The Project Gutenberg eBook of Mga Dakilang Pilipino; o ang kaibigan ng mga nagaaral

This ebook is for the use of anyone anywhere in the United States and most other parts of the world at no cost and with almost no restrictions whatsoever. You may copy it, give it away or re-use it under the terms of the Project Gutenberg License included with this ebook or online at www.gutenberg.org. If you are not located in the United States, you will have to check the laws of the country where you are located before using this eBook.

Title: Mga Dakilang Pilipino; o ang kaibigan ng mga nagaaral

Author: Jose N. Sevilla

Release date: February 18, 2006 [eBook #17786]

Language: Tagalog

Credits: Produced by Tamiko I. Camacho, Pilar Somoza and the Online
Distributed Proofreading Team at http://www.pgdp.net (This
file was made using scans of public domain works from the
University of Michigan Digital Libraries.)

*** START OF THE PROJECT GUTENBERG EBOOK MGA DAKILANG PILIPINO; O ANG KAIBIGAN NG MGA NAGAARAL ***

Paalala ng Nagsalin: Sa orihinal na pagkalimbag, tinangal ng maykatha ang lahat ng "n" at ginamit lamang ang g̃. Dahil ninais ng maykatha na gamiting ang libro ng mga estudyante para sa kanilang pagaaral ay binalik namin ang "n" sa web version para madaling basahin ng mga kabataan ngayon. Ang plain text na edisyon naman ay hinayaan naming manatili ang porma ng orihinal na pagkalimbag ng libro.

Transcriber's note: The author removed all the "n" and used tilde g or g̃ in the original publication. Since the author intended the book as reference for students, we placed the "n" back in the web version to make it easier to read. The plain text version however retains the original form as it was published.



SA LANG̃IT NG̃ BAYANG̃ PILIPINAS.

MG̃A DAKILANG̃ PILIPINO

o

ANG̃ KAIBIGAN NG̃ MG̃A NAGAARAL

SININOP NI

Jose N. Sevilla at Tolentino

UPANG̃ MAGAMIT NA AKLAT NA BABASAHÍN

Printer's mark

UNANG̃ PAGKALIMBAG
MAYNILA, 1922

Limbagan nina Sevilla at mga kapatid at Kn.

MAYNILA, K.P.


HANDÓG

Sa kabataan ng̃ lahing̃ Tagalog upang̃ pakinabang̃an at mágamit na isáng̃ mabuting̃ basahin sa panahón ng̃ pagaáral.

Ang Kumatha.

Ang̃ karapatán sa aklát na itó ay ipinamamana ko sa aking̃ mg̃a pamang̃king̃ Emillo, Jesús, Aurelio at Predesvindo Alvero y Sevilla upáng̃ kaniláng̃ pakinabang̃an kung̃ sumapit silá sa sapát na gulang̃.

José N. Sevilla.


TUNTUNAN

DAHON IKA 5PAUNANG SALITA

7ALI MUDIN

10RAHA SOLIMAN

12RAHA LAKANDULA

14TOMAS PINPIN

17FRANCISCO BALTAZAR

22JOSE CRUZ

26P. PEDRO PABLO PELAEZ

28P. JOSE BURGOS

32JUAN LUNA Y NOVICIO

35GRACIANO LOPEZ JAENA

38APOLINARIO MABINI

44JOSE MA. BASA

47PEDRO A. PATERNO

51ANTONIO MA. REGIDOR

54FELIPE G. CALDERON

56CAYETANO ARELLANO

59SUSANA REVILLA

63TEODORA ALONZO

67MELCHORA AQUINO

69APOLONIO SAMSON

71MIGUEL MALVAR

74EMILIO JACINTO

77ANTONIO LUNA

81GREGORIO DEL PILAR

83MARCELO H. DEL PILAR

86MARIANO PONCE

90PASCUAL H. POBLETE

94RAFAEL DEL PAN

98P. MARIANO GOMEZ

101ANDRES BONIFACIO

107P. JACINTO ZAMORA

110GAT JOSE RIZAL


JOSE N. SEVILLA AT TOLENTINO
JOSE N. SEVILLA AT TOLENTINO

Naging̃ Kapitán ng̃ Artilleria ng̃ Republica Filipina
Kasang̃guni ng̃ «Suliranan ng̃ Wika»
Naging̃ Gurò ng̃ Panitikang̃ Tagalog sa Colegio «La Juventud»
Namatnugot ng̃ mg̃a Pahayagang̃
«Buhay Pilipinas», «Malalayang̃ Mang̃agawà» at «Katuwiran»
Nagtamò ng̃ Ganting̃ Palang̃ Medalla de Plata at Diploma
Sa Tang̃halang̃ Panama Pacifico, 1915,
Sa lilim ng̃ tang̃hal ng̃ Biblioteca de Filipinas
Kasang̃guni ng̃ Lupong̃ sa Pátakarán at Palatuntunan
Ng̃ Unang̃ Kapulung̃ang̃ Balagtás, 1922.
Kasapi sa «Ilaw at Panitik»


PAUNANG̃ SALITA

Isang̃ suliraning̃ kasalukuyan na humihing̃i ng̃ isáng̃ ágarang̃ paglutas ay ang̃ náuukol sa pagsisikap na tayo'y magkaroón ng̃ isáng̃ wikang̃ pambansâ na makabibigkís ng̃ boóng̃ higpít sa atin sa isang̃ pagkakáwatasang̃ ganáp sa tulóng̃ ng̃ isáng̃ sariling̃ wikà, upáng̃ mapapánatiling̃ laging̃ mainit, nagáalab at nakadádaráng̃ yaóng̃ dî mating̃kaláng̃ mithî na pinagbubuan ng̃ lalong̃ mahalagáng̃ dugô at itinulò ng̃ masasakláp na luhà ng̃ mg̃a naulila doón sa mg̃a bayaning̃ naiwan sa ságupaan sa kadilimán ng̃ gabi.

Ang̃ sanhing̃ itó rin ang̃ pinagbuhatan ng̃ isáng̃ katagâ ng̃ kapulong̃ na Lope K. Santos nang̃ kasalukuyáng̃ pinagtátalunan sa Kapulungang Balagtas niyaóng̃ ikalawang̃ araw ng̃ Abril ng̃ taóng̃ isáng̃ libo siyam na raán at dalawampuo't dalawa, ang̃ suliranin ng̃ pagtuturò ng̃ wikang̃ Tagalog sa mg̃a páaralan na anyá'y «anóng̃ aklát ang̃ pagáaralan ng̃ ating̃ mg̃a batà sa wikàng̃ Tagalog?»

Ipinagtátapát kong̃ sa kasalukuyan, kung̃ may mg̃a aklát mang̃ Tagalog na náuukol sa mg̃a Balarilà ng̃ wikà ay tahás na dî tumútugón sa mg̃a pagkakáunlád ng̃ wikang̃ Tagalog dito sa dáanang taóng̃ ika dalawam puo yayamáng̃ ang̃ mg̃a yaón ay halos tinagalog lamang̃ sa mg̃a aklát na gayón din ang̃ urì na mg̃a ibáng̃ wikang̃ Kastilá ó Ingles, ng̃uni't di nagtátagláy ng̃ sariling̃ diwà at mg̃a paraán ng̃ wikang̃ Tagalog sa kanyang̃ sining̃ na sariling̃ sarili.

Dahilán ang̃ sanhíng̃ itó nang̃ ipinagpanayám namin ng̃ kasalukuyáng̃ Patnugot ng̃ Instituto de Mujeres na nagmung̃kahi sa akin, na bilang̃ pang̃unang̃ aklát ay lumimbág muna ng̃ isáng̃ babásahing̃ káwiwilihan ng̃ mg̃a nagáaral sa sariling̃ wikà, ng̃uni't sinikap kong̃ sa pagtugón sa kanyáng̃ mungkahi ay yumari ng̃ isáng̃ aklát na tang̃i sa káwiwilihang basahin ay kápupulutan namán ng̃ mg̃a dakiláng̃ huwaran sa kapitápitagang̃ halimbawang̃ ipinamana sa atin ng̃ mg̃a bantóg na mg̃a kababayan na sa gálawan ng̃ kanilang̃ kalágayan, maging̃ sa kapamayanán, sa dunong̃ at sa kabayanihan man ó sa pagtatáng̃gol ng̃ mg̃a dakilang̃ mithî, ay kinábakasán ng̃ tápatang̃ pagibig sa mutyâ nating̃ Pilipinas.

Ang̃ sa langit ng bayang Pilipinas ay nipót ng̃a sa init ng̃ hang̃ád na ang̃ wikang̃ Tagalog ay maging̃ isang̃ wikang̃ pagbansâ, at yáyamang̃ ang̃ napili naming̃ batayán ó sáligan ng̃ aklát, ay ang̃ kagyát máukit sa pusò ng̃ ating̃ mg̃a batà ang̃ sarisaring̃ aral na iniing̃atan ng̃ mg̃a dakilang̃ pang̃yayari sa sariling̃ lupà ay máituturing̃ na ang̃ aklát na handóg namin ng̃ayón ay hindi básal, bagkús isang̃ hapyáw sa mg̃a násulat nang̃ mg̃a tudling̃, bakás ng̃ kasaysayang̃ sa mg̃a dakilang̃ aklát na náuukol sa maning̃ning̃ na dahon ng̃ ating̃ kasaysayan ay naging̃ pahiyas, at sa kapanahunan namán, ay sa mg̃a pagyayaring̃ lumúlutang̃ kung̃ minsan ay sa bugsô ng̃ kapusukán, kalupitán, ó kabayanihan kayâ na pawang may sariling̃ samyô, na kung̃ ibúbukód ay tahás na pakikinabang̃an upáng̃ makayari tayo sa ating̃ mg̃a batà ng̃ mg̃a diwang malalakí, kaloobang̃ matitibay, kálolwáng̃ dî magígipò ng̃ mg̃a panuyò at hinuhod yáyamang̃ tahás na gumágaláw sa udyók na násasalig sa pinakamarang̃ál sa lahát ng̃ udyók na dili ibá't ng̃ maning̃as na pagasang̃ maging̃ tapát na anák ng̃ bayang̃ tinubuan.

Ihináhandóg namin sa kabataan ng̃ lahing̃ Tagalog ang̃ mg̃a hapyáw, sipì, at sinóp na itó sa mg̃a panitik ng̃ mg̃a lalong̃ litáw na taong̃ aming̃ hinugutan ng̃ mg̃a ináakalang̃ karapatdapat basahin, makilala, at pagaralan ng̃ ating̃ mg̃a batà sa mg̃a unang bugsô ng̃ pagaaral, bilang paghahandâ sa kanilá na mang̃igíng̃ matitíbay na muóg ng̃ ating̃ ihináhandáng̃ bayang̃ malusóg, malayà at karapátdapat sa isang̃ bukás na malayà.

At sa pagasang̃ ang̃ tang̃kilik ng̃ mg̃a mambabasa ay igagawad sa amin, ay lumuwal ang̃ sa langit ng Bayang Pilipinas, na tagláy ang̃ lahát ng̃ kakanyahán ng̃ isang̃ bagóng̃ hugis na babásahin.

Bilang̃ pang̃alawang̃ aklát na aming̃ ilálathalà ay dî iba't "Ang aklat ng tagalog" na málalathalà sa dalawáng̃ wikà, ó sa malinaw na sabi ay sa Tagalog at Ingles, na kápagáaralan ng̃ mg̃a lihim na iníing̃atan ng̃ wikà, bung̃a ng̃ isáng̃ matamáng̃ pagsisinop. Dito ay magkatulong̃ kami ni Dr. Paul Rodríguez Verzosa, isáng̃ dalubhasáng̃ mapagsuysóy ng̃ mg̃a kapakanan ng̃ wikà at lahing̃ Tagalog.

At pang̃atló sa taóng̃ itó ay isusunód namin ang̃ isáng̃. Maikling Balarila na kásisinupán ng̃ mg̃a alituntunin at paraán ng̃ wikà sa kanyáng̃ kakayahán, mg̃a paglalapilapì sa tulong̃ nang̃ mg̃a tipik at pagbabago ng̃ mg̃a diwà ng̃ salità sa pamamagitan ng̃ paguulit ng̃ panting̃ ó ugát kayâ sa ng̃ayon sa kahiling̃an ng̃ siníng̃.

Umáasa kami na sa pamamagitan ng̃ tang̃kilik ng̃ mg̃a Páaralan at ng̃ báyang̃ mahiligin sa pagaaral ay sásapit tayo sa pagkakaroón ng̃ isáng̃ Batás na kákaling̃à sa ating̃ mg̃a kathâ na hang̃gá ng̃ayón ay lúlutang̃lutang̃ sa dagat na waláng pampáng̃ ng̃ kapabayaan.

Kung̃ magkakagayón ay matitiyák naming̃ ang̃ walang̃ maliw na punyagî ng̃ Kapulungang Balagtas na aming̃ kináaaniban ay dî naaksat maáasahang̃ pagáanihan ng̃ mg̃a saganang̃ biyayà.

Jose N. Sevilla.


ALI MUDIN

Si Ali Mudin ay isá sa mg̃a lalong̃ nápabantóg na Sultán sa Huló. Siyá ay anák ni Maula na napabilang̃ sa mg̃a lalong̃ litáw na Harì sa nábang̃gít na Pulô. Ang̃ magamáng̃ itó kailán ma'y hindî napasuko nang̃ hukbóng̃ kastilà anó mang̃ sikap ng̃ ginawâ upáng̃ lupigin ang̃ kanilang̃ kaharian.

Nang̃ humalili si Ali Mudin sa kanyáng̃ amá ay sinikap ng̃ mg̃a kastilà na magtamó sa kanyá ng̃ isáng̃ kásunduan, at sapagka't si Ali Mudin ay maibigín sa kapayapaan ay nagpadalà sa Maynilà ng̃ limáng̃ sugò, niyaong̃ Enero ng̃ 1737 upáng̃ makipagtalo sa mg̃a mung̃kahing̃ kásunduan ng̃ mg̃a kástilà.

Sa mg̃a sugong̃ itó ay kabilang̃ siná Dadia Deila, Radia Poot Salikaya at si Panduta Mahomed Ismalis. Ang mg̃a sugóng̃ itó ng̃ Sultan na si Ali Mudin ay siyáng̃ nang̃asiwà sa pakikipagkásundô sa mg̃a kastilà na pinagtibay niya sa Huló, at sa pinagkásunduán ay nabibilang̃ ang̃ mg̃a sumúsunód:

I.—Maghahari sa dalawáng̃ pang̃kát na nagkakásundô ang̃ kapayapaan.

II.—Ang̃ dalawáng̃ pang̃kát, o ang̃ mg̃a moro at mg̃a kristiano ay magtúlulong̃ na makipagbaka sa alin mang̃ kaaway nilang̃ dalawá.

III.—Magkákaroón siláng̃ dalawá ng̃ malayang̃ pagkakálakalan.

IV.—Sakaling̃ sino man sa dalawáng̃ dako ay puminsalà sa kang̃ino man sa kanilá o maghasik ng̃ sigalót sa isá sa kanilá, ang̃ naminsalà o sanhî ng̃ kapinsalaan ay magbábayad sa pininsalà ng̃ isáng̃ halagáng̃ híhigín ng̃ napinsalà.

V.—Magpapàlitan ng̃ bihag.

Si Ali Mudin ay nagíng̃ tunay na Harì, at ang̃ kanyáng̃ kapang̃yarihan ay kinilala ng̃ mg̃a kastilà hang̃gang̃ sa niyáong̃ taóng̃ 1749 ay sumirà sa kásunduan ang̃ mg̃a kastilà at si Ali Mudin ay nábihag at dinalá sa Maynilà niyaóng̃ Enero ng̃ taóng̃ nábang̃git.

Sa pagkábagsàk ni Ali Mudin ay humalili si Bantilan, isáng̃ dakilang̃ Datò ng̃ panahóng̃ yaón.

Nanahanan sa Maynilà si Ali Mudin na kasama ng̃ kanyáng̃ anák na si Israel na pinahintulutan ng̃ mg̃a kastilà na makapang̃aral sa Páaraláng̃ San José. Sa boóng̃ panahóng̃ ipinakipamayan ni Ali Mudin sa piling̃ ng̃ mg̃a kristiano ay nahikayat na pabinyág at ang̃ pang̃alang̃ iginawad sa kanyá ay Fernando I.

Pagkalipas ng̃ iláng̃ panahón, ay sinikap ng̃ Gobernador Obando na si Ali Mudin ay mábalík sa kanyáng̃ pagká Harì, at si Ali Mudin kasama ng̃ iláng̃ sasakyáng̃ punô ng̃ kawal ay tumulak na patung̃o sa Huló binaka nilá ang̃ mg̃a kutà roón hang̃gáng̃ sa nang̃ dî na máipagtang̃gol ng̃ mg̃a moro ay kaniláng̃ napasukò at isáng̃ panibago na namáng̃ kásunduan ang̃ linagdaán ng̃ mg̃a moro at ng̃ mg̃a kagawád ng̃ mg̃a kastilà.

Ang̃ mg̃a sasakyán ay lumayag na patung̃o sa Zamboanga at sa pagka't di nakasama si Ali Mudin sa mg̃a kastilà sa pagtulak na yaon ay sinapantahà ng̃ mg̃a kastilà na siyá ay nagtaksíl, at siyá, kasama ng̃ mahigit na dalawáng̃ daáng̃ kasamahán ay dinakip at mulíng̃ ibinalik sa Maynilà at ibinilang̃gô sa Fuerza de Santiago.

Buhat noón ay pinasimulán na ng̃ mg̃a kastilà ang̃ waláng̃ maliw na pagbaka sa mg̃a moro; ng̃uni't pawang̃ waláng̃ tagumpáy na masásabi na kaniláng̃ tinamo sa Timog ng̃ Kapuluan.

Hinilíng̃ ni Ali Mudin sa mg̃a kastilà na ang̃ kanyáng̃ anák na si Fatima ay pahintulutang̃ makapagbalík sa Huló, niyaóng̃ Febrero ng̃ 1753 upáng̃ magsikap sa ikapagharì ng̃ kapayapan doón, at ang̃ gayóng̃ kahiling̃an ay dining̃ig at pinahintulutan ng̃ mg̃a kastilà; bilang̃ bung̃a ng̃ paglalakbáy na itó ni Fatima ay nagtamó siyá ng̃ isang̃ sulat buhat kay Bantilan na nagsasabing̃ si Ali Mudin ay pabalikin sa Huló, upáng̃ magharing̃ mulî róon at lumagdâ sa isang̃ bagong̃ kásunduan ang̃ dalawáng̃ dakong̃ dating̃ magkaaway na mg̃a moro at kastilà. Ang̃ lahat ng̃ kahiling̃an ni Bantilan ay dinging̃ ng̃ mg̃a kastilà, subalit hinilíng̃ na si Ali Mudin ay palayain ng̃uni't mamámalagì sa Maynilà sa piling̃ ng̃ Arzobispo Rojo na siyáng̃ kumuha sa kanyá sa Fuerza Santiago at nagbigáy sa kanyá ng̃ isáng̃ táhanan at mg̃a lingkód.

Niyaóng̃ 1762 ang̃ Maynilà ay sinalakay ng̃ mg̃a Inglés at si Ali Mudin sa piling̃ ng̃ limampuô katao ay lumabás at nakibakang̃ kasama ng̃ mg̃a kastilà sa bagong̃ kalaban na dumadagsâ at humuhugos sa kamaynilaan.

Ipinamalas ni Ali Mudin ang̃ isáng̃ dî karaniwang̃ katapang̃an na katutubò ng̃ mg̃a moro at lubhang̃ maraming̃ Inglés ang̃ kaniláng̃ pinuksâ bagá mang̃ ang̃ Lunsód ay napasok at napasukò. Ang̃ mg̃a Inglés ay dî naglaón sa Maynilà at sa kaniláng̃ paglayas, sa kautusan ni Simon de Anda at Zalazar ay pinapanumbalik si Ali Mudin sa Huló upang̃ muling̃ lumuklók pa kanyáng̃ luklukang harì.

Gumawâ ng̃ isáng̃ línang̃in sa Balambang̃ ang̃ mg̃a Inglés na kaniláng̃ linibid ng̃ matitibay na kutà at sa dî pagkawilì dahilán sa ang̃ sigáw ay dî nilá matagalán ay lumipat sa isáng̃ pulô na malapit sa Huló. Ang̃ ganitóng̃ pang̃yayari ay dî minabuti ng̃ Sultan Mahomed at ni Israel na anák ni Ali Mudin, sapagka't dî nilá matiís na ang̃ kaniláng̃ lupaín ay ariin ng̃ mg̃a banyagà; at naghanáp silá ng̃ isáng̃ kátaóng̃ ikapagtatabóy sa mg̃a mang̃gagagá.

At ang̃ panahóng̃ itó ay dumatíng̃ niyaóng̃ bihagin ng̃ mg̃a kawal na Inglés si Dato Tenteng̃, isá sa mg̃a malalakás at pinaníniwalaang̃ Datò, at isá sa mg̃a maiinit na araw ng̃ Marso niyaóng̃ 1772 nang̃ makalayà na si Tenteng̃, ay nakipagalám sa mg̃a ibang̃ Datò na siná Dakula at Zamang̃go-Isaák, kasama ng̃ iláng̃ kawal na sumalakay sa kinalalagyán ng̃ mg̃a kawal na Inglés, at sa ganitóng̃ ságupaan ay nang̃ágsitakas ang̃ mg̃a Inglés sa mg̃a bang̃káng̃ lundáy na pinaghábol ng̃ mabibilís na sasakyáng̃ moro. Sinikap ng̃ Gobernador na Inglés na makipagkásundô, ng̃uni't dî tinalima ng̃ mg̃a moro at silá ay ipinagtabuyan at sa pagtakas ay nang̃aiwan nilá ang̃ kaniláng̃ mg̃a sasakyán, mg̃a kanyón, baril at apat na puô at apat na libong piso.

Namatáy si Ali Mudin sa Huló, ng̃ boóng̃ kasiyahang̃ loób, sapagka't náitabóy niyá ang̃ mg̃a manlulupig sa kanyáng̃ bayan.

Si Ali Mudin ay nagíng̃ tudláan ng̃ dî kawasang̃ paghang̃à ng̃ kanyáng̃ mg̃a sàkop.

Ali Mundin

RAHÁ SOLIMAN

Bago nagíng̃ Rahá si Solimán, ay nagíng̃ katulong̃ muna sa pang̃ang̃asiwà ng̃ mg̃a súliranin dito sa Maynilà, ni Raháng̃ Matandâ.

Si Lakán Dulà na nanánahanan sa Tundó ay siyá niyáng̃ kasama. Itó ay nang̃ kapanáhunan ni Raháng̃ Matandâ nang̃ taóng̃ 1570. Noón ay isáng̃ pulutóng̃ nang̃ mg̃a sasakyáng̃ kastilà na pinamumunuan ni Martin de Goití at Juan de Salcedo ang̃ dumaong̃ sa luók ng̃ Maynilà. Niyaóng̃ unang̃ datíng̃ dito niná Goití ay dî sila nakalunsád pagdaka. Ang̃ Maynilà, ay may matitibay na mg̃a muóg at sila'y pinaputukán at sinagupà.

Nabalitaan niláng isá sa mg̃a makapang̃yarihan doón ay si Solimán, kaya't nagpadalá sina Goití rito ng̃ sugò na nagsásaysáy na silá'y dî naparito upáng̃ makidigmâ kundî upáng̃ makipagkásundô, at ang̃ ganitó'y tinugón sa pamamagitan ng̃ sugò, na ang̃ Hari sa Maynilà ay nagnanasà ng̃ makipagkaibigan sa mg̃a kastilà.

Pagtang̃gáp ni Goití ng̃ paklí ni Solimán ay nasók siyá at ang̃ kanyáng̃ mg̃a tao sa ilog ng̃ Pasig at silá'y lumunsád sa isáng̃ baybáy na itinakdâ ng̃ Harì. Sinalubong̃ silá ni Raháng Matandâ at nakipagkamáy sa kanilá, pagkaliban ng̃ iláng̃ sandali ay dumatíng si Rahá Solimán at nakipágkamáy din ng̃uni't nagpasubalì ng̃ gayari: «Kamí ay nagnánasang̃ makipagkaibigan sa mg̃a kastilà samantalang̃ silá'y mabuti sa amin; ng̃uni't mahíhirapan silá ng̃ gaya ng̃ hirap na tiniís na ng̃ ibá, kailán ma't nasain niláng̃ kami'y alisán ng̃ puri».

Pagkaraán ng̃ iláng̃ araw si Goití ay nagkulang̃ sa pagkakáibigan sa pagpapaputók ng̃ kaniláng̃ kanyón, at si Rahá Solimán ay napilitang̃ magbago ng̃ kilos. Ipinawasák nitó ang̃ mg̃a sasakyán nina Goití at ipinapuksâ ang̃ kanyáng̃ mg̃a kawal.

Nápakabuti ang̃ pagtatang̃gól sa mg̃a kutà at dî nagawâ nang̃ mg̃a kastilà ang̃ makapasok agád, ng̃uni't nang̃ mang̃asalantà ang̃ mg̃a tao ni Solimán at maubos na ang̃ mg̃a punlô ay napipilan din. At nang̃ makuha ng̃ mg̃a kastilà ang̃ Maynilà ay sinalakay ang̃ bahay ni Solimán at dito'y nátagpuán nilá ang̃ isáng̃ mainam na gusali, maiinam na kasang̃kapang̃ sigay, mg̃a damit na mariring̃al na nagkakahalagá ng̃ may 23.000 piso.

Hindî nagtaksíl kailán man si Solimán, gaya ng̃ ipinararatang̃ sa kanyá ng̃ mg̃a kastilà. Siyá'y tumupád lamáng̃ sa kanyáng̃ dakilang̃ katung̃kulan na makibaka sa sino mang̃ magnánasang̃ sumirà ng̃ kanyáng̃ kapuriháng̃ pagkaharì, at yáyamang̃ ang̃ mg̃a kastilà ay siyáng̃ nagpasimulâ ng̃ pagbabaka, ay siyá ay nagtang̃gól lamang̃ at natalo, ng̃uni't hindî kailán man nagtaksíl.

Ang̃ kanyáng̃ pagibig sa sariling̃ Lupà ay nagudyók sa kanyáng̃ makibaka at siyá ay nakibaka dahil doón.

Kung̃ saán mákikitang̃ ang pagguhò ng̃ kaharian ni Solimàn ay utang̃ sa kagahaman ng̃ isáng̃ lahing̃ mang̃aalipin; sa isáng̃ pámahalaáng̃ pinagágaláw ng̃ lakás ng̃ lakás at di ng̃ lakás ng̃ katuwiran.

Kawawang̃ bayang̃ maliliít na linúlupig at ginágahasà ng̃ malalakíng bansâ.

Ang̃ daigdíg ay patung̃o sa pagunlád, at buhat niyaóng̃ 1914 na gahasain ang̃ Belhika, ang malalakíng̃ Bansâ ay nagsasapì at ipinagtang̃gól ang̃ katwiran ng̃ maliliít na bayan. Panibagong̃ kilos sa daigdíg na bung̃a ng̃ mayamang̃ diwà ng̃ dakilang̃ Wilson sa kaamerikahan.

Raha Soliman

RAHA LAKAN DULA

Si Rahá Lakán Dulà ay isá sa mg̃a lalong̃ bantóg na namunò sa Bayan ng̃ Tundó. Siyá ay isá sa mg̃a kasang̃gunì ni Rahá Matandâ, si Lakán Dulà ay siyáng̃ Pámumuán ng̃ panahóng̃ siná Legaspi ay dumaóng̃ sa ating̃ lunsód, niyaóng̃ taóng̃ 1571. Nang̃ sumapit si Legaspi sa ating̃ Lupaín at lumunsád sa Tundó ay nátagpuán niyáng̃ dito'y naghaharì ang̃ kapayapaan, namámayanì ang̃ matatalinong̃ mg̃a batás, at may matitíbay na muóg na panang̃gól sa mang̃agsísisalakay.

Kiníkilalang̃ Harì rito si Lakán Dulà ng̃ mg̃a kanugnóg na lupaín, at ang̃ kaniyáng̃ nang̃asásakupan ay bumábayad sa kanyá ng̃ buís at lagíng̃ tapát sa kanyá, magíng̃ sa kapayapaán at magíng̃ sa digmâ. Ang̃ mg̃a sasakyáng̃ insík at Hapón na dumaóng̃ dito ay pawang̃ nagbábayad ng̃ buwís kay Lakán Dulà, bago lumunsád at mang̃alakal sa tagarito.

Kinilala rin namán ni Legaspi ang̃ kapang̃yarihan ni Lakán Dulà at gumawâ silá ng̃ Sang̃usapan at pagkarán ng̃ iláng̃ panahón si Lakán Dulà ay nagíng̃ kakampí ng̃ España. Tumulong̃ si Lakán Dulà sa pagtátatag dito ng̃ mg̃a táhanan ng̃ mg̃a kastilà at pagkaraán ng̃ iláng̃ panahón siyá at ang̃ kanyáng̃ mg̃a anák ay napabinyág na lahát. Ang̃ pang̃alang̃ iginawad kay Lakán Dulà ay Carlos.

Niyaóng̃ taóng̃ 1574 na ang̃ lupaíng̃ itó ay salakayin ni Limaóng̃, isáng̃ insík na tulisáng̃ dagat, ang̃ Raháng̃ itó at ang̃ kanyang̃ mg̃a anák ay nakilabang̃ kakampí ng̃ mg̃a kastilà sa mg̃a insík na nagsisalakay. Napaurong̃ siná Limaóng̃ ng̃ mg̃a kampón ng̃ Rahá Lakán Dulà at ang̃ mg̃a itó ay nagtatag ng̃ kaniláng̃ kaharian sa Pang̃gasinán at doó'y pinágusig silá ng̃ hukbó ni Lakán Dulà hang̃gáng̃ nápatayán silá ng̃ kay raming̃ alagád at náitaboy silá sa labás ng̃ mg̃a lupaíng̃ sakop ng̃ Raháng̃ Tagalog na itó na nagpakita ng̃ gayón na lamang̃ tapang̃.

Si Lakán Dulà ay nagkaroón ng̃ tatlóng̃ anák na lalaki at siyá at ang̃ kanyáng̃ mg̃a anák sa kapanahunan ni Lavezares niyaóng̃ 1572 hang̃gáng̃ 1575 ay patuloy siláng̃ naging̃ katúkatulóng̃ sa pagpapalaganap ng̃ kakristianuhan sa Kagayán, Kamarines, at Zambales; ang̃ kanyáng̃ apóng̃ si Makapagál ay isá sa lumitáw sa tanán niyang̃ mg̃a kamaganak. Si Makapagál sa kanyáng̃ katápatan sa España ay ginawáng̃ «Maestro de Campo» at pagkatapos noón ay naging̃ Heneral siya sa Apalit, Arayat at mg̃a kabundukan ng̃ Zambales.

Nang̃ magkáalít ang̃ mg̃a kapampang̃an at mg̃a pang̃gasinán ay dî naapulà, samantalang̃ hindî namagitan si Makapagál; at nang̃ mulíng̃ sumalakay ang̃ mg̃a insík sa kapanahunan ni Heneral Figueroa ay hining̃î ang̃ tulong̃ ni Heneral Makapagál at itó ang̃ humawì sa nagsisisalakay.

Sa pagkilala sa dakilang̃ tulong̃ ni Heneral Makapagál sa España ay silá'y tinimawà ng̃ mg̃a kastilà sa anó mang̃ bayarin sa Pámahalaán at ang̃ lahát ng̃ kanyáng̃ kamaganakan ay gayón din. Itó'y namarati hang̃gáng̃ sumapit ang̃ taóng̃ 1883.

Si Rahá Lakán Dulà ay isá sa mg̃a lalong̃ kilalang̃ harì sa kapanahunang̃ yaón ng̃ ating̃ kasaysayan. Nagíng̃ kakampí siyá ng̃ mg̃a kastilà sa pagká't naniwalà siyáng̃ ang̃ mg̃a kastilà ay magiging̃ tapat sa kásunduan at pang̃akò. Tumulong̃ siyá sa pagsalasà sa nagsisalakay na mg̃a nagnánasang̃ magharì rito at sakupin ang̃ kanyáng̃ ang̃kán; at lagì siyáng̃ tumulong̃ sa pagapulà ng̃ mg̃a himagsikan, sapagká't inàakalà niyáng̃ ang̃ gayón ay nagguguhò lamáng̃ ng̃ kapayapaán ng̃ kanyáng̃ mg̃a sakop.

Kung̃ ang̃ mg̃a kastilà ay hindî tumupád sa pang̃akò at sumirà sa sang̃usapan, ay hindî kasalanan ni Lakán-Dulà; kasalanan ng̃ kasakiman na náaayos sa símulain ni Bismárk na ang̃ maliliít ay talagang̃ kákanin ng̃ malalakí.

Samantalang̃ hindî naghaharì ang̃ pagkakapantáypantáy ng̃ mg̃a tao sa haráp ng̃ katuwiran at ang̃ kawagasán ay isáng̃ kabaitang̃ násusulat lamáng̃ at dî ginágampanán ng̃ lahát at bawa't isá, talagáng̃ ang̃ kapang̃aniban sa mg̃a maliìt na Bansà ay laging̃ nakabalà.

Itó ang dakilang̃ gáwain ng̃ mg̃a tao ng̃ Daigdigan.

Itó ang̃ simulaing̃ nasang̃ pairalin ng̃ dakilaing̃ Wilson nang̃ siya'y mamagitan sa nagiinapóy na digmaan sa Europa.

Anó ang̃ malay natin kung̃ yaón din ang̃ mang̃ing̃ matibay na sáligan ng̃ ganáp natíng̃ kasarinlán.

Decorative motif

TOMAS PINPIN

Laking̃ kapabayaan at kapabayaáng̃ lubháng̃ pumipinsalà sa ating̃ pagkabansáng̃ lináng̃ ang̃ pang̃yayaring̃ ang̃ ating̃ mg̃a dakiláng̃ tao ay nálibíng̃ sa limót at waláng̃ nagukol kahit na hapyáw man lamang̃ na pagbabalità sa kaniláng̃ mg̃a kabantugan. Ang̃ limbang̃an ay isáng̃ dakiláng̃ biyayà sa katauhan, sa pagka't túnay na mabisang̃ katulong̃ sa paglálaganap ng̃ mg̃a mithíng̃ bung̃a ng̃ mg̃a kisláp ng̃ diwà ng̃ tao ng̃uni't katakátaká mandín na ang̃ káunaunahang̃ manlilimbág dito sá Kapuluán ay hindî naka pagpapamana sa atin ng̃ haláw man lamang̃ ng̃ kanyáng̃ buhay, subalì't gaya ng̃ ang̃ mg̃a dakiláng̃ pang̃yayari ay nagiiwan ng̃ mg̃a dakiláng̃ bakás gayon ang̃ nang̃yari sa ating̃ kababayang̃ itó na pinagúukulan ng̃ayon nitóng̃ maigsíng̃ úlat.

Ang̃ limbagan ay isáng̃ dakilang̃ biyayà sa katauhan, biyayang̃ mabisang̃ katulong̃ sa paglalaganap ng̃ mg̃a kahang̃ahang̃áng̃ kisláp ng̃ diwà na higit sa dagidab na sumasakaalaman ng̃ lahát at napapanatili at nagágamit at sunodsunoran sa kapakanán ng̃ katauhan.

Kung̃ ang̃ limbagan ay isáng̃ tunay na biyayà sa katauhan, dísapalà ay karapatdapat na pagpugayan at handugán ng̃ isáng̃ ganáp na pagturing̃ ang̃ mg̃a taóng̃ nang̃ákatulong̃ sa pagpapalaganap niyaón. Si Tomás Pinpin, sa ng̃ayon sa mg̃a kasulatang̃ amíng̃ násuysóy ay siyáng̃ káunaunahang̃ Tagalog na naglaganap ng̃ limbagan sa dakong̃ itó ng̃ daigdigan.

Kilalá at nahihiging̃an na siyá'y isáng̃ Tagalog at káunaunahang̃ manlilimbág dito sa Filipinas at Tagalog na may díwang̃ lináng̃ sa itinítímpalák ng̃ káunaunaháng̃ aklát na «Librong̃ Pagáaralan ng̃ mg̃a Tagalog ng̃ Wikang̃ Kastilà» subali't hindî nákikilala gaya ng̃ malaong̃ dî nábalitaan ang̃ kanyáng̃ pang̃alan, sa pagká't waláng̃ nagukol sa kanyá ng̃ isáng̃ karapat dapat na gunitâ.

Ang̃ ganitóng̃ mg̃a kapabayaan ay dî dapat mamarati, sa pagká't lubhang̃ pípínsalà sa ating̃ pagkabanság kasalukuyang̃ tinátawaran at ayaw kilalanin.

Ng̃uni't sino si Pinpin? Kailan siyá ipinang̃anak? Saang bayan siyá Sumibol?

Mg̃a tanong̃ na dî matugón ng̃ tiyakan at waláng̃ mg̃a kasulatan maturól yayamang̃ ang̃ karamihan ng̃ mápagsasáng̃guniang̃ tálaan sa mg̃a Simbahan ay nalipol at na waldás ng̃ ating̃ mg̃a himagsikan. Hindî máaaring̃ malimutan, hindî dapat malimutan ang̃ mg̃a dakilang̃ gawâ ng̃ mg̃a lalò pang̃ dakilang̃ tao na gaya ni Pinpin. Sa kanyáng̃ aklát ay matítiyák ang̃ kanyáng̃ sikháy na tayo'y mákawatas ng̃ nang̃amiminunò sa atin at ng̃ sa gayóng̃ paraán ay tahás nating̃ mákilala ang̃ kaniláng̃ urì, karang̃alan at diwà dahilán itóng̃ sukat na, upáng̃ si Pinpin ay mákintál sa pusò ng̃ tanáng̃ pilipino at magsikap na siyá'y mákilala at pag-aáralan. Umanó'y tubong̃ Abukay, sakóp ng̃ lalawigang̃ Bataan niyaóng̃ lalawigan pinakípamuhayam hang̃gáng̃ sa huling̃ sandalî ng̃ ating̃ dakilang̃ Balagtás; niyaóng̃ lalawigang̃ sinibulan ng̃ isáng̃ utak na hinang̃aan ng̃ Daigdig na hang̃gang̃ sa kamatayan ay pawang̃ karang̃alan sa kanyáng̃ buhay ang̃ idinudulot sa kanyáng̃ sariling̃ lupà, ng̃ kagalang̃-galang̃ na Arellano.

Sang̃ayon sa isáng̃ aklát na kanyáng̃ sinulat, si Tomás Pinpin ay taong̃ Bataan, dátapuwa't dî maturól nang̃ tiyakan kung̃ alíng̃ bayan sa Bataan ang̃ kanyang̃ kinákitaan ng̃ unang̃ liwanag; kapabayaan ng̃ ating̃ mg̃a pang̃anay na sanhî ng̃ayón ng̃ kapinsalaáng̃ itó, bagá mang̃ dî íilán ang̃ nagsásabing̃ ang̃ kababayang̃ itó ay tubò sa bayan ng̃ Abukay.

Talagáng̃ ang̃ mg̃a dakilang̃ tao ay pinagaagawán ng̃ mg̃a bayan, gaya halimbawà ng̃ nang̃yayari sa ating̃ Balagtás, na anáng̃ mg̃a tagá Udyóng̃ ay anák itó ng̃ bayang̃ yaón, baga máng̃ ang̃ mg̃a kasulatáng̃ nátuntón ng̃ masipag na mánunuysóy na si G. Hermenegildo Cruz ay tumítiyák na ang̃ ating̃ Makatà ay tubò sa Pang̃inay, sakop ng̃ Bigaa, Bulakán.

Saan mang̃ bayan sumiláng̃ si Pinpin, ay nakasísiyá na sa amin ang̃ matiyák na siya'y isáng̃ Tagalog at siyáng̃ káunaunahang̃ manunulat na naghandóg ng̃ isáng̃ mahalagáng̃ aklát ng̃ sining̃, sa kapakinabang̃an ng̃ kanyáng̃ mg̃a kalahi.

Utang̃ sa masikap na mánunulat na si G. Manuel Artigas, ang̃ muling̃ pagkálimbág ng̃ «Librong Pag-aaralan Ng Mga Tagalog Ng Wikang Kastila» sa kanyáng̃ «La Primera Imprenta en Filipinas» at doón ay mabábakás ng̃ mg̃a mairugin sa mg̃a kabantugan ng̃ ating̃ mg̃a kababayan ang̃ mg̃a mahahalagáng̃ aral ng̃ ating̃ Pinpin sa kanyáng̃ mahalagá at pang̃anay na aklát na may gayóng̃ uri na kabantugan ng̃ pánitikang̃ Tagalog.

Sa kanyáng̃ pagkamanlilimbág ay natitiyák na siyá ay nagíng̃ isáng̃ matapát na aralán ni Parì S. José, at sa isáng̃ maigsíng̃ bugsô ng̃ panahóng̃ ikinatatag dîto ng̃ limbagan ay nakápaghandóg agád ng̃ mayamang̃ bung̃a ng̃ kanyáng̃ diwà. Niyaóng̃ 1610 na limbagin ang̃ kanyáng̃ aklat ay nagtamó, ng̃ malugód na papuri ni Pari Roque Barrionuevo sa kanyáng̃ mung̃kahi upáng̃ bigyáng̃ pahintulot at sa iláng̃ katagâ ay kalakip itóng̃: «Y es mucho de estimar por ser su autor un natural tagalog.»

Siya ang̃ naging̃ Patnugot ng̃ unáng̃ limbagan dito sa Pilipinas magbuhat niyaóng̃ taóng̃ 1610 gaya ng̃ mátataluntón sa «Arte y Reglas de la Lengua Tagala» at ang̃ ganitóng̃ tung̃kulin ay ginampanan niyá hang̃áng̃ sumapit ang̃ taóng̃ 1630, at nang̃ lumipas ang̃ iláng̃ panahon ay lumipat siyá sa Limbagan ng̃ mg̃a Paring̃ Hesuitas niyaóng̃ 1637 hang̃gang̃ 1639.

Si Tomás Pinpín ng̃â sang̃ayon sa mg̃a nátataluntóng̃ balità ay siyáng̃ matandáng̃ kapatid ng̃ ating̃ mg̃a manlilimbág na dî nagaksayá ng̃ panahón at naging̃ sáligan ang̃ katiyagaán hang̃gáng̃ sa magíng̃ isáng̃ dalubhasang̃ tagapagpanuto ng̃ kanyáng̃ mg̃a kapanahón gaya ng̃ mákikita sa katagáng̃ aming̃ sísipiin dito sa kapakinabang̃an ng̃ aming̃ mg̃a mambabasa: «Dí baquin ang langgam ay nacararating sa cacaong̃in ay bahaguia ng̃ macalacad.»

Mahalagang̃ aral na magagawáng̃ isáng̃ mainam na sáligan upáng̃ sapitin ang̃ alin máng̃ matataás na indayog ng̃ páng̃arapín.

At itóng̃ sumusunód; «ay lalo ring iquinapagpilit nang loob cong tayong lahat ay paraparag macaalam nang uicang Castila ay ang caloloua nating ay nang maiquinabang sa P. Dios nang Canyang mga Auaauang marami».

Kung̃ saan mapagkikitang̃ sa kanyáng̃ banál na pananampalataya ay dî niya naligtaan ang̃ mg̃a kalahì na dî makinabang̃ ng̃ biyayà noón.

Kung̃ ang̃ nang̃áuna sa atin ay nagsikap na magpamana sa mg̃a sumisiból ng̃ bahagyâ man lamang̃ ulat tung̃kól dito sana'y nápagaralan natin gayón ang̃ mg̃a dakilang̃ halimbawà sa ating̃ kapakinabang̃an.

Kung̃ isáng̃ araw ay makasapit ka giliw na mambabasa sa Liwasang̃ Cervantes at doón ay makita mo ang̃ isáng̃ bantayog ay masdán mo si Pinpín na nakapakò ang̃ matá sa lupà at tila may mahalagáng̃ bagay na ináaninag; ináapâ niya marahil kung̃ ang̃ naging̃ bung̃a ng̃ limbagan sa kanyáng̃ tinubuang̃ lupà ay nagíng̃ isáng̃ biyayà ó naghatíd sa kapang̃anyayaán. Nálalamán niyáng̃ ang̃ limbagan ay isáng̃ mabilis na pakpák ng̃ diwà upáng̃ ang̃ bung̃a ng̃ kaniláng̃ mg̃a likhâ ay magtawirang̃ waláng̃ pang̃anib sa malalawak na karagatan ng̃ daigdigan, nálalaman niyáng̃ ang̃ limbagan ay isáng̃ mabutíng̃ paraán upáng̃ ang̃ lahát ng̃ mg̃a pang̃yayari ay huwág máliblib sa mang̃ágsísisibol na áapuhin, at itó ang̃ kanyáng̃ ginawâ kung̃ kayâ kahit hapyáw, ay siya'y ating̃ nábabalitaán ng̃ayón. Ng̃uni't dî dapat mákailâ sa atin ang̃ pang̃yayaring̃ ang̃ limbagan ay isang̃ mabisang̃ katulong̃ sa paninirang̃ puri.

Nariyán ang̃ isang̃ taong̃ nagpagál sa kapakinabang̃an ng̃ kanyáng̃ bayang̃ tinubuan.

Decorative motif

Francisco Baltazar (Balagtas)

Francisco Baltazar

Hindi maáaring̃ sumulat ng̃ ukol sa pánitikang̃ Tagalog nang̃ dî bábang̃gitín ang̃ pang̃alan ng̃ dakilang̃ Makatà ng̃ Wikang̃ Tagalog, ng̃ Harì ng̃ mg̃a mang̃aáwit, na si Francisco Baltazar.

Ang̃ maykathâ ng̃ «Florante at Laura» ay isá sa mg̃a nápilì at namukód na higít sa isáng̃ maning̃níng̃ na talà at karapátdapat na mápapiling̃ kina Goethe, Virgilio, Dante Aligieri na pinípiging̃ ng̃ mg̃a «Diosa» sa kanyáng̃ dulang̃, na dî nadádaluhán nino mán kundî ng̃ mg̃a tunay na diwà lamang ng̃ mg̃a lahì.

Si G. Hermenegildo H. Cruz ay nagukol sa kanyá ng̃ isáng̃ mahalagáng̃ aklát na kátataluntunán ng̃ kanyáng mg̃a lálong̃ lihim na pinang̃daánan at búhay. Si G. Epifanio de los Santos Cristóbal sa pagsasálin ng̃ kanyáng̃ «Florante at Laura» sa wikang̃ kastilà ay naninop ng̃ boóng̃ panítikáng̃ Tagalog magbuhat ng̃ 1593 hang̃gáng̃ 1886, upáng sa gitnâ ng̃ masayáng̃ halamanan ng̃ pánitikáng̃ Tagalog ay pagitawin siyáng isáng̃ mabang̃ó at kahang̃ahang̃ang̃ buláklák noón na ang̃ samyô ay waláng̃ pagkapawi.

Sa pánitíkáng̃ Tagalog ng̃â ay si Balagtás ang̃ dakilang tang̃láw at sa mg̃a tilamsík ng̃ kanyáng̃ liwánag ay sukat mabuô ang̃ lalong̃ maririkit na kathain. Siyá'y ipinang̃anák niyaóng̃ ika 2 ng̃ Abril ng̃ taóng̃ 1788.

Anák palibhasà ng̃ mg̃a tunay na Tagalog, si G. Juan Balagtas at Juana Cruz, at kumita ng̃ unang̃ liwanag sa mg̃a lupaíng̃ Tagalog. Sa Pang̃inay, Bulakán, ang̃ sing̃áw dito na lumílikhâ ng̃ mg̃a túlain ay gumising̃ sa kanyáng̃ diwang̃ silang̃anin na umawit tuwi na; ng̃uni't isáng pagáawit na nagbabadhâ ng̃ mg̃a dakilà at laging̃ kapanahóng̃ mg̃a aral, gaya ng̃ sabi ni G. Lope K. Santos, na ang̃ kanyáng mg̃a katagà sa «Florante» ay isáng̃ ebanhelyo sa mg̃a ang̃káng̃ Tagalog na naníniráhan sa mg̃a tagóng̃ nayon nitóng̃ Kapuluán. Ang̃ «Florante» ay inawit, binasa, pinaking̃gan, at tinándaán, ínulítulit na tandáan at awitin ng̃ nang̃akáring̃íg na dî marunong̃ bumasa, upáng matándaán at tuwî na'y talúntunin at paganihan ang kanyáng̃ mayamang̃ diwà ng̃ ikapapanuto at ikapagiging̃ mapalad ng̃ madlâ.

Aní Mariano Ponce, si Balagtás ay «ang̃ Principe ng̃ mg̃a Makatang̃ Tagalog», at aní Dr. José Rizal, nang̃ tukuyin ang̃ kanyáng̃ waláng̃ kamátayang̃ awit: «Ang Florante ay isáng̃ kathâ sa wikang Tagalog, nang̃ kapanáhunang̃ ang̃ wikang̃ Tagalog ay lumulusog at dumíding̃al».

Nagaral si Balagtás gaya ng̃ lahát ng̃ mg̃a tubò rito sa atin ng̃ mg̃a unang̃ dako, sa «Cartilla», «Misterio», «Trisagio» at «Doctrina Cristiana», mg̃a aklát na ginágamit sa mg̃a unang bugsô ng̃ pagaaral nang̃ kanyáng kapanahunan.

Anák dukhâ palibhasà at iniwi sa duyan ng̃ karálitaán, ay dî nagawáng̃ linang̃in nang̃ gaya ng̃ kanyáng hilig ang̃ sariling̃ munì at napilitang̃ ang̃ lakás niyá ay ilakong̃ agád, at yamang̃ walang̃ anó mang̃ katang̃iang̃ gáwain na mapagukulan sa pagng̃agdóg buhay, ay minabuting̃ mások na alilà sa isáng̃ maganak sa Bayan ng̃ Tundó, málapít lámang̃ sa kamayniláan (Atenas)[1] na kung̃ saán ninánasang̃ tuklasín ang̃ mg̃a unang̃ balità ng̃ karunung̃an. Bukál palibhásà ang kabaitan at pagkámasúnurin, biyayà na ikinapatang̃ì tuwî na ng̃ mg̃a salát sa ginhawa, ay kinálugdan siyá ng̃ kanyáng̃ mg̃a pang̃inoón, at siyá kinaling̃ang̃ tulad sa anák na tunay. Pinápang̃aral siyá sa Páaraláng̃ San José, at doó'y kinápansinán siyá ng̃ isáng̃ siból na katang̃ian sa pagtulâ at isáng̃ dî karaniwang̃ talino na ikinámahál sa kanyá ng̃ mg̃a Gurô roón.

Niyaóng̃ 1835, ay nanahanan siyá sa Pandakan, at binatà siya palibhasà, ay linigalìg ang kanyáng̃ pusò ng̃ himaláng̃ gandá ni M. A. R. (María Asunción Rivera) isáng̃ magandáng̃ dalagang̃ Tagalog na kinabalisahan ng̃ tanáng̃ binatang̃ kapanahón.

Dayo siyá palibhasà sa bayang̃ Pandakan, ay pinang̃imbuluhan siyá ng̃ mg̃a binatang̃ binihag din ng̃ kagandahan ni María, at ang̃ mg̃a kabasang̃ál (Adolfo sa kanyáng̃ awit) ay lumikhâ ng̃ mg̃a pakanâ na kanyáng̃ ikápapahamak hang̃áng̃ siyá'y másadlák sa dilím ng̃ isáng̃ kakilákilabot na bílanguan.

Sa paliháng̃ itó ng̃ hirap, na kung̃ saán linílikhâ ang̃ mg̃a dakilang̃ kálolwa, ay dito binuô ang̃ waláng̃ kamatayang̃ «Florante at Laura», tulad kay Victor Hugo ng̃ Francia na sa kadilimán ng̃ isáng̃ bilang̃guan sa Bruselas kinathâ ang̃ isa sa kanyáng̃ mg̃a dakilang̃ aklát na pinamatáng̃ «Napoleon, el pequeño:»

Nang̃ tamuhín niyá ang̃ layà ay nanahanan siyáng̃ mulî sa makasaysayang̃ bayan ng̃ Tundó, at dito ay nakilala niyá ang̃ isáng̃ babaing̃ guró sa sining̃ ng̃ pagtulâ, si aling̃ Manding̃ (Agapita Bernardo Rivera) at ang̃ balitan Husén Sisiw na lubós masásabing̃ siyá niyáng̃ unang̃ pinagparang̃álanan ng̃ kanyang̃ kinatháng̃ awit bago limbagín.

Sa atas ng̃ likas na pagnánasang̃ tumuklás ng̃ kaligayahan sa silong̃ ng̃ ibáng̃ lang̃it ay tinawíd niyá ang̃ luok ng̃ Maynilà at nanirahan siyá sa Balang̃à at nások na tagasulat sa Hukuman, at sa mg̃a pistá ng̃ bayan sa mg̃a nápabantóg siyáng̃ lubhâ sa kanyáng̃ mg̃a maririkit na «Moro-moro» na siyáng̃ tang̃ing̃ libang̃an ng̃ mg̃a panahóng̃ yaón.

Niyaóng̃ 1842 ay lumipat siyá sa bayan ng̃ Udyóng̃ at dito tinamaán ng̃ kanyáng̃ malas ang̃ isáng̃ babaing̃ pumukaw na mulî ng̃ kanyáng̃ pusò si aling̃ Juana Tiomng̃beng̃, isáng̃ maharlikáng̃ babai na nábihag ng̃ kanyáng̃ sinumpaán ng̃ isáng̃ wagás, dalisay at dî magmámaliw na pagibig.

Anáng̃ kanyáng̃ mg̃a anák na nabúbuhay pa hang̃ga ng̃ayon na dinalaw kong̃ sadyà upang̃ makilala,ay náririníg, nilá, umano, sa kanilang̃ tatay kung̃ nanínibughô ang̃ kanilang̃ nanay, na ang̃ M. A. R. sa «Florante» ay hindi María Asunción Rivera, na lubhang̃ pumúpukaw ng̃ kaligaligán ni aling̃ Juana, kundî María Ana Ramos. Kung̃ saán mapagkíkitang̃ ang̃ Makatà ni Laura ay nátututo ring̃ mamang̃kâ sa dalawáng̃ ilog.

Si Francisco Balagtás, ay nagíng̃ maginoó sa bayan ng̃ Udyóng̃, at siyá'y nagtagláy ng̃ mg̃a katung̃kulang̃ «Juez Mayor de Sementera» at «Teniente Mayor».

Sa isáng̃ kapusukán ng̃ loob ay ginupitán niyá ng̃ buhók ang̃ isá niyáng̃ alilang̃ babai, na nagíng̃ daán ng̃ isáng̃ panibagong̃ pagúusig sa kanyá at mulíng̃ idinalaw sa mapáng̃angláw na silid ng̃ bilang̃guan.

Ang ibon ay kahit piitín sa isáng̃ kulung̃áng̃ bakal ay dî napipigilang̃ umawit, at si Balagtás ay gayón, sa loób ng̃ nápipiníd na bílang̃guan na pawang̃ pang̃láw ang̃ naghaharì, pawang̃ mukhàng̃ nang̃lílisik, pawang̃ luhà, at kadalamhatían sa pagkákawalay sa mg̃a kapilas ng̃ búhay, sa gitnâ ng̃ búhay na yaón, ang̃ kanyáng̃ panitik ay dî nang̃lumó at ang̃ kanyáng̃ «La India Elegante y la Negrita amante», ang̃ «Orosman at Záfira» at ibá páng̃ kathâ, ay binuô niyá roón, at lumwál sa maliwanag at nagpáyaman ng̃ pánitikáng̃ Tagalog.

Nang̃ tamuhín niyáng̃ pamulî ang̃ layà ay dinatnán niyáng̃ hughóg na ang̃ kaniláng̃ kabuhayan dahil sa malakíng̃ usapíng̃ hinaráp ng̃ kanyáng̃ asawa, at salamat sa kanyáng̃ mg̃a kathâ at nabigyán niyá ng̃ maginhawang̃ kabuhayan ang̃ marami niyáng̃ anák na nang̃ang̃ailang̃an ng̃ kanyáng̃ arugâ.

Magsalitá ng̃ nanúkol sa kabuhayan ng̃ dakilang̃ Hari ng̃ Tulang̃ Tagalog ay nang̃ang̃ahulung̃áng̃ gumawâ ng̃ sapagka't waláng̃ dakilang̃ bung̃a ng̃ lahát ng̃ tanyág na panitik na hindî kumadlô sa mg̃a dakilà niyáng̃ simulain, waláng̃ káliliklikang̃ nayon na hindi umáawit ng̃ kanyáng̃ «Florante»; waláng̃ sang̃gol na iniwi sa lilim ng̃ lang̃it ng̃ Pilipinas na hindi ipinaghele ng̃ kanyáng mg̃a magagandáng̃ tulâ; waláng̃ dakilang̃ hatol na iginawad ang̃ mg̃a nunò sa kaniláng̃ mg̃a apó na hindî sa simulain ni Balagtás hinugot; waláng̃ anómang̃ paálaala ng̃ kaibigan sa kaibigan na hindî nábang̃git ang̃ mg̃a katagá ni Balagtás; anó pa't si Balagtás at ang̃ mabuting̃ gawî ay magkapatid na tunay. Kaáliwan ng̃ nang̃alulunos, pambúhay sa nang̃lúlupaypáy na pusò, panuto ng̃ nagasa kamalian, at dakílang̃ guró ng̃ liping̃ Tagalog.

Tinawag siyá sa sinápupunan ni Bathalà niyaóng̃ iká 20 ng̃ Febrero ng̃ taong̃ 1862, ng̃uni't ang̃ luning̃ning̃ ng̃ kanyáng̃ waláng̃ kahulilip na kaisipán ay tumátang̃láw pa hang̃gá ng̃ayón sa ating̃ pánitikán at tátang̃law hang̃gáng̃ sa bukas ng̃ ating̃ lipi.