tao ang isáng ng̃itî ng̃ canyáng pagcatuwâ, cailán ma't canyáng máring̃ig ang isáng mahalagáng balità tungcól sa mg̃a nangyari. At tunay ng̃a namáng dapat icatuwâ. Pinagbubulungbulung̃anang mabibitay si Ibarra; sa pagcá't bagá man maraming totoo ang mg̃a caculang̃ang pangpatibay upáng siyá'y maparusahan, nitóng huli'y may sumipót na nagpapatotoo sa sumbóng na laban sa canyá; na may mg̃a pahám na nagsaysáy na maáari ng̃ang cutà ang escuélahan, ayon sa anyó ng̃ pagcacágawâ, bagá man may cauntíng caculang̃án, bagay na siyá na ng̃a lamang maáasahan sa hang̃ál na mg̃a indio. Ang mg̃a aling̃awng̃áw na itó ang siyáng sa canyá'y nacapapanatag at nacapagpapang̃itî sa canyá.
Cung paano ang pagcacaiba ng̃ mg̃a bálac ni capitáng Tiago at ng̃ canyáng pinsáng babae, nang̃agcacahatì namán ang mg̃a caibigan ng̃ familia sa dalawáng bahagui; nananalig ang isáng bahaguing yaó'y gawâ ng̃ himalâ, at ang isáng bahagui namá'y inaacalang gawâ yaón ng̃ pámahalaan, bagá man ang naniniwalà ng̃ ganito'y siyáng lalong cácauntî. Nagcacabahabahagui namán ang mg̃a nagpapalagay na yaó'y himalâ: nakikita ng̃ sacristan mayor sa Binundóc, ng̃ babaeng maglalacò ng̃ candilà at ng̃ puno ng̃ isáng cofradía, ang camáy ng̃ Dios na pinagagalaw ng̃ Virgen del Rosario; sinasabi namán ng̃ insíc na magcacandilà na siyáng nagbibili ng̃ candilà cay capitán Tiago cung siyá'y napasasa Antipolo, casabay ang pagpapaypáy at pag-ugóy ng̃ mg̃a hità:
—¡No siya osti gongóng; Miligen li Antipolo esi! Esi pueli mas con tolo; no siya osti gongóng.[272]
Pinacámamahal ni capitang Tiago ang insíc na iyón, na nagpapánggap na manghuhulà, manggagamot, at ibá pa. Minsa'y sa pagting̃in sa palad ng̃ camáy ng̃ canyáng nasirang asawang na sa icaanim na buwan ang cabuntisán ay humulà ng̃ ganitó:
—¡Si eso no hómele y no pactaylo, mujé juete-juete![273]
At sumilang sa maliwanag si María Clara upáng maganap ang hulà ng̃ hindi binyagan.
Si capitan Tiago'y maing̃at at matatacutin, caya't hindi agad-agad macapagpasiyá na gaya ng̃ guinawa ni Paris na taga Troya, hindi niyá matang̃i ng̃ gayón gayón lamang ang isá sa dalawáng Virgen, sa tacot niyáng bacá magalit ang isá sa canilá, bagay na macapágbibigay ng̃ malaking capahamacán.—«¡Mag ingat!»—ang sabi niyá sa canyáng sarili;—«¡baca pa ipahamac natin!»
Na sa ganitóng pag aalinlang̃an siyá, ng̃ dumating ang pangcát na cacampi ng̃ gobierno; si doña Victorina, si Don Tiburcio at si Linares.
Nagsalitâ si doña Victorina sa ng̃alán ng̃ tatlong lalaki, bucód sa nauucol sa canyáng sarili; binangguit niyá ang mg̃a pagdalaw ni Linares sa capitan general, at inulit-ulit ang cabutihang magcaroon ng̃ isang camag anac na mataás na tao.
—¡Ná!—ang iwinacas,—como izimos: el que a buena zombra ze acobija buen palo ze le arrima.[274]
—¡Tum ... tum ... tumbalic, babae!—ang isinala ng̃ doctor.
May tatlóng araw ng̃ guinágagad ni doña Victorina ang mg̃a andaluz, sa pamamag-itan ng̃ pag-aalis n-g "d" at sa paghahalili ng̃ "z", at ang hang̃ad niyáng ito'y waláng macapag-alis sa canyáng ulo; mamagaling̃in pa niyang canyáng ipabugnós ang canyáng postizong buhóc na kinulót.
—¡Zi!—ang idinugtóng, na ang tinutucoy ay si Ibarra:—eze lo tenfa muy merezio; yo ya lo ije cuando le vi la primera vez; ezte un filibuztero ¿ique te ijo a ti, primo, el general? ¿Que le haz icho, que noticias le izte é Ibarra?[275]
At ng̃ makita niyáng nalalaon ng̃ pagsagót ang pinsan, nagpatuloy ng̃ pananalita na si capitang Tiago ang kinacausap:
—Créame uzté, zi le conenan a muelte, como ez e ezperar, zera por mi primo.[276]
—¡Guinoong babae! ¡guinoong babae!—ang itinutol ni Linares. Datapuwa't hindi niyá itó binigyang panahón.
—¡Ay, qué iplomático te haz güerto! Zabemoz qwe ere;i el conzejero del General, que no puede vivir zin ti ... ¡Ah, Clarita! ¡qué placer é verte![277]
Humaráp si Maria Clarang namúmutlâ pa, bagá man nananag-uli na ang dating cagaling̃an ng̃ catawang pinapanghina ng̃ sakit. Napupuluputan ang mahabang buhóc ng̃ sutlang cintas na may culay bughaw. Kiming bumati, ng̃umitî ng̃ mapanglaw, at lumapit cay doña Victorina upang gawin ang paghahalicang caugalîan sa mg̃a babae.
Pagcatapos ng̃ caugalîang cumustahan, nagpatuloy ng̃ pananalitâ ang nagpápanggap na andaluza:
—Venimoz á visitaroz; ¡oz haveiz zalbao graciaz á vuestraz relacionez![278] na canyáng tiníting̃nan ng̃ macabulugan si Linares.
—¡Tinangkilic ng̃ Dios ang aking amá!—ang marahang isinagót ng̃ dalaga.
—Zi, Clarita, pero el tiempo é los milagroz ya ha pazeo: rozotroz loz ezpañolez ecimoz: ezconfía é la Virgen y échate á corré.[279]
—¡Tum ... tum ... tumbalíc!
Si capitán Tiago na hanggang sa sandalíng yaó'y hindi nacacaguiit sa pananalitá'y nang̃ahás tumanóng, at bago pinakinggáng magalíng ang sagót:
—Cung gayó'y inaacalà po ba ninyó, doña Victorina, na ang Virgen ...?
—Venimoz precizamente á hablar con uzté é la Virgen,[280]—ang matilinghagang sagót ni doña Victorina, na itinuturo si María Clara;—tenemoz que hablar é negocioz.[281]
Napagkilala ng̃ dalagang dapat niyáng lisanin ang nang̃agsasalitaan, caya't humanap siyá ng̃ dahilán at lumayo roon, na nang̃ang̃abay sa mg̃a casangcapan.
Napacaimbî at napacalisyà ang salitaan at usapan sa pagpupulong na itó caya't minamagaling pa namin ang huwág ng̃ saysayin. Sucat ng̃ sabihing ng̃ silá'y magpaalaman ay pawang nang̃atutuwang lahát, at sinabi pagcatapos ni capitan Tiago ang ganitó cay tía Isabel:
—Ipasabi mo sa fonda, na bucas ay mag-aalay tayo ng̃ piguing. Untiunting ihandà mo si María Clara na ating ipacacasal na hindi malalaon.
Tiningnan siya ni tía Isabel na nagugulat.
—¡Makikita mo rin! ¡Pagca naguíng manugang na natin si guinoong Linares, magmamanhic-manaog tayo sa lahat ng̃ mg̃a palacio; pananaghilîan tayo, mang̃amamatay ang lahat sa capanahilian!
At sa gayón ng̃a'y kinabucasan ng̃ gabi'y mulî na namáng punô ng̃ tao ang bahay ni capitan Tiago, at ang caibhán lamang ng̃ayo'y pawang mg̃a castila't insíc lamang ang canyáng mg̃a inanyayahan; tungcól sa magandáng cabiyác ng̃ cataoha'y ipinakikiharap doon ng̃ mg̃a babaeng castilàng tubò sa España at sa Filipinas.
Náririyan ang pinacamarami sa ating mg̃a cakilala; si parì Sibyla, si parì Salvi, na casama ng̃ iláng mg̃a franciscano't mg̃a dominico; ang matandáng teniente ng̃ guardia civil na si guinoong Guevara, na lalo ng̃ mapangláw ang mukhâ cay sa dati; ang alférez na sinásaysay na macalibo na ang canyáng dinanas na pakikibaca, na minámasdan ang lahát ng̃ boong pagpapalalò, palibhasa'y sa acalà niyá'y siyá'y isáng don Juan de Austria sa catapang̃an; ng̃ayó'y teniente siyá't may gradong comandante; si De Espadaña, na canyáng minámasdan itó ng̃ boong gálang at tacot at iniiwasan ang canyáng titig, at si doña Victorina na nagng̃ing̃itng̃it. Hindi pa dumarating si Linares, sa pagcá't palibhasa'y mahalagáng guinoo, dapat na siyá'y magpáhuli sa pagdating cay sa mg̃a ibá: may mg̃a taong nápacatung̃ag, na ang acala'y cung magpáhuli ng̃ isáng oras sa lahát ng̃ bagay, naguiguing malalaking tao na.
Si María Clara ang siyáng tinútudlà ng̃ mg̃a upasalà: sinalubong silá ng̃ dalaga ng̃ alinsunod sa ugaling pakikipagmahalan, na hindi nalilisan ang canyáng anyóng malungcót.
—¡Psh!—anáng isáng dalaga;—may cauntíng capalaluan....
—Magandagandá rin namán,—ang sagót namán ng̃ isáng dalaga rin;—datapuwa't ang lalaking iyá'y pumili sana ng̃ ibáng dalaga na hindi totoong mukháng tang̃á.
—Ang salapî, caibigan; ipinagbíbili ng̃ makisig na binatà ang canyáng sariling catawán.
Sa cabiláng dáco'y itó namán ang salitaan:
—¡Pacacasal ng̃ayóng ang unang nang̃ibig sa canyá'y malapit ng̃ bitayin!
—Tinatawag cong maing̃at ang ganyán; pagdaca'y handâ na ang cahalili.
—¡Abá, cung mabao!...
Náriring̃ig marahil ang gayóng mg̃a salitaan ng̃ dalagang si María Clara, na nacaupô sa isáng silla at naghuhusay ng̃ isáng bandejang mg̃a bulaclác, sa pagcá't námamasid na nang̃áng̃atal ang canyáng mg̃a camáy, minsang mamutlá't mang̃atlabing macáilan.
Malacás ang salitaan sa pulutóng ng̃ mg̃a lalaki, at, ayon sa caraniwa'y pinag uusapan nilá ang ucol sa hulíng mg̃a nangyari. Nang̃ag salitaang lahát patí ni don Tiburcio, liban na lamang cay parì Sibyla, na nananatili sa pagpapawaláng halagáng hindi pag-imíc.
—¿Náring̃ig cong lilisanin daw po ninyó, pari Salví, ang bayan?—ang tanóng ng̃ bagong teniente, na dahil sa canyáng pagcataas sa catungcula'y ng̃ayó'y naguíng mairuguín.
—Walâ na acóng sucat gawín sa bayang iyán; sa Maynilà na títira acó magpacailan man ... ¿at cayó pô?
—Lilisanin co rin ang bayan,—ang isinagót na casabay ang pagtindíg;—kinacailang̃an acó ng̃ gobierno, upáng aking linisin ang mg̃a lalawigan sa mg̃a filibustero, na ang casama co'y isáng pulutóng ng̃ mg̃a sundalo.
Dagling tiningnán siyá ni pari Salví mulâ sa mg̃a paá hanggáng sa ulo, at sacâ siyá tinalicuráng lubós.
—¿Tunay na bang nalalaman cung anó ang cahihinatnan ng̃ pang̃ulo ng̃ mg̃a tulisan, ng̃ filibusterillo?—ang tanóng ng̃ isáng cawaní ng̃ pámahalaan.
—¿Si Crisóstomo Ibarra ba ang sinasabi ninyó?—ang tanóng ng̃ isá.—Ang lalong mahihintay at siyá namáng sumasacatuwiran ay siyá'y bitaying gaya ng̃ mg̃a binitay niyóng 72.
—¡Siyá'y itatapon!—ang sinabing mapangláw ng̃ matandáng teniente.
—¡Itatapon! ¡Itatapon lamang siyá! ¡Ng̃uni't marahil ay mananatili sa tapunán magpacailán man!—ang bigláng sinabing sabaysabáy ng̃ ilán.
—Cung ang binatàng iyán,—ang patuloy na sinabi ng̃ teniente Guevara, ng̃ malacás at anyóng may galit;—ay natutong mag-íng̃at; cung siyá'y natutong huwag tumiwalang totoo sa mg̃a tang̃ing taong canyáng casulatán; cung hindi sana napacadunong ang ating mg̃a fiscal na magbigáy kahulugán ng̃ napacalabis namán sa nasusulat, pinasiyahán sanang waláng anó mang casalanan ang binatàng iyán.
Ang pagpapatibay na itó ng̃ matandáng teniente at ang anyô ng̃ canyáng tínig ay nagbigáy ng̃ malakíng pangguiguilalás sa mg̃a nakíkinig, na waláng nasabing anó man. Tuming̃ín sa ibáng daco si parì Salví, marahil ng̃ huwag niyáng makita ang titig na mapangláw ng̃ matandâ. Nalaglág sa mg̃a camáy ni María Clara ang mg̃a bulaclác at hindi nacakilos. Si pari Sibylang marunong sa hindi pag-imic, tila mandín siyáng tang̃ing marunong namáng tumanóng.
—¿May sinasabi pô ba cayóng mg̃a sulat, guinoong Guevara?
—Sinasabi co ang sinalitâ sa akin ng̃ defensor (tagapagtanggól), na gumanáp ng̃ canyáng catungculan ng̃ boong casipaga't pagmamalasakit. Liban na lamang sa iláng mg̃a talatang may culabóng pananalitâ, na isinulat ng̃ binatàng itó sa isáng babae, bago siyá yumaong ang tung̃o'y sa Europa, mg̃a talatang kinakitaan ng̃ fiscal ng̃ isáng balac at isáng balà laban sa Gobierno, na canyáng kinilalang siyá ng̃â ang may sulat, waláng násumpung̃ang anó mang bagay na mapanghawacan upáng siyá'y mabigyáng casalanan.
—¿At ang declaración (sinaysáy) ng̃ tulisán bago siyá mamatáy?
—Nasunduan ng̃ defensor na mawal-ang halagá, sa pagcá't ayon din sa tulisáng iyón, silá'y hindi nakipag-usap cailán man sa binatà, cung di sa isáng nagng̃ang̃alang Lucas lamang, na canyáng caaway, ayon sa napatotohanan, at nagpacamatáy, marahil sa sigáw ng̃ sariling budhî. Napatotohanang pawang taksíl na gagád lamang ang mg̃a letra ng̃ casulatang nacuha sa bangcay niyá, sa pagcá't ang letra'y catulad ng̃ dating letra ni guinoong Ibarra ng̃ panahóng may pitóng taón na ng̃ayón ang nacararaan, datapuwa't hindi catulad ng̃ letra niyá ng̃ayón, bagay na nagpapasapantahang ang gumamit na huwaran ay itóng sulat na guinamit upáng siyá'y isumbóng. Hindi lamang itó, sinasabi ng̃ defensor, na cung di raw kinilalang siyá ang may titic ng̃ sulat na iyón, malaki sanang cagaling̃an ang sa canyá'y nagawa, datapuwa't pagcakita niya sa sulat na iyó'y namutlâ siyá, nasirà ang loob at pinagtibay ang lahat ng̃ doo'y natititic.
—Ang sabi pô ninyó,—ang tanóng ng̃ isáng franciscano;—ay nauucol ang sulat na iyón sa isáng babaeng canyáng pinagpadalhan, ¿anó at dumating sa camáy ng̃ fiscal?
Hindi sumagót ang teniente; tinitigang sandalî si pari Salvi, at sacâ lumayô, na pinipilipit na nang̃áng̃atal ang matulis na dulo ng̃ canyáng balbás na úbanin, samantalang pinag-uusapan ng̃ mg̃a ibá ang mg̃a bagay na iyón.
—¡Diyá'y nakikita ang camáy ng̃ Dios!—anáng isá;—kinasusutan siyá patí ng̃ mg̃a babae.
—Ipinasunog ang canyáng bahay, sa acalà niyáng sa gayó'y macalíligtas siyá, datapuwa't hindi niyá naisip ang nacaling̃id, sa macatuwíd baga'y ang canyáng caagulo, ang canyáng babae,—ang idinugtóng ng̃ isáng tumatawa.—¡Talagá ng̃ Dios! ¡Santiago, ipagtanggól mo ang España!
Samantala'y humintô ang matandáng militar, sa isá sa canyáng pagpaparoo't parito, at lumapit cay María Clara, na nakikinig ng̃ salitaan, hindi cumikilos sa canyáng kinauupuan; sa mg̃a paanan niyá'y naroroon ang mg̃a bulaclác.
—Cayó po'y isáng dalagang totoong matalinò,—ang marahang sinabi sa canyá ng̃ teniente,—magalíng pô ang inyóng guinawâ ng̃ inyóng pagcacábigay ng̃ sulat ... sa ganyáng paraa'y macaaasa cayóng dalawá sa isáng mapanatag na hinaharap.
Nakíta ng̃ dalagang lumálayô ang teniente na ang mg̃a matá'y anyóng na hahalíng at kinacagat ang mg̃a labì. Sa cagaling̃ang palad ay nagdaan si tía Isabel. Nagcaroon si María Clara ng̃ casucatang lacás upáng siyá'y tangnán sa damít.
—¡Tia!—ang ibinulóng.
—¿Anó ang nangyayari sa iyó?—ang itinanóng ni tía Isabel, na gulát, ng̃ canyáng mámasdan ang mukhà ng̃ dalaga.
—¡Ihatid pô ninyó acó sa aking cuarto!—ang ipinakiusap, at sacà bumitin sa camáy ng̃ matandà upáng macatindig.
—¿May sakít ca, anác co? ¿Tila nawalán icaw ng̃ mg̃a butó? ¿anó ang nangyayari sa iyó?
—Isáng hilo ... ang dami ng̃ tao sa salas ... ang dami ng̃ ilaw ... kinacailang̃an cong magpahing̃a. Sabihin pô ninyó sa tatay na matutulog acó.
—¡Nanglálamig ca! ¿ibig mo ba ang chá?
Umilíng si María Clara, sinarhán ng̃ susi ang pintô ng̃ canyáng tulugán, at salàt na sa lacás ay nagpatihulóg sa sahíg, sa paanán ng̃ isáng larawan at sacâ humagulhól:
—¡Iná! ¡iná! ¡aking iná!
Pumapasoc ang liwanag ng̃ buwán sa bintanà at sa pintuang canugnóg ng̃ bataláng bató.
Nagpapatuloy ang música ng̃ pagtugtóg ng̃ masasayang vals; dumarating hanggáng sa tulugán ang mg̃a tawanan at ang aling̃awng̃áw ng̃ mg̃a salitaan; macailang tumugtóg sa canyáng pintuan ang canyáng amá, si tía Isabel, si doña Victorina at patí si Linares, datapuwa't hindi cumilos si María Clara: malacás na hing̃al ang tumatacas sa canyáng dibdib.
Nagdaan ang mg̃a horas: natapos ang mg̃a catuwaan sa mesa, náriring̃ig ang sayáw, naupós ang candilà at namatáy, datapuwa't nanatili ang dalaga sa hindi pagkilos sa tablang sahig, na liniliwanagan ng̃ buwán, sa paanán ng̃ larawan ng̃ Iná ni Jesús.
Untiunting nanag-uli ang báhay sa catahimican, nang̃amatáy ang mg̃a ílaw, mulíng tumawag si tía Isabel sa pintuan.
—¡Abá, nacatulog!—anáng tía ng̃ sabing malacás; palibhasa'y bata't waláng anó mang pinanínimdim, tumutulog na parang patáy.
Nang lubhâ ng̃ tahimic ang lahát; nagtindig si María Clara ng̃ marahan at luming̃ap sa canyáng paligid: námasid ang bataláng bató, ang maliliit na mg̃a bálag, na napapaliguan ng̃ mapangláw na liwanag ng̃ buwán.
—¡Isáng mapanatag na hináharap! ¡Tumutulog na parang patáy!—ang sinabi ng̃ marahan at sacâ tinung̃o ang bataláng bató.
Nagugupiling ang ciudad, waláng nariring̃ig na manacanacâ cung dî ang ugong ng̃ isang cocheng nagdaraan sa tuláy na cahoy sa ibabaw ng̃ ilog, na ilinarawan ng̃ payapang tubig nitó ang sinag ng̃ buwan.
Tuming̃ala ang dalaga sa lang̃it na ang calinisa'y wang̃is sa zafir; marahang hinubád ang canyáng mg̃a sinsing, mg̃a hicáw, mg̃a aguja at peineta, inilagáy niyá ang lahat ng̃ itó sa palababahan ng̃ batalán at tiningnan ang ílog.
Humintô ang isáng bancáng tiguíb ng̃ damó sa paanán ng̃ ahunáng nalalagay sa bawa't bahay na na sa pampang̃in ng̃ ilog. Isá sa dalawáng lalaking nacasacáy sa bangcáng iyón ay pumanhic sa hagdanang bató, linundág ang pader, at ng̃ macaraan ang sandali'y náring̃ig ang canyáng mg̃a paglacad na pumápanhic sa hagdanan ng̃ batalán.
Nakita siyá ni María Clarang tumiguil pagcakita sa canyá, ng̃uni't sumandal lamang, sa pagcá't untiunting lumapit at tumiguil ng̃ tatlong hacbáng na lámang ang layó sa dalaga. Umudlót si María Clara.
—¡Crisóstomo!—ang sinabing marahang puspós ng̃ tácot.
—¡Oo, acó'y si Crisóstomo!—ang isinagót ng̃ binatà ng̃ boong capanglawan.—Kinuha acó sa bilangguang pinag absang̃án sa akin ng̃ aking mg̃a caibigan, ni Elias, isáng caaway, isáng táong may catuwirang acó'y pagtamnan ng̃ galit.
Sumunod sa mg̃a salitáng itó ang isáng mapangláw na hindi pag-imic; tumung̃ó si María Clara at inilawít ang dalawáng camáy.
Nagpatuloy ng̃ pananalitâ si Ibarra:
—¡Isinumpà co sa piling ng̃ bangcáy ng̃ aking ináng icaw ay aking paliligayahin, cahi't anó man ang aking cáratnan! Mangyayaring magcúlang icaw sa iyóng isinumpâ, siyá'y hindi mo iná; ng̃uni't acó, palibhasa'y acó ay anác niyá, pinacadadakilà co ang pag-aalaala sa canyá, at cahi't nagdaan acó sa libolibong pang̃anib, naparito acó't upáng tuparín ang aking isinumpâ, at itinulot ng̃ pagca-cátaong icaw rin ang aking macausap. María, hindi na tayo magkikitang mulî; batà ca at bacâ sacali'y sisihin ca ng̃ iyóng sariling budhî ... naparito acó upáng sa iyó'y sabihin, bago acó pumanaw, na pinatatawad catá. ¡Ng̃ayon, cahimana-wari'y lumigaya ca, at paalam!
Binantâ ni Ibarrang lumayô, datapuwa't piniguil siyá ng̃ dalaga.
—Crisóstomo!—anya;—sinugò ca ng̃ Dios at ng̃ acó'y iligtas sa waláng cahulilip na capighatian ... ¡pakinggán mo acó at sacâ mo acó hatulan!
Matimyás na bumitíw sa canyá si Ibarra.
—Hindi acó naparito't ng̃ hing̃an catang sulit ng̃ guinawâ mo ...; naparito acó't ng̃ bigyan catang capayapaan.
—¡Aayaw acó ng̃ capayapaang iniháhandog mo sa akin; acó ang magbibigay sa akin din ng̃ capayapaan! Pinawáwal-an mo acóng halagá, at ang pagpapawaláng halagá mo'y siyáng sampong sa camatayan co'y magbibigay capaitan!
Namalas ni Ibarra ang masilacbóng samà ng̃ loob at pagpipighati ng̃ abáng babae, at tinanóng niyá itó cung anó ang hináhang̃ad.
—¡Na icaw ay maniwalang sinintá co icaw cailán man!
Ng̃umiti ng̃ boong saclap si Crisóstomo.
—¡Ah! ¡nagcuculang tiwalà ca sa akin, nagcuculang tiwalà, ca sa iyong catoto sa camusmusán, na cailán ma'y hindi ikinaila sa iyó ang isa man lamang na caisipán!—ang bigláng sinabi ng̃ dalaga na nagpipighati.—¡Aking natátaroc ang iniisip mo! Pagcâ napagtanto mo ang aking buhay, ang malungcot na buhay na ipinatanto sa akin ng̃ panahóng acó'y may sakit, maháhabag ca sa akin at hindi mo ng̃ing̃itian ng̃ ganyán ang aking dalamhatì. ¿Bakit bagá't hindi mo pa binayaang acó'y mamatáy sa mg̃a camáy ng̃ hangál na gumágamot sa akin? ¡Icaw sana't acó'y liligaya!
Nagpahing̃ang sumandali si María Clara't sacâ nagpatuloy ng̃ pananalitâ:
—¡Inibig mo, nagculang tiwalà ca sa akin, patawarin nawâ acó ng̃ aking Iná! Sa isá sa mg̃a calaguimlaguim na gabì ng̃ aking masacláp na pagcacasakit, ipinahayag sa akin ng̃ isáng táo ang pang̃alan ng̃ aking tunay na amá, at ipinagbawal sa aking icáw ay aking sintahin ... liban na lámang cung ang akin ding amá ang magpatawad sa iyó sa paglabág na sa canyá'y iyóng guinawâ!
Umudlót si Ibarra at nagugulumihanang tinitigan ang dalaga.
—Oo,—ang ipinagpatuloy ni María Clara; sinabi sa akin ng̃ táong iyóng hindî maitutulot ang ating pag-iisang catawán, sa pagcá't ibabawal sa canyá ng̃ canyang sariling budhî, at mapipilitang canyang ihayág, cahi't magcaroon ng̃ malakíng casiráan ng̃ puri, sa pagca't ang aking amá'y si....
At saca ibinulóng sa taing̃a ng̃ binata ang isáng pang̃alang sa cahinaan ng̃ pagsasasalita'y si Ibarra lámang ang nacáring̃ig.
—¿Anó ang aking magagawâ? ¿Dapat co bang yurakin dahil sa aking pagsinta ang pag-aalaala co sa aking iná, ang capurihán ng̃ aking amáamahan at ang dang̃al ng̃ aking tunay na amá? ¿Magagawâ co bá itó na hindî icáw ang unaunang magpapawaláng halagá sa akin?
—¿Ng̃uni't ang catibayan, nagcaroon ca ba ng̃ catibayan? ¡Nang̃ang̃ailang̃an icáw ng̃ catibayan!—ang bigláng sinabi ni Crisóstomo, na parang sinásacal.
Dinucot ng̃ dalaga sa canyáng dibdíb ang dalawáng papel.
—Nárito ang dalawáng súlat nang aking ina, dalawáng súlat na itinitic sa guitnà ng̃ mataós na sigáw ng̃ sariling budhî ng̃ panahóng tagláy pa niyá acó sa canyáng tiyán. Tanggapín mo't iyong basahin, at iyong makikita cung paano ang canyáng pagsumpa sa akin at paghahang̃ád na acó'y mamatay ..., ang aking camatayang hindi nasunduan, bagá man pinagpilitan ng̃ aking amá, sa pamamag-itan ng̃ mg̃a gamót! Nalimutan ang mg̃a súlat na itó nang aking amá, sa bahay na canyáng tinahanan, nacuha ng̃ táong iyón at ining̃atan, at caya lamang ibinigay sa akin ay nang palitan co ng̃ iyóng súlat ..., dî umano'y ng̃ siya raw ay macaasang hindî acó pacácasal sa iyó cung waláng capahintulutan ang aking amá. Búhat ng̃ daladalahin co sa aking catawán ang dalawáng súlat na iyáng naguíng capalít ng̃ súlat mo, nacacáramdam acó ng̃ lamíg sa aking pusò. Aking ipinahamac icáw ipinahamac co ang aking sinta.... ¿anó ang hindî gágawin ng̃ isáng anác na babae sa icagagaling ng̃ isáng ináng patay na at ng̃ dalawáng amáng capuwa buháy? ¿Akin bang masasapantahà man lámang cung saan gagamitin ang iyong súlat?
Nanglúlumo si Ibarra. Nagpatuloy si María Clara:
—¿Anó pa ang nálalabi sa akin? ¿masasabi co ba sa iyo cung sino ang aking amá, masasabi co ba sa iyong huming̃i ca sa canyá ng̃ tawad, sa iyó pa namáng anác ng̃ pinapaghirap niyá ng̃ hindi cawasa? ¿masasabi co ba sa aking amá na icaw ay patawarin, masasabi co ba canyáng acó'y canyáng anác, acó pa namáng pinacahang̃adhang̃ád niyá ang aking camatayan? ¡Walâ na ng̃ang nálalabi sa akin cung hindi ang pagtitiis, ing̃atan co sa sarili ang lihim at mamatáy sa pagpipighati!... Ng̃ayón, caibigan co, ng̃ayóng nalalaman mo na ang buhay ng̃ iyong abang si María, ¿mangyayari pa bang maidulot mo pa sa canya iyáng pagpapawaláng halagáng ng̃iti?
—¡María, icaw ay isáng santa!
—Lumiligaya acó, sa pagca't, acó'y iyong pinaniniwalaan....
—Gayón man,—ang idinugtóng ng̃ binatà, na nagbago ng̃ anyô ng̃ tinig,—nabalitaan cong mag-aasawa ca raw....
—Oo,—at humagulhól ang dalaga;—hinihing̃i sa akin ng̃ aking amá ang pagpapacahirap na itó ... bagá man hindi niyá catungcula'y sininta niyá acó't canyáng pinacain, tinutumbasan co ang utang na loob na itó, sa pagbibigay capanatagan sa canyá, sa pamamag-itan nitóng bagong pakikimag-anac na itó, ng̃unit....
—¿Ng̃uni't....
—Hindi co lilimutin ang pagtatapat na aking isinumpâ sa iyó.
—¿Anó ang inaacala mong gawín?—ang idinugtóng ni Ibarra, at pinagsisicapang basahin sa canyáng mg̃a matá ang canyáng balac.
—¡Madilím ang hináharap na panahón at na sa cadiliman ang Palad! Hindi co nalalaman ang aking gagawin; ng̃uni't talastasin mong minsan lamang cung acó'y umibig, at cung walang pag-ibig ay hindi acó cacamtan nino man. At icaw, ¿anó ang casasapitan mo?
—Ang calagayan co'y isáng bilanggong tanan ... tumatacas acó. Hindî malalao't malalaman ang aking pagcatacas, María....
Tinangnán ni María Clara ng̃ dalawáng camáy ang ulo ng̃ binatà, hinagcáng muli't muli ang mg̃a labì, niyacap niyá siyá, at sacâ biglang linayuan pagcatapos.
—¡Tumacas ca! ¡tumacas ca!—anya;—¡tumacas ca, paalam!
Tinitigan siyá ni Ibarra ng̃ mg̃a matáng nagníningning; ng̃uni't sa isáng hudyát ng̃ dalaga'y lumayo ang binatang tila lang̃ó, hahapayhapay....
Mulíng linucsó ang pader at sumacay sa bangca. Tinatanaw siyá sa paglayô ni María Clarang nacadung̃aw sa palababahan ng̃ batalán.
Nagpugay si Elías at niyucuran siyá ng̃ boong galang.