XXIX NA KABANATA
¡WALONG TAON!

AT si Maneng ay nababalisa sa piling ng magandang taga Bokawe.

Ang “Mongolia” ay tutulak sa ating lunsod patungo sa Hilaga at nakahanda nang lahat ang kailangan nina Maneng upang tumakas sa mga batas na walang awang kaaway sa sariling lupa.

Ang mga Pahayagan ay di nababasa ni Maneng palibhasa’y gulong gulo ang kanyang diwa at litonglito ang pagiisip sa magusot na suliraning sarili.

Inakala niya na si Binay ay langong lango sa pag-ibig na kanyang ipinagbudyakan. Inakala niyang sa kanyang pakikisamang ilang araw at sa walang patumangang pagyayaman sa kanilang langitlangitan sa Santa Mesa, ay tahimik na ang butihin niya at masayang birhen; at tahimik na nga; at lubos ang pakikiayon sa buhay na yaong sariling sarili; di man lamang natitigatig kahit sasandali; at di mandin kinakabahan na siya’y lalayasan ng giliw.

Datapua’t si Maneng ay dinadalaw ng isang alaalang nakababalino. Siya’y yayaon at kaipala’y di na muling babalik pa; magagawa kaya niyang lumayo ng malayong malayo nang di man lamang makausap si Mameng?

Si Mameng na bulag na lumusong sa libingang kanyang hinukay; si Mameng na sakbibi ng panglaw dahil sa kanya; si Mameng na di man niya iniibig ng tapat, pagka’t di na magagawa ang gayon, nguni’t pinipintuho naman ng kanyang kalolua, sinasamba ng kanyang diwa, at nais niyang magawaran ng isang pahimakas; nais niyang pagpaalaman; at kahit hindi? Hangad din naman niyang bilang baon sa paglalayag at paglalagalag na parang isang Samuel Belibet ay taglain niya ang isang huling alaala, isang patibay na muli pa ng sanla na kanyang pinuti niyaong karnabal na nagdaan.

At ang bahay ni Selmo ay dinayo pagdaka; hindi siya marahil paghihinalaan nino man, magkaniig man sila ni Mameng, sapagka’t talastas ng lahat doon na siya’y asawa ni Nati. Doo’y wala marahil na makasalanang malas na maghihinala man lamang sa kanya ng sanhi ng kanyang pakay.

At napataong si Selmo ay kaalis pa lamang sa bisa ng telegrama. Umalis, na, ang tagubilin kay Mameng ay gayari:

“Kung si Maneng ay mapaparini, ay sabihin mong hintin ako”—at anya sa sarili—“kawawa naman, hindi niya dapat na malaman agád ang sakunang nangyayari sa kanyang asawa.”

Si Yoyong ay nasa kanyang gamlayan.

Pinalad si Maneng na datnan si Mameng na halos nagiisá at tangi sa isang matandang ali at mga utusan ay walang ibang tao sa bahay. Parang tiniyap sa pagkakasala.

At ang dalawang puso’y nagtibukang pamuli.

—Mameng—ani Maneng pagkaraan ng isang saglit—ang palad natin ay linikha mandin upang magdusa, ako sa kasalukuyan ay nasa langit mandin, sapagka’t ako’y nasa piling mo, nguni’t bakit ba’t ang ligaya ay saglit lamang dumungaw sa aking puso? ¡Napakaramot!

—¿..............?

—¡..............!

—Maneng!... Di ka na naawa sa akin! Muli mo na naman akong inapi at napakarupok naman yaring puso na sa luhog mo’y hindi makapaglaban. Kay itim ng aking kapalaran. Hindi na ako dapat na mabuhay pa sa kalagayang ito. Bakit pa kaya ako linalang? Talaga kayang may mga kalolwang linikha upang magdusa? Bakit kaya tayo ginayakan pa ng tigisang puso kung talagang titibok lamang upang tumangis?

—Mameng ko!... Kung nalalaman mo lamang na sa gitna ng mga suliranin ko sa buhay ay naroroon ka’t hinding hindi napapawi sa aking ala-ala, kung nalalaman mo lamang na kahit ako’y tabunan sa isang mapanglaw na libingan ay saglit pa akong dudungaw upang ang pangalan mo’y tawagin; kung nalalaman mo lamang at mabubuklat ang lalong kalihimlihiman niyaring puso, disin ay nabasa mo, na ang iyong pangalan ay na sa dambana niyaring diwa.

—¡Maneng!... Kay tamis ng iyong mga pangungusap, kay inam ng mga sumpa mo at pangako, anong bangó ng kamanyang na isinusuob mo sa akin... Oo, Maneng, kailangan ko ang lahat ng yan. Ulitin mo pang minsan, upang mawala sa aking malas ang bibitayan kong linikha ng walang awa mong pagibig—at ang mga luha’y naguunahan sa kanyang mga mata, at ang mukha’y isinusubsob na itinatago sa balikat ni Maneng.

Anong ligaya ng tinatamasa ni Maneng ng mga sandaling yaon, at anong saklap ng tangis ni Mameng.

Samantalang ang auto ni Selmo ay humahagibis na lulan si Nati na nakasandal kay aling Tayang, ay lumalapit; lumalapit sa pinagdadausan ni Maneng ng huling piging ng kanyang puso.

Si Mameng dala ng kanyang mahinang puso ay nagpatiwakal na muli at muli pa sa kandungan ng kanyang kasi.

Ang auto ay dumating nang kasalukuyang ang huling halik ay iginagawad ni Maneng sa animo’y sagang mga labi ni Mameng. Ang kanilang puso’y nagkadaop nang sumungaw si Nati na nakaakbay kay Selmo at sa mairuging ina.

At ang kidlat ng sumpa ay gumuhit sa malas ni Nati, ang kanyang mata ay nawalan ng liwanag, at parang hangal na napahiyaw:

—¡¡Maneng!!... Maneng!... Inaku!... Kikitlin mo ang aking buhay!...—at napalagmak na walang hininga.

Napa “¡HESUS!” si aleng Tayang, at si Selmo ay nakalimot na sandali sa kanyang pagmamahal kay Maneng.

Ninasang sugurin, inisin sa isang mariing sakal, alsan ng buhay, sa biglang sabi; nguni’t nanlomo sa kaamuan ni Maneng na anya’y “PATAWAD” at payukong hinintay ang ano mang mangyayari.

Handang aalis na sana, nguni’t ang mga kagawad ng Pamahalaan ay dumungaw at si Maneng ay dinakip. Nagtagumpay ang paglalamay ni Tomas sa palad ni Maneng.


Pinagsaulan si Nati pagkaraan ng ilang sandali. Ang lahat ng nangyari ay parang bunga lamang ng isang pagkahibang sa mataas na lagnat, at ang unang hinanap ng malas ay si Maneng.

Nguni’t ang unang nakita ay si Mameng, si Mameng na luhaluhaan at gaya ng isang Magdalena ay nananambitan sa pinagtaksilan niyang pinsan at inagawan ng ligaya. Siya’y nagsisisi.

—Nati!...—anya—¡Nati! Ako’y isang hamak na ginayakan ng isang pusong mahina at isang kalolwang napakaliit. Ako na dapat magsikap ng kapayapaan mo, sapagka’t ikaw ay laging mairugin sa ulila mong pinsan, ako ang nagkanulo at umagaw sa iyong ligaya... dinggin mo akong sandali, dinggin mong saglit ang aking samo. Ako’y isang kulang palad sa lahat ng anyo ng kabuhayan. Ako’y isang nahatulang tumangis magpakailan man dahil sa aking pagkasungabang. Walang bukas na nakahanda sa akin kundi pawang kutiya at siphayo. Lalayo ako ng malayong malayo upang ako’y huwag mo nang makitang muli pa Nati. Ang kasalanang nagawa ko ay sinusumpa ng kaugalian, pinarurusahan ng mga batas, at di pinatatawad ng mga walang awang mapagaliw sa dusa ng kanyang kapwa.

—Ang patawad mo—ang patuloy—ang tanging hinihingi kong baon, at ang aking karumihan ay lilinisin ko ng maputing damit ng “Nurse”. Pinatatawad mo ba ako Nati?

Si Nati ay walang nawatasan mandin.

—Si Maneng saan naroroon?—ang animo’y baliw na sagot ni Nati—si Maneng!... Hanapin si Maneng. Siya ay darakpin. Ipinagsuplong siya ng kaniyang unang asawa. Ako’y kanyang dinaya; nguni’t siya ay aking minamahal; ayukong siya’y madakip. Inyong patakasin. Inyong itago at huwag payagang ilibing ng buhay na parang isang salarin.

Ang lagnat ni Nati ay napakataas at di man sinasadiya ay humihilig kay Mameng at yinakap ng ubos higpit.

—Mameng!... Mameng!... pinsan ko... Kilala mo si Maneng na lubhang matamis magmahal.... Kilala mo siya... Ito ay iyong talastas... huwag mong ipagkaila... Tayo’y inulila sa dagat ng walang pampang na dalamhati. Mahalin mo siya. Iyong patakasin.

Si Mameng ay patuloy ng pagtangis at paghingi ng tawad kay Nati; si aling Tayang ay walang malay gawin upang hatdang ginhawa ang anak na naratay; nguni’t si Selmo ang kaibigang tapat ni Maneng bago naging bayaw, ang lihim na mangingibig ni Mameng ay parang nauupos na kandila sa gayong panonood ng dagandagang sakit. Nagbihis pagdaka. Inalam ang sigalot ng bayaw at kaibigan, handang maglagay ng lagak, nguni’t nalugsong lahat ang mabuti niyang nasa. Nais ni Maneng ang malibing ng buhay; pagdusahan ang nagawa niyang kamalian sa loob ng mapanglaw na bilangguang handa ng kapisanan sa mga salarin.

Ani Selmo nang siya’y makausap:

—Maneng!... Maaaring palawigin ang usap, na isa, dalawa ó tatlong taon. Maaaring mamuhay ka ng tahimik at malaya... At sa panahong ito’y masisikap natin ang patawad. Maaaring ayusin ang gusot na iyong kinapasukan.

—Selmo!—ang boong tigas na tugon ni Maneng—bayaan mo akong maglinis sa tiising nakataan sa akin. Hindî ako maaaring tumahimik sa gitna ng sigalot na aking napasukan sa masamang sandali. Ang huling tawa raw ay siyang lalong masarap. Kung may buhay pa ay maaari pa ring lumigaya.

Gayon nga, samantalang ang kalagim lagim na pamamayani ng lungkot ay naghahari sa kanilang tahanan at sa bawa’t isa nilang puso, ay boong tapang na yinayakap ang kasawian.

Hiningi sa Tagausig na huwag nang palawigin ang usap; hiniling ng boong pagsamo na iharap na siya sa Hukuman at ano mang lupit ng parusa ay kanyang tinatanggap ng boong puso yayamang siya ay may sala.

At ang mga kaibigan ay nangaguunahang maghandog ng samantalang lagak upang ang hatol ay mapaglabanan, gayon din ang mga tulong upang mabawasan ang pasiya ng Hukumang siya ay mabilanggong WALONG TAO’T ISANG ARAW ay mabago, nguni’t walang ibang isinasagot si Maneng kundi: “Salamat mga kaibigan, hindi ko na kailangan ang lumawig pa kahit sandali pa ang laya na sa aki’y bumibigti at nakasasabagal. Tinatawag ako sa bayan ng mga salarin at panibulos ang aking paniniwala na yaon ang aking bayan”. ¡Paalam!

WAKAS

Basahin ang “NEOSAN” karugtong nitó.

Talâ ng Tagapagsalin

Ang mga ilang bilang ng pahina ay wala dahil sa mga tinanggal na blankong pahina at mga pahinang naglalaman ng duplikadong teksto.

Ang Mga Nilalaman ay wala sa orihinal at idinadagdag ng tagapagsalin.

Isinaayos ang pagbabantas (punctuation).

Walang binago sa mga salita sa orihinal, kabilang ang mga di pagkakatulad sa pagbabaybay, paggamit ng gitling, paggamit ng mga tuldik, at pag-eestilo sa teksto, maliban lamang sa mga sumusunod:


Narito ang bahagi ng XXI Kabanata sa orihinal na duplikado ng bahagi ng XXII Kabanata, na may bahagya lamang na pagkakaiba:

At ang kulang palad na si Nati na pinahihirapang kasalukuyan ng pagaalanganin ni Maneng ay nangunguyapit na kasalukuyan sa maiinit na bagting ng tanikala na dulot sa kanya at isinilo ng Anangki niyang nakapangingilabot.

Si Maneng namang yumaon na ay tulad sa isang sasakyang walang ugit; susuling suling na hindi matukoy kung ano ang dapat na gawin.

May mga taong mahihina at agad sumusuko sa mga bayo ng dusa at kung magkabihira’y walang ibang pinagbubuntuhan kundi ang kabiglaanan na masamang gawi o ang dagling pagbibigay sa mga udyok ng pita. Sa diwa ni Maneng ay nagsulpot-sulpot ang mga ala-ala, niyaong mga sawi na nagpapatiwakal dahil sa pag-ibig.

Sa lahat nang yaon ay walang mapili si Maneng na dapat niyang uliranin. Nasusuklam siya sa palad nang mga nagpapatiwakal, na kanyang binababawan ng tawag na duwag at nangagsisitalikod sa katungkulang banal ng tao na makibaka sa buhay.

At boong tapang na tinungo ang kanyang tahanan at nagkulong din sa kanyang silid, at yao’t ditong di mapakali na sinusukat ng kanyang banayad na hakbang ang maaliwalas niyang pahingahan.

—Paano ang mabuti kong gawin?—ani Maneng sa kaniyang sarili.—Pakasal na muli kay Nati pagkatapos na pakasal kay Binay ay ganap na pagpapatiwakal din sa kapisanang ito na aking pinakikipamayanan. Dito’y may mga batas na napakalulupit sa ganitong paglabag. Bakit ba’t di pa ako sa mga bayang tumatangkilik ng Poligamia sumilang? Disin ay di ako naghihirap ng paglutas ngayon nitong magusot na suliranin ng aking buhay.

At napatigil na sumandali, lumikmo sa kanyang maringal na likmuan at pinagwawari ang dapat na gawin.

Mayamaya ay napatampal sa hita at aniya:

—Lutas na ang suliranin kung papayag ang Pastor na nagkasal sa amin ni Binay. Ano ang mawawala sa kanya kung ang talaan ng aming pagkakasal ay mawala halimbawa? Ang salapi ay isang mainam na panilaw. Atuhan natin sa paraang ito. Limang puong libong bagay ang kay daling lutasin, nguni’t ang tao ay napakahangal na sa isa lamang dito, ay natutulig na, at di magkatuto ng paglutas.

At nagmadaling nagbihis.

Sinidlan ng maraming salaping papel ang kanyang kalupi at nagsilid sa dalawang sobre ng tiglilimang daang piso na handang pansuhol sa Pastor ng Iglesia Metodista na kanyang handang upatan.

At nanaog na daglian, nguni’t nasalubong niya ang cartero na nagabot sa kanya ng isang sulat.

Lumulan sa kanyang auto na laging nakahanda at doon na binasa ang liham pagkatapos maipagbilin kay Ikong na pumatungo sa bahay ng Pastor, sa Avenida Rizal.

Gayari ang nasasabi sa liham:

“Maneng ko: Parine kang agad at nang maaga tayong makabalik at ang tatang ay darating daw ngayong hapon.

“Kung pahintulot mo ay ihayag na natin sa kanya ang lihim nating pagiisang puso.

“Siya ay isang taong marunong maghunos dili at kung kanyang makita na huli na ang kaniyang tutol ay maaasahan nating ang kaniyang pakikiayon sa atin, baga mang hindi na yaon kailangan.

“Mabuti na rin ang walang pinangingilagan at inaala-ala. Ano ang sabi mo Maneng?

“Ako’y uhaw na uhaw sa iyong masuyong alo na inaasahan kong di mo ipagkakait sa iyong tapat at tuwina’y mairuging asawa.”

BINAY.

Sinabayan ng punit ang liham, pinaggutay-gutay at ipinalipad sa hanging sumasalubong sa lumilipad niyang sasakyan.

At ang sabi sa sarili:

—¡Tapat na asawa!.... Kung ang lahat ng tapat ay gaya niya, ay baligtad na ang daig-dig. Wala nang taksil; wala nang maituturing pang pagkakanulo sa puring dapat na ingatan at mahalin tuwina... ¡Tapat na asawa!...

At ang bali—Hindi ako pahahalata. Makikipagkita ako kay Binay at kung siya’y madaya ko yamang ako’y dinaya din lamang niya, ay walang salang di magiging mapalad ako sa piling ni Nati.

Samantalang ito’y nangyayari si Nati naman sa gitna ng gayong dagok ng kapighatian ay waring walang ikakaya at ang kaniyang pihikang katawan ay linulupig ng dalamhati.

Ang ulo niya’y parang iginigiba sa paniniwalang siya’y pinaglalaruan ni Maneng at di siya marahil nasang pagtapatan. Ang paniwalang si Mameng ang siyang pinaguubusan ng suyo at sanhi ng gayong alinlangan ay uutas mandin sa kanyang buhay.

[Bumalik sa pahina 110]