Sa isang madilím gúbat na mapanglao[A]

dauag na matinic, ay ualáng pag-itan,

halos naghihirap ang cay Febong silang[B]

dumalao sa loob na lubhang masucal.

Malalaquing cahoy ang inihahandóg

pauang dalamhati, cahapisa,t, lungcót

huni pa n~g ibon, ay nacalulunos

sa lalong matimpi,t, nagsasayáng loob.

Tanáng mga baguing, na namimilipit

sa sangá ng cahoy, ay balót n~g tinic

may bulo ang bun~ga,t, nagbibigay sáquit

sa cangino pa máng sumagi,t, málapit.

Ang m~ga bulaclac n~g nag tayong cahoy

pinaca-pamuting nag ungós sa dahon

pauang culay lucsa, at naquiqui ayon

sa nacaliliong masangsang na amoy.

Caramiha,i, Ciprés at Higuerang cutád,[C]

na ang lilim niyaón ay nacasisindác

ito,i, ualang bun~ga,t, daho,i, malalapad,

na nacadidilím sa loob ng gubat.

Ang m~ga hayop pang dito,i, gumagalâ

caramiha,i, Sierpe,t, Baselisco,i, mad-la,

Hiena,t, Tigreng ganid nanag sisi sila,

ng búhay n~g tauo,t, daiguíng capoua.

Ito,i, gúbat manding sa pinto,i, malapit

n~g Avernong[D] Reino ni Plutong masun~git[E]

ang nasasacupang lupa,i, dinidilig[16]

n~g ilog Cocitong camandag ang túbig.[F]

Sa may guitnâ nito mapanglao na gubat

may punong Higuerang daho,i, culay pupás,

dito nagagapos ang cahabag habag

isang pinag usig n~g masamang palad.

Bagong tauong basal, na ang anyo,t, tindig[17]

cahit natatalì camay, paá,t, liig

cundî si Narciso,i,[G] tunay na Adonis[H]

muc-ha,i, sumisilang sa guitnâ n~g sáquit.

Maquinis ang balát at anaqui buroc

pilicmata,t, quilay mistulang balantók

bagong sapóng guinto ang cúlay n~g buhóc

sangcáp n~g cataua,i, pauang magca-ayos.

Dan~gan doo,i, ualang Oreadang Ninfas,[I]

gúbat na Palacio n~g masidhing Harpías,[J]

nangaaua disi,t, na acay lumiyag

sa himaláng tipon n~g caricta,t, hirap.

Ang abáng oyamin n~g dálita,t, sáquit

ang dalauang mata,i, bucál ang caparis,

sa lúhang nanatác, at tinan~gis-tan~gis

ganito,i, damdamin n~g may auang dibdib.

Mahiganting lan~git, ban~gis mo,i, nasaan?

n~gayo,i, naniniig sa pagcá-gulaylay

bago,i, ang bandilà n~g lalong casam-an[18]

sa Reinong Albania,i, iniuauagayuay?

Sa loob at labás, n~g bayan cong sauî

caliluha,i, siyang nangyayaring harî

cagalin~ga,t, bait ay nalulugamî

ininís sa hucay nang dusa,t, pighatî.

Ang magandang asal ay ipinupucól

sa láot n~g dagat n~g cut-ya,t, lingatong

balang magagalíng ay ibinabaón

at inalilibing na ualáng cabaong.

N~guni, ay ang lilo,t, masasamang loób

sa trono n~g puri ay inalulucloc

at sa balang sucáb na may asal hayop

maban~gong incienso ang isinusuob.

Caliluha,t, sama ang úlo,i, nagtayô

at ang cabaita,i, quimi,t, nacayucô,

santong catouira,i, lugamì at hapô,

ang lúha na lamang ang pinatutulô.

At ang balang bibíg na binubucalán

nang sabing magalíng at catutuhanan

agád binibiác at sinisican~gan

nang cáliz n~g lalong dustáng camatayan.

¡O tacsíl na pita sa yama,t, mataás![19]

¡o hangad sa puring hanging lumilipas!

icao ang dahilan n~g casamáng lahat[20]

at niyaring nasapit na cahabághabág.[21]

Sa Corona dahil n~g haring Linceo

at sa cayamanan n~g Duqueng Amá co,

ang ipinangahás n~g Conde Adolfo

sabugan n~g sama ang Albaniang[K] Reino.

Ang lahát nang itó, ma-auaing lan~git[22]

iyóng tinutunghá,i, anó,t, natitiis?[23]

mula ca n~g boong catouira,t, bait

pinapayagan mong ilubóg n~g lupít?

Macapangyarihang cánan mo,i, iquilos,

papamilansiquín ang cáliz n~g poot,

sa Reinong Albania,i, cúsang ibulusoc

ang iyóng higantí sa masamáng loob.

Baquit calan~gita,i, bingí ca sa aquin

ang tapat cong luhog ay hindi mo dingín?

dí yata,t, sa isang alipusta,t, ilíng

sampong tain~ga mo,i, ipinan~gun~gulíng?

Datapua,t, sino ang tataróc caya

sa mahál mong lihim Dios na daquilà?

ualáng mangyayari sa balát n~g lupà

dì may cagalin~gang iyóng ninanásà.

¡Ay dî saán n~gayón acó man~gan~gapit!

¡saán ipupucól ang tinangis-tangis

cong ayao na n~gayong din~giguin ng Lan~git[24]

ang sigao n~g aquing malumbay na voses![25]

Cong siya mong ibig na aco,i, magdusa

Lan~git na mataás aquing mababata

iságì mo lamang sa púso ni Laura

aco,i, minsan minsang mapag ala-ala.

At dito sa laot n~g dusa,t, hinagpis,

malauac na luhang aquing tinatauid

gunitâ ni Laura sa naabáng ibig

siya co na lamang ligaya sa dibdib.

Munting gunam-gunam n~g sintá co,t, mutyâ

n~g dahil sa aqui,i, daquilâ cong touâ,

higuít na malaquíng hírap at dalita

parusa ng táuong lilo,t, ualang aua.

Sa pagka gapus co,i, cong guni-gunihín

malamig nang bangcay acong nahihimbíng[26]

at tinatan~gisan nang sula co,t, guiliu,

ang pagca-búhay co,i, ualang hangá mandin.

Cong apuhapin co sa sariling isip

ang suyúan namin nang pili cong ibig,

ang pag luhâ niyá cong aco,i, may hapis

naguiguing ligaya yaring madláng sáquit.

¡Ngunì sa abá co! ¡sauing capalaran!

anópang halagá nang gayóng suyúan

cun ang sin-ibig co,i, sa catahimican

ay humihilig na sa ibáng candun~gan?

Sa sinapupunan nang Conde Adolfo

aquing natatanáo si Laurang sintá co,

camataya,i, nahan ang dating ban~gis mo?

nang díco damdamín ang hirap na itó.

Dito hinimatáy sa pag hihinagpís

sumúcò ang püsò sa dahás nang sáquit,

ulo,i, nalun~gay-n~gay, lúhà,i, bumalisbís,

quinagagapusang cahoy ay nadilíg.

Mag mulâ sa yapac hangang sa ulunán

nalimbág ang ban~gís nang capighatían,

at ang panibugho,i, gumamit nang asal

nang lalong marahás lilong camatayan.

Ang cahima,t, sinong hindî maramdamin

cong ito,i, maquita,i, mag mamahabáguin,

matipid na lúhà ay pa-aagusin

ang nagparusa ma,i, pilit hahapisin.

Súcat na ang tingnàn ang lugaming anyo

nitong sa dálita,i, hindi macaquibô

aacaing bigláng umiyác ang púsô

cong ualâ nang lúhang sa mata,i, itúlô.

Ga-ano ang áuang bubugsô sa dibdib

nang may caramdamang ma anyóng tumitig

cun ang panambita,t, daing ay marin~gig

nang mahimasmasan ang tipon nang sáquit?

Halos boong gúbat ay na sa sabúgan

nang ina-ing-aing na lubháng malumbáy[27]

na inu-ulit pa at isinisigao

sagót sa malayò niyaóng alin~gao-n~gao,

¡Ay Laurang poo,i,! baquit isinúyò

sa iba ang sintang sa aqui pan~gacò

at pinag liluhan ang tapat na púsó

pinang-gugulan mo nang lúhang tumuló?

Dî sinumpa-án mo sa haráp nang lan~git

na dî maglililo sa aquing pagibig?

ipinabigay co namán yaring dibdib[28]

uala sa gunitâ itóng masasapit.

Catiualà aco,t, ang iyòng carictán

capilas nang Lan~git anaqui matibay,

tapát ang púsò mo,t, dî nagunamgunam

na ang pag lililo,i, na sa cagandahan.

Hindî co acalang iyóng sa-sayan~gin

maraming lúhà mong guinugol sa aquin

taguring madalás na acó ang guiliu,

muc-hâ co ang lunas sa madláng hilahil.

Di cong acó Poo,i, utusang mang-gúbat

nang Hari mong Amá sa alín man Ciudad

cong guinagauá mo ang aquing saguisag

dalauá mong matá,i, nanalong nang perlas?

Ang aquing plumage cung itinatalî

nang parang corales na iyóng dalirî

buntóng hihin~gá mo,i, naquiqui-ugalî

sa quilos nang guintóng ipinananahî.

Macailan Laurang sa aqui,i, iabot,

basâ pa nang lúhà bandang isusuut,

ibinibigay mo ay nag hihimutóc

tacot masugatan sa paquiquihamoc.

Baluti,t, coleto,i, dî mo papayagan

madampi,t, malapat sa aquing catao-an

cundî tingnan muna,t, bacâ may calauang

ay nan~gan~ganib cang damit co,i, marumhán.

Sinisiyasat mo ang tibay, at quintáb

na cong sayaran man nang tagá,i, dumulás

at cong malayò mang iyóng minamalas

sa guitnâ nang hokbo,i, makilalang agád.

Pahihiasan mo ang aquing turbante

nang perlas topasio,t, maningníng na rubé,

bucód ang magalao na batóng diamante

púnô nang n~galan mong isang letrang L.

Hangang aco,i, uala,t, naquiquipag-hámoc

nang aapuhap ca nang pang aliu loob;

manalo man aco,i, cun bagong nanasoc

naquiquita mo na,i, may dalá pang tácot.

Boong pan~ganib mo,i, bacâ nagca sugat

di maniniualà cundi masiasat

at cung magcagurlís nang muntî sa balát

hinuhugasan mo nang lúhang nanatác.

Cung aco,i, mayroong cahapisang muntî

tatanun~gin moná cun anó ang sanhî,

hangang di malining ay idinarampî

sa mga muc-ha co, ang rube mong lábî.

Hindî ca tutugot cundî matalastás,

cacapitan monang mag bigla nang lúnas,

dadalhin sa jardi,t, doon ihahanap,

nang ica-aaliu, sa mga bulaclác.

Iyong pipitasín ang lalong mariquít

dini sa li-ig co,i, cúsang isasabit

tuhog na bulaclac sadyáng saglit-saglit,

pag-uupandín mong lumbay co,i, mapacnít.

At cun ang hapis co,i, hindî masauatâ

sa pilic-matá mo,i, dadáloy ang lúhâ

na pasaán n~gayón ang gayóng arugâ

sa dalá cong sáquit ay di i-apulâ?

Halina Laura,t, aquing cailangan

n~gayon, ang lin~gap mo nang naunang arao,

n~gayón hinihin~gî ang iyong pag-damay;

ang abáng sintá mo,i, na sa camatayan.

At n~gayóng malaqui ang aquing dálitâ,

ay dî humahanap nang maraming lúhâ,

sucat ang capatác na maca-apulâ

cun sa may pag sintang púsò mo,i, mag mulâ.

Catao-ang co,i, n~gayón siyasatin, ibig,

tigní ang súgat cong dí gauâ nang cáliz

hugasan ang dugóng nanálong sa guitguít

nang camay co, paa,t, natataling li-ig.

Halina, irog co,t, ang damít co,i, tingnán,

ang hindî mo ibig dampioháng calauang

calaguín ang lubid, at iyong bihisan,

matinding disa co,i, nang gumaán-gaán.

Ang m~ga matá mo,i, cun iyóng ititig

dini sa anyô cong sadlacan nang sáquit

upanding mapiguil ang tacóng mabilís

niyaring abáng búhay sa icapapatíd.

Uala na Laura,t, icao nan~ga lamang

ang macalulunas niyaring cahirapan;

damhín nang camay mo ang aquing catauan,

at bangcay man aco,i, mulíng mabúbuhay!

N~guní ¡sa abáco!  ¡ay sa laquing hirap!

ualâ na si Laura,i, laquing tinatauag!

napalayo-layo,t, di na lumiliyag,

ipinag cánolò ang sintá cong tapát.

Sa ibang candun~ga,i, ipinagbiyayà

ang púsong aquin na, at aco,i, dinayá

boóng pag-ibig co,i, ipinan~ganyaya

linimot ang sintá,t, sinayang ang luhá.

Alin pa ang hirap na dî na sa aquin?

may camatayan pang dîco dadamdamín?

ulila sa Amá,t, sa Ináng nag-angquin,

ualang kaibiga,t, linimot ng guiliu.

Dusa sa puri cong cúsang siniphayò,

palasong may lasong natiric sa púsò;

habág sa Amá co,i, túnod na tumimo;

aco,i, sinusunog niyaring panibughò.

Ito,i, siyang una sa lahat n~g hirap,

pag dayà ni Laura ang cumacamandág

dini sa búhay co,i, siyang magsa-sadlac

sa lingin~gang la-án ng masamáng palad.

O conde Adolfo,i, ilinapat mo man

sa aquin ang hirap n~g sangsinucuban,

ang caban~gisan mo,i, ipinasalamatan,

ang púsò ni Laura,i, cong hindî inagao.

Dito nag-himutóc ng casindac-sindác

na umaalin~gao-n~gao sa loob n~g gúbat

tinangay ang diua,t, caramdamang hauac

n~g buntóng hinin~ga,t, lúhang lumagaslás.

Sa púno n~g cahoy ay napa-yucayoc,

ang li-ig ay supil n~g lúbid na gapos,

bangcay na mistula,t, ang culay na buroc

n~g caniyang muc-ha,i, naguing puting lubós.

Nagcataón siyáng pagdatíng sa gúbat

n~g isang guerrerong bayani ang ticas,

putong na turbante, ay calin~gas-lin~gas,

pananamit moro sa Persiang Ciudad[L]

Piniguil ang lacad, at nagtanao-tano,

anaqui ninita ng pag-pahingahán

di caquinsa-guinsa,i, ipinagtapunan

ang pica,t, adarga,t, nagdaóp ng camay.

Sacá tumin~galá,t, mata,i, itiniric

sa bubóng ng cahoy na taquip sa Lan~git,

estátua manding nacatayo,t, umíd,

ang buntóng hinin~gá niya,i, ualang patid.

Nang magdamdam n~gauit sa pagayóng anyò,

sa punó n~g isang cahoy ay umupô

nag-uicang "ó palad" sabay ang pagtulò,

sa matá, ng lúhang anaqui,i, palasò.

Olo,i, ipinatong sa caliuang camay

at sacá tinutop, ang noó, ng canan,

anaqui mayroong guinugunam-gunam

isang mahalagang nalimutang bagay.

Malao,i, humilig nag ualang bahalâ

dirin cumacati ang batis ng lúha,

sa madláng himutoc, ay casalamuhá

ang uicang "Flerida,i, tapus na ang touá".

Sa balang sandalî ay sinasabugan

yaóng boóng gúbat n~g maraming ¡ay!

naquiquituno sa huning mapanglao

n~g pang-gabing ibon doó,i, nagtatahán.[M]

Mapamaya-maya,i, nag ban~gong nagulat,

tinangnán ang pica,t, sampo n~g calasag

nalimbag sa muc-hâ ang ban~gís n~g Furias[N]

"dî co itutulot" ang ipinahayág.

"At cung cay Flerida,i, ibá ang umagao

at dî ang amá cong dapat na igalang,

hindî co masabi cun ang picang tan~gan

bubugá n~g libo,t, lacsáng camatayan.

Bababa si Marte mulâ sa itaás[O]

sa ca-ilalima,i, áahon nang Parcas,[P]

boong galit nila, ay ibubulalàs

yayacaguin niyaring camáy cong marahàs.

Sa cucó nang lilo,i aquing àagauin

ang cabiyác niyaring calolouang angquín,

liban na cay Amá, ang sino ma,t, alin

ay dî igagalang nang tangang patalím.

¡O pag sintang labis nang capangyarihan

sampong mag aamá,i, iyong nasasaclao!

pag icao ang nasoc sa púsò ninoman

hahamaquing lahat masunód ca lamang!

At yuyuracan na ang lalong daquilá

bait, catouira,i, ipan~gan~ganyaya

boong catungcula,i, uaualing bahalà

sampo nang hinin~ga,i, ipauubayà.

Itong quinaratnán nang palad cong linsil

salamíng malinao na sucat mahalín

nang macatatatáp, nang hindî sapitin

ang cahirapan cong di macayang bathín.

Sa mauica itó lúhà,i, pina-agos,

pica,i, isinacsac, sacá nag himutóc,

nagcataón naimáng parang isinagót,

ang buntóng hinin~gá, niyaóng nagagapus.

Guerrero,i, namanghâ nang ito,i, marin~gig,

pinabaling-baling sa gúbat ang titig,

nang ualang maquita,i, hinintay umulit,

dî namán nala,i, nag bagong humibíc.

Ang bayaning moro,i, lalò nang namaáng

"sinong nananaghóy sa ganitóng iláng?"

lumapit sa dacong pinan~gagalingan

nang buntóng hinin~ga,t, pinaquimatyagán.

Inabutan niya,i, ang ganitóng hibic

¡ay mapagcandiling Amáng ini-ibig!

¿baquit ang búhay mo,i, na unang napatid,

aco,i, inolila sa guitnâ nang sáquit?

Cong sa gunitâ co,i, pagcuru-curuin

ang pagcahulog mo sa camay nang tacsíl,

parang naquiquita ang iyóng naratíng

parusang marahás na calaguim-laguim.

At alin ang hirap na dî icacapit

sa iyó nang Duque Adolfong malupit[29]

icao ang salamín sa Reino nang bait

pagbubuntuhang ca nang malaquing gálit.

Catao-an mo Amai,i, parang namamalas

n~gayón nang bunsô mong iugami sa hirap

pinipisang-pisang at iniuaualat

nang pauâ ring lilong verdugo nang sucáb.

Ang nagcahiualay na lamán mo,t, butó,

camay at catao-áng nálayô sa úlo,

ipinag-haguisan niyaóng mga lilo

at ualang maauang maglibing na tauo.

Sampo nang lincód mo,t, m~ga cai-bigan

cong campi sa lilo,i, iyo nang ca-auay,

ang dî nagsi-ayo,i, natatacot naman

bangcay mo,i, ibaó,t, mapaparusahan.

Hangan dito ama,i, aquing naririn~gig,

nang ang iyóng úlo,i, tapát sa caliz

ang panambitan mo,t, dalan~gin sa Lan~git

na aco,i, maligtás sa cucóng malupít.

Ninanásà mo pang acó,i, matabunan

n~g bangcay sa guitnâ n~g pagpapatayan,

nang houag mahúlog sa panirang camay

ng Conde Adolfong higuit sa halimao.

Pananalan~gin mo,i, dî pa nagaganáp

sa li-ig mo,i, bigláng nahulog ang tabác

naanáo sa bibig mong hulíng pan~gun~gusap,

ang "adios bunso,t," búhay mo,i, lumipas.

¡Ay amang amá co! cong magunam-gunam

madlâ mong pag irog at pagpapalayao

ipinapalaso n~g capighatian

luhà niyaring púsòng sa mata,i, nunucál.

Ualáng icalauáng amá ca sa lupà

sa anác na candóng ng pag-aarugâ

ang munting hápis cong sumungao sa muc-hâ,

sa habág mo,i, agad nanálong ang lúhâ.

Ang lahat ng toua,i, natapos sa aquin,

sampô niyaring búhay ay naguing hilahil,

amá co,i, hindî na malaong hihintín

aco,i, sa payapang baya,i, yayacapin.

Sandaling tumiguil itóng nananangis,

binig-yáng panahón lúha,i, tumaguistís

niyaóng na aauang morong naquiquinyig,

sa habág ay halos mag putóc ang dîbdib.

Tinutóp ang púsò at saca nag say-say

'cailan a iya lúha co,i, bubucál

n~g habág cay amá at panghihinayang

para ng panaghóy ng nananambitan?[30]

Sa sintáng inagao ang itinatan~gis,

dahilán n~g aquing lúhang nagbabatis

yaó,i, nananaghóy dahil sa pag-ibig

sa amang namatáy na mapagtang-quilic.

Cun ang ualang patid na ibinabahá.

n~g m~ga mata ko,i, sa hinayang mulà

sa m~ga palayao ni amá,t, arugà

malaquíng pálad co,t, matamís na luhà.

N~guni,t, ang nanaháng maralitang túbig

sa muc-hâ,t, dibdib cong laguing dumidilig

cay amá n~ga galing dapoua,t, sa ban~gís

hindî sa anduca, at pagtatang-quilic.

Ang matatauag cong palayo sa aquin

n~g amá co,i, tóng acó,i, pagliluhin,

agauan n~g sintá,t, panasa-nasaing

lumubóg sa dusa,t, búhay co,i, maquitil.

¡May para cong anác na napanganyayá

ang layao sa amá,i, dusa,t, pauang lúhà

hindi nacalasáp kahit munting touà

sa masintang ináng pagdaca,i, naualà!

Napahintô rito,t, narin~gig na mulî

ang pananambitan niyaóng natatalî,

na ang uica,i, "Laurang aliu niyaring budhî[31]

pa-alam ang abáng candóng n~g paghati.

Lumaguì ca naua sa caligayahan

sa haráp n~g dîmo esposong catipán,

at houag mong datnín yaring quinaratnán

n~g casign linimot, at pinagliluhan.

Cong nagban~gis cama,t, nagsucáb sa aquin,

mahal ca rin lubha dini sa panimdím,

at cong mangyayari hangáng sa malibíng

ang m~ga butó co quita,i, sisintahín.

Dîpa natatapos itóng pan~gun~gusap

may dalauang Leóng han~gós ng paglacad,

siya,i, tinuton~go,t, pagsil-in ang han~gad;

n~guni,t, nan~ga tiguil pag datíng sa haráp.

Nan~ga-auâ mandi,t, naualán n~g ban~gis

sa abáng sisil-ing larauan ng sáquit,

nan~ga-catingala,t, parang naquinyig[32]

sa dî lumilicat na tin~gistan~gis.

¡Anóng loob cayâ nitóng nagagapus,

n~gayóng na sa haráp ang dalauáng hayóp,

na ang balang n~gipí,t, cucó,i, naghahandóg

isang camatayang caquila-quilabot!

Dî co na masabi,t, lúhà co,i, nanatác,

na-uumid yaring dilang nan~gun~gusap,

pusò co,i, nanglalambot sa malaquing habág

sa ca-aua-auang quinucob ng hirap.

¡Sinong dî mahapis na may caramdaman

sa lagay ng gapús na calumbay-lumbay,[33]

lipus n~g pighati sacá tinutunghán,

sa lamán at butó niya, ang hihimáy!

Catiualâ na n~gâ itóng tiguib sáquit

na ang búhay niya,i, tungtóng na sa guhit,

linagnát ang pusò,t, nasirâ ang voses,

dína mauatasan halos itóng hibic.

"Paalam Albaniang pinamamayanan

n~g casama,t, lupit, han~gis caliluhan,

acóng tangulan mo,i, cusa mang pinatay,

sa iyó,i, malaquí ang panghihinayang.

Sa loob mo naua,i, houag mamilantic

ang panirang talím n~g catalong caliz;

magcá espada cang para ng binitbit

niyaring quinuta mong canang matang-quilic.

Quinasuclamán mo ang ipinan~gacò

sa iyó,i, gugulin niniyac cong dugò

at inibig mopang hayop ang mag bubò,

sa cong itangól ca,i, maubos tumúlo.

Pagcabatà cona,i, ualáng inadhicà

cundî pag-lilincod sa iyó,t, calin~gà

¿dî maca-iláng cang babaling masirá

ang mga camáy co,i, siyang tumimauà?

Dustáng camatayan ang bihis mong bayad;

dapoua,t, sa iyo,i, mag papasalamat,

cong pacamahali,t, houag ipahamac

ang tinatan~gisang guiliu na nagsucáb.

Yaóng aquing Laurang hindi mapapacnít

n~g camatayan man sa tapát cong dibdib;

¡ipa-alam bayan co, pa-alam na ibig,

magdarayang sintang di manao sa ísip!

Bayang ualáng loob, sintáng alibughâ,

Adolfong malapit, Laurang magdarayâ,

magdiuang na n~gayo,t, manulos sa touâ,

at masusunod na sa aquin ang násà.

Na sa harap co na ang lalong maraual,

mabin~gís na lubháng lahing camatayan

malulubos nan~ga ang inyóng casamán,

gayon din ang aquing aalipustaán.

¡Sa abáng-abá co!  diatâ ó Laura

mamamatáy aco,i, hindî mo na sintá!

itó ang mapait sa lahat nang dusa,

¡Sa quin ay sino ang mag-aala-ala!

Diyata,t, ang aquing pagca-panganyáya

dî mo tatapunang ng camunting lúhà,

cong yaring búhay co,i, mahimbíng sa ualà

dî babahaguinan n~g munting gunitâ!

Guni-guning itó,i, lubháng macamandág

ágos na lúhà co,t, púsò co,i, ma-agnás,

túlò caloloua,t, sa mata,i, pumulàs,

cayóaquing dugo,i, mag-unahang matác.

Nang matumbasan co ang lúhà, ang sáquit[34]

nitóng pagcalimot n~g tunay cong ibig;

houag yaring buháy ang siyang itan~gis

cundî ang pagsintang lubós na na-amis.

Sa tinaghoy-taghóy na casindac-sindác,

guerrero,i, hindî na napiguil ang habág,

tinuntón ang voses at siyang hinanap,

patalim ang siyang nagbucás n~g landás.

Dauag na masinsi,i, naglagui-laguitic

sa dágoc n~g lubháng matalas na cáliz,

moro,i, dî tumugot hangang dî nasapit

ang binubucalán ng maraming tan~gis.

Anyóng pantay-matá ang lagay n~g arao

niyóng pagcatun~go sa calulunuran[35]

siyang pagcataos sa quinalalag-yan

nitóng nagagapus na cahambalhambál.

Nang malapit siya,t, abutin ng suliáp

ang sa pagcatali,i,[36] liniguid n~g hirap,

naualán n~g diua,t, lúha,i, lumagaslás,

catao-án at púso,i, nagapus ng habág.

Malaong natiguil na dî nacaquibô

hinin~ga,i, hinabol na ibig lumayò,

matutulog disin sa habág ang dugô,

cundan~gan nagbangís Leong nan~gag-tayô.

Na-acay n~g gútom at gauing manilâ,

ang-ulî sa ganid at naualâng aua,

handâ na ang n~gipi,t, cucong bagong hasa

at pagsasabayán ang gapós n~g iuâ.

Tanang balahibo,i, pinapan~galisag,

nanindig ang buntót na nacagugulat

sa ban~gis n~g anyô at n~ginasáb-n~gasáb,

Furiang nag n~gan~galit ang siyang catulad.

Nag taás ang camáy, at nanga caamâ

sa cato-ang gapá ang cucóng pangsirâ,

nang daracmain na,i, siyang pagsagásâ

niyaóng bagong Marteng lumitao sa lúpâ.

Inusig n~g tagâ ang dalauang León,

si Apolo mandin sa Serpiente Piton,[Q]

ualang bigóng quilós na dî nababaón

ang lubháng bayaning tabác na pamutol.

Cong ipamilantíc ang canang pamatáy,

at sacá isalág ang pang-adyáng camáy,

malilicsing León ay nanga lilinláng

cayâ dî nalao,i, nan~ga-gumong bangcay.

Nang magtagumpay na ang guerrerong bantóg

sa nan~ga-calabang maban~gis na hayop,[37]

lúha,i, tumutulong quinalag ang gápus

ng ca-aua-auang iniuan ang loob.

Halos nabibihay sa habág ang dibdib[38]

dugó,i, ng matingnang nunucal sa guitguít,

sa pagcalág niyang malicsí,i, nainíp

sa siga-sigalót na madláng bilibid.

Cayâ ang guinaua,i, inagapayanan

catauang malatáng parang bagong bangcáy

at minsang pinatid n~g espadang tan~gan

ualang auang lubid na lubháng matibay.

Umupo,t, quinalong na naghihimutoc,

catauan sa dusa hinin~ga,i, natulog,

hinaplus ang muc-ha,t, dibdib ay tinutóp,

násà ng gueerro,i, pagsauláng loob.

Doon sa pagtitig sa pagcálun~gay-n~gay

n~g caniyang cálong na calumbay-lumbay,

nininilay niya, at pinagtatao-hán

ang diquit n~g quias at quinasapitan.

Namamanghâ namán ang magandang quias

casing-isa,t, ayon sa bayaning ticas,

mauiuili disin ang iminamamalas,

na matá, cundan~gan sa malaquíng habág.