Title: Buhay at Mga Ginawâ ni Dr. José Rizal
Author: Pascual Hicaro Poblete
Release date: April 29, 2006 [eBook #18282]
Language: Tagalog
Credits: Produced by Tamiko I. Camacho, Pilar Somoza and the Online
Distributed Proofreading Team at http://www.pgdp.net Special
thanks to Elmer Nocheseda for providing the material for
this project. Para sa pagpapahalaga ng Panitikang Pilipino.
Transcriber's note: This work forms part of the Tagalog translation of Noli Me Tangere (1909) by Pascual Poblete which is being presented separately in this edition.
Paalala ng nagsalin: Ang kathang ito ni Pascual Poblete ay pasimula sa isinalin na Noli Me Tangere (1909) sa Tagalog na ibinukod sa edisyong ito.
Ipinang̃anac si Gat Jose Protasio Rizal Mercado, sa báyan ng̃ Calambâ, sacóp ng̃ lalawigang Laguna, ng̃ ikalabing siyam ng̃ Junio ng̃ taóng sanglibo walóng dáan animnapo't isá.
Si G. Francisco Rizal Mercado ang canyáng amá at si G. Teodora Alonso at Quintos ang canyáng iná.
Ipinang̃anac si G. Francisco Rizal Mercado at Alejandra ng̃ taóng 1811, sa Binyáng, Laguna, at namatáy sa Maynila ng̃ ica 5 ng̃ Enero ng̃ 1898, at si G. Teodora Alonso ay ipinang̃anac sa Meisic, sacóp ng̃ Tundó, Maynila, ng̃ taóng 1825 at nabubuhay hanga ng̃ayón (8 ng̃ Junio ng̃ 1909). Si G. Francisco Mercado ay nag-aral at marunong ng̃ wicang castila at wicang latín, at si G. Teodora Alonso ay nag-aral sa colegio ng̃ Santa Rosa at marunong ng̃ wicang castila.
Ang naguíng mg̃a anác ng̃ mag-asawang ito'y si na guinoong Saturnina, Paciano, Narcisa, Olimpia, Lucía, María, Concepción, Jose, Josefa, Trinidad at Soledad.
Bininyagan si Jose Rizal ng̃ araw ng̃ sábado, icadalawampo't dalawa ng̃ Junio ng̃ 1861. Si G. Rufino Collantes, páring clérigo at cura-párroco sa bayang Calambâ ang sa canyá'y nagbinyag, at si G. Pedro Casañas, páring clérigo at tubô sa Calambâ, ang sa canyá'y nag-anác sa binyág. Capowa namatáy na ang dalawang páring itó.
Pinang̃alanang Jose, dahil sa ang iná ng̃ Doctor Rizal ay namimintacasi sa Patriarca San José, at ang pang̃alawang pang̃alang Protasio ay dahil sa caarawán ng̃ Santong itó, alinsunod sa calendario, ng̃ siyá'y ipang̃anác.
Hindi dating tagláy ng̃ amá at ng̃ mg̃a capatíd ng̃ amá ng̃ ating Doctor ang apellidong Rizal. Pinasimulaang guinamit ang apellidong Rizal ng̃ mag-aral ang batang si Jose, upang siyá'y macaligtas sa mahigpit na pag uusig ng̃ mg̃a fraile sa mg̃a nag-aapellidong Mercado.
Wicang castila ang apellidong Rizal, na ang cahulugán sa wicang tagalog ay ang muling pag-supang ó pag-ulbós ng̃ pinutol na halaman ó damó. May isá pang cahulugán; ang lupang may pananím na anó mang damóng pacain sa mg̃a háyop.
Pagdatíng sa icatlóng taón ng̃ gulang ng̃ musmós na si Jose Rizal ay tinuruan na siyá ng̃ canyáng amá't iná ng̃ pagbasa. Napagkilala ng̃ madla ang cagaling̃an niyáng tumulâ ng̃ wawalóng taón pa lamang ang canyáng gulang, dahil sa isáng marikít na tuláng canyáng kinathà, na tinakhán ng̃ lahát ng̃ mg̃a manunulang tagalog sa lalawigang Silang̃an.[1]
Sa pagcakilala ng̃ amá't iná ni Jose Rizal ng̃ catalasan ng̃ isip at malaking hilig ng̃ caniláng anác na itó sa pag-aaral, caniláng dinalá siya sa Maynila, itinirá sa isang bahay sa daang Cabildo, loob ng̃ Maynila; at ipinasoc ng̃ taóng 1871 sa Ateneo Municipal, na pinang̃angasiwaan ng̃ mg̃a páring jesuita.
Nakilala ni Jose Rizal sa bahay ni pari Burgos si na pare Dandan, Lara at Mendoza na pawang dinakip at ipinatapon sa Marianas ng̃ gobierno ng̃ España, at gayon din si parì Gomez at si pari Zamora, na ipinabitay ng̃ Gobierno ring iyong casama si párì Burgos, na ang naguing sangcala'y ang panghihimagsic ng̃ mg̃a manggagawâ sa Arsenal ng̃ Tang̃uay ng̃ 1872. Sumasabudhì ng̃ madlâ ang mg̃a calupitáng dito'y guinágawâ ng̃ mg̃a panahóng iyón. Ipinabilángo, ipinatapon ó ipinabitay bawa't filipinong numiningning dahil sa tálas ng̃ isip at sa pagsasangalang sa mg̃a catwiran ng̃ lupang kináguisnan. Ang mg̃a nangyaring itó'y nalimbag sa damdamin ng̃ batang si Jose Rizal.
Lumipat itó ng̃ pagtirá sa Ateneo Municipal at ng̃ naroon na'y tila mandín lálo pang náragdagan ang canyáng sipag sa pag-aaral at cabaitang puspós ng̃ ugalì. Ang naguing maestro niyá'y ang mg̃a jesuitang si parì Cándido Bech at si parì Francisco Sánchez.
Cung ipinamamanglaw ng̃ batang si Jose Rizal ang nakita niyáng pag-amis sa catwiran ng̃ canyang mg̃a caláhì ay lalo ng̃ dinaramdam niyá, ang mg̃a sabihanan ng̃ mg̃a fraileng madalás niyang marinig sa Ateneo Municipal na di umano'y mataas ang caisipan ng̃ táong culay maputi cay sa táong culay caymanguí, madiláw, abóabó ó maitím, bagay na pinagpilitan niyáng siyasatin mulâ noon, cung totoo ng̃â, sapagca't inaacála niyáng lihís sa catowiran ang gayóng pagpapalagáy. Napagtalastas ng̃ madlâ ang ganitóng paghahacahácà ni Jose Rizal, dahil sa isáng casulatang inilathalà ng̃ pantás na si Herr Ferdinand Blumentritt sa icasampung tomo ng̃ Internationales Archiv fiur Ethnographie, ng̃ 1897, na ganitó ang saysay:
"Sinabi ni Rizal, na maliit pa siya'y malaki ng̃ totoo ang canyang pagdaramdam, dahil sa nakikita niyang sa canya'y pagpapawalang halagá ng̃ mg̃a castilà, dáhil lámang sa siya'y indio[2] Magbuhat niyao'y pinagsicapan niyang pacasiyasatin cung alín ang catwíran ó cadahilanang pinagsasandigan ng̃ mg̃a castila at ng̃ lahat ng̃ mg̃a táong may mapuputing balát upang ipalagáy nilang sila'y matatáas ang ísip cay sa mg̃a táong cawang̃is din nila ang anyô, at taglay ang cáya upang dumúnong at magtamó ng̃ capangyarihang gaya rin nilá.
"Ipinalálagay ng̃ mg̃a tagá Europang silá ang pang̃inoon ng̃ bóong daigdig: sa acalà nila'y silá ang tang̃ing nagtâtaglay ng̃ pagsúlong sa dúnong at sa mg̃a magagandang caugalian, at silá lamang ang táng̃ì at dalisay na liping homo sapiens,[3] samantalang ipinalálagay nilang ang mg̃a ibang lahi ay mababa ang pag-iísip, ang guinagamit na wica'y dukhâ at walang caya upang macuha ang dunong ng̃ mg̃a taga Europa, ano pa't ang mg̃a lahing may culay caymangui, itím, diláw ó abo-abó ay isá sa pascacaiba't ibang anyô ng̃ homo brutus.[4]
"Nang magcágayo'y itinátanong ni Rizal sa sarili; ¿totoo ng̃a cayâ ang mg̃a pinatitibayan nilang ito? Ang tanóng na ito ang totoong laguing sumasaísip niya mulâ pa sa panahong siya'y nag-aaral, at di lamang sa canya cung di naman sa mg̃a cápowà niyáng nag-aaral na mg̃a taga Europa. Hindi nalao't canyang nápagmasid sa colegio na walang pinagcacaibhan ng̃ pag-iisip ng̃ isa't isá, [sa macatowid baga'y ng̃ pag-iisip ng̃ táong maputi ang balát at ng̃ táong caymangui.] Caraniwang lubha ang pagcacápantay ng̃ mg̃a puti at ng̃ mg̃a indio: sa isa't isang panig ay may nakikitang mg̃a tamád at masisipag, mápag-sákit sa pag-aaral at matamarin sa pag-aaral, matálas ang pag-iísip at mapuról ang pag-iísip; sa cawacasan ... wala siyang nakikitang ikinahíhiguit ng̃ mg̃a mapuputíng nag-aaral at gayon din ng̃ mg̃a may cúlay caymangui. Pinagsiyasat niya ang mg̃a dunong na nauucol sa mg̃a láhi; natotowa siyá pagca nangyayaring dahil sa isang paláisipang may cahirapang ibiníbigay ng̃ profesor ay hindî mátuclasang gawín ng̃ canyang mg̃a casamahang mapuputî, at sila'y nang̃agsisilapit sa canyá upang canyáng gawín cung papaano. Canyang pinagdidilidili at itinututol ang lahat ng̃ itó, hindi dáhil sa isáng pagtatagumpay niyang sarili, cung di dahil sa isáng pagtatagumpay ng̃ canyáng mg̃a cababayan. Dahil dito'y sa colegio ng̃a nagpasimulâ ang canyáng paniniwálang nagcácapantay ang ísip at cáya ng̃ mg̃a europeo at ng̃ mg̃a indio sa paggawa ng̃ ano mang bagay. At sa lahat ng̃ ito'y napagtalacayan niyang magcacapantay ang catutubong isip ng̃ europeo at ng̃ indio.
"Ang unang pinacabúng̃a ng̃ napagtalacayang itó ay ang pagcapagbalac ni Rizal, na cung mapag-unawa sana ng̃ canyang mg̃a cababayan, na cawang̃is ng̃ canyáng pagcaunawa, ang pagcacapantaypantay na iyan, ito'y maguiguing isang paraan upang maipailanglang ang dunong ng̃ mg̃a filipino. Dumatíng siya sa paniniwalang matáas ang pag-iisip sa pag-aaral ng̃ mg̃a tagalog cay sa mg̃a castila (ang iláng mg̃a castilang ng̃ panahóng yao'y canyáng nakilala;) at canyáng sinsasabi ng̃ boong galác ang cadahilana't dumatíng siyá sa ganitong paniniwalâ. Sa ganito'y canyáng sinasabi:—Sa mg̃a colegio sa amin ay isinásaysay na lahát sa wicang castila, catutubong wica ng̃ mg̃a castila, at wicang hindi namin kilalá; cayâ ng̃a't dahil dito'y kinakailang̃an naming magpumilit ng̃ higuit cay sa canilá sa pagpiga ng̃ pag-iísip, upang maunawà at maisaysáy ang isang bágay: at sa pagca't gaya ng̃a ng̃ sinabi co na, na walang nakikitang ipinagcacaibang anó man ng̃ mg̃a castilà at ng̃ mg̃a indio sa mg̃a colegio, at yamang gayo'y matáas ang pag-iísip namin cay sa canilá.—May pagmamasid pa siyáng guinawa, na sa canyá'y nagdagdag ng̃ pag-aalinlang̃an sa dating tagláy na niyá, tungcol sa cataasan ng̃ pag-iísip ng̃ mg̃a castila. Guinawâ niya ang pagmamasíd, tungcol sa inaacála ng̃ mg̃a castilang silá'y may carapatán sa lalong malalakíng paggalang at pagpapacumbaba ng̃ mg̃a indio, sapagca't naniniwála ang mg̃a itóng ang mg̃a mapuputì, dahil lamang sa sila'y maputi, ay pawang ipinang̃anác sa isáng lúpang lalong magalíng cay sa lúpa ng̃ mg̃a indio. Napagtanto ng̃ panahóng iyón ni Rizal, na ang paggalang at pagpapacumbabang iyón ng̃ mg̃a indio sa castila—sa pagca't siyang itinuro ng̃ mg̃a castila sa mg̃a indio—ay hindi lamang dahil sa ipinalálagay na pawang galing sila sa láhing matáas, cung di sa pagca't isang paraan upang maicublí ang tacot at ang malabis na pag-ibig sa sariling catawán. Ang tacot, sa pagca't sa tikís na pag-amís na sa canila'y guinágawâ, ipinalálagay nilang ang mg̃a mapuputî ay pang̃inoon nilá at siyáng sa canila'y nagmamay-ári; at ang malabis na sa canilang sarili'y pag-ibig, palibhasa'y caniláng napagkilala ang caugalian ng̃ mg̃a europeo at napag-unawang dahil sa capalaluang taglay ng̃ mg̃a ito, ay makikinabang sila cung sila'y magpakita ng̃ paimbabáw na pagpapacumbabâ, at gayon ng̃â ang canilang guinágawâ. Caya ng̃a't hindi kinalulugdan cahi't camunti man ng̃ mg̃a indio ang mg̃a europeo: nang̃agpapacumbaba cung naháharap sa canila, ng̃uni't pinagtatawanán silá cung nang̃átatalicod, linílibac ang caniláng pang̃ung̃usap, at hindi nagpapakita ng̃ cahit munting tandâ ng̃ paimbabáw na sa canila'y paggálang. Dahil sa hindi nataróc ng̃ mg̃a castila ang túnay na caisipán ng̃ mg̃a indio, samantalang napagtantong lubós ng̃ mg̃a indio ang tunay na caisipan ng̃ mg̃a castila, ipinalálagay ni Rizal na mahina ang pag-iísip ng̃ mg̃a mapuputi cay sa canyang mg̃a cababayan..... Nang siya'y panahong bata pa, cailan mang marírinig ó mababasa niya ang pagpapalagay ng̃ mg̃a mapuputi sa canyáng láhi ay napopoot, napúpunô ang canyang púso ng̃ gálit; ng̃ayo'y hindi na nangyayari sa canya itó; sa pagca't cung náriríng̃ig niyá ang gayón ding mg̃a pagpapalagáy, nagcacasiyá na lámang siyá sa pagng̃iti at isinasaalaala niya ang casabiháng francés: "tout comprendre, c'est tout pardonner.[5]"
Ang maílab na mithî ni Rizal na mapaunlacán ang canyáng láhî ang siyáng totoong nacapag-udyóc sa canyá sa pagsusumakit sa pag-aaral hangáng sa canyáng tamuhín ang lubháng maningníng at maraming mg̃a pangulong ganting pálà ng̃ colegio, na sino ma'y waláng nacahiguít.
Dinalá si Rizal ng̃ canyáng casipagan hangáng sa magsanay sa escultura[6] ng̃ waláng nagtutúrò.
Ng̃ panahóng iyó'y gumawâ siyá ng̃ isáng magandáng larawan ng̃ Virgeng María, na ang guinamit niyá'y ang matigás na cahoy na baticulíng at ang ipinag-ukit niya'y isang caraniwang cortaplumas lámang. Nang makita ng̃ canyáng mg̃a maestrong párì ang cahang̃ahang̃ang larawang iyán ay tinanóng nilá siyá cung macagagawâ namán ng̃ isáng larawan ng̃ mahál na púsò ni Jesús; napaoo siyá, at hindî nalaon at canyang niyárì at ibinigáy sa nagpagawâ sa canyá, na totoong kinalugdan ding gaya ng̃ una.
Nang ica 5 ng̃ Diciembre ng̃ taóng 1875 ay kinathà niya at binasa sa isáng malakíng cafiestahan sa Ateneo ang isang tulâ, na pinuri ng̃ lahát, na ang pamagat ay El Embarque (Himno á la flota de Magallanes.)[7]
Nag-aaral siyá ng̃ icalimáng taón ng̃ bachillerato sa Ateneo Municipal ng̃ cathain niyá ang isang tulâ na canyáng pinamagatáng: Por la educación recibe lustre la Pátria.[8]
Ng̃ bahagyà pa lamang tumutuntong siya sa icalabíng anim na taóng gulang ay nagtamó siyá ng̃ títulong Bachiller en Artes.
Nárito ang talaan ng̃ canyáng mg̃a pinag-aralan mulâ ng̃ taóng 1877, at ang mg̃a tinamó niyang calificación:
| 1871-1872. Aritmética | Sobresaliente |
| 1872-1873. Latín unang taón | Sobresaliente |
| 1872-1873. Castellano | Sobresaliente |
| 1872-1873. Griego | Sobresaliente |
| 1873-1874. Latín, unang taón | Sobresaliente |
| 1873-1874. Castellano | Sobresaliente |
| 1873-1874. Griego | Sobresaliente |
| 1873-1874. Geografía Universal | Sobresaliente |
| 1874-1875. Latín, tercer curso | Sobresaliente |
| 1874-1875. Castellano | Sobresaliente |
| 1874-1875. Griego | Sobresaliente |
| 1874-1875. Historia Universal | Sobresaliente |
| 1874-1875. Historia ng̃ España at Filipinas | Sobresaliente |
| 1874-1875. Aritmética at Algebra | Sobresaliente |
| 1875-1876. Retórica at Poética | Sobresaliente |
| 1875-1876. Francés | Sobresaliente |
| 1875-1876. Geometría at Trigonometría | Sobresaliente |
| 1875-1876. Filosofía, unang taón | Sobresaliente |
| 1876-1877. Filosofía, icalawang taón | Sobresaliente |
| 1876-1877. Mineralogía at Química | Sobresaliente |
| 1876-1877. Física | Sobresaliente |
| 1876-1877. Botánica at Zoología | Sobresaliente |
| Bachiller en Artes ng̃ 14 ng̃ Marzo ng̃ 1877 | Sobresaliente |
Lumipat si Rizal sa Universidad ng̃ Santo Tomás ng̃ Junio ng̃ 1877, at doo'y pinag-aralan ang Cosmología metafísica, Teodicea at Historia ng̃ Filosofía. Pinasimulan ang pag-aaral ng̃ Medicina (pangagamót) ng̃ taóng 1878. Canyáng pinag-aralan sa Universidad ang Física, Química, Historia Natural, Anatomía, Disección, Fisiología, Higiene privada, Higiene pública, Patología general terapeútica, Operaciones, Patología médica, Patología quirúrgica, Obstetricia.
Ng̃ taóng 1879 ay nagtatag ang Liceo Artístico-Literario sa Maynila ng̃ isáng certamen upang bigyáng unlác ang sino mang macapagharáp ng̃ lalong magandáng catháng prosa ó tulâ. Ang bumuboò ng̃ Jurado[9] ay pawang mg̃a castílà. Nagharáp si Rizal ng̃ isáng tuláng Oda, na ang pamagát ay A la Juventud Filipina, at bagá man maraming mg̃a castílà at tagalog ang nang̃agsipagharáp ng̃ canicanilang gawâ, si Rizal ang nagcamít ng̃ pang̃ulong ganting-pálà.
Nang taóng sumunod, 1880, nagtatag na mulî ang Liceo Artístico-Literario ring yaón ng̃ isa pang certamen, bilang alaala sa caarawán ng̃ pagcamatáy ni Cervantes. Pawang mg̃a castílà ang bumubóò ng̃ Jurado. Si Rizal ang nagtamó ng̃ pang̃ulong gantíng-pálà, sapagca't ang cathâ niya'y siyang lalong magandá at mainam sa lahat ng̃ mg̃a catháng iniharáp sa certameng iyón ng̃ maraming mg̃a periodistang castílà at mg̃a bantóg na fraile sa carunung̃ang pawang mg̃a castila rin. El Consejo de los Dioses[10] ang cathang iniharáp ni Rizal, at ang tinangáp niyang pang̃ulong ganting-pálà'y isang sinsíng na guintô, na larawan ni Cervantes ang tampóc. Ang castilang si Don N. del Puzo, pantás na catúlong ng̃ mg̃a mánunulat sa Diario de Manila, ang nacacuha ng̃ pang̃alawang ganting-pálà.
Ng̃ taón ding iyóng 1880, bago pa lamang catatangap ni Rizal ng̃ sinabi ng̃ ganting-pálà ay náparoon siya sa palacio ng̃ Malacanyang, at talagang magsasacdal sana cay Primo de Rivera, Gobernador at Capitán General nitong Filipinas, dahil sa ng̃ isang gabing ng̃itng̃it ng̃ dilím ay siya'y tinampalasan at sinugatan ng̃ Guardia Civil, sapagca't nagdaan siyá sa tabí ng̃ isáng bulto ay hindî siyá nacapagpugay, at ang bulto paláng iyón, na hindi niya nakilala, dahil sa cadilimán ng̃ gabí, ay ang tenienteng namiminúnó sa isang destacamento; sinugatan siya ng̃ waláng anó-anó, na dî man lamang siyá, pinagsabihan ng̃ anó man. Hindî niyá nácausap ang Capitán general at hindî siyá nagtamó ng̃ minímithing pagwawaguí ng̃ catowiran.
Nang ica 6 ng̃ hapon, icawaló ng̃ Diciembre ng̃ taóng 1880, ay pinalabás sa Ateneo Municipal ng̃ Maynila ang isang melodramang wícang castílà, na ang pamagát ay Junto al Pasig[11], cathâ ni Rizal, na presidente ng̃ Academia de la Literatura Castellana sa Maynílà ng̃ panahóng iyón, at música ni Don Blás Echegoyen.
Ang mg̃a nagsilabás sa melodramang iyón ay ang mg̃a sumusunod:
| Leónido | Isidro Perez. |
| Cándido | Antonio Fuentes. |
| Pascual | Aquiles R. de Luzuriaga. |
| Satán | Julio Llorente. |
| Angel | Pedro Carranceja. |
| Coro ng̃ mg̃a diablo | Caramihang estudiante at ang isa sa canila'y si Vicente Elio. |
Di maulatang mg̃a pagpupuri ang inihandog cay Rizal ng̃ lubháng maraming guinoong nanood ng̃ melodramang iyón.
Sapagca't sa araw-araw ay nilílibac at nilalait ng̃ isang fraileng profesor sa Universidad ang mg̃a estudiante, hindî nacatiís si Rizal, ipinagsangaláng niyá ang canyáng mg̃a casamahán sa isáng mahigpít ng̃uni't mapitagang pang̃ang̃atwiran, at ang naguing casaguta'y ang panunumpâ ng̃ canyáng catedrático, na cailán ma'y hindi niya palálabasin si Rizal sa alín mang exámen.
Dahil sa nangyaring iyo'y minagalíng ni Rizal ang pasá España at doón magpatuloy ng̃ pag-aaral, at sapagca't sumang-ayon ang canyáng ama't iná, siya'y lumulan sa vapor na ang tung̃o'y sa Barcelona, ng̃ ica 3 ng̃ Mayo ng̃ 1882, na puspós ng̃ pighatî ang cálolwa. ¡Sa Calambâ [Laguna] ay nilisan niya ang canyang mg̃a pinacamumutyang amá, iná at mg̃a capatíd; sa Camilíng ay ang maalab na sinisintang si Leonor Rivera, magandang dalagang ang larawa'y háwig na háwig sa matimyás na si Maria Clara sa Noli me Tangere, at saca napalayô siyá sa pinacaiibig na Bayang Filipinas!
Dumatíng si Rizal sa Barcelona, (España) ng̃ mg̃a unang araw ng̃ Junio ng̃ 1882, at hindî pa halos nacapagpapahing̃á sa gayóng matagál na pagdaragat, sinulat na niyá ang unang artículo[12], na pinaglagdaan niya ng̃ canyáng mg̃a damdamin. Pinang̃alanan niya ang artículong yaón ng̃ El Amor Patrio[13], may taglay na fechang Junio ng̃ 1882, at finirmahán niyá ng̃ pamagát na Laong-Laan, saca ipinadalá niyá sa Diariong Tagalog[14], at inilathálà sa pámahayagang itó ng̃ icá 20 ng̃ Agosto ng̃ 1882.
Pakinggan natin cung anó ang pasiyá ng̃ isáng castílà, ni D. Wenceslao E. Retana, na nagpamagát si canyáng mg̃a ilinalathálà sa mg̃a pámahayagan, ng̃ Desengaños, tungcól sa kasulatang sinasabi co:
"Marahil ay nacainís ca canyá (cay Rizal) ang Barcelona; marahil ay nacapamanglaw at nakapágpalungcot sa canyá ang malakíng pang̃ulong bayan ng̃ Cataluña, ng̃ canyáng mámasid na doo'y may lubós na calayâan ang cálahatlahátang mg̃a mithî, sa pagdidilidiling doo'y waláng mg̃a inquisidor[15] ang ísip; datapwa't sa Maynila'y mayroon. Bagá man talastás niyáng totoong caraniwang gamit na, gayón ma'y guinawâ rin ni Rizal sa isáng pananalitáng malungcót, at may hawig na isipín, ng̃uni't halos laguing mabanayad, palibhasa'y mithi ang macatulong ng̃ cahi't dukha ng̃uni't maalab na pag-anib. "Tulad sa mg̃a hebreo ng̃ una ani Rizal—na inihahandog sa templo ang mg̃a unang bung̃a ng̃ caniláng pag-ibig, camí, dito sa lupa ng iba, iaálay namin ang mg̃a unang pananalitâ sa áming báyang nababalot ng̃ mg̃a alapáap at ng̃ mg̃a ulap ng̃ umaga, na hindî nagmamaliw ang cagandaha't hiwagang anyô at kaligaligaya; ng̃uni't lálò ng̃ pinacasísinta, samantalang sa canya'y pumapanaw at lumálayô," Sa ganáng cay RizaL—ani Retana—ang España'y lupa ng iba; sa ganáng kanyá'y walâ ng̃ bayang sarili (pátria) cung dì ang Filipinas. Hindî sumasaísip niyà ang maliit na bayang sarili ("pátria chica") at ang malaking báyang sarili ("pátria grande") na totoong caraniwan na nitong mg̃a hulíng nagdaang taón; ang maliit ay ang báyan, ang lalawigan ó cung dilî cayá'y ang isáng panig: at ang malaki ay ang boong nación, sampô ng̃ mg̃a ibáng lupaíng nasásacop, cahi't anóng pagcalayô-láyò ang kinálalagyan. Ang malakíng bayang sarili, kung sa isáng filipinong tunay na nakikianib sa España ay walâ ng̃ iba kung dî ang lupaíng España, na calakíp ang canyáng mg̃a nasasacop sa cabilang ibayo ng̃ dagat, at ang maliit ay ang panig. Ng̃uni't cay Rizal ay waláng maliit ó malaking bayang sarili, cung dî Bayang sarili; na sa ganáng canyá'y hindî ang Calambâ, hindî ang mg̃a bayang ang salita'y wikang tagalog, hindî man lamang ang pulô ng̃ Lusóng, cung dî ang capisanan ng̃ mg̃a pulóng nátuclasan ni Magallanes. Hindî lamang ito: sa ganáng cay Rizal, ang España'y hindî inang bayan; ito'y marahil ay sa mestizong castílà, sa mg̃a may dugóng castílà; datapwa't hindî sa táong may dugóng dalisay ng̃ tagá casilang̃anan ...
"Hindî malimutan niyá, ang sariling lúpà:—"Naroroon [ang sabi ni Rizal] ang mg̃a unang gunitaing nangyari ng̃ panahong camusmusan, masayáng hadang[16] kilalá lamang ng̃ cabataan sapagca't doo'y natutulog ang boong isang panahong nacaraan na [ang bayang may casarinlan] at na-aaninagnagan ang panahóng dárating [ang catubusan ng̃ lahi sa pamamag-itan ng̃ pag-aaral]; sapagca't sa canyáng mg̃a cagubátan at sa canyáng mg̃a damuhán, sa bawa't cáhoy, sa bawa't bulaclac, namamasdán ninyóng naúukit ang alaala sa alín man táong inyóng guiniguiliw, na gaya rin ng̃ canyáng hining̃á sa hang̃ing may taglay na bang̃ó, na gaya ng̃ canyáng awit sa lagaslás ng̃ mg̃a batis, na gaya ng̃ canyáng ng̃itî sa bahaghari ng̃ lang̃it ó ng̃ canyang mg̃a buntóng-hining̃á sa hindî mapagwáring daíng ng̃ hang̃in sa gabí ..."—Ang ganitóng mg̃a pananalita'y talagang cay Rizal; ilála sa macahulugán, sa may tinutucoy ang mg̃a pananalitáng may hímig ng̃ hiwágà, ito ng̃â ang anyô ng̃ canyáng pagsulat, ang canyáng caugalian, at halos waláng makikitang bagay na prosa[17] ó tulâ na canyáng kinathâ na hindî itó ang námamasid; na ang bawa't may ísip, cahi't caraniwan lámang ang tálas ay agád mapagwawárì sa mg̃a súlat ni Rizal, ang mg̃a caisipán sa pamamayang naghaharì sa budhî ng̃ lubhang mairuguíng yaón sa kinaguisnang lúpà—"¡Hindî nacácatcat cailán man (aní Rizal) ang pagsintá sa kinamulatang lúpà, pagcâ ang pagsintáng ito'y nacapasoc sa pusò: sapagca't talagang tagláy na niyá ang tatác ng̃ Lang̃it na siyáng ikinapaguiguing waláng catapusán at pagcawaláng pagcasírà."—At isinunod pagdaca ang ganitóng mg̃a sabi, na anaki ibig niyang palacsín ang loob at itaimtím sa púsò ng̃ mg̃a táong pinagtatalaghán ng̃ casulatang iyón ang pag-íbig sa kinamulatang lúpà:—"Cailán ma'y casabiháng ang pagsinta ang siyáng lalong macapangyarihang nag-uudyoc ng̃ mg̃a cagagawang lalong dakilà; cung gayo'y talastasíng sa lahát ng̃ mg̃a pagsinta, ang sa kinaguisnang bayan ang siyang nagbung̃a ng̃ mg̃a gawáng lalong malalakí, lalong mg̃a bayani at lalong waláng casíng dalisay. Basahin ninyó ang Historia" ... Pagcatapos na maisaysay sa iláng pangcát na totoong mataós at macatwiran ang pananalitâ, upang patotohanang sa buhay na ito'y pawang madalíng lumípas ang lahát: sinabi naman niyá, ang nangyayari pag laganap ng̃ sigáw na ¡ang kinamulatang lupa'y sumasapang̃anib! ang sarisaring pagpapacahirap at paghahayin ng̃ buhay na kinacailang̃ang gawín.... Datapwa't ¡hindi cailang̃an! ¡Ipinagsangaláng ang nagbigáy búhay; ¡gumanáp ng̃ isang catungculan! Si Codro ó si Leónidas,[18], ang cahi't sino man, ¡ang kinaguisnang baya'y matututong sa canyá'y mag-alaala!
"At parang naguguniguni na niya ang sa kanya'y mangyayari, isinulat ni Rizal ang ganito: "Magháyin ang ibá ng̃ canyáng cabatáan; ibinigay namán ng̃ ibá sa sariling bayan ang mg̃a ningning ng̃ canyang mataas na pag-iísip at ang ibá namá'y nagbúhos ng̃ canyáng dugo; namatáy ang lahàt at nagpamana sa kinaguisnang bayan ng̃ lubháng malakíng cayamanan: ang calayaan at ang carang̃alan. ¿At anó naman ang guinawâ sa canilá ng̃ tinubuang lúpà? Tinatang̃isan silá at inihaharap ng̃ boong calakhán ng̃ loob sa sangcataohan; sa panahóng sasapit at sa canyáng mg̃a anác, upang mapagcunang uliran".—Si Rizal ay isang manunulat na sa anyó'y hindî tumutucoy, ng̃uni't cung wawarîing magalíng ay lubháng mapagpatungcol ng̃ sinásalitâ; at cung ilalim pa ang pagsisiyasat sa lahat ng̃ canyáng mg̃a sinulat, hindî lamang náaaninag ang canyang tang̃ing budhî, cung dî hinuhulàan namán niyá ang canyáng gágawin at ang sa canyá'y mangyayari. At para manding tagláy niyá ang isang catungculang sa canyá'y ipinagcatiwalà ng̃ Dios upang ganapín sa ibabaw ng̃ lúpâ, cayá't pagca tiguíb ang calolowa niya ng̃ caisipán ni Tolstoi ay nang-aakit siya sa capayapàan, at cung nag-aalab naman sa canyá ang mg̃a mithîin ni Napoleón ay iniuudyóc namán niyá sa canyáng mg̃a cababayan ang pakikibaca, at wináwacasán ng̃ ganitóng pananalitâ:
"¡Oh kinaguisnang lúpà!... Mulâ cay Jesucristong puspós ng̃ ganap na pagsintá, na naparito sa mundo sa icagagaling ng̃ sangcataohan, at nagpacamatay dahil sa sangcataohang iyan, sa pang̃alan ng̃ cautusan ng̃ canyáng tinubuang bayan, magpahangang sa lálong mg̃a hindî kilaláng nang̃amatáy dahil sa mg̃a revolución[19] ng̃ mg̃a panahong ito, gaáno carami, ¡ay! ang mg̃a nagcahirap at namatay sa iyong pang̃alang kinamcám ng̃ mg̃a ibá! ¡Gaano carami ang ipinahámac "ng̃ pagtataním ng̃ galit", ng̃ casakimán ó ng̃ cahang̃alan, na ng̃ nalalagot na ang hining̃a'y hinandugán ca ng̃ pagpupuri at sa iyo'y minithi ang lahát ng̃ bagay na cagandahang palad.
Magandá at dakílà ng̃â ang tinubuang lúpà, pagcâ ang canyáng mg̃a anác sa sigaw ng̃ pagbabaca ay nang̃agdudumali sa pagsasanggalang, sa dating lupain ng̃ caniláng magugulang; mabangis at palálò pagca mulà sa carurucan ng̃ canyáng trono'y napapanood na tumatacas ang tagaibang lúpa sa udyóc ng̃ malakíng tácot sa pagcakita sa bayáning hucbó ng̃ canyáng mg̃a anác, ng̃uni't pagca nagpapatayan ang canyáng mg̃a anác, palibhasa'y nang̃agcacabahabahagui sa nagcacalabánlabáng mg̃a pulutóng; pagca ipinagwawasacan ang mg̃a halamanan, ang mg̃a bayan at ang mg̃a ciudad ng̃ poot at pagtataniman; pagcacágayo'y sa canyáng cahihiyan ay pinupunit ang balabal at itinatapon ang cetro at nagdaramit ng̃ maitim na lucsâ sa canyáng mg̃a anác na namatáy.
Pacasintahín ng̃a natin siyá magpacailán man, anó man ang ating cahinatnan, at howag tayong humang̃ad ng̃ ibang bagay cung dî ang canyang icágagaling. Cung magcagayo'y macatutupad tayo ng̃ alinsunod sa tacdâ ng̃ Dios na dapat na cauculan ng̃ sangcataohan, na dî ibá cung dî ang cahusayan at capayapaan ng̃ lahát ng̃ canyáng mg̃a kinapál.
¡Cayóng páwang nawalán na ng̃ mithîin ang calolowa; cayóng nang̃asugatan sa púso't isa-isang nakita ninyóng nanglagas ang mg̃a pag-asang caaliw-aliw, at cawang̃is ng̃ mg̃a cahoy cung panahong tagguináw, ng̃ayóng salát cayó sa bulaclác at gayón din sa mg̃a dáhon, at bagá man nais ninyó ang umibig, ng̃uni't walâ, cayóng másumpong na sa inyo'y carápatdápat; nariyan ang tinubuang lúpà! ¡Siya'y inyóng sintahín!
Siya'y inyóng sintahín, ¡oh, siyá ng̃â! datapwa't hindî na cawang̃is sa pagsintá sa tinubuang lúpà ng̃ unang panahóng gumáganap ng̃ mg̃a mababang̃ís na pagbabanál, na ipinagbabawal at minámasama ng̃ tunay at dalisay na magandáng caugalian at ng̃ inang Naturaleza[20]; na howag ipagmagalíng ang malíng sigábo ng̃ budhî, ng̃ pagwawasác at ng̃ calupitán; hindî, "lálong caayaáyang pagbubucáng liwaywáy ang sumisilang sa abót ng̃ tanáw", masasanghayâ at mg̃a payapang ilaw, na súgò ng̃ buhay at capayapaan; sa cawacasa'y ang liwayway na tunay ng̃ cacristianuhan, tagapagbalitang pang̃unahin ng̃ maliligaya at panátag na mg̃a áraw. Catungculan ng̃a natin ang manuntón sa mahirap lacaran, ng̃uni't tahimic at mapagbigay pakinabang sa landas ng̃ Dunong na patung̃o sa "Pagcasulong" at mulà riya'y "sa pagcacaisang mithî at hinihing̃î ni Jesucristo sa gabí ng̃ canyang pagcacasákit."
"Gumawa ng̃ sariling bayan ng̃ sariling bayan cahi't gaano man ang maguing cahalagahan ang siyang lalong masilacbóng nais ni Rizal, ng̃unit carapatdapat na sariling bayan...."
At siyang catotohanan ayon sa canyang, mg̃a guinawâ.
Hindî nag tagal si "Rizal" sa Barcelona. Sumasa Madrid na siya ng̃ unang araw ng̃ Octubre ng̃ sinabi ng̃ taóng 1882. Sabay niyáng pinag-aralan ang Medicina at saca ang Filosofía at Letras.
Natapos ang pag-aaral niya ng̃ panggagamot at nagtamó siya ng̃ títulong Licenciado sa Medicina ng̃ ica 21 ng̃ Junio ng̃ 1884, at ng̃ 19 ng̃ Junio ng̃ 1885, araw ng̃ capang̃anacan sa canya ay canyang tinamó namán ang títulong pagca Licenciado sa Filosofía at Letras at gayon din ang pagca Doctor sa Medicina. Natutuhan ni Rizal ang mg̃a wicang sumusunod: tagalog, castílà, latin, francés, italiano, inglés, alemán, ruso, japonés, holandés, griego, hebreo, àrabe, sanskrito, portugués, catalán, sueco at insíc.
Samantalang nag-aaral si Rizal ay pinagmámasid naman niya ang caugalian at anyô ng̃ mg̃a castílà. Nangaling si Rizal sa isáng bayang linúluklucan ng̃ pagbabanalbanalan, ng̃ dî wastóng mg̃a pananampalataya, ng̃ mg̃a paggugol ng̃ salapî upang yumaman at macagumon sa lugód at layaw ang mg̃a walang ibang gawâ cung dî ang mangdayà sa mg̃a hang̃al...; galing si Rizal sa isang bayang sa calolwa't catawan ay may walang hangang capangyarihan ang mg̃a fraile, militar, empleado at castílà. Sa Madrid ay nakita niyáng hindî gayón: linílibac ng̃ mg̃a librepensador[21] at ng̃ mg̃a aleo[22] ng̃ boong calayàan ang canilang religióng católica apostólica romana at ang canilang iglesia católica-apostólica romana; námasid niyáng maliit na totoo ang capanyarihan doon ng̃ Gobierno; hindî niya napanood ang acala niyang mangyayáring pagtatálotalo ng̃ mg̃a "liberal"[23] at ng̃ mg̃a "clerical"[24]; bagcos pa ng̃a niyang nákitang madalás na naglalámbal at nagcacáisa ang mg̃a "republicano"[25] at ang mg̃a "carlista"[26] upang canilang masunduan ang anó mang ninanais. Nagdamdam si Rizal ng̃ malaking sacláp ng̃ loob ng̃ canyang pagsumaguin ang walang hadlang na anó mang pagtatamasa ng̃ mg̃a calayàan sa España, at ang capanyarihang calakilakihan ng̃ mg̃a fraile sa Filipinas, na siyang bumíbigti sa lahing cáymangui. Pinagpilitan niyang makilala ang anyô ng̃ mg̃a iba't ibang "partido político"[27] sa España at napag-unawa niyang hindî carapatdapat purihin ang mg̃a europeo tungcól sa bagay na ito. Nakita niyang ang bawa't partido, ang lahat ng̃ partido ay may magaganda at cainam-inamang mg̃a palatuntunan; datapwa't nahiwatigan niyáng baga man may mang̃isang̃isang nagpapagal sa udyok ng̃ lalong wagás at dalisay na hang̃ád, ng̃uni't hálos ang lahat ay walang pinagsisicapan cung dî ang saríling cagaling̃an. Samantalang hindî pa nang̃apapahalál sa matataas na catungculang minimithî, totoong sinusuyò ang mg̃a táong manghahalál, at sa canila'y ipinang̃ang̃acò ang lubhang maraming bagay, at cung macamtan na ang hang̃ád ay hindî guinaganap ang pang̃acò at linilimot na tikís ang mg̃a naghalal sa canila. Marami sa mg̃a manghahalal na ibinibigay ang caniláng voto, hindi sa táong tunay na may carapatán, cung dî sa nakiusap sa canila ng̃ hindî nilá mahiyáng canilang pinapang̃inoon; na hindî ang tunay na may mg̃a nagawang cagaling̃an ng̃ isang táo sa bayan ang canilang tinitingnan, cung dî cung ang taong iya'y mainam magsasalitâ, marikít magtalumpatì, magalíng sumúyo ó nacagaganting pálà ng̃ salapî ó iba pang pagbibiyayâ; na ang siyam na po't siyam sa sandaang europeo'y naniniwalà sa mg̃a sinasabi sa canilá ng̃ mg̃a pamahayagan, na hindî man lamang sinisiyasat cung yao'y totoo ó hindî, cung na sa catwiran ó walâ sa catowiran; sa isáng salitâ: nakita niyáng cawang̃is din ng̃ mg̃a táong báyan dito ang mg̃a táong báyan doón.
Walang anó mang inilathalà si Rizal na anó mang casulatan, mula ng̃ canyang lihamin ng̃ 1882 ang "El Amor Patrio," hangang sa taong 1884, datapowa't hindî siya naglilicat ng̃ pakikipagsulatan sa canyang mg̃a cababayan, lalonglalò na sa mg̃a nag-aaral, at ang mg̃a sulat niya'y binabasa ng̃ lahat ng̃ boong pag-ibig at pangguiguilalás, dahil sa canyang bayaning pagbibigáy ulirán sa pagsintá sa tinubuang lúpá.
Nang 25 ng̃ Junio ng̃ taóng 1884 ay nagtalumpatì si Rizal sa isang piguíng na guinawa sa Madrid, sa pagpapaunlác cay guinoong Juan Luna, bantóg na pintor ilocano, dahil sa pagtatamó ng̃ pang̃ulong "premio" sa "Exposición" ng̃ canyang balitang "cuadro," na ang pamagat ay "Spoliarium", at cay guinoong Felix Resurreccion Hidalgo, na taga Filipinas din, at mabuti rin namang pintor. Guinawâ ang piguíng na iyón sa Restaurant Inglés, pinasimulán ng̃ icasiyam na oras ng̃ gabî at may mg̃a anim na pong táo ang nagsalosalo. Nang̃ulo sa mesa—alinsnnod sa sabi ng̃ "El Imparcial", sa Madrid, ng̃ ica 26 ng̃ Junio ng̃ 1881—si pintor Luna; nang̃agsiupô sa dacong canan niya si na señor Labra, Correa, Nin y Tudó at sa caliwa niya'y si na señor Moret, Aguilera at Mellado (D. Andrés). Nang̃agsiupô rin doon si na señor Morayta, Regidor, Azcárraga (D. Manuel de), Araus, Fernández Bremón, Paterno (Alejandro, Antonio at Máximo,) Vigil, del Val, Moya, Cárdenas, Govantes, Rico, Gutiérrez, Abascal, Ansorena, García-Gómez, López Jaena, Más (pintor valenciano), Fernández Labrador (cubano), Rodriguez Correa at iba't iba pang maraming pintor, literato at periodista.
Nagtindig si Rizal at siya ang náunang nanalitâ; minamasdan siyá ng̃ lahát; sa caymanguing mukhâ niya'y umaalab ang ning̃as ng̃ masilacbóng pagsinta sa tinubuang lúpà, at sacâ nagsaysay siyá ng̃ isáng talumpating hindî mapagwari cung alin ang lalong maganda: cung ang cahang̃ahang̃ang pagsintá sa tinubuang lupang numiningning sa talumpating iyón, ó ang cagandagandahang pagcacaanyô-anyô ng̃ mg̃a salitâ. Pagsisicapan cong isatagalog ang talumpating iyón; bagaman talastás cong dukhâ ang aking panític at cúlang ang wica natin sa casaganaan ng̃ wicang castilàng guinamit ni Rizal sa gayóng pananalitâ: ng̃uni't mamalakhín co na cung maipakilala sa bumabasang irog ang cahi't culabóng anino ng̃ masilacbo't caligaligayang pananalitâ ng̃ ating capatid na Martir sa Bagumbayan. Pasisimulan co: "Mañga guinoo: Sa paggamit ng̃ pananalita'y hindî nacapag-aalinlang̃an sa akin ang tacot na bacâ pakingán ninyo acó ng̃ boong pag-wawaláng bahálà; naparito cayó't ng̃ inyóng ipanig sa sigabo ng̃ aming mithî ang simbuyó ng̃ mithî ninyóng panghicayat sa cabatáan, cayâ ng̃a't waláng salang cayo'y matututong magpaumanhín. Mg̃a panghalinang simoy ng̃ pag-iibigan ang siyáng lumalaganap sa aláng-álang; mg̃a ágos ng̃ pagcacapatiran ang siyang lumílipad na nagcacasalusalubong; mg̃a calolowang masintahin ang nakíkínig, at dahil dito'y hindî acó nag-aalap-ap sa aking abáng cataohan at hindî namán acó nag-aalap-ap sa cagandahan ng̃ inyong loob. Palibhasa'y mg̃a táo cayóng may púsò, walâ cayóng hinahanap cung dî mg̃a púsò rin, at buhat sa caitaasang iyang pinamamahayan ng̃ mg̃a damdaming mahál, hindî ninyo hinahálatâ ang mg̃a walang cabuluháng pang̃it na budhî; nalalaganapan ng̃ inyong titig ang cabooan; pinasisiyahan niyá ang naguiguing dahil at inilalatag ninyó ang camáy sa cawang̃is cong nagnanasang makipanig sa inyó sa isá lamang adhicâ, sa isa lamang mithî: ang dang̃ál ng̃ dakílang ísip, ang ningning ng̃ tinubuang lúpà. ("Magaling, totoong magaling; pacpacan.")
"Ito ng̃a ang cadahilanan cayâ cayó'y nang̃agcacapisan ng̃ayón. May mg̃a pang̃alan sa historia ng̃ mg̃a bayang sila lamang ay nagpapakilala na ng̃ isáng nangyari at nagpapaalaala ng̃ mg̃a pagguiguiliwan at ng̃ mg̃a cadakilaan; mg̃a pang̃alang wang̃is sa isáng cababalagháng hiwágà na nagháharap sa ating mg̃a matá ng̃ mg̃a caisipáng caayaaya at caaliw-aliw; mg̃a pang̃alang ang kinaoowia'y isang pagcacásundô, isang saguísag ng̃ capayapâan, isáng tálì ng̃ pagsisintáhan ng̃ mg̃a nación. Nauucol sa mg̃a ganitó ang mg̃a pang̃alan ni Luna at ni Hidalgo: nililiwanagan ng̃ caniláng mg̃a carang̃alan ang dalawáng dúlo ng̃ daigdig: ang Casilang̃anan at ang Calunuran: ang España at Filipinas. Sa pagsasalitâ co ng̃ dalawáng pang̃alang ito'y nakikinikinitá co ang dalawang nagníningning na balantóc na nagmumula capowa sa magcabicábilang dacong iyon at nagcacalicaw, pagdating sa caitaasan, sa udyóc ng̃ pagguiguiliwán ng̃ iisáng pinangaling̃an, at buhat sa caitaasang iya'y papapag-isahín ang "dalawang bayan" sa pamamag-itan ng̃ walang catapusáng pagcacáisa, "dalawang bayang "magcacambal cahi't papaghiwalayin ng̃ mg̃a dagat at ng̃ calayuan; "dalawang báyang" hindî sibulán nang "mg̃a binhî ng̃ paghihiwalay na itinatanim ng̃ mg̃a nabubulagang tao at ng̃ caniláng calupitán." Capowa capurihán si Luna't si Hidalgo ng̃ España't ng̃ Filipinas; sa pagcá't cung ipinang̃anác man silá sa Filipinas ay mangyayari rin namáng maipang̃anác sa España. Waláng sariling bayan ang cataasan ng̃ ísip; ang cataasan ng̃ isip ay tulad sa ilaw, sa hang̃in; pag-aari ng̃ lahát; walang sariling bayang gaya ng̃ alang-alang, gaya ng̃ buhay at gaya ng̃ Dios. "(Mg̃a pacpacan)"
"Lumilipas na sa Filipinas ang matatandang caugalian; ang mariring̃al na gawa ng̃ canyang mg̃a anác ay hindî na nangyayari lamang sa loob ng̃ sariling bahay; iniiwan na ng̃ paróparóng silang̃an ang sariling bahay; sa mg̃a lupaing yao'y ipinakikilala na ang paguumaga ng̃ isáng mahabang araw, sa pamamag-itan ng̃ maniningning na cúlay at namumulamulang pagbubucang liwayway, at ang láhing iyóng nagugulaylay sa boong gabí ng̃ historia, samantalang lumiliuanag ang araw sa ibá't ibáng lupaín, mulî ng̃ayóng gumiguising na kumíkinig sa untóg ng̃ electricidad na sa canyá'y gumibíc sa pakikipanayám sa mg̃a bayang calunuran, at "hinihing̃î ang ilaw, ang buhay ang civilizacióng" ng̃ una'y caniláng minana na pinapagtibay ang waláng catapusáng mg̃a lagdâ ng̃ hindî naglilicat na pag-gulong ng̃ panahón, ng̃ mg̃a pagcacáiba't iba, ng̃ di nagmamaliw na paghahalihali, ng̃ pagsúlong."
"Ito'y nalalaman ninyóng magalíng at ipinagdádang̃al na ninyó; cayó ang may gawâ ng̃ cagandahan ng̃ mg̃a brillante ng̃ coronang taglay sa ulo ng̃ Filipinas; ang Filipinas ang nagbigay ng̃ mg̃a bató, ang Europa ang kumikil at ng̃ numingníng. At pinanonood nating lahát ng̃ boong pagdiriwáng; cayo'y ang inyong yárì; cami'y ang ning̃as, ang lacás, ang mg̃a batóng aming bigay. "(Mainam na totoo.)"
"Ininóm nilá roón ang calugod-lugod na talinghágà ng̃ Naturaleza; Naturalezang dakílà at cakilakilabot sa canyang pagwawasác, sa canyang paglacad na waláng humpáy, sa canyang hindî mapaglírip na lacás. Naturalezang matimyás, payápà at malungcot sa canyang mg̃a pagsasaysay na hindî naglílicat at hindî nagbabago; inililimbag ng̃ Naturalezang ito ang canyáng tatác sa lahát ng̃ canyáng linalalang at ibinung̃a. Tagláy ng̃ canyáng mg̃a anác ang tatac na iyán saán man silá pumaroón. Cung hindî pacasiyasatin ninyó ang caniláng mg̃a ásal, ang caniláng mg̃a gawâ, at cahi't babahagyâ man ang pagcakilala ninyó sa báyang iyón, makikita ninyóng na sa lahát na parang siyang bumubuò ng̃ canyáng dúnong, gaya ng̃ calolowang siyang namamatnugot sa lahát, cawang̃is ng̃ nagpapagaláw sa isáng máquina, túlad sa anyóng pang̃úlo, caparis ng̃ unang cagamitán. Hindî mangyayaring hindî sumilang ang talagang canyang dinaramdam, hindî mangyayaring siya'y maguing isáng bágay at ibáng bágay ang gawín; sa dacong ibabaw cung bagá man nagcacáiba, malicmátà lámang. Sa "Spoliarium", sa licuran ng̃ pinturang iyang hindî pipí ay nariring̃ig ang caguluhan ng̃ maraming tao, ang sigawan ng̃ mg̃a alipin, ang taguinting̃an ng̃ mg̃a baluti't sandata ng̃ mg̃a bangcáy, ang hagulhulan ng̃ pang̃ung̃ulila, ang mg̃a híguing ng̃ dalang̃in, na napagwawari ang anyô at catotohanang tulad sa pagcaring̃íg sa dagundóng ng̃ culóg sa guitnâ ng̃ malacás na ing̃ay ng̃ malaking agos ng̃ tubig na bumabagsác mulâ sa mataas, ó ang pang̃ing̃iníg na nacalalaguim at cagulatgulat ng̃ lindól. Ang Naturalezang namamaguitnà sa pagcacaroon ng̃ mg̃a bagay na iyon ay siya ríng namamaguitnà sa pincel na lumálagdâ ng̃ pintura. Bilang capalít nito'y tumítiboc sa cuadro ni Hidalgo ang isang totoong dalisay, pagpapakilalang lubós ng̃ calungcutan, ng̃ cagandahan at cahinaang pawang ipinahamac ng̃ mabang̃ís na lacás; at gayón, palibhasa'y inianác si Hidalgo sa silong ng̃ maningning na azúl ng̃ lang̃it sa Filipinas, sa pagpapalayaw ng̃ mahinhing hihip ng̃ amihang galing sa mg̃a caragatan doon, sa guitnâ ng̃ catahimican ng̃ doo'y mg̃a dagatan, sa hiwagang caaliw-aliw ng̃ canyang mg̃a capatagang lúpà at carikitdikitang pagcacaayos ng̃ canyang mg̃a bundóc at ng̃ mg̃a bundóc na nagcacatanitanicalâ.
"Cayâ na cay Luna ang mg̃a lilim, ang mg̃a pagcacalabánlaban, ang mg̃a naghihing̃along liwanag, ang talinghágà at ang cakilakilabot, bílang aling̃awng̃áw ng̃ madidilím na sigwá sa lupaíng mainit, ng̃ mg̃a kidlát at ng̃ mauugong na pagbugá ng̃ canyáng mg̃a volcán; cayâ cay Hidalgo'y pawang liwanag, mg̃a culay, pagcacabagay-bagay, damdamin, aliwalas, cawang̃is ng̃ Filipinas sa mg̃a gabíng may bwan, sa canyáng mg̃a araw na tahimic, sa mg̃a naaabot doon ng̃ tanáw, na pawang umaakit sa pagdidilidili at doo'y iníuugoy ang waláng catapusán. At ang dalawá, cahi't lubháng nagcacáiba, sa anyô man lamang, ay nagcacáisa cung ganáp na lilining̃in; cawang̃is namán ng̃ pagcacaisá ng̃ ating mg̃a púsong lahát, bagá man totoong nang̃agcacáiba: ang dalawáng itó, sa caniláng pagpapaaninaw, sa pamamag-itan ng̃ caniláng "paleta," ng̃ carikitdikitang sicat ng̃ araw ng̃ trópico[28], guinágawâ niláng mg̃a sínag ng̃ dî maulátang capurihang canilang inililiguid sa canilang sariling bayan; isinasaysay ng̃ dalawa ang tunay na calagayan ng̃ aming buhay sa pagsasamahan, sa asal na guinagamit at sa natutungcol sa pamamahala ng̃ calacarán ng̃ bayan; ang cataohang pinapagtitiis ng̃ mabibigat na dalahin; ang cataohang hindi natutubos, ang catowiran at ang mithing nakikitungáli ng̃ mahigpit sa mg̃a di "wastong caisipán," sa maling pananampalataya at sa mg̃a licong cagagawán, "sa pagca't ang mg̃a damdamin at ang mg̃a pasiya ay nacapaglalag-os sa lálong macacapal na cuta"; sa pagca't sa lahát ng̃ mg̃a hadláng ay may napumumulusán, pawang nang̃ang̃aninag, at cung hindî sila magcapluma, cung dî sila tulung̃an ng̃ limbagan, hindî lamang maghahandog ng̃ panglibang sa paning̃in ang canilang paleta at mg̃a pincel, cung dî naman maguiguing mananalumpating totoong marikit manalitâ."
Cung itinuturo ng̃ iná sa canyáng anác ang canyáng sariling wícà at ng̃ maunáwà ang canyáng mg̃a catowáan, ang canyáng mg̃a kinacailang̃an ó ang canyáng̃ mg̃a pighatî; itinuturò namán ng̃ España sa Filipinas, sa canyáng pagcainá ang canyáng sariling wícà; "cahi man hinahádlang̃an niyáng mg̃a bahagyâ na ang abo't ng̃ paning̃ín at napacapandác ang pag-íisip," na sa canilang malabis na pagsusumicap na sumapanatag sila sa panahóng casalucuyang tinatawid, ay "hindi nila mátanaw ang panahóng darating at hindî pinagtitimbangtimbang ang maguiguing bung~a ng̃ canilang guinagawâ;" mg̃a sisiwang payát, "masasamáng ásal at mg̃a pang-akit sa casamâang ásal", na waláng ibáng iniimbot cung dî ang inisín ang lahát ng̃ damdaming dalisay, at sa caniláng pagpapasamâ ng̃ púsò ng̃ mg̃a bayan, "ay itinatanim nilá sa mg̃a bayang iyán ang mg̃a binhî ng̃ mg̃a pagcacaalit at ng̃ sa panahong darating ay anihin ang bung̃a, ang lasong haláman, ang camatayan bagá ng̃ mg̃a ipang̃áng̃anác pang mg̃a tao."
"Ng̃uni't ¡limutin natin ang mg̃a capang̃itang ásal na iyán! ¡Capayapaan sa mg̃a patáy, sapagca't páwang mg̃a patáy na ng̃â; hindî na silá humihing̃â, at sila'y kinacain na ng̃ mg̃a u-od! ¡Howag nating tawaguin ang pag-aalaala sa canilá; howag nating dalhin dito sa guitnâ ng̃ ating mg̃a casayahan ang canilang cabahúan! "Sa cagaling̃ang palad ay lalong marami ang mg̃a capatid; ang cagandaha't camahalan ng̃ loob ay pawang mg̃a catutúbò sa sílong ng̃ lang̃it ng̃ España: sa bagay na ito'y cayóng lahát ay mg̃a sacsíng maliliwanag." Nangagcaisa cayó sa pagsagót; nang̃agsitulong cayó, at gumawâ cayó marahil ng̃ lalong malakí cung mayroon pa sana cayong magagawâ. Umupô cayó sa pakikisalamúhà sa aming pagsasalosalo, at sa inyòng pagbìbigay unlac sa maririlag na mg̃a anác ng̃ Filipinas ay pinauunlacan namán ninyo ang España; sapagca't lubos na talastas ninyóng lahat, na hindî ang dagat Atlántico ang hanggahan ng̃ España; hindî rin namán ang dagat Cantábrico at ang dagat Mediterráneo—casirâang dang̃al ng̃ang tunay cung macahadláng ang tubig sa canyáng cadakilâan, sa canyáng isipan.—Narorooon ang España cung saan ipinararamdam ang canyáng pangpaguinhawang akit, at cahi't maalís man sacálì ang canyáng bandera, matitira rin ang sa canya'y pag-aalaalang hindî matatapos, hindî magmamaliw, ANO ANG MAGAGAWA NG CAPIRASONG DAMIT NA MAPULÁ AT MARILAW; ANONG MAGAGAWA NG MGA FUSIL AT NG MGA CAÑON SA BAYANG HINDI SIBULAN NG PAGSINTA AT PAGGUILIW; SA BAYANG HINDI NANGAGCACAYACAP ANG MGA MITHI, HINDI NANGAGCACAISA ANG PALATUNTUNAN NG ADHICA, HINDI NANGAGCACASANG-AYON ANG MGA PASIYA NG ISIP..? (Mahabang mg̃a pacpacan.)
Si Luna't si Hidalgo'y tunay ng̃ang inyó at tunay rin namang amin; sila'y inyóng sinisinta, at sa canila'y napapanood namin ang magagandang mg̃a pag-asa, mg̃a mahahalagang ulirán. Ang mg̃a cabataang filipinong na sa Europa, na cailan may masigabo ang loob, at ilán pang mg̃a taong nananatili ang mg̃a púsò sa pagcabátà, palibhasa'y laguing gumagawâ ng̃ mg̃a cagaling̃ang dalisay sa udyóc ng̃ canilang malilinis na budhî, nang̃aghandog cay Luna ng̃ isáng corona, mahinhing alay, tunay ng̃ang maliit cung isusumag sa maalab naming nais, ng̃uni't siyáng lalong cúsà at siya namang lalong maláyà sa lahát ng̃ pag-aalay na guinawâ hanga ng̃ayón.
Datapwa't hindî pa nasisiyahan ang Filipinas ng̃ pagkilalang utang na loob sa canyáng maririlág na mg̃a anác, at sa pagcaibig niyáng maipakilalang ganáp ang mg̃a caisipang umuulic sa canyáng budhî, ang mg̃a damdaming sa puso'y umaawas, at ang mg̃a salitáng tumatacas sa mg̃a lábì, naparito tayong lahát sa piguìng na itó upang papag-isahin ang ating háng̃ad, upang bigyang catuparan ang pagyayacapang iyán ng̃ DALAWANG LAHING nang̃agsisintahan at nang̃agiibigan, na nang̃agcacaisang may apat na raang taon na sa caasalan, sa pagpapanayam, at sa pamamayan, UPANG MANGYARING SA PANAHONG DARATING NA ANG DALAWANG LAHING IYA'Y MAGUING ISA LAMANG NACION SA BUDHI, sa canícanilang mg̃a catungculan, sa canicanilang pitháyà, sa canicanilang mg̃a taglay na biyáyà. (Pacpacan.)
¡Ipinagdíriwang co[29] ang ating mg̃a artistang si Luna at si Hidalgo, capuriháng dalisay at wagás ng̃ DALAWANG BAYAN! ¡Ipinagdiriwang co ang mg̃a táong sa canila'y tumulong upang sila'y macatagál sa lubháng mahirap na pagsalung̃a sa landás ng̃ Arte! ¡Ipinagdiriwang co, at ng̃ uliranin ng̃ cabataang filipino, na "inaasahang mahál ng̃ AKING SARILING BAYAN[30] ang gayóng mg̃a cagandagandahang mg̃a halimbáwà at ng̃ ang ináng España[31], na mapagsicap at mapagmalasákit sa icagágaling ng̃ canyáng mg̃a lalawigan, "pagdaca'y gawín ang mg̃a pagbabagong utos na malaon ng̃ panahóng pinag-íisip"; may daan na ng̃ araro at ang lupa'y hindî cutad. ¡At îpinagdíriwang co, sa cawacasán, ang ililigaya niyong mg̃a magulang na sa canilang pang̃ung̃ulila sa guiliw niláng mg̃a anác, mulâ sa lubhang malayong lupaing caniláng tinátahana'y sinusundan ng̃ titig, na basâ ng̃ lúhà at ng̃ púsong tumítibóc na naglálagos sa mg̃a dagat at sa calayuan, at "inihahayin sa altar ng̃ icagagalîng ng̃ lahát ang mg̃a matimyas na caaliwang totoong nagsasalat pagdating sa dacong calunuran ng̃ buhay", mahahalagá't mg̃a bugtóng na bulaclác sa panahóng tagguináw na sumisilang sa mg̃a pampang̃in ng̃ libing̃an!—(Masilacbóng mg̃a pacpacan; masigabong mg̃a pagpupuri sa nagtalumpatî.)
Sumunod na nang̃ag talumpatì si López Jaena [na pinintasán ng̃ dî cawásà ang mg̃a fraile], si Govantes, Cárdenas, Del Val, iláng mg̃a filipino, si Nin y Tudo, Más, Azcárraga, Luna (nagpasalamat), Regìdor, Fernández Labrador, Labra, Azcárraga (muling pagtatalumpatì), Morayta, Rodriguez Correa at Moret. Natapos ang piguíng ng̃ ica 12 ng̃ gabî.
Pakingan natin ng̃ayón ang salítà ng̃ castilang si D. Wenceslao E. Retana tungcol sa talumpatî ni Rizal.
Ganitó ang canyang sinabi:
"Hindî ng̃ ng̃â macahihing̃î ng̃ higuít pa sa ritong cagandahan ng̃ pagcacatalumpatî: nagsalitâ si Rizal sa ng̃alan ng̃ Filipinas, na dî tagláy ang pagpapacumbabang hiníhing̃ì ng̃ mg̃a castílà sa mg̃a anác ng̃ bayang iyon, cung dî parang isáng "caanib" na cusâ ng̃ caniláng calooban: "tayo'y dalawang bayan, tayo'y dalawang láhì, cung anó cayo'y ganoon din camí, at yamang gayo'y ibig namin ang inyong ibig. ¿Ipinagcacait bagá sa amin ang inaacálà naming carapatdapat na aming tamuhin?... ¡Dilidilihin ninyo ang panahóng sasapit!... Hindî mangyayaring manatili magpacailán man ang casalucuyang calagayan ng̃ayon "Walâ pang isá man lamang filipino, lalonglalô na cung gayong na sa haráp ng̃ mg̃a castilang may matatáas na catungculan, na nacapang̃ang̃ahas magsalitâ ng̃ gayón. Ibig ni Rizal na manatili ang pagsasama ng̃ España at Filipinas, ng̃uni't "hinihing̃î niya", upang mangyari ang pagsasamang itó, na magcaroon ang mg̃a filipino ng̃ mg̃a catowiran at mg̃a catang̃îang kinacamtán ng̃ mg̃a castílà. Ipinalálagay niyang malakíng caapihán ng̃ canyang láhì cung dî gayón ang mangyayari, at hindî ng̃â mangyayaring tiisin niya ang gayóng caalimurahan. Hangang dito ang sabi ni Retana. Nang panahóng yao'y kinacathâ na ni Rizal ang novelang Noli me tangere, na sa canya'y magpuputong ng̃ walang hangang capurihán.
Ang mg̃a hulíng bowan ng̃ pagcátirá niya sa España'y guinamit niya sa pag-aaral ng̃ carunung̃ang nauucol sa pag-gawâ ng̃ mg̃a cútà (fortificaciones) sa panahóng pagbabaca, na ang guinamit na salita'y ang wicang inglés, at may mg̃a dibujong nagpapaliwanag ng̃ canyang mg̃a isinulat. Pinamagatán niyá ang mg̃a dibujong itó ng̃ "Parapeto Simple."[32] "Caballo de frisa."[33] "Trampas de lobo."[34] "Estacada."[35] "Estacada de perfil."[36] "Reglas para determinar las dimensiones de los parapetos."[37]
Sinabi ng̃ castilang si Sr. Amador de los Rios, na naguing profesor ni Rizal sa Universidad ng̃ Madrid sa wicang árabe, na cailán man daw ay hindî pa siya nagcacaroon ng̃ alagád na macasing tálas ng̃ isip ni Rizal.
Bago umalís sa España'y nilibot muna ni Rizal ang Andalucía at Valencia, at pinagsicapan nìyang maunáwà ang anyô ng̃ mg̃a lupaíng iyón at ang caugalian ng̃ mg̃a taga roon.