[38] "Halos nabibihay sa habág ang dibdib". Sa iba't iba ay pawang "nabibihag"—sa lugal ng "nabibihay"—ang nakalagay. Na, isang tunay na kamalian. Tama ang "bihay". Sinsay ang "bihag". At ang kahulugan ng "bihay"—na isang salitang lipas na ngayon—ay "punit", bagama't lalong matindi sa rito. Sa ngayon ay katimbang na ng "waray".

[39] "ang aquing hinin~gang camataya,t, sáquit". Sa Kun sino ..." ay ganito ang nakalagay: "ang aking hininga, kamataya't sákit". Kay De los Santos ay ibang-iba: "no permitiste que trizas hicieran—de mi cuerpo, vida y padecimientos" ang pagkakastila niya sa "at di binaya-ang nagca-patíd-patíd—ang aquing hinin~gáng camataya,t, sáquit". Napakalaya ang pagkakakastila. Nagkaroon ng "cuerpo" (katawan)—na pinalitaw ng "trizas"—at nawalan ng "camatayan" (muerto).

Kay P. Sayo naman ay ganito: "ang aking hininga'y kamataya't sákit". Ito at ang sa "Kun sino ..." ay di wasto. Sapagka't ang isinisisi ay kung bakit di pa pinaubayaang nagkapatidpatid ang kanyang hininga, na isang hiningang tunay na kamatayan at sakit.

Sa balangkas na "at di binayaang nagkapatidpatid ang aking hininga'y kamataya't sakit", dahil sa pagkakapalit ng mga ligazon at sa pagiging "y" ng "ng", ang kiyas ay nawala, tumamlay at naging mawigwig ang pangungusap; samantalang puspos ng ganda ang "at di binayaang nagkapatidpatid ang aking hiningang kamataya't sákit"!

[40] HUARAN. Hindi "houaran". Nararapat daliriin ang katagang ito, upang samantalahin na ang pagdaliri sa madlang salitang sa aklat na ito ay paibaiba ang pagkakasulat. Ang "buan", "catuiran", "lualhati", "sasaquián", "nanaquiát", "balaquiót", "hain", "suliáp", "catauán", "quiás", "masiasat", "díatà", "mapataniag", "mag-adia", atbp., ay pawang may mga "bagong damit na ibang-iba ang tabas sa piling ng karamihang pawang tabas noong 1834"—na bagong kasisilang ang "Florante". Ibig naming sabihi'y ang ganyang pagkakasulat—na ibang ibang-iba sa karamihan—ay pawang gawa na lamang ng limbagan o ng kahista, noong 1861. Hindi ganyan ang sa noong 1834. Ang "bouan", "catouiran", "catao-an" atbp., ay siyang sa matandang paraan, na ginamit ni Balagtas sa kabuuan ng aklat, at ang nangadaliri sa una ay pawang kabaguhan na lamang sariling gawa ng kahista. Dito napaghahalatang nang mga araw na yaong lumabas ang siping ito—1861—ay nakikipangagaw na sa datihang paraan ang kaparaanang inabutan at binago naman ng ating Rizal at nina Dr. Pardo de Tavera: bagong kaparaanang siyang tinanggap at pinairal ng "Katipunan" at ng Panghihimagsik, at sumapit hanggang sa mga araw na ito. Hanggang sa mga araw na ito, ang aming sabi, at ito ay di tunay na wasto. Napakarami ang mga kabaguhang nairagdag kina Rizal, nitong mga huling panahon, at sa mga kabaguhang ito ay may napatay pa ang bagong pasok ng mabunying Mariano Ponce, atbp. Ang pagbabagobagong dinanasan ng ating Ortograpia ay isang bagay na napakalawig isaysay. Kaipala'y walang ibang kahambing sa kasaysayan ng iba't ibang wika sa Daigdig. At iyan ang tatangkain namin sulatin sa mga darating na araw. Lubhang kailangan, na matalos ng lahat.

[41] "sa gauâ at uica,i, dí mahuhulihan". Ganito rin, sa malas, ang na kay De los Santos; nguni't sa "Kun sino ..." at kay P. Sayo ay "nahuhulihan" ang nasa mahuhulihan".

[42] "n~g magandang asal ng amá co,t, iá." Maliwanag na kamalian ng kahista ang "iá", na dapat basahing "iná".

[43] "Ang pagcatutu co,i, anaqui himalâ". Kay P. Sayo ay may pang-ugnay na "y" ang "anaqui"; at ito'y mapaghahalatang mali. Ang mga "anaqui" ni Balagtas ay di ginagamitan ng ligazon.

[44] "Minulan ang galí sa pagsasayauan". Sa "Kun sino ..." at kay P. Sayo ay nakalagay ang "galit" sa lugal ng "galí", na tunay na malingmali. Bakit magiging "galit" ang pagkakatuwa, na sinimulan sa sayawan? Ang "galí" ay isang salitang matanda, na ang kahulugan ay "burco" (gaya ng pagkakastila ni De los Santos) o di kaya'y "alborozo", "alivio" o "consuelo" sa wika ni Cervantes. Ang "galí" ay ang ingay na bunga ng kagalakan, ang pulot at gata ng pagkakatuwa at paglilibang ng marami. Sa ibang kataga ay "galí" rin ang aliw at kaligayahan. Maaari na nating ituring, na patay na ngayon ang katagang iyan. Kahinahinayang!...

[45] NIYAONG. Hindi "niyang", gaya sa iba. Isa rin iyang "malabalagtas" na sukat, na labis man sa pagkakasulat ay di naman sa pamimigkas.

[46] NIYARING. Sa "Kun sino ..." ay "yaring". Sadyang pinutlan marahil, dahil sa labis na sukat—dahil sa ortograpia!

Isa pa ring "malabalagtas" na sukat iyan—na di nagpipitagan sa "kumpas ng ortograpia" kundi sa "kumpas ng prosodia".

[47] "pailag-ilagang parang baselisco". Sa "Kun sino ..." ay "t" ang nakaugnay sa "pailag-ilagan", na isang tunay na kamalian.

[48] "súcat na ang titig na matáy sa iyó". Ang "matáy" ay naging "matá" kay P. Sayo, na may ligazon "y"; at ang "namatáy sa iyó" ay naging "ang matay sa iyo" sa "Kun sino ...".

[49] "sa Crotonang baya,i, ..." Kay De los Santos at sa "Kun sino ..." ay "reino" ang nakalagay sa "bayan"; nguni'y kay P. Sayo ay bayan din.

[50] "ay magcacalisiyâ". Sa "Kun sino ..." ay ginawang "magkakalisya". Inalis ang "i". Dahil sa labis sa bilang ng pagkakasulat. At kay P. Sayo, bukod sa iniklian na ay ginawa pang "n" ang "m".

[51] BUCAS. Sa iba ay "araw" ang nakalagay. Na isang kamalian. At mali, sapagka't sa dakong unahan ay may ganitong saad: "Salamat at niyaóng sa quinabucasan—hucbo co,i, lalacad sa Crotonang bayan"; kaya, tama ang "Dumating ang búcas". Hindi dapat baguhin.

[52] ALIU. Maliwanag na kamalian. Tama ang "alin" na nasa "Kun sino ..." at kay P. Sayo.

[53] AROPOS. Maliwanag na kamalian ng limbagan. "Atropos" ang ibig sabihin.

[54] NACATIGHÁO. "Natitighaw" sa "Kun sino,.." at kay P. Sayo naman ay "katitighaw".

[55] NAG-AAGAUANG. Walang ligazon "g" sa "Kun sino ..." at linagyan naman ng kuwit (coma) ni P. Sayo sa lugal ng ligazon.

[56] NAGDALAMHATI. Sa "Kun sino ..." ay "nagpipighati".

[57] BAGONG. Sa iba ay "boong" ang nakalagay.

[58] GUBA,T, ... Maliwanag na kamalian ng limbagan. Dapat basahing "gúbat".

[59] "cahit bahag-yâ na macaquitang landás". Sa "Kun sino" ay ganito: "Kahít bahagya ng makita ang landas". At ganito naman kay P. Sayo: "kahi't bahagya na makita ang landas".

[60] "ang caniyang búhay na cahabág-habág". Ganito rin ang na kay P. Sayo; nguni't ang sa "Kun sino,.." ay napalitan ng "at pagkawakawak" ang "na cahabag-habág".

[61] "Aniya,i, sa madláng guerrang pinagda-anan". Ganito rin halos ang kay P. Sayo, at ang tanging ikinaiiba ay ginawang ligazon "y" ang "ng" sa "guerra"; nguni't sa "Kun sino" ay "dinaanan" naman ang nakalagay. Ito ang tama, sa palagay namin, bagama't ang pagkasulat ng "pinagda-anan" ay nagpapakilalang lalong matanda ito kay sa "dinaanan" at wari'y hindi kamalian lamang ng limbagan. Sa malas nga ay "pinagda-anan" ang tunay na titik ni Balagtas, at kaya nga lamang maaaring pag-alinlanganan ay dahil sa kalabisan ng pantig. Nguni't di baga labis din yaong nangasa unahang: "na quinalalaguián" at "sa masayáng doon~gan"? At kung sa dalawang ito'y napatalisod si Balagtas ay bakit di maaaring napatalisod din sa "guerrang pinagda-anan"?

[62] DIANA,I, ... Sa iba ay walang ligazon "i".

[63] "Ano pa,t, pinalad na aquing dinaig—sa catiyaga-an ang púsong matipíd". Sa iba ay "nang pusong matipid" ang nakalagay, na isang tunay na kamalian. Kaya, naging patumbalik. Ang napalarang daigin sa katiyagaan ni Aladin ay ang pusong matipid ni Flerida. Kaya, tama ang "ang".

[64] "May anim na n~gayong taóng ualang licat". Ganito rin ang kay P. Sayo; nguni't sa "Kun sino ..." ay nagkapalit ng lagay ang "n~gayong" at "yaóng", at lumabas na humál.

[65] "nang suyò nang harì"". Sa iba ay "sa suyo nang hari", at siyang tama.

[66] "at nang ma-iligtas ang búhay nang ibig". Sa "Kun sino ..." ay "maligtas" ang nakalagay; kaya, naging pilay; at upang malunasan ang kapilayang ito ay dinagdagan naman ng "nga" ni P. Sayo; "at nang maligtas nga ..."

[67] NAGHUNOS. Sa iba ay "naghugos"; at ito ang tumpak. Sinsay, at di kapit, ang "naghunos".

Nguni't, sino kaya sa atin ang makapagsasabing nang panahon ni Balagtas ay di wasto iyan? Sino ang makatitiyak, na noong panahong yaon ay may kahulugan ding gaya ng angkin ngayon ng "hugos" ang katagang "hunos": katagang sadyang may kung ano anong kahulugan ay ibig sabihin, magpahangga ngayon? At sino sa atin ngayon ang makapagsasabing tahasang hindi isang salitang bago ang "hugos", na umuri lamang sa "hunos"? At sino sa ating nagsisipagsuri ngayon sa wika natin ang makapagpapasinungaling sa maaaring sapantahain ng kahi't sino, na iyang "hugos" ay isa lamang kamalian ng "hunos", at dahil sa napapasok at nagkasalin-salin na sa iba't ibang palimbag ng "Florante" ay naging palasak na tuloy at naging isa nang wastong salita, dahil sa bisa ng kabuniyan ng "Florante"?

Sa wika, gaya rin naman ng sa iba't ibang bagay ay nagbabagobago ang lahat. At sa pagbabagobagong iyan ay may mga bagay na nagkakaibaiba ng pangalan, at may mga salita namang nagkakaibaiba ng kahulugan.

At parang katunayan ay maitatanong natin; ano at saan galing ang "halip"? Laláng lamang. Parang kinuha lamang sa "hulip"—na ang kahulugan ay ilagay ang isang bagay sa dating kinalalagyan ng ibang nawala o nasira. Hinuhulipan o linalagyan ng mga panibagong bulubod ang gayon o ganitong bagong tanim na palay, na sinira ng agos ng tubig; at hinuhulipan din ang atip na butasbutas na at sira. At sa "hulip" na iyan linaláng ang "halip"—na siya ngayong nakikipangagaw na sa kastilang "lugar" o "lugal", sa pangungusap na ganito, halimbawa: "Sa lugal na papagsarilinin at di't kundi bagkus pang binigtihan ng pagasa."

Gaya na lamang ng "Makata": ano ito? Sa dati'y "mapagkatakata", mapagsalita ng kung anoanong di katotohanan, mapaglubid ng buhangin, ang kahulugan: na isang katagang mahalay na ikapit sa Poeta. "Mangangatha" at "manunula" ang tawag noong araw sa poeta. Nguni't ginawang "makata"—buhat sa "makatha" na kawangis ng "mapagkatakata"—, at ang kabalbalan ay naging isa nang tunay na salitang tumpak.

May hihigit pa ba sa kabalbalan ng "lalawigan"? (Sa isang kasulatang matanda (1865) ay nakita kong ginagamit ang katagang ito. Nito lamang buwan ng Hulio 1938 nabasa ko.-C. R.). Ang katagang iyan, na "puerto" ang ibig sabihin, ay nagkaroon na ngayon ng kahulugang "provincia". At bakit? Dahil din sa kamalian. Naging sukat ang pagkakagamit sa panahon ng Himagsikan ng "lalawigan ng Kabite" upang ipagkamaling "Provincia" ang ibig sabihin ng "lalawigan", at ang kamaliang iyan ay naging palasak na at nagkaroon ng ibang kahulugan. Tama ang "lalawigan ng Kabite" sapagka't talagang "puerto" ito; nguni't sabihing "lalawigan ng Bulakan", halimbawa, ay isang tunay na kabalbalan. At ang kabalbalang iyan ay tama at tumpak na ngayon.

Ganyan din ang masasabi sa "aklat". Ginawang "libro" ang "aklat", kahi't hindi tama, pagka't "aklatan" ang "libro", at wasto na ngayon. Ang "aklatan" ay ginawa namang "biblioteka" at "libreria", at tama na rin ngayon.

Ang "talikala" ay "Tanikala" na ngayon, ang "lupong" ay "lupon" na, ang "tangso" ang "tanso", ang "taliba" (talibahan, salitang naging palasak nang sabihing: "talibaan" sa lugal ng "talibahan"). Ang "iklog" ay kasalit ng "itlog", ang "ista" ng "isda", ang "maselang" ng "maselan", ang "kaanak" ng "ának" o "angkan", ang "kaagad" ng "agad" o "agadagad", ang "gaang" ng "gaan"; at ibig nang makipagkamali ng "laan" sa "taan", ng "takda" sa "tadhana", ng "kagalawad" sa "kagawad", ng "alumana" sa "alintana", ng "tagapaglaganap" sa "tagapamansag" o "tagasiwalat", ng "kabulastugan" sa "kabalbalan", atbp.

[68] "Ano pa n~gayóng gúbat na malungcót". Magkakabit ang "n~gayaóng": maliwanag na kamalian. Sa "Kun sino ..."ay "ano pa ngat yaong ..." at sa palimbag ni P. Sayo ay "ano pa at ayaong" ...

[69] "macailang hintóng canilang malimot". Kay P. Sayo ay "nalimot; at sa "Kun sino ..." at iba pa ay "makaitlo" ang nasa "macailán". May palagay kaming ito ang tama, at mali ang "makaitlo". Si Balagtas ay di kaibigan ng mga tinatawag nating "viciso de dicción". Ang "makaitlo" ay kahambing din ng "makaipat" at "makainom", na pawang likha lamang ng mapaglarong dila, sinsay sa tumpak na pagbabalangkas, at pinsang buu ng mga "buo". "nuon", "puon", "suob", "duon", "lieg", "luok", "suot", atbp.; mga katagang hinlog na malapit ng mga "maselang", "magaang", "sangla", "sanghi", "bungmasa", "ungmayaw", "kungmain", "iyuna", "iyalinsunod", atbp.

Makaitlo! Bakit di naman sabihing "makailawa"?

Makaipat! At bakit di naman "makailima"?

Makainem! Ano nga at di naman "makaipito", "makaiwalo" at "makaisiyam"?

Bakit nga hindi naman? Ano ang sanhi?

Dili iba kundi sapagka't sa iba't iba ay mahirap na palunduin o papagduyanin ang dila. Sa ikalawang pantig lamang, buhat sa hulihan, nakapaglalaro ang dila, at di maaaring gawing "makailima" o "makaiwalo" sapagka't dalawa pang pantig ang nasa hulihan. Hindi naman magawang "makaliima", "makapiito", "makawailo" at "makasiiyam", sapagka't "magdidilang intsik" na naman.

[70] "cong aco,i, magbalík na may hocbong dalá". Maliwanag na mali rito ang "aco,i, " ...Dapat basahing "icao", gaya ng sa iba. Kay P. Sayo, ang "ikaw" ay sinundan ng "ay", kaya lumabis sa bilang.

[71] NA. Sa iba ay "ang" ang nasa "na".

[72] ITONG. Ang katagang ito ay "yaong" sa iba.

[73] NAUICA. Sa iba ay naging "winika". Yaon ang lalong tumpak, pagka't sa dagsa ng kaligayahan ay di sinasadya, kundi parang bunga at atas lamang ng sigaw ng puso, ang "nauica" o naisigaw ay "Viva si Florante!"....

[74] NAGCA-CASING-SINTA ... Sa "Kun sino ..." ay "magkasing sinta". Pilay. At nagkaroon ng ibang kahulugan. Sa "magca-casing-sinta" ay sina Florante't Laura at sina Aladi't Flerida ang ibig sabihin; nguni't dahil sa pagiging "magkasing sinta" ay dalawa lamang ang lumabas at di apat.



Narito ang ilang paliwanag, na maaaring ituring na "galó" lamang, kung baga sa bigas, ng napakaraming sukat na daliriin, kung isusumag ang sipi naming ito sa iba't iba pa. Maaaring sabihin, pagka't siya namang totoo, na ang tanging pinagsumagan ay ang "Kun sino ..." na siyang kahulihulihang lumabas noong mapasakamay namin ang "Florante" nina G. Alfonso Mendoza; at sakali mang nabanggit dito ang palimbag ni G. P. Sayo at ang kay G. De los Santos ng sapagka't kaharap na lamang namin ngayon.

Ano pa nga't kung pagtitiyagaang isumag pa sa palimbag ni G. Sayo, at ayon sa isa lamang pagbasang ginawa namin, ay makikita ang di mabilang na pagkakaiba. Ang sa "Kun sino ..." ay tila sipi sa "Florante" o sumag sa iniingatan ni Dr. Pardo de Tavera, na binago nga lamang ang pagkakasulat, ayon sa bagong ortograpia. Ang nasabing "Florante" ay limbag noong 1870; na may siyam na taong kahulihán lamang sa sinipi namin. At kung sa loob lamang ng siyam na tao't nagkaroon na ng di mabilang na "kabaguhan", saan di nga lalo na sa mga linimbag nang mga taong huli sa 1870? Kaya, mapaghahaka na natin kung gaano ang kaibhan ng "Floranteng" ito sa mga lumitaw nitong mga huling panahon!

At ang pagkakaibaiba ay di dapat ipagtaka, kung aalagataing maging sa siping itong lumabas nang 1861, gayong buhay pa si Balagtas ay kay dami na rin ng kaibhan, sa pagkakasulat. At maging kami man naman, gayong pinakaingatan na ang pagsipi, ay di pa rin kami lubos na panatag. Hindi rin namin mapangahasang sabihing tahasan at ng boong tigas, na ito'y walang kamalimali, hindi na sa pagkalimbag ngayon, kundi maging sa pagkasipi na lamang namin.

Nag-aalinlangan din nga kami. At bakit? Sapagka't sa siping ito ay napuna namin ngayong may lumabas na "isinusuob", "voces", "muog", na sa palagay namin ay gawa lamang ng isang pagkakaligta. Hindi namin matiyak ngayon, kung ang "voces" ay sadyang nasa "Floranteng" sinipi namin. May paniwala kami ngayong iyan ay nakuha lamang sa "boses" ng nasa "Kun sino ..." at bagama't nabago namin ang "b" ay nakaligtaan na ang unang "s" at di nagawang "c". At ang paniwalang ito ngayon ay lalong pinagtitibay ng mga kasalit na "voces" sa iba't ibang dako. Ni noong 1861 man ay wala tayong makikitang "voces". Tunay man ngang marami ang binago noon ng kahista—gaya ng "balac-yot", "datapoua", "loualhati", "catouiran", "catao-an'", "hayin", "bitoin", "hocbo", "muc-ha", "caniya", "ayauan", "ac-yat", "cong", "condi", atbp. na ginawa niyang "balaquiot", "hucbo", "mucha", "cania", "aiuan", "aquiat", "cun" at "cundi",—ay mapaninibulusan nating hindi niya mapagkakamalang gawing "voses" ang "voces". Kaipala'y isa rin niyang kamalian—sakaling hindi amin, na parang nagagad na lamang namin sa "Kun sino ..."—ang "suob" at "muog"; nguni't ang "voces" ay aming kamalian marahil. Nagagad nga lamang sa "Kun sino ..." gaya ng pagkagagad sa dalawang huling "muog" at "suob". Ang dalawang salitang ito ay lalik ng mapaglarong pamimigkas, na kasamahan ng "buo", "nuon", "punon", "lieg", "puot" at iba't iba pang walangwala sa mga panahong yaon ni Balagtas. Saan mang matatandang awit at kurido ay di makakikita ng "muog", "hucbo" atbp., kundi "moog" at hocbo". Isa pang bagay, na dapat mapansin, ay ang mga katagang: SAGLIT-SAGLIT, sa

"dini sa li-ig co,i cúsang isasabit

tuhog na bulaclac sadyáng saglit-saglit" ...

LUHA, sa

"sa m~ga palayao ni amá,t, arugâ"

malaquing palad co,t, matamís na luhâ".

MAG-AALA-ALA, sa

"ito ang mapaít sa lahat nang dusa,

!sa aquin ay sino ang mag-aala-ala"

NANG, sa

"Cung nasusuclám ca sa aquing candun~gan,

lason sa pusô mo nang hindi binyagan"...

ANAQUI,T, sa

"Pag ibig anaqui,t, aquing naquilala

di dapat palac-hin ang bata sa saya"...

UALANG, sa

"ay bago,i, sa mundo,i, ualang quisáp matá

ang tauo,i, mayroong súcat ipagdusa".

UICA,I, sa

"cundî ang uica,i, "icao na umagao

nang capurihan co,i, dapat cang mamatáy".

HOMIHIP, sa

"homihip ang han~gi,t, agád mahiualáy

sa pasig Atenas ang aming sasaquián".

MAGCATOTOO, sa

"aniya,i, bihirang balita,i, magtapát

cong magcatotoó ma,i, marami ang dagdág".

NAGLALATHALA, sa

"na naglalathalà sa sangsinucuban

nang capurihán co at capangyarihan".

NADARARANG, sa

"caloloua,i, gulo,t, púso,i, nadararáng

sa nin~gas nang sintang bago cong naticmán".

NA UNANG, sa

"Dito co naticmán ang lalong hinagpís,

higuit sa dalitang na unang tini-ís"...

NGUNI,I, sa

"N~guni,i, cun ang ó-o,i, dî man binitiuan

naliuanagan din sintang nadidimlán".

PAGTULOG, sa

"dapoua,t, ang baya,i, tat-long arao halos

na nacalimutan ang gauíng pagtulog".

ACA,I, sa

"Ang aca,i, cong hocbo,i, cúsang pinahimpil

sa paá nang isang bundóc na maban~gin"...

TAUAGIN, sa

"Pan~gimbuló niya,i, lalo nang nag-álab

nang aco,i, tauagin tangulan n~g Ciudad"...

CORONA, sa

"ang Conde Adolfo,i, nag-papacamatáy

dahil sa Corona, cay Laura,i, macasal".

AQUIN, sa

"Dî binig-yang daang aquing pang mabunot

ang sacbát na cáliz at maca-pamoóc."

BAYAAN, sa

"!ay Amá co! ¿baquit...? !ay Fleridang toua!

catoto,i, bayaan aco,i, mapayapa".

MAGTA-ANANG, sa

"aquing na-acalang magdamit guerrero

cúsang magta-anang sa Real Palacio".

Tungkol sa "sagli-saglit" ay di kaya kahalintulad iyan ng salitang "hugos"? O lalong maliwanag: ang "g" kaya riyan ay di katulad lamang ng "g" sa "hugos"—na naging isa lamang kamalian, at kamaliang sa bisa rin ng kabunyian ng "Florante" ay nagkaroon na tuloy—ang "saglit"—ng kahulugang walang pinag-ibhan ngayon sa "salit"? Walang pinag-ibhan, ang aming sabi, at ang ganito ay di lubhang wasto. Nararapat ipaliwanag, na ang di pagkakaiba ay ayon lamang sa ilan diyan. Sa ganang kanila, ang "saglit" at ang "salit" ay iisa rin, gaya ng pagkakaisang kahulugan ng "alumanahin" at "alintanahin", ng "kagalawad" at ng "kagawad", ng "umahon" at ng "lumusong", atbp. Nguni't sa katotohanan ay iba ang "saglit" at iba naman ang "salit". Ang una ay kasinghulugan halos ng "sandali", bagama't ang "salit"—ay kasingkahulugan naman ng "halo", o ng "kasama", o ng "ibaiba".

Kaya, ang "saglit-saglit" sa tulang: "dini sa li-ig co,i, cusáng isasabit—tuhog na bulaclac sadyang saglit-saglit" ay isang kamalian lamang ng "salit-salit"—na napasukan lamang ng "g", at ang kamaliang iyan ay hindi na nabago, nanatili na sa habang panahon, hanggang sa dahil nga sa kabunyian ng "Florante" ay naging sanhi na tuloy ng pagkakaroon ng kahulugang gaya rin ng "salitsalit" o "sarisari".

Tungkol sa "luha" ay ganito rin ang na kay P. Sayo; nguni't kay De los Santos—"grande seria mi suerte y harto apetecible"—at sa "Kun sino ..." ay "lubha" ang nakalagay....

"malaking palad ko't matamis na lubha" ... na napaghahalatang kay liwanag na kamalian. At mali, sapagka't "luha" nga lamang "ang ualang patid na ibinabaha nang mga matá" ni Aladin. Anya:

"Cun ang ualang patid na ibinabahá

n~g m~ga matá co,i, sa hinayang mulà

sa m~ga palayao ni amá,t, arugà

malaquíng palad co,t, matamis na luhà".

Nariyan nga ang isa pang salitang napasukan ng isang malikot na "b", na ipinag-iba ng kahulugan, at kaibhang mahirap na mahalata, kung walang ibang siping mapagtutularan.

Tungkol sa "mag-aala-ala": ito ang kay hirap na kilalanin. Hindi natin malaman kung talagang iya'y kasamahan lamang ng mga "kinalalagi-an" at "doon~gan", na kay hirap hinagaping kamalian lamang ng kahista, o kung tunay na kamalian nga lamang nito. Lalo't kung ganyang ang pagkakasulat—"mag-aala-ala"—balangkas matanda at kauri ng "catao-an", "muc-ha" at iba't iba, ang alinlangan ay maaaring laktawan sa pamamagitan lamang ng pag-aming iyan nga ay kinatisuran lamang ni Balagtas. Nguni' t hindi naman kaya "mag-aalala" ang diya'y nakalagay? Hindi kaya ganito ang pagkakatula?:

"ito ang mapait sa lahat nang dusa

¡sa aquin ay sino mag-aala-ala!"

O ang "sino ang" ay di kaya "sinong" upang basahin namang gaya ng na kay P. Sayo?:

"Ito ang mapait sa lahat nang dusa

¡sa aquin ay sinong mag-aala-ala!"

Tungcol sa "nang", sa tulang:

"Cung nasusuclám ca sa aquing candun~gan,

lason sa pusô mo nang hindi binyagan"...

ay "ang" ang nakalagay kay De los Santos at sa "Kun sino ..."; nguni't sa aming sipi at kay P. Sayo ay "nang" ang nakalagay. Isa rin itong mahirap pasiyahan. Walang alinlangang ang "ang" ay lalong maliwanag—(lason sa puso mo ang hindi binyagan)—at kasingliwanag ng "sa" sa saad na:

"ang di nabalinong matibay kong dibdib

sa suyo ng hari, bala at paghibik"....

na ipinalit ng "Kun sino ..." sa "ng" na nauuna sa "suyo"; wala ngang alinlangang ang dinadaliring "ang" ay kasingliwanag ng "sa"; nguni't hindi kaliwanagan, ayon sa pangwatas natin ngayon, ang dapat na papaghariin, kundi ang katotohanang ginawa ni Balagtas. Para sa atin ngayon ay may ilang nadadaliri tayong malalabo sa ating pangwatas, gaya halimbawa niyaong nagsisimula sa:

"Parang naririn~gig ang laguì mong uica"

at niyaong "maglilong lácad" sa:

"¿cagandaha,i, báquit dî macapagcalág

nang pagca capatid sa maglilong lácad?"

at saka niyaong:

"¿dili ang dan~gal mong dapat na lin~gapin

mahiguit sa ualáng cagandaha,t, ningning?"

lalo na yaong biglaang isinaksak na lamang at sukat, na parang panauhing sumipot na lamang at sukat, walang ano mang kapasapasabi at ni hindi man lamang nagbigay ng "magandang araw", na:

"!cung anó ang taás, n~g pagcadaquilâ

siyaring lagapác namán cong marapá".

na ginawang pangdulo sa tulang nagsisimula sa: "Ito ay hámac pa bagáng sumansalà ...?"

Ang lahat ngang iyan ay pawang tila hindi wasto, sa ganang atin ngayon, at tila malabo. Hindi wasto ang pagsipot at sukat nitong kasabihang panghuli; hindi wasto, sa kahulugang di dapat mapaugnay sa mga sinusundan; at ang nangauuna naman ay malalabo sa atin ngayon, hindi maliwanag. Nguni't gayon pa man ay karapatdapat na igalang, huwag baguhin, pabayaan sa datihang lagay.

Kaya, malabo man nga ang "nang", at lalo man ngang maliwanag ang "ang", iyang "nang" na iyang naging "ang" sa "Kun sino ..." ay tila dapat ding igalang. Hindi kailangan kung malabo man. Anong malay natin kung maliwanag iyan sa kanilang pagbabalangkas noong araw? Saka, ang "nang" diyan ay maaaring itinatalamitan ni Balagtas sa "candun~gan", at ang ibig niyang palitawing lason ay hindi ang "di binyagan"—ang moro—kundi ang "candun~gan ng hindi binyagan"—ang kandungan ng morong sa malas ay kinasusuklaman ni Florante.

Tungkol sa "anaqui,t,"—may ligazon "t"—ay ito ang tanging "anaqui", na ginamitan ng pang-ugnay ni Balagtas, sapagka't talagang garil, pag hindi linagyan. Hindi nga maaaring sabihin ang:

"Pag ibig anaqui aquing naquilala"....

subali't sa iba't ibang nasangkapan ng katagang iyan ay hindi nangailangan ng ano mang pang-ugnay ó ligazon.

"Tungkol sa Ualang", sa saad na:

"ay bago,i, sa mundo,i, ualang quisáp matá

ang tauo,i, mayroong súcat ipagdusa".

ang "ualang" naririyan ay "balang" sa iba't iba. Aywan natin kung alin diyan ang tumpak; at kung aalagataing sa talatang iya'y may isa pang katagang napaiba rin kay sa nangasa ibang "Florante" ay lalo na tayong mag-aalinlangan. Hindi nga lamang "ualang" ang napapaiba, kundi gayon din naman ang "bago,i,"—na sa iba, ay walang pang-ugnay. "Bago" lamang ang nakalagay, gayon sa "Kun sino ...", gayon sa palimbag ni P. Sayo.

Tungkol sa "uica,i," sa sabing:

"cundî ang uica,i, "icao na umagao" ...

ay lainlangan kami sa aming sipi. Hindi namin matiyak kung talagang ganito ang sinipian namin, o kung natularan lamang namin ang ganyang nasa "Kun sino ..." Nguni't kay P. Sayo ay dinagdagan ng "hin"—ginawang "kung hindi" ang "cundî"—upang maging tama lamang ang bilang. Dapuwa't pabaligtad na lumabas. Salungat sa ibig sabihin ni Balagtas, at sinsay sa tumpak na paggamit ng "kundi" at ng "kung di". Iba ito at iba yaon. Maging sa kastila man ay iba ang "sino" sa "si no"; at si Balagtas, na dalubhasa, maging sa tagalog at maging sa kastila, taong nag-aral at nakatatalos kung ano ang kahulugan ng isa at isa, ay hindi makagagamit ng "kung hindi" sa dapat sabihing "kundi", gaya na nga sa dinadaliring pangungusap. Ang dagdag ngang "hin" ni P. Sayo ay hindi kay Balagtas.

Tama ang sabi ni De los Santos, na sa katagang "uica,i," isang kamalian ang nagawa. Sa kanyang salin ay "uinica" ang nakalagay. At ito, sa palagay namin, ang tama. Siyang nasa tunay na "Florante".

Tungkol sa "homihip", sa tulang:

"homihip ang han~gi,t, agád nahiualáy

sa pasig atenas ang aming sasaquián".

ay "humihip" din ang nakalagay kay P. Sayo at sa ingat ni De los Santos; nguni't sa "Kun sino ..." ay "umihip". Na, isang katagang maringig sa maraming bibig, Walang pinag-ibhan sa "ipin" (ngipin), "usò (nguso), "alâ" (walâ), "angin" (hangin), at marami pang kabalbalang nagkalat diyan.

Tungkol sa "magcatotoo", sa tulang:

"aniya,i, bihirang balita,i, magtapát

cong magcatotoo ma,i, marami ang dagdág".

ay isa rin sa nasa aming siping pinag-aalinlanganan namin, kung ganyang nga kayang talaga ang nasa aming sinipian, o kung nagagad lamang namin sa "Kun sino ..." ayon kay De los Santos ay "magtotoo" iyan, at ganyan din ang na kay P. Sayo. At tila ganito nga ang tama. Ang "magtapat" at "magtotoó" ay parang "mangga at suman" o "pulot at gatá sa balangkas na iyan. Nguni't, hindi naman kaya ang "cong" o "kung" ang labis diyan? Hindi kaya ang talagang ginawa ni Balagtas ay:

"...bihirang balita,i, magtapat

magcatotoo ma,i, marami ang dagdág"?

Tungkol sa "naglalathala" ay naging "m" sa "Kun sino ..." at kay P. Sayo. Ganito rin—("difundirâ")—ang kay De los Santos. Subali' t ang aming sipi, na di namin pinag-aalinlanganan, ay "naglalathalà" ang talagang nakalagay. May palagay kaming ang "maglalathala" ay siyang talagang tumpak, sapagka't sa dakong unahan ay may ganitong pangungusap:

"Ang uica,i, ó Duque, ang quiás na itó

ang siyang camuc-ha n~g bunying guerrero,

aquing napan~garap na sabi sa iyó,

maguiguing haligui n~g Cetro,t, Reino".

Maliwanag ang "maguiguing haligui"; at sa saad na ito ay walang ibang tumpak na ikapit kundi "maglalathalà ng capurihan co at capangyarihan". Mali nga ang "naglalathala".

At sa tulang kasisipi lamang ay may mapupuna rin tayong tila kamalian lamang: ang "aquing napan~garap na sabi sa iyó". May palagay kaming hindi kay Balagtas iyan. Nguni't ganyan ang nasa aming sipi at kay P. Sayo. Samantalang sa "Kun sino ..." ay "aking napangarap nasabi sa iyo". Na, lalong naging gago. Gago man sa pangungusap ang "aquing napangarap na sabi sa iyo" ay hindi sa pagkakasulat, sapagka't mayroong "na" sa pagitan ng "napangarap" at "nasabi". Nguni't ang "na" riyan ay hindi ligazon kundi tunay na panglapi, na gaya ng karamihang iba't ibang panglapi sa aklat na ito ay karaniwang inihihiwalay sa dapat lapian. Katunaya'y nariyan ang "mag hiualay", "na abâ" (isang na abâ), "nag hahandog", "mapag uunauà, "nag sisi silâ" (nagsisisilâ), "na acay" (naacay lumiyag), "mapag ala-ala", "ma anyó" (maanyong tumitig), "pag lililo", "nag hihimutóc", "nag aapuhap", "pang aliu", "mag mulâ", "mag aama", "nag bagong hibic", "mag bubo", "mag papasalamat", "nan~ga caacmâ", "mag aliu", at marami pa: mga panglaping kung bakit inihihiwalay, gayong malimit din namang isama o ikabot sa mga ugat. Napaghahalatang sa mga kahistang gumawa sa "Florante" ng 1861 ay may napasamang mangmang; at ang pagkakaibaiba ng pagkasulat o pagkalimbag ng mga salita—na sa isang dako'y tumpak, kabit ang mga panglapi sa mga dapat sa kabitang ugat, samantalang sa ibang dako nama'y hiwalay at may pinagkakabit namang hindi dapat pagsamahin—ay walang ibang pinatutunayan kundi ang pagkakaroon nga ng araláng kinatulong ng mga sanáy at maalam.

At sa kamay ng araláng iyan nagdaang walang sala ang bahaging dinadaliri natin. Kaya, ang "na" ay napahiwalay sa "sabi". Na siyang sa "Kun sino ..." ay ikinabit sa dapat pagkabitan, ginawang "napangarap" "nasabi", at siyang lalong ikinagago. Gago na sa pamimigkas ay gago pa sa pagkasulat. Kaya, ang "na" kay De los Santos, na "lo seño y te avisó" (napangarap at nasabi sa iyo), ay siyang tama. Sa pamamagitan nito, ang kagarilan ng "aquing napangarap nasabi sa iyó" ay naging pagkasarapsarap sa "aking napangarap at nasabi sa iyo". Na, labis naman dito ang bilang ng pantig? Labis nga, sa pagkakasulat, nguni't hindi sa pamimigkas. Kahalintulad lamang ng mga halimbawang nadaliri na sa ika 20, ika 45 at ika 46 na paliwanag. At wala ring pinag-ibhan sa "dampiohan", na kung isusulat ngayon ay "dampiyohan", na:

"Halina, irog co,t, ang damit co,i, tingnán,

ang hindi mo ibig dampioháng calauang"...

Paano nga ang gagawin, kung ang "dampiohan" ay isusulat ng "dampiyohan", ayon sa bagong pagsulat? Mapaiikli kaya ang "dampiyohang kalawang", upang maging sukat sa pantig?

Na, sa salitang iyan ay maipapalit ang "dapyohan" pagka't siya ring kahulugan, at iisa rin naman ang "dapyo" at "dampiyo"? Maaari nga; nguni't sino ngayon ang makatitiyak kung alin ang ginamit ni Balagtas? At sakaling "dampiohan" ay ano at papapalitan natin sa para sa kanya naman ay iisang bigkas lamang ang "iya", "iyo" atbp. ayon sa mga halimbawang dinaliri, at para sa kanya'y lalong mahalaga ang "bilang ng pantig sa pangungusap" kay sa "bilang ng pantig ng pagkakasulat"?

Tungkol sa "nadararáng", sa tulang:

"caloloua,i, gulo,t, púso,i, nadararáng

sa nin~gas n~g sintang bago cong naticmán."

sa "Kun sino ..." at kay P. Sayo ay "nadadarang" ang nakalagay. Nguni't may palagay kaming ito'y binago lamang, upang maianyo sa pamimigkas ngayon, gaya rin naman ng pagkakabago sa katagang "marampî", na ginawang "madampî'", sa tulang: